Chapter One:
CHAPTER ONE
Pakiramdam ni Sherin ay hindi pamilyar sa kanya ang silid na pinasukan niya. Dinampot niya ang isang picture frame na nakapatong sa bedside table at naupo sa malambot na kama. Hinaplos niya ang salamin niyon. Larawan iyon ng isang masayang pamilya. Siya na nag-iisang anak, ang mga magulang niya at ang kanyang Lola Celeste.
Dinala niya iyon sa dibdib at niyakap nang mahigpit kasabay ng pag-agos ng panibagong masasaganang luha mula sa mga mata niya.
Sampung taon pa lang siya nang mamatay ang Mommy Carina niya sa isang plane crash at ngayon ay ang Daddy naman niya.
"Bakit, Dad? Nangako kang hindi mo 'ko iiwan pagkatapos ni Mom, 'di ba? Bakit?"
Nahiga siya sa kama at pinalipas ang sandaling iyon sa pag-iyak at pagluluksa dahil sa pagkawala ng dalawang mahahalagang tao sa buhay niya. Pakiramdam niya ay hindi na buo ang pagkatao niya. Ngayon lang niya naramdaman ang ganoong kalungkutan buong buhay niya.
Mariin siyang napapikit. Ganoon pala kapag nawalan ka ng dalawang mahahalagang tao sa buhay mo. Pakiramdam mo nawalan ka na ng ganang magpatuloy at mabuhay muli ng normal.
"Señorita Sherin, 'andiyan ka po ba?" tawag ng mayordoma nilang si Esther.
Napabangon siya at pinahid ng mga palad ang mga luha niya.
"B-bakit po, Yaya Esther?"
"Pinapapunta po kayo ni Doña Celeste sa study niya. Gusto raw kayong makausap nang masinsinan."
"Sige, Yaya, lalabas na 'ko."
Tumayo siya sa kama at lumabas ng silid bitbit ang picture frame.
Nang datnan niya ang matanda ay nakatalikod ito sa kanya dahil nakaharap ito sa bintana malapit sa mesa nito. Ito na lang ngayon ang naiwan sa kanya. Gaya niya ay labis din itong naapektuhan. Ngayong wala na ang Daddy niya, mag-isa na lang itong mamamalakad ng kompanya nila.
"Pinapatawag niyo raw ako, Lola?"
Humarap sa kanya si Celeste at sinikap na ngumiti sa kanya. Kanina lang naihatid sa huling hantungan ang Daddy niya at kagaya niya ay hindi pa ito nakapagpalit ng damit pamburol nito.
"Sa tingin ko hindi na makakapaghintay ang bagay na ito. Ngayong wala na rin ang anak ko, mas mainam siguro kung malaman mo ang tunay na dahilan kung bakit nagpakamatay si Sebastian."
Pakiramdam niya ay paulit-ulit na sinasaksak ang puso niya kapag naririnig ang pagkitil ng ama sa sarili nitong buhay.
Nang araw na natagpuang wala nang buhay si Sebastian ay may narinig na malakas na putok si Celeste na nanggaling sa silid nito. Nakita rin ng mga imbestigador ang baril na ginamit sa tabi ng bangkay nito at hindi na tiningnan pa ang anggulo ng foul play.
Hindi lingid sa kaalaman ni Sherin na dumaranas ng matinding depression ang ama niya pero kapag kinakamusta naman niya ito ay paulit-ulit lang nitong sinasabi na okay lang ito at wala siyang dapat na ipag-alala.
Mabibigat ang mga hakbang na lumapit siya sa mesa at naupo sa katapat na silya habang yakap-yakap pa rin ang picture frame.
"Ang totoo lubog na lubog na tayo sa utang, hija. Malapit na ring malugi ang kompanya kaya malamang ay hindi na iyon kinaya ng Daddy mo. Ako rin hindi ko na alam ang gagawin ko. Kulang ang mga ari-arian natin pambayad sa utang natin sa bangko. Kung hindi lang sana nalulong sa sugal ang anak ko, hindi sana nangyari ito pero wala na tayong magagawa."
"A-ano po ang mangyayari sa atin, Lola?" pumiyok na tanong niya.
Narinig niya ang pagbuntong-hininga ng matanda."Ibebenta na natin sa susunod na auction ang kompanya, hija."
Gulat na napatingin siya sa abuela.
"P-pero pinaghirapan niyo po 'yong itayo nina Daddy, Lola."
"Alam ko, Sherin. Ang kaso wala na tayong choice. Napakalaki na ng utang natin at kapag ipinilit pa nating isalba ang kompanya, lalo lang tayong malulubog sa utang at duda ako kung may magpapautang pa sa atin. Iyon na lang ang alam kong paraan, hija," paliwanag ni Celeste na hindi maitago ang labis na panghihinayang.
"Pasensiya na po, Lola, ha?" sabi naman ni Sherin na napatungo at hinigpitan ang pagkakayakap sa larawan."Kung pinilit ko lang sana na pag-aralan ang pagpapatakbo ng kompanya hindi sana natutulungan ko kayo ngayon. Sana natulungan ko si Daddy, sana hindi niya naisipang magpakamatay. Sana...sana-"
"Sherin, 'wag mong sabihin 'yan," sansala naman ng Lola niya."Maling sishin mo ang sarili mo. Alam namin ng mga magulang mo kung gaano ka kabuting anak at apo."
"Kung may paraan lang sana para hindi mawala sa atin ang kompanya, kahit ano gagawin ko, Lola."
KAILANGANG ituloy ang buhay para kay Sherin. Pagkatapos ang isang linggo ay napagpasyahan niyang magreport sa coffee shop na pagmamay-ari niya. Niregalo iyon sa kanya ng Daddy niya nang g-um-raduate siya sa college four years ago at ipinangalan niya iyon sa Mommy niya. Kahit maliit lang ang coffee shop ay malaki ang kita niyon dahil binabalik-balikan ng mga customers. Kahit papaano ay natutustusan niya ang mga pangangailangan niya nang hindi umaasa sa Dad at sa Lola niya.
"Welcome back po, Ma'am," bati ng mga empleyado niya.
"Salamat," tugon naman niya at pilit na ngumiti."Kamusta ang Carina's habang wala ako?"
"Maayos naman po, Ma'am. Gaya pa rin ng dati, maraming customers," sagot ng assistant niyang si Cynthia.
"That's good."
Agad siyang tumuloy ng opisina niya at sinimulang harapin ang mga naabandona niyang trabaho pero kahit ano'ng pilit niyang pagconcentrate ay hindi niya magawa. Hindi sapat ang lakas niya at lalo lang siyang nabalot ng matinding lungkot.
Imbes na magpakaabala ay natagpuan na lang niya ang sariling nakatulala at nagpapakamiserable sa pag-iwan sa kanila ng Dad niya. Napasubsob siya sa mga palad niya at ilang sandali pa ay yumuyugyog na ang balikat niya dahil sa pag-iyak.
Paano kung mawala na rin kaya siya sa mundo nang matapos na ang paghihirap niya at para makasama na rin niya ang mga magulang niya? Siguro hindi na siya mahihirapan nang katulad ngayon.
IYON ang unang pagkakataon sa buhay ni Sherin na hindi niya ma-appreciate ang sunset mula sa malaking batong kinauupuan niya. Napahigpit ang yakap niya sa tuhod niya sakaling maibsan niyon ang matinding lungkot na nararamdaman niya. Dati madalas nila iyong abangan kapag namamasyal silang tatlo ng mga magulang niya noong bata pa siya. Nang mamatay ang Mom niya, hindi na nila nagawa iyon dahil nasasaktan ang Dad niya. Nag-iba na rin ito, nalulong na ito sa sugal at bisyo at napabayaan na nito ang kanilang negosyo. Kahit hindi nito sabihin, alam niyang mabigat ang pinagdadaanan nito.
Kasing pait naman ng dagat ang mga luhang ngayon ay umaagos na naman mula sa mga mata niya. Masosolusyunan kaya ng pagpapakalunod ang masakit na pinagdadaanan niya?
"Please, 'wag mong iisiping magpakamatay. Kakaunti na lang ang magaganda sa mundong 'to."
Napapisik siya nang may magsalitang boses-lalaki sa tabi niya. Awtomatiko siyang napatingin sa kanan niya at nakita niya ang isang lalaking nakaupo sa malaking bato habang nasa dagat ang tingin nito.
"A-ako ba ang kinakausap mo?"
Nang tumingin ito sa kanya, she found him extremely good-looking and a bit mysterious which reminds her of Anakin Skywalker.
"Ikaw lang naman ang magandang nandito."
Wala sa loob na tumingin siya sa paligid niya at napagtanto niyang sila lang ang nandoon sa bahaging iyon ng Manila Bay.
"Nakakabasa ka ng isip?"
"Hindi. Tsumamba lang siguro."
Tumayo ang lalaki at umuklo sa harap niya. Naglabas ito ng panyo at inabot sa kanya. Agad niyang nalanghap ang mabangong amoy nito na tila nakapagpakalma sa kanya.
"Salamat," tugon niya at agad na pinahid ang mga luha.
"My name is Thomas Aguirre, Jr. but you can just call me 'TJ'. How about you, my lady, what's your name?"
Hindi niya ugali ang magtiwala sa mga taong hindi niya kilala but this guy seemed to be an exception.
"Sherin. M-my name's Sherin."
"Hi, Sherin. Now, may I know why are you crying?"
"Wala. Nalulungkot lang ako. S-sorry, I have to go. Salamat nga pala dito sa panyo, TJ."
Tumayo siya at agad na tumalikod. Tumayo rin si TJ at sinundan naman siya.
"Can I see you again?"
Napahinto siya at nilingon ito.
"I-I'm not sure. Tingnan natin."
"I'm looking forward."
When he smiled at her, her heart skipped a beat.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top