KABANATA XXXIX - Interment Cafe
"TIFAAAAAAA!"
Tangan-tanga si Mira dagli akong tumakbo tungo sa pinanggalingan ng sigaw ni Tifa.
Ngunit biglang lumagapak ang pinto pasara sa aking mukha kung kaya't di ako nakalabas. Ayaw pumihit ng hawakan kaya binangga ko ito ng aking braso. Pero masakit pala, nangilo ang ngipin ko kaya't sinipa ko ito. Nagpagod lang ako dahil hindi ito natinag. Pinausog ko ang bata at nilabas ang Balisword para sirain ang pintuan.
Pumosing ako na palang Voltez V pag gagamitin ang laser sword sabay marahas na hinawa ang pinto.
*Klangg!*
Tumalbog ang espada ko. Pakiramdam ko nayanig din ang aking mga buto sa pwersa nila. Pero mas nayanig ako sa katotohanang di ito tinablan ng Balisword.
Inulit ko uli, isa, dalawa, at marami pang beses, napupunit na ang balat sa aking palad ngunit di man lang ito natinag. Pero dala ng galit at pagaalala di ko makuhang tumigil.
"Sinasayang mo ang lang oras mo. Hindi mo masisira yan." Sabi ni Betty na nakatayo lang run sa pwesto. Tila naaaliw sa aking pinapakita.
"Anong ibig mong sabihin?" Gigil kong tanong sa kanya.
"Balahibo ng minokawa yan tama? Isa yang mapanganib na sandata na kayang humiwa ng halos kahit ano sa mundo. Sa mundo nyo. Sa kasamaang palad wala ka sa mundo nyo." Sabay tumawa sya.
"Ang buong bahay na ito ay isang hiwalay na mundong gawa namin ng asawa ko mula sa ilang espesyal na materyales. Natural lang na lagyan namin ng matibay na proteksyon ang kabahayan na ito laban sa mga tulad ninyo, lalo na sa mga pintuang gaya nyan."
"Pwes buksan mo ang pinto, kung hindi mapipilitan akong saktan ka!" Banta ko.
"Ganyan naman kayong mga lalake eh, lagi nyo nalang kaming sinasaktang mga babae." Sagot nya.
".....Ibang sakit yang tinutukoy mo. Saka wag mo kaming lahatin! At wag mong ibahin ang usapan! Buksan mo ang pinto kundi sasak-- papatayin kita!" Buong galit kong tugon.
"Yun ooh, sadista ka. I like it." Kinindatan nya ko, bigla akong natakot. Delikado sya. Sa maraming aspeto.
"Pero sasabihin ko sayo, hindi mo gugustuhing patayin ako o kahit ang asawa ko kung ayaw mong gumuho ang mundong ito na gawa namin at makulong kayo habambuhay haha."
Nanginginig nako sa galit, hindi ko alam ang gagawin ko, gusto ko sya sakalin, kung di lang nanlilimahid yung leeg nya.
Hinawakan ni Mirasol ang aking kamay at pinisil ito. Nakamulat ang kanyang mata na minsan lang nyang ginagawa. Sa tibay ng titig nya aakalain mong nakikita nya ako, kung di lang kulay puti ang itim ng kanyang mata, parang ulap na tumatakip sa liwanag ng buwan sa kalangitan.
"Wag kang magalala kuya, nandun naman si ate Makie, hindi nya papabayaan si ate Tifa." Mahinahon nyang sabi.
Hindi ko maipaliwanag pero kumalma ako dahil dun. Siguro kasi ngongo sya magsalita, nagpipigil kasi huminga sa ilong. Pero tama sya, wala akong dapat alalahanin lalo pat nandun si Makie. Pasalamat narin ako at magkasama si Jazz at Ever, sigurado akong hindi nya pababayaan ang bata.
Kailangan magisip ako ng paraan kung paano kami makakatakas sa dalawang tampalasang nilalang nang di sila pinapatay. Ang una kong kailangan gawin masira ang pintuan, o utakan ang batibat para buksan ito para sa amin.
Pero paano ko gagawin yun?
Muli kong hinampas ang pinto gamit ang Balisword pero di tulad nang dati, mahina na. Naghahanap kung may manipis na parte pero wala. Sa malapitang inspeksyon napakakinis nito, parang gawa sa marmol pero kulay itim.
"Itong materyales na sinasabi mo... Itong pinto... Saan ito gawa?"
"Wag mo nang itanong iho, hindi mo gugustuhing malaman. Wag mo ring alalahanin ang mga kaibigan nyo, hindi naman sila papatayin ng aking asawa. Hindi pa sa ngayon hahaha."
Neknek nya, akala nya naman ligtas yung asawa nya kay Makie. Baka magulat nalang sya at si Neskapre pa ang bumulagta sa kanila. Yun nga lang wag sana patayin sya ni Makie, warfreak pa man din yun. Pag nagkataon, yari.
"Yung ibang naligaw rito, malamang hindi nyo sila pinapauwi, anong ginawa nyo sa kanila?" Tanong ko.
"Tulad nang sabi namin kanina, dinadala namin sila sa tamang daan."
Hinimas nya ang kanyang tyan na parang kakakain lang.
"Mga walanghiya kayo. Akala ko ba mabubuting batibat at kapre ykayo? Niloko nyo kami!"
Umakto syang nagulat at humawak sa dibdib na tila nasaktan sa tinuran.
"Nagkakamali ka iho." Pailing nyang sabi. "Ang sinabi namin may mababait at masasamang batibat at kapre. Pero may naaalala ka bang sinabi namin kung saan kami nakapanig? Wala. Inakala nyo lang na mabuti kami at di namin ito itinanggi. Hindi namin kayo niloko, papaniwalain lang kayo."
Tumawa sya na walang pakundangan na nagresulta ng lindol sa kanyang bilbil. Masusuka ata ako.
"At ano ba ang masama at mabuti?" Tanong nya. "Yun ang hindi namin maintindihan. Ang kunseptong ito ay nilikha lamang ninyong mga tao. Kapag pinatay ng leon ang usa sasabihin nyo masama sya, pero pag nalaman nyong ginawa nya ito para pakainin ang nagugutom nyang mga anak, mabuti na sya. Wala namang nagbago sa ginawa nya, pinatay nya parin ang usa. Ginagawa nya lang ang dapat nyang gawin, kayo lang ang humuhusga. Walang masama at mabuti iho."
"Meron! Akala mo lang wala, pero meron, meron, MERON! Merong masama! Kagaya ng mukha at amoy mo. Masamang masama!" Tugon ko.
"Gusto sana kitang sampalin kaso ang layo mo, pwede ka bang lumapit?"
"Ano ako masokista? Hindi na uy. At kung sa tingin mo gaya ng leon hindi mali o tama ang ginagawa nyo, nagkakamali kayo, pipigilan namin kayo sa kung anoang balak nyong gawin sa amin."
Matikas kong sagot sa kanya. Gusto kong ipakita na kahit anong ibato nila sa amin di kami magpapatalo.
"Teka kuya, naguluhan ako." Ani ni Mirasol. "Kung nagkakamali sila na hindi mali o tama ang ginagawa nila, ano na yun? Tama na ba yun o mali? Kung tama na sila o mali, ibig bang sabihin nun hindi na sila nagkakamali?"
Natigilan kami. Pati utak ko tumigil. Napa kamotanga ako. Alam mo yun? Yun nagkakamot ka ng ulo kapag feeling mo tanga ka. Kamotanga.
"*ehem*Tena kain na lang tayo, sumakit lang ulo ko eh." Pagbago ng topic ng batibat. Napaka giliw ng kanyang paganyaya.
"Sige salamat, nagugutom narin ako eh. Ugok mo! Tingin mo kakainin ko yan? Kadiri! Lalo na yan! Buhay pa yang kung ano man yan eh!" Turo ko sa... sa kung ano mang tawag dun.
Para syang askal na medyo malaki pero payat. Mas malalaki lang ang mga ngipin na nakalitaw kahit nakatali ang bibig nito. Nung tinuro ko sya tumingin ito ito sa akin at ginalaw ang kanyang buntot. Gumawa rin sya ng ingay na parang asong umiiyak. Cute sana sya eh... kung di lang ito, alam mo na, halimaw.
"Nakakain kana sa isang seafood restaurant? Yung pwedeng mamili ng sariwang isda sa aquarium para katayin at lutuin sa harapan ng kakain? Parang ganito lang yun."
"Hindi yan mukhang seafood." Tugon ko.
"Wag kang mapili, maraming batang nagugutom sa mundo ang di nakakakain."
"Sorry ka, Napili ako kaya mapili rin ako. At kahit maraming batang nagugutom sa mundo, walang ni isa sa kakain nyan." Tumitig ito lalo nung naramdaman nyang sya ang pinaguusapan. Nagpatuloy ang paggalaw nya ng buntot. "Ano ba yan?"
"Eto? Isa itong Wirwir(*1). Bata pa kung pagbabasehan ang laki. Naligaw rito dahil naghahanap ng makakain, kaya ngayon sya naman ang kakainin namin, malas nya lang. hahahaha."
Napatingin uli ako rito. Parehas kami nang kinasadlakan. Parehas naligaw at nakulong sa mundong nilang ito at ngayon balak syang ipakain sa amin, buti nalang at nagising ako sa ilusyong tumama samin.
Ibig bang sabihin kung hindi kami makakatakas dito matutulad kami sa kanya? Magiging pagkain ng susunod na naligaw? Syete.
Hinaplos ng batibat ang katawan ng wirwir, wari'y tinatantya ang kalidad ng karne nito. Nanginig ito sa takot at tila umiiyak.
"Wag kang matakot sweety, hindi ito masakit." Malambing na sabi nito sa wirwir.
".....wag" wala sa loob kong bulong.
Sinubukang tumayo ng wirwir ngunit dahil nakatali ito para lang itong isdang nagpupumiglas sa lupa. Diniinan ng batibat ang bandang dibdib para hindi maglikot.
"Matatapos din agad ito nang hindi mo mamamalayan."
Wag... Itigil mo yan."
Inangat nya ang kanyang malaking patalim, halos bumula ang bibig sa pagkasabik sa karimarimarim na gagawin. Nagwawala ang wirwir at pilit na kumakawala pero hindi ito sapat para makatakas sa kuko ng kamatayang papalapit sa kanya. Tumingin ito sa akin at nagtama ang aming mga mata.
Nanghihingi ito nang tulong.
"Salamat sa biyayang iyong handog sa amin, paalam!"
Binagsak nya yung patalim.
"WAG!"
*KLAGZZHHZT!*
Kumilos nang kusa ang aking katawan nang di ko inaasahan. Kinatagpo ng balisword ang kanyang sandata. Di ito nahiwa, marahil gawa rin ito sa "materyales" na yun. Pero di tulad ng pinto na di natinag, napansin kong nagkaroon ito ng lamat.
Hindi naghiwalay ang aming sandata, nagkakaroon ng kislap sa pagkiskisan ng patalim habang nagtatagisan kami ng lakas.
"ANONG GINAGAWA MO?! WAG KANG MAKIALAM!"
Hindi ko rin alam. Alam kong isa ring halimaw ang wirwir, maaring nasa masamang panig din ito pero hindi ko kayang manood nalang sa balak nyang gawin.
"Hindi mo sya sasaktan, lalo pa sa harap ko. Hindi kita pwedeng patayin pero hindi ibig sabihin na hahayaan ko lang ang kasamaan mong ito."
"Pwes, mauuna kitang katayin kaysa sa kanya!"
Lalo nyang diniinan. Sa pwesto namin para nya akong binabaon sa lupa habang ang balisword lang ang depensa ko pagpigil dito. Sa tunggalian ng lakas dehado ako. Anong panama ng isang binatilyong medyo cute sa dabyanang galisin. Ang masama pa nito, ni hindi ko mahawakan kahit yun patag na parte ng balisword. Sa sobrang talas nito maari akong maputulan ng daliri sa konting dampi.
At dahil sa napapausal ako sa bigat at hirap, nagpasya si mirasol na tumulong. Dumampot sya nang kung anong makapa nya sa sahig, at binato sa direksyon namin.
Salamat sa kanya may tumamang nabubulok na something sa pisngi ko at kumapit dun, ni hindi ko mapunasan dahil baka mataga ako ng batibat. Diko alam kung ako yung tinutulungan nya o si Betty. Sarap umiyak sa bahay.
"Tama na Mira! Wag ka nang mamato!"
"Tama na kuya? Nakatulong na ako?"
"Oo nakatulong ka (sa kalaban), thank you very much. Pumunta ka nalang sa gilid at magtago!"
"Ok sige po!"
Naglakad sya, naupong pafetus formation at tinago ang mukha sa kanyang mga kamay. Sa tabi ko.
"Bakit ka lumapit! Wag ka rito! Sabi ko sa gilid ka eh!"
"Anong malay ko kung asan yung gilid? Bulag nga po ako diba? Sus!"
Oo nga pala. Tehee.
Lalong bumigat ang atake ng batibat, malapit na akong mapaluhod. Unting unting bumababa ang sandata ko at lumalapit na sa pwesto ng wirwir. Halos mabasag na ang mga ngipin ko sa pagtutulak nito pataas pero pakiramdam ko mauubusan na ako ng lakas at susuko na ang kamay ko.
Sakto namang pasok nila Jazz at Ever na nagtatawanan mula sa pasilyo.
"Ganun lang lagi ang gagawin mo totoy, ipitin mo sabay pigilan, hintayin mo yung bubulwak na para...." Nahinto sila at napatingin sa itsura ng lugar at sa amin. Pati kami natigilan. "Uhhh... Nakakaistorbo ba kami?"
Umiling ako at tumango naman si Betty.
"Ahh ok. WAHHHHHHHHHHHHH!" Biglang sigaw ni Jazz na tinuturo yung putahe. "Ang daming bulate! Ayosssss!"
Nagulat ang batibat sa sigaw ni Jazz, gumaan nang bahagya ang kanyang sandata at di ko pinalampas ang pagkakataong yun. Iwinaksi ko ang kanyang sandata, dinampot ang Pancit uod sa harap ko at ibinato sa mukha ni Betty. Pati yung mainit na Kare-karemarim ibinanli ko rin sa kanya. Pumalahaw sya sa sakit. Parang ninja naman si ever na binuhat yung kapatid nya palayo.
"MILO! BAKIT MO GINAWA YUN?! HINDI IYON TAMA!" Sigaw sakin ni Jazz. Sumagot ako matapos kong hiwain ang tali ng wirwir na biglang tumakbo palayo.
"Kalaban sila Jazz! Balak nila tayong lasunin, wala talaga silang planong patakasin tayo rito. Niloko nila tayo!"
"Hindi yun ang tinatanong ko, bakit mo tinapon yung bulate?! Madumi na tuloy."
"........ May malinis bang bulate?"
"....sabagay. Pero hindi rin, alam kong may malinis din na bulate--."
Biglang tumayo ang batibat at ibinaliktad yung lamesa. Table flip jutsu. Napatalon paiwas ni Jazz sa magkaibang dereksyon.
"Tulungan mo nalang muna ako labanan sya Jazz, palitan ko nalang yan ng thunderbird. Bawal nga lang sya patayin, di na tayo makakalabas dito. Subukan natin syang patulugin."
"Masusunod... Pero paano natin gagawin yun?"
"Nakit di nalang natin kantahan ng uyayi(lullaby)" biro ko.
"Ngewk ngewk ngewk." Epal ni ever na kinikiliti ang sariling kilikili. Badtrip talaga tong batang to
"Ever, Mira!" Tawag ko sa dalawa. "Nakasarado yung pinto at di ito mabubukasan kahit sirain. Subukan nyo maghanap ng ibang daanan"
Tumango naman sila. Medyo duda nga lang ako na makakahanap si Mira ng daan.
Sa galit ni Betty sa ginawa ko, pinagdiskitahan nya ako agad. Tinaga nya ako na agad kong sinalag pero sa lakas ng pwersa halos lumipad yung balisword buti diko nabitawan. Kada hampas nya napapatilamsik ang braso ko na parang babalian ako ng buto. Wala akong panahon para gumanti ng atake. Isang malaking pagatake pa nya na nasalag ko ay biglang tyumempo si Jazz ng paglusob di ito nakatakas sa pansin ng batibat na agad tinaga ang superman-ok sa pahigang linya. Yumuko si Jazz at linampasan sya nito umikot sya at hinampas nya sa tagiliran si Betty.
Pero ang tagumpay na ito ay di nagtagal, sa taba ng batibat at nawalan ng bisa ang hampas na iyon.
Bumalik yung sandata ni Betty mula naman sa kabilang dereksyon, tumalon paatras si Jazz. Ang di nya alam isa itong patibong. Gamit ang kabilang kamay hinawakan nito ang binti ni Jazz at ibinato ito sa sulok ng kwarto kung saan tumama sya sa tukador saka binagsakan nito.
"JAZZ!" Sigaw ko.
Dahil abala sa ginawa nya kay Jazz nagkarun ako ng pagkakataong malapitan si Betty pero taliwas ang bilis nito sa kanyang pangangatawan. Tinaga nya ako papaba na aking naiwasan, nawasak nito ang sahig na tinamaan. Umikot ako at inatake ang katawan nya na walang depensa. Ilang pulgada ang layo ay tumigil ako. Muntik ko nang malimutan na hindi ko sya pwedeng patayin. Tsk.
Ginamit ng halimaw ang pagkakataong yun, inatake nya ako sa tagiliran, agad ko naman ipinusisyon ang balisword para saligin ang atake nya. Na hindi dumating. Huli na nang malaman kong patibong din ito, at nalaman ko ito sa masakit na paraan. Bumaon sa kabilang tagiliran ko ang hampas ng kanyang kamay kaya tumalksik ako at gumulong sa sahig. Nung tumigil ako agad kong sinubukang tumayo. Dun ko naramdaman na parang may mali sa katawan ko.
Nabalian ako ng tadyang.
"Araayyy!!! @#$^*!" Namilipit ako sa sakit pero pinilit kong tumayo nung lumalapit sya sa akin. Iilagan ko sana ang sunod nyang atake nang napuna kong nasa likuran ko ang kambal. Hindi nako nakaiwas sa takot na mapagbalingan ang dalawa. Sinalag ko ang una nyang atake. KLANG! Tumirik ang aking mata sa malakuryenteng dumaloy sa aking tagiliran. Paulit ulit nya akong inatake at bawat salag at tila nababawasan ako ng malay. Dumidilim na ang paligid ng aking paningin at nalalasahan ko ang dugo sa aking bibig.
Pumuwesto sya na para akong kahoy na sisibakin nang biglang kung saan dumating ang di ko inaasahang tagapagligtas. Nilapa ng wirwir ang kanyang binti dahilan para mawala sya nang balanse. Nabitawan nya sa sakit ang kanyang patalim, sinubukang sipain ang nakakagat pero dahil sa bigat nanganganib syang tumumba. Yumukod ito para abutin ang wirwir saka namang biglang Mcsumampa sa likuran ang nuo'y nanumbalik na si Jazz.
"PARA SA THUNDERBIRD!!!!" Hiyaw ng manok. Sinakal nya ang batibat gamit ang arnis. Sa pagkakabaon nito sa triple chin di ito mahawakan ni Betty. Sa pagitang ng paglapa ng wirwir at pagsakal ni hindi malaman ng batibat kung ano ang babalingan. Umatras ito at binangga nya sa pader ang aking kaibigan na hindi natinag ang pananalig sa thunderbird kaya di nakabitaw. Hanggang sa tuluyang nanghina ang batibat, bumula ang bibig at bumagsak nang padapa. Ilang sandali pang nanatili si Jazz bago sya tumayo.
"Patay naba sya?" Tanong ni Ever.
"Hindi nakatulog lang."
"Baka naboring kaya nakatulog?" Sagot ko.
Di nila ako pinansin. Ok lang, sanay nako nang di pinapansin. Buti nalang yung wirwir mabait, nakaupo lang sa tapat ko at nakatanghod sakin na parang aso. Niligtas nya ako. Maaaring binabalik nya lang qng tulong ko sa kanya, pero sa tingin ko kahit isa syang halimaw di nya kami sasaktan.
"Sino naman yan, alaga mo?"
"Hindi. Ulam dapat natin yan kanila. Pinakawalan ko lang bago katayin."
"Pakiramdam ko hindi nako gutom... May sugat kaba kuya?" Tanong ni Ever nung napansin nyang hawak ko ang tagiliran ko.
"Wala. Nabalian lang ako ng buto, sarap nga eh, para akong nabundol. Wag mo na akong tangkaing pagalingin kundi aapiran kita sa ulo ng lamesa. Ang mahalaga makalabas tayo rito at nanganganib sila Tifa." Sagot ko.
"Pero kuya Milo paano yan wala kaming ibang daanan?" Tanong ni Mirasol.
Walang sumagot sa amin. Syempre anong reaksyon namin run? Di namin alam kung seryoso o nagbibiro lang sya sa sinabi nya.
Tumakbo ang wirwir tungo sa pintuan, inamuy ito at nagsimulang maghukay.
"Sabi ko na ba! Wirwir yan diba? Mahusay maghukay ng lupa ang mga yan." Hinawakan ako ni Jazz sa balikat. "Sa tingin ko nahanap na natin ang daan palabas."
Unting unting lumalaki ang butas na gawa ng wirwir, di magtatagal magkakasya na kaming lahat doon. Ginagawa nya ba ito dahil alam nyang kailangan namin? May pumasok sa isipan kong idelohiya.
Kapag pinakitaan mo ng kabutihan ang isang nilalang, tao man o hindi, babalik ito sa iyo sa hindi mo inaasahang paraan.
*******************
Nang makaahon kami sa hukay na ginawa ng wirwir, hindi na namin mahagilap ang kinaroroonan nito. Marahil tumakas narin ito, nabayaran nya na ang utang nya sakin. Hindi ko alam pero nakaramdam ako ng kaunting lungkot, mga 9.3 miligrams. Pero may bagay pa kami na dapat pagtuon ng pansin kaya isinantabi ko ito at nagtungo kami sa sala.
At kami'y nagimbal sa nakita.
Ang buong kwarto ay puno ng pana, sa sahig, kisame at nga pader. Bakas din ang sira dala ng labanang naganap. Pero dalawang bagay ang hindi ko inaasahan. Si Neskapre nakaupo sa isang sulok may tama ng pana sa balikat at ang isang kamay at nakapana sa pader. Dumadaloy ang itim na dugo sa mga sugat at halatang nanghihina ito. Sa di kalayuan nakatayo si Tifa habang angkla sa balikat ang ikalawang diko inaasahan.
Akay akay nya si Makie na duguan ang mukha. Kumaripas kami ng takbo sa kanila. Pati ang pinsala ko nalimutan ko sa pagaalala.
"Makie! Anong nangyari sa iyo? Ok ka lang ba? Tifa, bakit nagkaganito si Makie?" Kinuha namin ang diwata sa kanya at dahan-dahang iniupo.
"Bitawan nyo ako, kaya ko ang sarili ko! Aaargghh..." ininda nya ang binti na naka kakaiba ang pwesto, mukhang nabalian. Nanghina ako pero hindi ko pinahalata.
"Tumigil ka sa pagpiglas! Hindi ka ok, tignan mo, dalawa na yung tuhod mo! Mira tulungan mo ang ate Makie mo!"
"O-opo."
Inalalayan sya ni Ever at sinimulan nya ang panggagamot habang hawak-hawak ang diwata ni Jazz para di pumiglas. Si Tifa naman...
"TIFA WAG!" Sigaw ko humarang sa pagitan nya ng Kapre. Tinutukan nya ito ng kanyang palaso.
"Wag mo akong pigilan bes." Naluluhang sabi nya. "Nang dahil sakin nasaktan si Makie. Nung inaayos ko ang sasakyan hindi ko namalayang hahampasin nya ako ng pinto ng kotse. Kung hindi ako tinulak ni Makie malamang patay nako. Pero tignan mo ang nangyari sa kanya... Dapat nya itong pagbayaran!"
"Hayaan mo sya iho. Kung gusto nya akong patayin wag kang makialam. Ganito naman dapat, papatayin ng malalakas ang mahihina. Sa pagkakataong ito sya ang nagwagi at may karapatang patayin ako. Patayin mo ako iha, patayin mo ako! Hahaha!" Nangungutyang sabi ni Neskapre.
"MANAHIMIK KA!" Sigaw ko sa kanya. "Wala ka sa lugar para makisabat sa usapan namin. Kung gusto mong mamatay darating yan pero hindi mo kami mapapaikot sa mga palad mo."
"Tifa. Ibaba mo yan bes. Hindi mo sya pwedeng patayin, pag ginawa mo yun hindi na tayo makakalabas rito kasi konektado ang buhay nila sa mundong ito."
"P-pero... *hikbi* sinaktan nya si Makie."
"Ok lang si Makie. Tignan mo."
Tinignan nya si Makie na nakakatayo na nang maayos at hinihimas ang ulo ni Mirasol.
"Tsk. Anong iniiyak-iyak mo dyan?Tingin mo ba natutuwa ako sa pagaalala mo sa akin? Mukha bakong namatay sayo?" Masungit na sabi ni Makie.
"Di ako umiiyak, ang kapal mo naman! Pinagpapawisan lang mata ko." Sagot ng bestfriend ko.
"Ok na Tifa. Tapos na ang lahat. Pwede mo nang ibaba yan."
Tumango sya, pinaliit ang kanyang busog at isinabit sa kanyang tagiliran.
Lumapit sya sa Kapre. At sa gulat namin sinaksak nya ito.
"Tinurukan ko sya ng pampatulog. Sa laki nya gagana ito malipas ang ilang minuto." Nakahinga kami nang maluwag sa sinabi nya.
"Pagsisisihan mo na di mo pa tinapos ang buhay ko iha."
"Ako na ang magdedesisyon nyan sa hinaharap."
Nagkumpulan kami at nagusap-usap kung ano ang gagawin para makaalis sa mundong iyon. Naikwento ko sa kanila ang napagusapan namin ni Betty at ang nangyari habang pinapagaling ni Mira ang tagiliran ko. Sa kasamaang palad tuluyan na palang sinira ng kapre ang sasakyan at di na maisasalba pa ang busina.
"Teka diba sabi nila maraming naligaw rito, pero di nakatakas?" Tanong ni Tifa.
"Oo bakit?" Tanong ko.
"Anong nangyari sa kotse nila?"
Natigilan kami at napaisip.
"Malamang nandito pa ang mga yun sa bahay nakatago. Baka makakita pa tayo nang maayos pa yung busina." Pagpapatuloy nya.
"Kung may garahe itong bahay na ito dun natin ito makikita." Sagot ni Makie. "Pero saan ang garahe ang garahe rito?"
"Wala kayong makikita sa garahe kundi mga sirang sasakyan. Kung gusto nyo ng busina umakyak kayo sa ikalawang palapag, sa pintuan na pula ay bodega, dun ko itinatabi ang mga busina." Sabat ng kapre na medyo inaantok.
Tinignan namin sya nang puno ng pagdududa.
"Wala akong pakialam kung maniniwala kayo o hindi. Ang gusto ko umalis na kayo sa bahay ko sa lalong madaling panahon. Ayoko na kayong makitang muli. Yun din naman ang gusto ninyo tama?"
"May punto sya." sabi ni Jazz. "Wala rin naman tayong ibang plano, wag nalang tayong magkulang ng pagiingat." Nagtanguan kami at nagsimulang magtungo sa ikalawang palapag.
Tapos may bigla akong naalala.
Nagpaalam ako saglit at muli akong nagtungo sa kapre.
"Anong kailangan mo?" Galit nyang sabi.
"Excuse me." Sabi ko.
Sinimulan kong tanggalin ang kanyang sinturon.
"WAG! May asawa na ako, hindi tayo talo!" Pagtutol nya.
"Wow kasing kapal ng bilbil ng asawa mo mukha mo noh? Kukunin ko lang tong sinturon mo. May nakapagsabi kasi sa akin na makakatulong to sa misyon namin." Ang tinutukoy ko ay yung sinabi ni Pilandok samin ni Tifa bago magsimula yung DiWa.
"Ahh ok." Sabi nya na medyo nagbblush. Watdapak lang, mas lalong nakakailang. "Bahala ka. Bilang talunan hindi kita pwedeng pigilan sa nais mong gawin."
Nakuha ko ang kanyang sinturon. Mukha lang itong gawa sa mga halaman at itinatali lang para humigpit. Medyo malaki ito pero nung nakuha ko bigla itong nagbago ng sukat na sa tingin ko ay sakto sa katawan ng tao.
"Para saan ito?" Tanong ko. Hindi sya sumagot at tumingin sa gilid. Nagkibit balikat ako.
"Oo nga pala. Iiwan ko ito rito." Nilapag ko sa sahig ang dalawang bayagesic. "Makakatulong yang maibsan ang sakit at mas mapabilis ang paggaling ng sugat ninyo. Hindi porket kalaban kayo magiging walampuso na kami sa inyo."
"Hindi ko kailangan ng tulong mo tagalupa, lalo na ng awa mo." Tugon nya.
"Pwes hindi kita tinutulungan, nalaglag ko lang yan at tinamad na akong pulutin uli. Sige bye."
"Sandali! Kamusta ang lagay ng asawa ko?"
"Ok naman sya, pinatulog lang din namin. Bukod dun hindi namin sya sinaktan." Dahil yung wirwir ang nanakit sa kanya at hindi kami. Lusot.
May gumulong sa aking paanan. Isang puting bato na kasing laki ay medyo hugis itlog ng pugo. Mas magaspang lang at maraming kanto tulad ng normal na bato.
"Kunin mo na iyan. Nahulog ko lang yan at tinamad na akong pulutin." Sabi nya.
"Ano naman ito?" Pinulot ko ang bata at pansin ko may kaunting kinang. Parang mga bato sa loob ng kweba.
"Bato ni Darna."
"Seryoso?"
"Tanga hindi. Mukha ba akong si Ding?"
"Sabagal ang askad naman kung maging Darna ako tapos sasakay ka sa likod ko." Teka. Bakit alam nya yung darna? Siguro nagextra na sila run.
"Hindi ko sasabihin kung paano gamitin yan o yung sinturon, aralin mo nalang sa sarili mo. Hindi ako ganun kabait sa katulad mo tagalupa."
Nangtinginan kami saglit nang walang salitang namamagitan bago ako tuluyang lumisan. Parehas kaming wala nang gustong sabihin sa isa't isa. Oras na para umalis.
Yun ang plano ko. Kaso...
"Oh, anong meron? Bakit nagkukumpulan pa kayo riyan? Kailangan na nating umalis sa lalong madaming panahon." Sabi ko sa kanila.
Nakatigil sila sa isang pintuang nasa harapan ng bodega. Dinidikit ang mga tenga upang marinig ang nangyayari sa loob. Sa pinto may nakapaskil na mga katagang 'Interment Cafe'.
Ano yun? Parang internet cafe na libingan?
"Ssssshhh!" Pagtahimik sakin ni Tifa.
"Ang sabi ni Mira may narinig daw syang boses sa loob. Mga ungol. Parang may mga tao." Mahinang sabi nya.
"Mga tao? As in tao talaga, hindi maligno o anuman? Sigurado kayo?"
"Opo kuya." Tugon ni Mira. "Ang mga maligno o kahit mga enkanto na hawig sa mga tao ay may kakaibang tono sa boses nila na di tulad ng sa tao. Di ko maipaliwanag pero sigurado akong may mga tao sa loob."
"Hindi kaya sila yung mga naligaw rin dito gaya natin?" Ani ng kapatid nya.
"Kung gayon edi kailangan natin silang iligtas." Sabi ko.
Nagtanguan sila. Hinawakan ko ang doorknob at dahan binuksan ang pinto para silipin muna ang lagay sa loob. Sa simula hindi ko naintindihan ang aking nakita. Para itong isang opisina na madumi lang nang kaunti. May mga sampung cubicle na parang sa internet shop. Kaya siguro yun yung tawag. Pero para saan yun? Nagorserba pa ako nang kaunti.
Sa bawat cubicle may parang tubo na derecho sa kisame at nagpapatuloy sa dulo ng kwarto kung saan mula rito may tumutulong itim na likido na nasasalok ng isang malaking sisidlan. May isang nagbabantay sa likidong yun na batibat na balbas sarado. Iyon marahil ang anak na tinutukoy nila. At iyon rin ba ang laro na sinasabi nila? Ang pagkuha ng mga itim na likidong yun? Kung ano man yun.
May isang batibat na lumitaw sa aming paningin, pumasok sa isang cubicle at biglaang umupo. Sa pagupo nya may narinig akong 'oommhp'. Dun ako nagsimulang kabahan. May hinala na ako kung anong nagaganap. At napatunayan ko ito sa susunod na nangyari. Isang batibat ang lumabas sa isang cubicle na may hatak-hatak.
Isang lalaking buto't balat, patay na sa aking hinala, ang hinihila ng batibat mula sa binti at kinakaladkad sa lupa.
Napigtas ang pisi sa aking utak. Ibinalipag ko ang pinto at sinugod ang batibat. Pinutol ko ang kamay nya na may hawak sa lalaki at bumagsak ito sa sahig matapos ay naging alikabok.
Naghumiyaw sa sakit ang batibat at binalak nitong gumanti, isang lumilipad na sipa mula kay Jazz sa kanyang panga ang tuluyang nakapagpatahimik sa kanya.
Isa-isang naglabasan ang mga batibat sa mga cubicle, bakas ang gulat sa kanilang mukha. Marami sila, ang iba siguro ay kaibigan ng anak nila Neskapre. Isa ang nagtangkang lumapit pero bumagsak nang may tumusok na pana sa kanyang hita. Binuhat sya ng ilan nyang kasama(na nahirapan nang sobra) at dinala sa sulok kung saan sila nagsama-sama habang minamanmanan ang aming kilos. Para kaming nangraid ng drug den ala pig pen. Di sila natatakot, nagtataka lang kung sino kami at naghihintay ng pagkakataong gantihan ang grupo ko.
Isang batibat ang nagtangkang tumakbo pero nahalata dahil nabutas yung sahig at pumasok ang binti nya. Kung di seryoso ang eksena papalahaw ako ng tawa. Lumipad ang ilang kutsilyo na tumama sa pader sa tabi ng mga ulo nila.
"Wag kayong aalis dyan. Hindi namin kayo pwedeng patayin pero hindi ibig sabihin na hindi namin kayo pwedeng saktan." Matalim na sabi ni Makie.
At sa nakita namin hindi malayong gawin nga namin iyon.
Ang lalaking tinulungan ko ay binasahan ko ng pulso. Pero hindi ito pumintig. Patay na sya. Napapikit nalang ako at halos dumugo ang labi sa pagkakakagat.
Sa bawat cubicle may mga tao pang nakahiga sa sahig, lalake, babae, matanda at bata. Buto't balat sila na parang hindi kumain nang napakatagal na panahon. Nakapasakit nilang tignan. Sa kanilang noo may nakadikit na parang pangsipsip kung saan nakakukuha ang likidong itim.
Ano bang nangyayari? Ano yung likidong yun? Anong ibig sabihin ng lahat ng iyon?
"Tanggalin natin ang mga tubo na yan!" Utos ko at isa isa namin itong tinanggal.
"Wag!" "Itigil nyo yan!" Ang mga hinaing ng mga halimaw.
"Isa pang kilos ninyo, at hindi na akong magtitimpi. Wag nyo kaming sagarin. Para saan itong ginagawa ninyo?!" Tanong ko sa kanila.
Walang ni isang sumagot. Ang tangi ko lang magawa ay pangdilatan sila.
"Mira, Ever, ano sa tingin ninyo, kaya nyo ba silang pagalingin?"
Umiling sila pareho.
"Patawarino kami kuya, wala na kaming magagawa. Ang pinsala nila ay di mula sa sakit at sugat kundi sa kakulangan ng nutrisyon at pangkain. Hindi kaya ng kakayahan namin na magpagaling ng ganung pinsala." Sagot ni Mira.
"At higit pa run... Kinakatakot kong patay na ang kanilang katawa, ang utak nalang nila ang gumagana. Saglit nalang ang hinihintay para tuluyan silang malagutan ng hininga." Ani ni Ever.
Di ko alam kung anong gagawin ko. Sa dinami dami ng nalampasan namin, iyon ang unang pagkakataon na nakakita ako ng taong namatay at namamatay sa harapan ko. At wala akong magawa para pigilan ito ipinaalala nitp sa akin kung gaano ako kaliit sa mundo. Ipinaalala nito sa akin na hindi laro ang ginagawa ko. Maaaring ako ang nakahiga run at hindi sila. Para akong mababaliw.
"Milo!" Sigaw ni Tifa na gumising sa akin.
"Ano yun?"
"May isa rito na ok pa ang kalagayan! Dali tulungan nyo ako."
Iniwan ko si Makie at Jazz na bantayan ang mga batibat at pinuntahan ko ang cubicle kung saan nakita ko si Tifa na inaalalayan ang isang nanghihinang lalake na tumayo. Tingin ko di kami halos nagkakalayo ng edad. Nakahubad sya nang pangitaas kaya kita ko ang kakisigan ng kayumanggi nyang katawan nya kahit mukhang bumagsak. May abs ang badtrip na yun, kung pwede lang nakawin at ikabit sakin. Ang magulo nyang buhok ay hanggang panga at unti-unting tumutubo ang kanyang bigote't balbas. Nung nakita nya ako kami bakas ang tuwang di maipaliwanag sa kanyang mata na nangingilid ang luha. Lumapit sa sa akin at kinapitan ako sa braso.
"Maraming salamat! Sabi ko na nga ba darating kayo. Kay tagal ko kayong hinintay pero di ako nawalan ng pagasa! Alam kong malalaman nyo ang tunay kong lagay at ililigtas nyo ako kahit mapanganib. Pasensya na sa nagawa ko, at nagpapasalamat ako na hindi nyo parin ako pinabayaan kahit nagawa ko yun. Salamat! Salamat!" Tauspuso nyang pasasalamat.
Naguluhan ako. Hindi ko alam kung anong tinutukoy nya. Pati si Tifa umiling rin. Para syang nahibang sa hirap ng dinanas nya.
"Pasensya na pero hindi kita maintindihan, pagod ka lang siguro. Pero hayaan mo hindi ka namin iiwan dito" Tugon ko sa kanya.
Tinignan nya lang ako na parang nagtataka.
"Hindi ba Napili kayo?" Tanong.
"O-oo. Paano mo nalaman?"
Kinuha nya ang braso ko at idinikit sa braso nya at itinapat sa braso nya. Para akong nawalan ng hininga.
Dahil parehas kami ng suot na Pulseras ng Silangan. Itim na may simbulo ng Buwan. Ang simbulo ng Magtagumpay.
"Hindi nyo ba ako kilala?" Tanong nya. "Ako si Noli. Ang Kabesa ng Magtagumpay."
»»»»»»»»»»»»»»»»»»»»»»»»
(*1) Wirwir
Origin: Apayao
Para syang aso na buto't balat mas makakatakot lang. Parang kagaya nang sa chapter art. Kadalasan silang naghuhukay ng mga bangkay lalo na sa sementeryo dahil ang kinakain nila ay mga laman ng mga bangkay. Pwede silang gawing alaga at ang mga gamit ng bangkay na kasamang nilibing tulad ng alahas ay dadalhin nila sa iyo. Kung papaano manghuli, lakad-lakad kayo sa pilapil, pag may lumitaw, pahinain nyo muna gamit ang starter na napili nyo sa pallet town saka nyo batuhin ng pokeball.
««««««««««««««««««««««
A/N:
NagUD narin. Madaming dahilan kung bakit natagalan. 30% dun pulos palusot lang, 70% tinatamad lang haha. Anyways mahaba naman kaya sana nagustuhan nyo, lalo na si cliffhanger.
Ano magiging epekto ni Noli sa kwento? Actually di ko rin alam bahala na.
Muli salamat sa nagdodonate ng chapter art ngayong kabanata. Asteeg talaga puramis. Sana dumami pa unipen at marker mo.
Salamat sa mga sumusunod sa mga floodvotes di ko ito malilimutan for 30mins:
XeyClifford
nooch123
Yvonne_1110
EmptySheets9
aryl_kris88
kennethlingad24
blazeBRMD
AnjeanethBico
seguiejay
MiyabiDear
ghenezavillarias
jymyl1991
Epaul17
eidriel
Clandestinityx
Jrae_04
AlvinCarlo
HottestAuthor
MontemayorAnne
Agent_Omaii
leonardalv
PilosopongMais
BenCastro22
PhAnToMGaG
charumein
AllanRusselBautista
milo1230
IntrovertedStephanie
kichanfriesss
IyaSalve
DanesSwift13
IreshangKyot
Dimitri143
Sa di nasama, it means diko makita name nya, baka nagpalit kayo ng name. Pati yung kezzcarpio.
Salamat sa pagsuporta, keep on voting para mainspire ako lalo magsulat. Vote buying. Choss. Pakikalat nalang sa iba para dumami pa tayong rumarakenrol!
Chao!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top