12: Pagtulong

(Narrative form)


Pinagmasdan ni Dario ang basang mukha ni Tetay, na nagmula sa mga tulo ng luha sa kanyang mga mata. Magulo na ang pagkakaayos ng kanyang buhok na nakapuyod kanina lamang. Ang manggas ng kanyang blusa ay nakalaylay na kaya nakalitaw ang kanyang kanang balikat.


Ang kilalang Tetay ni Dario ay may kaingayan at masayahin. Ngayon, ang Tetay na nasa harapan niya ay larawan ng hinagpis.


"May problema ba kayo, Binibini?" Tanong ni Dario. Pinilit ni Tetay na tumayo mula sa kanyang pagkakaupo sa sahig, at inalalayan naman ito ni Dario. Inialay niya ang kanyang kamay, ngunit mas kumapit si Tetay sa kanyang braso para makatayo ito sa kanyang mga paa.


"Paano mo ako nadatnan dito sa may ilog?" Maluha-luhang tanong ni Tetay sabay palis ng kanyang mga luha gamit ang maiksing manggas ng kanyang blusa. Inangat niya ang nakalaylay na manggas para takpan ang kanyang kanang balikat, sabay ayos ng kanyang magulong buhok.


"Ako ay namamasyal lamang, nang makita ko ang isang dalagang umiiyak. Hindi ko lubos akalain na ikaw pala iyan," magalang na tugon ni Dario.


"Nakakahiya at naabutan mo pa ako sa ganitong kalagayan." Pinilit ngumiti ni Tetay, ngunit agad din niya itong binawi.


"Sabay na tayong bumalik sa dormitorio," panghihikayat ni Dario.


"Huwag na, dahil tiyak na doon ako hahanapin ng taong aking inutangan," pagtanggi ni Tetay.


"Anong nangyari?" Kumunot ang noo ni Dario.


"Nito lang ay nangutang ako ng salapi para ipalibing ang namayapa kong tiyuhin," kwento ni Tetay. "Sa kanya ako lumaki kasama ang kanyang asawa, at labis na kalupitan ang aking inabot mula sa kanila. Naunang namatay ang kanyang maybahay, at ito ang naging dahilan kaya ako lumayas sa kanila, dahil minsan na akong sinubukang pagsamantalahan ng aking tiyuhin. Wala na akong balita sa kanya hanggang nito lang. Hinanap ako ng dati niyang kasama sa pinapalakad nilang sabungan, para ibalita na pumanaw na ang nasabing tiyuhin. Kailangan daw ng tulong para siya ay ipalibing. Kaya nangutang ako para hindi na nila ako gambalain pa. Kahit lubos ang aking pagkamuhi sa tiyuhin at tiyahin ko na iyon, ginawa ko pa rin na tumulong sa huling pagkakataon. Kahit labag ito sa aking kalooban."


Natulala si Tetay sa malayo. Dumausdos ang isang patak ng luha sa kanyang mata at nagpatuloy.


"Kapag hindi ko mabayaran ang aking inutang na halaga, ako ay ipadadampot ng may-ari ng sabungan at gagawin nila akong tagapagbigay ng aliw sa isa sa mga pinapatakbo nilang casa." Napakagat-labi si Tetay sabay palis ng kanyang luha.


Kumuyom ang kamao ni Dario nang marinig ito. Alam niya ang mga katakot-takot na mga kaganapan kapag ang isang dalaga ay sapilitan na ibebenta para magbigay ng makamundong aliw.


"Nasaan ang iyong inutangan? Dalhin mo ako doon," mariin na winika ni Dario.


"Ginoo, huwag ka nang makialam dito," pakiusap ni Tetay. "Ako ang gagawa ng paraan para lutasin ang aking problema."


"Hindi, dalhin mo na ako doon!" Kinuha ni Dario ang palapulsuhan ni Tetay. Nagitla ang dalaga sa inasta ni Dario, at wala na siyang magawa kundi ayain siya sa kanyang inutangan.


Dinala siya ni Tetay sa labas ng Intramuros. Binagtas nila ang isang tulay at nakarating sila sa Binondo. Nagtungo sila sa isang kabahayan sa dulo ng siyudad, kung saan may bahay na bato na sira-sira ang mga bintanang Capiz sa itaas.


Tumigil sila Dario at Tetay sa harapan ng pintuang kahoy. Kupas na ang pinturang pula nito at may pangkatok na gawa sa metal. Inangat ni Dario ang kanyang braso at tatlong beses siyang kumatok dito.


Nagbukas ang pintuan at isang mamang may katabaan ang bumungad sa kanila. Nang makita niya si Tetay, isang malisyosong ngiti ang namutawi sa kanyang mga labi.


"Aba naman, tila pabor ang pagkakataon sa akin! Ang binibini na mismo ang nagpunta dito para ialay na pambayad ang kanyang sarili!"


Sa takot ay napaurong si Tetay at nagtago sa likod ni Dario. Buong-tapang na hinarap ni Dario ang lalaking ito at nagtanong. "Magkano ang iyong kailangan para mabayaran ang utang ng kasama kong binibini?"


Kinamot ng lalaki ang kanyang baba habang pinasadahan ng tingin si Dario. "Aba, mukhang may kaya ang isang ito! Gusto mo na ikaw ang mauna sa dalagang iyong kasama?"


"Hindi magiging parausan ang aking kasamang dalaga!" Agad na kinuha ni Dario ang kanyang pitaka mula sa loob ng kanyang bulsa. Binuksan niya ito at nilantad ang ilang mga piraso ng peso fuerte na perang papel. Lumapit ito sa lalaki at sinampal niya ng bulto-bultong mga perang papel sabay bato sa kanyang mukha.


"Ayan na ang salaping iyong minimithi!" Bulyaw ni Dario sa lalaki, na natulala na sa kanyang inasta. Kumuha pa si Dario ng mga barya at pinagbabato niya ang lalaki na may ari ng sabungan at ang casa na kanilang pinuntahan ngayon. "Di ka pa nakuntento? Ayan, pulutin mo ang mga baryang aking binibigay para pambayad-utang sa aking kasama! Magmula ngayon, huwag mo na siyang gagambalain pa at iwan mo na siyang mag-isa! Kapag di ka tumupad sa ating usapan, ipapagsabi ko sa mga kinauukulan ang pagbabanta mo sa kanya."


Sinulyapan ni Dario si Tetay sa kanyang likuran. "Kami ay makaaalis na. Pulutin mo na iyang mga salapi at isaksak mo sa baga mo!"


Kinuha ni Dario ang kamay ni Tetay at kapwa na sila naglakad papalayo sa casa. Napabuntong-hininga si Dario sa gitna ng kanilang mga hakbang. Nakatawid na muli sila sa tulay na patungong Intramuros, at nang makarating na sila sa bukana nito, natigilan si Dario nang marinig niyang magsalita si Tetay sa kanyang likuran.


"Maraming salamat, Ginoong Hernandez."


Agad napalingon si Dario. Dito niya naramdaman na hawak pa rin niya ang kamay ng dalaga. Lihim siyang napahiya sa kanyang sarili, at mas lalo pa siyang nagulat nang yakapin siya ni Tetay.


Nanatiling nakapako si Dario sa kanyang kinatatayuan. Tuluyan nang lumuha si Tetay sa kanyang balikat at hinayaan lang niya ito. Gusto niya ito yakapain pabalik, ngunit pinigilan niya ang kanyang sarili. Bumulong na lang ito sa kanya.


"Binibining Tetay, wala ka nang problema pa tungkol doon."


Kumawala si Tetay sa kanyang pagkakayakap at maluha-luhang ngumiti kay Dario. "Sa...salamat. Salamat sa pagtulong mo sa akin. Mauuna na ako, baka makita pa tayong magkasama. Sa atin lang ang lihim na ito, pakiusap."


Tumango na lamang si Dario. Naglakad na papalayo si Tetay at iniwan na siya doon sa kanyang kinatatayuan, sa may pampang ng Ilog Pasig kung saan sila nagkita kanina lamang.


Napatingin si Dario sa kalangitan. Takipsilim na at nagsisimula nang magpakita ang mga munting bituin na parang nakangiti sa kabutihan na kanyang nagawa.


Wala na akong salapi, ibinayad ko na ang lahat para sa binibini. Ngunit hindi ako nagsisisi na siya ay aking natulungan. Naisalba ko ang kanyang puri at dangal.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top