Chapter Nineteen
CHAPTER NINETEEN
“TJ, MAY gusto sana akong sabihin,” sabi niya nang nagsisimula na silang kumain ng lunch.
Matapos ng ilang araw ng pag-iisip ng dapat niyang gawin ay nakapagpasya na siya.
“Tungkol saan?”
“K-kwan, um, g-gusto ko sanang..." Mariin siyang napapikit upang kumuha ng bwelo. “Gusto ko sanang humingi ng leave kung okay lang?”
“Leave?” ulit nitong salubong na salubong ang kilay. “Para saan at gaano katagal?”
“Six months--”
“Six months!”
Napapisik siya nang magtaas ito ng boses.
“Babalik din naman ako, eh. Hindi ko nakakalimutan ang usapan natin. Kailangan ko lang...kailangan ko lang ayusin ang mga bagay- bagay.”
“Gaya ng ano, Sherin?” matalim ang tingin na tanong sa kanya nito.
“Masyadong personal para sabihin ko sa'yo. Pero nangangako ako na babalik ako at tutuparin ko ang napagkasunduan natin. Kailangan na kailangan ko lang talaga ng anim na buwan para ayusin ang sarili ko. Kailangan mo 'kong payagan, TJ. Nakikiusap ako sa'yo.”
Hindi niya alam kung paano niya nasabi iyon nang hindi kumakawala ang kanyang emosyon dahil sa totoo lang ay para na naman niyang gustong maiyak.
Namayani sa kanila ang katahimikan at hindi siya komportable doon.
“TJ?”
“Kailan mo balak umalis?”
Ibig bang sabihin niyon ay pinapayagan na siya nito?
“Sa isang araw na sana. Magpapaalam din akong a-absent bukas para maayos ko 'yong mga gamit ko.”
“Makakabuti ba sa'yo ang pag-alis nang pansamantala?”
“O-oo, TJ.”
Hindi lang sa akin kung hindi pati na rin sa baby natin.
“Babalik ka naman sabi mo, 'di ba?” tanong ni TJ pero hindi ito nakatingin sa kanya.
“O-oo naman. May aayusin lang ako. Pagkatapos nun, pwedeng- pwede na uli akong magtrabaho para sa'yo. Anim na buwan lang, TJ. Sinisigurado ko sa'yo.”
“Ubusin mo na ang pagkain mo.”
“Maraming- maraming salamat, TJ,” sabi naman niya sa garalgal na boses.
HABANG ipinapasok niya ang mga gamit sa maleta ay walang patid ang pag- agos ng mga luha niya.
Nang kausapin niya si Tonette ay hindi naman nagdalawang-isip ang kaibigan niya na bigyan siya ng tulong lalo na sa kondisyon niya. Kung matatapos niya ang pag-i-empake ngayong araw ay makakaalis na siya nang madaling araw. Nangako itong susunduin siya sa terminal. Kahit kailan talaga ay hindi pa siya binibigo ng kaibigan.
“Nakakalungkot naman at kailangan mo pang umalis, Sheng. Hindi ka na ba talaga mapipigilan?” madramang sabi ni Cyrah nang puntahan siya nito sa bahay niya kasama si Aling Fina.
Sa sala silang tatlo nag-usap.
“Bakit? Babalik pa naman ako, ah? Kailangan ko lang gawin kung ano ang makakabuti para sa amin ng baby ko. Ikaw naman masyado kang nagpapadala sa mga pinapanood mo,” biro niya para itago ang lungkot na nararamdaman niya.
“Ano bang malay ko at pagbalik mo may bago nang nakatira dito?”
“Okay lang naman 'yon, eh. Maliban na lang kung pati ikaw aalis dito.”
“Sira ka talagang babae ka.”
“Basta, Sheng, mag-iingat ka, ha?” si Aling Fina. “Kahit na sandali ka pa lang na nakatira dito ay napamahal ka na rin sa aking bata ka.”
Hinawakan niya ang tig-iisang kamay ng mga ito.
“Pangako mag-iingat ako. Sana kayo rin. Hinding- hindi ko makakalimutan ang kabutihan niyong dalawa sa 'kin, tandaan niyo 'yan.”
“Dapat paglabas ng baby mo ipaalam mo agad sa 'min, ha?” hirit pa ni Cyrah kaya naman natawa siya.
“Oo. Kukunin pa kitang Ninang, kayo ni Aling Fina.”
Nang magpaalam ang dalawa ay muli na naman siyang binalot ng lungkot. Napahawak na naman siya sa tiyan niya.
“Kapit ka lang, baby, ha? Kakayanin ni Mama lahat para lang sa'yo, tandaan mo 'yan. Hinding- hindi kita pababayaan. Mahal na mahal kita.”
Maya-maya pa ay inayos na niya ang mga kaunting gamit na hindi pa niya naliligpit. Bumalik siya sa silid niya. Kinuha niya ang picture frame na nakapatong pa rin sa bedside table niya.
“Kailangan ko pa palang palitan ang frame nito.”
Lumapit siya sa cabinet at inilabas doon ang frame na binili niya kahapon pagkagaling niya ng opisina. Kumukupas na kasi iyon kaya sa tingin niya ay kailangan nang palitan. Bumalik uli siya sa kama at maingat na tinanggal ang likuran ng frame para tanggalin ang picture.
Nagtaka pa siya nang may makita siyang nakatiklop na puting papel doon.
“Para saan naman ito?” tanong niya sa sarili at kinuha iyon.
Nang buksan niya ang papel ay may nakaipit pa pala doong isang cheke na nagkakahalaga ng sampung milyong piso at nakapangalan pa sa kanya! Nahigit niya ang paghinga. Papaanong may napuntang cheke sa likuran ng picture nila? Binasa niya ang nakasulat sa puting papel which turned out to be a letter for her written by Celeste.
My Dearest Princess,
Hindi ko inaasahan na dadating tayo sa puntong ito na kailangan mong danasin ang hirap kahit ginawa namin ang lahat mabigyan ka lang ng magandang buhay. Patawarin mo sana kami ng Daddy mo kung wala man lang kaming nagawa pero maniwala ka na mahal na mahal ka namin, apo ko. Dadating ang panahon na maiiwan kang mag-isa at alam kong imposible nang mabalik ang dati nating buhay pero umaasa ako na kahit sa halagang ito ay makapagsimula ka ulit ng isang maganda at maayos na buhay. Matalino kang babae, Sherin. Alam kong alam mo kung ano ang makakabuti para sa'yo at sa pamilya natin. Nararamdaman ko nang hindi na rin ako magtatagal. Malala na ang sakit ko sa puso at iiwan at iiwan din kita.
Huwag ka sanang mawalan ng pag-asa. Lagi mong tandaan na may nakabantay sa'yo. Sana ay mahanap mo rin ang tunay na magmamahal sa'yo para hindi ka na mag-iisa habang-buhay. Alam natin kung sino ang nilalaman ng puso mo kaya sana sundin mo ang isinisigaw niyan.
Magpakatatag ka dahil hindi lang ito ang darating na pagsubok sa'yo. Mahal na mahal kita at lagi kang magdadasal sa Kanya. Hindi ka Niya kailanman bibiguin.
Lola
PS. Laging nariyan si Atty. Dominguez kung kailanganin mo ng tulong.
Paulit- ulit niyang binasa ang sulat habang walang patid ang kanyang pag-iyak. Hanggang sa huli ay hindi siya pinabayaan ng pamilya niya. Kahit hirap na hirap na sila ay nakuha pa ng mga ito na maglaan ng pera para sa kinabukasan niya.
“Mahal na mahal ko rin kayo, Lola...maraming-maraming salamat. Pangako, hinding- hindi ko kayo bibiguin...”
Ngayon ay hindi na siya mag-aalala sa magiging kinabukasan ng anak niya. Maraming- maraming salamat sa mapagmahal niyang pamilya.
Nang matuyo na ang mga luha niya ay saka niya tinawagan si Attorney Dominguez upang humingi nga ng tulong.
KASALUKUYAN siyang naghuhuhas ng kanyang pinagkainan nang bumukas ang pinto at basta na lang pumasok si TJ. Ang ideya na matagal niya itong hindi makikita ay nagdulot ng matinding kirot sa puso niya pero alam niyang iyon ang makakabuti para sa kanya. Anim na buwan pa bago siya manganak at anim na buwan din bago ang kasal nito kay Katrina. Tama lang na hindi niya iyon masaksihan.
“Hi,” bati niya sa mahinang boses.
“Gusto lang kitang makita bago mo 'ko iwan ulit.”
“Hindi naman kita iiwan, ah? Magbabakasyon lang ako pero pagkatapos nun babalik din naman ako.”
Pinahid niya ang kamay niya sa nakasabit na tuyong basahan at lumapit dito.
“Hindi ba pwedeng tulungan na lang kita para hindi ka na umalis?”
Mapait siyang ngumiti at umiling-iling.
“Gustuhin ko man, kailangan ko 'tong gawin mag-isa.”
“Pinaparamdam mo na naman sa akin na hindi mo 'ko kailangan,” malamig na sabi nito.
“Alam nating pareho na marami na ang pabor na ginawa mo para sa 'kin at sobra- sobra ang pasasalamat ko do'n, TJ. Ayoko lang masanay dahil sa huli, ako rin naman ang mahihirapan. Ibalato mo na sana sa 'kin 'to, maari ba? Pangako, aayusin ko lang ang buhay ko.”
“Pero bakit hindi ako kasama?”
“Kailangan mong maintindihan na hindi na tayo parte ng buhay ng isa't- isa.”
Hinila siya ni TJ at ikinulong sa mga bisig nito. Ngayon pa lang ay nami- miss na niya ang mga yakap nito.
“Huwag mong sabihin 'yan, Sherin. Kung kailangan mong umalis pansamantala, sige umalis ka. Basta't siguraduhin mong babalikan mo 'ko.”
“Huwag kang mag-alala dahil babalik ako.”
“Sa'n ka nga ba pupunta?”
“Hindi ko pwedeng sabihin kaya sana huwag mo na lang balakin na ipahanap ako kay Jervey.”
“Hey, that's being unfair,” protesta naman nito.
“'Yon na lang sana ang pabor kong hihingin sa'yo, pwede ba, TJ?”
“I'm not sure--”
“Mangako ka, TJ, please?”
Narinig niya ang pagbuntong-hininga nito.
“Kung 'yan ang gusto mo.”
“Maraming-maraming salamat. Sana maging masaya ka lang palagi. Huwag na huwag mong pabayaan ang sarili mo, ha, TJ?”
“Ipinapangako ko.”
Nagprisinta pa itong ihatid siya sa sakayan ng bus sa pag-alis niya pero tumanggi siya at sa halip ay maaga itong pinauwi. Mahirap nang magbago ang isip niya. Baka hindi na niya ituloy ang pag-alis at ipagtapat na lang dito ang kondisyon niya. Tiyak na magkakagulo talaga.
NAKAUPO na siya sa bus stop habang naghihintay ng bus papuntang probinsiya nang may humintong pamilyar na kotse sa tabi ng kalsada. Napatayo siya sa upuan niya nang umibis doon si Jervey. Matagal din niyang hindi nakita ang isang ito dahil sa mga misyon nito at sa totoo lang ay na-miss niya ito.
“P-pa'no mo nalaman?” hindi makapaniwalang tanong niya.
“TJ told me na alamin kung saan ka pupunta,” sagot nito nang makalapit sa kanya.
“Nangako siya sa 'kin, Jervey.”
“Ano naman ang magagawa ko kung mahal na mahal ka nung tao?”
“Huwag mo ngang sabihin 'yan,” saway niya.
“Bakit ka nga aalis? Pinabalik mo lang ako at tsaka ka mawawala, ano 'yon?”
“Kapag hindi ko ginawa 'to, tiyak na may masasaktan ako. Anim na buwan lang naman, eh. Babalik din ako.”
“Sherin, Sherin, Sherin,” anito at niyakap siya nang mahigpit. “Kung may magagawa lang sana ako para sa'yo.”
“Please, Jervey. Alam kong alam mo na kung saan ako pupunta pero pwede bang huwag mo na lang sabihin kay TJ, 'to?”
“Pero paano naman ang malaking halagang ibabayad niya sa 'kin?”
“Jervey, mayaman ka na, okay?”
“Alagaan mo ang sarili mo, okay?” sabi na lang nito at hinawakan siya sa pisngi.
“Ikaw rin, Jervey. Pagbalik ko kailangan buhay ka pa at walang galos, ha?”
“Masamang damo yata ako.”
Natatawang hinampas niya ito sa braso.
“Mag-iingat ka,” sabi pa nito.
“Kayo rin, Jervey. Makaasa ba 'ko sa'yo?”
Tumango- tumango lang ito. Sakto namang may humintong bus na papunta sa probinsiya ng kaibigan niyang si Tonette. Minsan pa silang nagyakap nito bago siya tinulungang iakyat ang mga gamit niya sa bus. Kumaway pa siya bago umandar ulit ang bus.
Hinintay naman ni Jervey na tuluyang makalayo ang bus na sinasakyan ni Sherin bago kinuha ang cellphone at i-d-in-ial ang number ng pinsan.
“Jervey.”
“I'm sorry, Thomas. Hindi ko siya inabutan.”
“ANO'NG masasabi mo?” nakangiting tanong sa kanya ni Tonette nang ipakita sa kanya nito ang itaas ng bahay.
Bahay iyon ng Nanay ng kaibigan niya. Mag-isa na lang kasi ito ngayon sa bahay na iyon at ang tinitirhan naman ni Tonette at ang pamilya nito ay nasa kabila lang. Sariwa ang hangin sa probinsiya at marami ang puno na natatanaw niya kung ikukumpara sa lungsod. Unang kita pa lang niya sa lugar ng kaibigan nang dumating siya nang tanghali ay nagustuhan na niya agad doon.
Simple lang ang ayos ng bahay pero napakaganda dahil sa traditional na pagkakagawa. Mostly ay kahoy ang ginamit na materyales pero napakatibay pa niyon at tingin pa lang ay masarap nang tirahan.
“Ang ganda dito, Tonette!”
“Nang sinabi ko kay Nanay na kailangan mo ng matutuluyan agad niyang ipinrisinta 'tong bahay. Tamang- tama dahil may makakasama na siya rito.”
“Ibinibida ka kasi nitong anak ko kolehiyo pa lang kayo kaya naman naintriga akong makilala ka, hija,” nakangiting sabi ni Aling Tonya na lumabas ng kusina dala ang pananghalian nila. “Tama nga siya, mabait ka nga at saksakan ng bait.”
“Naku, sobra namang maka-build up 'tong si Tonette,” namulang sabi niya.
“Eh sa totoo naman, eh. Sige na, kumain na kayo ni Nanay at babalikan na lang kita dito para yayaing mamasyal mamayang hapon. Tamang- tama, hindi na mainit.”
“Maraming- maraming salamat talaga, Tonette, ha?” naluhang sabi niya.
“Ano ka ba, wala 'yon, 'no! Para saan pa at magkaibigan tayo?”
“Ang dadrama naman ng mga 'to. Tingin ko gutom lang 'yan,” pakli naman ni Aling Tonya.
Nagkatawanan pa silang dalawa.
Dati palang kusinera sa isang mayamang pamilya si Aling Tonya kaya naman isang maliit na karinderya ang negosyo nito na nasa labas lang ng bahay nito at may iilan itong katulong doon.
Nang mga panahong maliit pa ang tiyan niya ay nakipagsosyo siya doon. Kumuha siya ng kaunting halaga sa perang iniwan sa kanya ng Lola niya bilang puhunan at masaya siya sa pagiging abala. Marami ang bumabalik na mga customers sa kanila na kinalaunan ay naging kaibigan na rin niya. Napaka-overwhelming ng mga tao doon kung ikukumpara sa mga taong nasa lungsod na palaging may hinahabol sa araw- araw. Napakapalangiti pa ng mga ito kaya naman hindi mahirap makapalagayan ng loob.
Minsang nakakita siya ng magnobyong customers na nagsusubuan ay hindi na naman niya naiwasang maalala si TJ. Hanggang sa mabilis na lumipas ang mga araw at unti- unting lumaki ang tiyan niya.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top