Kabanata 7
NAPAPANGITI ako habang humihigop ng red eye coffee. Nagtatalo ang matamis at mapait na lasa niyon sa aking dila. Habang humihigop niyon ay binubusog ko naman ang aking mga mata sa nakikita rito sa "Coffeeholic". Sa bawat sulok ay may mga shelves ng lahat ng klase ng libro, mapa-comics man iyon o romance novel. Naghahalo sa beige at itim ang kulay simula sa pintura ng wall hanggang sa mga kagamitan.
Hind ko naiwasang ikumpara ito sa coffee shop ni Miss Mara kung saan ako nag part-time job. Doon kasi ay halos puti ang lahat ng makikita. Nahahaluan lang ng ibang kulay dahil sa mga halaman na naroon. Parehong maganda sa paningin ko, mas narerelax nga lang ako sa nakikitang mga libro kaysa sa mga halaman.
"'Yung malapit sa entrance, Bi. Shocks tingnan mo!"
Nagsalubong ang kilay ko nang maulinigan ang pag-uusap ng dalawa na nakaupo sa harapan ko.
Sinundan ko ng tingin ang tinitingnan nila. Naiiling ako at mahinang natawa. Kung ako ay napapanganga dahil sa maganda at friendly vibe nitong coffee shop, sila naman ay napapanganga sa mga gwapong lalaki.
"'Yung nasa likod niya ang mas gwapo. Kaso anak niya yata 'yung buhat niya," dismayadong ani Bianca.
"Baka naman pamangkin lang. Pero mas gwapo talaga 'tong nasa unahan niya. Ang ganda ng mata," kinikilig na ani Erika.
Ibinaba ko ang hawak na tasa sa lamesa. "Sinong mas gwapo, iyan o si Troy?"
Sabay silang lumingon sa akin. Agad ngumiwi si Erika at umayos ng upo. Mahina namang natawa si Bianca.
"Syempre si Troy."
Pinaningkitan ko siya. "Eh, bakit tumitingin ka pa roon?"
"We're just admiring His creations, Sam," aniya na tumuro pa sa itaas. "Kung hindi namin gagawin 'yon sayang naman ang paglikha ni Lord sa kanila," patuloy na giit niya at umirap.
Ibinalik ko ang pag-irap na ginawa niya sa akin. "Dahilan mo."
"Alam mo napaka-conservative mo. Masama na ba kaming tumingin sa mga boys?"
"Si Bianca okay lang, pero ikaw..." Umiling ako nang ilang ulit.
Ngumiwi siya. "I look at them and admire their looks. Iyon lang 'yon."
"Tiningnan mo sila. Ibig sabihin nakuha nila ang atensyon mo."
"Yes. But that doesn't mean I want them to be my boyfriend or something."
Hindi ako sumagot. Nanatili lang na salubong ang kilay ko pero sa loob-loob ko'y nagpipigil na ng tawa. May kasama na kasing gigil ang pagsasalita nito.
"Kapag sa babae ba ako tumitingin at nagsasabi na maganda sila, ibig sabihin ba niyon na gusto ko na silang maging girlfriend?" dagdag niya pa.
Napangisi ako. "Alam mo dapat ikaw ang mag-abogado, eh, tutal hilig mo namang ipaglaban ang alam mong tama," ani ko habang nakaturo sa kanya.
"Agree ako riyan. Tiyak na marami kang maipapanalong kaso, beb," natatawang ani Bianca.
"I'll just take that as a compliment," aniya bago dinampot ang dark chocolate frappe niya. "Nasaan na ba kasi ang mga 'yon?" naiinis niyang sambit pagkababa ng plastic cup.
Kinuha ni Bianca ang cellphone niya na nasa ibabaw ng lamesa at nagkutingting doon. "On the way na raw si Tan. Pero thirty minutes ago pa itong message niya. 'Yung dalawa ba walang message?"
Agad nagsalubong ang kilay ni Erika. "Nagtext si Troy na papunta na pero kanina pa rin 'yon. Kahit kailan ang kukupad ng mga 'yon. Natapos na't lahat ang pagbe-blessing wala pa rin."
"Malapit na siguro ang mga 'yon," tanging nasambit ko. Ayaw na ayaw pa naman nitong isang 'to na pinaghihintay siya. Ngayon lang din naman na-late si Troy sa mga lakad namin kaya ngayon ko lang sila makikitang mag-away dahil doon kung sakali.
Opening ngayon nitong Coffeeholic. Kaibigan at schoolmates nila ang nagmamay-ari nito na ipinakilala na sa akin kanina ng dalawa. Nagulat pa nga ako nang malamang bente uno anyos pa lang iyon. Napakaaga niyang sumabak sa pagne-negosyo.
Lumipas pa ang mahigit limang minuto ay dumating na si Troy. Masamang tingin ang naging pasalubong sa kanya ni Erika.
"Late na kayo. Nakakahiya kay Aria."
Natatawang ikinulong ni Troy ang pinsan ko sa bisig niya. "Naka-kotse ako. Naipit ako ng traffic. Alam mo naman ang daan doon sa amin, hindi nawawalan ng traffic."
"Sana inagahan mo para hindi ka natraffic, 'di ba?"
"Sorry na, hon."
Nakangusong umirap si Erika. "Oo na. Oh, kumain ka muna," aniya pa na inilagay sa harapan ni Troy ang kinuha niyang cinnamon cake para rito. "May gusto ka pang kainin?"
Gusto kong matawa sa pinsan ko. Nagsusungit ang boses habang inaasikaso patuloy naman ang pag-aasikaso sa boyfriend.
"Wala na." Kinuha ni Troy ang frappe nito at humigop doon.
"Nagtext sa'yo sila Xander, Troy?" tanong ni Bianca na nilalantakan na rin ang kanyang croissant.
"Hindi. Hindi nagtext sa inyo?"
"Magtatanong ba kami kung nagtext sa amin?" masungit na tanong ni Erika.
Nagkatinginan kami ni Bianca at natatawang nag-iwas ng tingin. Kapag nainis 'yang si Erika asahan mo ng ilang oras pa bago humupa 'yon. Kaya siguradong hanggang mamaya pa ang pagsusungit niyan sa boyfriend niya.
Eksaktong pagtingin ko sa labas ng café ay siyang pagtigil ng itim na big bike sa harap kung nasaan ang parking lot. Kahit nakahelmet ay alam ko na kung sino iyon. Naka-white shirt ito na napapatungan ng itim na leather jacket, black pants at black shoes. Ganoon lagi ang pormahan niya. Malapit ko na ngang isipin na paborito niyang kulay ang itim.
Nang alisin niya ang suot na helmet ay salubong agad na kilay niya ang una kong nakita. Halos maging isa na ang mga 'yon. Sinuklay niya ng kamay ang hanggang balikat niyang buhok. Bitbit niya ang kanyang helmet nang magsimula itong maglakad papasok.
"Oh, ano? Huwag mong sabihin na natraffic ka rin?" sarkastikong ani Erika nang makita ang pagdating ni Xander.
"Nasiraan ako."
"Ano naman kayang dahilan no'ng isa," mahina at naiiling na sambit ni Bianca.
Umupo si Xander sa tabi ko. Bagay na hindi ko inaasahan kaya nakaramdam ako ng pagkailang. Kung sa ibang pagkakataon kasi ay madalas 'tong nasa head ng table at kung hindi naman ay katabi alin man sa mga kaibigan niya. Hindi ako sanay na nakakatabi siya. Inilibot ko pa ang paningin sa mga upuan. Ang dalawang nasa gilid ko na lang ang bakante at sa kaliwa ko nga ito umupo. Wala siyang choice kung gano'n.
Gusto ko sanang lumipat sa kanan ko pero ayoko namang isipin niyang ayaw ko siyang katabi. Kaya naman kahit hindi na ako halos makakakilos dahil sa pagkailang ay nagtiis na lamang ako.
"Sana nagsabi ka, 'di ba?" mataray na sabi ng pinsan ko.
"Nagtext ako," ani Xander. Umangat ang mga kilay ko nang lingunin niya ako. "Hindi mo na-receive?" mahina nitong tanong.
"S-Sa akin?" Turo ko pa sa sarili habang nanlalaki ang mga mata. Tumango ito kaya naman nagmamadali kong kinuha ang cellphone ko sa sling bag na nakasabit pa sa katawan ko. Napalingon ako kay Xander nang makita nga ang text message mula sa kanyang number twenty minutes ago. Sa tinagal no'n na nakasave sa cellphone ko ay ngayon lang ako nakatanggap ng message mula roon.
"Sorry. Hindi ko nabasa."
Tumango-tango ito. "It's okay."
Nanatili ang seryosong tingin sa akin ni Xander. Napatikhim ako at nag-iwas ng tingin.
"Nariyan si Aria," pagbibigay-alam ni Bianca.
Para akong nakahinga nang maluwag noog alisin ni Xander ang tingin niya sa akin. Hindi ko kinakaya iyon lalo pa't ngayon lang naman niya itinuon ang paningin sa akin.
Nilingon nito ang babaeng paparating. Malawak ang pagkakangiti nito habang nakatutok sa kanya ang paningin. Nang makalapit ito ay agad 'tong yumukod at nagyakap ang dalawa.
"Congrats!"
"Thank you, Shaun!"
"Congratulations, Zahria!" ani Troy na nakipaghigh five rito.
"Thank you!"
"Maupo ka muna, Aria," alok ni Erika. "Uso ang pahinga. Kanina ka pa abala riyan."
Nakangiti akong tiningnan ni Aria. "Can you move to the other chair, please?"
Ngumiti ako rito. Tatayo pa lang sana ako nang maramdaman ang paghawak sa braso ko.
"Ako na ang lilipat," ani Xander.
Tumayo nga ito at lumipat sa kanan ko. Natitigan ko pa ito habang umuupo. Mabilis kong inalis ang tingin ko sa kanya nang magtama ang paningin namin.
"Okay lang ba kayo rito?" tanong ni Aria matapos niyong umupo.
"Masarap ang pagkain at drinks ninyo, Aria. For sure mapapadalas ako rito."
"Oh, thank you so much, Bi. Teka, bakit kulang yata kayo? Nasaan si Tristan?"
"Ewan doon! Tulog pa yata sa kanila," ani Bianca.
Mahinang natawa si Aria. "Loka!"
Nahigit ko ang hininga ko nang lumipat ang tingin niya sa akin. Agad din naman akong nakabawi sa pagkailang nang makita ang maganda niyang ngiti.
"Samantha, right?"
Tikom ang bibig akong ngumiti. "Sam na lang."
"Sam," mabagal na sambit nito. Lumampas ang tingin nito sa akin habang may nanunuksong ngiti sa labi. Mabilis niya rin namang ibinalik sa akin ang tingin. "Enjoy here, Sam!"
Ngumiti ako. "I will."
Tumayo ito at tiningnan ang iba kong kasama. "Maiwan ko muna ulit kayo, ha! Pupuntahan ko muna ang ibang guests."
"Go, beb. Don't worry about us," ani Erika. Lumapit ito sa kanya at sabay silang niyakap ni Bianca.
Umalis si Aria. Saktong dumating naman si Tristan. Katakot-takot na sama ng tingin ang inabot nito sa dalawa.
"Dumating ka pa?" mataray na ani Bianca.
Natatawang umupo si Tristan sa tabi ko. "Nakatulog ako."
Sarkastikong natawa si Bianca. "Tingnan mo nga naman. Tumama pa nga ang hula ko."
"Sana hindi ka na nagpunta. Nakakahiya naman sa'yo," ani Erika.
"Ika nga, it's better late that never, Avalicious," depensa ni Tristan.
"Hayop ka!" Tumayo si Erika at naghamba ng suntok kay Tristan kaya natatawa itong nagtago sa likod ko. "Huwag ka lang talaga lalapit sa 'kin," banta nito habang muling umupo.
Nagpadalang muli si Aria ng mga pagkain sa aming lamesa. Mas dumadami na rin ang kanyang bisita kaya panay lalo ang ikot nito. Ang iba pang bisita ay pumupunta sa lamesa namin at nakikipag-usap sa mga kasama ko. Napapag-alaman ko lang na schoolmates nila ang mga ito kapag sinasabi ni Tristan.
Dumaan ang isang gwapong lalaki. Kahawig na kahawig ito ni Tristan kaya naman nahulaan ko na agad na kapatid niya ito. Mas matapang nga lang ang itsura nito kumpara sa soft boy na kaibigan ko.
"Ow, may bago kayong barkada?"
Nakangisi ito habang nakatingin sa akin. Mukha naman 'tong mabait pero mukha ring... mahangin.
"Pinsan ko 'yan, Marcus! Magtigil ka, ha!"
Natatawa nitong nilingon si Erika. "Bakod na bakod, ah?" Muli siyang bumaling sa akin at naglahad ng kamay. "Hi, I'm Marcus."
"Kuya ko," bulong sa akin ni Tristan.
Inabot ko ang kamay ni Marcus. "Samantha!"
Saglit pang nagtagal ang tingin niya sa akin at ang pagkakahawak niya sa akin. Nakakaramdam na ako ng pagkailang. Natigil lang iyon nang makarinig kami ng tikhim, hindi lang mula sa isang tao kung 'di galing sa kanilang lahat, na malakas na ikinatawa ni Marcus.
"Grabe, walang makakaporma sa'yo kapag ganito ang kaibigan mo," natatawang aniya sa akin. "Anyway, it's nice to meet you, Sam! "
Ngumiti lang ako rito. Nagpaalam na rin naman 'to sa mga kaibigan ko.
Napaangat mula sa sandalan ang likod ko nang maramdaman na may dumikit doon. Sinulyapan ko ang aking likuran. Nakapatong ang braso ni Xander sa ibabaw ng sandalan ng kinauupuan ko. Umangat ang tingin ko sa kanyang mukha. Mag-iiwas na sana ako nang makitang nakatingin siya sa akin ngunit natigilan ako dahil sa narinig ko sa kanya.
"Why are you always avoiding my gaze, Samantha?"
Napakurap ako nang ilang ulit. Ibinalik ko sa kanya ang tingin. Ilang segundo pa kaming nagkakatitigan. Umangat ang gilid ng kanyang labi at narinig ko ang ginawa niyang pagbuntong-hininga.
"At last... our eyes finally met."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top