10: Buhay ng Isang Tulad Ko

Buhay ng Isang Tulad Ko

Heto na naman ako. Muling sinasaluhan ang isang taong nagdadalamhati. Kay tagal na noong huli kong saluhan ang dalawang magkasintahang nagsispagngitian. Ngayo'y puro pagtangis ang nadarama ng may dala sa akin.

Umiyak nang umiyak ang maituturing ko na ngang kaibigan. Mula kasi sa simula ay naging saksi ako sa pagmamahalan ng dalawang taong ito na naging mahalaga na sa akin.

Kung noo'y nakangiti si Matilda na nagmamay-ari sa akin sa tuwing tangan niya ako, ngayon nama'y napupuno siya ng matinding lungkot, poot at napakaraming tanong na hindi alam kung saan huhugutin ang sagot.

"Bakit ikaw pa?" paulit-ulit niyang tanong sa nobyong wala nang buhay na siyang nakasilid sa kabaong.

Napakaraming bulaklak sa paligid, mga ilaw, kandila at mga taong nagluluksa gaya ni Matilda.

Naaalala ko pa noon kung paano nagsimula ang samahan namin ni Matilda. Wala pang opisyal na nagmamay-ari noon sa akin. Tanging ang napakalawak na silid na may napakaraming katulad ko ang mayroon ako. Hanggang sa dumating sa aking harapan ang makisig na noo'y hindi ko alam na nobyo pala ni Matilda, at iyon si Haticus.

Naaala ko rin kung gaano kasaya si Haticus noong hawakan niya ako. Dinala niya ako sa lugar kung saan isinupot ako. Noo'y wala akong kamalay-malay na malapit na akong mapasakamay ni Matilda.

Maririnig ang halakhakan sa paligid, masasayang kuwentuhan at maging ang pagkanta ng mga tao ng awiting 'Maligayang Bati' para sa isang taong masayang nagdiriwang ng kanyang kaarawan.

Nang matapos ang palakpakan ng mga tao, nang dahang-dahang punitin ni Matilda ang pinagsilidan sa akin ay unti-unti kong nasilayan ang iba't ibang mga kulay ng ilaw sa paligid. Iyon na nga ang pagkakataong nakita ko ang mundong mayroon ang dalawang magkasintang ito.

Kitang-kita ko ang saya sa kumikinang na mga mata ni Matilda habang yakap-yakap nang napakahigpit ang nobyo.

Nagkalas sila ng yakap at nagharap. Nagsimulang magtanong ang isa.

“Mahal, hindi ba't masama raw magregalo ng panyo sa isang tao dahil sumisimbulo raw ito ng luha?”

Muling nagyakap ang magkasintahan.

“Hindi ako naniniwala sa kasabihang iyon. Ang mahalaga ay ang mapasaya kita.”

Nang sandaling magbalik-tanaw ako, pakiramdam ko'y unti-unting gumuho ang mundo ko sa sandaling pumasok sa 'king isipan ang litanyang iyon ni Haticus.

Totoo nga siguro ang sinabi noon ni Matilda. Tunay nga yatang kaming mga panyo ang nagdadala ng kalungkutan sa mga taong nagmamay-ari sa amin. Iyon na ang paniniwala ng tao noon pa man, sana'y hindi na lamang iyon totoo. Sana'y ang simbolismo naming mga panyo ay maging walang hanggang kasiyahan nang sa gano'n ay hindi na kami palaging nababasa ng mga luhang buhat ng matinding dalamhati't kalungkutan.

Sana gano'n na lang.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top