KABANATA XLV - Ay Nahulog! (log log)
Nasa kalagitnaan ako ng aking pagtakbo tangan ang balisword... Err bagwis. Nasasanay nako tuloy. Ulit.
Nasa kalagitnaan ako ng aking pagtakbo tangan ang bagwis(yown!) nung sumigaw ng 'sandali!" si Tifa. Nagitla ako nang panandalian, nais malaman kung ano ang kanyang pakiwari pero ang aking mga kasamahan ay napasulyap lang pero tuloy parin sa kanilang pagsugod. Nagdalawang isip ako, hihinto o ipapagpapatuloy ang plano.
Ang unang nakaatake ay si Noli hinampas nya ang binti ng gisurab gamit ang buntot pagi. Lumatay ito na parang humahagupit na latigo ngunit hindi ito ininda ng huli. Nagulat man nagawa paring iwasan ni Noli ang pagsipa ng higante, ang hangin na gawa nito ay dumampi pa sa aking pisngi kahit malayo ako. Sa kanyang pagiwas humampas uli sya pero tila walang nararamdam ang gisurab, tulad ng ex mo.
Si Jazz ay umiikot sa gisurab habang nakatingin kay Mira sa itaas, hinihintay ang pagkalalaglag ng bata para makatyempong saluhin ito. Natunugan ito ng mangmangkit na agad na bumulusok litaw ang matatalas na kuko para dagitin ang aking kaibigan. Isang epikong labanan ng ibon at manok ang aking matutunghayan, sana. Pero sa huling segundo bago dumagit ay nagmaniobra ito palihis upang matakasan ang lumilipad na patalim ni Makie. Napa ismid ang diwata dahil sa bilis ng kanyang pagbato nagawa paring makalihis ng mangmangkit. Ilang patalim pa ang pinawalan niya nang sunod-sunod pero naiwasan lahat ito ng ibong sumisirko sa ere. Sa huli isang nilalang na tila usok na itim ang humarap kay Makie hinarangan ang kanyang paningin para maging libre ang mangmangkit na lakbayin ang itaas.
Iba sila sa mga nakalaban naming mga nilalang. Mas sanay sila sa pakikipaglaban kaya di magiging madali ang plano namin. Lalo pa kung paubos na ang mitsa ng aming orasan.
Napatalon ang diwata. "MILO!"
Oo alam ko, ako ang nakatoka sa buso at kailangan kong tumulong. Tumigil ako sa pagdadalawang isip at lumapit sa kanila sya namang sumigaw uli si Tifa.
"Ang marindaga! Pigilan nyo sa pagkanta ang marindaga!" Napatigil ako at nakits ko si Tifang tinuturo si Jessy. "Ang sabi ni Magellan nasa atin na ang kailangan natin! Naalala nyo yung isang linya sa Lupa ng Hinirang? 'Sa pag-awit ang paglayang minamahal' at ang sabi ng kapitan kapag hindi ko natalo siya bago matapos ang kanta ihuhulog niya si Mira."
napatingin sya sa kapitan ng biglang itong tumayo, dito lumakas ang boses niya.
"PIGILAN NYO SYA SA PAG-AWIT PARA HINDI NYA MATAPOS ANG KANTA!"
Nagkatinginan kami ni Makie at nagkatunguan sabay karipas ng takbo sa kabilang panig ng kwarto.
"May nagbago sa plano! Ipagpatuloy nyo ang sa inyo kami naman rito! Hindi na sumagot si Jazz at Noli pero nakuha nila ang ibig naming sabihin kaya pinaikutan nila ang gisurab.
Tumakbo ang aking utak nang mas mabilis sa aking paa, pinoproseso ang tinuran ni Tifa. Kung iisipin mo lohikal ang kanyang konklusyon, at sa tintahak na landas ng mga sinasabi ni Magellan na puro may ibang nilalaman, hindi malayong tama sya. Nabigyan narin ng linaw ang katanungan ko kung bakit nakaposisyon sa kabilang panig ng kwarto ang dalagang dagat, malayo sa aming pagtangan, ligtas sa lahat ng panganib. Kung may agam-agam ako sa aking isipan, isinantabi ko muna. Dahil nakailang hakbang lamang nasa harapan ko na ang mangmangkit!Pumapagasgas habang sumisigaw ng Hhhsshhkkassgrshszzzptzzzhhs! Bahala kang basahin yan. Ewan ko kung bakit, nakakapagsalita naman yun. Naeksayt siguro.
Napatakip ako ng mukha sa lakas ng hangin ng kanyang pagaspas. Paunti unti akong napapaatras sa aking kinatatayuan, lumuhod nalang ako upang hindi madala. Sakto naman dahil dumaan sa aking ulunan ang mga kutsilyo ni Makie. Ngunit isang sa sampal ng malaking pakpak lahat ng kutsilyo ay tumilapon at tumarak sa sahig. Akala ko inatake ako sa puso nung ang isa ay tumarak sa pagitan ng aking mga binti. Safe!
Pumaimbulog ito pataas para takasan ang mga atake ng diwata. "Pahiram ng balikat mo." sabi nya. Bago ko matanong kung bakit inapakan nya ako sa balikat, ginawang baitang at lumundag para abutin ang kalaban (hindi nako magkokomento kung mabigat o magaan sya, mahirap na.) Konti nalang at maabot nya ang paanan nito, ngunit naabot nya na ang dulo ng kanyang talon at patuloy lang ang mangmangkit kaya hindi niya ito nahawakan. Isang kutsilyo ang pahabol nyang pinukol pero madali lang itong naiwasan. Umikot ang diwata sa ere bago lumapag na parang si spiderman. Napasipol ako, pati si Magellan napansin kong pumapalakpak. Ang pagkabilib talaga ay walang pinipiling panig.
"Anong tinatanga-tanga mo dyan?" sigaw niya sabay turo kay Jessie. Oo nga pala. Pero kailangang tanga talaga? Aray ko beh.
Pinagpatuloy ko ang pagtakbo hindi na inaalala ang mangmangkit sa itaas dahil kada isang pagsugod niya, ilang kutsilyo ang sumasalubong sa kanya. Pero nung papalapit ako isang kalaban ang diko inaasahang makita ang humarang. Hindi ko inaasahang makita dahil itim lang sya. Ang buso! Nasa likuran ko lang sya noong una paano sya panunta agad sa harapan ko? At nagbago na nang kaunti ang kanyang wangis. Kung nung una ay para lang syang kriminal kanila Conan, ang katawan nya ay parang naglalabas ng wari mo'y usok na kulay itim. Tila hamog na mula sa freezer ng ref kapag binuksan mo. Kulay ano lang... Itim.
"Tumabi ka dyan!" Pero di nya ginawa, nakatayo lang sya sa aking harapan habang ako ay papalapit. Ayoko man, dahil sa kulang na sa oras, wala na akong magawawa kundi gumamit ng dahas. Hinanda ko ang akong bali.. bagwis na parang katana at patakbong hiniwa ang kanyang katawan tulad ng sa mga samurai. Matapo nun, napausal ko ang pinaka maangas na salitang sinabi ko buong araw.
"...huh?" yep huh. Hindi ko alam kung ano ang nangyari. Lumingon ako sa likod pero wala na yung buso, pagharap ko nasa harapan ko na uli siya, paano nangyari yun?
Hiniwa ko syang muli pataas. Pababa. Patagiliran. Bago ako sumuko at tumalon paatras. Tama nga ako. Lahat ng atake ko ay hindi tumatalas, tumatagos lang na parang humiwa ako ng hangin. Oo kapag gamit ko ang bagwis swabe lamang kapag humihiwa ako ng kalaban, maihahalintulad sa paghiwa ng mantikilya. Ngunit kahit papaano nakakaramdam ako ng konting pagbabag o paglaban ng laman o buto(eww). Pero sa kanya wala talaga.
"Pagod kana?" nakangiting tanong nya. O pakiramdam ko nakangiti sya. Walang parin syang mukha eh. "Mapanganib yang espada mo, kinakatakutan yan ng karamihan. Pero hindi yan tatalab sakin. Gusto mong malaman kung bakit?"
"Hindi. Ayoko."
"Kasi isa akong tunay na anino BWAHAHAHA-NGORK *ubo* *ubo* "ubo* saglit lang, mausok eh.
"Usok mo yan diba?! Bakit ka nauubo?! Saka sinabi ko na ngang hindi, sinagot mo parin! Nagtanong kapa!" at saka may peke bang anino?
"Wala na ba akong karapatang-*ubo* umubo? Napaka rasista mo naman. Diba nababahuan kayong mga tao sa sarili nyong *ubo* amoy? Parang ganun din yun." sabay ubo nya nang matindi, humawak sya sa isang tuhod habang ang isang kamay ay sumisenyas na hintayin ko sya. Gusto ko syang sipain eh. Kung di lang tatagos.
"Okay nako, salamat sa paghihintay." sabay itinaas nya ang kanyang kamay at ako'y nabalutan ng kanyang usok at napunta ako isang mundo ng kadiliman. Parang simoy na na sunog amoy nito pero hindi tulad ng usok ang sakit sa matang naidudulot nito. Napapaubo ako kapag nakakalanghap pero walang tunay na pinsalang ibinibigay, kailangan lang manatiling kalmado at alam kong malalampasan ko agad ang dagok na yun.
"Oo nga pala." ugong ng boses nya sa paligid ko. "Magingat ka sa paglanghap. Bahagi ng katawan ko ang usok na yan, kaya banayad lang sa paglanghap. HAHAHAHA-BLEGHUP *ubo* *ubo"
Ok. Panahon na para magpanic. Mali ako. Malaking pinsala ang dulot nito sa utak lalo na kung hindi ko alam kung anong bahagi ng katawan nya ang pumapasok sa bibig at ilong ko. Bathala maawa ka. Huhuhu.
Pinigilan kong huminga at tumaga nang tumaga pero walang saysay ang aking ginawa. Parang pagrereview mo para sa pagsusulit sa math kinabukasan, halos magmakaawa kana kay cosine at tangent para pumasok sa ulo mo pagkatapos sa science pala kayo may pagsusulit. Oh napakamasalimuot ang ating mundong ginagalawan. Kalungkutan layuan mo ako.
Wala itong patutunguhan, at wala naring panahon. Marahil iyom ang nais nya, ubusin ang oras namin para matapos ang kanta at mahulog ang bata. Hindi ko na alam ang gagawin ko. Iba ang sitwasyon kumpara sa laban namin ng sigbin kung saan parte nya ang kanyang anino at maaari syang masaktan kapag ito. Sa buso ay anino mismo, hindi mo ito masasaktan. Ang tangi lang makakatalo sa isang anino, ang nakakapagpawala rito ay...
Liwanag!
Ngunit saan ako makakahanap ng liwanag sa pagkakataong yun? Sa bertud! Sinubukan ko itong alugin pero isang kamay ang pumigil sa aking braso.
"Hep bawal yan. Alam ko ang nais mo gawin hahaha Hsgghh *ubo* AAHHHHHH!!!" sigaw nya.
Isang liwanag ang tumama rito at naglaho na parang hinangin. Nung nilingon ko ang pinagmulan, si Ever. Hawak ang Macbook na nagbigay nang kaunting liwanag pero sapat na para talunin ang buso. Ayos! Nag thumbups ako kay ever at sa diko inaasahang pagkakataon, ibinalik nya ito. Tumango ako at dumeretso na sa marindaga.
Nasa sampung hakbang nalang ako nang makaramdam ako ng kakaiba. Bumigat ang aking pakiram at parsng kinakalakad ko nalang ang aking mga paa. Bumabagsak narin ang talukap ng aking mga mata. Inaantok ako! Napaluhod ako at nakita ko si Jessy na malabakal ang tingin sakin habang kumakanta. Akala ko panginis lang ang silbi ng kanyang pag-awit, may kakayahan din pala itong magpatulog. Hindi ito maaari, sa dami dami ng kantang pwede katulugan, bakit kanta ng Aegis pa!
Sa tila nalulunod kong kamalayan naririnig ko ang boses ni Tifa at Ever sa likod ko, tinatanong kung anong nangyayari at bakit ako tila babagsak. Di ko sila masagot, tinatawag na ako ng unan. Humingi ako ng dipensa dahil sa dami ng pinagdaanan namin, tutulugan ko lang sila. Pasensya na, pero pagod nako, kailangan ko lang ng konting pahinga. Better luck next time nalang kay Mira.
Hindi! Kailangan kong magising! Hindu ko hahayaan na biguin ang pangako ko kay Ever at hayaang mapahamak si Tifa. Kinagat ko ang aking hinlalaki hanggang sa magdugo at maiwaksi sa sakit ang antok na aking nadarama. Biglang nabalutan ako ng usok at init, pagkatapos ay nagbagong anyo ako. Naging Titan ako at kinain ko si Jessy! Ano yun? Korni na? Okey...
Eniweys, dahil dun nawala ang aking antok at nagawa kong makalapit sa marindaga. Nakatayo ako sa harapan nya habang kumakanta lamang siya. Nakakahalina ang kanyang itsura at walang mababakas na takot. Kaunti nalang at patapos na ang kanyang kanta. Kailangan ko itong pigilan. Hinigpitan ko ang paghawak sa bagwis at itinutok ito sa kanyang leeg.
Sandali. Mali ito. May mali na mga nangyayari. Bakit nakatingin lamang sya sa aking mga mata, ni hindi alintana ang kamatayang kahaharapin sa aking mga kamay. Marami na akong nilalang na tinagpas ng aking sandali, lahat sa kaila ay naging alilabok. Pero bawat isa sa kanila ay tinangka akong patayin o ang mga kaibigan ko, kung tutuusin pinoprotektahan ko lamang ang aking sarili.
Pero iba ang sitwasyong yun. Ang marindaga ay walang ginawa para saktan kami(maliban sa pagkanta ng Sayang na Sayang). At kung iisipin mo bawat is sa kanila ay hindi kami sinaktan. Oo ikinulong ako sa kadiliman ng buso, inakyat ng ibon si Mira sa bato, at pinipigilan kami ng gisurab pero wala kaming ginawang hakbang para talagang saktan kami. Nilingon ko sila at patuloy paring nakikibaka ang mga kaibigan ko sa gisurab at mangmangkit. Pero ang buso ay nakatayo lamang. Pati si Magellan parang pinagmamasdan kung anong gagawin ko. Mga mata'y tila may mensaheng nais ipabatid sa akin. Bigla kong naalala ang sinabi nya. Nasa amin na ang kailangan namin. Kung tama ang hinala ni Tifa, patungkol ito sa letra ng Lupa ng Hinirang. Pero may kulang, ang mga unang linya ay nalaktawan ni Tifa. Inalala ko ang bawat salita at may linyang tumatak sa akin. Kung tama ang hinala ko ay...
"Milo patapos na ang kanta!" sigaw ni Tifa.
"Milo! Gawin mo na ang dapat mong gawin!" sigaw ni Makie.
"Kuya Miloooo!" sigaw ni Ever.
Umiling ako. Wala nang oras para magdalawang isip. Kung hindi ko ito gagawin mamamatay ang kaibigan ko. Tinatagan ko ang aking loob at inangat ang bagwis at pinikit ang aking mata para diko makita ang aking gagawin.
Handa na ako.
Binitawan ko ang bagwis. Tumarak ito sa sahig hanggang hawakan na parang napakalambot ng lupa. Hindi ko kaya. Hindi ko magawang patayin ang marindaga. Nakita ko sa mata ng aking mga kaibigan ang hindi pagkapaniwala sa aking desisyon. Napausal ako ng kapatawaran sa kanila. Pinanghawakan ko nalang ang ideyang dumapo sa aking isipan. Sana tama. Sana lang talaga.
Kinanta ng ni Jessy ang huling nota naoO mas pabirit kumpara sa nauna, sa lakas tumalsik ako at napalitan Ng aking pandinig ng matinis na eeeeeeeeeeeeee, kagaya o kapag walang nang palabas sa tanlap(telebisyon) at puro parihabang kulay nalang ang makikita. Napatakip ng tenga ang kasamahan ko di inaasahang pagbirit. Pero ang pinakamalaking epekto nito ay naganapo sa kinauupuan ni Mira.
Nawarak ang batuhan.
At nahulog ang bata.
Tila epekto ng panandalian kong pagkabingi, mistulang bumagal ang paligid. Napanood ko kung paano kumilos ang aking mga kasamahan. Hinampas nang malakas ni Noli ang binti ng gisurab, at marahil sa ilang beses nya itong unulit sa iisang lugar lamang, ininda na ito ng malaking mama. Napahawak ito sa kanyang binti. Sinamantala ang pagkakataong iyon ni Jazz.
Sumipol sya kay Noli na inaalay naman ang dalawang kamay para apakan ni Jazz, pabay bato sa kanya upang tumaas ang kanyang talon. Humakbang sya sa braso at ulo, nawalan panandalian ng balanse, saka tumalon bago pa man abutin ng gisurab. Parang eksena sa pelikula, ang mabilisang pagtalon ni Jazz naka abang ang mga bisig, ang pagbulusok ng sumisigaw na si Mira habang sa paligid ay naglalaglagan ang mga bato. Perpekto ang pagkakaoras, paniguradong masasalo ni Jazz ang bata, parang isang napaka gandang obra maestra.
Dinagit ng mangmangkit si Jazz bago nya mahawakan si Mira, walang nakakita kung saan ito nagmula. Pinilit hinabol ng kamay ni Jazz ang kamay ni Mira ngunit naglapat lang ito at hangin lamang ang tanging nahawakan. Napansin ko nalang na lahat kami ay isinisigaw ang kanyang pangalan habang tuloy ang kanyang pagbulusok. Iniwas ko ang aking paningin bago nya katagpuin ang lupa.
Isang malakas na kalabog ang umaalingaw-ngaw sa buong kweba.
Hindi ko alam kung ilang segundo pero nanatili akong hindi makatingin. Sa utak ko ay ang eksena kung saan makikita kong lasog ang katawan at bali ang mga buto ng batang babae. Inabot ng buo kong lakas bago ko nagawang mapatingin, at nang makita ko tuluyang nanlabot ang aking mga tuhod dahilan para akoy mapaluhod. Napansin ko nalang na may luhang tumulo sa aking mata.
Sinalo ni Magellan si Mira.
"Aruy ko. Hindi na maganda sa tumatanda kong mga buto ang ganitong ehesisyo." reklamo nya bago ibaba ang bata. "Sige na ija, puntahan mo na ang mga kaibigan mo."
"Salamat po tanda." napangiti lang si Magellan.
Tumakbo papunta samin si Mira. Tapos bumangga sya sa paanan ng gisurab at nadapa. Agad naman syang itinayo at niyakap ng kanyang kapatid. Bulag ka Mira, wag basta-basta tatakbo.
"B-bakit mo ginawa yun? Bakit mo sya iniligtas?" naguguluhang tanong ni Tifa.
"Sinabi ko na kanina diba, 'nakinig ka bang mabuti?'" paguulit nya. "tama ka na nasa Lupa ng Hinirang ang sagot na hinahanap namin. Tama ka rin na patungkol sa linya na 'Sa pagawit ang paglayang minamahal.' pero mali ka ng interpretasyon, at kulang ng impormasyon. Nalimutan mo ang naunang linya."
"'Pagbihag ay dula'" sabi ko habang lumalapit sa kanila. "Ibig sabihin hindi totoo yung ginawa nilang pagbihag kay Mira."
Ang buong kataga ay 'Pagbihag ay dula. Sa pagawit ang paglayang minamahal.'
"Opo" tugon nung nene. "Sinabihan ako ni ate Precious na magpanggap na isang natatakot na bihag."
Kumurap ako. "Sino si ate Precious?"
Tinuro nya yung mangmangkit.
"BABAE KA?!" gulat ko.
"Huh, ano ba namang klaseng tanong yan? Syempre babae sya." ani ni Makie.
"Nagtataka naman ako sa iyo kaibigang Milo, kanina pa natin sya kasama rito sa kweba hindi mo pa alam na babae sya? Ok ka lang ba?" Segunda ni Jazz.
"Hindi yan maganda sabihin sa isang dalaga Milo, humingi ka ng paumanhin." utos ni ExCab. Dalaga?! Dalaga sya?! Anak ng crema de fruta!
Humingi ako ng despensa sa kanya, na agad nya namang tinanggap na may pahabol na kindat at nahihiyang tawa. Kinilabutan ako.
"Gaya nga ng sinabi ng ijo, hindi totoo ang pagbihag. Simula palang wala kaming balak saktan ang isa man sa inyo. Sinabi ko na ihuhulog namin ang bata, pero hindi ko sinabing ibabagsak namin sya." tama nga naman. At tama nga ang hinala ko.
"Kamusta naman ang laro ninyo? Sa huli hindi ka rin ni Tifa. Ibig bang sabihin nun ay hindi kami pumasa?" pagbanggit ni Noli sa katanungang bumabagabag sa amin.
"Hindi importante ang laro." si Tifa ang sumagot. "Isang pakulo lang ng kapitan ang larong sungka na yun. Naalala kong hindi nya sinagot ang tanong ko kung padadaanin nya tayo sa pinto kapag natalo ko sya. Ibig sabihin hindi mahalaga kung nanalo o natalo ako. Dahil hindi naman yun ang pagsubok na nilaan nya para sa atin, hindi ba kapitan?"
"Tama ka. Pero hindi ako sumasangayon sa sinabi mong pakulo lang ang laro. Labis kong ikinagalak ang laban natin ija. Iyon ang pinakamasayang ginawa ko sa loob ng maraming siglo. Salamat." Nginitian nya si Tifa.
"Ang sabi ko ay dapat nyong patunayan na karapatdapat kayo, walang koneksyon yun sa laro. Alalahanin ninyo ang naunang mga linya sa kanta. 'Sa dagat at bundok, sa simoy at sa langit mong bughaw.' ang linyang yan ay sumasalamin sa likas na yaman ng inyong lupa. At bawat isa sa mga kasamahan ko ay ang personipikasyon nito."
Tinuro nya isa-isa ang mga kasamahan niya.
"Marindaga para sa dagat, ang gisurab para sa kabundukang tahanan nito, ang buso sa simoy, at ang mangmangkit ay para sa asul na kalangitan."
Kumunot ang noo ko.
"Teka, bakit sya yung sumasalamin sa simoy." turo ko sa buso.
"Bakit, sino bang inaasahan mo, si James Reid?" sarkastikong reklamo nito. Diko na itatanong kung bakit kilala nya ito.
"Nasubukan mo na bang manghuli ng hangin? Isa itong kabaliwan. Bukod sa hindi mo ito nakikita, hindi mo rin ito mahahawakan. Ganun sa mga nilalang na ang natural na elemento ay may kuneksyon sa hangin, mahirap silang 'makuha'. Nandito na ang buso bago pa man ako dumating dito kaya napagpasyahan nalang na sya ang gaganap sa papel na yun." paliwanag ng kapitan. Sus! Di nalang sabihin na cost-cutting sila.
"At sa iyong kaalaman may simoy din naman ako noh!" meron nga, di lang kaaya-aya.
"Dalawa ang aking pamantayan sa pagsubok sa inyo. Ang una ay kung hindi nyo papatayin ang mga kasamahan ko na sumasalamin sa likas na yaman, dahil pag pinatay nyo sila, parang pinatay nyo narin ang inyong sinilangan lupa. Pero kapag inalagaan nyo ito aalagaan rin kayo bilang ganti. Kung kaya hindi nila kayo sinasaktan. Naintindihan ata ito ng binatilyo." patukoy nya sa akin
"Nagkaroon lang ako ng ideya nung mapansin kong nila kami seryosong nilalabanan. At saka hindi ko kayang patayin ang nilalang na ng walang laban. Ni hindi nga sya umiwas." sagot ko.
"Dahil handa silang ialay ang kanilang buhay para rito."
"Anong handang ialay? Baka sapilitan?" pasok ng marindaga.
"*ehem* ang sumunod ay kung gaano kahalaga ang buhay ng iyong mga kaibigan kung kaya't binihag namin ang batang babae. At sa pinakita ninyo, para sa dalagitang ito na hindi sumuko kahit wala syang pagasang manalo-"
"Excuse me?"
"Sa ijo na ito na pinakita ang pagmamahal sa kanyang kapatid, sa inyong lahat na gumawa ng paraan para iligtas sya, kayong lahat ay ginawa ang higit pa sa inaasahan ko. Dahil kung wala kayong ginawa, o sumuko ang dalagitang ito, pinatunayan nyo lang hindi kayo karapat dapat na humarap sa presensya ng may-ari ng bertud ng katapangan. Dahil para sa akin, wala nang hihigit na karuwagan pa sa pagtalikod sa kanyang mga kaibigan." makabuluhan nyang sabi habang nakangiti. Tila inaalala ang mga kasamahan hagang sa huli, ay di nya tinalikuran.
"Ang ibig bang sabihin nyan ay..."
Di na natuloy ni Tifa ang kanyang katanungan dahil sa sandaling yun kusang bumukas ang pintuan.
"Binati namin kayo, nakapasa kayo sa aming pagsubok!"
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
"Sa paglampas nyo sa daanan na iyan ay may huling pagsubok kayo na kahaharapin bago makaharap ang hinahanap ninyo. Maging buo lamang ang inyong loob ay magtiwala sa isa't isa at malalampasan nyo ito. Ang awit ang inyong magsisilbing gabay." sabi ni Magellan nung kaming nakapagayos na at papasok na sa pintuan.
Hanubayan handami namannnn.
"Maaari ba kaming humingi ng pabor sa inyo mga ijo at ija?" tanong ni Magellan.
"Sige po, hingin nyo na."
"Huh?"
"Wala. Ano po iyon?"
"Ang bawat isa sa amin ay nakulong rito sa iba't-ibang dahilan. At lahat kami ay may galit sa nagkulong sa amin. Gaya ko, hindi ko maitatanggi ang pagkamuhi ko sa inyong mababang lahing mga indio." pigilan nyo ko itatali ko sya sa buhok nya sa kilikili.
"Pero ang lupaing ay walang ginawang masama. Itong bansang ito ay isang paraisong naligaw sa lupa. Higit sa anupaman, isantabi natin ang misyon ko sa pagpunta rito, di ko pinagsisisihan ang pagpunta ko rito. Napamahal sa ako sa lupang inyong sinilangan. Gaya ng mga kasamahan ko." Nagtanguan silang lahat.
"Kahit nakakulong kami sa kwebang ito batid ko ang nagbabadyang kadiliman at kapahamakang bumalot sa lupang ito. Nararamdaman namin ito, at sa tingin ko iyon ang dahilan kung bakit narito kayo para kunin ang makapangyarihang bertud."
Dito nagulat kami sa sumunod nilang ginawa. Lahat sila yumuko sa amin.
"Nakikiusap ako, sampunng aking mga kasamahan, nagsusumama ako sa inyong itinuturing kong kalaban, kahit hindi na ko makawala rito at dito na malagutan ng hininga. Pakiusap, iligtas ninyo ang lupang ito na minamahal ko. Wag nyong hayaang masadlak sa kadiliman at kasamaan ang paraisong ito. Nagmamakaawa ako sa inyo. Mahal ko ang bayan nyong ito."
Hindi ko ikinahihiyang aminin, tumulo ang luha ko. Ang matatag at taas noong manlalakbay ay ibinaba ang kanyang sarili para makiusao sa kaligtasan ng lupang minamahal na. Ng lupa natin. Tumagos ito sa puso ko, sa buong pagkatao ko.
Yumuko rin ako, at sumabay ang aking kasamahan. Maliban kay Makie na nakakubli sa isang sulok. Pero naiintindihan ko sya. Ang isang dyosa ay di yumuyuko.
"Makaka-asa kaya, hindi namin kayo bibiguin!"
"Maraming salamat, mga Napili. Maging matagumpay sana kayo sa inyong misyon."
Inabot nya ang kanyang kamay ay kinamayan ko rin sya.
"Maraming salamat din po ginoong Magellan."
Ngumiti sya. "Magallanes. Tawagin nyo akong Magallanes. Yun ang tunay kong ngalan."
At matapos ang ilang paalam tinahak na namin ang lagusan sa likod ng pintuan. Ang huli kong narinig mula sa grupo nila ay pag-ubo at pagsabing...
"Puñeta *ubo* *ubo*, bakit ang usok dito?!"
©©©©©©©©©©©©©©©©©©©©
A/N:
1day delay lang naman, patawarin. At least di naman nakakabitin ang kabanata na ito diba?
Salamat sa mga nagfloodvotes namely:
hypermeriel26, sait_96, shrrylounms, christianjames26, ArashiYunaG05, maecajipe14, ising0420, MaAndreaMorillo, Gainanapots, kichanfriesss, soulpop28, puteputeputepute
Salamat dahil kung wala kayo, malamang umawis kaya somewhere, may lakad, mga ganun.
Please vote guys, follow and share. Sana umabot to ng 200k reads agad haha.
Sa nagaadd pala sa fb, pm nyo ako run para maaccept ko kayo. Di ako nagaaccept ng di nagpapakilala kasi chalamuch.
Yun lang, Rakenrol!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top