KABANATA XVI - Kanlungan

"Totoo ba tong nakikita ko?" Kinuskos ko ang mata. "Hindi ba ako nananaginip lang? A-ang ganda rito!"

"Di ko sure. Baka nga tulog ka pa at nananaginip. Tumutulo laway mo eh."

Tinignan ko nang masama si Tifa sabay punas ng bibig. Oo nga, tama nga sya, tumulo nga. Dyahe amp. Pero di nyo ko masisisi, talagang makatulo laway yung tanawin. Alam nyo yung pelikilang Avatar? Hindi yung live action ng The Last Airbender uh, ang pangit nun eh. Yung parang mga smurfs na  parang lumaklak ng growee sa tangkad. Yung planeta nila run na ubod ng ganda, parang ganun yung sa Kanlungan.

As in may ilang halaman na naggoglow in the dark pa. EYMEYSING. Halos kainin na yun ng ilong ni Tifa sa galak.

May mga puno pa na ibat iba ang bunga. At ang lalaki ng prutas. Yung tipong kung maging magasawa sina Yao Ming at Ugatpuno ng Sineskwela at mag-pollinate, magiging ganun kalaki yung prutas.

Namitas ako ng isang dalandan na nakita ko. Para na itong maliit na melon sa laki.

"Grabe ang laki naman nito." Bulalas ko.

"Talaga? Normal lang yan. Ganyan talaga dati ang mga prutas nung hindi pa gaanong pinapakialam ng mga tao ang kalikasan." Tinignan ako nang naninisi ni Jazz, akala mo ako may kasalanan.

"Nakakapanghinayang. Edi sana ganito parin kalaki ang dalandan ngayon."

"Anong dalandan? Hindi uh, kalamansi yan!"

WTF! What The Fruit!

"Saan na tayo ngayon? Wag mong sabihin nandito na tayo eh parang puro halaman lang nakikita ko, walang ibang tao." Pasok ni Tifa.

"Hhhhhmmm di ko rin alam eh. Hindi naman ako taga rito." Sagot ni Jazz.

"Ngak! Akala ko ba alam mo ang daan."

"PAPUNTA rito. Pero kung ano na gagawin pagdating dito eh bahala na si buttman."

"Batman!"

"Kaya nga, buttman. Kaya ayun... goodluck satin. Wala ba kayong mapa dyan sa mga hatinig nyo?"

"Hatinig?" Tanong ko

"Telepono yun, cellphones. Mula sa 'hating tinig'. Meron naman, kaso malamang may mapa ng Kanlungan sa google maps haha. Baka nga walang reception dito eh........ BWAKANANG! May wifi signal dito?!" Gulantang na sabi ni Tifa.

"Seryoso?"

"Oo meron, ayan oohhh. 'Mcdo wifi'".

"May Mcdo rito?" Tanong ko. Paano mang yayari yun? Saan sila kukuha ng business permit?

"Tanga wala. Yun lang malamang ipinangalan nila sa wifi. Korni nga eh. Kaso may password. Eniweys itetrace ko nalang kung saan nanggagaling yung signal at malamang nandun yung mga tao rito. But it will take some time."

"Hindi na kailangan, alam ko na ang daan."

Napabaling kami kay Makie na nuoy nasa may kalayuan, at anak ng putakting nagiiskateboard, namangha kami sa nakita namin.

Napapalibutan sya nung mga ilaw na ibat ibang kulay. Ang ilan at umiikot sa kanya, ang iba ay dumadapo sa balikat at ulo, yung iba naman at parang inaangat at pinaglalaruan ang buhok nya na nakalugay nun.

Nagmukha syang diwata ng disco lights.

O bugtong na anak ng isang christmas tree.

Inangat nya ang mga kamay nya at dun dumapo ang isa sa mga ilaw na kulay lila(purple/violet). O mas tamang sabihin na umupo, dahil nung tinignan kong maigi korte pala itong tao.

Isa itong babaeng nakasuot ng bestidang gawa sa bulaklak na kulay lila, may mahaba itong buhok, ang mga mata ay parang kumikinang, at ang balat nito ay kumikutitap ng kulay lila rin. Hagikgik ito nang hagikgik at parang sabik ma nagkukwento kay Makie. Ang boses na lumalabas dito ay parang wind chime pag nahahanginan.

"Lambana(*1). Mga diwata ng kalikasan." Sagot ni Jazz sa katanungan sa isipan namin. "Sila ang mga ispirito ng lahat ng bagay, mga puno, bato, bulaklak, ilog at iba pa."

Kaya pala ang ilan sa kanila ay nakasuot ng dahon, ang iba naman at parang may korteng damit na tubig na umaagos, o parang tinahi-tahing maliliit na batong iba iba kulay.

Pero ang nakakagitla sa lahat, si Makie nakangiti habang kinakausap ng mga lambana. Yung sinserong ngiti na binibigay mo sa mga taong espesyal sayo. Di yung ngiti nya pag may hawak na kutsilyo at mananaksak. Rare yun. Kasing rare ng buhok ni Pnoy.

Nagskip ng tibok ang puso ko sa ngiti nya.

"A-ang... ganda nya." Napatingin kami kay Tifa. Di makapaniwalang sinabi nya yun kay Makie.

"Ermm, yung lambana. Ang ganda nung mga lambana. Di ni Makie. Maganda pa ingrown ko sa ilong sa kanya."

"May ingrown ka sa ilong?"

"Che! Tignan mo may nangyayari"

Isa-isang humahalik sa pisngi ni Makie ang mga lambana bago tuluyang lumipad palayo. Sana lambana rin ako.

Kumaway muna sya sabay humarap sa amin na nakapoker face.

"Hilagang silangan, limang kilometro mula rito, nandun ang kampamento ng mga Napili. Tara." At nagsimula na syang pumasok sa kagubatan.

Back to business.

~~~~~~~~~

"Ayoko sanang itanong, kasi nakakahiya. Nagpanggap kasi akong alam ko nung sumunod tayo kay Makie, para mas cool sana. Pero ano ba yung kampamento?" Tanong ko kay Tifa may 30mins na magmula nung naglakad kami.

"Isa yung uri ng kambing na napakabait at kampanteng kampante lang."

"Seryoso?"

"Tanga hindi. Kampamento! Encampment, camp, kampo, himpilan! Sheeesshhhh yun lang dimo pa alam?"

"Joke lang, alam ko talaga yun, chinecheck ko lang attentiveness mo."

"Kunsabagay, di ka naman siguro engot para di malaman yun diba?... Huy! Bat ka tumigil?"

Diko rin alam kung bakit, huminto nalang ako bigla. May konting kilabot sa dumaloy sa likod ko. Luminga linga ako sa paligid na parang maghahanap nang bagay na di ko alam kung ano.

Inakbayan ako ni Jazz.

"Huwag ka huminto, magpatuloy ka lang sa paglalakad." Bulong nya sakin.

"B-bakit? May sumusunod ba satin?"

"Mukhang lumalakas na ang pakiramdam mo Napili. Oo meron. Hindi ko lang alam kung saan at ilan." Sagot nya.

"Isa lang, bandang kanan sa may malaking puno nang mangga." Sagot naman ni Makie.

"Anong meron?" Tanong ni Tifa.

"May nagmamansid daw satin eh."

"Oh? Bat diko napansin? Kailan pa?"

"Mga dalawampung minuto na. Bitawan mo yan Milo, hindi tayo nakakasiguradong kalaban siya pero wag tayong magpakita nang ikaka umaglahi nila... Provoke yun kung dimo alam." Habol nya nung kumunot noo ko sa umaglahi na yun. Pwede namang provoke nalang.

Ibinulsa ko ang balisword na nooy handa ko nang gamitin. "Anong gagawin natin?"

"Sus pagiisipan paba yun?" Sabi ni Tifa sabay sigaw. "SA NAGTATAGO DYAN SA PUNO NG MANGGA, LUMABAS KANA! MGA MABUBUTING TAO KAMI AT WALANG BALAK NA MASAMA!"

Binatukan sya ni Makie.

"Aray bakit moko binatukan?! Wala naman akong ginawang masama uh."

"Eh kung kalaban yan?"

"Helloooo? Nasa Kanlungan tayo nang mga Napili, malamang Napili yan. Paano magkakaron ng kalaban dito eh tago nga to diba? Kaya mas mabuting magkaron kagad tayo ng contact sa kanila."

"SINO KAYO? ANONG GINAGAWA NYO RITO?" Biglang umalingangaw ang sigaw mula sa puno.

"See? At least ngayon may mapagtatanungan na tayo nang directions. May I?"

"Bahala ka. Pero Ibanag(*2) yun. Marunong kaba magsalita nun?"

Ibanag? Eh parang tagalog lang din sa pandinig ko. Useful din pala talaga ang may auto-translator sa ulo.

"Marunong ako ng limang lengwahe bukod sa Filipino. Sa 150+ na dialects natin 76 napagaralan ko. Kaya tingin ko kaya ko naman." Pahumble na sagot ni Tifa

Humarap sya sa direksyon ng puno.

"Ehem ehem... MGA NAPILI RIN KAMI! HIHINGI LANG KAMI NG TULONG SA INYO! WE COME IN PEACE!" Gaya nang nauna, tagalog din narinig ko. May konting accent nga lang.

Katahimikan....

"...... ANO YUNG WIKAMINPIS?!" Sagot nung nasa puno.

"Ayan. Pa English-english ka pa kasi, tagalugin mo nalang. Este Ibanagin mo nalang." Sabi ko.

"Eh malay ko bang hindi nya alam yun." Bumaling uli sya sa puno. "IBIG KONG SABIHIN MGA MABABAIT KAMING TAO! NAGPUNTA LANG KAMI RITO PARA HUMINGI NG TULONG KAY MAESTRO KWATRO, HINAHABOL KAMI NG ORGANISASYON!"

"SINO ANG GABAY NYO? SAANG BALANGAY KAYO NABIBILANG?"

Napatingin samin si Tifa. Di alam ang isasagot.

"Anong sasabihin ko? Hindi ko alam yung tinutuloy nyang balangay at gabay. Ikaw ba yun Jazz?"

"Hindi. Tingin ko iba yung tinutukoy nya." Pailing na sagot nito.

Tumingin sya sakin, nagkibit-balikat ako. Bahala sya. Gusto nya yun eh.

"Umm... WALA KAMING GABAY, WALA RIN KAMING KINABIBILANGANG BALANGAY, KUSA LANG KAMING NAGPUNTA RITO!" Sigaw nya

"IMPOSIBLE YUN! PANO NYO NALAMAN ANG LUGAR NA ITO NANG WALANG GABAY?!" May gitlang sagot nung isa.

"P-PINADALA KAMI RITO NI LAM-ANG!"

Nagkaroon ng epekto ang sagot nyang yun. Saglit na nagkaroon ng katahimikan bago pautal na sumagot ang kausap nya.

"L-LAM-ANG? NI MAESTRO LAM-ANG? TOTOO BA ANG SINASABI NYO?" Di makapaniwalang tanong nito.

"TOTOO, KATUNAYAN NGA MAY KASAMA KAMING... ESTUDYANTE NYA!"

Sa likod ng puno may narinig kaming parang nahulog na bagay at may nagkukumahog na tumakbo sa tungo sa amin.

Biglang tumambad sa amin ang isang batang babae na tantya ko nasa edad 10-11. Nakasuot sya nang damit na gawa sa balat ng hayop. Maging ang mga sapatos nya. Kung nakapanood kayo ng The Croods, parang ganun. Para syang taong gubat na mas mukhang sibilisado(may goggles kasi syang nakasukbit sa leeg). Sa tagiliran  nya may naka taling parang notebook. May hawak syang busog(bow sa english. Yung pamana) at may sukbit syang buslo ng pana sa likod. Magulo ang buhok nya at may naglilikot ang mata, isa-isang dumadapo samin na parang may hinahanap.

"Hello?" Bati ko.

"Asan ang estudyante nya?!" Medyo pautos nyang tanong naman sa amin.

"Eto sya oh. Huy! Jazz halika nga rito, ano bang ginagawa mo?" Hinatak ni Tifa si Jazz na nuo'y tumutuka ng Thunderbird sa palad.

"Magandang gabi. Gusto mo?" Alok nya sa bata.

Biglang namutawi sa mukha ng bata ang pagkadismaya. Marahil mas gusto nya ng Pigrolac kaysa Thunderbird.

"Totoo bang estudyante ka ng Maestro Lam-ang?"

"Umm... Oo. Kung tutuusin. Pero mas tamang sabihing amo ko sya."

"......... May kilala ka bang Noli?" Tanong nyang may konting bahid ng pag-asa.

"Wala eh pasensya na. Kakaano-ano mo?"

Saglit na nabahiran ng lungkot ang mata nya bago naging matigas ang ekspresyon ng mukha nya. Ekspresyong mukhang di nababagay para sa edad nya.

"Hindi na importante kung sino sya. Ngayon, sabihin nyo kung sino kayo."

Isa-isa kaming pinakilala ni Tifa. "HI! A-ako si Tifa, sila naman si Milo, Jazz at Makie. Pwede mo ba kaming tulungan? Mapagkakatiwalaan naman kami."

"Kung totoo nga ang sinasabi nyo, siguradong gugustuhin ni Maestro Kwatro na makita kayo. Pero ang tiwala, hindi yan binibigay. Mas pagtitiwalaan ko ang palaso ko, na hahalik sa tumbong nyo pag may ginawa kayong masama."

Lovely kid.

"Sumunod kayo." Sabi nya.

"Ibig sabihin pumapatag ka nang dalhin kami sa kampo nyo?"

"Oo. Wala namang kaso yun eh. Kung sakasakali namang espiya kayo ng organisasyon, yun ang huling lugar na gugustuhin nyong puntahan . Hindi kami...." Tinignan nya kami for suspense. "Maaruga sa mga kalaban."

Babala ba yun? Oo mukha nga. For the first time, parang natakot ako sa banta ng isang bata. Bukod sa kapitbahay naming mahilig mamahid ng kulangot.

Naglabas sya ng maliit na hawla, tapos sumipol sya. Mula sa kung saan may lumapit na maliit santelmo at pumasok sa hawla. Voila! Instant lampara! Gusto ko ng ganun sa bahay. Kung makakauwi pako.

Sumunod kami sa masukal na kagubatan, paminsan-minsan ay kailangang umakyat ng ilang matataas na bato at ilang sapa(sapa sa ilalim ng lawa. Ilogception amp). May pakiramdam akong umiikot lang kami, siguro para di namin matandaan ang tamang daan.

Nakakabore dapat yun. Pero sa ganda ng tanawin, daig ko pa nagDisneyland.

"Anong pangalan mo? Di mo pa ata sinasabi." Tanong ni Tifa.

"....Talas." matipid nyang sagot.

"Talas? Pangalan ba yun o nickname? Talas ano?" Natatawa ko pang tanong.

"....Wala akong apelyido. Karamihan sa Napili rito ay nagbabago ng pangalan nila, para kalimutan ang buhay na iniwan nila sa labas. O di kaya naman gaya ng sa kaso ko, sanggol palang ako nang madala rito kaya walang kinagisnang pangalan. Ako nalang namili ng pangalan ko nung nagkaisip ako." Sagot nya.

Siniko ako ni Tifa, pagharap ko ang sama ng tingin sakin nung tatlo. Aba malay ko ba? Sorry naman.

"Uumm.. Eh ano yung sinaasabi mong Gabay kanina, pati yung Balangay?" Tanong uli ni Tifa.

"Alam nyo, sa mga nagsasabing hindi sila espiya, ang dami nyong tanong noh?" Reklamo nya. "Isa sa mga misyon ng Napili ng Kanlungan ay ang magligtas ng ibang Napili sa labas at dalhin rito para kupkupin at sanayin. Tawag namin run ay paggabay. Mapanganib na misyon yun, at ang ilan sa kanila ay di na nakakabalik pa. Kaya nagtaka ako kanina kung paano kayo nakarating rito nang walang gabay, lalo pa't sikreto ang lugar na ito." Sabi nyang may bahid nang pagdududa.

"BDO. We find ways." Biro ko.

"Ano raw?"

"Wala, joke yun."

Iwinasiwas nya ang kamay nya na parang may ikinakalat.

"Anong ginagawa mo?"

"Isinasaboy ko yung joke mo sa lupa. Baka sakaling tumubo."

Basag ako. Humagalpak sa tawa si Tifa at Jazz, pati si Makie tinatago yung mukha nya sa cap at nagpapanggap na di nakikinig. Napahiya ako konti. Pero ok lang. Kasi kahit tinatago nya, alan kong napangiti si Talas. Mukhang mabait naman syang bata.

Wag lang nya kaming papanain sa puwet.

Pinagpatuloy nya ng paliwanag. "Di ako sigurado pero ang sabi nung unang tinatag ang Kanlungan, konti palang ang mga Napili, pero dumating ang panahong masyado nang marami ang bilang kaya hinati sila lima para mas mapagtuunan ng pansin pagsasanay nila, at binigyan din ng kanya kanyang tungkulin. Yun ang mga Balangay. Kumbaga nakatira kami sa kanya-kanyang pangkat."

"Parang mga baranggay ganun? Dun din naman kinuha yun diba? Anu-ano yung mga Balangay?"

"Magdiwang, Magdalo, Magwagi, Magtagumpay, Walangtinag.(*3)"

"Diba yun yung mga codename ng bayan na sumuporta sa Katipunan dati? Dun nyo ginaya?" Tanong ni Tifa.

"Baliktad ka. Sa mga balangay  namin binase ng Katipunan ang tawag nila sa mga bayan na yun. Natural lang yun, karamihan sa mga nagtatag ng Katipunan ay mga Napili eh."

"Eeeehhhhhh???!!" Reaksyon namin ni Tifa.

"Totoo yun, diko ba nasabi sa inyo?" Sabi ni Makie.

"Hindi eh." Sagot ko. Wala karin naman sigurong balak sabihin.

Pero astig. Yung mga bayani ng Katipunan ay Napili gaya ko? Kaso parang nagdowngrade. Yung mga Napili dati nakibaka sa gera para sa bansa. Pero ako, ang gera lang na nasalihan ko ay sa clash of clans.

"Sa susunod ko na ikukwento sa inyo yung tingkol dun." Bumaling sya kay Talas. "Kung payagan kaming dumito ni Maestro Kwatro mapapabilang kami sa isa sa mga balangay, tama?"

"Kung saan napapabilang ang Gabay, dun din napupuntang Balangay kadalasan ang mga dinala nya. Sa kaso nyo, ewan ko lang."

"Edi ikaw nalang yung Gabay namin tapos dun nalang kami sa Balangay mo. Taga saan kaba, at ano yung tungkulin nyo?" Suhestyon ko

"...... Taga Magtagumpay ako. Nangangaso kami, at nangangalap ng mga gamit na kailangan ng buong komunidad. Sa kasalukuyan hindi kami ganun.... kasikat na balangay. At di pa sigurado kung papayag nga si Maestrong kupkupin kayo. Pero kung mapupunta kayo sa amin... Pwede..." Mahina nyang sabi, halos pabulong na yung dulo.

"Malayo pa ba tayo sa Kanlungan?" Tanong ko.

"Nasa Kanlungan na tayo. Ang buong lugar na ito, ang buong kagubatan, ilog, kaparangan at iba pa, yun ang Kanlungan. Pero kung ang tinutukoy nyo ay kung saan kami nanunuluyan, eto yun, tignan nyo."

Hinawi nya ang isang sanga na nakaharang sa amin at bumungad ang isang kahangahangang tanawin.

Sa may kalayuan ay may isang bundok kung saan ang tuktok nito ay nasa ibabaw ng tubig(yun yung vulcan point island sa crater lake). Sa paligid ng mukha nito ay may mga ilaw na nagmumula sa mga nakaukit na bintana. Para itong isang gusaling bundok.

Sa harapan nito ay may pa-horseshoe o pa "U" na malaking pader na bakod na nakakabit. Parang yung nasa Intramuros na nalalakaran, mas mataas lang. Sa ilang parte ay may parang guardhouse kung saan may nakaposisyong mga kanyon. Sa gitna ay may malaking tarangkahang gawa sa malalaking tabla ng kahoy.

Mula sa posisyon namin ay kita namin ang ilang mga bubungan ng establisyimento sa loob. Isa itong maliit na bayan.

"Yan ang tirahan namin. Yan ang Tanggulan." Buong pagmamalaking sabi ni Talas.

~~~~~~~~~~~~

(*1) Lambana:
Wala itong direct description o translation. Sa ibang bansa may may ibat ibang uri ng diwata. Ex. Fairy, sylphs, nymphs, dryads, pixies,  undines etc. Sa Pinas walang ganun. Wala nga atang maliliit na diwatang may pakpak satin eh. Kaya sa kwento ko, generalized na sila as 'Lambana'. Yung malalaki gaya ni Makie, sila yung mga Diwata. Comprendo?

(*2) Ibanag:
Wika na gamit sa bandang Isabela at Cagayan.

(*3) Magdiwang, Magdalo, Matagumpay, Magwagi, Walang Tinag:
Gaya ng sa paliwanag, codename ng mga bayan na sumuporta sa Katipunan yan dati. Lahat sila ay sa Cavite. Sa kwento, pangalan yan ng mga balangay. Walang kinalaman sa kudeta nung panahon ni Gloria dati.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top