KABANATA XLIV - Sungkain mo Beybeh
Seryoso sungka(*1)?
Yan ang reaksyon ko na malamang reaksyon mo ring nagbabasa nito. Pagkatapos ng lahat ng pagbuo nya ng isang makapanindig balahibong senaryo, nauwi kami sa sungka. Seryoso talaga yun?
"Seryoso, sungka?" kitams, pati si Makie nagtaka rin.
"Kung nais mo palang maglaro ng palaisipan, bakit hindi nalang chess, dama, damath, shogi, go, game of the generals atbp?" ani ni Tifa.
"May mahalagang dahilan kung bakit sungka ang napili ko." makahulugan nyang sagot nya.
"Kung inyong mamarapatin kapitan, anong kadahilanan at sungka ang napili nyong ipanghamon sa amin." naks lalim.
"Kasi mukha syang barko."
"eh?"
"Tignan nyo yung hugis ng sungkaan(yung tabla), ang korte at mga kurbada. Naaalala ko yung mga barkong aking nilayag nung aking kabataan. Ang sarap nyang hawakan at himasin.. Hehehehe..." hinihimas himas nya yung sungkaan na parang manyak. Natigilan sya nung mapansin nyang medyo kinikilabutan na kami sa kanya.
"*ubo ubo*. Bueno, sinong hahamon saking labanan ako sa larong ito." pagbabago nya ng usapan.
Bilang tugon, lahat kami tumingin sa isang tao.
"Ako?" gulat na sabi ni Tifa.
"Sino paba? Wala akong hilig sa ganyan." sagot ni Makie.
"Wala akong alam sa sungka." taas ng kamay ni Noli. "Pero kung gagamitan ko ng puso at pananalig tingin ko kakayanin ko syang talunin." bago pa man sya matapos umiiling na kami.
"Hindi, malabo yun. Wag ka nang umasa." panabla ni Makie. "Alangan namang si Mira at Ever, hindi na uso ang sungka nung pinanganak sila. si Jazz naman... Sabihin nalang nating sa lahat ng narito, ikaw ang pinakalohikal na piliin." pagtatapos nya.
....Huh? Wala ako sa pagpipilian?.
"Ummm... Wala ata ako sa nabanggit?" sabi ko.
"Manahimik ka. Hindi nga kita sinama hindi ba?" sagot ng diwata.
"Oo nga. Di makaramdam." tumango si Tifa.
Anong ibig nilang sabihin run?
Hinawakan ako ni Ever sa damit. Teka bakit nya ako nginingitian na parang kinaaawaan ako at pailing iling pa. Sumumpa akong sisipain ko reproductive system tong batang yun paglaki.
"Ok sige, mukhang its my time to shine na uli." pagsangayon ni Tifa sa wakas.
"Kaya mo ba syang talunin?" tanong ko.
"Yun ang plano ko." hinubad at inilapag nya ang kanyang backpack bago lumapit sya kay Magellan.
"May hinala akong ikaw ang makakalaro ko binibini." pagbati nito sa kanya at sinenyasang maupo sa sahig.
"Bakit nyo naman nasabi yan?" bahagyang kumunot ang ilong nya sa dumi ng sahig pero umupo parin sya.
"Dahil tingin ko ikaw ang pinakamatalino sa grupo mo." umupo ang Kapitan.
"Magkakasundo tayo kapitan."
"Siguro. Dahil pakiramdam ko parehas tayo."
"Anong ibig nyong sabihin?" kumunot ang noo ng kaibigan ko.
Dumaklot ang kapitan ng ilang maliliit na kabibi na kung tawagin ay sigay sa kanyang supot at tinignan ito. Wari'y hinahangaan ang itsura nito.
"Hindi ko alam kung anong tawag dun... Nakalimutan ko... Hmmmm ayun! Kutob! May kutob lang ako. " Nilagay nya ang mga sigay sa kanyang mga pinamamahalaang butas sa sungkaan.
"Hindi ako naniniwala sa kutob." malalim na sagot ni Tifa. "Linawin ko lang, kailangan lang kitang talunin at papadaanin mo na kami sa pintuan?"
"Marunong ka bang maglaro ng sungka?" biglang tanong nito at inabot nya ang supot kay Tifa na tinignan muna ang kapitan na wari'y iaaral bago ito kinuha.
"May ideya ako kung papaano. Nung bata palang ako nagkampyon na ako sa ilang paligsahan ng chess, hindi naman siguro ganoon kahirap ito kumpara duon." nilagay nya ang mga sigay sa kanyang pamahaang butas.
"At sa tingin mo na matatalo mo ako sa sungka na matagal ko nang nilalaro sa kwebang ito?"
"Sabihin na nating ganito, matagal na akong naglalaro ng mga board games. Hindi pa ako natatalo kahit minsan." may kababaang loob na tugon ni Tifa.
Sabay silang may ginalaw sa kanilang nasasakupang butas. Hindi ko alam kung ano yun, pero nagpupunla ata ang tawag. Aminin ko na, wala akong alam sa sungka kaya diko alam ang ginagawa nilang galaw. Ikaw na umalam, wag laging spoonfeed.
"....Masyado kang kalmado ija. Siguro nga masyadong simple ang larong ito para sa iyo." Dumampot sya ng mga sigay sa isang butas. "Bakit hindi natin lagyan ng konting pampa-anghang ang ating laro." ngumiti siya, na hindi magandang tanawin dahil kulang ang bakod ng kanyang bibig.
May narinig akong kumakanta. Tila anghel na kahalihalina ang tinig na nagmula sa langit. Istilong pang-opera ang pagawit. Para itong umaalingaw-ngaw sa bawat sulok ng kweba kaya nung una hindi ko matukoy ang pinagmulan. Nanggaling pala ito sa kabilang panig kung saan kumakanta ang marindaga. Ang pinagtataka ko ay bakit nasa kabilang dulo sya.
"AHHHRRGGG!" tinakpan ni Makie ang kanyang tenga na tila may iniindang sakit.
Nakaapekto ba ang kanta sa kanya? Nabalot ako ng taka dahil wala naman akong nararamdaman, at kaba para sa kalagayan nya.
"Makie, anong nangyayari sayo?" Hinawakan ko ang kanyang balikat na agad nyang tinapik palayo. Hurt hurt. Isapuso lang ang luha Milo.
"Pigilan nyo yung kanta pakiusap! Bago pa sumabog ang tenga ko!" reklamo nya.
"Bakit? Ano meron sa kantang yun?" Tanong ni Jazz. Kung anuman ang epekto ng kanta, di tinatablan ang manok. Pati si Mira na matalas ang pandinig hindi apektado. Naisip kong limitado lang iyon sa mga diwata.
"Ayoko ng kantang yan!" sigaw pa niya. "Hindi nyo ba ito nakikilala? Pakinggan nyong mabuti!"
Ginawa ko ang sinabi nya at ilang segundo lang nakilala ko ang tono nang kanta. Naintindihan ko na kung bakit ganun ang reaksyon nya.
Np:
Sayang na sayang by Aegis (opera style)
Napausal ako ng mura. Delikado ang kantang yun... Sa maraming dahilan. Sa paulit-ulit na kinakanta ito sa videoke rinding rindi na ang tenga ko. Nagkaroon pa ng dagdag na epekto dahil sa mahiwagang boses ng marindaga. Kung plano nyang inisin kami, nagtagumpay na sya. Mahabaging bathala, iligtas mo ang eardrums ko.
"Eeeeeaaahhhhhhhhh!"
Isang malakas na pagaspas at napabalya ako sa sahig. Isang sigaw ang umusal sa aming bibig .
"MIRAAAAAAA!"
Dinagit sya ng mangmangkit habang abala kami sa pagrereklamo sa kanta. Lahat kami di naging handa. Kinagat ko ang labi ko sa ngalit.
Hinabol ito Ever at tinalun-talon para abutin ang kapatid, umalmang namang babatuhin ng kutsilyo ni Makie ang ibon pero pinigilan sya ni Noli. "Wag! Baka tamaan mo ang bata!" hindi itinuloy ni Makie ang atake.
"Miraaa!" ang nakakatatandang kapatid at di agad sumuko. hinabol nya ang mangmangkit kahit pa hindi nya ito maaabot. Nung huli binalingan nya nalang ang kaya nyang abutin.
"Walang hiya ka! Ibalik mo ang kapatid ko!" tumakbo sya tungo kay Magellan na nuo'y bagot na nagpupunla at di pinapaanood ang nangyayari. Mula sa kung saan, biglang nasa harapan na nito ang gisurab na naging harang sa pagitan ng dalawa. Taliwas sa kanyang laki ang bilis nitong ipinamalas. Pero hindi natinag ang bata at nagtuloy sa pagsugod. Tumigil ang puso ko nang itanaas ng gisurab ang huganteng kamao para hampasin si Ever. Hindi sya mabubuhay kapag tinamaan sya nun.
Tumakbo ako para habulin ang bata pero hindi ako aabot buti nalang mas mabilis si Jazz sa akin. Ang problema mas malapit ang pagbagsak ng kamao kumpara sa posisyon namin. Nung akala kong tatamaan na si Ever huminto ito nang bahagya, iyon pala may nakatarak na kutsilyo rito dahilan para mapahinto ito nang bahagya. Sapat na iyon para mayakap sya ni Jazz at lumundag palayo bago tamaan ng kamay. Tumakbo tungo samin si Jazz, tangan-tangan ang nagwawala paring bata. Sa kabutihang palad hindi na kami sinundan ng gisurab.
Sa itaas inilagi ng mangmangkit si Mira sa isang maliit na nakausling bato may ilang daang metro ang taas samin, kung saan isang maling kilos lang at babagsak sya sa kamatayan.
"Anong ibig sabihin nito?! Bakit mo ginawa yun?! Ibaba mo siya!" sigaw ni Tifa sa kanyang kalaro.
"Tch. Di ako panatiko ng mga taong nagtataas ng boses." hinimas nya ang kanyang balbas. "Wala lang yan. Isipin mo nalang na dagdag na hamon ito para sa iyo, para mas maging kapanapanabik ang laro. Kapag natalo mo ako, ibaba namin sya. Ngayon, ikaw na ang kikilos." senyas nya sa sungkaan.
"Nang dahil lang dun ilalagay mo sa panganib ang buhay ng kaibigan namin?!"
Napabuntong hininga ang kapitan. "Wala akong pakialam. Araw-araw may libu-libong taong namamatay sa mundo. Isa lamang syang tukdok na madagdag listahan."
"Ahhhhhhhhhh!" nabulagan sa galit, nakapiglas at lumusob muli si Ever. Hinabol ko siya
Mula sa kung saan sumulpot ang buso at ang itim nitong mga kamay ay parang lumaki ay pinuntirya ang bata. Bago nya ito tamaan ay nahigit ko ang damit kung kaya hangin lamang ang sumalubong sa kanyang atake.
"Pigilan nyo ang batang yan kung hindi mauuna pa syang mapatay." mahinahong sabi ni Magellan
"Akala ko ba hindi mo kami lalabanan! Bakit kami inaatake ng kasama mo." galit kong sigaw
"Tama naman ang sinabi ko. Hindi KO kayo lalabanan. Pero sila, may sarili silang pagiisip. Wala akong sinabing pati sila ay hahayaan lamang kayo."
Tama nga sya, hindi nya sinabi yun. Nakakainis kapag minamaniobra ng mga matatanda ang kanilang mga salita. Wala kaming nagawa kundi pakalmahin ang bata, sa tulong ni Jazz at Makie sumunod naman sya pero hindi nawala ang paningin nya sa kapatid nya sa taas.
"Dito ka lang Ever. Magtiwala ka kay ate Tifa mo. Tatalunin nya yang panot na longhair na yan." sabi ko, hindi ito sumagot pero sa kabutihang palad kumalma naman ito.
"MIRA! Dyan ka lang! Wag kang kikilos! Hintayin mo lang, ililigtas ka namin!" sigaw ni Tifa kay Mira.
"Wag kang titingin sa baba!" pahabol ko.
"Ha-ha-ha. Joke yun?" sarkastiko nitong tugon, isang magandang senyales na nasa mabuti pa syang kalagayan. "Bilisan ninyo. Giniginaw ako, ang lamig po rito!"
Nagkatinginan kami ni Tifa at nagtanguan, hinarap nya si Magellan
"Ngayon, pwede ka na bang gumalaw?" tanong nito. Hindi sumagot si Tifa at muling naupo. "Sa wakas at pinaunlakan mo ako muli ng iyong atensyon, kanina pa ako naghihintay."
Buong konsentrasyong sinimulan ni Tifa ang kanyang pagpupunla. Kapag nasa ganoong antas ang kanyang pagiisip, walang makakatalo sa kanya.
"Nalimutan kong sabihin." mahinahong wika ng kapitan "Kapag hindi mo ako natalo bago matapos ang kanta ng kasama ko, ihuhulog namin ang bata."
"ANO?!" Sigaw ng katunggali niyang nabasag ang konsentrasyon. Pati puso ko ay parang nabasag sa sinabi nyang yun.
"Medyo mahaba ang kantang yan, lalo na sa kanyang rendisyon. Sa palagay ko mayroon ka pang mga sampung minutong nalalabi."
"Sampung minuto para sa larong sungka?!"
"Oo. Hindi ba magaling ka? Kaya mo naman sigurong gawin yun. Kung ako sayo itutuloy mo na ang tira mo, tumatakbo ang oras."
Hindi nakakilos si Tifa na hindi katakataka. Kahit siguro sino di alam ang gagawin sa ganung sitwasyon. Nakalutang lang ang kamay nya sa sungkaan at di makapagpunla.
"Kaya mo yan Tifa! Maging kalmado ka lang! Wag kang kakabahan!" pagbibigay ko ng lakas ng loob sa kanya.
"K-kalmado lang ako! H-hindi ako kinakabahan!" yeah right, nagbavibrate lang boses mo pero dika kinakabahan.
Nagsimula na ulit ang laro nila. Salitan sila sa pagpupunla habang kami naman ay nanonood lang. Medyo nakakawala lang ng gana kapag timitira ang isa nang seryoso tapos maririnig mo sa likod SAYANG NA SAAAYANG TALAGAAAA. Para kang nagwowork-out sa gym tapos ang pinapatugtog ay Shine ni Regine Velasquez. Ang mga kampon ng kapitan at nakabantay sa laro at sa amin.
Ilang minuto pa nagreklamo na si Tifa sa mabagal na paggalaw ni Magellan.
"No. Hindi totoo yan. Masakit mang aminin, matanda na ako at ito na ang pinakamabilis kong kayang igalaw. Kaysa magreklamo ka, bakit hindi mo nalang doblehin mo nalang ang bilis ng iyong tira?"
At yun nga ang ginawa ni Tifa. Pagkatapos ng mabagal na tira ni Magellan, ginagantihan nya ito nang mabilis na pagpupunla.
"Humanda kayo." bulong ni Makie samin na madilim ang mukha. "Pagkatapos ng kanta, kailangang kahit isa sa atin ang makapwesto sa ilalim ng bato para saluhin si Mira."
"Sandali, hindi kaba nagtitiwalang matatalo ni Tifa si Magellan?" tanong ko.
"Wala akong duda sa kakayahan nya. Matatalo nya si Magellan. Pero hindi ngayon. Hindi sa ganitong sitwasyon. Minsan umaabot ng oras ang larong sungka, masyadong maikli ang sampung minuto para. Lalo pa't sinasadyang bagalan ng kanyang kalaban ang kanyang kilos.
Tumango si Jazz. "At ang isa pa, higit pa kay Magellan, ang kakayahan nyang magisip ang magiging kalaban nya sa pagkakataon ito."
Saktong pagkasabi nya noon ay nabitawan ni Tifa ang ilang sigaw sa sahig dala narin ng panginginig ng kamay. Dagli nya itong pinulot pero nahirapan siya. Sa dami marahin ng tumatakbo sa kanyang isipan hindi sya makapagkalma ng isipan. Ang larong iyon ay isa lamang panlilinlang. Walang intensyong panalunin sya ni Magellan. Pinaglalaruan nya lang kami sa kanyang palad. Tama nga si Makie, kailangan ng plan b.
"Pero hindi ba delikadong saluhin si Mira nang ganyan kataas. Maaring mabali ang buto nya ng sasalo. Maaring ikamatay pa nila." usisa ko.
"Ayun." palihim na tinuro ni Noli ang gisurab. "Gagamitin natin ang kanyang taas bilang baitang, isa sa inyo ang aakyat sa kanyang ulunan at tatalon para saluhin si Mira, nang sa gayon ay mabawasan ang pwersa ng kanyang pagbulusok. Sa kasamaang palad kulang pa ang lakas ng aking katawan para gawin yun."
"Ako na ang gagawa nun." presinta ni Jazz. Walang tumutol dahil sya ang pinaka maliksi sa aming lahat. "Kahit manok ako, may pangarap din akong lumipad kahit panandalian."
"Ok, manahimik kana." saway ni Makie at nanahimik nga sya.
"Kukunin ko naman ang atensyon nya para magkaroon ng pagkakataong umakyat si Jazz." ani ni ExCab.
"Ang balakid nalang ay ang mga kasama niya. Wala na tayong poproblemahin sa lamangdagat na kumakanta ng Aegis. Nakakairita lang sya pero tingin ko, mula sa kanyang kwento hanggang dun na lang kaya nyang gawin. Ako ang bahala sa malaking ibon." tumingin ang diwata sakin. "At ikaw naman Milo."
"Akong bahala kay binay."
"Oo, ikaw na ang bahala kay bi--huh?"
"Sa buso pala. Sorry magkarhyme kasi." kahit malayo. Tinaasan nya ako ng kilay pero isinantabi nya ikukumento nya sana.
"Gagawin natin iyon sa pagsapit ng huling koro bago matapos ang kanta." tumango kaming lahat.
"Anong gagawin ko?" tanong ni Ever. Walang makasagot sa kanya. Ang dating kabesa ang sumagot sa kanyang tanong sa huli.
"Dito ka lang muna, mas magtatagumpay ang plano kung wala kaming gaanong iisipin."
"Pero kapatid ko yun! Hindi maaaring manonood nalang ako ata walang gagawin! Gusto kong tumulong!"
Napalingon ang buso sa amin sa lakas ng boses ni Ever. O baka yun lang ang akala ko. Hindi ako sigurado dahil itim lang sya. Malay namin baka simulat sapul ay nakaharap na pala sya samin at nag mamansid lang.
Lumuhod ako para tumapat sa kanya at sinitsitan ko sya para hinaan ang boses. Inabot ko sa kanya ang bag ni Tifa.
"Maraming mahalagang bagay si ate Tifa mo dyan na importante para makatulong sa aming gampanan ang aming Misyon. Kung mawala yan o masira ang laman magkakaroon kami ng malaking problema. Ipinagkakatiwala ko ito para bantayan. Kaya mo bang gawin yan?" kahit di ko talaga alam kung anong laman nun.
"Paano makakatulong yun sa pagligtas kay Mira?"
"Mas panatag ang loob namin kapag alam naming nasa mabuting kamay ang bag na yan at ang buong atensyon ay nakatutok lang sa pagliligtas sa kapatid mo."
Mukhang hindi parin sya kumbinsido, sarap sambunutan sa tutchang. Mabuti nalang at nandun si Jazz.
"Totoy, isa kang Napili hindi ba? Tinatanggap mo ba ang Misyong binibigay namin sa iyo o tatalikuran mo lang itong bahag ang buntot?"
".... Pero wala akong buntot." bwisit kang bata ka.
"Tinatanggap mo ba o hindi?" paguulit ni Jazz.
"...Tinatanggap ko po."
Nakahinga ako nang malalim, at umaktong tatayo na nang hinigit ni Ever ang aking braso.
"Ipangako nyo saking ililigtas nyo ang kaoatid ko. Kung hindi, hinding hindi ko kayo mapapatawad." seryosong bilin nya samin.
Tumango ako. "Ipinapangako ko."
Sa kabilang banda parang tumakbo ng marathon ang aking kaibigan sa dami ng tagaktak ng kanyang pawis, pabalik-balik ang tingin nya sa sungkaan at sa pinaglagakan ni Mirasol na nuoy dinuduyan ang kanyang mga binti na parang nagrerelaks lang. Di nagtagal naibagsak nyang muli ang kanyang mga sigay, pero wala syang ginawa para pulutin ito, bagkus ay natulala lang syang nakatingin dito.
"Hindi mo ba pupulutin yan? Kulang nalang sa isang minuto at kalahati ang oras mo." Biglang tumayo si Tifa. Malalim ang kanyang paghinga at pinanlilisikan nya sa galit ang kapitan. Labis ko itong ikinagulat at kinabahala. Noon ko lamang syang nakitang ganun.
"Maupo ka." utos sa kanya ng katunggali.
"Hindi." pagmamatigas nya.
"Maupo ka at hindi pa tayo tapos maglaro."
"Hindi sabi!" sigaw nya. "Kalokohan lang ang larong ito! Lahat ng kundisyon ay pabor sa inyo! Hindi nyo ako binigyan ng pagkakataon para makapagisip nang tama, tapos nakasalalay pa ang buhay ng isang musmos sa sampung minutong laro ng sungka?! Hindi ito patas!"
"Alam mo kung anong hindi patas?!" pagtataas ng boses ng kapitan. "Ang lumaban sa 1,500 katao na may pwersa na 60! Kaya mo bang isipin ang takot na sumakal sa aking puso nang sandaling yun? Pumunta akong handa sa isang digmaan, pero ang aking nadatnan ay isang katayan! Pero sumuko ba ako? Hindi. Alam mo kung bakit? Dahil nakasalalay sa akin ang 59 na buhay ng aking mga kasamahan!"
Tinuro nya ang si Mira.
"Kung mahalaga sa iyo ng ijang yun, patunayan mo sa akin!"
"Pero imposibleng matalo pa kita sa natitirang isang minuto."
Tinawanan sya ng kapitan. "Nakinig kabang mabuti sa sinabi ko? Matalino ka hindi ba? Gamitin mo ang utak mo. Nasa iyo na ang lahat ng iyong kailangan. Patunayan mo sa akin na karapatdapat ka."
"....Anong sabi mo? Ulitin mo nga?" tanong ni Tifa.
Ngumiting may kahulugan ang portuges. "Patunayan mo sa akin na karapatdapat ka."
"Hindi yun, yung isa pa?"
"Gamitin mo ang utak mo?"
"Hindi rin yan!" napahawak sa bibig si Tifa at napaisip. "Ang sabi mo nasa amin na ang kailangan, at kung nakikinig ba ako."
Ayun! Gumagana na nang maayos ang utak ni Tifa. Panigurado may naisip syang hindi namin napansin. Kung paano nya tatalunin si Magellan at maililigtas si Mira.
Kaso huling koro na.
Naubusan na kami ng oras.
"TAYO NA, SULONG!" paghudyat ni Makie.
Isang huling sulyap at nagsimula na kaming lumusob sa kanya kanyang katunggali. Ngunit mukhang inaasahan na nila ito at handa na sila sa bakbakan sa saliw ng makabagbagdadaming musika ng Aegis.
Bago ko kaharapin ang buso, narinig ko ang boses ni Tifa na tumatawag sa amin.
"SANDALI LANG!" sigaw niya.
•••••••••••••••••••••••••••••••••
(*1) Sungka
Wala akong gaanong masabi rito. Kahit namanĺ. sabihin ko, di nyo maririnig kaya isusulat ko nalang. Or ittayp. Wateber.
Di ito nagmula sa pinas. Ang alam ko sa ibang kontinente ito nagmula at di sa Asya, pakitama nalang kung mali ako, tapos ingungudngod ko kayo sa tawas. Na nakapahid na sa kilikili ng kapitbahay kong pinatabang Hagrid.
Ang nagimbento nito ay isang mangingisda para maiwaksi ang pagkabagot sa hindi pagpalaot kapag bumabagyo. Napunta ito sa mga maharlika at sa matagal na panahon mga dugong bughaw lang ang nakakapaglaro. Hanggang sa kumalat ito sa mga ordinaryong tao, pati mga mangangalakal at lumawak sa kalakhang Asya at napunta na sa Pilipinas.
Isa ng beses ko lang itong nalaro, at natalo ako ng katunggali kong expert. Sobrang expert, no hands sya kung maglaro. San ka pa?
Kayo na bahalang umisip kung paano yun.
••••••••••••••••••••••••••
May karugtong na ito, hinati ko lang kasi parang ang haba na. So sana matapos at maipost ko kaagad within 2 days. Then hopefully, every fri makapag UD. Wish me luck.
Salamat din sa mga nag Floodvotes:
Angelika_1636, tsonggoloco, MishTorimo, celine143, HaveYouMetErika, AmaPsycho17, rhadz0425, BLINTZERO, ThineSulayao, BernadethNava, jessabarrion1, csi_zandrey, jhobelyn, HeySupLo, MJanang, silentRR, bodeys, YksPhoenix, jhessyjessica, Jennyoniichan, BinibiningMaryaKlara, SuperShesh1005, @yukari-sensei
Follow nyo narin ako para pagpalain kayo ni Yamcha. Kung wala kayo dyan baka nagpalit kayi ng ID o diko mahanap yung name ninyo.
Please vote din po yung iba. Follow nyo narin po ako parang awa nyo na, para rin ito kay Inang Kalikasan. Nakakabawas po ng CFC emmision na nakakabutas ng ozone layer ang pag vote and follow. Sa pagvote, follow and share nakakatulong kayong maibsan ang global warming na nagdudulot ng tagtuyot na nagreresulta sa kababayan nating nagugutom dahil walang makain. So Have a heart guys. ;)
Yun muna, Rakenrol!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top