KABANATA XLVI - 3 Stars and a Sun ka na ba?

"Naiisip mo ba ang naisip ko?" tanong ni Tifa.

"Oo B1, naiisip ko rin." sagot ko. "Patibong yan diba?"

"Yup. Patibong yan."

"Uh-huh."

"Syang tunay."

"Walang duda."

"Diko makita pero kung sabi nyo patibong, edi patibong."

Ang daanan ay nagtapos sa isang banging may di tiyak na lalim. Isang tulay ang nasa aming harapan na gawa sa mga tabla na itinali ng lubid na nagsisilbi rin hawakan at nakatali sa dalawang kahoy na poste. Ang kabila dulo ng tulay nakakunekta sa isang kweba na may sulo sa magkabilang gilid. Ang haba nito ay di madaling matantya pero kung tatanungin nyo ako nasa 53.4 metro ito... 53.5 pala.

Kung nakapanood na kayo ng mga pelikula na may hanging bridge na gawa sa kahoy, halos isang daang porsyento mapuputol ito pagdaan ng bida, o may haharang sa kanya sa dulo, okaya masusunog ito, o kaya hahabulin sya ng mga goons, o kung ano pang mga gasgas na eksena, parang ganun ang dating ng tulay na iyon. Para itong sumisigaw ng "PATIBONG AKO! PATIBONG AKO! AHIHIHI". Damn you, tulay!

"Mukhang bago pa ito." puna ni Noli. "Ang kahoy at lubid ay nasa mabuti pang kalagayan. Walang mga bitak at senyales ng pagkasira. Kung titignan mo ay napakatibay nito... Nakakaduda."

Napatango kami sa pagsang-ayon.

"Sa ganitong mga sitwasyon masasabi nating ang pagiging 'mukhang' matibay nito ay di nababagay. Hindi ito natural kaya dapat magpatuloy tayo nang may pagiingat." ani ni Makie.

"Kailangan ba talaga nating dumaan dyan? Baka namang may ibang daan. Tifa anong sabi sa lyrics ng LP, baka may clue run."

"Hmmmm teka tignan ko..." Nilabas nya ang camera nya kung saan may kuha sya ng letra. "'Pag kislap ng watawat ay tagumpay na sundin, ang bituin at araw nyang kailanpama'y di pagdilimin.'" kumunot ang kanyang noo. "Medyo magulo. Sundin ang watawat pero wala namang watawat dito sa paligid."

"Baka naman may ibang kahulugan yan. Kunwari sundin natin ang watawat sa ating mga puso, ganun. Naks." sagot ko.

Pinanliitan ako ng mata ni Makie. "Kung dika magtigil sa kakornihan mo gugulpihin kita."

"Please do."

"Ano sabi mo?!"

"Peace po sabi ko. Ehem*ubo* kung wala na kayong maisip na ibang paraan kaysa sa pagtawid sa tulay na ito, edi wala tayong no choice. Baka naman di ito patibong gaya nang inaakala natin." sabi ko.

"Patibong yan." sagot ni Jazz.

"Oo nga..." pagsangayon ko parin sa huli.

"Tingin ko po may iba pang daan."

Napalingon kami kay Mira. Sa puntong yun natutunan na namin na ang pakiramdam ng bata ay isang mapagkakatiwalaang impormasyon.

Ipinuwesto nya ang dalawang palad sa magkabilang tenga para makarinig nang maayos. "May naririnig po akong hangin na nanggagaling sa ibaba. Hindi yung hangin na malakas ah, parang may... lagusan pa sa ibaba. Saka may naamoy ako. May mabahong amoy pero sa gitna nito ay may naiibang amoy."

Lumapit si Jazz sa bangin. "Napansin ko nga rin yan. Yung mabahong amoy baka si Milo lang yun. Pero yung isa, parang pamilyar yung amoy." pinalagpas ko nalang yung isang kumento nya.

"Opo. Parang..." suminghot ang bata.

"Kape!" "Kape..." sabay nilang sabi.

"Kape? Bakit amoy kape?" tanong ko.

"Bakit pa nga ba?" iritableng sagot ni Ever. "Edi may nagtitimpla sa baba. May tao run ibig sabihin."

Tinignan ko ang bangin. Diko makita ang kailaliman. Nanlamig ako.

"Baba tayo?" tanong ni Noli. Tumango ako na ang ibig sabihin '@$#* anong sinabi mo, ayokong bumaba, ang taas-taas! HINDI!' HINDI AKO BABABA! huhuhu"

"Mas pabor ako dyan kaysa tumawid sa tulay. Mukhang mas may linaw ang gawain yun." sangayon ni Jazz. Sumpain kang manok ka. You traitor!

"Pero paano tayo bababa dyan? Hindi ba sobra lalim ng bangin para babain?" tanong ko.

"Subukan nating ihulog si kuya Milo para marinig natin kung gaano katagal bago sya kumalabog sa sahig." sabi ni Ever sa tabi ko.

"Grabe ka naman magbiro. Hahahaha."

Pero nung tinignan ko sya, mukha syang di nagbibiro. Pati yung iba nakatingin lang sa akin na parang kinukunsidera yung panukala ng bata.

"Huy bat di kayo tumatawa? Joke yun diba?... Huy!" tawag ko sa kanila, sabay tumingin sila sa ibang mga bagay na mas mukhang interesante gaya ng langgam na nagsosolvent at lamok na nagpepaintball.

"May nakita akong bato rito, ito nalang gamitin natin." pasok ni Tifa.

"Nice. Pero bat binabago nyo topic? Wag nyo sabihing naisip nyo talaga akong ihulog?" hindi nya ako pinansin.

Hinawakan nya ang bato sa may bangin at hinayaan itong mahulog mula sa kanyang kamay. Pinagmasdan namin ito habang bumabasag at tuluyang nilamon ng kadiliman. Buti pa yung bato. Nahuhulog.

Ilang segundo ang lumipas ay nakarinig kami mahinang BOG!

"Mukhang di naman gaanong kalalim tulad ng inaasahan ko." sabi ni Noli.

Nagbibilang sa daliri si Tifa bago sumagot. "Humigit kumulang mga 175 ft."

"Paano mo nalaman?" gulat na tanong ni excab. Lihim akong napangiti, hindi na sya dapat magulat pag si Tifa ang nagsalita.

"Sus. Simpleng computation lang yan.
Tf = -1/2DO^2 + H0O+T0. Yung Tf yung kinukuha nating taas (final). D ay dagsin o gravity, O ay oras, H ay hagibis o velocity. Dahil wala namang resistance ang hangin at walang inisyal na hagibis dahil hinayaan ko lang mahulog yung bato, parahes silang 0. Uhmmm.. Nandyan pa kayo?"

Tumango kami. Tapos ipinaliwanag nya yung kanyang kalkulasyon habang naririnig ko yung doreimon theme song sa background. Ano na kayang nangyari kay nobita nung kinain nya yung bulok na kamote nung--

"Ganun lang kasimple! Kahit kayo kaya nyo nang gawin yun sa bahay bilang katuwaan lang. Hehehe." and oh what joy it is! May bago nakong hobby! Di nako magkocomputer games. Magkocompute nalang ako ng batong ihuhulog sa bangin. Kung may bangin na sa bahay. Kakaexcite.

"Kung iisipin mong mabuti napakasimple lang diba?" gatong ko para magmukhang matalino.

Napahawak sa labi si Noli na parang nagiisip. "Ganun pala yon. Marami pa akong dapat matutunan. Hindi pa sapat ang aking kakayahan at kaalaman sa kasalukuyan." bulong nya na tumatangutango.

"Parang may mali." Napalingon kami kay Makie. Tumaas kilay ni Tifa abot Saturn pero winasiwas lang ng diwata ang kamay para sabihing walang mali sa kalkulasyon. "Kung 175 ft ang lalim nito, may hindi ako maintindihan. Hindi naman sobrang dilim sa paligid, patunay na nagkakakitaan pa tayo pati ang tulay nga nakikita pa natin ang kabuuan kahit mahaba ito. Sa ganitong kataas na posisyon dapat maaaninag pa natin ang ilalim, pero..."

"Sobrang dilim nito. Hindi. Itim sya. Purong itim." si Jazz ang nagtapos.

Totoo. May kakaiba nga sa kadiliman sa ibaba. Sa pagkakaalam ko kalimitan sa kailaliman ng bangin sa kweba ay may ilog o sahig na gawa sa patusuk-tusok na bato. Pero wala kaming marinig na agos ng tubig at makita ni isang kusing. Itim lang. Nakakatakot na itim na tila gumagalaw at nilalamon pati ang mismong kadiliman.

Dumapa si Jazz at sinilip ang mukha ng bangin. "Masyadong makinis ang pader na bababaan natin. Wala tayong halos makakapitan. May ilang mga batong nakausli pero basa at madulas hawakan. Delikado kapag dito tayo bababa."

"Sinong may sabing dyan tayo bababa?"

Lumapit si Makie sa tulay at naglabas ng mga na kutilyo. Huminga nang malalim, puno ng konsentrasyon na bumuwelo sabay bato ng mga kutsilyo. Halos sabay-sabay itong tumama sa pinagtalian ng lubid sa kabilang poste dahilan para mapatid ito. Naputol ang tulay at isang malakas na *BGHAKZZZK!* humampas ito sa pader ng pinagkatayuan naming bangin. Nagliparan ang mga paniking di namin inakalang naroon dahil sa ingay at nang matigil ang pagkabulabog ng alikabok lumitaw ang bagong anyo ng tulay.

Isang hagdanan pababa.

"Sa tantya ko aabot ang tulay na ito hanggang sa kailaliman. Kung hindi man, kaya na nating tumalon pababa." natural nyang sabi na parang nagpahid lang ng kulangot sa pader.

Napasipol si Noli.

"Alam mo, kahit ilang beses ko nang nakita yan kanina, hindi ko parin maiwasang mamangha."

Tumaas ang isang kilay ni Makie at ngumiti. "Dapat lang." sabay hawi ng buhok at talikod samin.

"Syet... Ang ganda nya." pabulong usal ni Noli.

Napalingon ako sa kanya bigla, pero binalik ko uli paea di mahalata. Tapos lumingon uli. At binalik. At lumingon uli. At binalik to the nth power.

"May stiff neck kaba?" tanong nya.

"Hindi. Inaalam ko kung ano pakiramdam ng nababalian ng leeg."

"Nakakaaliw ka Milo." tumawa sya na parang may nalalaman at tinapik ako sa balikat. Grrrr..

"Sandali. Paano kung maputol yung lubid habang bumababa tayo?" tanong ni Tifa nung pababa na kami.

Ngumiti nang buong ningning si Jazz. "Edi mahuhulog tayo at babagsak sa ating kamatayan sa masakit na paraan. Alam mo yun, lasog katawan, bali buto atbp. Magkakalat sa lupa yung mga bagay di naarawan. Pero ang mahalaga, sama-sama tayong magkakaibigan. Yey!" nagtaas pa sya ng kamay na parang inaaya kami magcheer.

"Wow. Kapanapanabik." sagot ko. "Tara na."

~~~~~~~~~~~~~~~

Minsan nung inutusan akong bumili sa palengke ng star anise(na diko nagawa kasi nalimutan ko yung tawag, ang sabi ko 'may anes ka ate?'. Hayun, nagalit si ate.) nakapanood ako kung paano ginagawa ang longganisa. Ginigiling yung karne at nilalagyan ng pampalasa gaya ng paminta, bawang, asin at mayonnaise saka nilalagay dun sa parang manipis na balat ng bituka ng baboy, tinatali at viola! Longganisa baby! Bigla kong naalala yun habang pababa kami. Pumasok din sa isipan ko ang pang isang milyong pisong katanungan.

Kapag naputol ang tulay at bumagsak kami nang pagkataas, magkakasya kaya kami sa balat ng longganisa pagkatapos?

Wala eh. Happy thoughts.

Ganito ang pagkakahanay namin pababa. Makie, Tifa (laging silang dalawa nauuna pansin nyo?), Jazz, Ako(dahil nagtuturuan kami at nauto ko sya), Noli na nakakandong si Mira at si Ever ang sa hulihan.

Mukhang hindi kami nagkamali ng piniling daan, dahil nagsisimula palang kaming bumaba nawala ang lagusan sa kabilang dulo ng tuloy na parang hindi talaga ito naroon, na umpisa palang ay wala talagang lagusan.

Nung simula nagkekwentuhan pa kami, asaran at kung ano pa, pero gaya ng eksena sa lakbay aral(field trip) kalaunan napagod din kami at natahimik. Di lang din pagod ang dahilan. Habang pababa kami pakiramdam ko lalong tumatahimik at dumidilim. Unti-unti tila nawawalan ako ng paningin. Ramdam ko na parang sinasakal ang dibdib ko, kinakagat ng lamig, itinutulak ang tenga at parang lumiliit ang paligid, tila yata nagpapahiwatig ang kweba na gusto nya kaming saktan. Isa itong mahirap na pakiramdam, parang bawat hakbang pababa ay hakbang pababa sa aming hukay na paglilibingan.

Isa o dalawang beses muntikan na akong madulas. May ilang pagkakataong huminto kami nang panandalian nang lumangitngit ang tulay, pigil hiningang nakikiramdam sa nagbabadyang pagkaputol nito. Ilang minuto pa kaming bumaba hanggang sa...

"Kanina ko pa ito napapansin pero nais kong makasigurado, may kumikislap sa ibaba, nakikita nyo ba?" tanong ng diwata.

Sinipat ko at oo nga, mahina pero may kumikislap nga.

"Yung kulay red and blue?" tanong ni Mira.

"Haha nakakatawa Mira." sarkastikong sagot ng kapatid nya.

"Hindi nga, seryoso nakikita ko, may puti at dilaw pa nga." depensa nya. "Hindi ko mismong nakikita, parang naaaninag ko yung kislap kahit wala akong makita sa paligid. Ang totoo nyan hindi ko nga rin maipaliwanag kung paano ko nalaman kung ano yung mga kulay na yun kahit ngayon ko palang nakita. Pero alam kong yun yun."

Natigilan kami. Paano nangyari yun?

"Kakaiba yan, pero kung ano man yung nasa ibaba mukhang malapit na tayo. Bilisan na natin." ani ni Makie.

Totoo nga dahil wala pang limang minuto naabot na namin ang dulo ng tulay. Parang sinukat ang dahil halos tatlong dipa lamang ay ang mabatong sahig na ang sumalubong sa aming paa. O pwet sa kalagayan ko.

Madilim parin ang paligid. Hindi. Mas madilim pa sa aking inaasahan. At sa dilim na iyo pakiramdam ko may mga matang nanonood lamang sa amin. Kilabot ang bumalot sa aking katawan.

Pero hindi ko masyado nabinyan iyon ng pansin dahil sa sanhi ng pagkislap.

Isa itong altar.

O yun ang tingin nito sa akin. Isang maliit na pabilog na lamesang gawa sa natural bato ng kweba. Halos dibdib ang taas, at ang pinaka kapansinpasin ay ang kulay nito. Kumikinang na puti, pula at bughaw na nahahati sa pantay na sukat na tila pie chart. Sa gitna ng lamesaay may kalis na gawa sa ginto, at sa gitna naman ng bawat kulay may guhit ng bituin at may nakatayong mga kandila sa bawat isa nito.

"Ok... Medyo creepy to. Anong gagawin natin dito, magaalay ng sanggol?" pagbibiro ko, pero walang tumawa.

"Milo."

"Oh bakit?"

Paglingon ko lahat sila nakatingin sa akin. O sa bagay na nasa aking dibdib. Ang bertud ay lumiliwag nang bahagya. Inilabas ko ito para makita ng lahat.

"Subukan mong ilagay sa kalis." sabi ni Jazz.

Hinubad ko ito ginawa nga iyon. Pagkalapag ko wala pang dalawang segundo at bigla itong nagliyab nang pagkalaki. Ang lawak ng apoy ay sapat na para madilaan ang mitsa ng bawat kandila. Humina rin agad ang apoy at naging malamlam ngunit matatag. Matapos ang lahat ay nawala ang kinang ng lamesa at naiwan ang mga kandila't kalis bilang liwanag.

"Magaling. Medyo makaluma, at may pagkaprimitibo pero pwede na. Pero kung ako papapiliin sana sound effects din para mas astig." Kumento ni Tifa na tila di nabilib. Taas ng standards pero nakucutan sa mga halimaw.

"Oh, anong gagawin natin ngayon dyan?" tanong ni Makie.

"Ewan. Dinner by candlelight tayo?"

Lumiit mata nya sakin. Lumiit din ako sa hiya.

"Yung kumikinang na kulay, lumipat po doon." turo ni Mira sa kabilang dako.

Hinawaka ni Tifa ang labi niya. "'Pagkislap ng watawat ay tagumpay na sundin'. Mukhang kailangan nating pumunta run."

Sangayon ako. Dahil kung titignan, ang lamesa at isang simbulo ng ating watawat. Kung nawala ang kislap nito at nalipat sa ibang lugar, marapat lamang na puntahan namin ito.

Isang ideya ang lumaro sa aking isipan. Ilang beses na kaming natulungan ni Mira gamit ang kanyang pakiramdam, pangamoy, pandinig at ang panghuli ay ang pagkita nya sa kulay na di pa namin matanaw, kami na biniyayaan ng paningin. Bulag lamang ba ang nakakakita nito? Paano kung di namin sila kasama ng kapatid nya, makakaabot ba kami run? Magtatagumpay ba kami sa paghanap sa kay Bonifacio? Nagkataon lamang ba na nakasama namin sila sa misyon namin? Marahil ay hindi. Marahil pinili talaga sila ni Jacinto para tulungan kami sa mga pagsukbok na kalakip ng pagtahak ng mahiwagang bundok.

"Kung ano pa man, di ko pwedeng iwan ang bertud dito." ani ko.

Di ko makuha ito nang derekta sa takot na masunog ako ng apoy. Taliwas kasi sa naunang kaganapan sa pinto nila Magallanes na yung apoy ay hindi mainit, ang apoy sa kalis ay tunay na. Sa huli napagpasyahan ko nalang dalhin mismo ang kalis para na rin magsilbing tanglaw namin. Tumango ako sa kanila at hinarap ang daang tatahakin namin. Tinginan ko ang sahig na aking aapakan at ako'y natigilan.

May mukha sa sahig na nakatitig sa akin!

Ang mata nito ay purong itim ang mukha nito ay itim. Wala itong ekpresyon. Para itong patay na nakamulat. Nakadapa at gumapang para maabot ako. Pakiramdam ko lumaki ang aking ulo. At tila tumigil ang puso ko nang maramdaman ko ang magaspang na palad nito na kumawak sa kamay kong naka hawak sa kalis.

Napasigaw ako at inilayo ang kalis, sinipa ang nakadapa pero gumapang agad ito palayo. Hindi pa ako nakakahinga nang isa na namang mukha ang lumapit sa akin at inaabot ang kalis. Isang pana ang dumaan sa pagitan namin at umatras ito sa kadiliman.

Inaagaw nila ang kalis na may apoy. Maari kayang...

Lumingon ako sa lamesa at nakita kong may ilang nakasalisi sa kaguluhan at gumapang malapit dito, inaabot ang mga kandila.

"Ang mga kandila! Kunin niyo! Wag nyong hayaang makuha nila!"

Naintindihan ito ng aking mga kasama. Agad nilang inatake ang mga ito at inagaw ang mga kandila. Natunaw sa kadiliman ang mga nilalang.

Hawak ang mga kandila at kalis nagkumpulan kami. Nanginig ang aking kalamnan sa nakita kong nailawan ng aming mga hawak.

Napalibutan kami ng mga nilalang na nakatingin sa amin.

May apat o limang dipa paikot ang layo nila sa amin, sa ligtas na distansya mula sa liwanag. Kahit saan ka tumingin, nandun sila. Parang nasa gitna ka ng isang konsyerto at lahat ng manonood ay nakapalibot sa iyo. Nakatayo lamang sila, mga itim na mata ay nakadapo sa amin. Wala silang reaksyon, na kung tutuusin ay mas nakakatakot. Hindi matukoy ang bilang nila. Daan-daan? Hindi. Libu-libo. Ganun sila kadami. Paano sila umabot nang ganun kadami nang hindi namin namamalayan?

Hindi. Naintindihan ko. Simula't sapul pa lamang ay nandun sa sila sa bangin. Sila ang dahilan kung bakit kulay itim ang dulo at di namin ito matanaw. Dahil sa dami nila, natatakpan ng kulay nila ang sahig.

"Ano ang mga yan?" tanong ko.

"Unglo.(*1)" sagot ni Tifa. "Mga engkanto ng na nakatira sa puno. Kung bakit sila narito kung saan walang puno, hindi ko alam. Wag kayong lumapit sa kanila, dahil ang patusok ay sa kanilang katawan ay lubos na nakakahiwa."

Punumpuno ng patusok ang kanilang katawan. Parang landak(porcupine) o eriso(hedgehog) pero hugis taong kulang sa sustansya. Parang nakadrugs na Sonic.

"Buti nasabi mo. Muntik ko na silang yakapin kanina eh." nginitian nya lang ako na nangaasar bilang sagot.

"Parang gusto nilang kunin yung mga kandila." sabi ni Noli.

"Gusto nilang patayin ang apoy." pagtama ni Makie. "'ang bituin at araw nyang kailanpama'y di pagdilimin.' yun ang ibig sabihin nun. Ayaw nila sa liwanag kaya gusto nila itong patayin. At ang dapat nating gawin ay panatilihin itong buhay hanggang makarating tayo dun sa kabilang dako."

"At kung mamatay ito?"

"Kung mamatay ito mamatay din tayo."
Sagot niya habang tinitignan ang hanay ng mga unglo.

"O-ok." sabi ko habang ang pakiramdam ay napapalibutan ng libong piranha.

Dahan-dahan kaming lakad papunta sa dereksyon na tinuro ni Mira, mga sandata'y nakahanda para sa nagtatangkang lumapit. Kada hakbang ay sumunod sila sa amin, hindi nababasag ang porma. Lumilikha ng ilusyong di kami gumagalaw sa pwesto. Ang kislap na unti-unting lumilitaw sa aming paningin sa likod ng mga unglo lamang ang patunay na gumagalaw kami.

Ang may hawak ng mga kandila ay si Makie, Jazz at Noli. Ang kabilang kamay ay tangan ang mga sandata habang inoobserbahan ang bawat kilos ng mga nilalang. Nasa gitna ng mga bata kasama ni Tifa na nakahanda ang pana, nakatingin sa langit kung may manggagaling doon.

Kung susumahin matiwasay ang sitwasyon. Nakakapaglakad kami na walang problema dahil hindi nagtatangkang lumapit sa amin ang mga unglo. Kumpyansa akong makakarating kami na walang magaganap na masama.

Hanggang namatay ang unang kandila.

Lumapit ng isang dipa ang bilog ng unglo sa amin.

"Wala akong ginawa! Namatay ito nang kusa!"

"Nakita ko rin, namatay ito magisa." "Kailangan nating bilisan, mukhang may time limit."

Tumango kami at nagpatuloy sa paghakbang. Patuloy na lumalapit sa kislap. Ngunit ang naging problema ay ang mismong bilis namin. Natalisod si Mira sa isang bato sa sahig. Agad namang inalalayan sya ni Jazz, ngunit sapat ma amg sandaling iyon para samantalahin ng isang unglo na agawin ang kandila at patayin ito.

Lalo silang lumapit.

Sa puntong iyon ay kinakabahan na kami. Ang natitira na lamang naming proteksyon ay isang kandila at ang apoy ng bertud sa kalis. At kahit ang mga ito at nanganganib maapula. Mas nagiging mapusok narin ang mga unglo sa pagtatangkang patayin ang apoy. May mga ilang lumalapit pero umaatras din agad bago tamaan ng aming sandata. Wala nang nagsasalita pero bakas sa lahat na sa liwanag lamang ng araw at natitirang bituin nakasalalay ang buhay namin.

At namatay ang huling kandila ng butuin.

Naghiyawan ang mga unglo at lumusob sa amin.

"Takbo!" sigaw ko habang hiniwa ang lumapit sa akin.

Dagli kaming nag takbuhan. Binuhat ni Jazz at Noli ang mga bata. Sa harapan ko patuloy kong winawasiwas ang balisword at ramdam kong ilan ang aking tinatamaan pero parang wala silang pakialam basta makuha nila ang apoy. Mabuti nalang at umiiwas parin ang ilan kaya nakakaabante pa kami. Sa paligid ko ang aking mga kasamahan ay nilulusob ng mga unglo. Nangangalmot, nangangagat at nanghahatak. Mabuti nalang sa pagtutulungan namin ay walang napapahamak.

Ngunit ang apoy sa hawak kong kalis ay umaandap at lumiliit. Anumang sandali ay mamatay ito. Mabuti nalang ay nakita ko na ang kabilang altar. Isang kumikinang nasimbulo ng aming kaligtasan.

"Konting tiis nalang, malapit na tayo!"

Limang dipa bago kami nakaabot namatay ang apoy ng araw.

Nabalot kami ng kadiliman habang inaatake kami ng naghihiyawan na unglo. Hindi kami makahakbang dahil sa dami nila, sapat lang ang kilos para maprotektahan ang aming sarili. Marami kaming napatay ngunit hindi sila nauubos. Wala kaming magawa kundi sumigaw at dumipensa.

Ang kanilang sigaw ay kinakain ang aking tapang. Parang galing sa hukay at pilit kaming hinahatak tungo rito. At ang mga mukha nila na lumalapit sa amin ang mas malala. Ang mga patay na mata nilang walang reaksyon. Parang gusto lamang nila kaming patayin nang walang dahilan. Nakakatakot. Sobrang nakakatakot

Hindi ko na mabiling kung ilang segundo ang lumipas bago ako unang nasugatan. Nahiwa ang aking braso, ramdam ko ang mainit na dugong dumaloy rito. Nung titignan ko ito isang kamay ang humawag sa isa kong bisig at naramdaman kong bumaon ang maraming ngipin sa aking balat.

Naghumiyaw ako sa sakit, hiniwa ko ang leeg ng unglo at humiwalay ang ulo sa katawan. Ganun na lamang ang sindak ko nung naiwan ang ulo sa aking bisig.

At ang mga mata nito ay nakatingin parin sa akin!

Halos mabaliw ako nang sandaling iyon ngunit nanatili ang rasyonal kong pagiisip, hindi para sa akin, kundi para sa mga kaibigan ko. Hindi kami maaaring mamatay sa lugar na iyon, sa ganoong paraan. Nagngingitngit ang aking ngipin habang pwersahan kong tinanggal ang ulo sa aking bisig at binato ito sa malayo.

"ABANTEEEE!" sigaw ko habang patuloy na hinihiwa ang mga nasa harapan habang dahan dahang humahakbang. Sumigaw rin ng sagot ang aking mga kasamahan at samasama kaming tumutulak para makadaan.

Patuloy parin akong nahihiwa ng mga dumidikit sakin. Napupuno na ng galos ang aking katawan, sa plagay ko ganun narin ang aking kasamahan. Pero patuloy parin kaming naglalakad, walang pumapasok sa isipan kung sulong sulong sulong. Kahit nanghihina na sa pagod, sulong sulong sulong. Konti pa, malapit na kami.

Natapilok ako.

Dahan-dahan akong tumutumba. Pilit kong iinaayos ang aking tayo dahil kapag bumagsak ako alam kong iyon na ang katapusan.

Pero huli na ang lahat. Bumigay na ang tuhod ko at patuloy kong papalapit sa sahig.

Hindi ito nangyari. Bumangga ako sa isang bagay at may humawak sa aking mga braso para itayo ako.

Biglang lumiwanag ang paligid.
Una kong tinignan ang mga kasama ko. Lahat sila ay ligtas kahit puro punit ang damit at galos sa katawan. Himalang walang malubhang nasugatan sa kanila na nakabunot ng malaking tinik sa akibg dibdib. Ang mga unglo ay nagatrasan na tila natatakot sa kanilang nakita. Gumapang sila palayo sa liwanag ngunit ramdam ko parin ang kanilang mata sa amin. Parehas sila, pati ang aking mga kasam na nakatingin sa nagligtas sa akin.

Isang lalaki ang nakatayo, nakasuot ng hawak ang isang manipis na balabal na sakop ang buong katawan. May hawak syang sulo kung saan nagmumula ang nagngangalit na apoy na kinatakutan ng mga unglo. O baka ang mga mata niyang nagngangalit sa bangis ang kanilang kinatakutan.

Ngunit nang tinignan nya kami, napalitn ito ng ibang emosyon. Paghanga o pagaalala o baka halo ng dalawa, di ko matukoy dahil panandalian lang itong rumehistro na pati ako nagduda kung nakita ko nga ba ito.

Kilala ko sya. Nakita ko na ang imahe nya kaya di ako maaaring magkamali. Nakahinga ako nang maluwag.

"Napakahusay ninyo. Binabati ko kayo at nakarating kayo rito. Huwang kayong mag-alala, ligtas na kayo."

May pagniniguradong sabi ni Emilio Jacinto.

•••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••

(*1) Unglo

Origin: Bicol
Nope, hindi yan cheapangang pinoy version ng isang korean clothing brand. Mga engkanto yan sa Bicol na nakatira sa puno. Puro patusok ang kanilang katawan, na maaawa ka kung paano sila natutulog ng komportable sa gabi. Siguro lumuluha sila kapag ang ibang kapitbahay nilang maligno ay bumibili sa SM ng waterbed tapos sila di makahiga. Wala silang lovelife dahil ang yayakapin nila, mamamatay. Such sadness is thier life. Ohh so sad. Unfair ng universe sa kanila.

Pero paano sila dumadami? Dunno. Via share it siguro.

Isa sa mga sikat na pagkakakita sa kanila ay mababasa mo sa monograpiyang sinulat ni Prayle Castaño. Nilista nya sa kanyang sulatin ang mga nilalang ng gabi na matatagpuan sa Bicol noong panahon ng mga kastila. May hula rin ako na sya si Alejandro Pardo sa librong 'The Lost Journal of Alejandro Pardo' dahil kung nabasa nyo na ito, malalaman nyong pseudonym lang ang Alejandro Pardo.

Pero di mo na ito makikita sa panitikan o internet basta basta. Mahirap na itong hanapin dahil sa paglipas ng panahon.

Kung may anumang impormasyon kayo ukol rito, mangyari lamang na ipagbigay alam sa akin para Rakenrol.

•••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••••

A/N:

Sorry sa lahat ng naghintay, may mga inaasikaso kasi akong hindi naman ganoon kaimportante gaya ng trabaho, saka misyon ko to save the mother earth.

Salamat sa lahat ng naghintay, patuloy na sumusuporta. Lalo na at 1k reads nalang 200k na ito. 199k na kasi. Parang kailan lang, 198k pa yan. Bago yun, 197k muna. Eymeysing. Kunting kembot nalang malapit na sa 100M reads.

Salamat sa lahat ng nagfloodvotes, andami nyo. Pero sorry po di ko muna kayo ipopost. Priority ko muna mag UD. Pero nakalista naman kayo lahat, kung di kayo magbabago ng name, maipopost ko kayo sa susunod.

Dedicated ito sayo. Oo ikaw na nagbabasa nito. Dadalawin kita mamaya sa pagtulog mo tapos bubulungan kita ng "thank you" at kakantahan kita ng 'pag three pataas bonakid preschool 3 plus' bosanova rendition na maraming kulot. Kasi you rock.

Sabihin mo yan sa nililigawan mo huh. You rock! Sa tagalog, BATO KA!

Rakenrol.

Pafloodvotes po, share and comments. Binabasa ko po lahat yan. Kahit karamihan dyan puro, 'Otor UD naman dyan' or the likes.

Sa sunod uli. Wala nako masabi eh. Kahit naman sabihin ko, di nyo maririnig.

Chiao!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top