Chapter Twelve
CHAPTER TWELVE
KAPAG Sabado at Linggo ay hindi niya kailangang magreport sa opisina kaya naman nagkakaroon siya ng panahon na labhan ang mga damit niya gamit ang poso sa likuran ng bahay. Hindi siya lumaking gumagawa ng mga gawaing-bahay kaya naman nagkasugat-sugat ang mga kamay niya noong unang beses niyang maglaba pero nasanay na rin naman siya nang tumagal.
Ang totoo kanina pa may bumabagabag sa kanya paggising pa lang niya. Ang kaso ay hindi naman niya maintindihan kung ano nga ba iyon. Bumalik siya sa kwarto niya at naupo sa kama. Nang mapadako ang tingin niya sa family picture nila ay saka niya natampal ang noo at pagkuwa'y natawa sa sarili.
"Paano ko nakalimutang birthday ko ngayon?" Kinuha niya ang frame at hinaplos iyon."Naku, Mom, Dad, Lola, nagiging makakalimutan na yata ako. Twenty-six na pala ako tapos hindi ko man lang naalala. Kaya naman pala pakiramdam ko may kung ano ngayon, eh. Hay naku."
Ibinalik niya ang frame at kumuha ng pera sa drawer ng mesang iyon. Lumabas siya ng bahay at pumunta sa malapit na bakery at bumili ng fruitcake.
"Himala at fruitcake ang binili mo ngayon at hindi spanish bread," nakangiting komento ng nagtitinda doon na si Cyrah.
"Naalala ko lang kasi na birthday ko pala ngayon."
"Ano? Birthday mo, limot mo? Ayos ka rin, ah? Nagpi-pills ka ba?" biro pa nito kaya natawa naman siya.
"Pills mong mukha mo."
"Seryoso, happy birthday, Sheng!"
"Thank you!"
Kung kailan matanda na siya ay saka pa siya nagkaroon ng palayaw.
"Heto, pa-birthday ko na sa'yo," anito at nilagyan ng maliit na kandila ang plastic ng nakabalot na fruitcake. Dinagdagan din nito iyon ng tatlong brownies."Kapag yumaman ako cake na ang ibibigay ko sa'yo. Pero dahil hindi pa naman, 'yan na lang muna."
Napahagikhik naman siya."Ikaw talaga! Salamat para dito, ha? Ang bait mo talaga, Cyrah."
"Nambola pa 'to. More birthdays to come, ha?"
"Salamat ulit. Sige, alis na 'ko."
"AYAN NA!" parang batang sabi niya matapos sindihan ang napakaliit na kandila na nakatusok sa fruitcake. Inilabas niya ang picture frame at ipinatong sa mesa na nasa sala para kunwari ay apat silang nagsi-celebrate sa mga sandaling iyon."Birthday ko ngayon, birthday ko ngayon. Happy birthday, happy birthday, birthday ko!"
Nakangiting tiningnan niya ang litrato."Ang birthday wish ko sana bukas paggising ko wala na tayong fifteen million na utang. Joke lang." Napabuntong-hininga siya at malungkot na tinitigan ang kandila."Ang wish ko sana kayanin ko pa lahat ng 'to."
Hinipan na niya ang kandila at napapalakpak."Kainan na!"
Kumuha siya ng kutsilyo at hiniwa-hiwa ang fruitcake at nagsimulang kumain."Ang sarap pala nito. Ako na lang po ang kakain ng parte niyo para sa inyo, ha?" sabi pa niya sa picture.
"'CAUSE you mean everything to me I just wanna let you to hold me in your arms forever. I love you--" Napahinto siya sa pagkanta habang nagluluto siya ng sardinas na may itlog."Nagri-ring ba ang cellphone ko?"
Tinakpan niya ang kawali at pinatay ang radyo. Dinampot niya ang cellphone na nakapatong sa mesa sa sala na tumutunog nga. Nagulat pa siya nang mabasa ang pangalan ni TJ sa screen.
"H-hello, Mr. Aguirre, magandang gabi."
"Nasaan ka?" tanong nito sa pormal na boses.
"Nandito lang sa bahay ko. Ano ba ang maipaglilingkod ko sa inyo?"
"Magkita tayo sa ThomJen's ngayon na mismo."
"Ano'ng meron?"
"At bilisan mo." Nawala na agad ito sa kabilang linya.
"Ayos, nag-abala talaga siyang magpaliwanag."
Dahil amoy bawang at sardinas ay napagpasyahan niyang mag-half bath na lang nang mas maaga kaysa kinagawian niya na bago matulog. Nagsuot siya ng isang komportableng dress na nabili niya noong isang linggo sa isang tiangge. Mura lang iyon pero branded naman. Pinatungan niya iyon ng paborito niyang gray na blazer at flats. Kapag nagkita sila ni TJ ay magrereklamo siya rito. Day off niya pero ipapatawag pa siya nito para sa trabaho.
Tinakpan na lang niya ang ulam at itinago sa maliit na cupboard dahil pwede pa niya iyong ulamin bukas ng umaga.
MEDYO hinihingal siya nang dumating sa restaurant. Nagustuhan niya agad ang ambiance niyon. Sana man lang ay nakapunta siya sa restaurant na iyon noong may pera pa siya dahil sa tingin niya ay masasarap ang mga pagkaing sini-serve doon dahil kung hindi, hindi sana iyon binabalik-balikan ng mga customers.
"Ilang minuto akong late, Sir?" tanong niya kay TJ na prenteng nakaupo sa isang pandalawahang mesa habang nakakrus ang mga braso sa tapat ng dibdib.
"Kalahating oras, Miss Falcon," anitong tumingin pa sa relo."Thirty-one minutes to be exact."
"I'm sorry, Mr. Aguirre. Iyong driver ng jeep kasi, eh," aniyang naupo na.
"Bakit hindi ka nag-taxi para mas mabilis?"
"Nagtitipid kasi ako. So, bakit niyo po 'ko pinatawag ngayon dito?"
"We're going to have dinner."
"Ano naman ang pag-uusapan natin over dinner?"
"Just dinner."
Oh? Napakunot-noo siya. Dinner lang? Walang anumang business-related topic? Forget about complaining.
Ilang sandali pa ay may lumapit na waiter sa kanila at inilapag ang mga pagkaing in-order ni TJ para sa kanila.
"Ayokong makakita ng kahit na kaunting tira sa plato mo, okay? Ubusin mo 'yan."
Manghang napatitig siya sa binata.
"And that's an order," dagdag pa nito.
"Okay," aniyang ngumiti.
Nang unang tikim niya ng beefsteak ay na-impress agad siya. Malamang ay pang-world class ang mga chef na nagtatrabaho sa kusina ng restaurant na iyon. Ang gandang pangbirthday naman sa kanya niyon. Sana sa susunod magyaya uli ng dinner doon si TJ.
Akala niya ay matatapos na ang dinner nilang iyon nang maubos niya ang main dish pero nagulat siya nang muling lumapit ang waiter kanina at may dala na itong chocolate mousse cake na may dalawang nakasinding kandila sa ibabaw na itsurang '2' at '6'. Nagulat siya. Paano nalaman ni TJ na birthday niya at beinte y sais na siya? Wala naman siyang naalalang nagbanggit sila ng birthday sa isa't-isa noon?
"That's for you," sabi sa kanya ni TJ nang makaalis na ang waiter.
"Pero bakit?" tanong niyang nag-init ang sulok ng mga mata.
"It's your twenty-sixth birthday, right?"
"Oo pero..." Mabilis niyang ipinahid ang mga luhang kumawala sa mga mata niya."Hindi naman kailangan nito, eh. Nagulat lang ako na alam mo. Thank you, Sir, ha?"
"Make a wish and blow your candles then."
Napapikit naman siya.
Sana mapatawad na 'ko ni TJ...sana kahit maging magkaibigan man lang kami...sana maging masaya siya. Sana ako rin maging masaya.
Nagmulat siya at napangiting hinipan ang kandila.
"Thank you so much, TJ. At least, hindi naman pala ako mag-isa sa birthday ko. Hindi na 'ko nalulungkot masyado."
"Kung sana sinuot mo na lang 'yong singsing na ibinigay ko sa'yo, hindi mo na siguro kailangang danasin ang ganito."
"Look at the bright side, TJ. Kung tinanggap ko ang proposal mo, wala sana si Katrina sa buhay mo. Alam mo bang bagay na bagay kayo?"
"Iyon na nga, eh. Wala sana siya sa buhay ko kung tinanggap mo lang ang proposal ko."
"Ano naman ang ibig mong sabihin do'n?" takang tanong niya.
"Wala. Ipabalot na lang natin 'yang cake at kainin mo na lang sa bahay mo. It's getting late, ihahatid na kita."
"Hindi na. Magku-commute na lang ako, Sir. Nakakahiya naman sa'yo."
"Sige na, ihahatid na kita. That's an order, Sherin."
"DO'N LANG ang bahay ko sa likuran ng bahay ng landlady ko. Salamat ulit sa paghatid, Sir. Kita na lang tayo sa Lunes," sabi niya nang nakahinto na ang kotse sa labas ng gate.
"Safe ba ang tinitirhan mo diyan?" tanong naman ni TJ.
"Oo naman. Marami na nga akong kakilala diyan, eh." Kinalag na niya ang seatbelt at bumaba."Goodnight, Sir. Ingat ka sa biyahe."
"Good night."
Hinintay pa muna niyang makaalis ang kotse ni TJ bago tuluyang pumasok sa gate. Hindi niya mapigilan ang ngiti habang papunta sa bahay niya. Mukhang nagsisimula na muli silang maging okay nito.
"Sheng, sandali lang, bata ka!" tawag naman ng landlady niyang si Aling Fina na nakatayo sa may pintuan ng bahay nito kaya napahinto siya sa pagbukas ng pintuan niya.
"O, Aling Fina, bakit po?"
Bumalik ito sa loob ng bahay at paglabas nito ay may dala na itong malaking box na nakabalot.
"Hindi mo naman sinabing birthday mong bata ka. O heto, may nagpapabigay sa'yo."
Hindi makapaniwalang tinanggap niya ang box.
"Talaga po? Naku maraming salamat po."
"Walang anuman, hija. Happy birthday sa'yo, ha?"
"Thank you po, Aling Fina."
Agad niyang binuksan ang card na nakadikit sa card at binasa pagpasok niya.
Happy Birthday, Sexy. Wish you'd get even sexier. Jervey
Hindi niya napigilan ang mapahagikhik.
"Sira-ulong Jervey 'to, ah."
Dumiretso siya sa kwarto niya at agad na naupo sa kama para buksan ang box.
"Wow," manghang anas niya nang itaas ang isang kulay puting dress. Tumayo siya at itinapat sa sarili ang damit. Napakalambot ng tela ng off-shoulder dress na iyon na umabot lang sa itaas ng tuhod niya."Ang ganda naman nito!"
Humarap siya sa salamin. Tiyak na babagay iyon sa kanya. Pwede niya iyong isuot kapag magsisimba siya o 'di naman kaya ay magkaroon ng isa na namang party sa kompanya.
"Ang ganda talaga." Umikot-ikot pa siya at napahagikhik na parang teenager.
Tiningnan uli niya ang box at nakakita siya ng isa pang mas maliit na box. Nang buksan niya ay mayroong isang pares ng puting heels sa loob. Tiyak niyang pang-match iyon sa dress. Isinukat niya ang sandals at nagkasya iyon sa kanya. Si Jervey ba talaga ang nagbigay ng mga iyon sa kanya? Hindi siya makapaniwala.
Nang tingnan niya ang box ay mayroong maliit na envelope doon. May pangalan niya na nakasulat. Pinunit niya iyon at binasa ang laman niyon.
Happy Birthday ulit!
Did you like the dress? Mama made that one especially for you because I told her na special ang pagbibigyan ko.
Galing naman kay TJ ang sapatos. Si Tita Jen mismo ang nagdesign niyan kasi nalaman niyang ikaw ang pagbibigyan. Tita must have liked you very much, you see. Sana magustuhan mo. Pinapatanong nga pala ni Mama kung gusto mong maging model ng creations niya.
Love you, Sexy!
Hindi niya napigilan ang mapaluha. Mukhang nagiging sensitive na yata ang feelings niya nitong mga nakaraang araw dahil kaunting udyok lang ay nagiging emosyonal na agad siya. Hindi lang pala basta makulit at palabiro si Jervey, sweet din ito kung sweet.
Nakakatawa lang dahil wala man lang silang numero ng isa't-isa. Hindi sana ay natawagan niya ito para siya mismo ang makapagpasalamat sa regalo nito. Hindi bale, iti-text na lang niya kay TJ ang pagpapasalamat niya sa mga ito.
LAKING PASASALAMAT ni Sherin nang matapos na niyang ipa-photocopy ang mga iniutos sa kanya ni TJ. Medyo marami-rami rin iyon dahil kailangan ipakalat niyon sa lahat ng mga empleyado sa kompanya kaya naman kumakalam na ang sikmura niya.
Agad niyang hinanap ang paperbag na pinaglagyan niya ng baon niyang pananghalian.
"Nasa'n na 'yon?" tanong niya sa sarili nang hindi niya mahanap ang paperbag na inilagay niya sa ilalim ng mesa.
Imposibleng wala iyon doon dahil tandang-tanda niyang doon niya inilagay kaninang umaga nang dumating siya.
"Ano'ng hinahanap mo?" tanong naman ni TJ sa kanya.
"Yong lunch ko, hindi ko mahanap."
"Pinatapon ko na 'yon kanina."
"Ano?" gulat na anas niyang nanlaki pa ang mga mata."Pero bakit? Lunch ko na 'yon, eh..."
"Lunch bang matatawag 'yon? De lata na lang palagi ang ulam mo? Tingin mo maganda sa kalusugan 'yon?"
Nanlulumong napasandal siya sa upuan.
"Wala naman akong choice, eh. Kaysa naman magutom ako. Mas mabuti na 'yong nagkakalaman ang tiyan ko kahit papaano."
Napahawak siya sa tiyan niya nang kumalam na naman iyon.
"Sumama ka sa 'kin," sabi naman ni TJ at lumapit sa mesa niya.
"Sa'n tayo pupunta?"
"Magla-lunch tayo nang matino. Halika."
Nagpatianod siya nang hilahin siya nito sa kamay at dinala sa pent house.
"Hindi mo naman na kailangang gawin 'to, eh. Naabala ka pa tuloy. Okay na 'ko do'n sa baon ko," sabi niya habang pinapanood itong iniinit sa microwave ang pagkaing in-order daw nito sa ThomJen's.
"Halos isang buwan kitang inu-obserbahan, Sherin. You're not eating right. Look at you, you haven't gained your lost weight," anitong hinarap siya at itinukod pa ang mga kamay sa mesa.
"TJ, hindi mo naman ako responsibilidad, eh."
"Simula nang magtrabaho ka para sa 'kin naging responsibilidad na kita. Lahat ng mga nagtatrabaho sa kompanya ko responsibilidad ko na. Ngayon mo sabihin sa 'kin na hindi ko na kailangang gawin 'to."
Natameme lang siya. Tinalikuran din siya ni TJ para ihanda na ang pananghalian nila.
"I'm sorry," sabi na lang niya.
"Simula ngayon sasabay ka nang maglunch sa 'kin at bawal kang tumanggi."
"Ang swerte talaga ni Katrina..."
"Ano'ng sabi mo?" tanong nitong nilingon siya.
"Wala. Never mind."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top