Kabanata 6
MUKHA ni Erika ang bumungad sa paningin ko nang magising ako. Nakahiga ito sa tabi ko at mahimbing pang natutulog. Dito na naman siguro siya inabot ng antok o tinamad lang bumalik sa kwarto niya. Tuwing gabi pagkatapos ng hapunan ay tumatambay pa kami sa sala, o sa kwarto niya o 'di kaya ay rito sa kwarto ko para magkwentuhan o manood ng movies o korean dramas. Naging routine na namin iyon.
Bumaba na ako nang makapaghilamos. Naabutan ko roon ang mag-asawa ni Tita Agnes. Mukhang tapos na ang mga itong magbreakfast at nagtsa-tsaa na lamang.
"Good morning po!" masiglang bati ko sa kanila. Umupo ako sa harapan ni Tita.
"Good morning, hija. Mukhang pinuyat ka na naman ni Ava kagabi, ah!"
"Nanood lang po, Tita, pero hindi ko rin natapos. Nakatulugan ko na po, eh," nakangiti kong pagku-kwento.
Nagsalin ako ng kape sa tasa. Balak kong mamaya na lamang mag-agahan para may kasabay si Erika.
"Ang pinsan mo, Sam, napakahilig magpuyat. Pagsabihan mo nga minsan, ha," problemadong ani Tito Ethan.
"Ngayon lang naman, hon. Kapag may pasok naman sa school ay hindi," pagtatanggol pa ni Tita sa anak. Hindi naman nakasagot si Tito at napailing na lang ito. Nakangiting bumaling muli sa akin si Tita. "Anyway, May na next month. Malapit na ang birthday mo. Magsabi ka sa amin kung ano'ng gusto mong gawin sa araw na 'yon, okay?"
Napaisip ako roon. Kung hindi pa nila nabanggit ay hindi ko pa maaalalang malapit na ang birthday ko. Tumango ako. "Pag-iisipan ko po, Tita."
Nagpaalam na rin sila na aakyat na dahil kailangan pa nilang maghanda para sa pagpasok sa trabaho. Nanatili naman ako doon para ubusin ang kape ko. Bumaba din naman si Erika kaya naabutan pa ako nito roon.
Nang makapag-agahan ay nagtulong kami ni Erika sa pagdidilig ng mga halaman sa garden. Tinulungan din namin si Manang sa paglilinis. Matanda na si Manang kaya kabilin-bilinan ni Tita na huwag iaasa ang lahat ng gawaing bahay rito. Hindi naman nila magawang kumuha ng ibang katulong kahit gaano pa kagusto ni Tito Ethan. Laging katwiran ni Tita ay mahirap nang magtiwala ngayon.
"Ge pala, ha!"
Napatalon ako sa kinatatayuan nang marinig ang bulong sa mismong tenga ko. Mariin akong napapikit nang makita ang nanunuksong mukha ni Erika.
"Nagulat ako, gaga!"
"So, sino si Ge?" Pinagpag niya ng feather dust ang book shelve habang nakatutok pa rin sa 'kin ang paningin. "Boyfriend mo?"
"Loka hindi!"
"Hindi pero araw-araw magkatext at magkatawagan."
"Bawal sa magkaibigan?" sarkastiko kong tanong.
Umirap siya. "Hindi naman kami ganyan ni Xander at Tristan." Ngumiwi siya. "Yuck! Hindi ko maatim na laging katext at katawagan ang dalawang iyon."
Mahina akong natawa. Bumalik naman agad ang nanunukso niyang tingin.
"So, boyfriend mo nga?"
Napailing ako at bumalik na muli sa pagva-vacuum. "Hindi nga!"
"Pakilala mo naman sa 'kin 'yang si Ge."
"Huwag na at baka kung ano pang sabihin mo."
"Wow! Ang damot, ha! Pagmamay-ari mo?"
Nilapitan niya ako at kinulit pa nang kinulat. Panay ang pagtanggi ko sa tanong nito kung boyfriend ko ba si Gerald pero hindi yata iyon ang gusto niyang marinig na sagot. Tumigil din naman siya nang hindi ko na sinasagot.
Alas dos noong magtungo kami sa tambayan. Inabala ko ang sarili sa pagbabasa ng fantasy book na nabili ko nang magpunta kami last week nila Erika at Bianca sa book store. Nasa loob naman ang iba dahil abala ang mga 'to sa panonood ng bagong zombie movie.
Patapos na ako sa binabasa nang makaramdam ako ng pagkauhaw. Tumayo ako at pumasok sa loob. Nagtaka pa ako nang wala akong makitang tao roon sa sala. Naka-off na rin nag T.V. Inilibot ko ang paningin pero walang bakas nila sa loob. Nilingon ko ang bakuran at napanganga nang hindi ko makita roon ang big bike ni Tristan at Troy. Tanging ang itim na big bike ang naroon. Hindi ko man lang namalayan ang pag-alis ng mga 'yon. At ang mga bwisit, hindi man lang nagpaalam!
Kinain ako ng kaba at pagkailang sa kaalamang naiwan ako roon kasama si Xander. Nilingon ko ang kwarto na tanging siya ang gumagamit. Sigurado akong naroon ito sa loob.
"Wag ka munang lalabas. Diyan ka lang," mahina at may pagbabantang sabi ko pa habang itinuturo pa iyon. Tinitigan ko pa 'yon saglit. Naghihintay sa pagbukas niyon para makatakbo ako pabalik sa terrace pero hindi naman nangyari.
Dumiretso ako sa kusina at kumuha ng tubig sa refrigerator. Sumandal ako sa sink at habang umiinom ay binuklat kong muli ang libro. Ngunit hindi ko pa man naiitama ang paningin sa isang salita ay nakarinig na ako ng pagbukas at pagsara ng pinto.
Kabado akong nag-angat ng tingin at seryosong mukha ni Xander ang nakita ko. Para akong nanigas sa kinatatayuan ko nang maglakad ito patungo sa kusina. Gusto kong lumayo roon pero hindi ko magawang umalis sa pagkakasandal ko dahil sa labis na pagkailang.
Lumapit siya sa refrigerator at kumuha roon ng tubig. Lalong dumikit ang likod ko sa kinasasandalan noong pumunta siya sa malayong gilid ko. Naroon ang lagayan ng mga baso.
Ibinaba ko ang paningin sa libro pero nanatili ang mga mata ko sa isang salita. Run. Narinig ko ang pagsasalin niya ng tubig at nakita ko sa gilid ng aking paningin ang pag-inom niya. Tahimik at palihim akong bumuntong-hininga na akala mo'y kasalanan ang gawin iyon at ipapapatay kapag may nakarinig niyon.
Para akong nakahinga nang maluwag dahil naramdaman ko ang pagvibrate ng aking cellphone. Mabilis ko 'yong dinukot sa bulsa ng shorts ko.
Wala sa sarili akong napalingon sa gilid ko at tiningala si Xander. Muntik pang manlaki ang mga ko nang makitang nakatingin ito sa akin... O sa lababo? Mabilis kong naiiwas ang tingin ko. Parang nagkaroon muli ng buhay ang katawan ko at nagawa kong umalis sa pagkakasandal kasabay ng pagsagot sa tawag.
"Hello, Ge?"
"Kakausapin ka raw ni Nanay."
Hindi ko maintindihan ang sinasabi ni Gerald. Abala ako sa pag-iisip ng kinalalagyan ko. Natural lang ang bawat hakbang ko habang palabas ng bahay. Hindi mabagal at hindi rin mabilis. Hindi pinapahalata kung gaano dumadagundong ang dibdib ko dahil sa lalaki na naroon sa kusina. Ramdam ko na nakatingin siya sa gawi ko kaya kailangan kong magmukhang natural at hindi apektado sa presensya niya.
Nakapikit akong napabuga ng hangin nang makarating sa terrace at nang makaupo roon. Sa tinagal-tagal ko rito ay hindi pa rin ako masanay-sanay sa presensya niya.
"Hello, Samantha?"
Nanlaki ang mga mata ko sa tuwa nang marinig ang malumanay na boses ni Tita Beth, ang nanay ni Gerald. Agad kong nakalimutan ang masalimuot na naranasan kani-kanina lang.
"Tita Beth! Kumusta po?"
"Mabuti, Ineng. Ikaw, kumusta ka na riyan?"
Napangiti ako dahil bakas ang saya sa boses ni Tita. "Mabuting mabuti po, Tita. Miss na miss ko na po kayo riyan."
"Nako, ito nga't nagluto ako ng bilo-bilo. Naalala kita. Hindi ba't paborito mo ito?"
"Paborito ko lang po 'yan kapag luto mo."
"Naku, ang batang ito!" natatawang ani Tita Beth.
"Totoo, Tita. Miss ko na nga ang mga luto mo mo."
Madalas kapag may baon noon si Gerald ay hindi pwedeng hindi magpapadala si Tita ng para sa akin.
"Aba, ay maaari ka namang magpunta rito. Ipagluluto kita."
Napangiti ako. Parang niyayakap ang puso ko sa sinabi niya. Masaya kaming nag-usap ni Tita Beth. Maging ang dalawang nakababatang kapatid na babae ni Gerald ay nakausap ko. Binati pa ako ng mga ito para sa birthday ko kahit halos isang buwan pa iyon.
Nakangiti ako buong oras ng pakikipag-usap sa kanila. At nang matapos ang tawag ay siyang pagdating naman ng apat at nakita ang dala nilang paper bag mula sa isang fast food restaurant. Agad kong naalala ang kasalanan nila.
Mabilis akong tumayo. Hinarangan ko si Erika nang umakyat ang mga 'to sa terrace. Nagulat pa siya nang pigilan ko ito sa pagpasok sa loob ng tambayan. Agad nagsalubong ang kilay niya.
"Problema mo?"
Maglalakad na sana siyang muli pero pinigilan ko siya sa braso. "Bakit mo 'ko iniwan dito?" pabulong kong asik.
"Anong iniwan. Tinatawag kaya kita pero busy ka sa pagbabasa kaya sabi ni Xander 'wag ka na raw abalahin at sasamahan ka na lang niya rito. Nag takeout na nga lang kami, oh."
Lumuwag ang kapit ko sa kanya kaya naman nakaalpas siya sa 'kin. Pabiro pa akong inirapan nito bago siya pumasok sa loob. Ako naman 'tong naiwan pa roon habang iniisip ang sinabi niya.
Sana sumama na lang din siya sa pag-alis, 'di ba, para hindi na ako nagmukhang bato kanina.
Pumasok na ako sa loob ng tambayan. Nilalantakan na nila sa kusina ang biniling pagkain. Maglalakad na sana ako patungo roon ngunit narinig ko ang sinabi ni Erika na ikinakabog nang husto ng dibdib ko.
"Sam, makikigising mo nga si Xander. Kakain na."
Tumuro ito sa sala kaya napalingon ako roon. Nakaupo si Xander sa paborito nitong sofa at nakapikit. Bahagya pa 'tong nakanganga.
Muli kong nilingon si Erika. Ipinakita ko sa kanya ang pagkaayaw ko pero nabigo ako dahil abala na 'to sa pagkain.
"Sabihin mo, Sam, lalamig 'tong pinabili niyang spicy chicken," ani Troy.
Itong mag boyfriend na 'to! Pareho kayong pahamak! Kakatayin ko kayo, eh!
Nakagat ko ang loob ng labi ko. Wala na akong nagawa kung 'di humakbang palapit sa pwesto ni Xander.
"Xander." Dinutdot ko ang braso niya pero hindi iyon nakatulong. "Xander, gising na," malumanay na tawag ko habang tinatapik siya pero hindi pa rin siya nagigising. Hampasin ko kaya ng throwpillow 'to? "Xan-"
Muli ko pa sana siyang tatapikin pero natigilan ako nang hawakan niya ang kamay ko habang nanatili siyang nakapikit. Kinain ako ng kaba dahil baka nainis 'to sa pang-gigising ko. Sinubukan kong alisin ang pagkakahawak niya sa akin pero lalo niya lang iyon hinigpitan. Nagmulat siya at sa aking mga mata agad tumama ang kanyang paningin. Kitang kita ko nang bahagyang umangat ang magkabilang gilid ng labi niya.
"P-Pinapagising ka nila Erika. Kakain na." Hinila kong muli ang kamay ko at nagwagi naman ako roon. Tinalikuran ko siya at nauna na sa kusina. Tumabi ako kay Bianca.
"Oh, Sam, kain na," alok ni Tristan. "Ano'ng gusto mo?" tanong niya habang ipinaglalalagay sa harapan ko ang mga pagkain.
"Ito na lang." Kinuha ko ang Bacon wrapped hotdog.
"Nagtext si Aria kanina. Opening bukas ng coffee shop niya, ha. Pupunta tayo," ani Erika.
Gumigilid ang mga mata ko habang binubuksan ang wrapper sa pagkain at kasabay ng pakikinig sa sinasabi ng pinsan ko. Nang makita ang pag-upo ng isang tao sa head ng table ay itinuon ko na ang buong atensyon sa iba.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top