2: Ang Bagong Kasambahay

(Pangalawang sulatin ni Dario sa kanyang talaarawan)


Buenas Noches,


Umuwi muna ako sa amin para mamalagi sa aming tahanan at kumuha ng aking mga isusuot. Tahimik ang aking Sabado at Linggo. Labis akong nasiyahan at naghanda sila ng aking paboritong ulam, ang Menudo.


Nang bumalik ako sa dormitorio ngayong Lunes, labis ang aking pagtataka kung bakit nagkukumpulan sa may bintana ang dalawa kong kasamang mga lalaki, na mga kapwa estudyante ko rin. Mukhang may pinag-uusapan sila. Agad ko silang nilapitan para maki-usyoso.


"May bagong kasamabahay na dinala dito si Senyora Simang," paliwanag ni Juan, ang isa sa aking mga kasamahan. "Bata pa, may itsura naman, ngunit ang usap-usapan, bagong kalas lang ito sa kanyang dating nobyo."


"Walang problema kung dating nobyo pala ito," komento ko.


"Ay hindi, tumira raw ito kasama niya sa iisang bubong," pagsingit ni Manuel. "Anong klaseng dalaga iyan para pumayag na makisama sa hindi niya asawa?" ismid nito.


"Kayo naman, wala na tayong pakialam kung pinili niya ang ganyang klaseng pamumuhay," wika ko sabay halukipkip. "Sana makapagtrabaho siya dito nang maayos."


Dumungaw si Manuel sa bintana. Dito namin nakita na mabilis na naglalakad ang isa pa naming kasama na si Emilio, na may palayaw na "Ilyong." Napakunot ang noo nila Manuel at Juan dito hanggang sa makapasok na siya sa may entrada ng dormitorio.


"Bakit parang kabayong humahangos ang ating amigo?" Pagtataka ni Manuel.


"Mga kasama!"


Agad kaming lumingon sa pinanggalingan ng tinig. Nakita namin si Emilio at nang tumigil siya sa aming harapan, siya ay nagbuntong-hininga.


"Anong nangyari sa iyo?" Tanong ni Juan. Pinasadahan ko ng tingin si Ilyong. Pinunasan niya ang kanyang leeg gamit ang kanyang kwelyo.


"Nabalitaan niyo ba ang bagong kasambahay dito?" tanong ni Ilyong.


"Alam na namin, kanina pa," tugon ni Juan dito. "Sandali, bakit parang hindi mo yata gusto ang balita tungkol dito?"


Sasagot na sana si Ilyong nang mapadaan dito sa salas si Senyora Simang at ang bagong kasambahay. Ang nasabing dalaga ay may kulot na buhok na nakalugay hanggang balikat na nakapuyod sa may batok, Suot niya ang isang puting blusa at kulay tsokolate na saya na abot hanggang talampakan. Natural ang kanyang kagandahan at makinis din ang kanyang kutis.


"Halika mga hijo," tugon sa amin ni Senyora Simang. Kaming apat ay agad na lumapit sa nasabing ginang, na siyang may-ari ng aming dormitorio.


"Ito nga pala si Tetay, ang bago ninyong makakasama," pagpapakilala sa amin ni Senyora Simang.


"Magandang araw, Binibining Tetay," magalang na tugon nila Manuel at Juan.


"Buenas dias," bati ko. Tinignan ko si Ilyong sa aking tabi, na nanatiling tahimik. Nang makita ko na nagsalubong sila ng paningin nila Tetay, isang matipid na ngiti ang sumilay sa labi ng dalaga. Nahalata ko na napaurong si Ilyong na para bang iniiwasan ito.


"Maging mabait kayo sa kanya, at tratuhin niyo na parte na ng ating pamilya. Oh paano, pupunta na kami sa pamilihan, kayo na muna ang mga bantay dito," paalala ni Senyora Simang.


"Makaasa po kayo, Senyora," pangako ni Juan.


Marahan na kumapit si Senyora Simang sa braso ni Tetay. Nang paalis na sila, nakita ko na nilingon ni Tetay si Ilyong at ngumiti dito.


Nang makaalis na sila, ako ang unang nagtanong kay Ilyong.


"Napansin ko ang asta ni Tetay sa iyo. Sandali, kursunada ka ba niya?" Pagtataka ko.


Parang nawalan ng boses si Ilyong sa mga sandaling ito.


"Sabi ko na nga ba! Kanina ko pa napapansin!" Halos mapasigaw na si Juan.


"Parang awa niyo na, itago niyo ako sa kanya," pakiusap ni Ilyong. "Alam niyo ba, sinundan niya ako papasok ng unibersidad at nang malapitan niya ako, hinawakan niya ang aking buhok dahil gusot daw ito? Isa sa pinakakinamumuhian ko ay ang may hahawak sa aking buhok o mukha!"


"Mukhang kursunada ka ng binibining iyon!" Panunukso ni Manuel kay Ilyong.


"Diyos ko, kung makatingin sa akin, kulang na lamang ay ako ay matunaw!" Napaikot tuloy ng mga mata si Ilyong at iniwan na kaming tatlo sa salas. Hindi na namin mapigilan na kami ay matawa.


"Mukhang si Binibining Tetay ay nanalo sa lotteria dahil kay Emilio!" Natatawang sinambit ni Juan.


"Hihintayin ko ang mga darating pang araw. Tingnan natin kung anong magiging kapalaran ng ating kaibigan!" Halakhak ni Manuel.


Hindi ko lang masabi, ngunit lihim akong naaawa para kay amigo na si Ilyong. Sana ay hindi siya magambala sa presensiya ni Tetay.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top