11: Pagluha
(Mula sa talaarawan ni Dario)
Buenas Noches,
Namalagi ako sa aking tahanan sa Sampaloc para sa Sabado at Linggo. Buti ay nakapagpahinga ako mula sa aking mga aralin ng mga nagdaang araw.
Labis na nangulila ang aking ina. Malugod niya akong niyakap nang makarating ako noong Sabado ng umaga. Agad niya akong pinaghanda ng merienda para sa umaga, na isang platitong biscocho at isang tasa ng mainit na tsokolate. Hindi ako makatanggi sa kadahilanan na ako ay busog pa, kaya kinain ko ang mga handa ni mama habang kami ay nag-uusap sa may azotea.
Tinanong ako ni Mama kung kumusta ang aking pag-aaral. Aking naging tugon ay maayos ang aking mga grado. Naitanong din niya kung mababait ba ang aking mga kasama sa dormitorio. May mga kaibigan ako doon, at mabuti ay napanatag ang kanyang kalooban.
Ngunit hindi ko naikwento sa kanya na minsan ay inaaway kami ng aming mga kapwa estudyante na purong Kastila. Minsan din akong napasabak sa pakikipaglaban sa kanila at nagkaroon ako ng mga pasa. Hindi ko gusto na maging alalahanin pa ako ni Mama habang wala ako sa aming tahanan.
Nakalimutan ko palang magkwento tungkol sa aking pamilya. Ang aking ama ay isang parmasyutiko at may-ari ng isang tindahan ng mga gamot sa Binondo. Ang aking ina naman ay nagpapatakbo ng isang negosyo ng mga kasuotang pormal. Mayroon akong nakatatandang kapatid na lalaki, na may sarili nang pamilya. Sila ng kanyang asawa ay may dalawang anak na kambal na lalaki, na tatlong taong gulang.
Nang dumating ang araw ng Linggo, kami ng aking mga magulang ay sabay na dumalo sa banal na misa. Nakatakda akong bumalik sa dormitorio nang mga bandang gabi. Pagdating ng pananghalian ay kami ay nagsalo-salo habang kumakakin ng morcon, pastel na manok, at leche flan para sa panghimagas. Mabuti ay hindi naging palatanong si Papa tungkol sa aking buhay estudyante. Mas napag-usapan nila ni Mama ang tungkol sa kani-kanilang mga trabaho at pati na rin sa aking Kuya.
Nag-siesta muna ako sa aking kwarto. Nang ako ay magising ay nag-impake na ako ng aking mga babauning damit pabalik sa dormitorio. Hindi na ako kumain ng merienda sa amin. Nagpaalam ako sa aking mga magulang at agad nang sumakay ng calesa pabalik sa loob ng Intramuros, kung saan nandoon ang Dormitorio de los Hijos.
Iniwan ko muna ang aking mga kagamitan sa aking kwarto at naisipan mamasyal muna. Wala pa sila Juan at Manuel, at si Ilyong naman ay sa gabi pa raw darating.
Habang ako ay namamasyal, dinama ko ang sariwang hangin na dala ng paparating na takipsilim. Patuloy ang pag-usad ng mga tao sa paligid, mula sa mga Guardia Civil na nagbabantay sa buong Intramuros, ang mga ale na may mga dalang bilao ng kanilang mga paninda na kakanin o tuyong isda, at ang mga may-kayang Kastila na kapwa rin namamasyal katulad ko.
Nang makarating ako sa may pampang ng Ilog Pasig, agad kong nakita ang isang binibini na nakaupo sa sahig at yakap ang kanyang sarili. Nakatakip ang mukha nito at halata ang kanyang pagtangis. Tahimik ko siyang nilapitan at marahan na tinanong kung siya ba ay may problema.
Nang inangat niya ang kanyang ulo, ito pala ay si Binibining Tetay.
"Ginoong Hernandez...paano niyo po ako natagpuan dito?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top