Chapter Three
CHAPTER THREE
"BAKIT ganyan ka na lang ka interesado sa kanya? Hindi mo naman sinabing may stalker instincts ka rin pala."
"Pwede ba, mind your own business," pakli niya at isinara ang folder na iniabot sa kanya ni Jervey nang matapos niya iyong basahin.
Nasa opisina siya ng private investigation agency nito dahil sa request niyang background check kay Sherin. Simula nang makita niya itong umiiyak sa Manila Bay ay hindi na nawala sa isip niya ang dalaga. At mukhang tama nga si Jervey sa ‘stalker instincts’ na sinasabi nito sa kanya dahil sinadya talaga niyang sundan ang dalaga sa bar kung saan ito nagpakalasing.
"That's exactly my business," napa-snap sa hangin na sabi naman ni Jervey.
"Thanks for this, Jervey," aniya.
"Siya lang ang nagustuhan ko sa lahat ng mga babae mo."
Nagsalubong naman ang kilay niya."What do you mean?"
"Hindi siya...bum. At independent pa." Napahimas si Jervey sa baba nito."Ganyan talaga ang mga babaeng gusto kong i-date."
"Well, sorry ka na lang dahil nauna ako. Siyangapala, nabanggit mo sa 'kin na pang-collector's item ang kotse niya"
"That's right! Nanghihinayang nga ako kasi wala nang available na ganoong model ng Audi. Dude, magkaroon lang ako ng ganoong display sa garahe ko magpapa-party talaga 'ko." Napukpok pa nito ang mesa ng kamao.
"Tinanong niya 'ko kung may kilala akong buyer."
Jervey's jaw dropped.
MATAPOS niyang i-check ang laman ng bag niya ay tuloy-tuloy na siyang lumabas ng coffee shop. Nagulat pa siya nang datnan niya sa labas si TJ na nakasandal sa gilid ng kotse nito.
"Magandang gabi," nakangiting bati nito sa kanya.
"TJ, m-magandang gabi rin sa 'yo. Bakit ka nandito?"
"Well," anitong sumulyap sa relo nito."Can I ask you out for dinner tonight? 'Yon ay kung hindi ka pa nagdi-dinner."
She was suddenly overwhelmed.
"H-hindi ba magagalit ang girlfriend mo?" tanong pa niya.
"No."
"T-tara. May alam akong restaurant malapit dito."
Pasimpleng hinubad ni TJ ang coat nito at isinuot sa kanya habang naglalakad na sila.
"Malamig na, baka magkasakit ka," anito.
"Thank you," kimi niyang sabi.
Mabuti na lang at gabi na. Hindi siya nahirapang itago ang pamumula niya. It was the first time someone asked her out na pumayag siya. She had been asked by the varsity players sa university noon when she was in college pero lahat nang iyon ay t-in-urn down niya. Ang gusto kasi ng Dad niya ay unahin niya ang mga priorities niya. Hindi naman iyon naging mahirap sa kanya dahil wala naman sa mga lalaking iyon ang nakakuha ng atensiyon niya.
"TJ, what do you do, by the way?" maya-maya'y tanong niya.
"Oh, I work for my family's company."
"Businessmen ang parents mo, gano’n?"
"Not really. My father is a lawyer while my mother is a shoe designer and she owns a boutique. 'Yong uncle ko, Jervey's father, is the CEO."
"Si Jervey ba businessman din?"
"No. May sarili siyang agency niya. He does background checking, private investigations, crime-solving, rescuing, and assasinations. Joke lang 'yong panghuli."
"Wow, a secret agent," manghang sabi niya.
"Well, not anymore after I told you. Pero kung hindi mo alam, aakalain mong isa lang siyang modelong adik mangolekta ng mga kotse. By the way, he really is interested about buying your car."
"Really? Wow, gusto ko siyang makausap as soon as possible."
Mukhang nalibang siyang alamin ang iba pang mga bagay tungkol kay TJ kaya kahit na naghihintay na sila ng order nila ay tinatanong pa rin niya ito. Nalaman niyang ang isang lalaking kasama nito sa bar noong gabi na si Thew Angelo ay nakababata pala nitong kapatid. May ari naman ito ng chain of restaurants at chef ito sa main branch.
"I'm sorry. I'm always fascinated with siblings dahil only child ako. Wala rin akong mga nakilalang pinsan dahil parehong only child ang parents ko. Nakakatawa, 'no?" sabi pa niya."Kaya nga kapag nagkapamilya ako gusto ko sana ng basketball team."
"I would want to have a football team, though. Well, if that's the case, Sherin, will you marry me?"
Nagulat siya sa sinabi nito kaya idinaan na lang niya sa tawa ang pag-iinit ng mga pisngi niya.
"You could be funny, too, Mr. Aguirre."
"You look more beautiful when you laugh. I won't mind being a clown," sabi naman nito habang titig na titig sa mukha niya.
Siya ang unang nagbaba ng tingin.
"Ang akala ko talaga nakalimutan ko nang tumawa. Salamat, ha?"
"SALAMAT ulit sa dinner. Nag-enjoy ako," sabi niya nang balikan na nila ang kani-kanilang kotse. Ang coffee shop ay tuluyan namang nagsara kaya madilim na sa kinatatayuan nila.
"Alam mo bang simula no’ng makita kita hindi ka na nawala sa isip ko?" sa halip ay sabi ni TJ kaya naman napatitig siya dito kahit hindi na niya klarong makita ang mukha nito.
"A-ano'ng ibig mong sabihin?"
"I like your company, Sherin. Kung okay lang sa'yo, gusto ko sanang lumabas kasama ka ulit at gusto kong dalasan natin."
She was taken aback by his straight-forwardness but what's so surprising is that it didn't irritate her. She was, in fact, overwhelmed again.
"L-look, TJ, ayoko namang mapagkamalan mong fondness ang pagkaawa mo sa 'kin dahil sa sitwasyon ko."
Naaninag niya ang pagkunot ng noo nito.
"Awa? You got me wrong, my lady. Napahanga mo nga 'ko sa sitwasyon mo dahil ayaw mo 'tong sukuan at magpatalo na lang sa kalungkutan."
"S-salamat kung gano’n." She thought of something to say pero iyon lang ang lumabas sa bibig niya.
"Good night, Sherin."
Ito pa ang nagbukas ng pinto ng kotse niya dahilan upang mapalapit ito sa kanya dahil doon siya nakatayo. Napalunok siya. Kailan pa naging distracting sa kanya ang amoy na nanggagaling dito? And her heart beat suddenly went wild. Naririnig kaya iyon ni TJ?
"G-good night din, TJ. Mag-iingat ka."
Sumakay na siya at ito pa ang nagsara ng pintuan para sa kanya.
"Ikaw din, Sherin, mag-iingat ka."
"SHERIN?"
Napahinto sa pagpasok sa loob ng kwarto niya ang dalaga nang bumukas ang pinto ng study ng Lola niya at iniluwa ito.
"Lola," gulat na anas niya at agad na humalik dito."Bakit gising pa po kayo?"
"Nag-alala ako sa 'yo dahil hindi ka pa umuuwi. Kagabi hindi ka rin nakauwi kaya iniisip ko kung saan ka na naman nagpunta," alalang sabi nito.
"Pasensiya na po kayo, La. Nagdinner lang po ako kasama ng kaibigan ko."
"Iyon din bang lalaking naghatid sa 'yo dito?"
"Opo, si TJ po."
"Nanliligaw ba siya sa 'yo?"
Nagulat siya sa tanong ni Celeste."H-hindi po, Lola. Magkaibigan lang talaga kaming dalawa."
"Hindi naman sa gusto kong hadlangan ang kaligayahan mo, apo, pero hindi makakabuting magkaroon ka ng ugnayan kahit na sinong lalaki dahil ikakasal ka na kay Aurelio."
Malungkot siyang ngumiti."Alam ko 'yon, Lola. Sige na po, matulog na kayo. Bilin po ng doktor ng bawal kayong mapuyat, 'di ba?"
Tumango-tango naman si Celeste.
"Good night, hija."
"Good night po, Lola."
Nang mahiga si Sherin sa kama niya ay hindi agad siya nakatulog. Suddenly, she was bothered. Tama ang Lola niya, hindi dapat siya makipagmabutihan sa kahit na sinong lalaki dahil ikakasal na siya. Kapag naiisip niya iyon ay hindi niya maiwasang kilabutan at mangdiri pero wala naman siyang magagawa. And then there's TJ na kakakilala pa lang niya pero agad niyang nakagaanan ng loob. Hindi kaya ito maging threat sa kanya ngayong may pakiramdam siyang naa-attract na yata siya rito?
Nagpakawala siya ng isang malalim na buntong-hininga habang nakatingala sa kisame.
Ito na ang kapalaran ko, kailangan ko nang tanggapin, malungkot niyang saloob.
SA HULING pagkakataon ay pinasadahan ni Sherin ng tingin ang kulay dark blue na kotse niyang parang naging bestfriend na niya sa loob ng apat na taon bago tuluyang isinuko ang susi niyon kay Jervey. Labag talaga iyon sa loob niya pero kailangan niya ng pera dahil naghihirap na sila.
"Ingatan mo siya, Mr. Trias. Mami-miss ko talaga ang kotse kong 'yan kaya ikaw na sana ang bahala sa kanya."
Nakipagkita ito sa kanila ni TJ sa Carina's dala ang tsekeng nagkakahalaga ng isang milyon kapalit ng sasakyan niya.
"Don't worry, Ma'am. Your car will be pampered in my hands," sabi naman ni Jervey na hindi maitago ang tila tagumpay sa gwapo nitong mukha habang mahigpit ang pagkakahawak sa susi."I hope you won't mind if I make some changes about the color."
"Sure. After all, it's all yours," napakibit niyang sabi.
"Ang totoo, ayaw lang talaga niyang malaman ng mga tauhan niya na kuripot siya kaya pagmumukhain niyang brand new," sabat naman ni TJ habang nakakrus ang mga braso.
"Shut up, Thomas. Hindi naman ako spoiled brat kagaya ng iba diyan. Basta ako, masaya ako na may dumagdag na naman sa koleksiyon ko. Thank you so much, Miss Falcon."
"Don't mention it," sabi naman niya.
"Kung nami-miss mo ang kotse mo pwede mo naman akong tawagan. Joy ride tayo, nang tayong dalawa lang."
She thought he flirts in a funny way kaya naman natawa siya.
"Ngayon mo sabihing si Thew lang ang mahilig makipaglandian," salubong ang kilay na sita ni TJ.
"Ah, I don't understand why people think I'm flirting when I'm just trying to be honest. Sige guys, got to go. Maggi-getting-to-know-each-other lang kami nitong bagong girlfriend ko." Sumaludo ito sa kanilang dalawa bago tumalikod at sumakay sa bago nitong kotse.
Sila naman ay bumalik na sa loob ng coffee shop.
"I think I like Jervey," nakangiting sabi ni Sherin pagkuwan.
"I'm hurt," sabi naman ni TJ kaya takang napatingin siya dito.
"Why?"
"You just told me you like him."
"And?"
"You met me first pero hindi ko pa naririnig na sinabi mong gusto mo rin ako."
Napataas ang dalawa niyang kilay at pagkuwa'y natawa siya.
"Akala ko naman kung ano na. Kaya lang kailangan mo pa ba talagang marinig sa 'kin na gusto kita?"
"Yes, because it matters to me."
Tumawa lang siya ulit at tuloy-tuloy silang pumasok ng opisina niya.
"What, you think nagpapatawa ako?"
Agad na naglaho ang ngiti niya nang makitang seryoso si TJ.
"I'm sorry, TJ. Hindi naman ganun 'yon, eh. Alright. Obviously, hindi ako nakikipag-usap sa 'yo ngayon kung hindi kita gusto. Now, okay na ba?"
"Finally," simpeng tugon lang nito at hindi niya alam kung nagiging sarcastic lang ba ito.
"Thank you so much, TJ. For helping me," sabi pa niya.
Pinagkrus muli ni TJ ang mga braso at umilang humakbang ito palapit sa kanya.
"Would you do anything to make it up to me?"
"Well, bakit hindi?"
"How about a dinner tonight? At my condo this time."
"You'll cook?" manghang tanong niya.
"Shall I pick you?"
"H-hindi na. Hintayin mo na lang ako mamayang gabi."
"I'll wait for you then."
She sucked a breath when he lowered his face and kissed her gently on her forehead.
"S-see you."
MAAGA siyang umalis ng coffee shop para umuwi at maghanda. Ewan ba niya pero sa tingin niya ay kailangan niya nang maiging paghahanda dahil para sa kanya ay espesyal ang mangyayaring dinner mamayang gabi kumpara sa mga nakalipas nilang dinner ni TJ.
Kapag pinupuntahan siya nito sa Carina's ay ito lang ang pormal ang ayos sa kanila kaya naman natagpuan na lang niya ang sariling nanghahalungkat sa malaki niyang cabinet at tiningnan isa-isa ang mga bestida niya. She thinks she should look desirable in his eyes tonight.
"Sherin?"
Agad siyang napatakbo sa pintuan nang marinig niya ang pagkatok ni Celeste sa labas ng silid niya.
"Lola, pasok po kayo."
"May lakad ka, hija?" tanong nito nang makita ang mga nakalatag na damit sa kama niya.
"O-opo, La. May gusto po ba kayong sabihin?"
"Nasaan ang kotse mo? Nakita kitang bumaba ng taxi pagdating mo."
"Ahm, k-kwan, Lola." Kinuha niya ang bag sa kama at inilabas mula doon ang tseke na natanggap niya mula kay Jervey."Binenta ko na po ang kotse ko kanina."
"Ano? Pero bakit?" gulat na tanong ni Celeste.
Kinuha niya ang kamay ng abuela at inilagay doon ang tseke.
"Hindi na po lingid sa kaalaman ko na naghihirap na tayo kaya naman gusto kong makatulong, Lola. Nandiyan pa naman ang kotse ni Dad at ang driver, eh, 'di po ba? Sorry po kung kinailangan kong ibenta ang regalo niyo sa 'kin. Ito lang po kasi ang alam ko para makatulong sa inyo, eh."
Parang maiiyak na hinaplos nito ang pisngi niya."Hay, Sherin, apo. Sa iyo na ang kotseng iyon kaya lang ay bakit kailangan mo pang ibigay ito sa akin? Sana itinabi mo na lang ito para sa sarili mo, iyo ito."
"Hindi, Lola. Para po sa ating dalawa 'to. Sa ngayon ito lang ang magagawa ko para sa inyo kaya tanggapin niyo na po."
Hindi niya gustong maiyak ng mga sandaling iyon pero nang maiyak ang Lola niya at yakapin siya ay tumulo na rin ang mga luha niya.
NANG makarating siya sa tapat ng unit ni TJ ay bigla siyang na-conscious para kumatok agad kaya wala sa loob na inayos-ayos muna niya ang laylayan ng suot niyang peach na dress na pinarisan niya ng flat na sandals. Pinili niyang huwag na lang magheels tutal naman ay matangkad na siya. Wala siyang anumang suot na accesories sa katawan at nag-apply lang siya ng pulbos sa mukha. Ang buhok naman niyang lampas-balikat ay hinayaan lang niyang nakalugay.
Napabuntong-hininga siya at bumilang ng tatlo bago tuluyang kumatok. Agad namang bumukas ang pinto at iniluwa si TJ, strikingly handsome in his gray long sleeves and black slacks. Only, nakapaa lang ito.
"H-hi," nautal niyang bati at agad na namula dahil sa paraan ng pagkakatitig nito sa kanya.
"Sherin, hey, come in," nakangiting sabi naman ng binata at niluwangan ang pinto.
"Thanks."
"You're just in time and dinner's ready. By the way, you look even more stunning."
"T-thank you." Wala sa loob na nahaplos niya ang buhok.
Kinuha naman nito ang bag niya at ipinatong sa couch.
"Nagugutom ka na ba?" tanong pa nito.
"Nakapaa ka," sa halip ay manghang pansin niya.
"Ah, yeah," natawang anito."I was thinking you won't mind kung hindi ako magsapatos."
Umiling-iling naman siya."I think you have sexy feet."
"Sexy, not happy."
Pareho silang natawa. Mabuti na lang talaga at hindi siya nag-heels.
"So you won't mind kung tanggalin ko rin ang sapatos ko?"
"Nope. Feel free, my lady."
Hinubad nga niya ang sapin sa paa at itinabi malapit sa pintuan.
"Let's go." Kinuha ni TJ ang kamay niya pero bago siya nito dalhin sa dining area ay inabot muna nito ang switch ng ilaw kaya biglang dumilim.
Napasinghap siya at awtomatikong napakapit sa braso ng binata.
"B-bakit mo pinatay ang ilaw?"
"Relax, part lang 'to ng set up," ani TJ with a hint of smile on his face.
Hinila siya nito papunta sa kusina at ilang sandali pa ay umilaw ang lighter na nasa isang kamay nito.
"Stay here."
Binitawan naman nito ang kamay niya at lumapit sa mesa. Sinindihan nito ang dalawang kandila kaya naman nagkaroon ng liwanag sa silid at tumambad sa kanya ang isang dinner set up na lalo lang naging romantic dahil sa mga scented candles.
"Wow," usal niya. Gaya ng dati ay na-overwhelmed na naman siya.
"There you go. Come here, Sherin."
Hinila siya ni TJ at inalalayang maupo.
"Hindi ako makapaniwala. Ang ganda naman nito, TJ."
Inokupa naman ng binata ang silya sa tapat niya.
"I'm glad hindi ako napahiya. Mom said women love candle-light dinners."
"Kinunsulta mo ang Mom mo?" manghang tanong ng dalaga.
"She never fails."
She giggled."She's probably so sweet."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top