Chapter Two
Chapter Two
"LOLA."
Agad siyang yumakap kay Celeste na nakaupo sa study nito pagdating niya.
"How was your day, Sherin? I bet umiyak ka na naman."
"I almost thought of drowning myself, Lola. Pero hindi ko pala kaya. I still have you. I still have reasons to go on," aniya sa maiiyak na boses.
"That's right, hija. You have to be strong. For me," sabi naman ni Celeste at hinaplos ang pisngi niya.
"I love you, Lola."
"I love you, too, Sherin. Alam mong ikaw ang rason kung bakit nagpapakatatag ako kahit matanda na ako at mahina."
"Handa na 'kong mawala sa atin ang lahat ng 'to, Lola, basta't nasa tabi kita."
Natahimik si Celeste at halatang may malalim na iniisip.
"Ano 'yon, Lola?" alalang tanong niya.
"It's about Falcon Corporation, hija."
"Bakit, ano'ng meron sa kompanya natin?"
"Tuloy na tuloy na ang pagpapa-auction ko sa kompanya para may maipambayad tayo sa mga utang natin."
"I-ibig sabihin mawawala na ang kompanya sa atin?"
"Ang totoo may paraan pa para hindi tuluyang mawala sa atin ang kompanya. Kaya lang ay kailangan nating magkompromiso."
Napahawak nang mahigpit sa palad ng abuela ang dalaga.May nabuhay na pag-asa sa loob niya dahil sa sinabi nito.
"Ano'ng paraan po, Lola?"
Sa umpisa ay nag-atubili si Celeste.
"K-kasi ay nakausap ko si Aurelio Gaston. Ang sabi niya hihigitan niya ang pinakamataas na bid ng mga sasali sa auction kahit na magkano. Hindi lang iyon, maglalaan siya ng malaking share sa kompanya sa pangalan ko iyon ay kung...i-iyon ay kung--"
"Iyon ay kung ano, Lola?" susog ni Sherin.
Nagbaba ng tingin si Celeste.
"Iyon ay kung magpapakasal ka sa kanya."
Malakas siyang napasinghap at nanlalaki ang mga matang napatitig sa abuela.
Hindi lang iyon. Kinilabutan din siya. Si Aurelio Gaston ay halos kaedad lang ng Daddy niya! Hiwalay na ito sa asawa nito at ang dalawang anak naman nito ay may kanya-kanya nang pamilya.
"B-bakit ako magpapakasal sa kanya?"
"Dahil iyon lang ang paraan para may hawak pa rin tayo sa kompanya, hija. Mabigat din sa loob ko na mawala ang kompanya pero kung ayaw mo, okay lang naman. Ang iniisip ko lang naman, sakaling mawala ako, kayang-kayang ibigay ni Aurelio ang mga pangangailangan mo kapag...kapag nawala na 'ko."
"Lola, 'wag po kayong magsalita nang ganyan. Magsasama pa tayo nang matagal, 'di ba?"
"Ang sabi pa sa akin ni Aurelio gusto ka raw niyang makita sa birthday celebration niya next month."
Hindi agad siya nakapagsalita. Kaligayahan at kalayaan niya kapalit ng hindi tuluyang pagkawala ng kompanya nila. Naguguluhan na siya nang mga sandaling iyon dahil kailangan niyang mamili.
Mariin siyang napapikit. "Pag-iisipan ko po itong mabuti, Lola."
"I'm sorry, Sherin."
HINDI siya rebelde at hindi siya marunong uminom pero nang mga sandaling iyon, alak lang ang alam niyang panandaliang solusyon para makalimutan niya ang kanyang mga problema. Wala na rin naman siyang ibang kaibigang matatakbuhan dahil ang kaisa-isang bestfriend niyang si Tonette ay nasa probinsiya na at nag-asawa dahil hindi ito pinalad na makapagtapos dahil sa hirap ng buhay.
Pagkagaling niya sa coffee shop ay sa bar agad siya dumiretso. Kahit hindi siya sanay sa ingay at maraming tao ay tiniis niya. Naupo siya sa isang sulok at tahimik na uminom. Unang lagok pa lang niya sa bote ng beer ay agad na siyang napangiwi pero tiniis niya at sunod-sunod na lumagok hanggang sa makailang bote na siya. Ilang sandali pa ay nakakaramdam na siya ng pagkahilo at ng tama pero ayaw niyang tumigil. Bawat lagok ay katumbas ng mapapait na bagay na nangyayari sa kanya.
Nang pakiramdam niya ay hindi na niya kaya, tumayo siya sa mesa at naglakad palabas ng bar para pumunta sa kotse niya.
"Babe, let's dance!" sabi ng isang lalaking bigla na lang humarang sa dinadaanan niya at hinapit siya sa beywang.
Napangiwi siya at nagtangkang umatras pero hindi naman siya nito pinakawalan.
"Bitiwan mo nga 'ko!"
Hinampas niya ito sa dibdib pero hindi man lang natinag ang lalaki.
"Pakipot. Gusto ko 'yan. Sige na, sayaw na tayo."
Nagsimula nang umikot ang paningin niya.
"Bitiwan mo 'ko, uuwi na 'ko!" asik niya at pilit itong tinulak.
"Ang arte mo naman, Babe. Kung gusto mo sumama ka na lang sa 'kin. Punta tayong langit," anang lalaki at tumawa nang nakakaloko.
"Bitiwan mo sabi siya, eh."
Natigilan si Sherin nang may isa pang lalaking nagsalita at pamilyar sa kanya ang boses nito.
"Sino ka bang pakialamero ka, ha?" angil naman ng lalaking may hawak sa kanya.
"Girlfriend ko lang naman 'yang binabastos mo."
Napasinghap si Sherin nang hilahin siya nang lalaking bagong dating at napasubsob siya sa matigas na dibdib nito. Ang amoy nito ay pamilyar rin sa kanya.
"Girlfriend? Sino namang niloko mo?" angal pa ng lalaki.
"Bakit, lalaban ka? Tatlo kami mag-isa ka lang," sabi naman ng isa pang lalaki na sa tingin niya ay kasama nang lalaking nakayakap na ngayon sa kaniya.
"Yeah, you back off, dude. That is if you want to save your ass," anang isang kasama rin ng mga ito.
So that's three versus one. Nakita ni Sherin ang pag-atras ng lalaking makulit. Sa kanya lang niya nakuhang tingalain ang mukha ng lalaking nagligtas sa kanya.
"Thomas?" gulat na sambit niya."Oh, no, malakas na ang tama ko. I'm imagining things." Nasapo niya ang ulo.
Narinig niya ang pagtawa ng dalawang lalaking kasama nito.
"Girlfriend mo pero hindi sigurado kung kilala ka?"
"Shut up, Jervey. Sumunod kayo ni Thew sa 'kin."
Napatili si Sherin nang bigla na lang siyang pangkuin ng lalaking hindi siya sigurado kung si TJ nga.
"Sa'n mo 'ko dadalhin?" tanong niyang bahagyang nagpanic.
"Iuuwi na kita."
Hindi niya napansin ang pagtingin ng mga tao sa bar sa kanila maging ang inggit sa mga mata ng mga babaeng nandoon. Dinala nga siya ni TJ sa labas ng bar.
"S-sandali, may kotse ako. Ibaba mo 'ko."
"My lady, I bet hindi mo na kayang magdrive kaya sa 'kin ka sasama."
"What?!"
"Thew, get this key."
"Sure."
Napasinghap siya nang hugutin ng kasama nitong lalaki ang nakausling keyholder sa jeans niya.
"Ano'ng gagawin niyo sa kotse ko?" naalarma niyang tanong.
Walang may sumagot sa tanong niya. Ilang sandali pa ay ipinasok siya ni TJ sa frontseat ng isang kotse at sinuotan ng seatbelt.
"Where are you taking me?"
"Kung saan ka safe."
Pumwesto naman ito sa driver seat at pinaandar ang kotse.
"Kuya, don't forget to use protection, ha?" nakakalokong sabi ng kapatid niyang si Thew na sumilip sa bintana.
"Halika na, hayaan mo na si TJ. Hindi 'yan kagaya mo," sabi naman ni Jervey at hinila sa leeg ang pinsan."Sa 'kin mo na kunin ang kotse niya bukas, 'insan."
Tumango naman si TJ saka pinaharurot ang kotse palayo.
"TJ, is that you?" nakuhang itanong ni Sherin at pilit inaninag ang mukha ng binata sa kabila ng pagkahilo.
"Yes, my lady. Thanks for remembering me."
"Thank you for saving me." Pagkatapos ay nakatulog na siya.
Napailing naman si TJ habang nakikita ang sitwasyon ng dalaga. Papaano na lang kaya kung hindi niya ito sinundan sa bar na iyon pagkagaling nito ng coffee shop. Tiyak na napahamak na ito sa sira ulong lalaki kanina.
NAGISING si Sherin na masakit ang kanyang ulo. Gayon na lamang ang pagkagimbal niya nang ma-realize niyang nakaunan siya sa braso ng isang lalaki at ang isang braso nito ay nakayakap sa beywang niya. Napasinghap siya at napabangon habang nanlalaki ang mga mata. Walang damit pang-itaas ang lalaki at nang ma-realize niyang maging siya ay wala ring damit sa ilalim ng kumot, napatili siya.
"What the hell was that?" napangiwing sabi naman ni TJ nang magising sa ingay na ginawa niya.
"A-ano'ng ginawa mo sa 'kin?" nagpa-panic niyang tanong.
"Ano? Siyempre, wala," nakakunot ang noong sagot ng binata at bumangon.
"Bakit ako nandito? Bakit wala na 'kong damit? Bakit?!"
Napahigpit ang hawak niya sa kumot at pakiramdam niya ay magwawala siya sa ideyang nilapastangan siya ni TJ.
"Pwede ba isa-isa lang? Ang aga-aga, eh."
Bumaba ng kama si TJ kaya nahantad sa mga inosenteng mata ni Sherin ang matipunong katawan nito na tanging boxers lang ang saplot. Dinampot nito ang isang t-shirt sa sahig at isinuot.
"Nandito ka kasi nagpakalasing ka sa bar kagabi at dahil hindi mo na kaya ang sarili mo, dinala kita dito sa condo ko. Lasing na lasing ka kaya kinailangan kong tanggalin ang mga damit mo para mapreskohan ka. Ano, magtanong ka pa."
"I-ikaw ang nagtanggal ng mga damit ko?" nanlalaki ang mga mata niyang tanong.
"Oo, bakit?"
Malakas siyang napasinghap at natutop ang bibig.
"N-na...nakita mo lahat?!"
"Huwag kang mag-alala. Sanay akong manghubad ng mga babae."
"Manyak!" asik pa niyang pulang-pula na ang mga pisngi.
"Pwede ba, wala akong ginawa sa 'yo? Natukso ako, oo, pero hindi naman ako gago para pagsamantalahan ang mga walang laban, 'no."
Natahimik siya.
"T-talaga bang wala kang ginawa sa 'kin?" pagkuwa'y tanong niya.
"Wala," sagot ni TJ na itinaas pa ang kanang kamay.
"K-kung ganun nasa'n na ang mga damit ko?"
"Nasa banyo, tingin ko hindi mo na masusuot pa ang mga 'yon."
Nasapo niya ang ulo."Kung walang nangyari sa 'tin bakit magkatabi tayo sa kama?"
"Pwede naman 'yon, 'di ba? This is my bed after all. Sarap mo ngang katabi, eh. Nangyayakap ka basta," nakangising sagot ni TJ.
Nag-iwas siya ng tingin dahil nag-init na naman ang mga pisngi niya.
"Pwede mo ba 'kong pahiramin ng damit?"
Bukod sa t-shirt ay pinahiram din siya nito ng boxers na hindi pa nito nagagamit. Buti na lang din at may extra itong toothbrush.
"'Yong kotse ko nga pala," sabi niya rito nang puntahan niya ito sa kusina.
"'Wag kang mag-alala, ako na lang ang kukuha niyon kay Jervey."
"Sino si Jervey?"
"Pinsan ko. Isa sa dalawang lalaking kasama ko kagabi." Inilapit nito sa kanya ang isang tasa ng kape."Pampatanggal ng hang over."
"Salamat," sabi niya nang tanggapin iyon at umupo sa isang stool saka sinimulang higupin ang kape.
"Noong una umiiyak ka lang sa Manila Bay, kagabi naman naglalasing ka na. Baka naman sa susunod makita na lang kitang tumatalon sa flyover, ha," ani TJ at umupo sa katapat na stool.
Napabuntong-hininga siya at humigop muli ng kape. Masarap ang timpla ni TJ. Baka pwede niya itong kuning barista sa coffee shop niya.
"Akala ko kasi makakalimutan ko ang problema ko hindi rin pala."
"Baka naman pwede mo nang sabihin ang problema mo sa 'kin ngayon?"
Tumingin siya sa mukha ng binata. Kahit bagong gising ito ay hindi man lang nabawasan ang angking kagwapuhan nito at in fact ay nakadagdag yata iyon sa character nito.
Napatikhim siya. Bakit nakuha pang pumasok ng mga iyon sa utak niya?
"Nagpakamatay ang Dad ko, ulilang lubos na 'ko, lubog na lubog kami sa utang, 'yong kompanya namin lugi na at heto pang isa, magpapakasal ako sa lalaking hindi ko mahal at parang tatay ko na. Siguro naman hindi mo na 'ko masisisi kapag nawalan na 'ko ng ganang mabuhay, 'di ba?"
"Oh." Iyon lang ang nasabi ni TJ.
"Nabigla ako sa mga nangyari sa pamilya ko, lahat biglaan tapos nagsabay-sabay pa. Nasanay kasi akong komportable ang buhay ko at ngayon...hindi ko na alam ang gagawin ko. Pakiramdam ko wala akong kayang gawin. Wala akong ibang matakbuhan at naaawa ako sa Lola ko."
"I could help you."
"Salamat na lang. Kung alam mo lang, ang kailangan ko ngayon ay isang malaking malaking malaking himala kung gusto kong bumalik sa dati ang lahat."
"I'm sorry to hear those, Sherin. I can't imagine if I were in your shoes. I love my parents so much, you see, at thankful ako na pareho ko pa silang kasama ngayon."
"Maswerte ka kung gano’n, TJ. Ako, kapag nawala pa sa 'kin ang Lola ko hindi ko na alam ang gagawin ko."
Malungkot siyang ngumiti at nagdasal sa loob niya na sana ay matagal pa ang isasama nila ng Lola Celeste niya.
"My gosh!" biglang anas niya nang maalala ito.
"What's the matter?" concern na tanong naman ni TJ.
"Tiyak na nag-aalala na sa 'kin ang Lola ko dahil hindi ako nakauwi kagabi." Wala sa loob na natampal niya ang noo.
"It's okay. You can use my phone."
NGINITIAN niya si TJ nang makita itong nakaupo sa pandalawahang mesa nang lumabas siya ng opisina niya. Nakita niya sa labas ng coffee shop ang kotse niya. Ibig sabihin nakuha na rin nito ito mula sa pinsan nito. Iyon kasi ang pangako nito sa kanya nang ihatid siya nito sa kanila.
"As promised," anito at ipinatong sa mesa ang susi niya nang makaupo siya.
"Maraming salamat, ha?" sabi niya at nilaro-laro sa kamay ang susi.
"You're welcome, my lady."
"May alam ka bang bumibili ng mga second hand na kotse?"
"Bakit mo naman natanong?"
"Ibibenta ko na sana 'tong kotse ko, eh. Wala na kasi kaming pangsweldo sa mga katulong sa bahay."
"Bakit, wala bang sentimental value ang kotse mo?"
"Meron," sagot niyang ngumiti pero hindi naman umabot sa mga mata niya."Regalo sa 'kin 'yon ng Lola ko no’ng college graduation ko kaya gano’n na lang ang pag-iingat ko. Kaya lang kailangan din namin ng pera, eh."
"That's bad. Hayaan mo, babalitaan kita kapag meron."
"Salamat, TJ, ha? Um-order ka lang ng gusto mo dito, treat ko sa pagtulong mo sa 'kin kagabi."
"Why, thank you so much," amused na sabi ni TJ.
Ngiti lang ang sagot niya. Lumingon pa siya sa counter at sinenyasan ang isang waiter. Agad naman itong lumapit sa direksiyon nila.
"Gusto ko ang pangalan ng coffee shop mo," komento pa ng binata matapos itong um-order.
"Ah, thanks. I named it after my Mom. She died when I was just ten years old."
"Why do I have this feeling that you looked exactly like her?"
"Isa rin bang tsamba 'yan?"
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top