Chapter Eighteen

CHAPTER EIGHTEEN



"NAKITA KO kayo ni Aurelio. Bakit kayo magkausap?" tanong ni TJ sa kanya habang sakay na sila ng escalator.



Gulat na napatitig si Sherin sa binata.



"Nakita mo kami?"



"Ano naman ang pinag-usapan niyo?"



"W-wala. Ang totoo nagkataon lang na nandoon siya at nilapitan niya 'ko. Kinamusta lang niya ako."



"Iyon lang, wala nang iba?"



"Ang totoo inalok niya 'ko ng tulong pero tinanggihan ko."



"Ano'ng klaseng tulong naman?"



"Pwede niya 'kong ibalik sa dati kong buhay."



"Basta't magpapakasal ka sa kanya?"



Nang sulyapan niya si TJ ay matalim ang tingin nito sa kanya pero matamis naman siyang ngumiti.



"Kaya nga tinanggihan ko, 'di ba?"



Nang makapasok sila sa opisina ng wedding coordinator ay agad na umaliwalas ang mukha ni Katrina nang makita si TJ.



"TJ!" Agad itong yumakap at humalik sa binata saka ito hinila palapit kay Illona. "Dear, this is my fiancé. Isn't he gorgeous?"



"Of course I know him. He's the son of the glamorous Jennica Trias- Aguirre! My name's Illona."



"I'm TJ," pormal na tugon naman ng binata at nakipagkamay kay Illona. "I supposed tapos na kayo kaya naman sinundo ko na si Katrina."



"Ah, yeah. Magkikita pa naman kami sa mga susunod na araw, eh. Ang sipag talaga nitong fiancée mo. Naasikaso na niya ang date ng magiging kasal ninyo nang siya lang."




BUONG biyahe nila pauwi ay nakatingin lang si Sherin sa labas ng sasakyan. Nakaupo siya sa backseat dahil si Katrina ang katabi ni TJ sa harapan at nagkukuwento pa rin ang dalaga tungkol sa mga napag-usapan nito at ni Illona tungkol sa mga paunang preparations.



Kanina pa niya gustong takpan ang tenga sapagka't masakit sa kanya ang mga naririnig. Para siyang pinaparusahan sa kaalamang siya naman talaga dapat ang nasa posisyon nito umpisa pa lang. Pakiramdam din niya ay nahihirapan siyang huminga dahil sa sikip ng dibdib niya.



Ganyan talaga ang buhay, Sherin. Matatanggap mo rin 'to, makikita mo, sabi na lang niya sa sarili at nagpakawala ng isang malalim na buntong-hininga.



"Sherin."



Saka lang siya natauhan nang marinig niya ang pagtawag ni Katrina sa pangalan niya. Nakahinto na rin pala ang sasakyan sa gate ng isang magarang mansiyon.



"Y-yes?"



"Mukhang ang lalim ng iniisip mo, ah? Maraming salamat ulit sa pagsama mo sa 'kin, ha? Sorry kung ginabi ka kahit sabi ko sandali lang tayo," nakangiting anito.



Kimi naman siyang ngumiti. "N-naku, wala 'yon. Wala namang kaso sa 'kin, eh. Fiancée ka ng boss ko kaya okay lang."



"Basta thank you talaga, ha? Labas tayo ulit. Tayong tatlo ni TJ."



Tipid na ngiti lang  ang tugon niya. Nahiling niyang sana ay hindi mangyari ang sinabi nito at baka maiyak lang siya.



Nagpaalam na rin ito sa kanila pero bago ito bumaba ng sasakyan ay hinalikan muna nito si TJ, dahilan upang mag-iwas muli siya ng tingin.



"Sherin," narinig niyang tawag sa kanya ni TJ matapos makapasok ni Katrina sa loob ng bahay.



"Bakit?"



"Lipat ka dito sa tabi ko."



Hindi siya tumugon at sa halip ay tahimik na bumaba ng sasakyan at lumipat sa front seat.



Buong biyahe nila ay tahimik lang siya. Sa tingin niya mas mabuti na iyon kaysa naman ang magsentiyemento siya dahil sa mga pangyayari nang araw na iyon.



"What's wrong?" hindi napigilang tanong ni TJ ilang sandali pa.



"Wala," tipid niyang sagot.



"Kung gano'n bakit ka tahimik?"



"Hindi naman talaga ako madaldal na tao."



"Something is bothering you, I know."



"Wala, TJ. I'm just thinking about you and Katrina."



"Bakit mo naman kami iniisip?"



Ngumiti siya nang mapakla. "Bagay na bagay talaga kayo. Mahal na mahal ka niya and she will make a good wife for you for sure."



"Do you mean that?"



"Oo naman. Napaka-ideal niyang babae. Mayaman, maganda, matalino, lahat nasa kanya na."



Hindi katulad ko. Pangit, mahirap, ulila at may malaking pagkakautang. Kawawa.



"Nai-insecure ka ba sa kanya?" tanong ni TJ at matalim siyang sinulyapan sa salamin ng kotse.



"Kahit sino naman mai-insecure sa kanya."



Kasi pati puso mo nasa kanya na rin.



"Pagtatalunan pa ba natin 'yan?" sabi naman ng binata sa kanya.



"Ano ka ba? It's not worth it," pakli niya at tumawa nang mapakla. "I'm happy for you, TJ. Nahanap mo na rin ang taong inilaan para sa'yo."



Wala siyang nakuhang tugon mula dito kaya naman hinayaan na lang din niya.



"Salamat sa paghatid," sabi niya nang huminto na rin sa wakas ang kotse sa gate ng bahay ni Aling Fina. "Ingat ka, ha?"



Tumango lang ang binata at kinalag naman niya ang suot na seat belt. Hindi pa kaagad siya bumaba. Nilapitan muna niya ito at hinalikan sa pisngi.



"See you tomorrow."



Nang hindi man lang tumugon si TJ ay tuluyan na siyang bumaba ng kotse.




HINANG-HINA siya matapos ang huling pagduwal niya sa lababo. Hindi niya maintindihan ang nangyari sa kanya. Kakaunti pa lang ang nakakain niya sa kanyang agahan pero bigla siyang nakaramdam ng pangangasim ng sikmura kaya naman agad siyang napatakbo sa kusina. Nagtataka talaga siya dahil unang beses iyong nangyari sa kanya.



"Hindi ako pwedeng magkasakit. Marami akong trabaho ngayong araw," sabi niya habang sapo ang sikmura.



Hindi na lang niya tinapos ang agahan at nagbihis na lang para sa pagpasok. Ang akala niya ay mawawala rin maya-maya ang sama ng pakiramdam niya pero nakaramdam siya ng pagkahilo hanggang sa siya ay nasa opisina na.



Napakapit si Sherin sa mesa niya nang biglang umikot ang paningin niya. Kakabalik lang niya mula sa Xerox machine sa labas at dala ang pina-photocopy sa kanya ni TJ. Napamura siya sa loob niya. Mukhang nakadagdag pa yata sa sama ng pakiramdam niya ang nalanghap niyang kemikal kanina.



"Okay ka lang ba? Kanina ko pa napapansin na namumutla ka," hindi nakatiis na sabi ni TJ at nilapitan siya. Kinapa pa siya nito sa noo at leeg. "Wala ka namang lagnat."



"Kulang lang siguro ako sa pahinga kaya medyo nanghi--"



Hindi na niya naituloy ang sasabihin dahil bigla na lang nagdilim ang paningin niya at tuluyang nawala ang kanyang ulirat.



Ang kisame ng pent house ang sumalubong sa kanya pagmulat niya ng mga mata.



Ano'ng nangyari?



Dahan-dahan siyang bumangon sa kama at nilibot ang tingin sa kabuuan ng silid. Bakit ba siya nandoon? Kanina lang ay may sinunod siyang utos ni TJ pagkatapos ay magigising na lang siya sa pent house?



Sakto namang bumukas ang pintuan ng silid at pumasok si TJ na may dalang tray ng pagkain.



"TJ, ano'ng--"



"You passed out."



"Ano?" gulat na sabi niya.



"Inaalagaan mo ba talaga ang sarili mo, Sherin?" tanong nito nang umupo sa tabi niya matapos ilapag ang tray sa bedside table.



"O-oo naman."



"Magpahinga ka buong araw."



"Pero paano ang trabaho ko?" naalarma niyang tanong.



"May inutusan na 'ko para gumawa no'n. You'll make a disaster kapag pinayagan pa kitang magtrabaho."



"Pero, TJ..."



"Kumain ka muna para mabawi mo ang lakas mo."




"KUNG masama pa rin ang pakiramdam mo, 'wag ka na lang pumasok bukas," sabi sa kanya ni TJ pagkapasok nila sa bahay niya.



Nang mabawi niya ang lakas niya ay maaga siyang pinauwi ng binata at hinatid pa siya nito.



"Okay na 'ko, TJ. Tama nang hindi ako nakapagtrabaho kanina. Nakakahiya naman sa 'yo."



"Mas mapapakinabangan kita kung malakas ka. Huwag nang matigas ang ulo mo, pwede ba?"



"Okay. Sige na, susundin na kita. Umuwi ka na at mag-iingat ka."



Hinawakan pa siya ni TJ sa magkabilang balikat at hinalikan siya sa noo.



"Alam mo bang grabe akong nag-aalala sa'yo? Akala ko kung napa'no ka na. Talaga bang kaya mo pa?"



"TJ, wala akong hindi kakayanin. Ikaw na rin ang nagsabing hindi dapat ako sumuko, 'di ba?"



"That's my girl. Magpahinga ka na."



Niyakap pa niya nang mahigpit ang binata.



"Mayakap lang kita okay na 'ko."



Hinatid pa niya sa may gate si TJ nang magpasya itong umuwi. Pagkabalik niya ay sa silid niya siya dumiretso at naupo sa kama niya. Kinuha niya ang kanilang family picture at ilang sandali pa ay nag-uunahan na sa pag-agos ang mga luha niya.



"May sasabihin po ako sa inyo...buntis po yata ako." Pagkatapos ay humagulgol naman siya ng iyak.




"NAKAKATUWA naman may baby na diyan sa tiyan mo!" excited na sabi ni Cyrah.



Nagpasama kasi siya dito sa health center para magpatingin. Saka nila nalaman na mahigit dalawang buwan na pala ang dinadala niya at doon lang niya na-realize na hindi nga pala ang dumating ang dalaw niya noong mga nakaraang buwan.



"Oo nga, eh. Ang saya-saya ko kanina nang kumpirmahin ng doktor," maluwang ang ngiting sabi niya.



Pinara naman ni Cyrah ang papalapit na traysikel at kaagad naman silang sumakay. Pinauna pa siya nito.



"Alam na ba ng boyfriend mo 'yong magandang balita?"



Napawi naman ang mga ngiti niya dahil sa sinabi nito.



"Naku, tiyak na magtatalon 'yon sa tuwa at yayayain ka na agad na magpakasal! Sayang hindi ko pa siya nakikita. Pero sabi ni Aling Fina gwapo talaga, eh."



"H-hindi pa niya alam."



"Ay, ang shunga ko talaga. Tayo nga kanina lang din nalaman siya pa kaya?" natawang sabi naman ni Cyrah. "Dapat mas alagaan mo pa ang sarili mo, ha? Ang hirap pa namang magbuntis lalo na kung panganay."



Hinatid pa siya ni Cyrah sa bahay niya bago naman umuwi ang isa. Nang mapag-isa siya sa silid niya ay wala sa loob na napahawak siya sa kanyang tiyan.



"Thank you at dumating ka sa buhay ko, Baby. Ngayon hindi na mag-iisa si Mama mo kahit kailan. Mahal na mahal kita. Gagawin ko ang lahat para mapalaki ka nang maayos."



Kung ipapaalam niya ito kay TJ ay hindi siya sigurado. Ikakasal na ito at ano na lang ang magiging reaksiyon nito kapag nagtapat siya? Tiyak na sisirain lang niya ang mga plano nito. Masaya na ito kay Katrina.




SAKTONG may nginunguya siyang saging nang pumasok ng opisina si TJ nang umagang iyon.



Napatakip pa siya sa bibig niya para lumunok saka bumati dito ng isang 'magandang umaga'.



"Ano'ng kinakain mo?" tanong naman nito.



"Saging."



"Hindi ka na naman nagbreakfast?" anitong nagsalubong ang kilay.



"Nagbreakfast. Ang dami ko ngang kinain, eh. Hindi lang ako nakuntento at nag-prutas pa 'ko."



Kabilin-bilinan pa naman ng doktor na tumingin sa kanya na bawal siyang magkulang sa pagkain at healthy dapat ang kainin niya kagaya na lang ng prutas. Kailangan niyang sundin iyon kung gusto niyang maging healthy ang baby niya, ang baby nila n TJ.



"That's good. Nakikinig ka nga."



"Ipagtitimpla lang kita ng kape mo."



Hindi pala madali ang basta na lang ilihim ang tunay na kondisyon niya lalong-lalo na kay TJ. Wala sa loob na napahawak na naman siya sa tiyan niya. Simula nang mapatunayan niyang tama ang hinala niya ay naging habit na yata niya ang paghawak niya sa kanyang tiyan from time to time.



Kailangan kong magdesisyon, sabi niya sa sarili. Kailangan kong gawin kung ano ang makakabuti sa amin ng anak ko nang hindi nakakasagabal sa Papa niya.



Kapag kasi naiisip niyang ipaalam kay TJ ang totoo at ang hindi magandang reaksiyon nito sakali ay naiiyak na siya. Kung hindi nito kikilalanin ang anak niya ay inaasahan na niya pero hindi pa rin niya maiwasan ang masaktan. TJ would want to have kids pero kay Katrina at hindi sa kanya. Gayunpaman ay hindi niya pinagsisisihan ang pagdating ng baby niya sa buhay niya. Simula nang mawala sa kanya ang lahat, bukod kay TJ ay ang magiging anak niya ang pinakamagandang nangyari sa buhay niya.



Lord, bigyan Niyo po ako ng sign...



“TJ?” TAWAG niya sa binata nang lumabas siya sa kusina ng penthouse matapos niyang maghugas ng pinggan. Nadatnan naman niya itong nasa sala at may hawak na maliit na pulang box sa kamay.



“Tapos ka na?” tanong nito.



“Oo. Pwede na siguro akong bumalik sa trabaho.”



“Tingnan mo muna 'to.”



Ipinakita sa kanya nito ang box na ang laman pala ay isang diamond ring. Hindi niya alam kung para saan ang pagbundol ng kaba sa dibdib niya.



“S-singsing? Maganda.”



Sinenyasan siya nitong maupo sa tabi nito at sumunod naman siya.



“You think so? Tingin mo magugustuhan ito ng taong pagbibigyan ko?”



Iyon na marahil ang engagement na ibibigay nito kay Katrina at paulit-ulit na pinipiga ng kaalamang iyon ang puso niya.



“O-oo naman. Kahit sinong babaeng bibigyan ng ganyan kagandang singsing tiyak na papayag suotin 'yan.”



“Ibig mong sabihin pangit ang inialok ko sa'yong singsing noon?”



Natigilan naman siya. Hindi agad siya nakapagsalita dahil hindi siya makahagilap ng sasabihin.



“Tapos na 'yon, TJ,” sa huli ay sabi niya at nagbaba ng tingin.



“Okay lang ba kung isukat ko sa 'yo?”



“O-okay lang naman.”



Kinuha nito ang kamay niya at isinuot sa kanya ang singsing. Nagkasya iyon sa daliri niya at hindi siya makapaniwala. Bumagay sa daliri niya ang singsing kaya tiyak na babagay din iyon kay Katrina. Halos magkasingkatawan lang kasi sila ng fiancée nito.



“Bumagay sa'yo,” nakangiting sabi ni TJ.



Pilit siyang ngumiti. “Oo nga, eh. Sabi ko naman sa'yo maganda, eh.”



Hinubad din niya kaagad iyon at ibinalik sa binata.



“Itago mong mabuti, TJ. Mukhang mamahalin pa naman. Ah, sige, magsi- CR lang muna ako, ha?”



Hindi pa man nakakasagot si TJ ay mabilis na siyang tumayo at pumasok ng kwarto kung saan naroon ang banyo. Pagkaupo na pagkaupo niya sa inodoro ay hinayaan niyang umagos ang mga luha na nitong mga nakaraang araw pa niya pinipigilan.



It's time for her to stop hoping na magkakaroon pa ng panibagong chapter ang pagmamahal niya para kay TJ.



Hindi sapat ang pagmamahal lang. Kailangan din minsang mag-reality check para hindi gaanong masaktan.



Ito na nga ang sign na hinihintay ko...



Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top