6: Nasaan ang Saya

Nasaan ang Saya?

"Helen, ang galing mo naman," bati sa akin ng kapitbahay ko. Isa sila sa mga taong mabilis makakalap ng balita tungkol sa personal kong buhay. Tsismosa nga 'ika nila.

"Akalain mo 'yon, magiging modelo ka pala. Ang galing mo, Helen!"

"Oo nga. Teka, magkano ba ang sinasahod mo d'yan? Maganda ba ang kita d'yan?" pang-uusisa nila.

Alam kong hindi sila titigil hangga't hindi nila naririnig ang sagot mula sa akin.

"Ayos lang. Malaki rin naman ang sahod," nakangiting sagot ko.

"Ay, talaga! Naku! Dapat pala iyan ang pasuking trabaho ng anak mong si Myles, Virgie! Hindi ba't sumasali iyon sa mga pageant? Baka nasa pagmomodelo ang swerte niya!" Hindi magkaumayaw sa pag-uusap itong dal'wang kapitbahay ko.

"O, siya. Mauna na 'ko, magluluto pa ako ng hapunan," paalam ko sa kanila.

#

Habang nagluluto ako sa kusina, hindi ko maiwasang magbalik-tanaw.

"Anak, ano kaya kung subukan mong magmodelo? Baka nandoon ang swerte mo," kausap sa' kin ng aking ina.

"Ano ho?" hindi makapaniwala kong sagot.

"Naiisip ko kasi na baka napapagod ka na sa pagtatrabaho sa bangko. Isa pa, nakikita kong bagay sa 'yo ang trabahong iyon. Balita rin ng kumare ko na taga-kabilang kanto, malaki raw ang sinasahod doon ng pamangkin niya."

"'Nay, hindi ho ba't napag-usapan na natin ito? Gusto ko ang trabaho ko."

"Naisip ko lang naman, anak. Subukan mo na rin. Alam kong magtatagumpay ka ro'n."

Napapailing na lang ako sa ipinipilit ng aking ina.

"'Nay, ayoko ho." Napabuntonghininga ako saka tiningnan si Nanay. "Ayokong katawan ang maging puhunan ko."

"Sige na, anak. Pagbigyan mo na ang Nanay." Hinawakan niya ako sa braso at tiningnan ako na tila ba nagmamakaawa.

"Pag-iisipan ko ho." Matapos kong magsalita ay agad akong nagtungo sa kuwarto ko.

Humiga ako sa papag at napatitig sa kisame.

Kahit kailan talaga, hindi ko magawang tiisin ang Nanay ko. Ang hirap.

Lumabas na ako sa kuwarto at hinarap ang aking ina.

"Sige, ho. Susubukan ko," sabi ko na may kasunod na buntonghininga. Hindi bukal sa kalooban ko ang gagawin kong ito. Alam kong wala ro'n ang swerte ko. Hindi sa trabahong iyon. Susubukan ko lang para sa Nanay ko.

Napahawak si Nanay sa kanyang bibig at pagkatapos ay napapalakpak sa sobrang tuwa.

"Bukas na bukas, magpapasama tayo sa trabaho ng kumare ko."

"Ho?" sa matinding gulat ay iyan na lamang ang nasabi ko.

Hindi naging madali ang pagpasok ko sa bagong trabaho ko. Hindi naman kasi iyon katulad ng pag-upo sa bangko. Sa trabaho kasing ito, kailangan ang katawan bagay na hindi ko nakasanayan.

Palagi pa akong napapagalitan dahil sa malikot ako. Ang mga damit kasi na ipinasusuot sa akin ay 'yong mga labas ang hita, t'yan at maging ang guhit sa dibdib.

May pagkakataong gusto ko nang sumuko lalo na nang gabing pauwi na ako. Nakasabay ko ang isang lalaking madalas kong nakikita sa trabaho. Ilang beses ko na ring nahuli na kakaiba siya kung makatingin.

"Ang galing mo kanina," papuri niya sa akin.

"Magaling? Hindi ba't pare-pareho lang naman ang ginagawa sa trabaho?"

"Oo, pero iba ka kasi kanina. Iba 'yong datingan mo. Tipong babaeng gugustuhing iuwi sa bahay."

Napaatras ako sa narinig ko. Alam kong hindi maganda ito. Nagmadali akong maglakad pero dahil malalaki ang biyas niya ay naabutan pa rin niya ako.

"May mali ba sa sinabi ko para bigla kang umalis?" tanong niya sa 'kin nang hawakan niya ako sa balikat. Nagpumiglas ako.

"Ano ba'ng problema mo?" nalilito niyang tanong.

"Huwag mo akong hahawakan. Isa pa, ngayon pa lang tayo nagkausap kaya ingatan mo 'yong mga salitang bibitiwan mo." Hindi ako nagpatinag sa takot na nararamdaman ko nang gabing ito.

Lumapit siya sa akin. Sobrang lapit. Kaunti na lang ang pagitan namin sa isa't isa.

"Alam ko namang katulad ka lang din ng iba. Alam kong nasa loob ang kulo mo," bulong niya sa mapanghimok na tinig.

Sa sobrang inis ko ay naihampas ko sa kanya ang bag na dala-dala ko. Sa halip na magalit siya ay nginisian pa niya ako. Alam kong nang-aasar na siya.

Ilang araw akong hindi pumasok nang dahil sa insidenteng iyon. Nag-stress eating na rin ako dahil sa kaiisip sa nangyari.

Hindi ganito 'yong trabahong gusto ko, e. Ayoko nang nababastos.

"Helen, anak. Ilang araw ka nang liban sa trabaho mo. Tumatawag na rin 'yong boss mo. Hindi mo man lang ba sasagutin?"

"'Nay, hindi na ho ako babalik sa trabaho ko. Ayoko na."

"Pero bakit? Mataas naman silang magpasahod."

"'Nay, wala naman sa sahod 'yong problema, nasa taong kasama ko ro'n."

"Gano'n ba? E, 'di 'wag mong pansinin. Hindi naman sila ang nagpapasahod sa' yo."

"'Nay, hindi' yon gano'n kadali. Dahil gagawa at gagawa sila nang paraan."

"Iwasan mo na lang, anak."

Hindi ako nakinig kay Nanay. Hindi ko na talaga binalak na bumalik pa ro'n. May buwan na nga ang nakalipas no'n. Pero sa hindi inaasahang pagkakataon ay dinapuan ng malubhang karamdaman si Nanay. Naghanap ako ng maraming raket para matustusan ang gamutan niya. Dumating pa sa punto na hindi sumasapat.

Habang nagbabantay ako kay Nanay sa ospital, nagbukas siya ng usapin.

"Anak, pasensya ka na kung nahihirapan ka na dahil sa akin. 'Yong sahod mo hindi na sumasapat. Ikaw lang naman kasi ang maaasahan ko. Pero... bakit hindi mo subukang bumalik sa pagmomodelo? Hindi para hanapin ang swerte mo sa trabahong iyon kundi para matustusan ang mga gastusin. Alam kong ayaw mo na anak pero sana subukan mo ulit. Kahit hanggang sa mailibing ako."

Napasapok ako sa ulo ko. "'Nay, ba't niyo ho sinasabi 'yan? Hindi kayo mamamatay!"

Sa sobrang sama ng loob ko ay lumabas ako ng ospital para magpahangin. Naiinis ako. Sobra!

Oo. Kaya ko ulit magsakripisyo para sa Nanay ko. Magagawa kong ipagsawalang bahala 'yong kinatatakutan ko.

Napagdesisyunan kong bumalik sa pagmomodelo. Tama si Nanay, 'di hamak na mas malaki talaga ang sahod doon.

Mas malalang pambabastos ang nararanasan ko. Napakalala na dumarating na sa puntong inaaya akong makipagsiping sa kanila. Ipinagsawalang bahala ko ang lahat ng iyon. Umiwas na lang ako. Kailangan ko ng pera pero gusto kong sa malinis ko iyon kukunin. Hindi sa paraang pandidirihan ko ang sarili ko.

Palagi kong sinasabi sa sarili ko na kaunting tiis na lang. Konti na lang.

Nang bumalik kasi ako sa pagmomodelo, ilang linggo lang nang bumagay na nang tuluyan ang katawan ng aking ina. Malaki ang perang kinailangan para lang matustusan ang gastusin sa ospital pati na rin ang iba pang bayarin para sa burol at pagpapalibing sa mga labi niya.

Tulad nang sinabi ni Nanay, hanggang sa mailibing lang siya ay magtatrabaho ako ro'n.

Matapos kong magbalik-tanaw, agad kong kinuha ang cellphone ko. Nag-text ako sa boss ko.

To: Boss

I'll send my resignation letter tomorrow. I'll resign, again.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top