Kabanata 28
NAKASUBSOB ang aking mukha sa 'king mga braso. Nakasandal pa rin ako sa pinto at nanatiling nakaupo sa sahig. Tumigil na ang pagpatak ng luha sa ngayon ay mahapdi ko ng mga mata pero sa utak ko ay pulit-ulit pa rin ang pagtakbo ng mga nalaman kanina.
Mariin akong napapapikit tuwing naaalala ko ang mga salita at mga tingin ni Xander. Kahit ano'ng gawin kong pagtaboy at isipin ang ibang bagay ay bumabalik pa rin ako sa dating samahan namin hanggang sa kung nasaang estado kami ngayon.
"Alam mo, Mommy, pero hinayaan mo lang itong mangyari!"
Umangat ang ulo ko nang maulinigan ang boses na iyon ni Erika. Hindi pa ako agad nakakilos, akala ko'y guniguni ko lang iyon pero nang marinig ang boses ni Tita at pagtawag nito sa anak ay mabilis ang naging pagtayo ko at lumabas ng kwarto.
Sa pasilyo malapit sa bungad ng hagdan ay naroon si Tita at Erika. Nakalahad ang kamay ni Tita na para bang gustong abutin ang anak na pilit lumalayo.
"Let me explain, hija, please..."
"Kung sana man lang pinigilan mo silang pasukin ang relasyon na 'yon, sana hindi sila nasasaktan ng ganito, Mommy!"
Natigil ako sa paghakbang dahil sa narinig. Nang makabawi ay dahan-dahan muli akong ginawa kong paghakbang habang may pagtataka silang pinapanood na parehong umiiyak. Alam ko na sa sarili ko kung sino ang pinag-uusapan nila. Pero si Tita... alam niya?
"Hindi ko alam na aabot sa ganito, anak. Maniwala ka sa 'kin."
"Paanong hindi mo alam, Mommy? Sana naiisip mong darating ang oras na mauungkat ang nakaraan na 'yon! Na darating ang oras na magiging sugat iyon sa kanilang dalawa!"
Mariing napapikit si Tita. Nang magmulat ay makungkot itong tumitig sa anak. Nakikiusao ang kanyang mga mata.
"Naisip ko iyon, anak. Naisip kong pigilan sila. Naisip ko, maski ang ilayo si Sam kay Xander. Pero naisip ko rin na hindi ko dapat ibinabato sa kanila ang nakaraan. Na kung ano man ang nangyari sa nakaraan ay doon lang 'yon at wala silang kinalaman doon."
"Pero iyon nga ang naging sugat nila ngayon, Mommy! Iyon ang nakakasakit sa kanila nang husto ngayon!"
Kita ko ang sakit sa ginawang pagpikit ni Tita nang sumigaw si Erika. Maski ako, nasasaktan na ganito makitungo si Erika sa kanya. Close sila. Parang magkaibigan lang ang turingan at dahil sa akin, dahil sa amin ni Xander ay nagkakaganito sila ngayon.
"What about Tito Trev? Hindi mo sinabi sa 'kin na siya ang doktor ni Tito Samuel. May dahilan ba iyon, ha, Mommy?"
"He's your Tita Alice's friend. Iyon lang iyon."
"Kaibigan... ni Mommy si Doc?" naisatinig ko. Hindi ko inaasahan ang nalaman kong iyon. Ilan pa kayang sikreto ang malalaman ko? Mayroon pa bang gugulat sa 'kin?
Sabay silang napalingon sa akin. Napahilamos si Erika. Naglakad pa ako palapit sa kanila. Patuloy sa pag-iyak si Tita at kumikirot ang puso ko habang nakikita siyang ganoon. Ipinulupot ko ang mga braso sa kanya at mahigpit siyang niyakap.
"I'm sorry, hija. I'm so sorry! Tama si Erika... Sana napigilan ko. Hindi sana kayo nagkakasakitan ngayon ni Xander. I'm so sorry!"
Naisubsob ko ang mukha sa kanyang balikat nang pumatak ang mga luha ko.
"It's okay, Tita... Wala kang kasalanan... Hindi mo kasalanan."
Lumayo ako sa kanya. Hinarap ko ito at pinunasan ang basa niyang mukha. Ang masiyahin kong Tita ay umiiyak sa harap ko ngayon. Tinapunan ko ng tingin si Erika. Patuloy pa rin itong tahimik na lumuluha. Pero ang galit na nakikita ko sa kanya kanina ay wala na. Mabilis itong lumapit kay Tita at niyakap ito.
"I'm sorry, Mommy! I'm sorry kung nasigawan kita."
Alam kong hindi sinasadya ni Erika ang sagutin si Tita. Doon ko lang napagtanto kung gaano siya nasasaktan dahil sa nangyari sa amin ni Xander. Katulad ng palaging nangyayari, inuna ni Tita ang intindihin ang nararamdaman ng anak.
Ipinaliwanag sa amin ni Tita ang nangyari. Hindi nagcheat si daddy noong nabubuhay pa si mommy. Daddy and Alexandria, Xander's Mom, were high school sweethearts. Nagkahiwalay at parehong naikasal sa iba. Ang dahilan tungkol sa ginawa nilang pagtakas ay hindi na nakaabot pa sa kaalaman ni Tita kaya maski siya ay hindi alam iyon. Aniya pa, kung may nakakaalam man niyon ay daddy lang ni Xander iyon.
Ang daddy ni Xander, alam niya kaya simula pa noong magkita kami sa bahay nila na ako ang anak ng kinasama ng asawa niya? Kung alam niya noong mga sandaling iyon, parang gusto ko siyang pasalamatan dahil nagawa niya pa rin akong pakitunguhan ng maayos nokng gabing iyon.
Nagkaroon naman ako ng pagkakataong kausapin si Doc noong umuwi sila sa Santa Clara para sa paghahanda ng kasal nila ni Nurse Mitz.
"Gusto kong sabihin sa'yo para man lang mas maramdaman mong marami kang kasama at karamay sa ganoong pagkakataon, pero pinigilan ako ng Tita Agnes mo. Marahil iniisip niyang kapag ginawa ko iyon ay malaman mo ang nakaraan ng daddy mo."
"Ang pag-uwi ko ng Santa Clara, hindi ninyo rin po alam?"
"Wala akong ideya, Sam. Hindi ko na nakausap si Agnes matapos mawala ng daddy mo. Kaya nga nagulat ako noong makita kita rito."
Tumango ako. Pilit kong isinisiksik sa isip ang mga nalaman. Kaibigan ni mommy si Doc, na matagal na naging doktor ng ama ko. Ang aksidente ni daddy ay dahil sa ginawa nilang pagtakas ng mommy ni Xander.
Hindi ko alam kung alin ang unang sakit na iindahin, ang kaalamang may iba pang babaeng minahal si daddy nang mawala si mommy o ang paghihiwalay namin ni Xander dahil sa nakaraan ng mga magulang namin.
Lumipas pa ang ilang buwan. Nanatiling ganoon ang pakikitungo sa akin ni Xander. Naiinip na ako. Gustong gusto ko na siyang lapitan at yakapin. Miss na miss ko na ang pag-aalaga niya, ang pag-aalala niya, ang pagsusungit niya. Miss na miss ko na siya.
"Baka matunaw 'yan."
Napalingon ako sa kaliwang gilid ko at nasalubong ang tingin ng seryosong si Gerald. Nandito kami ngayon sa five star hotel sa Manila kung saan ginanap ang reception ng kasal nila Doc at nurse Mitz.
"Bakit hindi mo kausapin?" mahinang tanong niya at tumingin kina Xander kaya bumalik doon ang tingin ko. Nasa kabilang lamesa ito kausap si Marcus at ang mga pinsan nito.
"Ayaw niya pa yata." Ibinalik ko ang tingin kay Gerald na ngayon ay nakatingin na rin muli sa akin.
"Ilang buwan na 'yan, Sam. Hanggang kailan mo hahayaang saktan ka niya?" mahina pa ring tanong niya. Nag-iingat na hindi kami marinig nila Erika na kasama namin sa table ngayon at maingay na nagtatawanan.
Napatingin ako sa kamay kong nakapatong sa lamesa. Tinitigan ko ang singsing na ibinigay sa akin ni Xander. Ang kanya ay hindi ko na nakita pa sa daliri niya.
"Nasaktan siya ng ilang taon, Ge. Walang wala ang sakit na nararamdaman ko ngayon sa pinagdaanan niya." Muli kong nilingon si Gerald na salubong ang kilay at parang hindi nagustuhan ang sinabi ko. "Kaya ko pa naman. Kakayanin ko pa."
Napailing siya at bakas ang pag-aalala sa kanyang mukha. "Hindi sapat na dahilan na nasaktan siya kaya dapat ay masaktan ka rin, Samantha. Kung hindi niya matanggap ang nakaraan alang-alang man lang sa'yo, p'wes masasabi kong hindi ka niya totoong mahal."
Parang hiniwaan ang puso ko at mabilis na dumaan ang makirot na pakiramdam doon dahil sa sinabing iyon ni Gerald. Parang ayaw tanggapin ng puso't isip ko ang sinabi niyang iyon. Dahil ako man, minsan nang naisip ang bagay na iyon.
Nilingon kong muli si Xander na bahagyang nakatungo pero tumatango-tango sa kung ano mang sinasabi ng katabi nitong si Marcus. Kahit nasa iisang lamesa kami kanina ay hindi man lang niya ako nagawang dapuan ng tingin. Daig ko pa ang estranghero at hindi man lang niya ako magawang kausapin. Sapat na ba ang paghihintay kong maghilom siya? O may hinihintay pa nga ba ako?
"Susuko na ba ako?" Hindi ko alam sa sarili ko kung tanong iyon para kay Gerald o sa sarili ko na mismo. "Pero natatakot akong sumuko at pagkatapos ay malalaman kong lumalaban pa pala siya." Nanlabo ang paningin ko dahil sa nagbabadyang luha. Nilingon kong muli si Gerald. Bakas ang awa sa kanyang mga mata habang nakatingin sa akin. "Paano ko ba malalamang may pag-asa pa? Na dapat pa akong maghintay?"
Bumuntong-hininga siya at hinawakan ang kamay kong nasa ibabaw ng lamesa. "Sam... huwag kang matakot sumuko sa bagay na matagal ka nang... tahimik na sinukuan."
Napatungo ako nang magkakasunod na pumatak ang mga luha ko. Pinigilan ko ang pag-alpas ng hikbi sa takot na marinig iyon ng mga kasama namin sa lamesa. Naramdaman ko ang pagpulupot ng mga braso niya sa akin at isinandal ako sa kanya.
"Kung kayo, kayo kahit ano pang mangyari. Pero huwag mong hayaang maghilom siya habang ikaw naman ang nasusugatan."
"Isa na lang, Ge. Isa na lang."
Kaya naman noong gabing iyon ay naglakas-loob akong lapitan si Xander. Nang makita ko itong lumabas ng hall ay agad ko siyang sinundan. Sa bilis ng paglalakad niya ay halos mawala na siya sa paningin ko. Nakita ko siyang lumapit sa elevator at pumasok roon. Hindi ko na naabutang bukas iyon nang makalapit ako roon. Nakita kong pataas sa rooftop ang elevator na sinakyan niya kaya naman sumakay rin ako sa katabi niyon.
Nang makarating ako sa rooftop ay naabutan ko siyang naninigarilyo, na napag-alaman kong itinigil niya na bago pa ako pumunta ng Santa Clara, at ngayon ay bumalik iyon. Naglakad ako palapit sa kanya. Marahil dahil sa ingay ng takong ng suot kong stiletto kaya napalingon siya sa akin. Kahit medyo madilim ang paligid, at tanging sa apat na poste sa bawat sulok lamang nanggagaling liwanag ay kita ko pa rin ang pag-igting ng kanyang panga nang magtama ang paningin naming dalawa. Nag-iwas siya ng tingin at humithit sa hawak na sigarilyo. Lumapit pa ako at tumigil sa mismong gilid niya.
Nanginig ako sa lamig nang biglang umihip ang hangin. Marahil ay nakita niya iyon kaya napailing siya. Pero hindi ko inaasahan na huhubarin niya ang suot niya blazer at isusuot iyon sa akin. Napapikit ako nang mapalapit siya sa akin. Sa halos kalahating taon naming hindi pag-uusap ay parang ngayon na lamang ulit siya napalapit nang ganito sa akin.
At miss na miss na miss ko na siya!
"What are you doing here? It's cold here," baritono at walang emosyon na tanong niya. Muli akong napamulat. Umayos siya ng tayo at bumalik sa paninigarilyo.
"Pwede ba tayong mag-usap?"
Napansin kong natigilan siya bago tumingin sa akin.
"Ano'ng gusto mong pag-usapan natin?"
Nakagat ko ang ibabang labi at bahagyang napatungo. Humugot ako ng malalim na buntong-hininga. Kumukuha ng lakas sa pamamagitan niyon. Dahil alam kong ano man ang maging sagot niya sa gabing ito ang magiging bagong simula namin o magiging wakas. Dahil tama si Gerald, hindi ko pwedeng hayaan na patuloy akong nasusugatan habang naghihilom siya.
Muli akong nag-angat ng tingin sa kanya at ngumiti. "About us." Muling umigting ang kanyang panga. Hindi ko malaman kung wala ba talaga siyang ideya na iyon ang gusto kong pag-usapan namin o baka ayaw niya lang talagang pag-usapan iyon kaya ganito na lang ang reaksiyon niya. "Let's talk about us."
Umiwas siya ng tingin, namulsa at ipinagpatuloy ang paninigarilyo. Hinintay ko ang sagot niya pero naubos na't lahat ang sigarilyo niya ay hindi pa rin siya nagsasalita.
"Xander!" tawag ko sa kanya nang tumalikod siya at akmang aalis. Hinawakan ko siya sa braso para pigilan siya bago ako nagpunta sa harapan niya. Tumingala ako para makita ang mga mata niya na pilit niyang iniiiwas ng tingin. "I said let's talk-"
"Wala tayong dapat pag-usapan, Samantha!" mariing putol niya sa sinasabi ko at nagpatuloy sa paglalakad kaya naman naiwan sa ere ang kamay kong nakahawak sa braso niya kanina. Naikuyom ko ang kamao ko bago ibinaba ang kamay at humarap sa kung nasaan siya.
"Tapusin mo na 'to nang tuluyan," mahinang sabi ko. Sapat para marinig niya. Natigilan siya sa paglalakad pero nanatiling nakatalikod sa akin. "Tapusin mo na 'to, kung wala na talaga tayong pag-asa. Dahil pagod na 'ko, Xander. Pagod na 'kong makita kang paulit-ulit akong isinusuko."
Humakbang siya nang walang sinasabi maski isang salita, kaya napahakbang rin ako. Gustong gusto ko siyang abutin at pigilan pero hindi ko ginawa. Nagpatuloy ito sa paglalakad kaya natigilan na ako sa paghakbang.
"Kapag umalis ka rito ibig sabihin isinusuko mo na talaga ako!" garalgal ang boses na sigaw ko. "Xander!" muli kong sigaw at napahakbang ng ilang ulit nang nasa mismong pinto na ito ng rooftop. Natigilan ito sa tangkang pagbukas niyon dahil sa sigaw ko pero agad ding nakabawi at binuksan iyon. "Mahal mo pa ba ako?" sigaw ko an muling nakapagpatigil sa kanya.
Napatungo siya at parang dinurog ng paulit-ulit ang puso ko nang makita ang pag-iling niya. Akala ko ay sapat na iyon para durugin niya ako nang tuluyan pero hindi pa pala. Dahil noong magsalita siya ay alam kong tinuldukan niya na ang lahat-lahat sa amin.
Pagkasabi niya ng mga salitang iyon ay umalis ito na parang walang nangyari. Napaluhod ako at napahagulgol habang paulit-ulit na naririnig sa isip ang mga salitang hindi ko naisip na masasabi niya sa akin. Mga salitang paulit-ulit na dumudurog sa puso ko ngayon.
"Alisin mo na ang singsing sa daliri mo, Samantha. . . At alisin mo na ako sa puso mo. We're not meant for each other."
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top