Kabanata 29

"SO, six years na kayong hindi nagkikita?"
tanong ni Mirra, my former classmate rito sa Maynila at ngayon ay nagta-trabaho sa isang Architectural/Engineering Firm kasama ko.

Kasalukuyan kaming nasa Kiosk, isang restaurant bar. Nagkwento lang naman siya tungkol sa ex niya habang umiinom hanggang pati nakaraan ko naungkat na namin. Nagulat pa nga siya nang malaman ang tungkol kay daddy. Wala raw siyang ideya na ganoon ang mga pinagdadaanan ko noon.

"Nagkikita pa rin. Nasa iisang circle of friends kasi."

"Ang awkward! Hindi ko yata kaya iyon." Ngumiwi siya bago tumungga ng alak. "Paano mo nakaya ang lagi siyang nakikita after ng nangyari sa inyo? Kasi kung ako 'yan baka magpakalayo-layo ako."

Nakangisi akong nagkibit-balikat "Hindi ko naman kinaya sa una. Pero mas inisip ko na lang na pareho kaming nasaktan kaya hindi rin naging mahirap sa akin ang lumimot sa sakit."

"Hindi ka man lang ba marunong magalit? Kasi... sige... sabihin nating nasaktan siya sa nalaman niya. Pero kailangan ba talagang gano'n ang gawin niya sa'yo? It's not your fault pero ibinato sa'yo ang galit. My Gosh! Baka kung ako 'yan nanumbat na ako nang nanumbat! Hindi ko patatahimikin ang buhay niya!"

Mahina akong natawa. Mukha na itong may kaaway sa lakas ng boses.

Malalim akong napabuntong-hininga. Siguro nga ay ganoon ang gagawin ng iba tulad ng sinabi niya. Ginawa ko rin naman iyon. Hindi nga lang nakarating kay Xander at nagagawa ko lang iyon kapag umiiyak sa kwarto. Pero nakakapagod ang magalit nang magalit. Sarado na ang isip at puso ko sa ibang emosyon noon. Tanging sakit lang ang pumupuno sa pagkatao ko.

Tinitigan ko ang alak sa baso. Parang nakikita ko roon ang sariling nalulunod sa sakit anim na taon na ang nakakalipas.

Anim na taon na pala. Napakabilis talaga ng panahon. Pero noong mga oras na labis ang sakit na nararamdaman ko ay para bang napakabagal ng bawat minuto. Noong mga panahong iyon gusto kong umihip ng malakas ang hangin at tangayin niyon ang sakit na nararamdaman ko.

Pagkatapos ng gabing iyon sa rooftop ay para bang mas naging malupit sa akin ang bawat araw na dumadaan. Walang araw na hindi ko tinawagan si Xander. Humihingi ng tawad sa nasabi kong tapusin na namin iyon. Pero araw-araw niya rin akong binabalewala. Walang araw na hindi ako pumupunta sa bahay nila hanggang sa nanawa na siya at kinausap ako na 'wag na akong pumunta pa ulit doon. Bawat araw na nakikita ko siya ay para akong sumasabak sa giyera. Nagtatalo ang puso't isip ko kung sino ang ililigtas- ang sarili ko ba o siya.

Para akong bumalik sa mga panahong nawala si daddy. Gabi-gabi akong umiiyak. Gabi-gabi akong humihiling na sana ay panaginip lang ang lahat ng nangyari. Bawat segundo ng mga panahong iyon ay tinik sa puso ko na gustong gusto kong alisin. Gusto ko nang lumipas ang panahon dahil alam kong kapag natapos ang mga taon na iyon ay mawawala na rin ang sakit na naramdaman ko. Gusto kong matulog nang matagal at pagkagising ay wala na ang sakit na paulit-ulit akong pinapatay.

Akala ko noon ay hindi na mawawala ang sakit. Kapag talaga naroon ka sa ganoong estado, akala mo katapusan mo na. Araw-araw akong bumabangon, pero para bang naiiwan ang kaluluwa ko sa higaan. Walang buhay pero nagpapatuloy sa paghinga.

"Anong nangyari after no'n? Syempre lagi kayong nagkikita at hindi ka niya kinakausap... pinilit mo pa rin ba? O naka-move on ka rin agad?"

Nangalumbaba ako at tinitigan ang basong naglalaman ng beer. "Noong makita kong sukong suko na siya, hindi ko na ipinilit." Dahil sumasagi palagi sa isip ko ang mga sinabi ni Gerald, na hindi ko pwedeng hayaang masugatan ako habang naghihilom si Xander.

Nakita ko ang lungkot sa mukha ni Mirra nang mag-angat ko ng tingin. Ngumisi ako at umiling.

"What about the tambayan, nagkikita pa kayo roon?"

"After ng break up hindi. Pumupunta lang ako roon kapag alam kong wala siya roon. Syempre gusto ko ring lumimot. Alam kong ganoon din naman siya, tumetyempo rin."

"Kung ako ang kaibigan ninyo that time baka pag-umpugin ko kayo." Naiiling niya muling ani.

Nawala ang ngiti ko.

Ang mga kaibigan ko... sila ang labis na naapektuhan sa nangyari sa amin. Kita ko ang lungkot sa mukha nila dahil sa nangyari sa amin at ang galit nila kay Xander dahil sa ginawa nito sa akin. Nagtagal ang galit ni Erika kay Xander. Minsan pa pati sila ni Troy ay nag-aaway na dahil doon.

"Ako na ang kakausap kung palagi rin namang galit ang uunahin mo."

"Sige nga, ikaw, Troy! Ikaw ang gumawa! Tutal sa'yo lang naman nakikinig ang kumag na 'yon, eh! Nakakapagod intindihin ang taong ayaw magpaintindi!"

At minsan ko pang nalaman na nag-away si Tristan at Xander dahil sa patuloy nitong pag-iwas sa akin at umabot iyon sa pisikalan.

"Sinabi ko lang naman sa kanya na kung hindi niya na kayang balikan si Sam ay kausapin niya nang maayos! Hindi 'yong umaasta siyang parang siya lang ang naapektuhan sa nalaman niya!"

"Naroon na ako sa kinausap mo siya! Pero hindi mo ba siya makausap nang maayos, ha?! Kailangan talagang paabutin ninyo sa ganito? Look at your face! Ni hindi mo na nga maimulat ang isang mata mo!"

"Siya ang nag-umpisa nito, Troy! Siya ang unang sumapak dahil hindi niya matanggap na duwag siya!"

Kirot sa puso ang makita silang nag-aaway nang gano'n. Kung may pagsisisihan man ako sa mga nangyari noon, iyon ay ang muntik ng pagkasira ng pagkakaibigan nila dahil sa amin... dahil sa akin. Dahil kung hindi naman ako dumating sa buhay nila ay hindi sana nangyari iyon. Kung nasira ang pagkakaibigan nila na ilang taon nilang iningatan, baka hindi ko na magawang harapin isa man sa kanila. Baka hindi ko mapatawad ang sarili ko.

Dumaan ang mga araw, pinilit ko ang sariling tanggapin ang naging wakas namin ni Xander. Natuto akong harapin siya, pero nanatili ang pag-iwas niya. Nakuntento na lang ako noong dumating ang araw na hindi na rin siya umaalis kapag alam niyang nasa iisang lugar kami. Kalaunan naging maayos din naman ang barkada at bumalik din sa dati pagkatapos ng masinsinang pag-uusap.

Nakatapos ako ng pag-aaral kahit pa nahirapan sa mga sumunod na taon. Sumasabay ang hirap ng pag-aaral sa magulo kong isip kaya inakala kong hindi ko kakayanin na ipagpatuloy ang nasimulan. Pero natapos ko. Nakaya ko at labis ko 'yong ipinagpasalamat kina Tita. Kung hindi dahil sa kanila ay baka hindi ko natupad ang pangarap ko. Dumaan pa ang ilang taon at nakalimot din ako sa sakit.

"What about him?"

Nilingon ko ang itinuro niya gamit ang nguso. Mula sa glass wall ay nakita ko ang pagpaparada ni Gerald sa parking lot. Agad na bumalik ang ngiti ko.

"What about him, Sam?"

"Hm?" Ibinalik ko ang tingin kay Mirra. "What do you mean?" Umangat ang kilay ko nang makita ang nanunukso niyang ngiti. "Ano?" natatawa kong ani.

"You know what I mean, Samantha."

Natatawa akong napailing.

Napanganga ito. "Hanggang ngayon?"

Tumango ako habang tumutungga.

"Akala ko ba-"

"Hindi niya alam," agad kong putol dahil nakikita ko na ang paglapit ni Gerald. Nakanguso naman siyang tumango. Nilingon ko si Gerald. Nakangiti itong kumaway sa akin. Hindi ko inalis ang tingin dito habang naglalakad ito palapit sa amin.

"Good evening!" Umupo siya sa tabi ko. Nakangiti siyang humarap sa akin. "Hi!"

"Kumain ka na?"

"Hindi pa. Kayo?"

"Nag dinner kami bago uminom. Kumain ka rin muna bago uminom."

"Hindi ako iinom, Sam. Magda-drive ako."

"Okay. Pero kumain ka na."

Tumango siya at umorder din naman agad. Hindi pa rin maalis ang tingin ko rito habang kausap niya ang server.

Si Gerald na hindi ako iniwan simula noong panahong nagdurusa pa ako dahil sa sitwasyon ni daddy hanggang sa pagkawala niya. Hindi man kami palaging nagkakasama simula noong lumipat ako sa Santa Clara, pero ni minsan ay hindi ko naramdamang iniwan niya ako. Maski noong mga panahon na nagbreak kami ni Xander ay nakasuporta ito sa akin. Araw-araw siyang tumatawag para kumustahin ako. Araw-araw niyang pinapalakas ang loob ko at palaging sinasabi na kaya kong lampasan ang mga pinagdadaanan ko. Na malakas ako at kayang-kayang itumba ang mga pagsubok.

Minsan pa ay magugulat na lang ako na naroon siya sa Santa Clara tuwing weekends. Hindi lang isang beses ko siyang pinagalitan dahil abala siya ng mga panahong iyon sa pagre-review.

"Hindi mo naman kailangan magpunta pa rito, Ge! Ilang oras ang biyahe tapos isang buong araw ka lang naman dito! Sayang ang pamasahe at pagod!"

"Hindi naman ako natatahimik, Sam. Lalo akong hindi nakakapag-focus sa pagrereview. Hindi bale ng pagod ako, ang mahalaga nakita kita. Kahit pa nariyan sila, gusto ko pa rin naman na maging sandalan mo sa mga oras na sinusubok ka ng tadhana, Sam."

Tulad nga ng pangarap niya, nakapasa siya sa board exam at nakapagtrabaho sa isang magandang kumpanya. Sobrang saya niya ng mga panahong iyon pero hindi ko nagawang damayan ang pagsasaya niya. Dahil noong mga panahong iyon ay nagdurusa pa rin ako sa kinahantungan namin ni Xander.

Nakailang sorry na ako sa nakalipas na taon dahil doon pero hanggang ngayon ay nakokonsensya pa rin ako. Sana man lang ay iniisang tabi ko muna ang nararamdaman ko nang mga panahong iyon dahil alam ko kung gaano kaimportante ang bagay na 'yon sa kanya, ang mahawakan ang bagay na noon ay pinapangarapn niya lang Pero wala, eh. Tapos na. Nangyari na. Parati niyang sinasabi na pwede pa naman daw akong maging masaya para sa kanya dahil sa mga natamo niyang tagumpay. Hindi pa naman daw huli ang lahat. At iyon nga ang lagi kong ginagawa.

Sa paglipas ng panahon, akala ko'y mananatiling patay ang puso ko dahil sa nangyari sa amin ni Xander. Pero naramdaman ko muli iyon, ang paglukso ng puso ko tuwing tititigan niya. Pero hindi ko iyon mapagtuunan ng pansin dahil hindi ko pwedeng lokohin ang sarili ko na dumadapo pa rin sa isip ko si Xander.

At alam ko rin naman na iba ang nilalaman ng puso niya.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top