Si Notnot

Naliligaw. Tirik ang araw.

Panay ang aking lingon sa bawat kanto. Nakailang ikot na ako ngunit tila hindi ko mahanap ang tahanan ni lolo. Siya ang pinakasikat na tao sa baryo. Ang matandang tampulan ng usap-usapan mabuti man o masama noong nabubuhay pa.

"Tonton?" Napalingon ako sa matinis na boses na tumawag sa aking pangalan. Isang matandang babae na tila malong lamang ang suot.

"Kayo po si?" naiilang kong tanong.

"Susan! Grabe ka naman. Kinalimutan mo na 'ko," halakhak niya.

"Alam niyo po ba kung nasaan ang bahay ni Lolo Lando?" Inalis ko bahagya ang suot kong sumbrero. Pinasingaw ko ang init sa aking ulo. Nang maginhawaan ay muli akong nagtaklob. Hindi ko namalayang baliktad na pala ang aking pagkasuot.

"Ay! Ang sinaing ko!" natatarantang sigaw ni Aling Susan. Hindi niya sinagot ang tanong ko at mabilis na nagtungo sa isang eskinita.

Ganito pa rin ang probinsya namin sa Isulan, Sultan Kudarat. Halos walang pinagbago. Isang maliit na baryo na nasa gitna ng makapal na gubat. Mahirap ang signal. Tatlong oras ang biyahe sa pinakamalapit na siyudad.

Ang bantot ko na.

Sinimulan kong sumilong muna sa paradahan ng tricycle. Basa na ng pawis ang damit ko dahil sa ilang oras kong paglalakad. Kumuha ako ng isang malinis na damit. Iginala ko ang aking tingin sa paligid at napansin ko namang walang tao. Inaalis ko na ang suot ko nang may biglang nagsalita.

"Ikaw iyong apo ng pinag-uusapang albularyo, 'di ba?" sabi ng isang tricycle driver. "Hatid na kita."

"Hindi na. Malapit na rin naman ang pupuntahan ko," tugon ko. Mabilis kong hinubad ang aking suot at pinalitan ng bago. Padabog na humarurot palayo ang lalaking kausap ko.

"Anong problema niya?"

"Baka nainis dahil wala siyang pasahero," saad ng isang dalagang naglalakad palapit sa aking sinisilungan. May dala siyang payong na may mga bulaklak na dekorasyon. "Ikaw ba ang apo ng albularyo?"

"Oo. Dalawang dekada bago ulit ako nakabakasyon."

Inayos kong muli ang mga gamit ko at handa na akong tumapak muli sa sikat ng araw.

"Alam mo ba ang kumakalat na balita tungkol sa lolo mo?"

May kung anong nagpanting sa aking tainga.

"Na may duwendeng alaga ang lolo ko?" naiinis kong sagot. Hindi ko siya nilingon. Madalas pag-usapan sa bayan namin ang lolo ko dahil sa mga gawain nito. "Puwede ba? Tantanan n'yo na ang lolo ko. Kamamatay lang-"

Lilingunin ko na sana siya ngunit bigla siyang nawala sa paligid. Napayuko akong bigla sa aking damit. Doon ko lang napansin na baliktad na naman pala ang pagkakasuot ko. Sa muli kong pagtingala ay nakita ko ang palatandaan ng bahay ni lolo. Isang malaking puno ng lansones na nasa labas lang ng bahay.

Wala pa ring bunga.

Hindi ko na inayos ang suot ko. Maging ang pagkakabusangot ko ay napalitan ng tuwa dahil natagpuan ko na rin sa wakas ang bahay namin.

Walang tao sa bahay. Agad akong nagtungo sa kama. May malaking bintana sa gilid. Doon ay abot-kamay ang puno ng lansones. Ang liwanag sa labas ay unti-unti nang nagiging kahel. Ang mga ibon ay nagsisiuwian na hudyat na malapit nang gumabi. Dahil sa sobrang pagod, ako ay nakatulog agad.

Alas tres ng madaling araw nang magising ako. Tila may isang maliit na tao na nagsasalita sa gilid ng aking tainga. Boses na sobrang hina ngunit napakatinis. Mabilis akong napabalikwas. Hindi ko maintindihan ang lenggwahe na mabilis niyang binibigkas.

"Wala naman akong alarm," saad ko habang sinusuri ang aking cell phone.

Pinaandar ko ang flashlight. Bahagyang nawala ang mahinang boses. Isinardo ko agad ang hawak ko ngunit wala pang limang segundo nang may muling magsalita.

Pinakinggan kong mabuti ang pinagmumulan ng kakaibang tinig. Kinakapa ko ang kama hanggang sa masanggi ko ang dala kong bag.

Biglang nawala ang boses

"Baka pagod lang 'to," bulong ko. Kinuha ko ang bag at nilagay malapit sa bintana. Bumalik ako sa kama at mabilis na nakatulog.

Tila ako ay nananaginip.

"Tonton!" tawag sa akin ng pamilyar na boses. Napalingon ako sa bintana. Doon ay may isang maliit na batang nakasando na puti. May suot siyang salakot na kayumanggi. "Tonton, tara. Dali!"

"Notnot?" Kusang lumabas ang kanyang pangalan sa aking bibig. Tila isang batang matagal ko nang kakilala.

"Ako nga! Sumama ka sa akin, hindi ka ligtas dito!" bulyaw niya.

Boluntaryong gumalaw ang katawan ko. Huli na nang matagpuan kong tumatakbo kami. Sa bawat hakbang ko ay para akong lumiliit. Ilang saglit pa ay nakita kong pumapasok na kami sa maliit na butas sa ilalim ng puno ng lansones.

"Gumigising na siya!" Nagising akong muli sa kuwarto dahil sa sigaw ng aking tatay. Sa aking kanan ay ang nanay kong umiiyak. Sa aking kaliwa ay ang tatay kong abala sa pagkapa sa pulso ko. Sa aking paanan ay si Lolo Lando na may hawak na insenso. Masigla, nakatayo, humihinga nang wasto.

"Lolo?" Napabalikwas ako sa kama. Nilingon ko ang paligid at tirik na ang araw sa labas. "Buhay ka?"

"Oo," tugon niya. "Anong naalala mo?"

"Buong araw akong naglalakad sa baryo kahapon. Hirap na hirap akong hanapin ang bahay mo," tugon ko.

"Naengkanto ka, Tonton," sabi naman ni tatay.

"Ano pong naengkanto? Nandito ako kahapon," natatawa kong sagot. "Itanong niyo pa kay Aling Susan, pati roon sa babaeng naka payong na bulaklakin at sa masungit na tricycle driver."

May inihagis sa aking pahayagan si Lolo Lando.

"Sila ba ang mga tinutukoy mo?" tanong ni lolo.

Halos malaglag ang panga ko. Sa harapan ay may isang larawan ng tatlong tao na naaksidente sa gitna ng kalsada. Isang babaeng nakamalong, isang babaeng nakapayong, at isang tricycle driver na bulagta sa aspalto.

"Buti binaliktad mo ang mga damit mo. Kundi, hindi ka na nakauwi," dagdag pa ni lolo.

"Dalawang dekada akong naliligaw?"

"Dalawang araw kang tulog!"

Napatingin ako sa suot ko. Nakalabas nga ang tatak ng aking t-shirt. Mabilis akong napalingon sa aking bag. Muli kong naalala ang mahinang boses na narinig ko kagabi.

"Si Notnot?" tanong ko.

Nanlaki ang mata ni lolo sa pangalang aking binanggit. Sabay kaming napatingin sa puno ng lansones.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top