9: Labis na Pagsisisi
Labis na Pagsisisi
Sa aking daan pauwi galing eskuwelahan ay nakasabay ko sa paglalakad ang dati kong kaklase. Isa siya sa naging mga kaibigan ko, si Anna. Mabait at masasabi kong nagpapakatotoo hanggang ngayon.
Tinanong niya ako, "Palma, kumusta ka na?"
Napabuntong-hininga ako bago sinagot ang kanyang tanong. Nakaramdam kasi ako ng matinding tensyon at pagbigat ng kalooban nang muli kong naalala ang masalimuot na naging karanasan ko.
"Ito… naranasan kong magamit."
"Ano?" Gumuhit sa mukha na pagkagulat. Alam kong nangangailangan pa siya ng paliwanag upang lubusan itong maintindihan.
"Naranasan kong magamit ng mga itinuring kong kaibigan."
"Hala! Bakit? P-paanong nangyari 'yon?" usisa niya, batid kong nag-aalala siya.
"First day of school ay may nakilala akong tatlong mga babae. Magandang ugali ang ipinakikita nila sa akin. Itinuring nila ako bilang kaibigan. Bilang kasuklian ko sa trato nila sa akin ay hindi ko sila magawang tanggihan sa tuwing mangongopya sila sa exams. Hindi ko rin sila magawang pakitaan ng hindi maganda. Noon ay wala itong naging kaso sa akin dahil naisip kong ganoon naman talaga kapag kaibigan--- dapat nagtutulungan. Nagtuloy-tuloy iyon hanggang sa matapos ang buong quarter. Kuhanan ng report card nang mahimasmasan ako at napagtantong ginamit lamang nila ako. Napag-alaman kong napakatataas ng grades na nakuha nila. Pare-pareho silang nangunguna sa ranking samantalang ako ay malaki ang naging agwat sa kanila. Unti-unti ay naisipan kong lumayo sa kanila. Ninais kong idistansya ang aking sarili mula sa kanila. Sa kasamaang palad, ni isang "Hello!" kapag nakasasalubong ko sila ay hindi nila magawang masambit. Para lang akong isang hangin para sa kanila. Ni hindi nga rin nila ako tinanong kung bakit ako tuluyang lumayo."
"Grabe! Naku! Kung magkaklase pa rin tayo, Palma baka hindi 'yan nangyari sa 'yo." Napabuntong-hininga akong muli. Wala, eh, nangyari na.
Sa ngayon ay palagi kong naiisip na kung kaya ko lang pihitin pabalik ang oras ay nagawa ko sinang makapag-ingat. Naging maingat sana ako sa pagpili ng magiging kaibigan nang sa gano'n ay hindi humantong sa ganito.
Labis ang aking pagsisisi ngunit wala na akong magagawa, ang nangyari na ay tapos na at hindi na mababago pa.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top