Kabanata 32
NAKARATING kami sa tabi ng dalampasigan na walang umiimik. Mukhang pareho pa naming hinahanap ang tamang salita kung paano uumpisahan ang pag-uusap. Naghahalo ang hampas ng alon at ang tugtog sa reception area sa tenga ko.
Umangat ang tingin ko sa kanya nang marinig ang malalim niyang buntong-hininga. Tumigil ito sa paglalakad at hinarap ako.
"Ang tagal kong hinihila ang sarili para makausap ka... pero ngayon namang nasa harapan na kita hindi ko alam kung paano mag-uumpisa."
Tipid akong ngumiti hanggang natapos iyon sa mahinang tawa. "Pareho tayo, Xander." Alam ko... Ramdam ko na pareho lang ang gusto naming mangyari ngayon.
Muli kaming naglakad. Nagkatinginan pa kami at natawa dahil sa sabay kaming napabuntong-hininga.
"I'm sorry, Samantha!"
Nahugot ko ang hininga nang sa wakas ay marinig itong nagsalita. Tumigil ako sa paglalakad at hinarap siya. Muli niya rin naman akong hinarap. Bakas ang lungkot at pagsisisi sa kanyang mga mata.
"Ayokong... naiiwan... ng inaabanduna, pero gano'n ang ginawa ko sa'yo. Galit na galit ako sa sarili ko noong mga panahong iyon. I'm sorry... I know that what I've done is so unfair for you. I'm sorry kung nasaktan kita nang lubusan noong sabihin kong naalala ko ang mga kasalanan nila sa'yo. Ilang taon kong pinagsisihin na nasabi ko iyon."
Sumabog ang luha ko matapos marinig ang lahat ng iyon. Kinabig niya ako payakap. Mahigpit iyon. Bumuhos ang lahat ng alaala ng nakaraan namin.
"A-All this time a-akala ko naging isang anino ako ng kasalanan ng mga magulang natin."
"It's not true, Samantha. Kailanman ay hindi naging gano'n ang tingin ko sa'yo. Naging duwag lang akong harapin ang sakit kaya naghanap ako ng mapapagbuntunan ng galit. I'm really sorry!"
Naisubson ko ang mukha sa kanyang dibdib. Ibinuhos ko lahat ng kirot sa dibdib. Ibinuhos ko na lahat. Ayoko ng may matira pa roon.
"I'm sorry, Sam-"
"Shhh." Kumalas ako at sinapo ang kanyang mukha. "Okay na," tumatango kong ani. "Masaya na ako na malamang hindi ganoon ang nararamdaman mo tuwing nakikita ako. It's all in the past now, Xander. Iwan na natin ang lahat ng iyon sa kahapon."
Saglit pa kaming nagyakap. At nang pakawalan ang isa't isa alam naming iyon na ang totoong wakas ng lahat sa aming dalawa. Napalaya na ang mga salitang hindi nasabi sa nakalipas na taon. Pinapalaya na ang sakit.
"Paano mo nalaman ang tungkol sa mga magulang natin?" tanong ko nang hindi siya nililingon. Pareho kaming nakaharap sa dalampasigan.
"Dad told me."
Hindi na rin naman ako nagtaka na kay Tito James niya nalaman. Iyon din naman ang sabi ni Tita, na ito lang ang nakakaalam ng nangyari kina daddy.
Palagi kong naalala noong nagdiwang kami ng first anniversary ni Xander sa kanilang bahay. Siguro nalaman niyang ako ang anak ni daddy matapos kong banggitin ang tungkol kina Tita Agnes. Napabuntong-hinga na lamang ako. Maybe he was mad at me that time. I'm still thankful na hinarap niya pa rin ako nang maayos noon at hindi binastos.
"Ilang beses niyang sinabi sa akin ang tungkol doon pero hindi ko pinapansin. Akala ko sinasabi niya lang 'yon dahil... baka ayaw niya sa'yo." Malungkot siyang napangisi at parang inaalala ang nangyari noon. "Until he showed some pictures of your father and my mom."
"Siguro pinagtagpo lang tayo para malaman ang nakaraan nila," sambit ko habang nakatingala sa kalangitan. "Hindi lang naman sakit ang idinulot sa 'tin ng mga nangyari, 'di ba?"
"Of course. I learned to forgive her. Wala na siya. Hindi naman ako pwedeng mabuhay na puno ng galit sa kanya "
Napangiti ako. At least, may magandang naifulot ang sakit na naramdaman namin.
Nangaligkig ako nang umihip ang malakas na simoy ng hangin. Natawa naman ito. Hinubad niya ang coat at ipinatong iyon sa balikat ko.
"Let's go. Nilalamig ka na."
Nagsimula na kaming maglakad pabalik.
"Balak kong ipaayos ang tambayan."
Mabilis akong napalingon sa kanya. Nang mabanggit ang tambayan ay bumigat ang nararamdaman ko.
Malalim akong bumuntong-hininga. "Hindi pa ulit ako nakakapasok doon since last year."
Noong huling punta ko roon ay wala na ang mga gamit doon. Tanging ang lumang sofa na lang ang natira sa terrace. Ang dalawang board naman ay na kay Bianca at Erika.
"Hindi na pwede, Sam. Gato na kasi. Kaya naisip kong ipaayos na at gawing bahay."
"Bahay naman 'yon," mahina kong ani. Isa iyon sa itinuring kong tahanan noong wala akong matawag na tahanan ko.
"Paano 'yung bahay mong isa?" tanong ko pa.
"Doon ako titira. Ang tambayan kay Elion."
Tumango-tango ako.
"Ikaw ang balak kong kunin roon."
Mabilis akong napalingon muli sa kanya. "Hindi nga? Aba, hindi ko iyan tatanggihan."
"It's settled then. Pag-usapan natin sa Manila."
"Sure."
Hindi naman ako nakuntento at inusisa pa siya.
"Bakit wala ka pang girlfriend?"
"Who says I don't have a girlfriend?"
Umarko ang isang kilay ko. "Mayroon? Bakit wala akong nababalitaan?"
Ngumisi siya. "Yes... I don't have a girlfriend."
Napairap ako.
"So, bakit nga wala pa?"
"Wala pa ulit ibinibigay," aniya at nagkibit-balikat. "What about you? I bet you're in love. Pansin ko ang ibang kislap ng mga mata mo, Samantha."
Napangiti ako.
"Who's the unlucky guy?"
"Grabe ka sa 'kin!" Natatawa kong hinampas ang braso niya.
Tumigil siya sa paglalakad at muli akong hinarap. "I want to see you happy, Samantha."
"Masaya ako," natatawa kong ani.
"Ang puso mo?"
"Masaya... pa rin." Masayang magmahal ng kaibigan, 'no. Libre lagi ang silay!
Ngumisi siya. "I want to see you happy with the person you love, Samantha. Gusto kong mahanap mo ang taong magiging matapang sa lahat ng pagsubok na kakaharapin n'yo. Ang taong magiging matapang na hahawakan ang kamay mo kahit gaanong kasakit pa ang danasin ninyong dalawa."
"Ikaw rin. Sana ay makita mo ang babaeng makakasama mo habang buhay," seryosong sabi ko. "At sana ay maging matapang ka na sa lahat ng pagsubok na kakaharapin ninyo," pang-aasar ko pa na ikinangisi niya.
Hinawi niya ang buhok kong umalpas na sa pagkakaipit at humaharang sa aking mukha.
"Thank you for being part of my life, Samantha Cruz."
"Thank you, Xander!"
Umakbay siya sa akin. Magpapatuloy na sana kami sa paglalakad nang mapansin ko si Gerald na tumatakbo at nagpapalinga-linga na parang may hinahanap. Natigilan ito nang makita kami.
"Oh, there he is." Rinig kong ani Xander pero hindi na iyon pinasin.
Nabura ang ngiti ko nang mapansing hinihingal si Gerald. Mabilis siyang lumapit sa akin. Nanlaki ang mga mata ko sa pagkabigla nang sapuhin niya ang aking magkabilang pisngi. Pinasadahan niya ng tingin ang mukha ko na para bang pinag-aaralan iyon.
"She cried... pero hindi ko siya sinaktan."
Napalingon sa akin si Xander nang dalhin ako ni Gerald sa gilid niya. Napangisi ito at napailing. Takang nagpalipat-lipat ang tingin ko sa kanilang dalawa nang magtitigan sila.
"Uh... guys-"
"Ano pa bang hinihintay mo? Pasko?" sarkastikong ani Xander. Muli siyang ngumisi. "Noon hanggang ngayon ang kupad mo pa rin."
"Shut up! Alalahanin mong may kasalanan ka pa sa 'kin!"
Nakaramdam ako ng kaba nang makita ang pagtiim ng bagang ni Gerald.
"G-Ge..." Hinawakan ko siya sa braso. Hindi niya ako nilingon pero ramdam ko ang paghigpit pa ng hawak niya sa kamay ko. Hindi naman iyon masakit.
"Wala akong maaalalang kasalanan ko sa'yo, Engineer Lopez."
Mabilis ang naging pagkilos ni Gerald. Nanlalaki ang mga mata ko nang makitang nakalapit na ito kay Xander at mariin na niyang hawak ang kwelyo nito.
"Gusto mo bang ipaalala ko pa sa'yo, ha? Sinira mo ang pangako mong hindi mo siya sasaktan at hindi siya paiiyakin! You fucking hurt her!"
Hindi agad nakaimik si Xander at nanatili lang ang tingin sa kaharap. Malalim itong bumuga ng hangin. Inabot niya ang mga kamay ni Gerald at inalis iyon sa pagkakahawak sa kanya.
"Napagbayaran ko na 'yon. Alam mo 'yan."
Pareho silang natahimik. Kita ko ang mabilis na pagtaas-baba ng mga balikat ni Gerald. Ginising ko ang sarili sa pagkagulat at mabilis na pumagitna sa kanila.
"Ano bang nangyayari sa inyo?! Dito pa talaga kayo mag-aaway, ha?!"
Wala akong narinig na sagot mula sa kanila. Hinawakan ako ni Gerald at hinila ako palayo roon. Ni hindi ko na nagawang umangal o lingunin man lang si Xander.
"Ge!" tawag ko nang makapasok kami sa hotel. Pinagtitinginan na kami ng mga empleyado. Hindi siya sumagot o tumigil man lang. Dire-diretso pa rin ang lakad nito hanggang sa makarating kami sa elevator.
"Ano bang nangyayari sa'yo? Ano'ng nangyayari sa inyo?" Okay naman sila sa mga nakaraang pagkikita nila. Hindi ko sila nakitang nagpapansinin at hindi rin ganito.
Hindi siya umimik. Madilim pa rin ang itsura nito. Mukhang dala pa rin ang galit para kay Xander. Bumukas ang elevator. Naglakad siya, hawak na muli ang kamay ko patungo sa hotel room nila. Umupo ito sa sofa. Nanatili naman akong nakatayo sa harapan niya.
"Alam mong ayaw ko sa hindi nagsasabi ng totoo, specially when it comes to their feelings, Gerald."
Marahas ang naging pagbuga niya ng hangin at napahilamos sa mukha.
"See? Mayroon ka ngang hindi sinasabi sa akin."
Mabilis ang pagkilos niya nang tumayo. Nakaramdam muli ako ng kaba lalo na ng makita ang lungkot at paghihirap sa kanyang mukha. Hindi rin siya mapakali.
"Oo, mayroon akong hindi sinasabi at... at hindi ko na kaya, Samantha. Hindi ko na kayang magtimpi. Hindi ko na kayang... hindi ko na kayang maghintay pa. Parang sasabog na ang puso ko dahil punong puno na 'to ng nararamdaman para sa'yo."
Napanganga at nanlaki ang mga mata ko sa huli niyang sinabi. Parang hinampas ng gong ang puso ko sa lakas ng kalabog niyon. Nabibingi ako. Gusto kong humingi ng kumpirmasyon kung tama ba ang narinig ko, pero hindi pa man ako nakakapagsalita ay ibinigay niya na iyon.
"Noon pa man, eight years ago mahal na kita, Samantha. Mahal na mahal."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top