Kabanata 4

NALIGO ako pagkalabas ni Erika at pagkatapos ay inayos ko ang aking mga gamit. Inilalagay ko sa closet ang mga damit ko nang may kumatok sa pinto. Agad 'yong bumukas at pumasok ang nakangiting si Tita Agnes. Inilibot niya ang paningin sa mga damit kong nasa kama habang naglalakad palapit sa akin. Itinigil ko naman muna ang ginagawa at hinarap siya.

"Okay ka lang ba rito, Sam?"

Ngumiti ako at tumango. "Okay lang po, Tita."

"Kapag may kailangan ka sabihin mo lang sa akin o kay Ava. Nariyan din si Manang Nelia." Tiningnan niya muli ang mga gamit ko. "Bakit hindi ka muna magpahinga? Sana bukas mo na ginawa iyan. O pwede ko namang ipaayos kay Manang Nelia."

"Okay lang po, Tita. Saglit lang naman po ito."

"O siya, ikaw ang bahala. Sige na, tapusin mo na iyan para makapagpahinga ka na. Maiwan na kita at baka lalo kang hindi makatapos."

Ngumiti si Tita at tinapik ako sa balikat bago niya ako tinalikuran. Bumalik na muli ako sa ginagawa nang makalabas siya. Nang matapos ako sa pagsasalansan ng damit ay humiga ako sa kama na kanina pa nang-aakit na humiga ako roon. Ramdam ko ang bahagya kong paglubog nang humiga ako roon. Pumikit ako para mas damhin ang lambot niyon.

Mabilis akong bumangon nang may maalala. Dinampot ko ang cellphone ko na nasa sidetable. May text message roon mula kay Gerald. Kanina pa 'yong alas onse at alas tres na ngayon. Nakagat ko ang ibabang labi. Ngayon ko lang naalala na hindi pa nga pala ako nakakapagtext sa kanya. Kabilin-bilinan niya pa naman na magtext ako kapag nakarating na ako para raw hindi siya mag-alala.

Hoy! Hindi ka na nagtext kung nakarating ka na sa pupuntahan mo! Ganyan ba kita pinalaki?

Natatawa akong napailing. Kahit sa text ay puro kalokohan ang sinasabi ng isang iyon.

Narito na sa Santa Clara.
Kanina pang 12.
Sorry hindi agad ako nakapagtext.

Hindi agad 'to nakareply. Nasa trabaho marahil. Nakapikit ako at madadala na sana ng antok nang maramdaman ang pag vibrate ng cellphone kong nasa kamay ko pa rin.

It's okay.
Ang mahalaga nariyan ka na at safe.
Text ulit ako mamaya. Nag CR break lang ako para masilip ang cp.

Okay. Trabaho nang mabuti. :)

Yes, boss!

Ibinaba ko ang cellphone na may ngiting nakapaskil sa labi ko. Pumikit ako at mabilis ring nakatulog dahil sa pagod.

Nagising akong madilim na ang paligid. Kinapa ko ang kama. Nang madampot ang cellphone ay sinilip ko roon ang oras. Tatlong minuto na lamang ay alas syete na ng gabi.

Bumango ako at lumabas ng silid. Tiningnan ko ang kaliwa't kanan ng pasilyo pero wala akong makitang tao roon. Lumapit ako sa railings at tiningnan ang ibaba pero wala rin doon sa sala sila Erika.

Habang pababa ng hagdan ay wala akong makitang bakas nila kahit ni Manang. Inilibot ko pa ang paningin nang tuluyang makababa. Nagtungo ako ng kusina pero wala rin sila roon.

'Umalis yata sila.'

Bumalik ako sa sala. Aakyat na sana akong muli ngunit natigilan ako nang makarinig ng tugtog. Napalingon ako sa glass wall at lumapit doon. Hinawi ko ang makapal na puting kurtina st doon ay nakita ko sila.

Pinanood ko ang mag-anak ni Tita at si Manang na abala roon sa garden. Abala si Erika sa pag-iihaw ng barbecue. Si Tita at Manang ay nag-aayos ng mga pagkain sa lamesa. Samantalang si Tito ay nakaupo lang at nakangiting nakatingin sa asawa. Nag-uusap ang mga ito.

Habang pinagmamasdan sila ay magkahalong pakiramdam ang dulot niyon sa puso ko. Naroon ang saya dahil nakikita kong maayos at masaya ang pamilya nila. Pero sa isang sulok ng puso ko ay mayroon ding nalulungkot sa kaisipang sana ay kasama ko pa rin hanggang ngayon ang mga magulang ko at buo kami. Na sana ay kasama ko sila ngayon dito. Na sama-sama kaming nagsasaya.

Tumama ang paningin sa akin ni Erika nang mag-angat siya ng ulo. Mabilis na nalagyan ng ngiti ang kanyang labi. Nakakahawa iyon kaya umangat ang magkabilang gilid ng labi ko. Kumaway ito sa akin bago iminwestra ang kamay para palabasin ako.

Nakangiti akong lumabas ng bahay. Naging mas malinaw sa pandinig ko ang kantang "I Need You" ng Westlife na kasalukuyang tumutugtog. Paniguradong si Erika ang nagpatugtog niyon dahil paborito niyang banda 'yon. Napakaliwanag din sa buong garden dahil bukas lahat ng ilaw sa poste na nakapalibot dito. Sa gitna ay naroon ang mahabang lamesa. Naglalakad pa lang ako palapit doon ay nilapitan na ako ni Erika.

"Surprise!" nakangiting aniya habang nakadipa ang mga braso. "Welcome party namin for you."

Bahagya akong napanganga roon. "T-Talaga?"

"Syempre naman, 'no!"

Lumundag ang puso ko. Hindi ko akalaing mag-aabala pa sila dahil lang sa pagdating ko. Mas naramdaman ko ngayon na talagang dito na ako sa Santa Clara mamamalagi.

"Let's go." Patagilid siyang yumakap sa akin habang naglalakad kami. "Susunduin na sana kita maya-maya 'pag natapos ang preparation, eh."

"Akala ko nga umalis kayo, eh."

"Oh, Sam, gising ka na pala," ani Tito nang malingunan ang paglapit namin sa lamesa. Naka-slacks pa ito at longsleeve. Marahil ay kagagaling lang mula sa trabaho. Pagmamay-ari ni Tito ang Javier Law Firm. Iyon ang pinakamalaki at kilalang Law Firm sa lugar na ito at sa mga karatig bayan. Secretary niya naman si Tita.

"Good evening po!" bati ko sa kanila.

"Hija!" sigaw ni Tita. Lumapit ito sa akin at hinawakan ako sa braso. Kumalas naman si Erika sa pagkakayakap sa akin. "Halika, maupo ka na."

Muli akong inakay ni Tita palapit sa isang upuan at pinaupo roon. Sa tabi ko naman pumwesto si Erika. Puno ng pagkain ang lamesa. Naghahalo-halo na ang mabago at nakakatakam na amoy ng chapseuy, bulalo, at crispy pata. Nadagdagan pa iyon nang ilapag ni Manang ang barbeque.

"How's the foods, Sam?" tanong ni Tita sa kalagitnaan ng paghahapunan.

"Masarap po lahat, Tita," nakangiti kong tugon.

"Ako ang nagluto niyan!" proud na ani Erika.

Nanlaki ang mga mata ko sa gulat. "Hindi ko alam na marunong kang magluto."

Natawa si Manang at Tita pagkasabi ko niyon. Sumimangot naman si Erika at masamang tingin ang ipinukol sa akin. Iyon naman talaga ang alam ko. Alam kong hilig niya ang pagbe-bake pero hindi ang pagluluto ng mga ulam.

"Mga prito lang ang alam niyang luto, Hija. Hindi pa siya marunong ng mayroong sarsa at sabaw," ani Manang.

"Akala ko naman ikaw talaga ang nagluto."

Pabiro siyang umirap sa akin. "Nag-aaral ako para kapag nag-asawa ako ay hindi ko na kailangang kumuha ng tagaluto." Nanlaki ang mga mata niya at napanganga pa. "Ikaw pala ang unang patitikimin ko ng mga lulutuin ko."

"Salamat na lang," ani ko na ikinatawa nila Tita maliban sa kanya na masama muli ang tingin sa akin. Natatawa ko namang dinuggo ang balikat niya. "Joke lang. Sige, ako taster mo."

"Ay sus! Napaka-supportive!" Natatawa niya rin akong dinunggo.

Nagsalin si Tito Ethan ng wine sa mga wine glass. Kahit ang nasa tapat ko ay nilagyan niya.

"Try it, Sam," ani Tito.

"Hindi naman iyan nakakalasing, hija," nakangiting ani Tita.

Tumikim nga ako roon kahit pa nagdadalawang isip. Inaalala agad ang lasa niyon. Kaunting dampi lang muna niyon sa aking dila ang ginawa ko. Sapat lang para malaman kung ano'ng lasa niyon.

"Masarap?" tanong ni Erika.

Matamis ang lasa niyon sa una. Nga lang kapag tumagal ay pumapait sa bandang lalamunan. "Okay lang," tanging naisagot ko. "Ang pakla," pasimpleng bulong ko kay Erika. Tahimik itong natawa.

Nagpatuloy ang aming pagsasaya. Nakangiti naming pinanood si Tita at Tito na magkayakap at malumanay na sumasayaw sa tugtuging "Fly Me To The Moon" ni Frank Sinatra.

"Pangarap ko noong makahanap ng katulad ni Daddy," nakangiting ani Erika habang nakatingin sa kanyang mga magulang. "Sabi ko pa, kapag hindi rin lang katulad niya ang mapapang-asawa ko, huwag na lang."

Nilingon ko siya habang nakapangalumbaba sa lamesa. "May boyfriend ka kamo. Napantayan niya ba si Tito?"

Nakangisi siyang umiling. "Hindi niya kailanman mapapantayan si Daddy. Pero katulad ni Daddy, alam kong magiging mabuti siyang asawa at ama."

Natitigan ko si Erika. Ang layo na ng iniisip niya samantalang ako ay parang ngayon pa lang kikilos talaga sa mundong 'to. Parang ngayon pa lang gagana ang isip ko sa kung paano ba mag-isip ang mga kasing-edad ko.

Napatingala ako sa kanya nang mabilis itong tumayo. Nanlaki ang mga mata ko nang hawakan niya ako sa dalawang kamay at hinila patayo.

"Let's dance!" sigaw niya.
Natatawa akong sumunod. Kahit si Manang ay hindi nakaligtas sa kanya. Natapos ang gabing iyon na may nakapaskil na ngiti sa aming lahat.

Mataman kong pinagmamasdan ang nakangiting lalaki na nakatayo sa harapan ko.
Dumating ito habang nagtatanghalian kami ni Erika. Hindi pa man naipapakilala ay nahuhulaan ko na kung ano siya ng pinsan ko.
Matangkad ito at maaliwalas tingnan ang mukha. Sa unang tingin ko pa lang sa kanya kanina ay naisip ko ng mabait ito. Nga lang ay mukhang tahimik na tao.

Nakangiti kong nilingon si Erika na nasa tabi ng lalaki. Nakapaikot ang braso niya sa bewang nito. Matangkad siya pero nagmukha siyang maliit sa tabi nito.

"He's Troy, my boyfriend," nakangiting pakilala ng pinsan ko. Tiningala nito si Troy. "Hon, she's Samantha, my cousin."

Naglahad ito ng kamay. "It's nice to finally meet you, Samantha. Palagi kang nababanggit nitong pinsan mo."

Nilingon ko si Erika na nagmake face pa sa akin. Muli kong nakangiting nilingon si Troy. "Nice to meet you too, Troy. Sam na lang."

Ipinagpatuloy namin ang pananaghalian. Maging si Troy ay sumabay na rin sa amin. Nang matapos ay agad kong dinala ang mga pinagkainan namin sa lababo.

"Ako na rito. Magbihis ka na. May pupuntahan tayo," sunod-sunod na ani Erika na inagaw ang sponge sa kamay ko.

"Saan naman tayo pupunta?" nagtataka kong tanong. Doon ko lang napansin na bihis na bihis na ito. Naka-bodycon dress ito. Balak pa yata akong gawing third wheel ng dalawa.

"Basta. May pupuntahan tayo." Hindi ko pa nagawang kumilos agad kaya naman nanlalaki ang mga mata niya nang lingunin ako. "Bilis!"

Ngumiwi ako sa kanya. Kahit nagtataka kung saan man kami pupunta ay umakyat na ako. Dahil nakaligo na kanina ay nag toothbrush na lamang ako. Pinatungan ko lang ng pulang flannel ang suot kong white shirt. Nagpalit din ako ng maong shorts.

Nang makababa ako ay magkatabi na ang dalawa sa sofa. Nagtatawanan ang mga ito habang nanonood sa cellphone. Tumikhim ako kaya pareho silang napalingon sa akin. Agad namang tumayo ang mga ito.

"Manang, aalis na po kami!" sigaw ni Erika.

"Mag-ingat," ganting sigaw rin ni Manang na nalingunan ko sa likod-bahay. Doon ito mahilig maglagi kapag wala itong ginagawa dahil mahangin roon. Kumaway ako rito.

Nagtaka ako nang maglakad ang dalawa pagkalabas namin ng gate. Akala ko kasi ay malayo ang pupuntahan namin. Tahimik na lamang akong sumunod sa kanila.

"We're here."

Tumigil kami sa harap ng isang bahay. Kahoy iyon at katamtaman ang laki. Light brown ang pintura niyon maging ang kahoy na bakod at gate na hanggang dibdib ko lamang. Pumasok roon ang dalawa, sumunod naman ako habang patuloy na inililibot ang paningin. Malinis ang paligid. May nakaparada pa na asul na big bike sa may kalawakan na bakuran. Bahay marahil ito nila Troy?

"Ito ang tambayan, Sam," ani Erika na ngayon ay nasa tabi ko na. "Tambayan 'to ng tropa. Mamaya parating ang iba."

Umangat ang kilay ko sa narinig. Tambayan lang nila 'to?

"Sa pamilya ng isang kaibigan ang lupaing ito. Kay Xander. Hindi naman ginagamit kaya naisipan naming patayuan ng bahay," pagku-kwento pa ni Erika.

Patuloy ang pagmamasid ko habang umaakyat kami sa tatlong baitang na hagdan. Mayroon doong terrace. Sa kanang bahagi ay mayroong tatlong single na upuan at isang pandalawahang sofa. Sa kanang bahagi naman ay may isang duyan. Parang gusto kong umupo sa mga 'yon at titigan lang ang paligid. Ganoon pa lang ay relax na relax na ako. Namamangha akong umikot para muling makita ang buong paligid. Napangiti ako.

Mukhang mawiwili ako sa lugar na 'to.

"Sam, Let's go!

Nilingon ko sila Erika. Nakita kong bukas na ang pinto ng tambayan. Pumasok na rin ang dalawa kaya naman sumunod ako. At muli ay agad kong inilibot ang paningin. Mayroong sala, kusina at dalawang kwarto. Kumpleto ang kagamitan na para akong nasa isang tunay na bahay. Mayroon ding white board sa dingding ng kwarto malapit sa pinto. Punong puno iyon ng mga litrato.

Hindi ko naiwasang mamangha sa nakikita. Hindi ko inaasahan na ganito ang loob ng tinatawag nilang tambayan. Alam kong hindi lang ito basta tambayan, isa itong tahanan para sa kanilang magkakaibigan. Sigurado akong napakarami ng nasaksihan ang bahay na ito sa maraming pangyayari sa buhay nila.

This is... Home!

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top