KABANATA IV - Ang Mabahong Aso, BOW!
Ang unang nararamdaman ng istudyanteng nagka-cutting classes ay tuwa at excitement, dahil nakatakas sya sa responsibilidad at mga gawain sa eskwela. Para syang bilanggong nakatakas sa kulungan. Kulang na lang halikan nya ang sahig sa tuwa. Hindi ganoon ang naramdaman ko. Sa katunayan wala akong naramdaman, ni hindi ko alam kung saan ako pupunta, ang mahalaga lang ay makatakas ako sa naglulunduang biceps ni Tagurp at kay Tifa.
Si Tifa. Ano na kayang ginagawa nya? Katulad ko rin kaya syang nagiguilty? Ngayon lang kami nagtalo nang ganoon. Paalis na kaya sya ng canteen o naka alis na? Paano kung magkita kami sa labas?
Iwinaglit ko na lang kaagad sa isipan ko si Tifa. Nakalabas ako ng iskul at dapat kong gawin ang normal na ginawa ng katingero, ang magbunyi't magdiwang. Kaya nagdesisyon akong magpunta sa pinaka malapit na lugar kung saan pwede kong gawin yun. Sa Mall.
Inubos ko ang oras ko sa panonood ng sine na hindi ko rin naenjoy dahil may katabi akong napakasarap sakaling spoiler na kinukwento ang mangyayari sa katabi nya at isang lalaking nakikipag-telebabad na para nasa sarili nyang home theatre system siya at walang kasamang manonood. Pagkatapos ay bumili ako ng pabango -- na sabi ni Tifa dati ay sobrang tapang na sabi ko naman ay sapakin nya kung natatapangan sya at naangasan --. nag-arcade, nag-feeling guitar hero, nag basketball shooting game, at nagwindow shopping.(although di ko alam kung bakit window shopping tawag dun, hindi naman ako nagshopping at lalo namang walang window, puro pinto at glass wall lang.). Nung nagutom ako nagpasya akong bumili mcdo sundae and fries at kumain ng jolly hotdog sa jollibee. Para sakin mas masarap kasi ang sundae at fries ng mcdo, at saka trip ko ring kumain ng mcdo sa jabee, makapang-asar lang.
Nung kumakain na ako may nakita ako sa labas na pumukaw ng atensyon ko. (nasa jabee ako na nasa gilid ng mall kung saan may pintuan tagusan papasok ng mall at nakikita mo ang mga tao sa labas dahil sa glass wall). Dalawang batang kalyeng tingin ko ay magkapatid, isang batang lalaking nasa walong taon na nakasuot ng maruming sando na may desinyong na Marimar at pulang bag at isang batang babae na nasa limang taon na nakasuot ng bestidang hindi nya sukat. Kitang-kita sa itsura nila ang gutom, ang nene pa nga ay nakapikit na parang nilalanghap ang amoy ng pagkain maibsan lang ang kalam ng sikmura. Pero kahit gutom sila hindi sila kumakatok sa salamin para manlimos o manghingi tulad ng ibang batang kalye. Ilang saglit pa hinatak na ng kuya ang babae palayo, kita sa lungkot sa mukha ng nene. Bago pa man sila makalayo ay hinabol ko na sila.
Malapit ang puso ko sa batang gaya nila, marahil epekto narin 'to ng pangungulila ko sa magulang. Tila gusto kung maging pansamantalang magulang sa tulad nila para kahit papaano maramdaman nilang hindi sila nagiisa. Kaya naisipan kong ayain silang saluhan ako sa pagkain, tutal wala naman akong matinong pagkakagastusan pa ng allowance ko.
Nung una ay natakot ang mga bata, ang nene pa na ay nagtago sa likod ng kuya nya, pero nang tinanong ko sila kung gusto nilang kumain kasama ko, dalawang napakatamis na ngiti kasabay ng di mabilang na tango ang nakuha kong sagot. Doon ko napansin na mali ang akala ko sa batang babae, hindi sya nakapikit para amuyin ang pagkain, nakapikit sya dahil bulag sya. Nakaramdam ako ng kurot sa puso.
Matapos akong makipagtalo sa security guard at tumawag ng manager para maipasok ang dalawa, nakabalik din kami sa mesa ko at naorderan sila ng dalawang chicken-spag, softdrinks at sundae. Bakas sa kislap ng kanilang mata ang tuwa habang nilalantakan ang pagkaing parang doon lang nila natikman. Na marahil ay doon nga lang nila natikman. Nakaramdam ako ng init sa dibdib nang sinubuan ng kuya ang kapatid, na-touch ako. Mabuti na lang talaga at inaya ko sila.
Sa buong panahong kasama ko sila tanging iling at tango lang ang sagot nila sa mga tanong ko. Kahit ang pangalan nilang paulit-ulit kong tinatanong, hindi nila ibinibigay. Ang hula ko ay ayaw nila magkwento ng anumang bahagi ng buhay nila. Nakakalungkot. Anong hirap kaya ang pinagdaanan nila para maging mailap sila sa tao. Ang dapat sa batang nasa edad nila ay ang mamulat sa buhay na puno ng ligaya at pagmamahal. Naisip ko tuloy na napakaswerte ko at may Tita Dora na nag-alaga sa akin, kung hindi ay siguro hindi kami nagkakalayo ng buhay ng dalawang batang ito.
Kung alam ko lang kung gaano katotoo ang ang hinala kong yon.
Nang tapos na silang kumain ay naisip kong pumila uli para umorder ng jolly kiddie meal na pwede nilang iuwi sa kanila, ngunit pagbalik ko ay binati ako ng isang bakanteng mesa, wala na ang dalawang bata. Dagli kong tinanong ang guard kung nasaan ang dalawa para lamang sagutin nang pabalang na "Wala PO akong napansin, SIR." bitter pa sa pagtatalo namin si manong. Wala akong nagawa kundi kamot-ulong bumalik sa mesa at isipin kung bakit umalis agad sila. Hindi ako nainis o ano man, nanghihinayang lang. Sana nakilala ko pa ang dalawa ng mas mahabang panahon, o kahit sana nalaman ko lang ang pangalan nila, pati kung saan sila makikita ulit, magaan ang pakiramdam ko sa kanila kaya gusto ko silang makilala nang lubusan, kaso anong magagawa ko, wala na sila.
Habang nagiisip ako kung ano ang gagawin sa kiddie meal, may napansin akong nakasulat sa likod ng resibo sa mesa. Actually mas mukhang kalahig ng manok kaysa sulat yun, mag mga sulat na pakurba at mga linya na hindi ko maintindi pero alam kong ginawa yun para pasalamatan ako dahil may mga iginuhit ng puso sa ibat-ibang bahagi. Napangiti ako at napuno ng kagalakan. Pakiramdam ko lahat ng stress ko nawala dahil sa simpleng resibong yun. Itinago ko ito sa wallet ko sa likod ng litrato namin ni Tifa.
Si Tifa. Naisip kong nasa bahay na sya dahil gumagabi na. Handa na akong magsorry sa kanya at bumawi sa kasalanan ko, salamat na lang sa dalawang batang yun. Ang pagmamahal ng kuya sa batang babae ang nagturo sakin na maging mapagpasensya at magpakumbaba. Nakakahiya dahil yung batang walang-wala pa ang nagturo sakin nun. Napakababaw ng pinagawayan namin kung ikukumpara sa pangaraw-araw na kinakaharap ng dalawang musmos pero makikita mo sa kanila ang pagmamahal at tatag ng samahan nila. Buo ang loob kong umuwi na kaagad para iaalay ang peace-offering kong jolly kiddie meal kay Tifa.
~~~~~~~~~~~
Nasa kalagitnaan ako ng byahe pauwi nang nagsimula ang mga kakaibang pangyayari. Nakasakay ako sa isang patok na jeep na may feelingerong drag racer na driver, bumabanking at nagdi-drift sa highway habang nagpapatugtog ng dumadagundong na bass at drumbeats na may halong konting-konting musika. Nagiisip ako ng sasabihin kay Tifa habang pinapanuod ko ang isang lalaking nangungulangot sa dulong bahagi ng jeep. Tinignan nya ako nang masama na parang sinasabing "Bastos na bata! Nangungulangot ang tao, tapos pinanonood ako?! Walang modo!" nang biglang umalingaw-ngaw ang isang tunog na parang nanggaling sa lahat ng direksyon.
TANG!
Tunog yun ng isang katamtamang laking kampana, hindi malakas, hindi rin matining o malalim, pero sapat na para humiwa sa ingay sa loob ng jeep. Nananatili ang ugong nito na parang tumataginting sa loob ng katawan ko. Nakakapagtaka dahil wala namang lugar na malapit sa kinaroronan namin ang mayroong kampana. San nanggaling yun?
Nagkatinginan ang mga tao sa jeep, parang tinatanong kung kaninong ringtone yun. Malamang ringtone nga yun, kung may cellphone na kasing laki ng basketball ang isa sa amin. Di nagtagal, dahil unting-unting nawala ang ugong at dahil parang wala naman Itong ibig sabihin, bumalik rin sa normal ang loob ng jeep. Ang daldalan, ang dagundong ng bass at drums, ang pagGrand theft auto ng driver at pangungulangot ni manong ay nanumbalik. Maging ako kinalimutan na rin ang tunog.
Ilang minuto pa ang lumipas nang napuna kong may parang nagbago. May kulang. Nung una hindi ko matukoy kung ano hanggang sa napansin ko. Masyadong tahimik. Nawala ang bass and drumbeats --kung kailan, hindi ko alam -- bumagal ang takbo ng sasakyan, ang daldalan ng mga tao sa loob ay nawala na, maging ang pangungulangot ay... Well, nangungulangot pa rin si manong pero with less passion na. Karamihan sa mga pasahero ay nakayuko at parang may inisip ang ilan naman ay tulala sa bintana. Wala namang kakaiba sa nangyayaring yun, pero kinukutuban pa rin ako. Kinabahan ako na baka may holdapang maganap. Maya-maya'y tuluyan nang huminto ang sasakyan. Akala ko magdedeklara na ng holdap ang driver.
"Hanggang dito na lang tayo, gagarahe na ako." sabi nyang hindi tumitingin sa amin.
Hah? Gagarahe? Eh ang aga pa, wala pa ngang alas otso. At hindi doon ang babaan. Adik ba sya? Naghintay ako ng mga magrereklamo tulad ko dahil malayo pa sa terminal ang pinagbabaan sa amin pero laking gulat ko nang isa-isang nagbabaan ang mga pasahero nang hindi man lang nakipagtalo sa driver. Anong nangyayari?
"T-teka manong, sa kabilang kanto pa ho ako bababa." reklamo ko.
Binalik ng driver ang ibinayad ko.
"Sumakay ka na lang sa iba, gagarahe na ako." sabi nya.
Sa ganitong pagkakataon kadalasan nakikipagtalo ako o nagpaparinig man lang, pero may kung ano sa pananalita na nag-aalangan akong kausapin sya. Hindi sya naninindak o nagaangas, malumanay pa sya nga eh. Kaso masyado syang... Paano ko ba ipapaliwanag? Masyadong monotone. Parang robot. Parang wala sa sarili nya ang sinasabi nya. Wala na akong nagawa kundi kamot ulong bumaba, pero bago ako tuluyang makalabas, tinignan ko muna kung may mga camera sa dingding at gilid-gilid. Baka kako nasa Wow Mali lang ako at bukas-makalawa ay pagtatawanan ng Pilipinas ang nagtatakang reaksyon ko. Negative, walang camera.
Tuluyang humarurot ang jeep pagkalapag ko sa kalsada. Hinanap ko ang mga pasahero para may kasabay sana akong maghintay ng panibagong jeep pero lahat sila ay naglakad palayo sa ibat ibang direksyon. Weird. Walang natira para pumara ule, at ilan lang sa kanila ang naglakad sa direksyon ng terminal. Naisip kong wala naman akong pakialam kung anong trip nila kaya kibit-balikat na lang akong naglakad pauwi. May shortcut naman akong pwedeng daanan mula roon at saka sayang rin yung binalik sa pamasahe, pang-softdrinks din yun.
Habang naglalakad ako hindi pa rin mawala sa isipin ko ang nangyari. Ang kakaibang panalita nung driver, hindi yun normal, dahil nung nagtatanong sya kung saan bababa ang mga pasahero ay maangas at pasigaw ang tono nya. Saka bakit ibinaba nya kami kagad kung pagkababa ko humarurot din sya papuntang terminal, sana ibinaba na lang kami sa mas malapit kung ganun din pala. At yung mga pasahero, bakit walang kahit isang nagreklamo? Kung may isa o dalawang nagsalita ng pagtutol hindi ako magtataka. Pero kahit isa wala. Ok lang ba sila? O masyado lang talaga silang mabait? Sabagay naisoli naman yung pamasahe. Napahinto ako sa paglalakad nang may napansin akong nakakapagtaka.
Pamasahe! Walang kumuha sa kanila ng binayad nilang pamasahe! Bukod sa akin, wala nang ibang ibinalik yung driver! At walang pa ring nagreklamo? Anu yun, nagkuntyabahan sila? O hindi lang nila napansin?
Nagsimula na akong maglakad uli nang mayroon na naman akong napuna kakaiba. Matagal na akong naglalakad, pero wala pa akong naabutang bukas na tindahan. Kahit yung mga bahay sarado. Lumingon ako sa paligid, kahit mga taong naglalakad at nakatambay na kadalasang normal lang sa ganoong oras ay wala akong matanaw. Mag-isa lang ako sa madilim na kalsada. Nakaramdam ako ng panlalamig ng kamay. Natutulog na ba ang lahat? Tumingin ako sa relos ko, alas otso, masyado pang maaga para humimbing sila. Alam ko na! Siguro may event kinabukasan na magaganap nang maaga kaya maaga ring natulog ang mga tao. Tama!
Kaso bakit walang dumadaang sasakyan? Kahit ganoong oras dapat may mga sasakyan parin kasi malapit lang ang main road. Inisip ko na lang na baka nga dahil may event kinabukasan (kung mayroon man talaga) kaya isinara yung kalye.
Pilit kong sinasabi sa sarili ko na natural lang ang lahat, pilit akong humahanap ng lohikal na eksplenasyon pero may isang bahagi sa utak ko ang nagsasabi ng kabaligtaran. May mali sa mga nangyayari, hindi ko alam kung paano ko nasabi pero yun ang nararamdaman ko. May kilabot akong nararamdaman na nakakapagpatayo sa balahibo ko, nagpapadagundong sa puso ko. Hindi ko alam kung bakit pero kinakabahan ako.
O baka napaparanoid lang ako. Siguro dahil sa pagod lang kaya kung anu-ano ang naiisip ko. Kung bakit sa ilang hakbang ay lumilingon ako sa likod dahil parang may sumusunod, o kung bakit may parang sumisilip sa mga lugar na nababalutan ng dilim, o kung bakit ang mga kaluskos sa paligid ay parang nawawala bigla kapag humihinto ako na parang sinasabayan ang kilos ko, malamang lahat yun likha lamang ng malikot na imahinasyon ng isang binatilyong mahilig manood ng horror movies. Oo tama, napaparaniod lang ako.
BLAG!
Napamura ako ng marinig ko ang kalabog na bumasag sa katahimikan. Nasa bahagi ako ng kalsada kung saan dalawang kanto ang pagitan ng mga poste ng ilaw, sa kanan ay may mahabang pader na pumapagitan sa akin at sa isang bakanteng lote, sa kaliwa ay squatter's area kung saan sarado ang pintuan at bintana ng mga tahanan pati narin ang tabing ng mga tindahan, at may mga eskinitang ubod ng dilim kaya hindi dinaadanan ng tao. Sa isa sa mga eskinitang iyon nanggaling ang kalabog. Sa eskinitang kung saan mismo ako nakapwesto.
Nang mga sandaling yun napuno ng ibat-ibang imahe ang isip, at wala ni isa sa mga yun ang maganda. Naririnig ko sa utak ko ang malalim na tunog ng drums na pabilis nang pabilis ang beat kagaya ng mga nasa horror films kung saan matutuklasan ng artista na may nagtatagong halimaw sa kadiliman na lalamon sa kanya ng buhay. Binura ko kagad sa isip ko yun. Hindi yun ang lugar at pagkakataon na para magisip ng nakakatakot. Gumagawa lang ako ng sariling multo. Kung ano man ang kumalabog sa madilim na eskini--.
Nanigas ako sa kinatatayuan ko. May dalawang ilaw na lumulutang mula sa kadiliman. Dalawang ilaw na papalapit sa akin. Parang dalawang matang nakatingin. Nakatingin sa akin.
Napahinga ako nang malalim ng tumambad sa akin kung ano ang ilaw na yun. Mata ng pusa lang pala. Isang matabang pusang kulay kahel. Natawa ako sa ginawa kong pagnanakot sa sarili ko. Iba talaga kapag napaparanoid ka, kung anu-ano ang pumapasok sa utak mo at di ka nakakapagisip nang matino. Nung napagtawanan ko na ang sarili ko dahil sa ka-engotan ko, nakahinga na ako nang maluwag, at nawala ang kabog ng dibdib at nabura sa isipan ang mga eksena ng katatakutan na naglalaro doon. Nang bumalik na sa normal ang tibok ng puso ko nagsimula na akong maglakad uli.
Ilang dipa mula sa poste ng ilaw, umalingasaw ang isang mabahong amoy. Hindi ko alam kung paano ipapaliwanag ang amoy pero para syang imburnal na naiwanang bukas. Nakakasulasok, nakakasuka, nakakabaligtad ng sikmura, parang hininga ni Bon Jovi pero mas matindi pa. Ibig sabihin lang nun, sobrang baho talaga. Kung saan man nanggagaling ang amoy na yun, malamang may problema sila sa sanitation permit.
Kinuha ko ang bag sa likod ko para kunin ang panyo na ipantatakip sa ilong ko para mabawasan man lang kahit paano ang amoy. Nang makita ko ang panyo dalawa ang sabay na naganap. Tumunog ang ringtone ng cp ko na theme song ng X-files dahil tumatawag si Tifa, at nakarinig ako ng tunog na parang mahinang rebolusyon ng motor sa harap ko. Sasagutin ko na sana ang cp nang tumingin ako sa harap.
Nasa harapan ko ang pinaka malaking asong nakita ko sa buhay ko.
Isang napakalaking kulay itim na maduming aso. As in MALAKI. Direkta itong nasa ilalim ng poste ng ilaw kaya kitang-kita ko ang kabuuan nito. Hindi ito sinlaki ng mga lobong naka-steriods sa isang pelikula pero tantya ko hanggang dibdib ko ang taas nito. Nanggigitata sa sugat ang katawan at may malalaking tenga. Ang lahi nito ay parang kalahating askal, kalahating galis sa dami ng langib sa katawan. Pahaba ang mukha nito na parang kambing na walang sungay, may matatalas na ngipin at naglalaway. Ang mga mata nito nanlilisik, at nakatingin sa akin.
Binaba ko ang tawag ni Tifa. Mahirap na baka dahil sa ingay ng ring ay bigla akong sugurin ng at lapain nito. Hindi ako takot sa aso, ilang beses na akong nakagat at nainjectionan ng anti-rabies kaya sa tingin ko hindi na ako tinatablan ng rabies. Pero iba ang asong iyon. Pag nakagat ako hindi lang rabies ang aabutin ko, kundi putol na braso o binti. Ganun sya kalaki. Bumalik ang lahat ng takot sa katawan ko, pinagpawisan ng malamig at nanginig ang kalamnan. Iba iyon kumpara sa takot na naramdaman ko sa eskinita, iyon ay takot sa isang bagay na hindi nakikita, ang naramdaman ko sa aso ay takot sa isang bagay na pwedeng makapagpahamak sa akin. O mas malala, makapatay sa akin. Isang maling galaw, game over ka Milo.
Hindi ko na kinuwestiyon kung saan nanggaling ang aso na iyon -- na kung iisipin ko ngayon ay nakakapagtaka dahil sa isang segundo ay wala ito roon, pagkatapos ay sa isang iglap lang naroon na kagad na parang kabuteng sumulpot -- ang mahalaga ay makaiwas ako. Kahit parang gusto ng kumawala ang puso ko sa ribcage sa lakas ng pagtibok, nanatili akong kalmado. Ang sabi kasi ni Tifa nakakaamoy ng takot ang mga aso. Kung totoo yun, ayokong magpahalatang takot at mangamoy pedigree para sa mga galising aso. Inisip ko ang pagpipilian ko:
A. Bumalik sa pinanggalingan ko at mag-longcut pauwi. Negative. Masyado na akong pagod para umikot pa. Isa pa di ako siguradong hindi ako hahabulin ng aso pabalik.
B. Tumakbo nang mabilis at iwanan ito. Impossible. Sa laking bulas ng asong yun, paniguradong aabutan ako at goodbye cruel world na kaagad.
C. Pumasok sa eskinita. Mas lalong hindi. Kahit takot ako sa asong yun ayoko pa ring pumasok sa madilim na eskinita. Ayaw.
Kaya naiwan ako sa D.
Lagpasan ito habang naglalakad nag mabagal.
At ang mas maganda nyan mayroon akong suhol para sa kanya. Kinuha ko ang hamburger ni Tifa sa loob ng bag ko at ipinakita sa aso. Sorry Tifa, mas mabuti nang jolly kiddie meal mo ba lang kaysa maging jolly doggie meal ako. Pinuwesto ko rin ang bag sa harapan ko para maging cheap pananggalang kung sakaling maisipan nito na mas masarap ako kaysa sa 100% pure beef patties.
Nararamdaman ko ang tibok ng puso ko sa mga tenga ko habang dahan-dahan akong lumalapit sa kanya at inaalok ng burger.
"Chu chu chu.. Mabait na aso yan. Hindi yan mangangagat. Gusto mo to? Masarap to, para sayo yan doggie doggie dog dog..." sabi ko sa pinaka-maamong tonong kaya ko habang hindi humihinga sa ilong. Umaalingasaw pa rin kasi ang baho ng imburnal sa paligid.
Nakatingin lang ito sa akin habang lumalapit ako. Hindi ito tumahol o umangil, na kung tutuusin ay parang mas nakakatakot kaysa sa pagwawala ng isang asong ulol. May kung ano rin sa mata nito na nakakapag-patayo ng balahibo sa batok ko, hindi ko lang matukoy kung ano.
"Eto doggie oh. Sayo na, basta padaanin mo lang ako. Good dog yan!" sabi ko sabay bato ng burger sa harap nya.
Inamoy nya ang burger, lumunok ako. Grabe ang pagka-suspense ng eksena. Pinapakiramdaman ko sa body language nito kung pwede na akong dumaan. Dinilaan nya ito, pinakawalan ko ang hiningang hindi ko alam na pinipigilan ko. Success!
Naghahanda na akong maglakad nang sabay na tumunog ang rebolusyon ng motor lalong umalingasaw ang masangsang na amoy. Muntikan kong mailuwa lahat ng kinain ko sa baho, umurong lang ito nang napansin kong nanggagaling ang amoy at tunog sa aso. Nanginginig ito habang nakatingin sa akin. Tumatawa. Hindi ako nagbibiro, tumawa ito. Hindi motor ang naririnig ko kundi tawa nya. Naramdaman kong lumalaki ang ulo ko.
Sa isang iglap naging malinaw ang lahat, ang mabahong amoy, ang mata nito, ang kilabot na nararamdaman ko. Hindi ko alam kung paano ko nalaman pero sigurado ako. Ang amoy na nanggagaling sa kanya ay amoy ng nabubulok na laman ng tao,
Pagkatapos ay may dalawang nangyaring tila nagpatigil ng tibok ng puso ko.
Pumalakpak ang dalawang tenga nito.
At habang nanlilisik ang mata nitong pan-tao sa akin, bigla itong nagsalita.
Nagsimula na ang impyeno ng buhay ko
Nagsimula na ang panunugis.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top