Kabanata 25

HANGGANG ngayon ay wala pa rin akong nakukuhang sagot sa inakto ni Xander noong nakaraang Sabado. Kahapon ay hindi kami nakapagkita. Tanging text message lang ang natanggap ko sa kanya. Aniya ay nagpapatulong si Elion ng pagpa-practice ng basketball.

Hindi ko alam kung dahil sa nangyari noong nakaraang araw, pero pakiramdam ko ay umiiwas lang siya sa akin. Alam kong may problema pero hihintayin ko na lang na kusa siyang magsabi. Palagi namang ganoon. Hanggang doon lang ang magagawa ko, ang maghintay kung kailan siya handang magsabi ng mga problema niya.

Maghapon ng Lunes ay hindi ako mapakali. Hindi pa kami nagkikitang dalawa. Magkaiba ang oras ng pasok namin kanina kaya hindi niya ako nasundo. Maski ang mga oras ng breaktime at vacant ay hindi tugma. Nainis ako roon na dati naman ay walang kaso sa akin. Pakiramdam ko noong maghapon na 'yon ay nang-aasar ang pagkakataon at oras.

Mabuti na lamang nang pagkatapos ng klase ko nang hapon na iyon ay nakatanggap ako ng text na naghihintay siya sa parking lot. Dahil kung hindi ay baka ako na mismo ang pupunta sa bahay nila para lang makausap siya.

Para kaming... bumalik sa dati. Ganoong pakiramdam nang magkita kami sa parking lot. Tanging ngiti lang ang naging bati niya sa akin. Walang imik niyang kinuha ang mga gamit ko at inilagay iyon sa likod ng sasakyan. Naghintay talaga ako sa kanya para mapagbuksan niya ng pinto. Habang umiikot kami papunta sa shot gun seat ay hinihintay ko ang pagkausap niya sa akin pero hindi ko natanggap.

"Thank you," mahinang sabi ko nang makaupo. Ngumiti lang siya, tipid pa, bago isinara ang pinto. Napalunok ako nang magbara ang lalamunan. Bumaling ako sa aking kanang gilid habang sumasakay siya. Pasimple kong pinunasan ang tumakas na luha.

Paano niya nagagawang kumilos na parang wala lang? Samantalang ito ako, hinahanap maski ang simpleng paglapat ng kamay niya sa likod ko tuwing naglalakad kami. Ito ako, naghihintay sa pagsasabi niya na miss niya ako. Paano niya nagawang magbago sa saglit na panahon?

Tahimik kami sa biyahe. Ang balak ko simula umaga na kausapin siya kapag nakita kaming dalawa ay hindi ko magawa dahil sa labis na sama ng loob. At maski siya ay wala rin yatang balak magpaliwanag.

Tumigil ang kotse sa harap ng gate. Namatay ang makina niyon pero nanatili ako sa kinauupuan. Hindi muna ako kumilos, gusto ko pang manatili roon.
Nang lingunin ko siya ay nakatingin lang ito sa unahan. Nakatukod ang kaliwang siko sa bintana habang ang kamay ay nilalaro ang kanyang ibabang labi at ang hikaw roon. Nakahawak ang kanang kamay niya sa manibela.

Natitigan ko ang singsing sa kanyang daliri. Hanggang ngayon hinahabol pa rin ako ng alaala na minsan ko 'yong hindi nakita roon. Dahil ayaw na ayaw niyang inaalis iyon kaya ganoon na lang ang pagtataka kong tanging bakas niyon sa daliri niya ang nakita ko noong Sabado. Noong minsan ngang hindi ko naisuot ang singsing ko ay nagtampo siya.

"Ano'ng problema, Xander? Hindi mo na pwedeng sabihin ngayon na wala. Alam kong mayroon, hindi mo lang sinasabi sa akin."

Malalim siyang bumuntong-hininga. Nilingon niya ako at binigyan ng tipid na ngiti. "Don't mind me, Sam. May iniisip lang ako. Kaunting problema sa bahay."

"At hindi mo pwedeng sabihin sa 'kin? Ano pa't naging girlfriend mo 'ko kung hindi mo ako mapagkatiwalaan sa mga problema mo?"

Hindi ko mapigilan ang magtaas ng boses. Nagagalit ako at naiinis. Nasasaktan ako pero pakiramdam ko wala akong magagawa para ibsan iyon. Dahil alam kong isa lang ang makakapagpawala ng mga nararamdaman kong iyon. At siya iyon. Ang oagbalik niya sa dati.

"Ano ba kasing problema?"

Mataman niya akong tinitigan. "Tinatya ko pa kung paano magsasabi, Sam."

Parang umurong ang galit ko nang makita ang lungkot sa mga mata niya at nang marinig ko ang pagkabasag ng boses niya. Lumapit ako sa kanya at hinawakan siya sa pisngi. Saglit siyang napapikit.

"Magtiwala ka lang, Xander. Pagkatiwalaan mo lang ako."

Tumango siya kasabay ng malalim na pagbuga ng hangin. "Gagawin ko. Pero bigyan mo pa 'ko ng oras."

"Sige. Maghihintay ako kung kailan ka handa," agad kong tugon. "Maghihintay ako, babe."

Sabi ko sa sarili ko sapat nang nagbigay siya ng ngiti at ang pag-uusap naming iyon bago siya umuwi. Na babalik din kami sa dati kapag okay na ang problema niya. Pinanatag ko ang sarili ko. Inalis ang hindi magandang pakiramdam na nanatili sa puso ko simula noong Sabado.

Nagising ako sa malakas na tunog na nagmumula sa cellphone ko. Kinapa ko iyon sa side table. Nasilaw pa ako sa ilaw na nagmumula roon. Nangunot ang noo ko nang makita ang tumatawag at maging ang oras. Alas tres na ng madaling araw.

"Babe?"

Maingay na tugtog ang bumungad sa pandinig ko. Marami ring nagsisigawan. Hindi ko na maintindihan ang sinasabi dahil sabay-sabay na ang pagsasalita. Pero hindi ako pwedeng magkamali... Nasa bar siya.

Mabilis akong bumangon. Napatayo ako at hindi mapakaling nagpauli-uli.

"Hello?!" sigaw ko pero walang sumagot. "Hello, babe?!" Wala pa ring sumagot pero nababawasan na ang ingay sa kabilang linya hanggang sa tuluyan na 'yong mawala. "Hello?"

"Hello, Sam!"

Nangunot ang noo ko dahil hindi boses ni Xander ang sumagot. Pero pamilyar ang boses ng lalaking iyon. Kapatid iyon ni Tristan.

Tiningnan ko ang cellphone ko dahil baka iba ang nabasa kong tumatawag kanina pero tama naman iyon kaya muli kong itinapat iyon sa tenga ko.

"Hello, Marcus? Cellphone 'to ni Xander. Magkasama kayo?"

Napatitig ako kay Erika nang magising ito at bumangon. Nagtanong pa ito kung anong problema.

"Oo. Nandito kami sa Avenue." Tukoy niya sa isang bar.

"Avenue? Ano'ng ginagawa ninyo riyan?"

Narinig ko pang may binati si Marcus kaya hindi siya agad nakasagot.

"Sorry," natatawang aniya. "Inaya ako ni Xander kanina kaso lasing na lasing na ngayon at panay Samantha kaya tinawagan kita."

Mabilis akong nagpunta sa closet at bumunot ng cardigan doon. Nabuhay ang pag-aalala sa puso ko.

"Anong oras pa kayo riyan?"

"Kanina pang alas sais."

"What?!" Kung gano'n pagkahatid niya sa 'kin kanina ay roon na siya dumiretso?

"Pupunta ka ba? Gusto ko ng iuwi pero ayaw pa, eh."

"Pwede ka bang pumasok? Ibigay mo sa kanya ang cellphone."

"Sige sige. Wait lang."

Unti-unti ko na ulit narinig ang tugtog hanggang sa lumakas na iyon. Narinig ko pang nakipagbatian si Marcus sa kung sinu-sino.

"Anong nangyari?" nag-aalalang tanong ni Erika na ngayon ay nakaupo na sa dulo ng kama at nakatingala sa 'lakin.

"Si Xander at Marcus nasa Avenue."

Umangat ang mga kilay niya at tiningnan ang orasan. "Anong oras na, ah?"

Napaupo ako sa kama. Naitukod ko ang siko ko sa tuhod at sinapo ang noo ko. Mariin akong napapikit.

'Ano ba talagang problema mo at nagkakaganito ka, Xander!'

"Xander!" Nagmulat ako at napaangat ang ulo nang marinig ko ang sigaw na iyon ni Marcus. "Dre, si Samantha 'to!" malakas na aniya pa.

"I don't want..." Hindi ko na narinig ang sunod na sinabi ni Xander dahil humina iyon.

"Ha?! Gago! Ano bang sinasabi mo?!" asik ni Marcus. May sinabi muli si Xander. "Tanga! Lasing ka na! Halika na nga!"

Mabilis akong napatayo at nakaramdam ng pag-aalala nang magsigawan ang dalawa. Napahilamos na ako sa mukha sa sobrang inis at pag-aalala.

"Bakit?"

Hinawakan ko siya sa kamay. Hindi ko na napigilan ang pagluha dahil sa pag-aalalang nararamdaman. "E, puntahan natin si Xander!"

Hindi na namin nagawang magpalit ng damit at nagpatong lang ng cardigan sa pajama. Kahit ang magpaalam kina Tito ay nakaligtaan na namin.

"Tatawagan ko si Troy" aniya habang nagda-drive. Mayamaya lang ay kausap niya na nga ito. "Papunta kaming Avenue. Naroon si Xander."

"Magdadahah-dahan ka sa pagda-drive, Erika," mariing utos ni Troy. "Pupunta ako. Magkita tayo roon."

Nakarating kami sa Avenue. Pagkalabas namin ay siyang dating ng dalawang pamilyar na kotse. Lumabas doon si Troy at sa isa ay si Tristan at Bianca.

"Anong nangyari?" tanong ni Bianca. Sinagot ko ito habanh naglalakad palapit sa entrance ng bar.

Napakaingay sa loob at amoy na amoy ang usok doon. Halos wala ng madaanan sa dami ng tao.

"Leche! Saan natin hahanapin ang mga ulupong na 'yon?!" malakas na sigaw ni Erika. "Wala pa akong makitang kakilala! Kainis!"

Naglakad kami nang naglakad habang pare-parehong lumilinga. Nalibot na namin ang first floor pero hindi namin nakita sila Xander kaya napagpasyahan naming umakyat na sa second floor.

"Baka naman nakauwi na 'yon," ani Bianca noong nasa itaas na kami at hindi pa rin namin nakikita ang dalawa

"I'll call him."

Dinukot ko ang cellphone sa bulsa ko at tinawagan ang number ni Xander. Hindi ako mapakali habang tumatawag. Panay ang pagngatngat ko sa kuko. Nakadalawang tawag ako pero walang sumasagot. Tatawagan ko na sana ulit pero natigilan ako nang may humaklit sa braso ko mula sa likod at iniharap doon.

Nakita ko ang ngising-ngising si Xander at halatang lasing na lasing na siya dahil sa mapungay niyang mga mata at namumulang mukha at leeg. Pero hindi ko inaasahan ang sunod na ginawa niya. Hinawakan niya ng mahigpit ang parehong balikat ko at malakas akong isinandal sa pader. Rinig ko ang malakas na pagtawag ng mga kaibigan ko rito.

Napangiwi ako sa sakit na naramdaman sa likod ko. Pero mas lalong hindi ko inaasahan ang sinabi niya. Para akong nabingi dahil doon. Pakiramdam ko ay nawala ang ingay sa paligid at tanging iyon lang narinig ng mga tenga ko. Pakiramdam ko tumigil ang tibok ng puso ko sa mga salitang binitawan niya.

"Where's your fucking father, huh?! My Mom's fucking lover!"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top