16: Ang Afritada

(Mula sa talaarawan ni Dario)


Pinipilit kong makatulog ngayong gabi ngunit ayaw akong patahimikin ng aking naguguluhang isipan.


Ang aming potahe ngayong hapunan ay afritadang baka. Niluto ito ni Tetay sa tulong ni Senyora Simang.


Hindi ko maikakaila na masarap ang kanilang niluto, at lahat kami ay nagustuhan ito.


Ngunit may kakaibang tagpo na naganap sa hapag-kainan.


Bago magtungo si Binibining Tetay sa kusina, narinig ko ang isang komento mula kay Ilyong:


"Aba, napasarap ang iyong niluto, Binibining Tetay."


Lahat kami ay nagtinginan sa direksyon kung saan nakaupo si Ilyong, na malapit sa kabisera. Isang munting ngiti ang sumilip sa kanyang mga labi. 


Lahat sila ay nagpalakpakan sa galak. "Tignan mo nga naman, napangiti ni Binibining Tetay si Senyor Emilio!" Winika ito ni Juan at napatayo siya sa kanyang kinauupuan.


"Gracias!" Abot hanggang mga mata ang ngiti ni Binibining Tetay.


"Emilio, dalhin mo na sa simbahan si Binibining Tetay!" Biro ni Mauricio. Naghiyawan ang lahat ngunit nang mapadaan si Senyora Simang na may kasamang pag-irap, kami ay nagsiayos sa aming mga upuan.


Bihira ngumiti si Emilio, ngunit sa mga sandaling iyon, ang kanyang ngiti ay abot sa kanyang mga mata. Pagkatapos naming kumain at mag-ayos ng lamesa, narinig ko na sinambit ni Tan ang mga katagang, "Ngayon lang ngumiti nang wagas si Ilyong, sa tagal ng ating pinagsamahan."


"Nagustuhan ko lamang ang hapunan, at dapat itong malaman ng nagluto," sagot ni Ilyong.


Sinagi ni Tan si Ilyong. "Kunwari ka pa, mukhang nahuhulog ka na sa pagpapakita ng interes sa iyo ng binibini."


Natawa na lamang si Ilyong sabay lakad papalayo.


Hindi ko nais isipin na nagugustuhan na rin ni Ilyong ang binibini. Ngunit ang tanong sa aking isipan, bakit wagas ang pagngiti ng nasabing ginoo dahil lamang sa afritadang baka na niluto ni Binibining Tetay? At bakit ako nababagabag sa kanyang naging tugon?

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top