KABANATA XXXIV - VZYPZGZSZ

"Ano nang gagawin natin ngayon, pupuntahan lang natin yung rebulto ni Bonifacio? Hindi kaya medyo delikado? Baka may mga patibong, ganun." Tanong ni Tifa.

"O baka mga traffic enforcers, bawal ata magpunta dyan sa gitna eh. O kung masagasaan pagtawid, ang bibilis ng mga jeep oh." Sagot ko.

Kumakain kami ng sundae ng mcdo sa gilid ng kalsada habang tinitignan ang monumento ni Bonifacio(*1). Tanghali na. Sa suhestyon ni Tifa nagpasya kaming magpalipas ng gabi sa Sogo hotel. Hiwalay ang babae at lalaki syempre. Walang tumutol, pakiramdam kasi namin nabawasan kami ng kaluluwa sa naganap na DiWa at byahe namin sa Buwanang Dalaw ni Mayari kaya kinailangan namin ng pahinga. Tutal naman may limang araw pa naman kaming palugit, di naman siguro masamang matulog.

Parang pagliban lang din kasi yun sa klase. Kung may limit kang 10 absents bago bumagsak, umabsent ka na nang 10x. Sayang kasi kung di mo magagamit lahat. Logic diba?

Nahiwagaan parin ako kung anong ginawa ni Makie at nakakapasok kami nang di tinatanong yung edad namin sa hotel. At nahiwagaan lalo ako kay Jazz. Natutulog nang nakasquat sa kama, at nakaipit yung ulo sa isang braso. Ok lang sa manok yon eh. Pero sa tao, weird. Nagising ako nung madaling araw muntik nako tumili nung nakita ko sya, akala ko nasa The Grudge ako eh.

Eniweys, balik tayo sa kwento...

"Hindi ko makita yung sinasabi mong mga bata. Wala rin akong maramdaman sa paligid na mga Napili. Ano ba itsura nila?" Tanong ni Makie na kumakain ng burger.

"Magkapatid sila eh, maliliit lang yung babaehanggang taas ng tyan ko siguro, mga 5 yrs old lang, hanggang balikat yung buhok. Tapos... bulag sya." Pahina kong sabi. "Yung lalaki naman yung kuya nya, mga 8yrs old yun."

"Malamang lalaki yun, kuya nga eh."

"Malay mo ngayon lang yun. Baka trip nyang maging ate sa future. By choice na ngayon yun noh."

"Siraulo."

"So, yun nga. Basta mukha syang masungit, pero maalaga sya sa kapatid nya. So pag may nakita tayong batang lalaking may akay na batang babaeng nakapikit lagi, baka sila na yun."

"Ay, tignan nyo oh!" Biglang sabi ni Jazz habang may tinuturo sa rebulto gamit ang kutsara ng chowfan rice ng chowking.(ayaw na naming mag chicken meal sya)

Sya namang tingin namin sa tinuro nya, baka yun na yung mga bata. Pero bukod sa rugby boy na nagwawalis gamit ang sakong butas sa bandang gilid, wala na akong nakitang ibang taong malapit.

"Ano ba yung tinutukoy mo, wala naman eh?" Sabi ni Tifa.

"Anong wala, ayun oh" turo nya uli.

Tingin naman kami, nagkandahaba ang leeg namin kasisilip pero wala talaga.

"Saan ba kasi kayo tumitingin? Eto yung tinutukoy ko oh!" Tinuro nya yung kutsara. "Tignan nyo yun dulo ng kutsara ko, diba parang madumi? Ayan oh. Haha."

Pakyu Jazz. Di ko alam kung nanadnadya syang mantrip o seryoso sya sa sinasabi nya.

Tinadyakan sya ni Makie tungo sa kalsada.

"Aray ko naman binibini! Masakit! Muntik pakong masagasaan!"

"Tigilan moko sa kaartehan, saksakin kita ng kutsara mo. Mauna kang magpunta sa rebulto, tignan mo kung ligtas yun bago kami magpunta, para kung may patibong lamunin mo lahat."

"Masusunod binibini." Masunurin nitong tugon saka nagtungo sa monumento.

Para syang nakipagpatintero sa mga sasakyan. Iwas dito iwas dyan sabay patakbo takbo. Nung nakarating sya sa bukana ng monumento huminto sya at tumayo lang ng ilang segundo bago naglakad pabalik sa amin na pinagtaka namin.

"Oh Jazz, bakit bumalik ka kaagad? Anong meron?" Tanong ko sa kanya.

Tinignan nya lang kami na parang mas nagtataka pa samin.

"Huy Jazz ok ka lang?" Sabi ni Tifa. "Anong nangyari bakit bumalik ka kaagad? May nakita ka bang kakaiba sa rebulto? Ano bang napansin mo?"

Lumingon sya sa rebulto tapos tumingin uli sa amin habang nagkakamot ng ulo. Naguluminahan kami sa kinilos nya.

Tapos parang bigla syang nagising saka inulat nya ang pinakamahalagang balitang hatid nya sa amin para sa buong araw.

"Ah! May napansing akong kakaiba! Tignan nyo yung dulo ng kutsara ko, parang andumi diba?" Sabi nya.

Muntik ko na syang i-pinoy suplex eh(parang german suplex din pero mas makabansa natin. Kayo na magisip kung paano yun) pero bigla nalang nagsalita si Makie.

"Saglit lang, maghintay kayo rito."

Sya naman ang naglakad tungo sa rebulto. Naglakaf lang sya ng derecho, yung mga sasakyan ang huminto para sa kanya at binusinahan sya. Pero di nya ito pinansin. O baka wala lang talaga syang pakialam.

Pero pagdating nya sa bukana huminto rin sya saglit at bumalik na parang walang nangyari. Nakatingin lang sya sa amin habang kinakausap namin. Para syang nagtataka kung anong sinasabi namin tulad ni Jazz.

May naisip akong gawin, tutal naman tulala sya eh. Ehehehe.

Unti unti kong nilapit ang mukha ko sa kanya. Nung malapit nako sa kanya di parin gumagalaw. Ayos wala parin syang reak--

*PAKKKK* *PPAAAAKKK*

Sinampal nya ako. Di pa run natapos, nung lumiko yung mukha ko sinalubong naman ng sampal ni Tifa. Owning.

"Milo!" "Anong balak mong gawin hinayupak ka?!" Sabay nilang reklamo.

Diko hinawakan yung pisngi ko, nagkrus ng braso at nagpanggap na di nasasaktan. Pero umiiyak yung eyeballs ko paloob. Ngumiti ako.

"Tsk tsk. Di nyo napansin? Epektib yung ginawa ko? Parang tulala ka kasi kaya ginawa ko yun para magising kana." Sabi ko.

Nanlaki ang mata nya at para maintindihan nya ang sinabi ko sa wakas.

"Ay ganun ba yun? Tulala ba ako kanina? Naku salamat naman sa pagtulong mo sakin. ULUL! Ano akala mo sakin tanga?! Manyak!" Sigaw nya sa dulo.

"Manyak!" 2nd the motion ni Tifa.

Hinawakan naman ako ni Jazz sa balikat at nginitian ako nang parang nakikiramay. My friend.

"Manyak." Sabi nya. Pakyu ka uli Jazz.

"Kung tulala ako kanina, tama ang hinala ko." Ani ng diwata. "May mahika ang monumento. Hindi ito nakapamiminsala pero malakas ito para maapektuhan ang kagaya ko. Inilalayo nya kami ni Jazz nang hindi namin napapansin, kung wala kayo rito baka nakalimutan na naming pupuntahan pala namin ito at baka umalis na kami nang di namamalayan. Ang tingin ko ang makakapunta lang run ay mga ordinaryong tao at yung mismong itinakda ng mahika na pwedeng lumapit sa rebulto. Ikaw yun." Turo nya sakin.

"Papaano kung mali ka?" Tanong ko. Kasi ayaw ko pumunta magisa.

"Malalaman natin yan kapag sinubukan mo."

Nagtanguan sila, nagsangayunan lahat na dapat ko naman ang magpunta. No choice.

Tumawid ako. Sakto namang walang dumadaang sasakyan. Pakiramdam ko sinadya para makarating ako nqng matiwasay sa rebulto. Pagdating ko sa bukana, huminto muna ako at nakiramdam. Wala namang kakaiba. Humakbang ako sa unang paikot na parteng may damuhan. Wala parin. Kung ano man yung mahikang sinabi ni Makie di ito umipekto sa akin.

Lumingon muna ako sa kanila at nagpatuloy sa paglalakad at umakyat sa unang baitang hugis walsiha(octagon) na kulay malamyang pula.

Sa bawat panig ay may nakasulat na lugar. Manila, Bulacan, Pampanga, Nueva Ecija, Tarlac, Laguna, Batangas at Kawit(Cavite). Yung walong probinsyang lumaban sa Kastila nung himagsikan. Sa pwesto ng Manila nandun ang nakaharap ang pigura ni Ka Andres, at sa tapat nito ay may mataas na watawat ng Pilipinas. May mga watawat din paikot pero yung sa tapat ni Andres ang pinaka mataas at pinaka malaki.

Hinanap ko yung dalawang bata pero hindi ko sila mahagilap kaya naisip kong suriin muna ang rebulto sakaling magkaroom ako ng ideya kung anong dapat kong gawin dun.

Tulad ng monumento ni Rizal sa Luneta, meron itong tore na parisukat na hula ko mahigit 40ng talampakan ang taas. Sa tuktok nito ay may istatwa ng isang anghel, o mulawin. Ewan ko, may pakpak eh pero di gaano maaninag sa mula sa ibaba. Sa paanan ng apat na panig ng tore ay may mga pigura na naglalarawan ng paghihinagpis ng ating ninuno at pag-aklas nila sa kuko ng malupit na Kastila. Sa malapitang pagsusuri, napansin kong gawa ang mga pigurang ito sa tanso. Buti nalang mabigat, kundi baka nakalakal na sila sa junkshop. Inikot ko ito para siyasatin.

Sa banda may mga pigura ng isang ama na hawak ang anak nitong sanggol na namatay sa paanan nya may mga patay ding mga pigura, pero may isang may hawak ng bolo na akmang susugod sa kalaban. Diko alam kung guniguni ko lang pero parang naririnig ko sa paligid ang tunog ng iyakan, sigawan, mga boses na nalalagutan ng hininga. Pakiramdam ko humihinga ang mga pigurang ito.

Nagtatayuan ang mga balahibo ko.

Sa likod na panig ay may pigurang nakasaklob sa sako ang ulo at sinasakal gamit ang Garote(*2). Sa paanan nya may nauna nang namatay. Hindi ko alam kung paano pero kilala ko sila. Sila ang Gomburza(*3). Ang tatlong pari na binitay at nagsilbing apoy na nagpasula ng himagsikan. Rinig na rinig ko ang boses ni Burgos na naghihingalo na parang nasa tabi ko lamang.

Sa kabila ganun parin, may mga pigura ng pumanaw. Pero kita ang paggihimagsik na panig na ito. May lalaking sumusugod hawak ang bolo, may pumunit ng kanyang cedula(*4), may pinapadugo ang braso bilang blood compact. Dumadagundong ang tunog ng labanan sa paligid.

At ang huli ay ang mismong panig kung nasaan si Bonifacio.

Kalmado lamang ang kanyang mukha na nakatingin sa dakong Maynila. May hawak sya bolo sa kanang kamay at rebolber sa kaliwa. Sa kanyang matiwasay na ekspresyon ay makikita mo ang mukha ng mapanuri at puno na dignidad na pinuno. Di alintana ang hinagpis ng kanyang kasamahan pero di nagbibingibingihan sa kanilang paghihirap ay handang ialay ang buhay kapalit ng kalayaan ng bayan. Ang pagtingin sa kanya ay parang paglapit sa apoy. Mainit at nakakapaso pero nakakalusaw ng nagyeyelong kalamnan.

Sa paanan niya may nakalagay na katagang "Bonifacio" na may dalawang plake sa ibaba. Ang isa ay may titulong "Bantayog ni Andres Bonifacio" at mga impormasyon ukol sa pagkakatayo ng momumentong yaon.

Pero ang labis na umagaw ng aking atensyon ay yung isa pang plake. Nagkuskos pa ako ng mga mata dahil di ako sigurado sa nakikita ko. Wala kong mabasa sa nakasulat. Parang napagtripan lang ilagay yung nasa plake iyon. Mahaba ang nakasulat pero parang walang nilalaman. Anong kalokohan yun?

Para maintindihan nyo ibig kong sabihin eto yung titulong nakasulat:

"V'GZ VZGNLLCC'G LLZVNVNLLXLLC KZSZPN ZT V'GZ KZPZTND"

Na sinundan ng napakahabang mensahe na kaparehas lang ang nilalaman. Seryoso ganyan talaga ang nakalagay, kung makapunta kayo run subukan nyong tignan at ayan ang makikita nyo. Paano babasahin yun? Hindi naman iyon mukhang lengwahe ng kahit anong bansa. Ayoko namang maniwala na naglaan ng oras at panahon ang kinauukulan para lang mantrip.

Teka... Paano kung sikretong mensahe yun? Coded message kumbaga, at nakasaad dito ang kailangan kong gawin. Kung susuriin wala akong makitang patinig(vowels), puro katinig(consonants) lang. At madalas kong makita ang Z, N, LL. Hindi ang mga letrang ito ay ang ipinalit sa mga patinig na A, E, I, O, U? Teka, kung ang Z ay A ibig sabihin ang KZSZPN ZT V'GA KZPZTND ay KASAPN AT V'GA KAPATND. Wala pa ring sense pero kung medyo naiintindihan ko na. Para makabuo ng salitang pamilyar sakin, palitan natin yung N ng I at yung V' ng M.

"KASAPI AT MGA KAPATID"

Syet. Kinilabutan ako. Tama ang hinala ko, lihim nga itong mensahe. At bukas ito sa walang muwang na publiko para siyasatin. Dahil di ito kadali. Yung titulo pa nga lang hirap na akong sagutin, yung buong mensahe pa kaya. Wala pa man din si Tifa, panigurado masasagutan nya agad yun. Kamot ulo tuloy ako.

"MGA MAGINOONG NAMIMINUNO KASAPI AT MGA KAPATID." Sabi ng isang boses sa aking likuran.

Napaigtad ako sa gulat at nilingon ang aking likuran. May isang lalaking nakangiti sa akin. Mukha syang magaaral ng kolehiyo(pag babae kolehiyala, pag lalaki ba kolehiyolo?). Nasa edad 25 siguro, may katangkaran, nakasuot ng Rolling Stones na T-shirt, medyo may bangs nang konti, naka jeans at black shoes. Ang totoo mukha syang nerd na emo. Napabuntung hininga ako. Hindi naman sya mukhang kalaban.

"Nagulat ba kita? Pasensya na, nakita ko kasing kanina mo pa tinitignan yung nakasulat dyan kaya nilapitan kita. May ilang minuto na nga ako rito di mo lang napapansin ahahaha." Palakaibigan nyang tawa.

"Oo nagulat ako, pero ok lang. May mga bagay pakong mas kinagulatan kaysa run." Tugon ko. Tinignan nya lang ako nang nagtataka. Di naintindihan ang inig kong sabihin.

"Wala yun hayaan mo na. Ummm.. naiintindihan mo ang nakasulat dito?" Tanong ko.

"Oo. Nagaaral kasi ako ng kasaysayan ng Pilipinas, at isa itong mensaheng sa mga pagkadalubhasa ko. Yan ang lihim na panitikan ng Katipunan dati para magpalitan ng mensahe na di natutuklasan ng mga Kastila ang nilalaman. Galing pa akong Laguna, gusto ko lang makita ang mensaheng ito kaya lumuwas ako tungo rito. Tapos nakita kita, nakakatuwang isipin na may mga kabataan pang may interes sa bagay na may kinalaman sa ating kasaysayan hahaha." Giliw nyang sabi.

Naku, kung alam nya lang.

"Haha di naman sa ganun, medyo nacurious lang ako kung anong ibig sabihin ng nakasulat. Naiintindihan mo sya diba? Pwede mo bang itranslate sa akin?"

"Sure." Lumapit sya para matignan ito nang maigi. "MGA MAGINOONG NAMIMINUNO KASAPI AT MGA KAPATID. Yan yung titulo nakasulat sa itaas. Yung mensahe naman. Hmmm..."

"'Sa inyong lahat ipinatutungkol ang pahayag na ito. Tutoong kinakailangan na sa lalong madaling panahon ay putlin natin ang walang pangalang panglulupig na ginagawa sa mga anak ng bayan na ngayo'y nagtititis ng mabibigat na parusa at pahirap sa mga bilangguan. Na sa dahilang ito'y mangyaring ipatanto ninyo sa lahat ng mga kapatid na sa araw ng Sabado ika 29 ng kasalukuyan ay puputok ang pang hihimagsik na pinagkasunduan natin. Kaya't kinakailangang sabaysabay na kumilos ang mga bayanbayan at sabaysabay na salakayin ang Maynila. Ang sino pa mang humadlang sa banal na adhikang ito ng bayan ay ipalalagay na taksil at kalaban. Maliban na nga lamang kung may sakit na dinaramdam o ang katawa'y may sala. At sila'y paguusigin alinsunod sa palatuntunang ating pinaiiral.

Bundok ng Kalayaan ika 28 ng agosto 1896.
-MAYPAGASA'"

"Yan yung nakasulat. Tingin ko sulat ito ni Bonifacio para himukin ang mga mamamayan sa himagsikan, may kinalaman siguro ito sa Sigaw ng Pugadlawin."

"Ano yun?"

"Huh hindi mo alam yun?" Gulat nyang tanong.

"Hindi eh. Bakit alam mo ba yung square root ng 64?"

"...Hindi rin."

"Edi patas lang tayo. Oh ano na yung Sigaw ng Pugadlawin na yan?"

"Yun yung pagpunit ng mga katipunero sa cedula bilang simbulo ng paghihimagsik nila sa Kastila. Pero iba-iba ang paniniwala ng mga historian. Nung una nga ang tawag dito ay Sigaw ng Balintawak eh, patungkol sa unang sagupaan ng Katipunero at mga gwardia sibil sa Banlat, Pasong Tamo na dating parte ng Balintawak na ngayon na parte na ng Lungsod Quezon. Iba-iba rin ang sinasabing petsa at lugar ng pinangyarihan nito. Pero dito talaga iyon ginanap sa Caloocan kung kaya nga dito itinayo ang monumento ng Supremo ng Katipunan na si Gat Andres Bonifacio." Pagpapaliwanag nito.

Namangha lamang ako sa kanyang nalalaman.

"Andami mong nalalaman uh." Sabi ko.

"Hindi lang yun. Alam mo bang magnagsasabing itinatagong sikreto raw itong monumento ni Bonifacio?"

Napalunok ako ng laway. Baka ito na yung hinahanap ko.

"Anong sikreto yun?"

"Haka haka lang ito uh. Pero ang sabi nila, inutusan raw na may itinago si Guillermo Tolentino(*5) sa rebulto may pakpak na simbulo ng tagumpay sa tuktok nitong bantayog. Sya yung gumawa nitong monumento, isa rin syang Pambansang Alagad ng Sining o National Artist. Kilala rin sya sa alias na 'Batang Elias'." Sabi niya.

Tinanaw ko ang rebulto sa itaas pero di ko makita ng lubusan dahil sa sinaw ng araw. Kung totoo ang hakahakang yun, nandun ang hinahanap ko. Kung ano man ito.

"Ang sabi mo diba inutusan sya diba? Sino ang nagutos nito sa kanya?"

"Iyon ang kaduda duda sa lahat. May isang katuwang nya sa pagtayo nito ang nakitang may kausap sya dis oras ng gabi. May inabot ito sa kanya. Pagkatapos nito ay medyo kakaiba na ang ikinilos niya. May nakapagsabing may isinilid raw ito sa loob ng rebulto ng palihim. At ang pinakanakakapagtala sa lahat, alam mo kung sino ang tinutukoy na kausap nyan?" Pamisteryoso nitong tanong.

"S-sino?" Nadadala kong tanong.

"Siya."

Tinuro nya ang rebultong nasa kanan ni Bonifacio. Bale kaliwa mula sa paningin namin.

"Siya si Emilio Jacinto(*6). Ang kanang kamay ni Bonifacio at tinaguriang Utak ng Katipunan. Hahaha nakakatawa ano? Paanong mangyayari yun, eh matagal nang patay si Jacinto bago pa man tinayo ang bantayog na ito? Siguro nakadrugs lang yung nagsabing nakakita nun. Hahaha." Tawa nyang sabi.

Kung alam nya lang. Malamang lumalagalag lang yun sa kung saan. O di kaya baka nasa paligid lang yun at nagmamansid sa amin.

Inobserbahan ko si Jacinto. Kita sa wangis nito ang kanyang kabataan. Sa katunayan naka bagsak pa ang bangs nito pa-one side. Halos patakip sa mata. Siguro may Emo na nung panahon nila. Rakenrol.

"Pero kung totoo yung kwento, paano makukuha yung binigay sa kanya ni Jacinto?" Tanong ko.

"Hindi ko alam. Tingin ko may pipihitin ka run sa dahon sa sangang hawak nung rebulto. Yun ay kung maaakyat mo haha."

"Tignan natin." Lumapit ako sa bantayog at naghanap ng maapakan.

"Huy, anong gagawin mo?"

"Aalamin ko kung totoo yung kwento mo." Sinimulan ko na ang pagakyat gamit yung mga plake.

"Hala! Tigilan mo yan! Bawal yang ginagawa mo! Huhulihin tayo ng mga pulis sa ginagawa mong yan!"

"Pag hinuli tayo sabihin mo ang totoo, hindi tayo magkakilala at pinipigilan mo ako pero ayaw kong magpapigil." At kutob ko di rin ako makikita ng normal na tao.

"Pero mali yang ginagawa mo! Kwento lang yun, wag mong paniwalaan! Bumaba ka na dyan! Ang taas nyan oh, kapag nahulog ka dyan tyak na mamamatay ka!"

At kung anu-ano pa ang sinabi nya na di ko na pinansin. Buong atensyon ko nilaan ko sa paghahanap nag makakapitan. Medyo nakakailang lang nung magkatapat kami ni Bonifacio. Feeling ko sasapakin nya ako kapag kumapit ako sa ilang bahagi ng katawan nya. Pero no choice eh. Humingi nalang ako ng kapatawaran nung umapak ako sa ulunan nila. Feeling ko nga lalaslasan ako ni Jacinto sa galit nya. Kasalanan nya naman, nilagay nya sa itaas eh, pwede naman sa ibaba nalang. Feel the pain tuloy sya.

Nakalagpas nako sa madaling parte. Ang mahirap ay ang pagakyat sa mismong tore. Halos makinis yung mukha nito at walang makapitan. Buti nalang may kinuha akong dalawang kutsilyong maliit mula kay Makie nang hindi nya nalalaman. Souvenir sana. Ginamit ko to para itarak sa tore para gawing hawakan at gumawa nang apakan na lalonh ikiputok ng butsi nung lakake. Bahala sya run haha.

Bandang gitna na ako nung naramdaman ko ang lakas nang hangin na lalong nagpahirap sa aking pagakyat. Sumasakit narin ang aking mga kamay. Tapos naalala ko pang takot nga pala ako sa heights. Pagtingin ko sa ibaba nalula ako. Pero kung ikukumpara sa tanawin mula sa Buwanang Dalaw ay pangnursery lang ito kaya nagpatuloy lang ako sa pagakyat.

Pagdating ko sa tuktok nanginginig na ang tuhod ko at ang lakas ng kabog ng dibdib ko, todo yakap ako sa rebulto sa liit ng apakan, ang kinakatakot ko pa kung masira ang rebulto at parehas kaming mahulog. Buti nalang matibay.

Maganda sana ang tanawin sa itaas kung di lang polluted at nahaharangan ng Sogo at SM. Sayang.

Mula sa itaas nakita ko sila Tifa na kumakaway sa akin at parang may sinisigaw pero dahil malayo diko gaano maaninag at marinig. Kinawayan ko nalang din sila. Siguro kinakabahan sa ginagawa ko. Naks, pogi points.

Hinahanap ko sa rebulto yung pihitan na sinasabi nung lalaki. Sa isang sandali kinabahan ako dahil wala akong mahanap, nasayang lang ang hirap ko. Buti nalang paghawak ko sa isang dahon nung sanga na hawak nya napihit ko ito at biglang bumaba nang bahagya yung pakpak nya, muntik pakong mahulog dahil dun ako nakakapit.

Sa likuran nya maliit na butas sa pagitan ng pakpak na lumitaw. Ipinasok ko ang aking kamay ay may nakapa ako. Paghugot ko tumambad sa akin ang isang lumang sobre na nakaselyo ng pulang pagkit(wax) na may logo ng araw na maraming sinag at may K sa gitna. Sa likod may pangalan na nakasulat kamay.

"SUPREMO ANDRES BONIFACIO."

Eto na yun. Eto na yung hinahanap ko. Diko maipaliwanag ang saya ko. Di dahil sa nakuha ko yung sulat. Kundi dahil ihing ihi na ako at gusto ko nang bumaba.

Nagsimula na akong bumaba, maingat at di nagmamadali. Ayoko namang pagkatapos ng hirap ko ay madulas ako at mabalian ng leeg. Ang korny nun.

Kalagitnaan napasulyap ako ka Tifa. Sumisigaw parin sila at kumakaway. Pero parang may mali. Yung itsura nila at di lang kinakabahan. Parang natatakot sila at may itinuturo sa ibaba ko. Pero di ko maintindihan. Tinuro ni Tifa yung tenga nya na may communicator. Kinuha ko ito sa bulsa at nilagay sa tenga ko.

"UMALIS KA NA DYAN NGAYON NA!" Sigaw ni Tifa. Muntikan pakong mabingi sa lakas.

"Teka, di ako pwedeng magdali rito, bakit ba anong meron?"

"Kuya! Bumaba kana agad dyan!" May bagong boses akong narinig. Pagsulap ko nakita ko yung batang babaeng hinahanap namin, katabi nya yung kapatid nya.

"Kuya, yung kausap mo kanina, kalaban sya! Tinakasan namin sya kanina at nagtago kaya di ka namin naabutan. Naglagay pa sya nang mahika para ikaw lang ang makakapasok dyan. Lumabas lang kami nung nakita ni kuya na umaakyat ka sa monumento. Tumakas kana dyan kuya dali!" Pakiusap nung babae.

Napatda ako. Kumabog nang malakas ang aking puso. Bakit hindi ko naisip na kalaban sya. Mukha kasi syang mabait. Pumasok pa sa isipan ko na baka Napili sya kaya nakapasok sa monumento, yun pala sya ang gumawa nito.

Nung sinulyapan ko siya dumaloy ang kilabot sa aking mukha at nagtayuan ang aking balahibo. Hindi ito maari.

Nakasuot na sya ng shades at beats na headset kaya nakilala ko sya.

Ang Batingaw.

Ngumiti sya sa akin at may kinuha sya sa kanyang bulsa. Isang maliit na gintong kampana. Pinitik nya ito at umalingawngaw ang matinis nitong kalembang na habang tumatagal ay lalong lumalakas. Akala ko mapupunit ang eardrums ko dahil diko matakpan pero bigla itong tumigil at nagkaroon ng sandaling katahimikan.

Nagkaroon ng paggalaw sa lupa. Nung una parang may gumugulong lang sa sahig, hanggang sa lumakas ito nang lumakas at naging yanig. Isang malakas na lindol ang naganap, wala na akong nagawa kundi kumapit para di mahulog.

Tapos biglang may umahon sa semento at tumama sa isang bahagi ng mall sa paligid ng monumento. Nagiba ang bahaging iyon at ang tipak ng mga bato, bakal at salamin ay sumabulat sa ere.

Isang malaking kaguluhan ang naganap, nagsigawan ang mga tao at nagtakbuhan. Ang mga sasakyan ay nagkabanggaan. Sa gitna ng kaguluhang ito ay isang higanteng mukha ang nagpakita.

Isang malakas na hiyaw ang bumalot sa buong lugar at sa aking nayurakang lakas ng loob.

Ang hiyaw ng Bakunawa.

At ang nanlilisik nitong mata ay nakatutok sa akin.

※※※※※※※※※※※※※※※※※※※※※※

(*1) Monumento ni Bonifacio:

Isang obra maestra ni Guillermo Tolentino bilang bantayog ni Andres Bonifacio na matatagpuan sa Monumento, Caloocan. Sinimulang itayo nung 1930 at pinasinayanan noong ika-30 ng Nobyembre, 1933.

May taas itong 45 talampakan. May lima itong parte, patungkol sa limang bahagi ng Katipunan. Sumasalamin ito sa paghihirap at paglaban ng ating bayan sa mananakop at sa tuktok at matatagpuan na dyosang ng tagumpay.

May tatlo itong baitang patungkol mahigit tatlong siglong pamumuno ng Kastila sa ating bayan. Ang walong panig nito sa ay sumasalamin sa walong probinsyang sumali sa himagsikan.

(*2) Garote:

Isang uri kasangkapang pambitay madalas ginagamit sa pampublikong bitayan nung panahon nang Kastila para magsilid ng takot sa mamamayan at hupayin ang anumang ideya nang pag-aklas.

Binubuo ito ng isang upuan na may panali sa kamay at paa. May bakal o lubid sinusuot sa leeg. Sasakluban ang ulo ng maliit na sako, bayong o tela, saka iikutin ang isang pihitang bakal sa likuran para masakal ang binibitay hanggang mamatay ito sa kawalan ng hininga o pagkabali ng leeg.

Kabilang sa kilalang binitay rito ay ang

(*3) Gomburza:

Tumutukoy sa tatlong paring sina Mariano Gomez (72), Jose Apolonia Burgos (35) at Jacinto Zamora (36) na binitay sa pamamagitan ng garote sa Luneta Park, Bagumbayan(na ngayon at Luneta na).

Pinagbintangan silang namuno aa isang rebolusyon ng mga manggagawa sa Cavite na hindi naman nila ginawa. Ang totoo'y pinapatay lang sila dahil sa lumalawak nilang impluwensya na naging banta na sa simbahan.

Ang pagbitay sa tinawag na 'Tres Martires' ang naging apoy na nagpasimula ng himagsikan.

Ang El Filibusterismo na inakda ni Jose Rizal ay inialay nya sa Gomburza.

(*4) Cedula/Sedula:

Isa itong uri ng pagbubuwis na nagsimula nung taong 1884. Isa itong papel na nagpapatunay na isa kang mamayan ng kolonya ng España. Ang ginawang pagpunit nito ay nangangahulugan ng pagbaklas sa pamumuno ng mga Kastila.

(*5) Guillermo Tolentino a.k.a. Batang Elias
(July 24 1890 - July 12 1976)

Isang batikang iskultor na tubong Malolos, Bulacan at isa ring Pambansang Alagad ng Sining ng Pilipinas.

Nakilala sya sa mga obrang Monumento ni Bonifacio sa Caloocan, Oblation ng UP at ilan pang rebulto nila Lapulapu, Antonio Luna, Gregorio del Pilar, Jose Rizal, Manuel Quezon, Epifanio de los Santos, A.V.H Hartendorp, Fernando Amorsolo, Carlos P. Romulo, Jose Cojuangco, Manuel Roxas, Jaime at Sofia de Veyra.

Pumanaw sya sa edad na 86.

(*6) Emilio Jacinto y Dizon
(December 15, 1875 - April 16, 1899)

Isang batang heneral na naupo bilang isa pinaka matataas na posisyon sa Katipunan. Umanib sya sa edad na 19, naging tagapagyo at kanang kamay ni Andres Bonifacio at kalauna'y binansagang Utak ng Katipunan.

Sya ang may akda ng 'Kartilya ng Katipunan' kung saan nakasaad ang batas ng samahan, manunulat din sya ng 'Kalayaan', ang peryodiko(dyaryo) ng Katipunan.

Kilala rin sya sa mga alyas/bansag na Dimasilaw, Pingkian, at Ka Ilyong.

Pumanaw sya sa Magdalena, Laguna dahil sa malaria sa batang edad na 23.

Ang tanong, kung patay na sya, sino ang nakitang kausap ni Batang Elias?

Totoo bang pumanaw na sya?

※※※※※※※※※※※※※※※※※

A/N:

Sa interesadong malaman, ang ibig sabihin ng titulo ng kabanatang ito na 'VZYPZGZSZ' ay 'MAYPAGASA'.

Sorry kung late, super busy ako sa dami ng ginagawa. Sorry kung cliffhanger ule. Diko maiwasan eh ahaha.

Yung larawan sa simula ay ang mismong plake na tinutukoy ni Milo na isinalin ng Batingaw sa tagalog.

Para sa hindi nakakaalam ng itsura ng bantayog ni Bonifacio search nyo lang sa google para makita nyo. Isang pic lang kasi pwede ipost kada kabanata.

Dedicated ito kay fantasia2156 dahil sabi nya idedicate ko raw sya at loloadan nya ako ng 30php sa globe ko. Wait ko yan uh.

Kay Mindprism na nakakulitan ni Milo sa wall ko.

At higit sa lahat, kanila Kookie_Rabbit zzerkarie imnotkorina na nagfloodvotes ng bawat chapters. Thx sa inyo guys. Kaya kung gusto nyo madedicate floodvotes na haha.

Salamat din sa members ng official fb groupchat ng SMAAK, diko na iisaisahin, dami nyo eh.

Dont forget to vote guys
;)

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top