KABANATA XLI - Mahiwagang Bundok
Wala halos tao sa bantayog ni Bonifacio sa paanan ng bundok ng mga bundok. Merong ilan, mga aakyat ng bundok at mga gabay nila, pero hindi ganun karamihan. Ang isang grupo pa binubuo ng turista mula sa ibang bansa. Nakakalungkot isipin na na mas pinahahalagahan ng taga ibang bansa ang ating kasarinlan kaysa sa ating mga Pilipino.
Ang itsura ng bantayog ay simple pero nakakamangha, may ilang nakaukit sa pader na... Ay wag nalang, hindi ko na ilalarawan. Kung gusto nyong malaman, pumunta kayo sa susunod para makita nyo mismo. Para naman mapahalagahan din ninyo.
Pero ang totoo nyan tinatamad lang ako. Sorry nalang mwahahaha.
"Saan na tayo ngayon? Paano natin malalaman yung daan papunta sa pangatlong bundok na yun? Duda akong may tourist guide na magtuturo satin ng daan tungo sa nakatagong bundok." Tanong ko.
"Tumingin na ako sa paligid, sa bakas ng daan, sa mga puno at halaman, mga tipak ng bato, pero wala akong nakitang kakaiba na maaring maging kuneksyon natin sa bundok." Sagot ni Noli. Dahil isa syang mahusay na mangangaso ng Magtagumpay madali lang sa kanya ang maghanap ng di normal na tanawin sa mga gubat at bundok.
"Siniyasat ko na rin yung dambana kung may mga nakatagong pindutan dun o kahit clue man lang, kaso wala eh. Saka kung may pindutan man, malabo rin na ilalagay nila ito sa kayang lapitan at hawakan ng lahat ng tao." Ani ni Tifa.
"Dipo ba ang sabi ninyo ayon sa liham ni Bonifacio yung dalawang pambansang awitin natin ang susi sa pagtuklas ng daan? Bat di natin gamitin yun?" Suhesyon ni Ever na mukhang sinaniban ng ginintuang utak ni Einstein. Parang kelan lang, naturingan pa syang Boy Plema ng Caloocan. Aymsoprawdobhim.
"Paano?" Tanong ni Jazz.
"Bakit di natin kantahin?" Ani ko.
"Kantahin? Seryoso ba kayo riyan?" Tanong ni Makie.
"Oo naman bakit naman hindi? Wala namang mawawala eh."
"Oh sige edi kantahin mo."
"Hah, bakit ako na naman?" Reklamo ko.
"Ikaw nakaisip eh." Sabi ni Makie.
Sa puntong yun sumawsaw na ang iba. Ginatungan pa ni Tifa na para raw akong si "Ogie" pag kumakanta. Di ko alam kung magaling ako kumanta, pero dahil sa panguuto ni Tifa at pambubuyo ng iba, naisip kong baka may talento rin ako run. Anong malay natin.
"Ok sige, pero ang alam ko lang ay yung Lupang Hinirang. Di ko alam yung isa." Tumindig ako nang maayos pinatay ang hiya at nagsimulang kumanta.
"Bayang Magi~"
"HEP! TIGIL!" Putol ni Tifa.
"Hah? Bakit?"
"Kanang kamay sa kaliwang dibdib."
"Kailangan pa ba yun?"
"Oo naman, ang pambansang awit ay simbulo ng ating kasarinlan, marapat lamang na tratuhin natin ito nang may paggalang at paglapat ng ating kamay sating puso."
Tama yun mga iho, iha. Matutong igalang ang pambansang awit. Wag yung laging mo nalang di pinapansin pag tinutugtog ito at puro ka cellphone at tsismisan. Sungalngalin ko kayo eh.
"Kapag ganyan ang paliwanag, makakapagreklamo pa ba ako?" Nilagay ko ang kamay sa dibdib. "Ayan ok na ba yan?"
Tumango sya at itinaas ang dalawang kamay para kumumpas. "Hintayin mo ang hudyat ko ok?... Handa, Awit!"
At kinanta ko ang Lupang Hinirang. Dun ko lang napagtanto na nakakailang din pala kantahin yun kapag magisa ka lang kumakanta, may kumukumpas pa at yung iba pinanonood ka. Pati yung ibang turista napapatingin na parang nawiwirduhan sa ginagawa namin. Mukha kaming tanga.
"Ogie ikaw ba yan?" Uto ni Tifa pagkatapos kong kumanta. Nagblush ako. "Ogie Diaz?" Habol nya.
Nagtawanan sila. Si Jazz nahuli pa nang 5 seconds and 46 milliseconds bago tumawa, nakigaya lang kahit di talaga nagets kung ano tinatawanan niya. Dapat di nako nagpauto eh.
"Ang yabang nyo, kayo na magaling kumanta."
"Wag ka nang maasar kuya. Maganda naman pagkanta mo eh." Pag-alo ni Mira.
"Talaga?"
"Oo, pero mas maganda kapag nasa tono ka."
Tawanan uli. Ngiti lang ako. Sa bahay nalang ako iiyak. Yun ay kung makakauwi pako.
"Tama na nga ang asaran, ano bang nangyari sa pagkanta ng Lupang Hinirang? May mapansin ba kayong nagbago sa paligid matapos ng kanta?"
Lumingon kami at hinanap kung may nangyaring naiba sa lugar, pero wala kaming nakita.
"Dalawa lang iyan eh, pangit ang pagkanta ni Milo o mali yung kanta." Sabi ni Makie.
"Malamang mali yung kinanta ko."
"Sigurado ka kaibigang Milo? Tingin ko kasi sangayon rin ako sa naunang pagpipilian." Ani ni Jazz. Sige pagtulungan nyo ko.
Napakamot ng ulo si Tifa. "Bakit kasi wala man lang kasing malinaw na gabay na iniwan si Bonifacio eh, gusto pahirapan pa tayo magisip. Hmmmm... Sa ngayon wala na tayong ibang paraan kundi kantahin yung 'Marangal na Dalit ng Katagalugan'. Ang problema..."
"Di natin alam kung paano kantahin yun. Wala ba sa Youtube o ibang websites?" Tanong ko.
"Yun nga eh, sinubukan ko nang hanapin kanina pero biglang nawalan ng signal. Gumamit nako ng satellite access pero wala parin, tingin ko may humaharang satin na mahanap iyon sa internet." Binanggit nya yung pagkunekta satellite na parang bumili lang sya ng kamote. Normal lang eh.
"Alam mo ba yung kanta Noli? Baka naituro dati sa Kanlungan?" Tanong ko.
"Maraming naiturong kanta sa amin si Ginoong Julian, ngunit hindi kabilang ang kantang yaon. Isa pa kung maituro man ito malamang hindi ko ito matututunan. Walang hilig ang musika sa akin." Malumanay nyang tugon.
"Alam ko yung kanta."
Napatingin kami kay Makie.
"Talaga? Paano mo nalaman?"
"Sabihin na nating nagkaroon ako nang pribilehiyong marinig ito nang minsan noon, ngayon ko lang naalala." Makahulugan nyang sabi. Marahil may koneksyon sa pagiging diwata nya na nililihim namin kanila Noli ang dahilan kaya di nya sinabi. Naintindihan namin sya.
"Kaya mo ba itong kantahin?"
"Hindi ko gaanong kabisado ang mga letra at tono ngunit pwede kong subukan...
Tumayo sya nang maayos pinikit ang mga mata, nagtagal sya nang ilang segundong ganun. Nung nagsimula na kaming mainip saka sya kumanta.
"Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi ang kahusayan
Mabuhay, Mabuhay yaong Kalayaan, Kalayaan
At pasulungin
ang puri't kabanalan
Kastila'y mailing
ng Katagalugan
At ngayo'y ipagwagi
ang kahusayan."
Nasubukan nyo na bang tumuntong sa tuktok nang isang bundok at masilayan ang malawak kapaligiran? Tila ba ika'y nasa langit at nagmamansid sa mundong nagmistulang maliit na hardin, ang ulap ay abot kamay, at ang haring araw ay nagpapamalas ng ginintuan nitong kayamanan. Ang buong tanawin na nakapigilhininga, nakakahinto ng pintig ng puso, at sa ilang segundo malilimutan mo ang iyong sarili dahil naligaw ka sa kagandahan ng mundong ibabaw.
Tila ganoon ang pakiramdam nung kumanta si Makie.
Naalala ko bigla ang eksena kamakailan na nakita ko syang kumakanta sa silid aralan. Ang pamilyar na himig na dumuyan sa aking kamalayan. Tila nabitawan ko ang lahat ng aking dalahin sa buhay. Napakaganda. Daig pa ang lahat ng sikat na mang-aawit.
Kahit may ritmong pang martya ang kanta, ang boses nya ay puno ng umaalon na emosyon, ligaya, kalungkutan at pagmamahal na para bang lulunurin ang aming kaluluwa.
Nung natapos ang kanta ay ilang segundo muna bago kami nagising. Parang nadurog ang puso ko na nawalay sa kanyang tinig. Napansin ko pa na palihim nagpupunas ng luha si Tifa sa gilid habang bumubulong ng "pwede na rin". Pride pa more.
Nagsimula sa aming likuran ang masigabong palakpakan. Dumami ang mga turista at residente sa lugar na nagsulputang parang kabute nang marinig ang pagkanta ng diwata. Karamihan sa kanila nagsusumigaw ng "MORE!" "BRAVO!" "ENCORE!" "BALUT PENOY!" at may sumisipol pa. Kulang nalang may mabuong fansclub sa mga sandaling yun. Ginantihan naman ni Makie ang masigabong palakpakan nang sulyap na parang papatay kaya nagalisan ang mga tao at humanap ng mga bagay na mas interesante tulad ng mga dahon, lumot bato at mga anay na nagpufootball.
"Binibini! Biniyayaan ka pala ng napakagandang tinig! Katumbas ng unang hamog sa taluyot ng bulaklak sa bukang liwayway!" Naluha sa galak na sabi ni Jazz.
"Di ko naintindihan yung sinabi nya pero sangayon ako run ate Makie! Para kang propesyonal na mangaawit! Bakiy di ka sumali sa singing contest?" Buyo ni Mira.
"Tigilan ninyo ako. Wala akong pahanon sa ganyang kalokohan! Hindi ako natutuwa sa papuri ninyo." Tinalikuran nya kami.
"Pero namumula tenga nya oh, kunwari kapang hindi raw, pero naaaliw ka naman. Palakpakan tayo mga kapatid."
"Sigurado kang naaliw ako? Pag naaliw ako nananaksak ako eh." Pinandilatan nya ako
"Abort mission guys. False alarm lang." Note to self: wag maaliw kay Makie.
"Tignan nyo yun oh! Tama ba ang nakikita ko, saan nanggaling yan?!"
Napasinghal kami sa naituro ni Ever. Kinusot ko ang aking mata at tumingin uli. Hindi nga nagkakamali aking mata, isang bundok ang nasa gitna nang dalawang bundok, mas mataas pang di hamak sa mga katabi. Bigla na lamang itong lumitaw nang hindi napapansin. Mapapaisip ka kung nung una pa lang ba ay nandun na yun at di lang namin nakita, o ang awit ang naging sanhi ng pagtawag dito kung saan man ito namamalagi kapag ito nakatago sa mata ng karaniwang nilalang.
"Kamanghang mahang laki, bakit ngayon lang natin napuna ito? At napansin nyo rin ba, di yata tayo lamang ang nakakakita rito. Ang ibang tao'y hindi man lang dinadantayan ng sulyap ni direksyon ng bundok." Pagpuna ng dating Cabeza.
"Mahika o kapangyarihan ng bundok, mukhang yan ang misteryong di natin masasagot agad.. Ang mahalaga tama ang hakbang na binigay sa atin ni Boni. Ibig sabihin niyan nasa tama tayong landas." Ani ni Tifa.
"Eh pero paano tayo nakakasiguradong eto nga yung bundok na hinahanap natin at hindi patibong?"
"Ayan may signboard sa gilid, basahin mo."
Sa daanan tungo sa bundok meron ngang pananda kung saan nakasulat ang katagang "BUNDOK HIRANG". Sa baba may nakaukit na salitang "Boni wuz here." Kaya oo nga, walang duda iyon nga yun bundok na hinahanap namin. Walang bahid nang hinala. Whooo. Hipster si Boni.
"Eh ano pang hinihintay natin, tara kikitain pa natin ang pinuno ng Katipunan nang makaalis na kaagad tayo rito." Sabi ko.
"Ayt! Marami pa man din akong gustong tanungin sa kanya. Hehehehe." Nagniningning na sabi ni Tifa. Mukhang magkakaroon ng bagong episode ng The Buzz with Tifa: Heroes edition.
Nagsimula nakong tahakin ang landas pabundok nang hawakan ako sa balikat ni Noli at lagpasan.
"Ako na ang mauuna. Sundan nyo ako sa likod."
Hindi naman mapwersa ang ginawa niya, at alam kong gusto nya lang siguraduhing ligtas ang daan bago namin tahakin pero di ko maiwasang tumaas ang kilay. Pero nawala yun nung napansin sya nang malapitan
"Pre ok ka lang?... Mukhang pagod ka, kung kailangan mo nang pahinga sabihin mo lang." Tanong ko.
Hapung hapo ang kanyang itsura, lubog ang mga mata tanda nang hindi nya pagtulog nung nagdaang gabi. Higit sa aming lahat sya ang nangangailangan ng mahimbing na tulog, pero ang salitang 'tulog' ay tila isang salita na ayaw nya munang marinig, lalo pa maranasan.
"Kaya ko ito kaibigan. Hindi pa oras nang pahinga. Dahil kung nabigo tayo sa inyong misyon, hindi na tayo magkakaroon muli nang panahon para sa pahinga. Kailangan matapos ito sa lalong madaling panahon."
Wala akong panlabang katwiran dun. At tulad nang pagkakakilala nyo sa aking binatilyong ubod nang kababang-loob, hinayaan ko na syang mauna. Oo, ganun ako kahumbog-.. err humble, rakenrol.
Ang daan paakyat ay walang pinagkaiba sa pagakyat sa mga ordinaryong bundok. Mabato, madulas, mahalaman, may mga bangin na kapag nahulog ka matutunaw yung katawan mo sa kumunoy na gawa sa lason, may mga baging na gusto kang sakalin, may punong may sariling buhay at sinasabihan ka ng matatamis na salita tulad ng 'pandak', 'pango', 'lampayot', 'noob' atbp. Mga bato sa ilog na kapag aapakan mo na para tumawid eh umiiwas. May 7-11 na nagbebenta ng Aratilis Slurpee. Syang tunay. Parang ordinaryong bundok lang.
May mga kahalihalina ring mga hayop kaming nadaanan tulad ng kalabaw na lumilipad, dahil di sapat na maiputan lang ng ibon, dapat kalabaw para mas hardcore. Rattlesnake na walang katawan, ulo at buntot kaagad, kaya pag lumalagitik parang kiti-kiti sa lupa. Kapag nasobrahan ng alog nahihilo tapos namamatay, 'majestically useless' ika nga ni Tifa. Marami pang iba pero diko naiisa-isahin, wala naman tayong pakialam sa kanila eh. Meh.
Ilan oras nang aming pagakyat unti-unting nabalot nang makapal na fog ang paligid. Umabot na sa puntong hindi namin masigurado kung nasa bundok parin kami o naligaw sa Silent Hill. Hindi na makita ang daanan at naging mapanganip ang simpleng paghakbang. Para na kaming napalibutan ng puting usok.
"Naliligaw na ata tayo." Madalubhasang panunuri ni Jazz. Henyo.
"Oo nga. Kanina pako walang makita kundi itim lang eh." Tugon ni Mirasol. Push mo yang joke mo Mira. Suportahan taka.
"Tama si Jazz." Pagsangayon ni Noli. "Habang naglalakad tayo kanina nagbabali ako ng ilang sanga bilang palatandaan pero kanikanina lang nadaanan ko uli ang isang sanga na binali ko na parang umikot lang tayo. May kutob akong ang hamog na ito sadya ng mga dwende o engkanto ng bundok para iligaw tayo."
"Bakit di mo sinabi agad?" Tanong ko.
"...Na?"
"Na umiikot lang tayo. Naliligaw na pala tayo kanina pa hindi mo man lang pinaalam? Edi sana kanina pa tayo na gumawa ng paraan para mahanap ang tamang daan!"
"Hindi ko lang nais na mangamba kayo. At marahil nagkataon lang yung nabaling sanga. Hindi naman mahirap muling hanapin ang tamang landas para sa akin."
"Kaya pala tayo naliligaw ngayon. Salamat hah. Laking tulong."
"Sa iyong tono'y matabil. Ikaw ba ay nanunuya?"
"Eh ano naman kung oo?"
Tumayo ako at hinarap sya. Ewan ko kung bakit pero parang umiinit ang ulo ko, na alam kong di tama. Nagkakataasan na kami ng boses na kinaalarma ng grupo. Hindi makatugon sa namumuong pagbabanggaan namin. Pwera ni Ever na sinabing "ohhh hawakan mo nga sa tenga." Binatukan sya ni Mira, pero si Jazz ang tinamaan sa ano... basta dun sa masakit tamaan. RIP Jazz.
"Hep magsitigil nga kayong dalawa, ano kayo mga bata?" Pigil ni Tifa. Actually oo, bata pa kami, di nalang ako nangatwiran. "Hindi ito ang panahon para magtalo! Pag nagaway ba kayo makakatulong yun satin? Hindi na tayo maliligaw pag nagsapakan kayo?"
"Malay mo naman." Gatong ni Makie. Di sya pinansin ni Tifa.
"Kung hindi kayo titigil itatali ko kayo parehas! Tapos pagyayakapin ko kayo... tapos pagdidikitin ko mukha nyo at packing tape ko. Tapos... tapos... kwan.. hehe.."
May kakaibang ningning sa mata ni Tifa na parang naglalakbay ang imahinasyon. Lumalalim rin ang kanyang paghinga habang tinitignan kaming dalawa. Nanlamig ang aking katawan at nakaramdam ng takot para saking sarili. Ganun din marahil si Noli kaya dagli kaming nagbati.
"P-pasensya na pre, mainit lang ulo ko kaya nakapagtaas ako ng boses."
"H-hindi, ako yung nagkamali. Tama ka, dapat sinabi ko nang mas maaga na naliligaw tayo para hindi na umabot sa ganito."
Nagkamayan kami na parang pinanghinayangan ni Tifa na noo'y binabalik sa bag ang kakakuha lang nyang packing tape. Muntik na. Apat naman bumubulong ng 'ang korny naman', 'baduy', 'sayang yung taya ko' etc habang nagsosolian ng mga tinapay na pananghalian dapat namin. Pinagpustahan nila kami, mga ganid!
"Sa ngayon anong gagawin natin? Masyadong makapal ang hamog baka konting lakad lang hindi natin mapansin pumatihulog na tayo sa bangid. Hintayin ba nating mawala ito?"
"Kung gawa ito ng mga dwende o engkanto, kahit magtagal tayo ng ilang taon dito hindi mawawala ang hamog." Sagot ni Makie.
"Hindi rin gumagana compass ng mga PuSi natin. Hay.. anong gagawin natin ngayon?" Ani ni Tifa.
"May naisip akong paraan mga kaibigan. Maghubad tayo at magbaliktad ng damit." Painosenteng sabi ni Jazz.
Biglang nagtatinginan ang mga mata naming mga lalake, nagkaroon ng kidlat sa pagitan at nakapangusap nang walang salita. Panakang nagtanguan at pailalim na nagthumbsup. Naging isa ang aming pusong umaalab at nabuo ang isang kapatiran na sing lalim ng sansinukob. Biyayaan ka Jazz. Biyayaan ka. Isa kang bayani. Isang alamat. Aymprawdobyudin.
Umubo ang Cabeza at naglabas ng imahe propesyunal. "*ehem* Sangayon ako sa tinuran ni Jazz. Noon pa may matagal nang tradisyon na kapag naliligaw ay nagbabaliktad ng damit, epektibo ito. Ang sabi kasi naaaliw ang mga elementong nanliligaw sa gawaing yun kaya pinakakawalan na nila ang kanilang niligaw."
Duda ako run. Lakas mantrip ng mga lamanglupa na yun kung ganun. Ililigaw para mabaliktad ng damit? Baka manyak lang sila. Pero di ako nagrereklamo. Pabor ako. Pabor.
"Tama kayo guys. Iyan ang lohikal na solusyon sa ating problema. Nabasa ko yan libro dati. Ano pang hinihintay natin, gawin nating lahat para makaalis na tayo rito. Lesdudis." Sabi ko.
Tinignan lang kami ng mga babae ng mapanuring mata.
"Kami ba pinaglololoko ninyo? Tigilan nyo nga kami ng kamanyakan nyo." Iritang sabi ni Tifa.
"Huwat?" Hiniwakan ko ang dibdib ko na parang nasindak. "Kami mamanyakin kayo? Phssz No! Nevah! Ginagawa namin ito hindi dahil gusto namin kundi dahil kailangan! Hindi ba kayo nahihiya? Pinagdududahan ninyo ang kadalisayan ng aming hangarin! Ansakit-ansakit nun. Ansakit! Ohhh."
Hinawakan ni Jazz ang balikat ko. "Tumahan ka na kaibigang Milo. Di natin sila masisisi, hamak lamang tayong tagalupa na nagkakasala kaya't ganyan na lamang ang kanilang pagtingin sa atin. Patawarin mo sila kaibigan."
Wala paring epekto. Si Makie parang naririndi lang. "Tigil-tigilan nyo ako sa kadramahan ganitong wala ako sa wisyo at baka umikli ang pasensya ko sa inyo."
Kelan ba humaba?
"Di ako naniniwala dyan. Kasabihan lang yan ng matatanda. Saka pwede naman nating hintayin humupa ang hamog kahit isang oras lang, isesetup ko rin ang GPS ng PuSi sa laptop ko. Kahit di humupa ang hamog sa isang oras, sigurado akong makakagawa ako detalyadong mapa ng bundok na ito." Sabi ni tifa.
"H-hindi ba masyado mahaba ang isang oras? Nagmamadali tayo."
"Edi tatlumpung minuto, masaya na kayo? Wala nang aangal, ang aangal si Makie ang kausapin." Turo nya sa diwata na sinasaksak ang isang puno nang walang malinaw na dahilan. Pass, salamat nalang.
Sa mga ganitong panahon sinusumpa ko kung bakit napakatalino ng utak ni Tifa. Panira ng plano. Napatingin ako sa mga kapatid ko sa kapatiran pero lunod sa pagdurusa ang kanilang mata. Wala nang maisagot pangontra kay Tifa. Hanggang dun nalang ba ang kaya namin? Yun na ba ang katapusan ng aming marangal na adhikain?
Biglang humagulgol si Ever na ikinagulat namin.
"Huhuhu. Ayoko na po rito! Umalis na tayo ngayon rito please! Hindi ko na po kaya magtagal pa rito natatakot ako huhu" Makadurog pusong iyak ni Ever tapos palihim na kumindat samin.
Isa syang sugo. Isang pantas. Sa aming mata para syang lumulutang at lumiliwanag na parang araw. Lubos ko na syang ginagalang. Ipagtatayo kita ng rebulto Ever. Kikilalanin ka naming dakilang kuya ng aming kapatiran.
Nagkatinginan ang mga babae. Nabalot ng agam-agam ang isipan. Nung bumanat pa si Ever ng "Pleaseee" with puppy eyes saka nabasag ang kanilang pagmamatigas. YAHOO! Ay sorry. Nadala lang
"...Sabagay, wala naman sigurong masama kung susubukan natin. Kahit ako medyo kinikilabutan narin dito. Ikaw?" Tanong nya kay Makie.
"Kahit ano. Kung mapapabilis bakit hindi. Naaawa narin ako sa dalawang bata."
"May awa ka pala?"
"Gusto mong subukan kung may awa rin ako sayo?"
"Ahahaha, sa susunod nalang." Humarap sya samin. "Pumapayag na kami."
"TALAGA?! Este talaga? Mabuti naman para makaalis na tayo rito."
Nagsimula na kami maghubad ng pangitaas namin habang nagpapalitan ng ngiting tagumpay. Palihim na inoobserbahan ang mga babae.
"Hoy! Tanggalin nyo yang ngiting manyakol ninyo! Sinong nagsabing dito kayo magbaliktad ng damit? Humiwalay kayo sa amin! Dun kayo sa malayo."
"Huhh? Hindi patas-- este hindi pwede yun, dapat magkakasama tayong magkakaibigan. Hindi tayo pwedeng maghiwalay, pamilya tayo rito."
"Oo nga, saka paano kung maligaw kami?" Sabi ni Jazz.
"Eh anong pake namin? Edi maligaw kayo, buti nga."
"Maghunos dili kayo mga binibini. Kung hihiwalay kayo sa amin, magaalala ako. Sinong magtatanggol sa inyo sakaling may lumabas na kalaban." Nagaalalang paliwanag ni Noli
"At kung magkakasama tayo, sinong magtatanggol sa inyo mula sa akin?" Matalim kaming tinignan ng diwata. Walang nakapalag.
Gumawa sya ng guhit sa lupa. "Ang lumagpas sa linyang ito puputulan ko ng mga bagay na hindi nyo gugustuhing maputol." Tumulo bigla pawis ko, lahat kami natameme.
"Tara na. Kung hindi aalis yang mga yan, tayo nalang. Mas mapanganib pa rito kaysa sa mga aswang eh."
Natinginan kami, nagtuturuan kung sinong magsasalba sa aming kapatiran at layunin. Wala nag boluntaryong kumalaban sa sitwasyon. Hanggang sa.
"Mga ate!" Humabol si Ever. Mukhang di parin sya sumusuko di tulad namin. Humayo ka Ever, ikaw ang aming huling pag-asa. "Sama po ako sa inyo, hindi po kasi ako natatakot kapag kasama ko kayo. Ayoko rin po kasing mawala sa aking paningin ang aking kapatid." Sabi nya.
"Ikaw nga wala ka sa paningin ko, nagreklamo ba ako?" Sagot ni Mira, tinakpan ni Ever ang bibig nya.
"Shhhh, wag ka magalala kapatid, alam kong natatakot ka rin kaya ka nagkakapagsalita ng ganyan. Andito si kuya para protektahan ka. At kung may kalaban na dumating, ako narin ang magtatanggol kanila ate Makie at Tifa." Buong ningning nyang sabi sabay hampas sa dibdib nya. Sino yun? Si Ever na bugnutin ba yun?
Nagningning ang mata ni Tifa ant hinimas ang ulo ni Ever.
"Ang cute cute mo namang kuya. Sige isasama ka namin para hindi mahiwalay ni Mira. Ikaw bahala magbantay samin huh." Tumingin siya kay Makie na nagkibit balikat lang.
"Opo!" Magiliw na tugon ni Ever habang nagkakamot ng ulo na parang nahihiya. Pakyut epek.
Sabay lumingon sya samin at nginitian kami nang nangmamaliit. Kinakaawaan kami habang nangiinggit. Kasabay syang naglakad palayo na tila tinatawanan pa kami sa sa mata. Traydor na bata. Naisip kong ipagulpi sya kay Talas pagdating sa Kanlungan.
Nung nakalayo sila wala kaming nagawa kundi malungkot na humanap ng lugar na pagpapalitan ng damit. Walang may ganang magbaliktad ng damit lalo nat mga lalaki lang kami. Dahil sa pagkabigo naupo nalang ako sa isang bato na hugis upuan. Nakakamangha nga dahil tila may sandalan at patungan ng kamay sa dalawang gilid. Saglit lang ay parang gusto nakakatulog nako sa pagka komportable.
Yung dalawa pinagdedebatehan kung palihim na puntahan yung mga babae para raw 'masigurado ang kaligtasan nila'. Talaga lang uh. Yun ay kung makakaligtas sila Makie. Kapag nagkataon malalaman ni Noli na magkatunog ang sa salitang Takot at Makie. Hindi kayo sangayon? Sige ipakilala ko kayo sa diwatang yun sa susunod pag nagkita tayo.
Ako, wala nako pakialam. Nagpapahinga lang ako sa bato. Ang kinis kasi, kala mo sinadya. Parang unukit ng tao at di gawa ng kalikasan. Pati yung mga baybayin nakaukit sa bandang patungan ng kamay, ang ayos nang pagkakagawa...
Napadilat ako bigla. May mga salita nakaukit sa bato! Sa buong pang akyat namin iyon lang ang nagiisang senyales na may tumapak nang tao sa bundok bukod sa amin. Pwera nalang sa nadaanan naming 7-11. Pero syempre joke lang yun, tanga lang maniniwalang may 7-11 sa mahiwagang bundok.... Teka, wag mong sabihing naniwala ka? Alam mo na hahaha.
May nangyaring di ko inaasahan.
Bago ako ko makita nang maigi ang nakasulat, bago ko matawag ang pansin ng aking kaibigan. Dala siguro ng pagkainis sa aming pagkabigong masilipa-- err mabantayan ang mga babae napasipa sa isang bato si Jazz. Hindi ko alam kung yun yung switch pero bahagyang nananginig yung inuupuan ko at biglang nahati sa gitna.
At nahulog ako isang butas.
Wala akong nagawa kundi sumigaw habang nalalaglag. Mula sa posisyon ko para akong dahan-dahang nahuhulog, ang nakikita ko lang ay ang liwanag mula sa butas na unti-unting lumiliit. Tapos sa paligid ko may nabulabog na mga paniki na lumipad palabas sa butas na ang ilan ay tumatama pa ang pakpak sa akin. Sa mga nga sandaling yun takot na takot ako dahil tila napakataas nang babagsakan ko, pag nabagok ako tiyak ang kamatayan ko. Pero sa likod ng aking isipan naglalaro ang ideya na pag nakaligtas ako, magsasanay ako ng maigi at balang araw masasabi ko sa mundo na:
"Im Batman!"
Wala eh. Napanood ko na yung eksena na yun sa batman dati. Ganung ganun. At least ako naranasan ko nang personal. Muntanga tuloy ano kinikilig habang nahuhulog.
BLLAAGGGGGGGG!
Kawawang batman. Lumagutok ang mga buto ko pagbagsak ko.
"Milo! Anong nangyari! Nahulog kaba?! Nasaktan kaba?!" Tanong ni Jazz mula sa itaas.
"A-ayos lang ako! Hindi naman ako gaanong nasaktan!" Sabi ko habang tumatayo. Nakakagulat pero tama yung sinabi ko. Inindi ko yung pagbagsak pero hindi ako nagtamo ng pinsala sa katawan. Ni hindi ako nagtamo ng bali ko sugat. Kahit ako hindi ako makapaniwala.
"Wag kang aalis dyan! Dyan ka lang, hahanap kami ng paraan para iangat ka rito! Saglit lang!" Sabi ni Noli tapos umalis na sila ni Jazz bago ko sabihing wag nila akong iwanan. Great friends are hard to find. Kaya ngayon di ko na sila makita.
Wag akong aalis? Malamang. Saan pa ba ako pupunta, Sa SM? May foodcourt sa sa kwebang pinagbagsakan ko? Oo kweba. Kasi mukhang malawak yung lugar na pinaghulugan ko. At madilim. Sobrang dilim. Tanging liwanag lang ng butas mula sa taas ang nagsisilbi kong tanglaw.
Pero nung nasasanay na yung mata ko sa kadiliman may naaninag ako sa di kalayuan. Parang may parihabang bagay na nakatayo. Habang wala pa ang kaibigan ko nagdesisyon akong lapitan ako ito para siyasatin.
Isa itong malaking tabletang nililok sa bato. Nasabi kong nililok dahil halatang gawang kamay ito. Isang dipa ang haba at mas mataas sakin nang bahagya. May nakaukit ditong mga salita na hindi ko maaninag sa dilim. Hinawakan ko ito.
Kasabay ng paglapat ng aking kamay bahagyang yumanig ang lupa at mula sa kisame biglang sumilab ang isang sulo. At isa pa sa tabi nito. At isa pa. At isa pa. Paikot sa buong kweba na pa-orasan na mosyon. Bawat sulo ay nagbibigay ng liwanag sa paligid hanggang sa tuluyan nang masindihan ang lahat ng sulo at ganap ko nang naaninag ang buong kweba. Tumigil narin ang pagyanig. Labis akong namangha. Pero sana gumamit nalang sila ng L.E.D. na bumbilya para mas maliwanag at safe, tipid na, mahaba pa ang buhay.
"Milo! Nahulog ka raw! Ok ka lang ba?... WOAH!" Sambit ni Tifa.
Yep, woah. Dahil yung kweba ay napapalibutan ng nagkikislapang bato na halatang mamahalin. Pero napatigil ko ang mata ko sa tableta. Napangiti ako.
"Bumaba na kayo rito." Sabi ko. "Nandito na tayo."
Sa ibabaw ng tableta na may mga nakaukit salita sa katawan ay may nakaukit din malaking kataga na mistulang titulo. At ang mga katagang ito ay:
'LUPA NG HINIRANG'
~~~~~~~~~~
A/N:
Wala muna neto. Mawalang galang na at lumayas kayo tungo sa kabilang kabanata. Alis na! Tsupi!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top