KABANATA XX - DUELO!
Nakadapa si Bon Jovi sa sahig.
Walang malay.
Matapos ang ilang minutong sagupaan, nakahanap ako ng pagkakataon at nahambalos ko sya sa panga. Para syang patay na bumagsak, umaagos ang dugo sa putok na labi.
Nakatayo lang ako, iniinda ang pagod, at tulala sa nangyari. Hindi ako makapaniwala na ako ang nananatiling nakatayo. Nangingilabot ako sa galak.
Itinaas ko ang aking mga kamay at sumigaw.
Ako ang nagwagi. Ako ang nanalo sa Duelo namin!~....
Pero syempre joke ko lang yun, di yun totoo. Iniimagine ko lang kung ano mangyayari kung ako mananalo. Inaattract ko kumbaga. Sorry haha.
Ang totoo nyan, malayo dyan ang nangyari.
Nung nagsimula ang laban, akala ko susugurin nya ako kaagad pero hindi. Nakatayo lang sya na parang walang pakialam. Nangungulangot pa sya, adik.
Mukhang hinihintay nya akong maunang sumugod, na ayoko namang gawin. Madedehado ako run. Pero lumipas ang isa, dalawang minuto nagsimula na akong mainip.
"Bon Jovi, ano magtitinginan nalang ba tayo? Bat di kapa lumusob?" Tanong ko.
"Bakit ako? Diba ikaw ang may sandata? Palulusubin mo ako sayo nang nakakamay? Tama ba yun?"
"Edi magkutsara ka!"
Tama sya, dapat ako ang lumusob dahil ako ang may hawak. Kahit yung mga manonood iyon ang inaasahan, binubuyo na nga nila ako.
Pero nagaalangan ako. Sinusubukan kong tawagin sa isip ko yung mahiwagang boses na nagtuturo sakin kung paano lumaban pero wala rin. Para lang akong baliw.
Paano ako mananalo nito?
"Mukhang namomroblema ka uh." Sabi ni BJ. "Tutal naman magschoolmate tayo, bibigyan kita ng isang minuto. Atakihin mo ako, hindi kita gagantihan."
"Weh?"
"May isang salita ang Supremo."
Nairita ako sa kayabangan nya, pero hindi ako tanga para palampasin ang ganung pagkakataon. Hindi na ako nagdalawang isip kung isa itong patibong.
"YAAAAHHHHHHH!!!!!"
Nilusob ko sya hawak ang arnis na parang palakol. Pinuntirya ko ang ulo nya. Wala akong intensyong saktan sya talaga. Ok, meron konti. Or marami. Ah basta, alam ko kasing pag hindi buo ang loob ko, hindi ako mananalo sa kanya. Sorry BJ.
Buong lakas ko syang hinambalos, at tumama naman ako... sa hangin.
Gahibla lang ang pagitan at nakaiwas sya agad sa arnis ko. Nagulat ako, pero sya nagkibit balikat lang na parang sinasabing "eh, wala eh".
Nung naubos yung unang gulat ko inatake ko ule sya. Lumiyad sya nang konti at di ko parin natamaan. Isa pa ule. Isa pa. At isa pa. Walang tumama sa lahat ng atake ko.
Ang nakabibilib pa hindi sya halos gumagalaw sa kinatatayuan nya. Bawat iwas nya ay minimal, sakto lang na hindi sya matamaan. Nagdududa tuloy ako kung umiiwas ba talaga sya o sadyang ako lang ang nagmintis. Nakakakilabot na abilidad.
Kung di ako tumatama sa hampas, sumubok ako ng ibang paraan. Itinusok ko ang arnis sa tyan nya, gitna ng katawan nya para mas maraming tyansang tumama. Pero bago ako makatama tumagilid sya at hinawakan ang arnis ko. Gamit ang momentum, hinila nya ito kasama ako, iniwasiwas nya ako paikot sabay binitawan. Muntik na akong madausdos.
Patay. Dahil sa gulat ko nawalan ako ng depensa kung bigla nya akong atakihin. Inangat ko ang aking kamay para takpan ang ulo ko.
Pero di dumating ang atake nya.
Sumilip ako at nakita ko syang nakatingin sa PuSi sa galakgalakan nya na parang relo, may watch function din ata yun. Ngumiti sya sakin.
"30 seconds."
Oo nga pala, nalimutan ko yung 1 minute na grace period ko. Pero yari, kalahati nalang wala parin akong malinis na tama. Isip pa ng paraan.
Nilusob ko uli sya, pero sa pagkakataong yun, ang mga binti naman nya ang tinarget ko. Humampas ako nang pakaliwa, tumalon sya at di na naman ako nakatama.
Gaya ng inaasahan ko.
Kung nasa ere sya hindi sya makakaiwas sa susunod kong atake.
Pwera nalang kung may double jump sya.
Kung meron papahiran ko sya ng kulangot sa mukha at magrereklamo kay Duterte. Si Mario nga wala atang double jump, sya pa kaya.
Hinawakan ko ang arnis at humampas ako nang parang naggogolf nung tingin kong nasa rurok na sya ng pagtalon. Pero lumampas lang ito sa kanya. Hindi parin ako nakatama!
Mali ako ng kalkula, hindi lang sya tumalon pataas kundi paatras din. Nabasa nya ba ang iniisip ko?
Wala nang panahong magisip, pinaulanan ko sya ng hampas. Kanan, kaliwa, taas, baba, patusok, padiagonal, pazigzag, paoctagon, lahat na ginawa ko pero iniilagan nya lang ito nang walang hirap. Di mo akalain sa katawan nyang yun makakakilos sya nang mabilis. Hinahabol ko na ang aking hininga pero sya ay tatawa-tawa.
Para syang balerina... na may beer belly. Napaka graceful, pero greaseful.
Hindi ko maiwasang humanga sa kanya.
Kaya mas lalong nakakainis
Inalay ko ang lahat ng inis na yun sa isang mapwersang paghataw. At sa gulat ko, tumama ako. Sa wakas.
Pero di sa inaasahan kong paraan. Hindi ko sya tinamaan sa mukha, o katawan.
Sinalo nya lang ang arnis gamit ang kamay.
"Times up. Ako naman." Ngising demonyong sabi nya sa akin.
Hindi na ako nakapaghanda. Singbilis ng kidlat na lumapat ang kamao nya sa sikmura ko. Namilipit ako sa sakit na di ko inaasahan. Kulang nalang mawalan ako ng ulirat at sumuka ng dugo.
Panandalian akong nawala sa sarili ko. Batid kong naghihiyawan ang mga tao at parang may sumisigaw ng pangalan ko pero wala run ang atensyon ko. Naramdaman ko na lang na napaatras ako ang napaupo, hinahabol ang hiningang nawala sa katawan ko.
"MILO SA HARAP MO!!!"
Nagising ako sa sigaw, kung kay Makie o Tifa ba yun hindi ako sigurado, pero buti nalang. Dahil pagtingin ko sa harap may lumilipad na paang papalapit sa mukha ko. Payuko akong umilag sa sipa ni BJ at gumapang papalayo.
"Oh anong ginagawa mo at gumagapang ka dyan na parang parang ipis, may hinahanap ka ba?" Pangasar nya.
Habang umuubo nagpanggap akong may hinahanap.
"Oo meron. Eto oh." Tumayo ako saka ipinakita yung butil ng batong napulot ko lang.
".....Ano yan?"
"I.Q. mo. Nahulog mo ata."
"Nakuha mo pang magpatawa. Akala mo ba yan ang magpapanalo sayo rito? Kung yan lang ang alam mo, wala kang karapatang manatili pa rito."
Alam ko yun. Nangaasar lang ako para itago ang takot na naramdaman ko. Giniba nya ang lakas ng loob ko sa isang suntok. Buti nakarecover ako kahit kaunti. Pero kapag tinamaan pa ako ulit ako nun baka di na ako makatayo. Kailangang maging maingat. Naisip kong dumistansya nalang muna, iwasan ang atake nya at pag nagkaroon ng pagkakataon hahampasin ko siya gamit ang arnis ko....
.....Na hawak nya
ANAK NG BAKLANG T-REX NA NAGMEMENOPAUSE NASA KANYA YUNG ARNIS KO! Nabitawan ko nung sinuntok nya ako!
"Ummm.. Bj akin ata yan. Pasoli naman." Pakiusap ko.
"Eto ba? Oh, catch!"
Binato nya bigla yung arnis sa akin. Sa gulat ko nag-X ako ng braso pansalag. Naramdaman ko ang sakit ng pagtama nito at tumalsik sa di kalayuan. Bigla ko nalang napuna sa gilid ng kaliwang mata ang paglapit ng kamao ni BJ sa akin. Sinabayan nya ng pagbato ang atake nya!
Nagsquat ako at dumaplis sa buhok ko yung sapak nya. Umatras ako palayo pero hindi nya ako pinakawalan. Inundayan nya ako ng mga suntok na sa kabutihang palad naiilagan ko. Yung mga hindi ko mailagan sinasalag ko ng bisig ko. Pero bawat salag ko may pinsala rin sa akin, puro pasa ang bisig ko at parang mababali kung magpapatuloy pang tamaan ng mala granada nyang suntok.
Pinahanga ko ang sarili ko. Hindi ko alam kung paano ko naiilagan ang mga atake nya gayong sobrang bilis nito. Pati si BJ parang nagulat din. Ito marahil yung sinasabi ni Makie na likas kong kasanayan sa pakikipaglaban. Pero hindi yun sapat para manalo. Walang mangyayari kung puro ilag lang ako, kung hindi ako makakatama sa kanya hindi ako mananalo. Pero walang pagkakataon, dahil isang pagkakamali lang tiyak na hahalikan ko ang sahig.
At dumating nga ang pagkakamaling yun.
Inundayan nya ako ng kanang suntok na mabilis ko namang inilagan. Sa sobrang bilis hindi ko agad namalayang peke lang pala ito at ang tunay na suntok ay nanggaling sa kaliwa, kung saan ako umilag. Huli na nung nakita ko yung kamao nya papalapit sa akin. Ang tangi ko nalang nagawa ay salagin ito.
Gamit ang mukha.
PANG! Tumalsik ang katawan ko at halos tumalbog pagbagsak. Naalog ang utak ko at nandilim ang paningin. Hindi ako sigurado pero nawalan ata ako ng malay. Ang alam ko lang sumabog ang lasa ng dugo sa bibig ko, at ang sakit na sing lakas ng pagtibok ng puso ng isang butanding.
Sa lutang na pandinig ko, naririnig ko ang hiyawan ng mga tao. Ang mga nagtatawanan, nangungutya, pati ang sigaw ng kasama ko na tumayo ako. Parang ang sarap nalang na matulog pero hindi maaari. Nakakahiya. Ang lakas ng loob ko maghamon tapos sa isang suntok magpapatalo lang ako? Kailangan kong tumayo.
Iginalaw ko ang kamay ko para tumayo pero may nahawakan itong isang bagay. Naalala ko ang sinabi ni Jazz, dapat utak ang gamitin ko at di lakas. Nakaisip ako ng plano.
Tumayo sya sa kinadapaan ko. Ginagalaw nya ng paa nya ang katawan ko, pero di ako kumilos.
"Oh ano, asan na ang kayabangan mo? Hanggang dyan ka lang pala. Ni hindi man lang ako pinagpawisan sa iyo."
Hindi parin ako kumilos.
Minulat ko ng kaunti ang mata ko, nasilip ko syang nakatingin sakin. Hindi ko mabasa ang ekspresyon nya. Tapos bumungisngis sya sa mga manonood, naghiyawan naman sila. Itinaas nya ang kamay nya bilang simbolo ng pagkapanalo.
Yun ang hinihintay ko.
Gamit arnis na napulot ko, hinambalos ko ang alulod ni BJ nang buong lakas. Napamura sya sa sakit at tatalun-talon sa kabilang paa. Hindi na ako nagaksaya ng oras at binalya ko sya, nawalan kami ng balanse natumba sa sahig. Nabagok sya at panandalian natigilan, sinamantala ko ito at niluhuran sya sa dibdib sabay tutok ng dulo ng arnis sa mukha nya.
Nabaligtad ko ang sitwasyon namin. Yeah boi!
Natahimik bigla ang manonood bukod sa mga kasama ko at kampo ng Magtagumpay. Hindi makapaniwala sa nangyari.
"Bon Jovi sumuko kana." Sabi ko.
"At bakit? Dahil hahampasin moko sa mukha ng batuta mo?"
"Dahil ang awkward ng posisyon natin! Tapos ang gay pa ng sinabi mo, batuta amp, kakilabot. Pakyu wag ka magblush! "
"@$^# di ako nagbblush! Rosy cheeks lang ako! (Ubong awkward) Sa tingin mo ba nanalo ka na sa akin dahil lang napatumba mo ako?"
"Oo naman yes. Ano pabang magagawa mo sa ganitong pagkakataon?"
"Ganito."
Napahiyaw ako sa sakit nang bigla nyang hablutin at marahas na pigain ang sugat na gawa ng sigbin sa braso ko. Unti unti nanunuot sa damit ang dugo mula sa nagbubukas na sugat.
"Akala mo ba hindi ko napupunang iniiwas mong matamaan o mapwersa iyang braso mo? Hindi ko alam kung saan ka nasugatan pero nagkakamali ka kung akala mong bibigyan kita ng handicap dahil dito."
Piniga pa nya ito nang mas mahigpit, umagos ang dugo sa braso ko. Pakiramdam ko mawawalan ako ng malay sa sakit, sumisigaw nalang ako para kapitan ng malay.
"Duwag ka BJ! Lumaban ka nang patas!" Sigaw ko sa kanya.
"Sa mata ng digmaan lahat ng gawain ay patas!" Sagot nya. "Hindi ka hihintayin ng kalaban na matapos magsintas ng sapatos bago ka nya patayin. Tandaan mo to Milo, sa mundo ito ang taong naglalaro nang malinis ay nadudumihan sa sarili nilang dugo at ng lupang pinaglilibingan nila. Kung gusto mo ng patas, mali ka ng mundong piniling pasukan!"
"Hindi ko pinili ang mundong ito!"
Gamit ang kabilang braso hinataw ko sya ng arnis. Pero napigilan nya ito ng kabilang kamay.
"Pwes magreklamo ka sa sarili mong tadhana!"
Hineadbutt nya ako. Sa lakas medyo napatalsik ako palayo. Hilo at masakit ang braso, napasalampak nalang ako sa sahig.
Tumayo sya at nagpagpag ng katawan na parang walang nangyari. Ibang klase sya. Para wala na yung sakit naramdaman nya saglit lang ang lumipas. Habang ako gusto nang mawalan ng ulirat.
Imposible to. Paano ako mananalo sa kanya?
Napalingon ako sa mga kasama ko. Si Tifa ay parang lumuluha na sa pagaalala sa akin. Sabay kuha ng picture. Langya.
Yung dalawa naman ay bakal ang ekspresyon. Malamig at matigas. Nakakapangilabot. Maging ang ngiti ni Jazz ay nawala na sa mga labi nya. Parang anumang oras mapuputol na ang pisi nila. Sa kamay ni Makie ay may kumikinang pa na gintong kutsilyo, at sa mga mata nya may ibang patalim na kumikinang.
Hindi ako pwedeng sumuko. Pag natalo ako di ako sigurado kung anong gagawin ng dalawa. Mas nakakatakot pa sila kumpara sa damuhong si BJ.
Gamit ang arnis(na diko nabitawan thank you very much) bilang tungkod, dahan dahan akong tumayo.
"Hindi ka parin ba susuko? Di paba sapat yang pasakit na dinaranas mo?" Ani ni BJ.
"Wag kang magulo Supremongoloid! Nagiisip ako!"
Di napigilan ng audience ang matawa, binulong-bulong ang katagang Supremongoloid.
"S-supremongo?!... Ako ba ang nilalait mo?" Nanggagalaiting tanong nya.
"Well, duh? Sino paba?"
Nilibot ko ang mata ko sa stage sa paghahanap ng isang bagay, at sa kabutihang palad nahanap ko naman ilang hakbang lang ang layo sa akin. Paika-ika ko itong pinuntahan at pinulot. Kahit medyo alangan dahil sa kumikirot na sugat at sakit sa buong katawan, mas gumaan ang loob ko nung nahawakan ko ito.
Dalawa na ang gamit kong arnis.
"So feeling mo mananalo kana dahil dalawa na yang patpat mo? Kahit anong gawin mo walang mangyayari. Ang talunan ay talunan parin sa huli."
"Ang sabi mo kanina mali ako ng napiling mundo. Ikaw ang nagkakamali, hindi ko ito pinili, napilitan lang ako. Pero kung tutuusin ngayong nakita ko na ang mundo ng Napili masasabi kong nakakatakot ito, pero kahit minsan walang pagkakataong nabagot ako...... Parang gusto ko na ang mundong ito. Parang lang, dipa ako sure"
"Hindi nabibilang rito ang mga talunang gaya mo."
"Eh bakit nandito ka? Saka tanging mga sumusuko lang sa pagsubok ang maaaring tawaging talunan. At hanggat may natitira pa akong libag sa katawan, di ako susuko."
Nung nakita ko si Makie naalala ko ang mga payo nya. Humarap nang patagilid at maging kalmado. Sa kaba ko nakalimutang kong gawin iyon.
Umayos ako ng pwesto, pumusisyin nang patagilid ang katawan para minimal ang makita ni BJ sa akin.
Huminga ako nang malalim, kinalma ang dibdib at kinalimutan ang sakit. Binakante ko ang isipan ko, at nagulat akong unti unting tumatalas ang pakiramdam ko.
Kumilos mag-isa ang katawan ko, hinanap ang tindig na tingin ko'y pinaka komportable at mainam sa pakikipag laban. Ang kanang arnis ay nasa harapan ko kalabel ng sikmura at naka diagonal. Habang nasa bandang itaas ng likod ng ulo yung isa naka horizontal.
Ang nakapagtataka, nung ginawa ko yun biglang nanahimik ang mga manonood. Pati si BJ nagbago ang wangis ng mukha. Panget parin pero naging mas seryoso na. Naging tensyonado rin ang ere.
"Bigyan nyo ako ng patpat!" Utos ni BJ. May lumapit sa kanya at inabot ang isang patpat na kagaya ng sa akin.
"Akala ko na hindi ka gagamit ng armas?"
"Siraulo lang ang mangmamaliit sa kalabang handa kang patayin."
"Patayin? Pinagsasabi mo dyan, nakasinghot ka?"
"Wag kang magkaila. Tignan natin kung hanggang porma lang yang Kali(*1) mo."
Bago ko pa man sya maintindihan walang kaabog-abog na linusob nya ako. Pinuntirya ng sandata ang mukha ko. Pero sa labis kong pagkagulat, kusang gumalaw ang katawan ko para tapikin ito palayo gamit ang patpat ko, at ang kabila naman ay hinampas sya pababa. Umiwas sya paikot at ginamit ang pagarko para hampasin ako na naiwasan ko naman sa pagyuko. Pataas naman akong nagwasiwas na naiwasan rin naman nya sa pagbackflip. Oo, backflip. Sa laki nyang yun nagbackflip sya. Watdapaps. Tapos inatake nya ule ako.
Umabot siguro ng isang minuto ang palitan namin. Lumilipad ang mga sandata namin pero walang malinis na tama, lahat naiilagan at nasasangga. Kita sa mukha ni BJ ang pagtataka, kung paanong ang kagaya kong naglulupasay na nakakasabay pa sa kanya.
Pero kung may higit na nagulat bukod sa kanya at sa lahat ng tao sa arena, ako yun. Paano ko nagagawa yun, hindi ko parin maintindihan. Para akong nasa zone. Para akong ibang tao.
Pero kahit gaano kagaling ang pinakita ko, lumitaw ang kakulangan kong dumaig sa akin na namumutawi ka BJ.
Karanasan.
Nagkasanggaan ang patpat namin, kaliwa sakin, kanan ang sa kanya. Hahatawin ko sa ng kanan at ng akmang sasalagin nya ito ng braso binago ko ang direksyon at tinamaan ko sya sa wakas sa tagiliran na sya namang ininda. Akala ko ok na, pero may hindi pumasok sa isipan ko. Ang tibay ng pangangatawan nya.
Kung ibang tao yun, namilipit na sa sakit. Pero nagulat ako nang ipitin nya ng braso ang arnis ko, sabay hawak ule na sugat ko sa braso. Nanlambot ang tuhod ko sa sakit di ko namalayan ang patpat na tumama sa leeg ko.
At ayun na. Bumulagta raw ako na parang patay. Di ko maalala dahil saglit akong nawalan ng malay. Sumunod kong naalala ay nakatayo sya sa gilid ko at may sinasabi tungkol sa panghahamon ko at pagpapahiya sa kanya.
Bumagsak sakin ang katotohanan. Natalo ako.
Tapos bigla nya akong sinipa sa tagiliran. Gumulong gulong ako. Para akong manganganak sa sakit, di makahinga, makaubo at namimilipit. Di pa nakuntento, inapakan nya ako sa dibdib.
"Yan ang napapala ng kumakalaban sakin Milo. Dito sa Tanggulan ako at ako lang ang nasusunod, lahat ng tumutuligsa nababagay lang na apakan ng sapatos ko. Kung sana sumuko ka lang kanina, hinayaan na kita. Pero ngayon... nagbago na ang isip ko."
Nanlaki ang mata ko nang itaas nya ang hawak nyang patpat. Hahampasin nya ako sa mukha! Papatayin nya yata talaga ako! Ni hindi ko pa kayang depensahan ang sarili ko, wala pa akong lakas para itaas ang mga kamay ko!
Pero biglang may kumikinang na tumama sa kamay nya at nabitawan nya ang patpat. Hindi nya pa nakita ang isang tumalon sa ere at paikot na tinadyakan sya sa batok. Bumulagta syang padapa sa sahig, hinatak ang braso nya, pinilipit sa likod at niluhuran para di makakilos. Isang kutsilyo ang tumarak sa lupa ilang pulgada ang layo sa ilong ni BJ.
"Galawin mo pa isang hibla ng buhok ni Milo, sisiguraduhin kong hindi kana makakatayo muli." Gigil na hamon ni Makie na buhok ay sumasayaw at kumukutitap sa hangin.
Sobrang bilis lahat ay natulala sa nangyari. Pati mga cabeza napatayo at napanganga sa nakita. Ang Supremo ay napabagsak ng isang babae, na akala ng lahat ay lalake dahil sa sumbrero na nahulog nung sumugod sya. At malamang ang kagandahan nya rin ang isa sa naging dahilan sa pagkapatda ng lahat.
Humangos sa tabi ko si Jazz ay Tifa, iniupo ako at tinatanong ko ok lang ako.
"Oh, I'm perfectly fine! Pakipulot nga ng mga ngipin ko, nahulog ata." Sarkastikong tugon ko
"Yang boses na yan, kilala ko!" Nagpupumiglas na sabi ni BJ. "Sabi ko na nga ba namumukhaan kita, Makie? Anong ginagawa mo rito?"
".... Magpapaxerox? Meron ba rito nun?" Sagot ni Makie. "So, paano ba yan? Di kana makalaban. Ayon sa patakaran panalo na kami tama?"
"Anong panalo? Kalokohan yan! Maduga ka, di pa ako ready kaya di pa counted to, paalisin moko saka tayo maglaban! Di ako makapapayag dito!"
Ngumisi si Makie sabay nilapit nya ang bibig sa tenga ni BJ.
"'Sa mata ng digmaan lahat ng gawain ay patas.'" Paggaya nya sa sinabi ni BJ.
Pinilit tumayo ni BJ pero hinawakan ni Makie ang ulo nya ay pinuwersa ito sa sahig.
"Checkmate kana tol. Tanggapin mo na ang pagkatalo, mas lalo ka lang mapapahiya sa mga nasasakupan mo."
"GRWAAAAAAAHHHH!! MGA KAWAL ANONG GINAGAWA NINYO! HULIHIN NYO SILA!" Utos ni BJ.
Biglang natauhan ang mga taga Magdiwang at pinalibutan kami, mahigit dalawampung sandata'y nakatutok samin. Dagli namang pinulot ni Jazz ang arnis nya at pumusisyon para protektahan kami ni Tifa.
"Wag kayong lalapit! Kung ayaw nyong gilitan ko ang Supremo nyo!" Babala ni Makie na umipekto naman dahil nagdalaaang isip sila.
"Wag kayong maniniwala sa kanya! Nagpapanggap lang yan! Di nya ako pwede galawin dahil kailangan nila ng tulong ng Tanggulan!"
"Tsk!" Ismid ni Makie. Dahil tama sya, babalang ampao lang ang sinabi niya. At saka kahit gaano kaangas ang diwata, tingin ko di nya magagawang pumatay ng tao.
"Masama ito, masyado silang madami. Anong gagawin natin binibini?" Tanong ni Jazz sa diwata.
Naglabas ng kutsilyo ang dalaga, isa sa bawat pagitan ng daliri sa kanang kamay. "Watch and learn." Sagot nya.
"Anong watch and learn?! Huling sinabi mo yan muntik nako maging client ng punenarya! Wag ganun!" Reklamo ni Tifa.
"Wag nyo silang sasaktan Makie, Jazz. Hindi natin sila kaaway." Mahinang sabi ko.
"Anong gusto mong gawin namin, Ipagfoot spa sila? Wag kang mangialam Milo, gagawin ko ang dapat kong gawin." Sabi ni Makie sabay kagat ng isa pang kutsilyo.
Seryoso na ito. Mukhang di na maiiwasan ang labanan.
"MGA KAWAL! ANO BA, ATAKIHIN NYO NA SILA!" Sigaw ni Bj na naging hudyat ng paglusob nila.
At di tulad ng sa anime o pelikula na parang may choreograph na first come first come served ang pagatake na nakakagago lang, sabay sabay silang lumusob. Wala na akong nagawa kundi yakapin para proteksyunan si Tifa.
Pero mula sa kung saan, dumagundong ang isang boses na bumalot sa buong arena.
"ITIGIL ANG KAGULUHANG ITO!"
Lahat ay napahinto sa pagkilos, at biglang nalupig ang ang apoy ng pakikipagbaka sa damdamin pagkarinig sa boses na yun na nanggaling sa isang lalaking papalapit sa stage.
Dumating narin sa wakas si Maestro Kwatro.
●○●○●○●○●○●○●○●○●○●○●○
(*1) Kali (o Karunungang Lihim):
Isa sa mga sinaunang martial arts natin na tulad ng arnis at gamagamit ng sandatang pang-iskrima sa dalawang kamay. Pero di tulad ng arnis na gumagamit ng pamalong kahoy at naka pokus sa pandepensa, ang Kali ay orihinal na ginagamitan ng espada tulad ng kris at dinesenyo upang makapaminsala o makapatay ng kalaban.
Actually Kali ang ginagamit ni Jazz, hindi lang pamilyar sila Milo rito.
Isa sa kilalang gumagamit ng Kali ay si Lapu-lapu. Ayon din sa ilang sources, Kali warriors ang lumaban at gumapi sa pangkat ni Magellan noon sa Battle of Mactan.
●○●○●○●○●○●○●○●○●○●
A/N:
Ayun, nabuhay akong muli haha.
Supet busy sa work and extra curricular activities. (("")_(""))
Anyways, sa di pa nakakapanood ng Gen. Luna, I highly recommend na manood kayo. Worth it promis.
Nakakatuwa dahil very informative at dami kong nakuhang materials. Lalo na ilan sa tauhan run ay nakaplano nang lumitaw sa kwento ko.
Pls wag kayo tumangkilik ng pirated copy nun, magkaka almoranas kayo sa ilong.
Peace out.
Next chap:
KABANATA XXI: 2 + 2 = ?
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top