I am Preena


I am Preena

Isang magandang umaga. Nakangiting haring araw. Ganiyan ang bumungad sa akin sa pagkakataong iminulat ko ang aking mga mata. Kasalukuyan akong nakahiga sa malambot na kama habang narito pa rin sa loob ng aking silid nang makaramdam ako ng pagkalam ng sikmura. Kaagad akong bumangon mula sa pagkakahiga at nagsimula nang maghanda para sa unang araw ng pasukan.

Naglalakad pa lamang ako sa hallway ng eskuwelahan nang maramdaman ko ang mainit na pagsalubong sa akin ng mga mapanghusga tingin. Sinundan ako ng mga ito hanggang sa makapasok sa loob ng isang silid-aralan. Pati sa pag-upo ko sa silyang naroon sa dulo ng silid, nanatili ang mga matang nakamasid sa akin. Wala akong ibang magawa kundi ang mapayuko at manatiling walang imik.

Ilang minuto pa lamang ang nakalilipas nang magsipasukan ang mga kamag-aral ko sa loob ng classroom. Sinundan naman ito ng pagpasok ng isang lalaking guro. May pagka-istrikto ang hitsura nito at parang hindi marunong ngumiti.

Binigyan niya ng seryosong tingin ang mga kaklase kong walang kapaguran sa pagdaldal na tila hindi makaramdam. Nang kumalma na ang lahat ay saka pa lamang nagsimulang magpakilala ang gurong nakatayo sa harapan ng pisara.

"Magandang umaga! Ako si Constantino Florante, sampung taon na ako sa pagtuturo. Nawa'y makasundo ko ang bawat isa sa inyo. May isa lamang akong patakaran sa loob ng apat na sulok ng silid-aralang ito." Tahimik na nakinig ang lahat sa kanyang sinasabi. Nagmasid muna siya bago itinuloy ang sinasabi. "Umakto kayo bilang tao." Sinundan ito ng malakas na hampas ng meter stick sa ibabaw ng mesa na nasa kanyang harapan. "Nawa'y magkaliwanagan tayo," maawtoridad niyang sinambit. "Bago ko pa makalimutan, may nais akong ipagawa sa inyo." Ang lahat ay naghintay sa kanyang sasabihin. Humarap siya sa pisara bago nagsimulang magsulat gamit ang puting yesong hawak-hawak niya.

"Introduce yourself," basa ko sa nakasulat.

Nagsimula na ang bulungan sa loob ng silid. Maririnig ang pagmamaktol ng ibang mag-aaral at ang pagsisimula ng bagong usapin.

"Ngunit, Sir . . . masyado na po kaming matanda para sa introduce yourself na 'yan," pagtutol ng isang babaeng may pagkamaarte.

Sa halip na sagutin iyon ng aming guro ay tiningnan lamang niya ito ng matalim na dahan-dahang nagpababa ng kamay nito. Mababakas naman ang takot sa kanyang mukhang nagmistulang puting papel sa sobrang putla.

"Simulan natin sa iyo, hija. 'Yong nagtaas ng kamay," muling saad ng aming guro.

Halata ang pagkagulat sa mukha ng babaeng iyon nang malamang siya ang unang magpapakilala. Makupad siyang nagtungo sa harapan ng klase habang may pag-aalalangan sa kanyang kilos.

"Ako si Precious Lorrein Tana. Mahilig ako sa sweets, to be specific is chocolate," may pagkamaarte at mabagal niyang sinabi. Ilang segundo siyang natahimik bago muling nagsalita. "I-iyon lang." Matapos magsalita, kaagad siyang bumalik sa pagkakaupo.

Nanatiling tahimik ang buong klase dahil sa takot na maunang matawag upang magpakilala. Karamihan sa amin ay nakararamdam ng kaba.

Matapos ang lima pang estudyante, ako na ang sunod na nagpakilala. Nakayuko ang ulo kong nagtungo sa harapan ng klase. Ang lahat ay nagsimula na naman akong titigan. Ang bawat isa sa kanila'y binigyan ako ng mga mapanghusgang tingin. Walang nais magtanong. Tila ang kanilang nais lamang ay ang husgahan ang buo kong pagkatao.

Nang simulan kong ibuka ang aking bibig, nagsimula na rin ang mga bulungan sa loob ng apat na sulok ng aming silid-aralan.

"I am Preena, sixteen years old and . . . soon"—Huminga muna ako nang malalim bago ituloy ang sasabihin—"becoming a mother." Para akong tinutusok ng napakaraming patalim sa buong katawan. Ramdam ko ang pangangapal ng buo kong mukha dahil sa sobrang hiya. Nanliliit ako. Alam kong napakahirap tanggapin sa lipunan ng isang tulad kong tingin ng nakararami'y isang salot.

Napahawak na lamang ako sa aking tiyan na malapakwan sa laki habang hindi sila magawang tingnan sa mata. Pitong buwan ko nang ipinagbubuntis ang sanggol na ito. Sa pitong buwan na iyon, napakarami ko nang dinanas.

"Okay! That's it!" Isang napakalakas na sigaw ang umalingawngaw sa loob ng klase. Ramdam ko ang panghihina ng aking mga tuhod bago ako tuluyang pinaupo.

Muling nabalot ng katahimikan ang buong silid ngunit hindi pa rin nawawala ang mga matang nakasulyap sa akin. Nanatili akong nakayuko.

Wala pa mang isang minuto ang nakalilipas nang muling umingay ang buong kuwarto at muling napuno ng mga bulungan.

"Grabe! Junior high school student pa lang, nagpabuntis na? Tsk! Tsk! Iba talaga 'pag malandi."

"Sino kaya 'yong tatay ng dinadala niya? Siguradong iniwan siya matapos malamang nabuntis."

"Tahimik kung titingnan, nasa loob naman pala ang kulo."

"Ginusto niya 'yan kasi malandi siya."

"Kasalanan niya 'yan dahil hinayaan niyang mangyari."

Tulad ng inaasahan ko, walang nakakakita ng katotohanan. Sa mapanghusgang lipunang ito, kahit pa ikaw ang biktima, nasa iyo ang sisi. Ikaw ang parating sisisihin. Kahit hindi mo ginusto ang nangyari, lalabas na ginusto mo.

MATAPOS ANG TATLONG subject, break time na. Kung kanina'y nabawasan ang mga matang nakatingin habang nagkaklase, ngayon nama'y bumalik ang mga matang ito. Para na naman akong isang kilalang personalidad kung pagtinginan, ang kaibahan nga lang e hindi dahil sa iniidolo nila ako kundi dahil kinamumuhian ako.

"Tara na, maaaksaya lang ang oras mo sa katitingin d'yan," dinig kong sabi ng babaeng nakaupo sa parehong row ng inuupuan ko. May bahid ng pangungutya ang kanyang tinig. "Saka hindi ka ba nag-aalalang baka mahawaan ka ng kalandian niya?" Hindi pa ito nakontento dahil bago tuluyang umalis, nagawa pang magparinig. Alam ko namang ako ang tinitira niya sa bawat salitang kanyang binitiwan. Alam kong ako iyon.

"Ayos ka lang ba?" Hindi ko magawang magsalita sa pagkakataong kausapin ako ng babaeng nakatayo ngayon sa gilid ko. Natatakot ako na baka hindi totoo ang kanyang ipinakikita dahil baka katulad din siya ng iba.

"Lalabas ka ba?" kausap niyang muli na parang napakatagal na naming magkakilala. Parang komportableng-komportable siya sa pakikipag-usap sa taong hindi pa niya lubusang kilala.

Nanatili akong walang imik habang nakatingin lamang sa labas ng silid-aralan. Natatakot akong lumabas dahil alam kong mas maraming mapanghusgang tao sa labas ng kuwartong ito.

"Kung gano'n, sasamahan na lang kita rito," saad niya bago tuluyang umupo sa bakanteng silyang nasa tabi ko.

Isa-isa niyang kinuha sa loob ng kanyang bag ang mga baon niyang pagkain. Lutong bahay ang mga ito. Maya-maya lamang ay inabutan niya ako ng kanyang pagkain. "Heto, o," nakangiti niyang sinabi.

Gayunpaman, hindi ko magawang maging komportable sa kanya kahit pa nagagawa niya akong ngitian. Natatakot akong baka hindi totoo ang mga ngiting iyon.

"Kunin mo na, marami naman itong pagkain ko. Sobra pa para sa 'kin." Hindi pa rin nawala ang ngiti sa kanyang mga labi habang ako nama'y nananatiling nakatingin sa pagkaing iniaalok niya. Hindi ko iyon tinanggap at hinayaan lamang siyang kumain sa tabi ko kagaya ng napagpasiyahan niyang gawin.

Nang mag-uwian na, muli na naman akong nilapitan ng babaeng tumabi sa akin kaninang break time. Hindi ko alam kung ano ang totoong pakay niya at para bang gustong-gusto niyang mapalapit sa akin.

"Uuwi ka na ba?" tanong niya sa akin na hindi ko magawang sagutin.

Napatitig lamang ako sa kanya at panandaliang pinagmasdan ang kanyang hitsura. Sa pagkakataong ito, kaagad kong napansin ang maiksi niyang buhok na kapantay lamang ng baba niya. Itim na itim ito ngunit makintab at tuwid. Bumagay din ang kanyang maganda't maamong mukha sa kanyang maputing kutis.

"Preena, kung hindi nakakaabala, sasabay na 'ko sa 'yo." Ramdam ko ang sinseridad sa kanyang tinig ngunit ayokong magpadala dahil baka muli na naman akong maisahan.

Sinabayan niya ako sa paglalakad pauwi. Sinamahan niya ako kahit pa hindi ko siya kinakausap. Ramdam kong naiilang siya kahit papaano ngunit pansin kong hindi niya ito gustong ipahalata.

HABANG MAG-ISA AKONG naglalakad pauwi galing sa paaralan, hindi pa rin nauubos ang mga matang nakatitig sa akin. Sino nga ba naman kasing hindi ako magagawang husgahan lalo pa't nakasuot ako ng damit pang-eskuwela samantalang ang tiyan ko nama'y bilog na bilog. Alam ko . . . napakabata ko pa para maging isang ina. 


TO BE CONTINUED . . . 

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top