Wakas

His Shattered Heart

HINDI ko maiwasang kwestiyonin kung bakit hindi patas ang mundo. Mahirap na nga kami ay kinuha pa sa amin ng maaga ang tatay ko. Nagta-trabaho siya bilang construction worker noon at labandera ang nanay ko. Kita ko ang hirap nila para maitaguyod ang bawat araw na dumadaan pero lalo kaming naghirap nang mawala si tatay. Kinailangan kong magtrabaho kasabay ng pag-aaral. Aaminin kong ilang beses ng sumagi sa isip ko na tumigil na sa pag-aaral at magtrabaho na lang. Ilang beses na akong muntik bumitaw sa pangarap ko.

"Walang mangyayari kung susuko ka. Pagsisisi lang ang magiging kapalit niyon. Kahit mahirap ang pinagdadaanan mo ngayon, kapag nakapagtapos ka at naabot mo na ang mga pangarap mo masasabi mo na lang na mabuti na lang pala na hindi ako sumuko. Mabuti na lang nagpatuloy ako."

Pinakatitigan ko si Samantha. Habang nakatingin sa mukha niyang nakangiti pero mababakas pa rin ang sakit na dinaranas roon- ay naiisip ko kung sino ba ako para magreklamo sa buhay. Kumpara sa paghihirap ko ay walang wala iyon sa mga pinagdaraanan niya ngayon. Pero heto siya, matatag pa rin.

Dahil sa sinabing iyon ni Samantha ay nabuhayan ako ng loob. Doon ko naisip na tama nga siya, kapag nakatapos ako at naging ganap na inhinyero ay maiiahon ko na sa kahirapan ang pamilya ko. Iyon lang naman ang gusto ko, ang matigil na ang nanay ko sa pagiging labandera at ang makapagtapos ng pag-aaral ang mga kapatid ko. Sila ang inspirasyon ko sa buhay. Sila ang dahilan kung bakit ako nagpapatuloy.

Pero habang tumatagal hindi na lang pamilya ko ang naging inspirasyon ko. Akala ko ay simpleng paghanga lang ang nararamdaman ko kay Samantha. Akala ko ay humahanga lang ako sa katatagan niya, dahil kahit gaanong kasakit at kabigat ang problemang ipinapatong ng tadhana sa balikat niya ay nanatili siyang lumalaban.

Ilang beses kong inensayo sa harap ng salamin ang pagtatapat na gusto kong gawin, pero tuwing nakikita ko siyang malungkot, hindi ko maituloy ang balak. Hindi pa ito ang tamang oras. Hindi naman mahalaga ang nararamdaman ko. Karamay ang kailangan niya.

Alam ko kung gaano kasakit ang mawalan ng minamahal sa buhay, lalo na kung magulang mo iyon. Kaya noong mawala ang daddy niya gustong gusto kong akuin lahat ng sakit na nararamdaman niya. Kung pwede lang... kung pwede lang ay matagal ko ng ginawa. Sana sa bawat kapit ko sa kanyang kamay at sa bawat yakap ko ay maramdaman niyang hindi siya nag-iisa.

"Hello?"

"Hi! Are you Gerald Lopez?"

Puno ng pagtataka kong tiningnan ang cellphone ko matapos marinig ang sinabi ng nasa kabilang linya. Isang unknown number ang tumawag. Naisip ko pa na baka isa lang iyon sa blockmates ko.

"Ah, oo. Sino po sila?" tanong ko nang muling itinapat ang cellphone sa tenga.

"OMG! I'm Erika Javier, Samantha's cousin."

Napataas ang dalawa kong kilay nang marinig ang sinabi ng nasa kabilang linya. Kung hindi masaya ang tono ng boses niya ay mag-aalala na sana ako dahil sa biglaang pagtawag niya.

"Ano po'ng maitutulong ko?"

"Don't po me," maarteng aniya. Gusto kong matawa at kwestyonin kung pinsan nga ba talaga ito ni Samantha. "Anyway, can you come here next week? Sa Santa Clara?"

Next week? Mukhang alam ko na ang dahilan kung bakit siya tumawag.

"Balak kasi naming surpresahin si Samantha for her birthday. I'm sure na mas magiging masaya siya kung narito ka rin," pagpapatuloy niya.

Hindi ko napigilang mapangiti sa sinabi ng pinsan ni Sam. Halos isang buwan na rin naman noong huling beses na nakita ko siya. Miss na miss ko na siya kaya naman masaya kong tinanggap ang alok ng pinsan niya. Pero ang sayang baon ko sa pagpunta sa Santa Clara ay unti-unting nabawasan. Kung hindi lang dahil sa ngiting nakikita ko sa kanya ay baka naubos iyon.

"Manliligaw ni Sam," bulong sa akin ni Erika matapos magpakilala ng lalaking nag ngangalang Xander.

Parang nadurog ang puso ko nang marinig iyon. Ayaw kong maniwala dahil wala namang sinasabi sa akin si Samantha tungkol sa pagkakaroon niya ng manliligaw. Hindi siya mahilig magkwento pero kapag masaya siya sa nangyayari sa kanya ay hindi niya nakakaligtaang sabihin iyon sa akin. Kaya ayokong maniwala. O niloloko ko lang ang sarili ko?

Napagtanto kong totoo nga ang sinabing iyon ng pinsan niya habang pinapanood ko silang magkakaibigan. Nakatago ako sa sulok ng bahay kung saan ginaganap ang birthday niya. Masayang masaya ako na nakikita ko siyang nakangiti at tumatawa. Pero bakit may kirot sa puso ko habang pinapanood kung paano kumislap ang mga mata niyang nakatingin kay Xander?

Napatungo ako nang hindi na makayaan ang sakit na nararamdaman matapos nilang aminin na sila na. Palihim kong pinunasan ang luhang pumatak sa mga mata ko bago muling nakangiting nag-angat ng tingin sa kanila ng mga kaibigan niya. Naalala kong ngayon na lang ulit may tumulong luha sa mga mata ko pagkatapos mawala ni tatay two years ago. At ngayon lang kumirot ang puso ko. Ngayon lang habang nakatingin sa kanilang dalawa.

Ganoon ko na ba siya kagusto para masaktan ako ng ganito?

"Please don't hurt her. Marami na siyang sakit na pinagdaanan," ani ko kay Xander noong nasa gitna si Sam kasama ang mga kaibigan niya.

"I won't. I promise."

Sa sobrang saya niya ng gabing iyon, kahit ako ay nararamdaman iyon. Kitang kita ang kakaibang kislap sa mga mata niya. She deserve to be happy, to love and be loved. She deserve every single thing in this world. Kaya sino ako para makaramdam ng lungkot dahil doon? Kaya ipapaubaya ko na lang sa Diyos ang sakit na nararamdaman ko. Alam kong mawawala rin ito. Alam kong lilipas din.

"Masaya akong makita ka ulit, Sam." Masayang masaya.

Ang sarap makita na masaya siya dahil nakita niya akong muli. Ang sarap marinig ang sinasabi niyang namiss niya ako. Ang sarap damhin ng napakahigpit niyang yakap. Hindi ko maiwasang humiling na sana ay tumigil ang oras at manatili na lang kaming ganoon. Pero alam kong katulad ng oras, kailangan ding magpatuloy ng buhay namin. Kahit paikot-ikot. Kahit paulit-ulit ang sakit, saya, pagngiti, at pagluha.

Sinubukan kong ituon sa pag-aaral ang lahat ng atensyon ko para mawala sa isip ko ang nararamdaman para sa kanya. Sinubukan kong alisin iyon. Pero walang nangyari. Sa bawat araw na lumilipas ay nadaragdagan lang iyon. Mas lumalago na para bang kapag itinulak ko ay babalik ng doble.

"May nagugustuhan ka na ba? Wala kang naii-kwento, eh."

Nabigla ako sa tanong niyang 'yon isang araw nang magkausap kami. Naglumikot ang mga binti ko na nasa ilalim ng lamesa. Para akong ibinibilad sa araw dahil sa pamamawis ng kamay ko sa sobrang kaba. Sasabihin ko na ba? Aamin na ba ako sa kanya? Pero natatakot ako. Natatakot akong iwasan niya oras na malaman niya na mahal ko siya. Oo, mahal ko na siya. Ganoon ng kalalim ang nararamdaman ko.

"Hoy, tinatanong kita!"

"Si Erika."

Namura ko ang sarili dahil hindi ko inaasahang lumabas iyon sa bibig ko. Kung bakit pangalan ng pinsan niya ang nasabi ko ay hindi ko rin alam. Basta ang alam ko lang ay kailangan kong sagutin ang tanong niya noong mga oras na 'yon pero hindi ko pwedeng banggitin ang pangalan niya kahit siya lang naman ang nagustuhan ko.

"P'wes ngayon alam mo na." Sinungaling ka, Gerald.

Wala akong nagawa kung 'di tumungo para hindi niya makita ang sakit na nararamdaman ko. Gustong gustong magsalita ng bibig ko at sabihin na siya ang mahal ko at hindi ang pinsan niya. Pero umiral ang pagiging duwag ko.

"You broke your promise!" mariin kong ani kay Xander nang lumabas ito ng rooftop. Malakas na suntok ang ibinagay ko sa kanyang mukha. Hindi lang isa o dalawa. "Sinabi mong hindi mo siya sasaktan! You don't deserve her! Masyado kang duwag!"

"Bakit ikaw, duwag ka rin naman, hindi ba? Hindi mo nga nagawang ipagtapat ang nararamdaman mo para sa kanya."

Hindi ko naitago ang gulat. Alam niya?

"Akala mo hindi ko alam? Lalaki ako, Gerald. Alam kong may nararamdaman ka sa kanya. And what? You like Erika?" Natawa ito, seryosong seryoso na ang mukha nang tingnan muli ako. "You look stupid and coward."

Siguro nga ay ganoon ako pero gusto kong maging deserving para sa kanya. Pagtatrabahuhan ko na maging ganoon.

Galit na galit ako at parang pinipiga ang puso ko kapag nakikita ko ang bawat sakit na bumabalatay sa mga mata niya kapag nagkakaharap sila ni Xander at tuwing umiiyak siya. Pwede ko namang tulungan na lang siyang lumimot.

"Ligawan ko na kaya, 'Nay?"

"Malaya na ba siya sa nakaraan?" Hindi ko nagawang sumagot. Dahil alam kong hindi pa. Nababasa ko pa ang sakit sa mga mata niya. "Dahil ang taong hindi malaya sa sakit ng nakaraan ay hindi ka magagawang mahalin nang lubusan."

Naghintay pa ako. At dumaan nga ang mga taon na unti-unting nawala iyon. Nagagawa na niyang tingnan si Xander nang hindi nasasaktan. Alam kong nakalimot na siya.

"Magtatapat na ako kay Samantha, Tito... Tita," pagkausap ko habang nakatingin sa funerary urn ng mga magulang niya.

Balak kong tapusin lang ang kasal ng pinsan niyang si Erika at magsasabi na ako. Tanga man pero gusto kong kabahan at mangiti ng sabay habang iniisip ang posibilidad na masasabi ko na nga sa kanya ang nararamdaman ko.

Pero may mga pangyayari talaga sa buhay mo na maski ikaw ay bibiglain. Wala man sa plano ko ang magtapat ng gabing iyon, pero mukhang Diyos na mismo ang gumawa ng paraan para sa akin. Para akong bibitayin sa sobrang kaba ng nararamdaman ko noong mga oras na iyon. Natatakot ako pero may kung anong ginhawa akong naramdaman sa puso. Ilang taon kong itinago ang nararamdaman at nasabi ko na iyon sa kanya sa wasak.

Akala ko siya ang magugulat sa pagtatapat ko pero ako ang ginulat niya. She loves me. Mahal ako ng taong mahal ko. Mahal ako ni Samantha. Hindi ako makapaniwala. Ialng ulit akong nagpasalamat sa Kanya dahil tinupad Niya ang hiling ko, ang mahalin din ako ng babaeng pinakamamahal ko.

We have all the time in the world. We enjoyed every bit of it together. Gusto kong purihin ang sarili ko dahil hindi ako sumuko sa pag-abot ng mga pangarap ko. At siya ang pinakamalaking bituin ko.

Walong taon na pagkakaibigan, tatlong taong relasyon, at ngayon ang babaeng hinahangaan ko lang noon at pinangarap ay nasa harapan ko at kasabay na namamanata sa harap ng Diyos na sa hirap at ginhawa, sa lungkot at ligaya, sa sakit man o kalusugan ay habang buhay naming mamahalin ang isa't isa.

Luhaan akong nakatitig sa maganda niyang mukha na nahaharangan ng belo habang hinihintay ang anunsyo ng pari. Mabuti na lang at hindi nasisira ang make up niya dahil kanina pa siya umiiyak tulad ko.

"You may now kiss the bride."

Nang marinig ang sinabi ng pari ay malakas na hiyawan ng mga bisitang naroon ang nakapagpatawa sa aming dalawa ng asawa ko. Yes! She's my wife now!

Dahan-dahan kong inilapit ang mukha sa kanya habang patuloy sa pag-agos ang mga luha ko. Marahan kong idinampi ang mga labi ko sa kanya. Nakangiti akong lumayo at pinunasan ang luhaan kong mukha.

Nang makita ang nakangiti ngunit luhaan niya ring mukha ay labis na pasasalamat ang inusal ko. Hindi matatawaran ang sayang nararamadaman ko simula noong makilala ko siya hanggang sa mga oras na ito. Siya ang nagsilbing kaibigan, inspirasyon at magiging katuwang ko sa buhay.

"Mahal na mahal kita, Samantha."

"Mahal na mahal kita, Ge."

Kahit pa may una siyang minahal at kahit pa ilang taon akong naghintay, alam kong siya ang nakatakda sa akin at ako ang para sa kanya... Dahil ito ang kaloob Niya. Ako ang itinakda para sa kanya, simula umpisa hanggang wakas.

He heals the wound of
every shattered heart.
Psalm 147: 3

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top