KABANATA XXXII - Piging
Kung ang pagkatalo ay isang purgatoryo. Ang awa naman ng kalaban ay isang uri ng impyerno. Yun ang dahilan kung bakit pinili kong di lumingon sa aking likuran. Hindi nila kailangan ng simpatya ng taong tumalo sa kanila.
Sana lang magsilbi leksyon sa kanila ang pagkatalong yaon. Minsan kasi, ang taong nasa tuktok na ay nakatingin nalang sa ibaba, dahilan para maging maliit ang tingin sa mga taong papaakyat palang.
Sana lang matuto silang umahon muli, nang hindi umaapak sa iba para maka-akyat, bagkus ay matutong suportahan ang iba para sabay marating ang tugatog.
Binaybay namin ang kagubatan pabalik, ang destinasyon namin ay ang tunay na kampo. Naging madali ang daan pabalik, kapansinpansin na kumonti ang mga hayop na nadadaanan namin. Siguro kasi prime time na at nanonood ng teleserye. Saglit lang ang paglalakbay namin, diko alam kung bakit. Minsan kasi mas mukhang mabilis ang byahe/lakad pauwi. May psycholo.. saykologi.. psisaykolidyi... Psicho..... Basta yun, may kinalaman sa pagiisip daw yun.
Ilang minuto mula sa kampo nagpaalam na sa amin si Mayumi bago pa man din sya makita ng mga kasamahan namin. Humalik sya sa pisngi ni Makie at may binulong sa kanya. Tumingin sila sakin sabay nagtawanan.
Bwisit lang.
Lumipad sya papalapit sa akin at gamit ang hintuturo at hinlalato tinuro nya ang mga mata nya at mga mata ko. Universal signal para sa "im watching you." sabay kiling ng ulo nya kay Makie.
Hindi ko nagets yung sinasabi nya pero parang "bantayan mo sya uh." Na medyo parang baliktad kasi si Makie kadalasang nagbabantay sakin. Tumango parin ako bilang pagsangayon para mabawasan lang ang kunot sa noo nito. Nagulat nalang ako nang humalik ito sa pisngi ko bago lumipad papalayo.
Naiwan akong nakahawak sa aking pisngi habang si Makie naman ay naglalakad na. Saglit pa ay sumunod nako sa kanya.
Gravity. Yung first kiss ko kay Taylor Swift. Kasing laki nga lang ng sausage, pero rak na rin yun.
Ang pagsalubong nila samin sa kampo ay di matatawaran, para kaming umuwing may bitbit na karangalan sa ating bansa. Karamihan ay tumalon at dumamba sa akin sa kagalakan, yung iba tatalon din sana kay Makie pero nagdalawang isip nung tinutukan sila ng kutsilyo. Sa huli nakuntento nalang sila na magpasalamat ilang dipa ang layo sa kanila.
Magkahalo ang emosyon na nadarama ko. Kakaibang saya dahil hindi man kami ganun kalapit sa isa't isa yung tungo nila sakin ay isang nagbabalik bayang kapatid. May ilan pang naiiyak sa kagalakan. Wala akong kalapit sa paaralan namin ni Tifa, masasabi ko pang ayokong makihalobilo sa kanila. Pero sa Balangay ko, walang masidlan ang saya sa aking puso sa pagtanggap nila sakin.
Sa kabilang banda, naiirita rin ako. Sa sobrang lundag kasi nung isa(kung di ako nagkakamali Cyrus pangalan nya) natumba ako at yung bakunawa jr. nya nangudngod sa pagmumukha ko, muntikan ko pang makagat ang hayop. Gusto ko na sanang saksakin ng Bagwis eh buti nalang umalis.
"Daig mo pa hero's welcome ni Pacquiao uh." Ngiting pagbati sakin ni Tifa na bahagyang nakaupo sa tabi ko.
Gulo-gulo ang kanyang buhok nya at may putik sa ibat ibang parte ng mukha't katawan. Akala mo napaaway. Which is totoo naman.
"Pwidi piro dipindi." Sagot ko. Pinaalis nya muna yung mga nakadagan sakin sabay kuha ng kamay ko para itayo.
"Kamusta sa inyo. Di ba kayo nahirapan?"
"Ok naman, wala namang gaanong happenings. Naagaw lang namin yung mga watawat nila. Kayo?"
"Ayun, sakto lang. Nanalo lang naman tayo."
Nagtinginan kaming dalawa sabay humagalpak sa katatawa. Parehas kaming dumaan sa hirap para manalo, at para kaming nabunutan ng tinik sa pagkikita naming yun.
"MILO!" Bati ni Talas na humangos tungo sakin."
"Yoh!"
"Nadepensahan namin sa abot nang aming makakaya yung pekeng kampo gaya ng sinabi mo. Mahirap pero nagawa namin. Ang dami nila, d-dumating pa yun W-walangtinag pero nagawa naman namin... nang maayos... Nana... na..." Biglang tumulo ang malalaking patak ng luha sa kanyang mata na dumaloy sa inosente niyang mukha.
"N-nanalo tayo hindi ba?" Tanong nya.
Hinimas ko ang kanyang ulunan.
"Oo. Nanalo tayo. Hindi mangyayari yun kung di dahil sa inyo. Salamat." Ngiting pagkunpirma ko sa kanya.
"Sa tingin mo... Matutuwa kaya si Noli sa amin?"
"Hindi ko kilala si Noli, pero nakakasiguro akong di lamang sya matutuwa sa inyo. Ipagmamalaki nya kayong lahat. Lalo ka nang."
Tuluyang dumaloy ang luha nya. Para itong bukal ng damdamin na kumawala sa kulungan ng kanyang dibdib. Pilit syang humihikbi para pigilan ito pero ang tunay na nararamdaman minsan ay may sariling katauhan. Hindi mo ito mahaharangan para pigilan. Yumakap nalang sya kay Tifa na sinuklian naman ito na may dumudungaw na luha sa mata.
Sumunod kong hinanap si Jazz na nakita kong tatawa-tawa kahit may black eye sya sa mata, dahil aminin man natin o hindi, wala namang black eye sa ilong diba? Tinanong ko kung ok lang sya at ang sagot naman nya sakin ay 'sisiw lang ito'. Hindi ko alam kung joke yun dahil manok sya. Honestly di ko talaga sya magets minsan. Kahit tawagin mo syang utak-manok ituturing parin nyang papuri yun eh.
Napuno ng tawanan ay iyakan ang kampo. Ang ilan sa grupo namin may tamong pinsala sa katawan pero hindi nila ito alintana. Ang mahalaga ay ang tuwang nadarama hatid ng aming pagkapanalo.
"Tagumpay!" Pagkuha ng atensyon sa amin ni Talas nang matapos na ang kanyang pagiiyak.
"Ngayong gabi nagawa natin ang ating layon. Ang magtagumpay sa larong ito. Ang pinaka mahinang Balangay sa lahat ang tumayo bilang kampyon sa dulo. Iukit nyo sa ating puso ang karanasang ito ngayon gabi, ang lahat ng kagalakan, sakit at tamis ng tagumpay ay kailanman wag kalimutan. Malakas tayo, lagi nyong tatandaan yan kahit ano pa man ang mangyari. Ngunit manatili parin tayong nakaapak sa lupa. Alam natin ang pakiramdam ng minamaliit, wag natin itong iparanas sa iba. Patunayan natin na tayo ay nagtagumpay hindi lamang sa larong ito ngunit sa ating ding kalooban. Ipakilala natin muli sa kanila kung sino talaga tayo."
Ngumiti ang batang Cabeza sa aming lahat.
"Ano ang pangalan ng ating Balangay?!" Tanong nya.
"MAGTAGUMPAY!!!" Sabay-sabay naming sigaw.
Malipas ang ilang minuto nagtungo na kami sa Tanggulan kung saan ang pinakamalaking sorpera ay naghihintay sa amin.
~~~~~~~~~~~~~~~
Sa loob ng bundok ng Tanggulan ay may isang malaking lugar kainan kung saan ginaganap ang ilang mahahalagang selebrasyon at pagpupulong na kailangan presensya ng lahat ng Napili. Ang tawag namin sa malaking kwartong ito ay Bulwagan. Kung alam nyo yung mess hall sa Hogwarts, parang ganun. Ang pinagkaiba lang ang pader at kisame ay inukit sa mismong bundok, at walang lumulutang na mga multo. Ang disenyo sa pader ay ibat ibang watawat ng Pilipinas, ang ilaw ay mga lumulutang na santelmo na nagbabagong kulay. Sa harap ay may mahabang mesa kung saan naroroon ang mga Pinuno ng Kanlungan sa likod nila ay ang anim na malalaking watawat, lima sa mga Balangay(*1), at ang mismong bandila ng Kanlungan.
Karamihan sa pinuno ng Kanlungan ay hindi ko kilala, may ilan lang pamilyar sa akin na parang nakita ko na sa libro. Nasa gitna si Lapu-Lapu.
Sa harap nito ay may mesang pabilog na may limang upuan sa paligid nito. Tatlo rito ay okupado na ni Tony, Bangis at Kiko. Malamang yun ang pwesto ng mga Cabeza.
Malaking espasyo naman ng kwarto ay nasasakupan ng limang mahahabang lamesa na kayang saklawin ang mga bilang ng mga myembro ng bawat Balangay. Langya, ginaya talaga sa Hogwarts. Walang orihinalidad.
Nung dumating kami run ay halos puno na ang lahat ng mesa bukod sa amin, at Magdiwang na mangilan-ngilan pa lang ang nakaupo. Marahil apektado pa rin sila ng pagkatalo.
Ang una naming ginawa ay dalhin ang mga nakuha naming watawat sa mga Cabeza sa Lamesa(wow rhyme!), na ikinagulat nila. Kalimitan pala ay itinuturing nila itang premyo ng laro at di na ibinabalik sa mayaring Balangay. Ang ilan pa ngay ginagawang nilang mantel. Kaya kalimitan gumagawa na lang sila ng bago.
"Diba ang simbolo balangay at ang mga watawat natin?" Sabi ko sa kanila. "Edi marapat lang na galangin ito at ituring mismo na parang puso ng balangay ninyo. Magkalaban lang naman tayo sa DiWa pero bilang Napili, magkakampi tayong lahat. Kaya naman ngayon ibinabalik na namin ito sa inyo."
Biglang tumayo at lumapit sakin si Bangis, inakbayan nya ako malatroso nitong braso habang tumatawa.
"Gusto ko ang ugali mo Maiko! Sa tingin ay magkakasundo tayong dalawa hahaha!" Ani niya.
Mas magkakasundo tayo kung di basa kilikili mo.
"Salamat." Ilang kong tugon.
"Ang totoo nyan hindi ko naman kailangan ng watawat na yan. May reserba na kaming ganyan." Sabi ni
Kiko sa tonong parang kumakanta. "Pero salamat parin. At maligayang pagbati sa inyong pagkapanalo."
Hindi ko alam kung bakit pero naiiinis ako sa tono niya. Parang ang sarap nyang sapakin. Pakiramdam ko nangungutya sya. O baka dahil close lang sa kanya si Tifa. Ahhh ewan.
"Iwan nyo nalang sa upuan ang watawat. Kami nalang magaabot pag dating nya." Sabi ni Tony nang napansin na nakatingin ako sa bakanteng upuan ni BJ.
"Hindi lang halata pero madrama yung lalaking yun. Hayaan mo na samin yan. Kami nang bahala." Sabi ni Bangis tumango lang ako at nagpaalam kay Talas na naupo sa pwesto nya.
Bago pa ako makaupo sa bakanteng upuan sa mesa sa pagitan nila Tifa at Makie(ayaw nila magkatabi), biglang lumapit sakin si Chacha ng Magwagi at hinawakan ang aking kamay. Binati nya lang binati nya lang ako sa aming panalo at pagtupad sa kasunduan namin, pati narin sa pagsauli ng watawat nila. Pagkatapos bumalik na sya sa kanilang mesa.
"Sino yun?" Tanong ni Tifa na nakakunot ang noo pagkaupo ko. Di ako makasagot agad.
"Sasapakin sana sya ni Milo kanina sa DiWa pero naunahang syang sinampal nito. Kaya ngayon close na sila." Singit ni Makie.
"Huh? Nagpasampal ka tapos ok lang sayo yun? Anong ibig sabihin nun?"
"Ewan ko rin, pero yun ata trip nya. Ang sarap ng ngiti nya nung sinampal sya eh."
"Milo, totoo ba yun?!" Pinandilatan ako ni Tifa.
Syempre hindi totoo yun. O ewan ko lang. Baka nakangiti nga ako nun. Diko lang sigurado. Pero lakas trip parin si Makie. Kung anu-ano pinagsasabi. Buti nalang tumayo na si Maestro Kwatro para magsalita kaya natahimik na ang lahat at nakatakas ako sa mata ng mapanghusgang lipunan.
Di ko na kayo ibobore sa napakahabang talumpati ni Kwatro na muntikan nang magpatulog sa amin. Basta tungkol ito sa kakornihan tungkol sa pagkakaibigan, tulungan blah blah blah, yada yada yada, pero ang pinagtuunan nya ng pansin ay ang kakaibang pinakita namin na kagilagilalas. Na kung papaanong napunan namin ang pagkukulang ng aming grupo sa pagiging malikhain para maungusan ang iba maging kampyon. Labis nya kaming pinuri para rito, tumugon naman ng palakpakan ang ibang Balangay.
At dumating na ang pinakahihintay namin. Ang engrandeng salu-salong hinanda para sa selebrasyon ng pagtatapos ng Libangan ng mga Bayani. Halos malunod kami sa dami ng pagkain. Lahay na ata ng specialty ng bawat rehiyon ay nandun na. Lechon, adobong tagalog, chicken inasal, morcon, embotido(na singlaki ng braso) atbp. Pati panghimagas, may leche flan, yema, haluhalo, sapinsapin, pichipichi(bakit laging inuulit pangalan?) suman, at kung ano pang diko alam ang tawag. Isa lang ang kinalulungkot ko.
WALANG MAYONNAISE!
Bwisit lang.
Sa sahig sa ilalim ng mesa ay may parang kanal na malinis ang tubig, dun kami naghugas ng kamay. Ang dumi ay dadaloy sa pananim sa labas at magsisilbing pananim ng mga ito. Sa paligid ng mesa ay may mga maliliit na gripo kung saan konektado ito sa maiinit at sa malamig na bukal na nasa kailaliman ng lupa. Para kung gugustuhin namin, isang pindot lang ang may malamig o mainit na tubig kaming masasalok.
Bago kami kumaib ay nagpasalamat muna kamo sa Bathala, at sa biyaua ng kalikasan, pati narin sa mga hayop at halaman na nag-alay ng kanilang buhay para masustenahan ang aming hapagkainan, at hiniling na ang kanilang kaluluway patuloy na maglakbay at makabalik sa lupa balang araw. Itinaan namin ang aming inumin at ininom ito.
May kakaibang paraan kami ng paghawak ng baso. Ang kanang kamay ay nakahawak sa katawan ng baso, ang kaliwa naman ay nakasuporta sa ilalim nito. Tinuro saming ugaliin ito pangontra sa lason.
Kung sakaling dumayo ka sa isang lugar o probinsya at tingin mo lalasunin ka nila, ganun ang gawin mo. Kung may lason ang inumin, magkakalamat ang baso at mababasag ito(*2). Hindi ko alam kung ano ang lohika rito, hindi rin ako naniniwala. Pero di naman masamang sundin kaya rakenrol nalang.
"Maaring ko bang hingin ang inyong atensyon?" Sabi sa amin ng Maestro malipas ang ilang minutong pagkain namin.
"Nais ko sanang magbigay ng ilang anunsyo sa inyong lahat ng naririto sa sa Bulwagan." Kumunot ang noo nya sa bakanteng upuan sa bilog na mesa. "Milo, maari ka bang lumapit sa akin ngayon?" Utos nya sa akin.
Nagpalakpakan ang mga tao, lalo na nung mga kabalangay ko habang ako'y naglalakad tungo run. Pero sa loob ko, parang ayoko pumunta run. Nakinikinita ko na ang magaganap.
Hinawakan nya ako sa balikat at hinarap sa madla.
"Alam kong isang baguhan lang ang lalaking ito sa harapan ninyo. Halos wala pa syang isang buwan na namalagi sa atin, pero para sa akin at para narin sa ilan sa inyo, isa na syang ganap na mamamayan ng Kanlungan na hindi kayang palitan. Ang kanyang kontribusyon ay di matatawaran, patunay nito na naging malaking bahagi sya sa naganap na Digmaan ng mga Watawat daan upang manalo ang grupo niya. Hindi ito madali, pero sa tulong nya at kanyang mga kasamahan, nagawa nilang posible ang sa ilan ay imposible." Bigay galang nyang papuri
Nag-alay ng masigabong palakpakan ang lahat nang nasa Bulwagan, may ilan pang sumisipol. Pero may ilan ding napapalingon, hinahanap kung sino yung tumitilaok.
"Itinatalaga ko si Milo bilang Cabeza ng Magtagumpay, samakatuwid sya narin ang magiging Punong Cabeza ng Kanlungan."
Natigil ang palakpakan, maging sa Balangay ko nagulat sa pahayag nyang yun. Marami ang nagtitinginan at nagbubulungan, hindi makapaniwala na sinabi ng Maestro. May ilan pang di kaaya-aya ang reaksyon ng mukha. Nanlaki ang mata ng mga Cabeza, pwera kay Tony na patuloy lang sa pagkain ng lumpia. Si Talas naman... Ewan ko... di ako makatingin sa kanya.
Sinasabi ko na nga ba. Hindi magandang ideya ito, sino nga ba ang papayag pamunuan ng isang salta lang? Akala ko pa man din hindi nya tototohanin, binigyan nya ako ng sakit sa ulo. Pero bahala na, kasama rin ito para sa isa ko pang plano.
"Sandali lang!" Pukaw ko sa lumalakas na pagtutol ng mga residente. "Bago kayo magreklamo pakinggan nyo muna ang sasabihin ko, pakiusap."
Hinintay ko silang tumahimik.
"Tinatanggap ko ang posisyon bilang Punong Cabeza." Lumakas ang pagtutol nilang muli. "Saglit nga lang eh! Makinig muna kayo, saka na kayo magreklamo pagkatapos kong magsalita ok?"
"Bilang bagong Punong Cabeza, may dalawa lang akong dalawang kautusan. Ang una, tinatanggal ko ang Digmaan ng mga Watawat bilang paraan ng pagpili kung sino ang magiging pangunahing balangay at Punong Cabeza ng Kanlungan."
Iba't iba ang reaksyon nila sa aking tinuran. Pero lahat sila naguguluhan sa sinabi ko.
"Ibig bang sabihin tinatanggal mo na ang Digmaan ng mga Watawat ganun ba yon?" Tanong ni Bangis na parang may talim ang boses. Kailangan magingat ako sa isang yun.
"Hindi Cabeza, meron paring DiWa. Pero bilang laro nalang. Ang mananalo rito magkakaruon nalang siguro ng pribelehiyo, pero di na dito magmumula ang Punong Cabeza. Dahil aminin na natin, hindi ito patas na batayan para mamili ng mamumuno. May posibilidad na isang balangay lang ang mamumuno ng ilang taon at di mabibigyan ng patas na tyansa ang iba." Paliwanag ko.
Kahit di sila magsalita batid kong sangayon sila sa sinasabi ko. May ilan pa ngang bahagyang tumatango.
"Eh ano naman ang ipapanukala mong paraan ng pagtatalaga ng pangunahing balangay at Puning Cabeza." Tanong ni Kiko.
"Round robin. Paikot tayo yung paglilipat ng pamumuno. Next year yung iba na yung mamumunong balangay, susunod na taon yung kasunod na balangay naman hanggang mabigyan ng pagkakataon ang lahat at iikot ulit sa simula. Kung paano ang pagkakasunod sunod, pagpupulungan nalang yan ng mga Cabeza."
"Paano yung pamimili ng Punong Cabeza?"
"Bahala na sa balangay yan. Pwede botohan, palabunutan, jack and poy, pataasan ng ihi, bahala na kayo run. Ang mahalaga lahat ng balangay ma patas na pagkakataon. Pwede naman yun diba?" Baling ko kay Lapu-lapu.
"Kung yun ang utos ng Punong Cabeza, wala akong makitang dahilan para kontrahin ito." Pagsangayon nya.
Nagkatinginan silang lahat at nagdiskusyunan. Batid kong sangayon sila sakin dahil may punto naman ako. At kahit di sila sumangayon, wala silang magagawa, utos ko yun eh. Neknek nila.
"Ang pangalawa at huli kong kautusan bilang Punong Cabeza ay bababa ako sa pwesto at itinatalaga kong muli bilang Cabeza ng Magtagumpay at Punong Cabeza ng Kanlungan si Talas." Tinuro ko ang batang Cabeza na litong lito sa pangyayari.
Maging ang lahat ng tao sa bulwagan ay animong nagtatanong kung anong kabaliwan ba ang ginagawa ko. Maliban kay Maestro Kwatro na walang bahid ng pagkagulat. Waring inaasahan nya na ang mangyayari.
"Bakit ko naisip ang desisyong iyan Napili?"
Nagkamot ako ng ulo.
"Alam nyo kasi kahit ako pakiramdam ko hindi ko karapatdapat sa posisyong iyan. Bukod na hindi nyo pa ako lubusang kilala, wala pa akong sapat na kakayahan bilang isang pinuno. Dapat may paninindigan ang pinuno, may patas na pagtingin sa lahat, may kakayahang magpasiklab ng ddamdamin sa pagkakaisa at maging inspirasyon sa lahat. Hindi ako yun." Sabi ko sa kanila.
"Hindi ako sanay sa responsibilidad na pamunuan ang ganito kalaking grupo. Ano namang alam ko run, puro kalokohan lang ang alam ko. Pero si Talas ay naiiba. Nung makita ko kung paano sya magsalita, paano nya pukawin ang damdamin namin, kung paano sya naging inspirasyon ng grupo, at kung paano nya napanatili itong nakatayo kahit hindi maganda ang kalagayan ng balangay namin, nakita ang katauhan ng tunay na pinuno. Dahil sya ay confidently beautiful with a heart."
"Kaya naman ibibinalik ko sa kanya ang posisyong karapatdapat para sa kanya. At nangangakong gagawin qng lahat ng makakaya ko para suportahan sya sa nga bagay na hindi nya kaya magisa. Ganun din ang hiling ko sa inyo, naway magtulungan tayong lahat, tulungan natin ang ating bagong Punong Cabeza Talas."
Tahimik muna ang lahat. Hanggang may nagumpisang pumalakpak(tingin ko si Tifa yun). Ang isa naging dalawa, na naging tatlo na nanging bagyo ng papakpakan at hiyawan, at tilaukan. Ang palakpak ay para sa akin at kay Talas. Na nooy namumula at di magkanda mayaw sa pagpapasalamat sa mga pumapalakpak.
"Mahusay ang ginawa mo." Bulong sakin ni Lapu-lapu.
"Kalokohan. Plinano mo na to." Birong tugon ko sa kanya. Tumawa lang sya bilang sagot.
Naglakad nako pabalik sa mesa, paglagpas ko kay Talas binigyan nya ako ng pinakakatamis nyang ngiti.
"At ngayon may bago na tayong Punong Cabeza, ito naman ang isa ko pang anunsyo sa inyo." Sabi Maestro. "Batid kong ang ilan sa inyo ay nababalitaan na ang tungkol sa isinasagawang pagkilos ng Organisasyon, sa kung anong layunin, hindi pa tiyak. Pero bilang pagtitiyak, may bago akong ipinakikilala sa inyong magiging bagong guro ninyo sa pakikipaglaban."
"Uhhh... Magandang gabi sa inyo."
Napatigil ako sa paglalakad at napalingon bigla sa nagsasalita. Kilala ko ang boses na yun! Pati si Tifa at Jazz napatayo.
"Marahil kilala nyo na ako sa pangalan pero di nyo pa ako nakikita ng personal. Hindi ko kayo masisisi at marami at may katagalan din nung huli akong nagpunta rito. Pero pansin kong mabuti naman ang pakikitungo nyo sa mga estudyante ko rito kaya malamang magkakasundo tayong lahat."
Ang nagsasalita ay nakasuot ng pormal na unipormeng pang militar, kagaya nung suot ni Heneral Luna sa pelikula. Maitago man niya ang bolang kristal nyang bumbunan sa kanyang suot na sumbrero, di nya naman maipagkakaila ang umaalsa niyang tyan kung saan ko sya nakilala.
"Ikinagagalak nyong makilala ako. Isa itong malaking karangalan para sa inyo. Ngalan ko nga pala ay Lam-ang, pero maari nyo ring tawagin akong Liam."
Dumagundong ang malakas na hiyawan sa bulwagan, halos magiba ang lugar sa pagwawala ng mga tao sa galak. Alam kong sikat sya sa Kanlungan pero hindi ko inaasahang magiging ganun kainit ang pagtanggap sa kanya. Para syang Korean star. O parang yung presidente ng North Korea.
Nung nakita nya ako kumindat sya sa akin at may tinuro syang direksyon sa gawing kaliwa kung saan nakita ko si Ines na kumakaway sakin. Nandun na rin si Jazz na hawak ang kamay ng kanyang inay at kinakausap ng tatay nya.
Nakakatuwang isipin na walang napahamak sa kanila di tulad ng pinangangambahan ko. Wala pang isang araw kaming nagkasama, walang mapagsidlan ang tuwa ko nung nakita ko silang muli. Pero may kurot parin sa puso nung nakita ko ang pagtatagpo nila ni Jazz. Naiinggit ako sa kanya.
Bumalik na muna ako sa upuan ko kung saan humihikbi si Tifa. Si Makie naman, wala lang. Di naman daw sya nagduda sa kakayahang mabuhay ni Lam-ang na daig pa ang ipis. Di ko alam kung papuri ba yun o hindi.
"Para madagdagan ang lakas natin sa opensa at depende, itinatalaga ko bilang punong tagapagsanay si Maestro Lam-ang sa lahat ng Bala-"
"Ehem. Ehem." Ubong pagputol ni Lam-ang kay Lapu-lapu.
"Oh? Bakit? May TB ka na naman ulit?" Tanong nito.
"Ehem. Pagpasensyahan nyo na ang Maestro Kwatro ninyo, medyo tumatanda na kaya nagkakamali. Hindi nya ako itinalaga. Ako ang kusang nagpunta rito para sanayin kayo. Lalo na sa Magtagumpay medyo hindi ko nagugustuhan ang kalagayan ng balangay nyo ngayon. Kaya maghanda kayo sa impyernong pagsasanay mula sa akin hahahaha."
Napalunok yung mga kabalangay ko sa kaba. Di ko rin alam kung anong hangin ang umihip kay Lam-ang, daig pa nya ang dalaga magpakipot nung nilapitan namin sya para humingi ng tulong pero nakacostume pa sya at kusang loob na nagalok na sanayin kami. Menopausal stage?
"Ok sige, salamat sa busilak mong puso Maestro Lam-ang, pero dumako na tayo sa mas importateng bagay na dapat nating talakayin."
"Bakit, hindi pa ba ako importanteng talakayin para sayo?"
Napabuntong hiningi si Lapu-lapu. Mukhang malapit na maubusan ng pasensya. Gaya ko. Para akong nanonood sa palaos na comedy bar sa kanila.
"Para sa akin hindi gaano. Kaya pagpasensyahan mo na Maestro Lam-ang, maguulat pa ako tungkol sa dalawang misyon na kailangang asikasuhin. Phil." Tawang ni Kwatro sa pilandok.
Nakuha ni Lapu-lapu ang atensyon ng lahat. Kung nung una puno ng kasiyahan ang bulwagan, nung nabanggit ang salitang misyon, naging seryoso ang lahat at naghihintay sa bawat salitang bibitawan ni Saver the dog wonder. Ganun kaimportante ang mga misyon para sa kanila.
Pero dalawa? May isa pang misyon bukod sa amin?
"Ilang taon na ang nakalipas nang may marinig kaming haka-haka tungkol sa lokasyon ng isa sa mga bertud. Pero lagi tayong nakatatanggap ng ganung balita at halos lahat ng ekspidisyong isinagawa para patunayan ito ay walang naibunga kaya hindi namin ito pinaglaanan ng aming atensyon. Pero nung nakaraan linggo nang makipagugnayan samin si Maestro Lam-ang, humingi kami ng tulong para puntahan at siyasatin ito. Para mas malinaw, ang maestro na ang magpapaliwanag ng nakita niya."
"Masaya naman, maganda ang tanawin, maraming pagkain, tapos yung dagat luntian ang kulay at napakalini-"
"Hindi yan, yung nakita mong may relasyon sa misyon ang tinutukoy kong ipaliwanag mo.
"Ahhh yun ba? Hindi mo kasi nililinaw eh. Ayun, kumpirmado, nandun nga ang isa sa mga bertud."
Dumaloy ang pagkasabik sa lahat ng naroon sa narinig. Isa na namang bertud, kailangang makuha natin yun. Yun ang tingin kong pumapasok sa isipan nila.
Nagtaas ng kamay si Kiko.
"Yes binatang Nobita, ano yun? At wag ka nang magtaas ng kamay, wala tayo sa silid-aralan."
Kumunot ang noo ng Cabeza pero hindi nya na pinansin ang sinabi ni Lam-ang.
"Papaano nyo nasiguradong nandun nga ang isa sa mga bertud? Nakita nyo ba ito ng sarili nyong mata?"
"Hindi, nakita ko ng sarili kong ilong." Sagot nya sabay tawa. Booooo ang korny mo panot! "Pwera biro, alam nyo naman na ang mga dating Pinili gaya namin ay may koneksyon sa mga bertud. Mararamdaman namin ito kung nasa malapit ito na lugar. Hindi ko nakita ang bertud, pero sobrang lakas ng enerhiya nitong nararamdaman ko kahit malayo palang. Sigurado akong bertud yun."
"Bakit di nyo nalang kinuha kung nandun naman pala?"
"Hindi ganun kadali. May nagbabantay rito."
"Ang Organisasyon?"
Dumilim ang mukha ni panot.
"Hindi. Mas malala pa. Ang bertud ay nasa Panatag Shoal(*3) na ngayon ay sinakop na ng mga Tsino."
Tumigil ang paghinga sa kwarto. Hindi lingid sa kaalaman nila ang kaganapan kung saan ginagawa base militar ng mga tsino ang islang teritoryo natin. Paano kukunin ang bertud nun?
"Ang hinala namin may kamay ang Organisasyon sa nangyari." Sabi ni Phil. "Inimpluwensyahan nila o tinakot o pinangakuan ng kung anong kayamanan o kapangyarihan ang mga Tsino para sakupin ito dahil di nila ito pwedeng hawakan ng direkta. Kaya ganun nalang ang kagustuhan nilang kamkamin ang sarili nating lupain."
"Kaya magtatalaga kami ng tigiisang myembro ng bawat balangay para bumuo ng grupo ng lima upang pasukin nang palihim sa base ng mga Tsino para kunin ito. Para magawa iyon kailangang pagsasamahin ang kakayahan ng bawat balangay, punan ang pagkukulang ng isa, para masigurado ang tagumpay ng Misyong ito." Ani ni Lapu-lapu.
Tumayo si Gregorio pqra mqkuha ang atensyon namin.
"Hindi pa ito ngayon, gagawin natin ito sa susunod na buwan, sa ngayon naghahanap muna kami ng boluntaryo. Sa may gustong sumama, pumunta kayo sa tanggapan ko kinabukasan, at doon pipili ako ng karapatdapat na mapasama sa grupo." Sabi nya.
Nagtitinginan at nagtatanguan ang mga Napili. Mukhang maraming gusto magboluntaryo. Gustong tapunan ng putik sa paumukha ang mga mananakop at turuan sila ng leksyon.
"Iyon lang ang para sa misyong iyon. At ngayon para sa mas nakababahalang balita na dapat nyong malaman....." ani ng Maestro Kwatro.
At kinuwento nila ang tungkol sa Bakunawa. Kung paano ito nakatakas, ang paghingi ng tulong ng Dyosa Mayari, ang nalalapit na pagkain nito sa buwan at ang kaakibat nitong delubyo kapag naisakatuparan.
Bawat salita ay bumibigat ang atmospera ng kwarto, ang kabog ng dibdib ng lahat ay halos marinig mo na. Nahintakutan ang lahat sa balitang kanilang narinig.
"Para sa misyon puksain ang bakunawa, itinatalaga ko si Milo at ang kanyang grupo para isakatuparan ito."
Umani ito ng iba't ibang reaksyon. May natuwa mula sa grupo ko dahil isa itong karangalan, may natuwa rin dahil hindi sila ang napiling Napili para rito, mas mabuti nang ako nalang kaysa sila. Mahusay.
Pero karamihan ay hindi sangayon sa pagpili sa amin.
"Mawalang galang na po Maestro. Hindi sa nagdududa ako sa kakayahan ni Milo, pero hindi ba may mas karapatdapat pa sa kanya, tulad na lamang ng Cabeza namin? Panigurado kaya nyang patayin ang Bakunawa kumpara sa kanya. Ano ba ang nagawa nya para mapunta sa kanya ang karangalang gawin ang misyon?" Argumento ng isang taga Magdiwang. Sinangayunan sya ng iba nyang kasamahan.
"Ang resulta siguro ng DiWa ang magsasabi ng sagot sa tanong mo. Ilang taon kayong di natalo? Tatlo? Nung dumating ang grupo ni Milo natanggal kayo sa laro, nagawa nilang maging kampyon at nakapagpatala pa sila ng pinaka malaking puntos sa kasaysayan ng DiWa. Tinanggihan pa nya ang pagiging Punong Cabeza, ibig sabihin ang hindi ulo ang malaki sa kanya, kundi puso. Samantala, asan ang inyong Cabeza ngayon? Hindi dumalo sa pagtitipong ito dahil lamang sa isang pagkatalo? Ang ganyang mentalidad ang hindi nakapagtala ng puntos sa akin. Kung ako ang tatanungin nyo mas karapatdapat si Milo kumpara sa Cabeza ninyo." Tugon ng Maestro.
Hindi makahanap sagot ang lalaki. Natuklasan ko na ang dahilan kung bakit kailangan naming manalo sa DiWa at maging Punong Cabeza ako kahit alam nyang tatanggihan ko. Para magamit sa argumentong tulad nito. Well played, Lapu-lapu. Napakahusay.
"Kung duda pa kayo sa kakayahan niya" singit ni Lam-ang. "Masasabi kong sya ang pinaka magaling kong estudyante."
Tinignan nila ako nang may paghanga. May 'Oooooo' 'woww' 'talaga?!' pa akong narinig. Malamang! Ako lang naman 'estudyante' nya eh! Si Jazz naman mga magulang nya nagtuturo. Adik din yun eh.
"Bukod dun nasa kanya pa ang sandatang na gawa sa balahibo na kayang pumatay sa bakunawa dati kong pagmamay-ari."
"Ehem." Ubo ni Lapu-lapu.
"Pag-aari nya pala. Ang tawag namin dito ay Balisword! Haha. Kasi para itong balisong na may sword, nakuha ninyo? Balisword, balisong na.... sword... Ok sige tatahimik nako." Sabi nya nung napansin nyang sing lamig ng tuktok ng mount everest yung joke nya. Sa sobrang tahimik naririnig ko na yung langgam sa labas na nagbebeatbox.
"Bukod pa run sya ang mismong inihiling ng Dyosa Mayari na para gawin ang misyong ito. Alam nyo kung bakit? *insert drumroll here for suspense* Dahil sya ang Pinili ng bertud ng katapangan. Ang unang Pinili ng Kanlungan makalipas ang napakahabang panahon." Pasabog nito.
Doon halos nagkagulo ang lahat. Nagtayuan sila at ang ilan ay lumapit para makita ako ng mas maayos. Di sila nakapaniwala na isa akong Pinili. Pero para akong idolo kung ituring nila sa kinang ng kanilang mata. Pakiramdam ko unggoy ako sa zoo. Bwisit din si Maestro eh.
Pero ang totoo nyan ay epektibo ang ginawa nya. Nung humupa na ang komusyon, kasanay nitong tumila ang lahat ng agam-agam hinggil sa aking pagkakatalaga para sa misyon. Lahat sila'y kumpyansa na magagampanan ng Pinili ang iniatas sa kanyang trabahong. Bakit naman hindi, papatay lang naman ako ng higanteng ahas-dragon. Maliit na bagay.
"Kung wala nang tututol, ipagpatuloy na natin ang kasiyahan! Milo at grupo nya, maghintay kayo mamaya ng utos kung anong gagawin, pansantala magpakasaya muna kayo sa ating munting piging!"
Nagkaroon ng tugtugin mula sa kung saan. Nung hinanap ko nakita ko si Julian Felipe na nasa mixer ng dj at nagpapatugtog ng folk song. Ang weird lang. DJ sa folk songs? Diko alam kung anong maikokomento ko run.
Diko sya masisisi. Matapos yung konserto parang galing sa lupa nya nung flag ceremony, pinili nya nalang sigurong maiba ng linya. Pero yung nakamix yung kantang dessert at matud nila ay parang di bagay. In my humble opinion lang naman.
Sa gitna ay nagkaroon ng isang sayawan na pinanuod ng nakapaikot na mga nakapaikot na madla. Maglalatik yung sinasayaw nila. Yung mag mga bao ng niyog sa katawan tapos pinupukpok nila ng mga baong nakatali sa kamay nila. Mas brutal lang. Bukod sa normal steps, kailangan mo ring pukpukin nang ubod ng lakas yung bao ng kalaban hanggang sa mabasag lahat ito. Panalo yung may matitira. Talo yung basag yung bao. Saka kung ano pang ibang pwedeng mabasag sa katawan nila.
Narealize ko lang na di na iyon sayawan lang nung may mga nagpupustahan na ng galunggong sa gilid ko. Ginawang sugal.
Saglit lang akong sumilip pero nagsawa rin kaagad ako. Pupuntahan ko sana si Lam-ang pero kausap nya si Talas. Tungkol siguro kay Noli ang usapan, at sa reaksyon ni Talas mukhang wala syang magandang balitang natanggap. Pinili ko munang hayaan silang magusap at tumungk kay Ines na noon ay nakikipagtawanan kay Tifa.
Pero bago ako makarating may lumapi sakin si Langib.
"Kumandante! May naghahanap sayong bata. Kanina ka pa raw hinahanap." Sabi nya.
Bata?
"Sino daw sya?"
"Hindi sinabi eh. Pero ayun sya oh." Turo nya.
Isang batang babae na nakaputing bestida at nakayapak ang naglalakad tungo sa akin. Himihigop sya ng mik-mik chocolate na daladala nya. Di sya gaanong napapansin ng mga tao pero namumutawi ang itsura nyang halos kumikinang. Bago na ang suot na eyepatch na may disenyong hello kitty.
"Kamusta Pinili?" Bati sakin ng Dyosa mayari nung nakalapit sya. "Binabati sa pagkapanalo nyo, pero inaasahan ko nayu-fggggbsgsunh."
Biglang may kamay na dumapo sa kanyang mukha at dinunggol sya palayo. Tinulak sya ni BJ na humarap sa akin ng nanlilisik ang mata.
Hinawakan nya ako sa kwelyo at inangat para ilapit ang mga mukha namin. Akala ko hahalikan ako eh. Blechhh.
"Akala mo palalampasin ko lahat ng pagpapahiya mo sa akin. Tapusin na natin ito ngayon. Ilabas mo ang sandaa mo at ingungudngod kita sa lupa." Hamon nya sakin.
Wala lang sakin ang sinabi nya. Ni aalang butil ng takot akong naramdaman sa kanya. Kahit kanila Lam-ang at Lapu-lapu na napapansin na ang nangyayari, hindi ko na naisip kung akong tumatakbo sa utak nila.
Ang kinakatakutan ko ay ang dyosa ng buwan na lumulutang sa ere, pumapagaspas ang buhok at namuti ang mata. Sa galit nya nakakaramdam ako ng konting pagyanig ng lupa. Unting unting nagdidilim ang paligid
Patay kang bata ka BJ, ano na namang tong ginawa mo?
◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎
(*1) Alam nyo na ang itsura ng watawat ng ilan sa mga balangay, pero ang iba hindi pa. Ilalarawan ko para sa inyo.
Magtagumpay - kulay itim ay may simbolo ng buwan sa gitna.
Magdiwang - kulay pula na may gintong araw sa gitna na paalon ang sinag.
Magwagi - kulay bughaw at may hugis ng tigmamanukan sa gitna. Yun yung tumuka sa kawayan nila malakas at maganda, remember?
Magdalo - dilaw na may parang ahas na may pakpak sa gitna. Yun ang Galang Kaluluwa na bestfriend ni Bathala. Sa susunod ko na ididiscuss.
Walangtinag - puti na may kawayan sa gitna. Kawayan nila malakas at maganda to be exact.
(*2) paghawak sa baso kontra lason.
Hindi ko alam kung saan ito nagsimula, pero sa probinsya ito ang punapayong laging gawin at epektibo raw ito. Lalo na kung dayo ka sa isang lugar, may mga taong(o hindi) na nanglalason sa inumin, at ito ang magsisilbing depensa nyo laban rito.
(*3) Panatag Shoal.
Kilala rin bilang Scarborough Shoal. Diko na siguro kailangang ipaliwanag ito. Ito yung inagaw satin ng magnanakaw ng teritoryo na itago natin sa pangalang China. Makakarma rin kayo.
******************
Extra:
May nagrequest neto. Kaya enjoy.
Mathematics - Sipnayan (isip hanayan)
Physics - Liknayan (likas hanayan)
Chemistry - Kapnayan (sangkap hanayan)
Biology - Haynayan (buhay hanayan)
Social sciences - Ulnayan (ulnung hanayan)
Palawigin pa natin.
Algebra - palatangkasan/panandaan
Arithmetic - bilnuran
Geometry - sukgisan
Trigonometry - tatsihaan
Calculus - Tayahan.
Whooooooooo. Yun lang.
◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎◎
A/N:
Sorry super busy kaya super late. Salamat po sa 51k Reads!!!! Whuhuuuuuuuuuu.
Next chap ang sunod na kwento magsisimula na.
Sorry sa drawing ko. Pagpasensyahan nyo na.
Dedicated kila TGITR_ BatangX82389, xxbibsx na lagi nangungulit ng UD at di nagsasawa sa katamaran ko.
Pati sa mga nagsend ng fanarts, sobrang overwhelmed ako. Salamat kay CarlJamesCayosa, @Jonis diko lam watty mo eh
Kay cyruslee5492 na sabi dati gustong magextra, kaya pati bakunawa jr nya inextra ko na.
At advance happy birthday kay blkside Sana magkatuluyan na kayo ahaha
Higit sa lahat, kay lolo ko na pumanaw kahapon. Ingat sa paglalakbay. Ikamusta nyo ako kay Bathala at kay Rusty.
;)
Super haba netong chap uh.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top