Chapter Nine

CHAPTER NINE

PABAGSAK NA naupo si Sherin sa maliit na kama dahil sa naramdaman niyang pagod matapos ang pagbubuhat ng mga gamit papasok sa loob ng bago niyang tutuluyang bahay. May kaliitan iyon pero dahil mag-isa lang naman siya ay hindi naman siya masisikipan. Siniguro sa kanya ni Attorney Dominguez at ng landlady niya na safe naman na community ang nalipatan niya.

Nang tingnan niya ang kusina ay may electric stove para sa kanyang pagluluto. Mayroon ding gripo sa lababo para sa paghuhugas niya ng pinggan. Kung gusto naman niyang maglaba ay may poso sa likuran ng bahay. Doon na rin siya kukuha ng kanyang panligo at tubig na gagamitin sa banyo. Nang una pa lang niyang masilayan ang bahay ay natiyak na niyang malaking adjustment ang gagawin niya kaya naman hinanda na niya ang sarili niya.

Tapos na siya sa paglilipat. Ang kailangan na lang niyang gawin ay ang bumili ng mga kakailanganin niya sa loob ng isang buwan lalo na ng pagkain niya at kailangang pagkasyahin niya ang natitirang laman ng ATM niya habang naghahanap siya ng bagong trabaho.

"Hay naku..." pabuntong-hiningang sabi niya at tinampal ang magkabilang pisngi niya."Kayanin mo, Sherin. Mag-isa ka na lang at wala ka nang ibang maaasahan. Tandaan mo may fifteen million pa kayong utang."

Inabot niya ang isang maleta at inilabas mula doon ang family picture nila. Napabuntong-hininga na naman siya. Sa pamilya niya na lang siya kukuha ng inspirasyon at lakas ng loob niya.

"Kaya ko 'to. Kakayanin ko talaga 'to," sabi niya at ipinatong iyon sa katabing mesa.

Sa mga susunod na gising niya, gusto niyang ang larawan ng pamilya niya ang una niyang makikita at panghuli kapag matutulog na siya.

NAPA-ADJUST sa upuan niya si TJ. "Kailan siya nakalipat ng bagong bahay?"

"Kahapon lang, Mr. Aguirre. As soon as nakarating siya sa bahay na 'yon ay kaagad siyang tumawag sa akin para ipaalam katulad ng ipinangako niya sa akin," sagot ni Attorney Dominguez sa kabilang linya.

"Okay lang ba sa kanya ang bahay na 'yon? Baka naman hindi siya komportable."

"Binigyan na niya ako ng assurance na magiging okay siya habang nandodoon siya. Sinabihan ko na rin ang landlady na palagi akong balitaan sa kalagayan niya."

"Okay, good," pabuntong-hiningang ani TJ."Alam mo na ang kasunod niyon, Attorney. Banggitin mo na sa kanya ang fifteen million nilang utang."

"Hindi ba pwedeng hayaan muna natin siyang mag-adjust ng ilang buwan pa bago pag-usapan ang utang nila?" tanong naman ng abogado.

Nahimigan ni TJ ang concern sa boses nito pero binale-wala lang niya iyon.

"No, Attorney, I believe this can't wait. Do as I say."

"If that's what you want then."

"Thanks. Goodbye."

Nagpakawala na naman siya ng isang buntong-hininga sabay sandal sa kinauupuan at tumingala sa kisame ng bagong opisina niya.

Nagsisimula pa lang ako, Sherin. You better be ready.

MEDYO hinihingal pa si Sherin nang dumating sa restaurant na pagkikitaan nila ni Attorney Dominguez dahil may importante raw silang pag-uusapan.

"Pasensiya na po, Attorney. Ang totoo maaga talaga akong umalis kaya lang nahirapan akong magcommute sa jeep."

Ngumiti naman ang abogado."Huwag kang mag-alala, hija, naiintindihan ko. Kamusta naman ang isang linggo mo sa bago mong tirahan?"

Ngumiti rin siya."Nasasanay na po ako nang unti-unti, Attorney. So far wala naman po akong nagiging problema. Utang ko po 'yon sa inyo."

"Mabuti naman kung gano'n. Ano ba ang gusto mong kainin?"

"Hindi na po, Attorney. Ang dami po ng kinain ko kanina sa bahay," sabi naman niya."Ano nga po pala 'yong mahalaga nating pag-uusapan?"

Tumikhim naman ang abogado at umayos ng upo.

"Ayoko sanang maging killjoy, hija, kaya lang, eh, ang tungkol ito sa natitira niyo pang utang."

Agad namang naglaho ang ngiti ng dalaga pagkarinig."Ano po ang sabi ng bangko?"

"Well, ang totoo, eh, wala na kayong utang sa bangko dahil si TJ ang nagbayad niyon bilang siya na ang opisyal na may-ari ng kompanya ninyo."

Napamaang siya."I-ibig niyo pong sabihin...kay TJ na kami may utang?"

"Tama, hija, ganoon na nga."

Napahawak siya sa noo at nanlulumong itinukod ang braso sa mesa.

"Ang totoo noong isang linggo pa namin ito pinag-usapan. He wants you to pay him within one year."

Mariin siyang napapikit at pakiramdam niya ay sumakit ang sentido niya. Papaano niya babayaran ang labinlimang limang milyon sa loob ng isang taon? Naibenta na niya ang lahat ng mga natitira nilang ari-arian. Ang bahay-bakasyunan nila ay matagal nang naibenta ng Dad niya upang ipambayad sa mga nauna pa nilang utang.

"Pero bakit isang taon lang, Attorney? Sana pinabayaan na lang muna niya iyon sa bangko dahil 'yong bangko handang magbigay sa atin ng palugit ng mas matagal na panahon."

"Dahil siya rin naman ang sisingilin ng bangko eventually. I supposed nagmagandang-loob lang siya."

"I don't think so, Attorney. Lalo niya 'kong ginipit dahil sa ginawa niya," naiiling namang sabi niya.

"So what's your plan, hija?"

"Ano po ba ang gagawin niya kapag hindi ko siya nabayaran sa loob ng isang taon?"

"Kakasuhan ka raw niya ng estafa."

"Estafa?!" gulat na anas niyang nanlalaki pa ang mga mata."Why would he sue me for estafa, wala akong kinuhang pera mula sa kanya?"

"But you owe him a very huge amount of money now, hija. Makapangyarihan ang taong katulad niya. Kayang-kaya niyang baliktarin ang sitwasyon kung gugustuhin niya."

Nanghihinang napasandal siya sa kinauupuan niya. Hindi siya makapaniwala at gulong-gulong na ang isip niya nang mga sandaling iyon. Hindi niya akalain na magbabanta nang ganoon sa kanya si TJ. Wala sa personality nito ang panggigipit ng tao. O baka naman ngayon pa lang niya nadiskubre iyon?

"Pwede ko ba siyang makausap, Attorney?" tanong niya makalipas ang ilang sandali.

"I'll have to set an appointment first then I'll inform you kung kailan."

"Maraming salamat."

Hanggang sa makabalik siya sa bahay niya ay laglag pa rin ang mga balikat niya. Hindi na nga niya alam kung saan siya makakakuha ng pera mukhang makukulong pa yata siya. Ang kulungan pa naman ang lugar na pinakahuli niyang gugustuhing bagsakan.

Pabagsak siyang naupo sa upuang kawayan at agad na napangiwi nang tumama ang likod at pang-upo niya. Pagkuwan ay natawa siya sa sarili. Wala na nga pala siya sa mansiyon nila kung saan malalambot ang mga upuan doon.

Napatingin siya sa wall clock. Malapit nang magtanghalian at kailangan na niyang magluto ng pagkain niya. Nang araw na iyon ay na-realize niya na kailangan na niyang isaisip ang mga pangalan ng jeep na kailangan niyang sakyan kung mayroon siyang pupuntahan.

NANG KUMAGAT ang dilim ay nagsindi na agad siya ng katol na binili niya. Nang mga unang gabi kasi niya ay hirap siyang makatulog dahil pinapapak siya ng mga lamok kaya naman kapag dumating na ang umaga ay marami siyang kagat sa braso niya. Tinanong niya ang landlady niya kung ano ba ang dapat niyang gawin. Hayon at pinayuhan siyang bumili ng katol. Hindi niya nagustuhan ang amoy kaya pinalitan niya ng ibang brand na may lavender scent.

Naghahapunan siya habang nanonood ng TV nang makatanggap siya ng tawag mula kay Attorney Dominguez.

"Yes, Attorney?"

"Nakausap ko na si TJ. He's willing to see you. Puntahan mo na lang siya sa opisina niya bukas ng hapon. Mga alas tres ang sinabi niya. Huwag mong kakalimutan sa opisina niya sa bago niyang kompanya."

"Okay po, nakuha ko. Maraming-maraming salamat, Attorney," tugon niya sa magaan na boses.

"Gusto mong samahan kita, hija?"

"Ah, hindi na po siguro. Makikipag-usap lang naman ako sa kanya kaya kahit ako na lang muna."

"Basta balitaan mo 'ko ng magiging resulta ng pag-uusap niyo."

"Wala pong problema, Attorney."

Pansamantalang nawala ang atensiyon niya sa pinapanood at sa kinakain. Magkikita na naman sila ni TJ at alam niyang hindi siya handa.

ANG HULING pagkakataon na natatandaan niyang dumalaw siya sa kompanya nila partikular sa opisina ng Dad niya ay halos isang taon na ang nakakaraan at may Christmas Party noon para sa mga empleyado. Allergic siya sa mga paperworks kaya naman hindi siya pinilit ng Dad niya na pag-aralan ang pamamahala sa kanya. Ang kondisyon nga lang nito ay dapat na isang magaling at responsableng businessman ang  mapapangasawa niya.

Minsan lang niyang dalawin si Sebastian sa opisina nito noong nabubuhay pa ito pero ang pinakapaborito niyang parte ng building ay ang pent house kung saan nakakaya niyang magpalipas ng magdamag nang pagtatambay lang ang ginagawa.

Naputol ang pag-iisip niya nang bumukas na ang elevator sa seventh floor kung saan naroon ang opisina ni TJ. Hindi binanggit ni Attorney Dominguez na ang opisina nito ay siyang dating opisina ng Dad niya. Kaagad naman siyang lumapit sa receptionist.

"Miss, may appointment ako kay Mr. Aguirre," sabi niya

"Kayo pala, Miss Sherin. Ah, pasok na lang po kayo dahil inaasahan kayo ni Sir TJ ngayon," magalang na sabi naman nito.

"Sige, salamat," tugon naman niya. Matapos itong ngitian ay tinungo na niya ang pasilyo.

Habang naglalakad ay hindi nakaligtas sa paningin niya ang tingin ng mga babaeng empleyado na nakakasalubong niya. Tila ba na-recognized siya ng mga ito bilang anak ng dating may-ari ng kompanya. Bago pa niya makita ang awa sa mga mata ng mga ito ay tumayo na siya sa harap ng pintuan ng opisina ni TJ na dati nga ay sa Daddy niya.

Napahugot naman siya ng hangin bilang pagkuha ng bwelo at nagbilang pa hanggang tatlo bago kumatok. She told herself this is it.

"Pasok."

She recognized the voice as TJ's at hindi na naman niya napigilan ang pamilyar na pakiramdam na pagpiga sa puso niya. Binuksan niya ang pintuan at pumasok. Namangha siya dahil katulad pa rin ng dati ang opisina ng Dad niya. Hindi binago ni TJ. O baka naman wala pa itong panahon mag-renovate dahil nga kaka-take over pa lang nito sa ownership? Kanina nga bago siya pumasok ng building ay Falcon Corporation pa rin ang pangalan. Nakita agad niya ang binata na nasa mesa nito at tila may pinag-aaralang papeles.

Agad naman nitong naramdaman ang presensiya niya kaya nag-angat ito ng tingin at nagtama ang mga mata nila.

"You're fifteen minutes late, Miss Falcon."

Walang kahit na anong pagbati. Iyon agad ang bungad sa kanya ni TJ.

"S-sorry."

Gusto niyang isisi iyon sa driver ng jeep na sinakyan niya. Mahina na kasi ang pandinig nito kaya ilang beses niyang inulit ang pagpara at namalayan na lang niyang isang kantong lagpas na siya sa pedestrian lane.

"Don't just stand there. Sit down."

Atubili pa niyang inukopa ang isang upuan sa tapat ng mesa nito. Is this how he treats everyone who owed him something? O baka naman sa kanya lang?

"T-tungkol 'to sa fifteen million naming utang," sabi niyang nakatungo.

"Obviously."

"Hindi kita kayang bayaran sa loob ng isang taon lang, TJ."

"Don't call me by my nickname," he snapped.

Nasaktan siya doon. Kulang na lang ay sabihin nitong dahil mga kilalang tao lang nito ang pwedeng tumawag dito sa ganoon.

"I apologize."

"Shall I see you in court then?"

Awtomatikong napatitig siya sa mukha nito.

"What?" naalarma niyang sabi.

"I supposed nabanggit iyon sa iyo ni Attorney Dominguez?"

"About the estafa? Mr. Aguirre, we both know walang valid allegation para sampahan mo 'ko ng ganoong kaso!"

"But come to think of it, maraming kayang gawin ang pera. Sa ating dalawa ako ang meron niyon."

Mariin siyang napapikit at nagbaba ng tingin. Siyempre tama nga ito. Ano nga ba naman ang magiging laban niya kapag pera at impluwensiya na ang nagtrabaho para dito?

"I can't afford to go to jail, Mr. Aguirre. Mas lalo kitang hindi mababayaran."

"Kung makukulong ka iyon na ang magiging kabayaran mo."

"Wala akong ginawang kasalanan, alam mo 'yan. At sa totoo lang hindi ko alam kung paano kita mababayaran."

Gusto niyang sabihing iyon ay dahil sa walang-wala na siya, walang tutulong sa kanya at wala na siyang matatakbuhan pa. Iyon nga lang ay alam niyang hindi nito tatanggapin  ang lame excuse niya.

"Hindi ko na problema 'yon, Miss Falcon. All I care about is business and I want my money back."

Ngayon ay wala na itong ipinagkaiba sa mga walang pusong negosyante na madalas ikwento sa kanya ng Daddy niya. Napatitig siya sa mga palad niya. Wala na bang katapusan itong mga nangyayari sa kanya?

"Wala na bang ibang paraan para magbago ang isip mo at bigyan ako ng palugit?"

Wala agad siyang nakuhang sagot mula kay TJ. Nang tumingin siya dito, nakatitig pala ito sa kanya at tila pinag-aaralan ang mukha niya.

"Ano ba ang kaya mong gawin para makabayad ka sa utang ng pamilya mo?" pagkuwa'y tanong nito.

"K-kahit ano."

"Kahit ang lumuhod sa harap ko?"

Natigilan siya at pagkuwa'y napalunok.

"O-oo. Kahit ang lumuhod sa harap mo."

Tumayo siya at umikot sa tabi ng binata.

"Please, Mr. Aguirre," sabi niya at lumuhod nga."Bigyan mo 'ko ng pagkakataon na mabayaran ka. Parang awa mo na."

Tumingin siya sa mga mata nito. Hindi niya mabasa ang emosyon doon dahil blangko iyon. Parang gusto na niyang maiyak. Kahit kailan ay hindi niya inisip na dadating siya sa punto na luluhod siya at magmamakaawa sa harap ng isang tao. Awang-awa na siya sa sarili pero kailangan niyang tiisin dahil para naman iyon sa pamilya niya kung tutuusin.

Nag-iwas ng tingin ang binata at pagkuwa'y tumikhim.

"Wala akong sinabing lumuhod ka nga, Miss Falcon. Pero sige, dahil mukhang desperado ka ngang mabayaran ang utang ng pamilya mo, magtrabaho ka para sa 'kin."

Napatitig si Sherin dito."B-bibigyan mo 'ko ng pagkakataon, Mr. Aguirre?"

"Oo. Gagawin mo ang lahat ng ipinag-uutos ko at hindi ka magrereklamo. Sa ngayon ito pa lang ang alam kong pwedeng ipagawa sa'yo. Sabihin na lang nating gagawin mo ang trabaho ng sekretarya ko. Kaya mo ba 'yon, Miss Falcon?"

Hindi na napigilan ni Sherin ang pagkawala ng luha mula sa mga mata niya."O-oo, Mr. Aguirre. Kakayanin ko kahit ano." Kinuha niya ang isang kamay nito at hinawakan nang mahigpit."Maraming- maraming salamat, Mr. Aguirre. Maraming-maraming salamat..."

Tumikhim si TJ at marahas na binawi ang kamay.

"Tumayo ka na diyan, Miss Falcon. I was never a fan of dramas," malamig na sabi pa nito.

"I'm sorry," hinging-paumanhin naman ng dalaga at pinahid ang mga luha gamit ang palad."Hindi ko ginustong maging emosyonal pero hindi ko napigilan." Tumayo siya at bahagyang napangiwi nang maramdaman ang bahagyang pananakit sa tuhod niya."You just gave me hope. Hindi kita bibiguin, Mr. Aguirre, pangako 'yan."

"You should be early tomorrow para ma-brief ka ng mga dapat mong gawin kung magtatrabaho ka na para sa 'kin. Makakaalis ka na."

Tumango-tango si Sherin at sa loob-loob niya ay unti-unting nabuhay muli ang pag-asa niya.

"Tatandaan ko. Maraming-maraming salamat, Mr. Aguirre. Aalis na 'ko."

Tinalikuran na niya ito at tinungo ang pintuan. Nang mahawakan niya ang door knob ay nagsalita pa si TJ.

"Miss Falcon."

Napahinto siya at bahagya lang itong nilingon.

"Y-yes, Mr. Aguirre?"

"Minsan ba naisip mo rin na hindi sana magiging ganito ang mangyayari kung tinanggap mo lang ang alok kung kasal sa'yo?"

Natigilan siya kasabay ng pagsigid ng matinding kirot sa puso niya. Gusto niyang sabihing hindi lang basta minsan kundi sa araw-araw na ginawa ng Diyos ay iniisip niya iyon. Pero hindi niya pinagsisihan iyon. Mahal niya si TJ at hindi niya masisikmura ang magpakasal dito para lang ito ang gamitin niya para maisalba ang kanilang kompanya. Hindi ganun ang pagmamahal para sa kanya.

"Sa tingin ko naging tama lang ang desisyon ko," sagot niya."S-see you tomorrow."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top