Kabanata 25

Kabanata 25

Isang Araw

"Dito nalang ang mga iyan. Kami na ang mag-aayos mamaya." Sabi ko habang bitbit ang maleta.

Kasama ni Vamp si Hunk ngayon para ihatid ang mga gamit ko sa condo ni Whale. Hindi namin sinabi sa magulang namin na ganito ang desisyon ko.

Natigilan si Vamp at napatingin sa akin; hindi alam kung ano ang gagawin. Napahawak siya sa batok niya habang hinihimas iyon. Si Hunk naman sa tabi niya at nililibot ang tingin sa kabuo-an ng unit ni Whale.

"Dito pala natutulog si Eager dati tuwing nalalasing siya noong college," bulong niya pero sapat lang iyon para marinig namin.

"Oo, dito nagkakalat lagi iyon." Ngiwing sabi ni Whale. "Teka, ayos na ba ang mga gamit ni Eyerin? Kain muna kayo." Aniya habang inaayos ang pina-grab niyang jollibee.

Umubo ng pabiro si Hunk. "Ayun, sakto! Gutom na ako. Tara!" Tinapik niya ang balikat ni Vamp at saka pumunta na silang dalawa ni Whale sa kusina.

Naiwan kaming dalawa sa sala. Hindi ko alam kung ano ang gagawin at sasabihin ko kaya nagkunware akong inaayos na ang mga bagahe ko.

Ang weird kasi mukhang tama ang sinabi ni Germ noong nakaraan. Parang lumalaki na nga yata ang t'yan ko, simula noong nalaman ng lahat na buntis ako. Ewan ko. Baka mind over matter lang? Weird.

"Magiging okay ka ba sa set-up na ganito?" Biglang tanong niya.

Napatigil ako at nag-isip ng sasabihin. Ngunit kalaunan ay tinuloy ko pa rin ang kunwareng pag-aayos at pinakita ko sa kanyang okay na okay lang ako kahit na ang totoo ay namimiss ko na kaagad siya.

"Oo naman. Pwede ka pa naman bumisita sa amin, eh. Iyon ay kung gusto mo." Nagkibit balikat ako.

Hindi ko rin alam kung hanggang kelan ang ganitong set-up namin. Basta ang alam ko ay gagaan ang pakiramdam ko kapag dito na ako tumira.

"Magta-trabaho ka pa rin ba?" Tanong niya.

Umiling ako. "Hindi na muna siguro. May mga ipon pa naman ako, sapat na iyon hanggang sa manganak ako."

Iyon ang mga ipon ko na sana ay pang-travel ko sa ibang bansa. Mabuti nalang pala at hindi ko nagastos, hindi ko naman alam na mabubuntis ako nang ganito.

Pagkatapos kong mag-ayos ay pupunta na sana ako sa kusina ngunit bigla niyang hinigit ang braso ko. Tumingin ako sa kanya. Bigla akong naawa sa paraan ng pagtingin niya sa akin. Para siyang nagmamakaawa na huwag ko siyang iwan.

"Ako nang bahala sa gastusin mo. Huwag mo nang pakielaman ang ipon mo." Hinimas niya ang braso ko.

Nawala ako sa ulirat kaya imbes na tumanggi ako sa alok niya katulad ng dati kong ginagawa ay hindi ko nagawa. Wala sa sarili akong tumango sa sinabi niya.

"Okay," parang robot na sabi ko.

Tinulungan ako ni Whale mag-ayos ng mga gamit ko nang makauwi na si Hunk at Vamp. Tulala ako habang pinapanuod ko siyang nakatingin sa akin.

"Ikaw ba, Mata, anong plano mo talaga sa buhay?" Tanong niya sa akin.

Bumuntong hininga ako. "Hindi ko alam, Whale."

Sa ngayon ay gusto ko lang makahinga ng maluwag at magkaroon ng peace of mind kahit papaano. Alam ko namang hindi ako agad-agad magkakaroon ng peace of mind, lalo na fresh pa. Pero atleast, hindi ako mati-trigger tuwing makikita ko si Vamp.

Nanuod pa kami sa Netflix ni Whale bago natulog sa gabing iyon. Nag-emergency leave si Whale kinabukasan dahil gusto niya muna raw akong samahan bago iwan dito tuwing umaga para sa trabaho.

"Lumalaki na inaanak ko, ah?" Sabay nguso niya sa t'yan ko.

"Oo nga, e." Hinimas ko iyon. "Tama yata ang sinabi ni Germ," natatawang sabi ko.

"Alam mo? Hanggang ngayon ay hindi pa rin ako makapaniwala na buntis ka. I mean, akala ko sa ating lahat, si Sack at si Pure ang malandi at maagang mabubuntis." Tumatawang sabi niya.

Malandi kaming lahat, pero si Sacker at Pure ang sa tingin namin may mas lakas ng loob gumawa ng kalokohan.

Hindi ako sumagot. Umupo ako sa harapan niya at nagsimula na kaming kumain ng umagahan.

"What made you feel na ayaw mo na sa relasyon ninyo ni Vamp? Mukha naman kasing okay kayo at masaya ka sa kanya." Seryosong tanong niya.

Kapag ganitong seryoso kaming magkakaibigan ay hindi ako sanay. Puro kalokohan at ka-pasmado-han ng bunganga ang lumalabas sa amin pero ngayon, siguro nga kailangan namin kahit papaano ang maging seryoso sa buhay.

"Pagod? Pagod na akong lumaban, Whale."

"Tinanong mo ba siya kung pagod na rin siya? Baka naman iniisip mo lang na ikaw ang lumalaban, pero hindi mo alam, mas lumalaban pala siya kaysa sa iyo." Napatingin ako sa kanya nang sabihin niya iyon.

Napagod din ba siya? Ang magandang tanong pala roon ay, lumaban ba siya? Pakiramdam ko ay ako lang itong pilit nang pilit sa amin. Pagod na ang puso namin. Siguro hindi talaga kami para sa isa't isa.

"Hindi ko alam, Whale. Pakiramdam ko ubos na ubos na ako. Magpapahinga lang naman ako, e. Kapag kaya na ulit, edi laban!" Sabi ko pero hindi ko alam kung kaya kong lumaban ulit.

"Kapag ako na-inlove? Siguro gagawin ko lahat para sa kanya. Para sa akin, mas magandang maging tanga kesa puno ka ng pagsisi sa huli." Ngumuya siya at napatingin sa kawalan. "Kasi kapag naranasan ko na iyong mahalin ako at alagaan, parang pakiramdam ko worth it lahat ng sakripisyo. Hindi mo naman kasi basta-basta mararamdaman sa ibang tao iyan, e. Kaya kapag naramdaman ko iyon, hindi ko na siya papakawalan."

Gusto kong sirain ang momentum ni Whale at sabihin na madali lang sabihin lahat ng iyon pero mahirap gawin. Lalo na kapag nasisira ka na bilang tao. Kapag ka basag na basag ka na.

Pagkatapos naming kumain ay nagpresinta siyang siya nalang daw ang maghugas ng pinagkainan namin at sinumbatan ako na kapag siya naman daw ang nabuntis, gagawin ko rin lahat ng ginagawa niya sa akin. Umiling nalang ako.

Saktong pagtapos niya maghugas ng pinggan ay biglang may kumatok sa pinto. Napatingin kami parehas doon.

"Hulaan mo kung sino iyan?" Ngising tanong ni Whale.

"Hmm?" Napaayos ako ng upo. "Si Pure iyan malamang!"

"Ako naman ang hula ko ay si Eager ito!" Tumatawang sabi niya at saka binuksan ang pinto.

Ngunit nagulat kami parehas nang hindi tumama ang hula namin.

"Isang araw palang, miss na agad?" Sarkastikong sabi ni Whale habang pumapasok ang bisita sa loob ng unit niya.

"Vamp, anong ginagawa mo rito?" Napatingin ako sa hawak niyang bulaklak.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top