Kabanata 27
LUMIPAS pang muli ang ilang linggo na hindi kami nakakapag-usap ni Xander. Maski ang pagpunta nito sa tambayan ay natigil. Alam kong nagkikita sila ng mga kaibigan ko, minsan sa university at madalas silang uminom ni Troy.
Sinubukan ko siyang intindihin. Sinabi ko na lang sa sarili na... kailangan niya pa ng oras. Nagtiis ako sa pangungulila. Sa mga magdamag na pag-iyak. Kahit saan ako magpunta ay siya ang naalala ko. Ang yakap niya, ang halik niya. Miss na miss ko na siya.
Naiinis na si Erika pero sinasabi ko sa kanyang hayaan na lamang ito. Kaya ko pa naman. Kaya ko pang magtiis.
"Pumunta raw tayo sa tambayan, Sam. Naroon sila Erika."
Tumango ako sa sinabi ni Bianca.
Nanlaki ang mga mata ko nang makarating sa tambayan at ang big bike agad ni Xander ang nakita ko. Hindi ko inaasahang narito siya kaya naman dali-dali akong bumaba ng kotse at masayang tumakbo papasok bitbit ang paper bags na naglalaman ng binili naming pagkain kanina.
Ngunit naroon pa lang sa hagdan ay natigilan na ako at nabura ang ngiti. Malalakas na sigawan ang naririnig ko na nagmumula sa loob. Nakita ko si Troy na nakasandal sa hamba ng pintuan ng kwarto ni Xander. Nakatungo ito at nakapikit habang hinihimas ang sentido. Parang problemado ito sa sigawan ng mga tao na nasa loob ng kwarto.
Naglakad ako palapit roon pero agad ding natigilan nang marinig ang malakas na boses ni Erika.
"Kaya nga bakit hindi mo siya kausapin?! Ginagawa mong tanga ang pinsan ko dahil sa ikinikilos mo!"
"Shut up!" mahina ngunit mariing ani ng isang boses.
Si Xander.
"Kung iyon ang problema bakit hindi mo sabihin sa kanya?! Bakit kailangan mo siyang pakitaan ng ganito?! Bakit kailangan mo siyang saktan ng ganito-"
"Sa palagay mo hindi ako nasasaktan, ha, Erika?!"
Naglakad pa ako palapit sa pinto at nakita silang dalawa sa loob ng kwarto. Pareho silang nakatagilid sa gawing ko. Bakas ang galit sa luhaaang mukha ni Erika habang nakatingala sa kaharap na salubong ang mga kilay at lumalabas na ang litid sa leeg.
"Akala mo madali lang na iwasan siya?! Akala mo balewala lang sa akin ang lungkot at sakit na nakikita ko sa kanya?! Akala mo hindi ako nasasaktan, ha?! Nasasaktan ako, Erika! Sobrang sakit! Sobrang sakit ng nalaman ko at sobrang sakit na kailangang mangyari sa'min 'to!"
Napayuko ako sa malakas na sigaw na iyon ni Xander. Magkakasunod na tumulo ang mga luha ko habang nakatayo roon at pinapakinggan ang tinig niya habang sinasabi ang mga iyon.
"Hirap na hirap na rin ako, Erika," mahinang dagdag ni Xander na lalong dumurog sa puso ko.
Tahimik akong napahagulgol. Naramdaman ko ang paghangod ng kamay sa aking dibdib pero para bang mas pinasasakit lang niyon ang nararamdaman ko.
"Gusto kong kalimutan na lang ang nangyari para sa aming dalawa ni Samantha pero paano? Higit kanino man, ikaw ang nakakaalam kung gaanong sakit ang idinulot sa akin ng ginawang 'yon ni Mommy. Ilang taon akong nagdusa! Ilang taon kong inisip kung anong klaseng tao ang lalaking iyon para iwan kami ng nanay ko! Ilang taon kong inisip kung bakit hindi ako naging sapat para manatili siya sa amin ni Daddy! Ilang taon kong inisip ang halaga ko bilang tao at bilang anak niya!"
"Pero hindi kasalanan ni Sam ang kasalanan ni Tito Samuel, Xander! Wala siyang alam tungkol sa relasyon ng mga magulang ninyo!" mariing ani Erika.
Nag-angat ako ng tingin kay Xander. Nakita ko ang pagtiim-bagang at pag-iling niya. "Hindi niya kasalanan... Pero anong gagawin ko, Erika? Tuwing nakikita ko siya, kasalanan ng ama niya ang naaalala ko."
Nanlaki ang mga mata ko at napanganga sa narinig kong iyon mula sa kanya.
"Kung hindi nila naisipang tumakas ng gabing 'yon, hindi sana sila naaksidente! Hindi sana namatay si Mommy!"
Nabingi ako, hindi sa lakas ng sigaw niya, kung 'di dahil sa narinig ko. Parang gripo ang mga mata ko sa dami ng luhang kumakawala roon. Nabitawan ko ang dalang paper bags dahilan para mapalingon silang lahat sa akin.
"S-Sam," natatarantang ani Erika. Nanlalaki ang mga mata nitong lumingon kay Xander, na gulat ding nakatingin sa akin, bago siya muling tumingin sa akin. "K-kanina k-ka-"
Hindi ko pinansin si Erika at itinuon lang ang paningin ko kay Xander.
"A-Ano'ng ibig mong sabihin? M-magkasama silang naaksidente?"
Nag-iwas ng tingin si Xander at nagtiim-bagang. Nagpakawala ito ng malalim at marahas na buntong-hininga.
"Xander," mariing tawag ko sa kanya nang hindi siya sumagot. Mariin siyang napapikit bago muling tumingin sa akin pero hindi pa rin nito nagawang sagutin ang tanong ko. "T-totoo ba 'yong narinig ko?"
Mabilis na lumapit sa akin si Erika. Naramdaman ko ang paghawak niya sa braso ko pero hindi ko nagawang alisin ang paningin ko kay Xander.
"S-Sam, tama na," umiiyak na ani Erika. Nilingon ko siya habang puno ng tanong ang isip ko. Inaalo na ito ng boyfriend niya.
"Tama na? Tama na ang alin, Erika?"
Paulit-ulit siyang umiling. "Hindi mo na kailangang malaman pa ito."
Nagsalubong ang kilay sa sinabi niyang iyon. "Karapatan kong malaman ang lahat ng ito, Erika. Mga magulang namin ang pinag-uusapan dito," mariing sabi ko. Napapikit siya habang patuloy na umiiyak.
Nilingon kong muli si Xander na nanatiling nakatayo sa loob kwarto. Tinitigan ko ang mga mata niya. Tinitigan ko ang paraan niya ng pagtingin sa akin. Mas lalong napuno ng luha ang mga mata ko nang wala roon ang emosyon na gusto kong makita. Walang pagmamahal roon. Isang emosyon lang ang nakikita ko sa kanya. Galit.
"Naaalala mo sa 'kin ang nagawa nilang mali? Kaya ba ganoon na lang ang pag-iwas mo sa akin?"
Matagal siyang nakatitig sa akin ngunit hindi sumasagot. Nangatal ang mga labi ko at napahagulgol nang makita ang pagtango niya. Tumungo siya at sa pagtaas-baba ng mga balikat niya ay alam kong hindi rin naging madali sa kanya ang lahat. Nahihirapan at nasasaktan siya... tulad ko.
"Sam, tama na, please!"
Hindi ko pinansin si Erika at nanatili ang tingin ko kay Xander. Lumapit ako sa kanya at tumigil sa mismong harapan niya. Hindi siya nag-angat ng ulo o tumingin man lang sa akin maski noong hinawakan ko ang mga braso niya. Pero naramdaman ko ang pagkislot niya sa ginawa kong iyon.
"Pero hindi ko naman kasalanan 'yon Xander," nagmamakaawa ang boses na sabi ko.
Nag-angat siya ng ulo pero sa iba niya ibinaling ang paningin. Kitang kita ko sa itsura niya ang galit. Galit na hindi ko alam kung para pa sa mga magulang namin o para sa akin na.
Nasasaktan man dahil hindi ko lubos na maunawaan ngayon kung bakit kailangan niya akong iwasan, pero alam kong kailangan niya iyon. Kailangan niyang maghilom sa nakaraan. Dahil alam kong ilang taon man ang lumipas ay naroon pa rin ang sakit. Dahil tulad ko, nagmahal siya ng taong iniwan siya. At ang mas masakit roon ay mommy niya iyon.
Sa unang pagkakataon, nakita kong nasaktan si Xander. Sa unang pagkakataon narinig ko ang noon ko pa gustong marinig, ang nakaraan niya na hindi niya magawang buksan at sabihin sa akin. Iyon nga lang, hindi ko inaasahan na parte ako niyon, na parte ako ng masakit na pinagdaanan niya. Pagkatapos ng nalaman kong ito, alam ko sa sarili kong hindi ko ipagkakait sa kanya ang nais niyang mangyari.
Hinawakan ko siya sa pisngi at iniharap siya sa akin. Noong una ay hindi niya pa magawang tingnan ako pero makalipas ang ilang segundo ay nagawa na niyang salubungin ang mga tingin ko
Ngumiti ako ng matamis kahit patuloy sa pagpatak ang mga luha ko, na lalong nag-unahan sa pagtulo nang makita ko ang paglamlam ng mga mata niyang nakatitig sa akin.
"Hihintayin kong matanggap mo ako ulit, babe." Mariin siyang napapikit Tinitigan ko ang kanyang mukha sa ganoong paraan. "Hihintayin kong matanggap mo ako na hindi na naaalala ang masakit na nakaraang 'yon. Hihintayin ko ang araw na kaya mo na akong tingnan nang hindi nasasaktan. Hihintayin kita, Xander."
Nagmulat siyang muli at napahagulgol ako nang makita ang malungkot niyang mga mata. Ito ang pinakaayaw kong nakikita sa kanya.
"Mahal na mahal kita," mahinang dagdag ko bago siya tinalikuran.
Lumabas ako ng kwarto habang tahimik na humahagulgo. Nakaharang sa pinto si Bianca at si Erika- na nakayakap kay Troy habang patuloy na umiiyak. Wlaa akong pinansin sa kanila at nagtuloy lamg sa paglabas ng tambayan. Nakasalubong ko pa ang nakangiting si Tristan na paakyat sa hagdan pero agad na nawala ang ngiti niya nang makita ako.
"Ano'ng nangyari?" nagtatakang tanong niya pero nilampasan ko lamang ito.
Walang lingon akong nagtatakbo pauwi sa bahay. Maski noong makasalubong ko si Manang na agad nabakasan ng pag-alala sa mukha nang makita ako ay hindi ko nagawang batiin. Napaupo ako sa sahig matapos isara ang pinto ng kwarto ko at doon ibinuhos ang masasakit na pakiramdam dahil sa nalaman.
Kahit anong hampas ang gawin ko sa dibdib ko ay hindi maalis-alis ang bigat at kirot doon. Dahil sa mga oras na iyon pakiramdam ko ay tuluyan na kaming natapos ni Xander. Tuluyan nang dumating ang araw na kinatatakutan ko
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top