KABANATA LXVI - Chocolate Highway
Nakaligo kana ba sa dagat ng basura?
Eh nakapasok sa pwet ng bakunawa?
Mainit na pagtanggap sa pintuang nalalanghap. Pasok na!
10/10 would recommend.
Para naman hindi lang ako ang nagdurusa.
Hindi ko na sana ilalarawan kung paano ko literal na ginapang ang makipot na lagusan pero langya, idadamay ko na kayo.
Ang unang yugto ng aking paglalakbay ay mabilisan lang, dala ng momento ng pagtapon ni Jazz at paghampas ng buntot ng bakunawa ay dumudulas lang ako sa... Ano.. kweba. Hanggang bumara ako sa gitna. Kung santaclausephobic ka(yung takot sa masisikip na lugar), eto ang bangungot ng bangungot mo. Pinipisil ako sa buo kong katawan, parang kang naipit sa bilbil ng nanggigitatang dabuhalang matrona. At ang amoy, di ko na itutuloy at naiiyak lang ako.
Pinilit kong gumapang pasulong kahit parang iniiri ako palabas. Hindi madali dahil madulas ang landas. Ngunit dala narin ng lakas ng loob, takot na baka masagasaan ako ng tumaragasang tae palabas nagawa kong makalabas ng yungib. Una ang mga kamay sumuksok at nadukot nag pader sa gilid at hinatak ko ang katawan ko palabas.
Bumagsak ako sa sahig, nagfetal position, at umiyak nang bahagya.
*insert heartbreak song of choice*
Nang mahimasmasan ako inobserbahan ko ang paligid at ang masasabi ko lang dito ay... Kakaiba. Hindi sa nakakita na ako ng kaloob-looban ng tumbong para maikumpara, pero hindi iyon ang inaasahan ko. Isa itong... Malaking lagusan. May taas na sampung tao at pitong dipa palapad. Kung nakakita na kayo ng loob ng inihaw na bituka ng baboy, parang ganoon, pahabain mo lang. Tapos gawin mong kulay maputik na berde. Ang nakakamangha rito ay umiilaw ang paligid nang malamlam at umaandap na berde, para kang nasa mahiwagang kweba. Sumasabay sa pag-andap ang pagkislot ng sahig at pader, marahil sa paghinga ng halimaw.
Nung maalala kung ano ang pinunta ko roon at ang pinagdaanan kong pagsubok, walang pagtutumpik na pinagsasaksak ko ang sahig. Paulit-ulit. Napansin ko nalang na tumatawa akong tila nababaliw sa galit at galak. Isa akong siraulong tagawasak ng tumbong. Isa akong pweterrorist.
Ngunit... Walang nangyari.
Kahit anong saksak, hiwa, tabas ang aking gawin ay hindi nagdudulot ng pinsala. Lumulubog lang ang bagwis na parang kutsilyo sa mantikilya at niluluwa lang ito. Sa kung anu mang dahilan, hindi umipekto ang patalim nito.
Kung gayon, para saan pang ang ginawa kong pagpasok sa pwet nito? Nawalan lang ng saysay ang aking pasakit? Wala na bang pag-asang matalo ang bakunawa? Makukulong ba ako room habang ang mga kasamahan ko sa labas ang patuloy na lumalaban? Isa nalang ba akong... Tumbong preso?
Hindi. Habang ay buhay may pag-asa. At kahit pumasok pako sa butas ng karayom, o sa pagkakataong ito, ng bakunawa, hindi ako susuko.
Nanginginig sa pagod akong tumindig. Balot na ng sugat ang aking katawan, ang pinamalala ay ang hiwa sa aking likuran, na tila umaapoy sa kirot. Sana'y di ito maimpeksyon ng kung anumang dumi sa loob ng bakunawa. Ang totoo nyan nais ko na lang magpahinga, ngunit lahat ng kaibigan ko ay umaasa sakin.
Sinipat ko ang lagusan at nagpasyang tahakin ito hanggang dulo.
Para ka lang naglalakbay sa kweba, yan ang sinasabi ko sa sarili ko. Kung ang kweba ay malambot tulad noon. Mahirap maglakad dahil lumulubog ang aking paa sa sahig para kang naglalakad sa kama. Ang masama pa nito wala kang makakapitan. Meron naman pero peste wala anong balak hawakan ang anumang bagay sa lugar na iyon. Sinubukan kong magmadali ngunit isang beses muntik nakong madapa sa sumalampak sa lusak(puddle) ng mahiwagang likido. May mga estalagmita at estalaktita na namumutawi sa paligid. Kung saan ito gawa, ayoko nang alamin. May mangilan-ngilang mala asidong tumutulo sa paligid, ang natutuluan ay umuusok na tila nabanlian. May nararaanan din akong mga burol na siguro'y higanteng tigyawat na hindi ko na inusisa. Mas mabilis akong magawa ang aking misyon, mas maganda. Mahirap na baka biglang gumalaw ang bakunawa at kumarambola ako sa loob nito.
Ngunit ang mga segundo'y naging higit sampung minuto nang napansin kong ang isang kakaibang bagay.
Hindi gumagalaw ang bakunawa. Oo, may panaka-nakang pagkilos pero parang tumitibok lang ang kalamnan niyo, hindi gaya ng aasahan mo kung nasa loob ka ng buhay na nilalang. Kung ang tao nga hindi mapakali kung may bulate sa pwet, paano pa kung yung tao na mismo ang nasa pwet ng bulate?
Dalawa lang ang naisip kong dahilan. Una, sadya siyang hindi kumilos nung pumasok ako(sa hiya siguro, kahit sino naman), o pangalawa, kung ano man ang nagaganap sa labas, hindi ito nakakaapekto sa loob ng kanyang katawan. Na tila ba nasa iba akong dimensyon.
Ang teoryang ito'y sinuportahan ng bagay na tumambad sa akin matapos ang ilang minutong paglalakad.
"...Watdahek?... Bakit may pinto rito?"
Isang kahoy na pinto may bakal na balangkas(frame) ang tila naliligaw sa lugar ang nasa aking harapan. Ang paligid nito ay tila sumanib sa palitada ng bituka ng bakunawa. May agam-agam akong nilapitan ito, at maingat na hinawakan. Malamig na pakiramdam lang ang sumalubong saking palad. Inilapat ang aking tainga, pinapakinggan ang tunog ng kabilang kwarto na hindi dumarating.
Lumayo ako ang tinimbang ang aking mga opsyon. Isa ba itong patibong? Malamang. Ngunit iyon na ang dulo ng daang tinatahak ko, wala nang ibang daraanan kundi ang pinto lang na iyon. Sa kabilang banda maaring may daan pang hindi ko napansin dahil hindi ko naman siniyasat mabuti ang paligid, ngunit may panahon pa ba ako upang maglakwatsa? Wala.
Tumango ako na tila nakumbinsi ang sarili, huminga nang malalim at naduwal. Ang baho eh.
Kakatukin ko sana ang pinto ngunit nagdalawang isip ako. Kung papasok ako sa kaduda-dudang pinto, papasok ako nang may istayl.
Sa isang tadyak, pabalagbag na bumukas ang pinto. Lumusob ako't binalandra ang balisword.
"Walang kikilos nang masama!" Pagbabanta ko habang kinikilig. Matagal ko nang gustong sabihin yun hehehe.
Ngunit walang taong bumati sakin, how rude.
"W-wiw.. Nasaan nako?!" Pagtataka ko.
Kinuskos ko ang mata ko at kumurap. Lumingon ako sa likuran upang kumpirmahin na nasa bituka parin ako ng bakunawa, at humarap muli sa pintuan. Hindi ko alam kung anong inaasahan ko sa likod ng pintuan, pero hindi iyon, yon.
Hindi ako namamalikmata.
Nasa loob ako ng isang mall.
Isang luma at sira-sirang mall.
Nasa isang pasilyo ako kung saan ang magkabilang panig ay may hanay ng tindahan na ginulanit na ng panahon. Ang sahig ay mga baldosa(tiles) na minsa'y naging puti ngunit ngayo'y basag-basag at kinulayan ng krayola ng pagdadalamhani, singdilim ng pag-asa mo sa iyong crush. Nagkalat din sa paligid ang mga sirang kubol, basura, at iba-ibang bulok na produkto.
Anak ng jemkem, nasa Silent Hill ba ako?
P.S. wag mo igoogle yung jenkem.
Kahit saan mo tignan, isa itong abandonadong mall. Ang pinagkaiba lang ay ng mga tila tumitibok na ugat na dumadalot sa kisame na naglalabas ng berdeng liwanag tulad sa aking dinaanan. Kung kaya't kahit madilim, naalinag ko parin ang malagim na lugar.
Di ako magsisinungaling, dinapuan ako ng takot. Iba yung lalaban ka sa mga halimaw na gusto kang gaming samyupsal, pero iba rin ang takot na dulot ng madilim at abandonadong gusali. Nakatatak sa utak ng tao mula pa sa sinaunang panahon ang takot sa kadiliman at mga bagay na nagtatago roon. Sa normal na pagkakataon, tatalikod nalang ako at magkakandirit palabas, ngunit sa pagkakataong iyon, ako ay isang tangang batman na mali ang pinasok na buttcave, at ayoko nang bumalik pa pa roon.
Dahan-dahan akong pumasok, iniimbestigahan ang paligid nang biglang sumarado ang pinto, epektibong kinulong ako sa loob. Mama, hug me please, aymskerd. Bawat yabag ay umaalingawngaw, tila inaanunsyo ang aking pagdating. Ang hangin ay tila lipas at binudburan ng alikabok. Mula sa kisame ay may nagbabagsakang durog na semento. Nagkalat ang basag na salamin ng mga tindahan at ang loob nito tila may ginanapan ng rave party ng mga elepanteng may LBM, wasak at hindi na ligtas pasukan. Ang buong paligid at lumalangingit, tila nayuyupi kapag humihinga ang higanteng ahas.
Patuloy akong naglakad, iniwawasiwas ang espada sa bawat kantong nadaraanan. Bawat parteng madilim ay inaasahan kung may lulusob sakin ngunit wala naman. Sumasabay ang dagundong ng aking puso sa ritmo ng takot na sumasaliw sa musika ng katahimikang bumubulong saking tainga. Hinihiling na sana'y may kasama ako nung panahong yun, kahit si Bon Jovi papatulan ko na(hindi sa paraang iniisip mo).
Sa dulo ng pasilyo ay matatanaw ang halo-halong kulay na liwanag. Binilisan ko ang aking lakad tungo rito.
"...Ano to?" Tanong ko sa kawalan.
Nasa plaza ako ng mall. Iyong malawak na bakanteng gitna kung saan may tiyanggian minsan.
Ngunit hindi ito bakante nung panahong iyon.
Ang kisame ay gawa pader ng bituka ng halimaw, mula roon ay may nakabitin na pitong malalaking baging na gawa sa pumipintig na malalaking ugat. Sa dulo nito ay may mga bolang singlaki ng basketball na gawa sa tila malalambot na salamin, sa loob ng mga ito ay may lumulutang na tipak na bato na naglalabas ng mahinang liwanag. Bawat bato iba-ibang kulay tulad ng bahaghari. Anim sa mga ito ay nakapaikot sa pangpito na syamg pinakamalaki. Ang mga ugat nito'y singkapal ng tao at ang bola ay singlaki ng zorb ball(yung hamster ball na pangtao). Kung titignan ang kabuuan, ito tila morbidong aranya(chandelier) ng mga alien.
Isa itong nakakasuklam na tanawin na mistulang nagnigay ng apdo saking lalamunan.
Ngunit sa kabila ng lahat nakakaramdam ako ng kakaibang init. Nagkakaroon ng reaksyon.... Ang bertud.
"Anong masasabi mo rito, hindi ba't ang ganda nya?"
Napabalikwas ako, nagkadarapang hinanap ang pinanggalingan ng boses.
"Sino yan? Magpakita ka, kundi tatamaan ka sakin!"
Paano mo tatamaan Milo kung dimo makita, Dumbobo no.
Mula sa madilim na kanto ay may lumitaw na nilalang. Sa kanyang paglapit dahan-dahang naaaninag ang kanyang kabuuan.
"Sino ako? Nakakasakit ka ng damdamin, kilala mo na ako Pinili. Buong akala ko pa naman narito ka para dalawin ako."
Isa itong nilalang na kawangis ng tao, na may halong ahas at insekto. Nakakatayo ito sa dalawang paa, ang buong katawa'y balot malalaking kaliskis at may mga talukap(carapace) na berde sa mga bisig, binti atbp pa. Ang mukha nito'y halong tao't ahas na nakakabahala. May mali rito na hindi ko mailarawan, masyadong malapit sa mukha ng tao na nakakaririn. Uncanny valley kung tawagin sa english.
"I-ikaw... Ikaw ba si..."
Ngumiti ito.
"Oo, ako ito Pinili, tumpak ang iyong hula, kilala mo ako bilang-"
"Cell!"
"-Cell... Siraulo! Ako ito, ang bakunawa." Pag-angal nito
"......huh? Bakunawa? Paanong ikaw ang bakunawa kung nasa loob ako mismo bakunawa?"
Nagkibit balikan sya sa tanong ko.
"Katawan ko ito, kaya kong gawin ang gusto rito, kahit pa ang lumitaw sa kaanyuang ito sa iyo ngayon."
Parang malabo ata yun uh. Pero kung tutuusin, unang beses ko sa loob ng isang mahiwagang nilalang, sino ako para humusga.
"...Sigurado kang hindi ikaw si Cell? Kasi kaya kong magsuper science."
Dumilim ang madilim na niya mukha.
"Hindi ako nakikipagbiruan Pinili. Hindi ako mapagpasensyang nilalang. Para galitin ako nang ganito, alam mo ba ang pinapasok mo?"
"Oo! Pwet mo!" Piyok kong bulyaw. "Kaya wag na wag kang magsasalita tungkol sa galit mo, dahil mas badtrip ako sayong ahas ka.... Pakyu wag ka magblush mukha kang ipis na prinito!"
"Hindi ako-" piyok din nito. Umubo ito at nagpatuloy nang normal ang boses. "Hindi ako nagbablush!" Sagot nitong umiiwas magkipageye contact.
....
........
..............
Ilang sandaling makakabinging katahimikan.
Magsalita kana please... Wag mo tong gawing awkward.
"Uhmm... Bakit ka lumitaw sa akin na ganyang anyo?" alangan kong tanong.
"Huh? Ah oo." Bumalik ang dati niyang asta. Nagalak na nalampasan namin ang pagkailang. "Alam kong ang iniisip mo Pinili. 'Marahil ang kanyang puso o anumang kahinaan niya ay nasa malapit lang, o kaya ito na mismo yun at kaya siya humarap sa akin ay upang pigilan akong makita ito.' Tama ba?" Tinuro niya ang nakakasuklam na aranya.
Pangutya akong ngumisi.
"Para sa isang ahas, magaling kang manghula. Oo, bakit mali ba ako?" Kumpyansa kong tugon.
Ngunit sa loob-loob ko, 'taenayan bakit diko naisip yun? Panggap nalang para di niya mahalatang bobo ako.'
"Mali. Dahil wala akong kahinaan. Ang totoo nyan meron ngunit sa lagay mo ngayon wala kang magagawa upang saktan ako. Hindi sa minamaliit kita Pinili, ngunit iyon ang katotohanan."
"At anong pipigil sakin na subukang iyan at ikaw mismo ngayon?" hamon ko.
"Wala, at libre kang gawin iyon. Ngunit alam kong alam mo ang magiging resulta base sa ginawa mo pagpasok kanina."
Tama sya roon. Wala akong nagawa kunti tignan siya nang masama.
"Anong kailangan mo at humarap ka sakin nang ganyan?"
"Dahil ito ang pinaka-angkop na anyo upang makipagusapan sa iyo. At upang alukin ka ng isang mungkahi... Isang kasunduan." Aniyang tila balot ng lason.
"Kasun...duhan? Ang lakas ng apog mong..." nangangatal kong ani. "Sa tingin mo makikipagkasundo ako sa isang tulad mo? Matapos mong sirain ang aming tahanan at saktan ang aking mga kasamahan? Sa tingin mo nakalimutan ko nang muntikan mo nang patayin si Talas kani-kanina lang? At alam mo bang kinamumuhian kita sa kaibutiran ng aking puso?"
"Hindi mo pa nga naririnig ang aking suhestiyon."
"At hindi ko na kailangan pang marinig pa." Biglang lumiwanag ang bagwis. "Humanda kana sa iyong katapusan!" Pasigaw kong paglusob rito.
Magmula pa nung una ko siyang nakausap naramdaman ko na ang paginit ng bertud, sinasabi ang dapat kong gawin. Nadama ko ang napakalinaw naming koneksyon, tila isang pising nagbibigkis ng alab nito sa aking puso't kaluluwa. Tila likidong katapangan na nagpapayabong ng apoy saking dibdib na patuloy kong pinapadaloy sa aking kasangga. Sa bagwis. Hanggang sa lumagablab at nagbaga ang kanyang patalim. Kaya hindi lamang hiwain ngunit sunugin ang anumang hadlang sa kanyang harapan hangang wala nang matira. Kabilang na rito ang bakunawa.
At base sa takot sa kanyang mga mata, alam nyang iyon na ang kanyang katapusan.
Bumwelo ako upang hiwain siya nang buong lakas.
.....at ako ay nadapa.
Paikot na dumulas ang balisword sa sahig. Inapakan niya ito sa hawakan at sinipa palayo samin. Ang alab nito'y naghihingalong namatay. Namamura ako at nagkumahog itomg habulin ngunit sumalampak ako sa sahig. Tinignan ko ang dahilan.
Sa aking paanan ay may mahigpit na nakapulupot na ugat.
"Muntik na iyon Pinili. Pero sinabi ko na sa iyo kanina. Kaya kong gawin ang gusto ko saking katawan. Gaya nito."
Nabasag ang mga baldosa sa sahig at mula rito gumapang ang ilan pang ugat, pumulupot saking paa, mga kamay, baywang at leeg. Inangat ng mga ito ang nagkukumahog kong katawan sa ere. Sinubukan kong sumigaw ngunit bahagya akong sinasakal. Alam ko na kung saan ito pupunta. Yamete Kudasai!
"Maghunos dili ka Pinili. Wala akong balak saktan ka sa ngayon. Gusto ko lang makinig ka sa panukala ko."
Pinanlisikan ko siya ng matang nagdidilim sa poot.
"Wala akong interes malaman ang sasabihin mo." Nahihirapan kong tugon.
"Talaga?" Natawa nitong sabi. "Siguraduhin mong hindi mo kakainin ang mga sinasabi mo kapag nakita mo na ang laman nito."
Bago ko pa maintindihan ang kanyang tinuran inangan ako ng mga ugat, papalapit sa malaking bola. Inihaharap ang mukha upang maobserbahan ito. Mula sa malayo hindi ko maaninag ang loob, akala ko dahil sa distansya ngunit ako'y nagkamali. Iyon pala'y may malabong pabalat ito na marahang umuurong. Bago pa man tuluyang bumuklat, lumalaki na ang aking pagnganga. Mistulang dagliang huminto ang aking paghinga't pagtibok ng puso. Hindi ko ito mapagkakaila.
May katawan sa loob.
Ang katawan ni Mayari.
~~~~~~~~~~~~~~~~~~~~
Please like amd share po, pati marin ang official FB page ng SMAAK.
Search nyo lang Si Milo at ang Kwaderno. Salamuch.
May available pa pong 20+ copies ng book 1, for shipping na early feb. Pm lang po sa page at malapit nang maubos.
Rakenrol guys!
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top