Kabanata 24

"ANO'NG hinahanap mo?"

Nasulyapan ko ang pag-upo ni Erika sa rattan chair sa gilid ng balkonahe kung nasaan ako. Bitbit ang kanyang laptop. Sabado ngayon at napagpasyahan kong tapusin ang ginuguhit kong portrait ni Tita at Tito for their twenty-second wedding anniversary. Ang problema...

"Nawawala ang Princeton ko." Hindi ko na napigilan ang maisatinig ang pag-aalala.

"'Yung isang set?"

"Oo."

Tumabi siya sa 'kin. "Wala ba sa study table mo?"

"Nahalughog ko na 'yon kanina, eh."

Naglakad ako papasok at nagtungo roon sa study table. Sinubukan ko pa ring hanapin doon. Kahit si Erika ay nakibukas na ng mga drawer.

"Wala rito," aniya.

Kahit ang mga kama, sofa, vanity ay hinalughog namin. Lumabas muli kami sa balkonahe nang walang makita sa loob.

"Baka naiwan mo kung saan? Nagpunta ba kayo sa tambayan kahapon?"

"Hindi. Magkakasama lang ang gamit ko rito." Tukoy ko sa roll up pouch ko. "Tsaka hindi ko pa ito nabubuksan simula kahapon sa klase-" Natigilan ako nang may mapagtanto.

"Ano?" Nag-aabang si Erika.

Kinuha ko sa bulsa ang cellphone ko at mabilis na nagdial doon. Nangunot ang noo ko nang walang sumagot matapos ang isang tawag.

"Baka nalaglag sa kotse ni Xander," sabi ko habang nagda-dial ulit. Muli naman siyang umupo sa rattan chair habang nakatingala sa akin.

Inalis ko ang cellphone sa tenga at sinilip ang oras doon. Two o' clock. Busy ba siya?

"Hindi sumasagot?"

Umiling ako. "Baka busy." Nag dial akong muli. Apat na ring at may sumagot na roon.

"Babe!"

"Oh?"

Muling nagsalubong ang kilay ko dahil sa walang kagana-gana niyang sagot. Rinig ko ang pagtikhim niya.

"May napansin ka ba sa kotse mo? Wala kasi ang princeton set ko rito. Baka lang kako nalaglag or something sa kotse mo."

"I'll check it."

"Okay, thank you!"

Umupo ako sa harap ni Erika habang hinihintay si Xander. Rinig ko ang malalakas na yabag niya.

"Busy ka kanina?" Hindi ko napigilang itanong.

"Hindi naman," simple niyang sagot.

"Bagong gising ka?"

"Hindi rin."

'Eh, bakit ganyan ang boses mo?' Hindi ko na piniling isatinig pa iyon.

Narinig ko na ang pagtunog ng kotse niya.

"Nariyan?"

"Hinahanap ko pa."

Tumango ako. Napapakamot na sa batok dahil sa mga tipid niyang sagot. Nakukulangan ako sa emosyon... at lambing.

"Narito. Ihahatid ko ba riyan ngayon?"

"Oo sana. Wala ka bang gagawin?"

Matagal bago siya sumagot. "Wala naman. Sige, ihahatid ko."

"Okay! Thank you ulit, babe!"

Naputol na ang tawag na hindi man lang ito nagpaalam. Hindi ko naman nagawa pang alalahanin iyon nang magsalita si Erika.

"Naroon daw?"

"Oo." Ngiting ngiti ako. Akala ko talaga nawala. Regalo ko pa iyon sa sarili ko noong nakaraang birthday ko. Unang regalo ko sa sarili ko, actually.

Habang naghihintay ay inayos ko na ang mga gagamitin. Si Erika naman ay abala rin sa laptop niya habang panaka-nakang umiinom ng fruit shake na ginawa niya.

Mula sa balkonahe ay sinilip ko ang gate nang marinig ang pagtunog ng door bell. Nagtatakbo ako palabas ng kwarto nang makita na roon si Xander, kahit habang pababa.

"Manang, ako na po!" sigaw ko habang nasa hagdan nang makita itong lalabas. "Si Xander po iyon," ani ko nang makalapit.

"Ah," tumatango niyang tugon at binitawan na ang door knob.

Lakad-takbo ang ginawa ko palapit sa gate. Nakatalikod si Xander at nakapamulsa sa hoodie niya nang makita ko. Niyakap ko ito. Bahagya pang umangat ang katawan niya. Nabigla yata.

Gumilid ang ulo niya at tiningnan ako. Nabura ang ngiti ko nang makita ang seryoso niya mukha. Kumalas ako at inihinarap siya sa akin.

"Bad day?" nag-alalang tanong ko.

'Kaya ba walang gana ang pakikipag-usap niya sa akin kanina at hindi agad nasagot ang mga tawag ko?' tanong ko sa sarili kahit pa hindi naman siya ganoon tuwing hindi maganda ang araw niya. Madalas siyang lumapit sa akin kapag ganoon. Sa akin siya tumatakbo palagi.

Tumitig siya sa akin, mayamaya ay umiling. "Here."

Inabot niya sa 'kin ang box. Kinuha ko iyon sa kamay niya. "Thank you!"

Hindi natuloy ang lalabas sanang ngiti sa labi ko nang makita ang kamay niyang iyon habang namumulsang muli. Ngunit bago pa man ako makapagtanong sa napansin ay yakap niya na ako. Mahigpit pero iba sa ibang yakap niya. O paranoid lang ako?

Lumayo siya. Hindi nagpaalam na aalis na kaya naisip kong baka magtatagal pa. Inalok ko siyang pumasok muna pero tumanggi lang.

"May problema ba?" tanong ko nang manatili lang siyang nakatingin lang sa harapan. Nagtataka na sa pananahimik niya.

Umiling siya at hindi man lang ako nilingon. Malalim akong bumuga ng hangin nang makaramdam ang paninikip ng dibdib ko. Ramdam kong may problema siyang ayaw sabihin sa akin.

"Babe... handa akong makinig." Nagpunta ako sa harapan niya at hinawakan ang braso niya. "Babe, ano 'yon, hm?"

Nakita ko ang pagtiim ng bagang niya. Mariin siyang pumikit at marahas na buntong-hininga ang pinakawalan. Nakakaramdam na ako ng labis na kaba dahil sa inaakto niya ngayon. Napalunok ako. Hindi ko mawari ang kabang ibinibigay sa akin ng kilos at pananahimik niya.

"Babe..." tawag ko pero hindi siya nagmulat para man lang tingnan ako.

Masama ba ang gising niya? May nagawa ba akong mali?

Tinanggal ko ang pagkakakapit sa braso niya. Naramdaman ko ang luhang namumuo na sa mga mata ko. "M-May problema ba... tayo, Xander?"

Sa wakas ay tinapunan niya na ako tingin. Matagal siyang tumitig sa mga mata ko. Hindi ko itinago ang pagkalito, takot at sakit na nararamdaman ko dahil sa kilos niya.

Bumuntong-hininga siya at malungkot na inabot ang pisngi ko. Marahan niyang hinaplos iyon. "You know how much I love you, right?" mahina at paos na tanong niya.

Tumango ako. Mas lalo lang naguluhan. "O... Oo naman."

Malungkot ang ngiti niya na mas lalong nagpalala sa mga nararamdaman ko. May hindi siya sinasabi sa akin.

"Give me strength to keep going, Samantha." Kunot-noo at malungkot siyang umiling. "Because I don't know how to accept it all."

Lumago ang pagkalitong nararamdaman ko dahil sa mga naririnig sa kanya. Kumapit akong muli sa braso niya. Humigpit iyon kasabay ng paghigpit ng lubid na pumupulupot sa puso ko.

"Ano bang sinasabi mo, Xander? Hindi kita maintindihan! Accept? Accept what?"

Napanganga siya at marahas muling bumuga ng hangin kasabay ng pag-iwas niya muli ng tingin. Nilaro ng dila niya ang hikaw na nasa labi niya.

"Xander!" mariing tawag ko sa pangalan niya. Ayoko ng ganito! Nakakatakot! Natatakot ako! Natatakot ako sa ikinikilos niya.

"Magsabi ka sa 'kin. Ano'ng problema, Xander? May problema ba tayo?" Dumidiin ang bawat salita ko.

Umiling siya. Hindi bumuka ang bibig para bigyan ako ng sagot. Mariin akong pumikit. Pumatak ang mga luha ko. Marahas ko 'yong pinunasan.

Wala siyang balak magsalita. Wala siyang balak na magsabi ng kung ano mang problema. Pakiramdam ko ay napakawalang kwenta kong girlfriend. Hindi dapat pagkatiwalaan.

"Papasok na ako. Mag-usap tayo kapag handa ka ng sabihin sa akin ang problema mo... O problema natin. O kung ano man iyan." Hindi siya sumagot. Nanatili siyang nakapikit. "Mag-iingat ka sa pag-uwi."

Isinandal ko ang noo sa kanyang dibdib. Gusto kong palabasin ang mga mapapangit na pakiramdam sa puso ko pero mas lumalala lang iyon dahil kahit ang hawak niya sa akin ay wala. Hindi ko matanggap mula sa kanya ngayon.

"I love you so much, babe," halos pabulong kong ani.

Hindi siya sumagot sa mga sinabi ko... O kahit sa huling sinabi ko man lang. Lumayo ako sa kanya at nakitang nakapikit pa rin ito. Mariin. Tinitigan ko pa siya saglit pero nanatili pa rin siyang ganoon. Hindi nagmulat. Hindi nagtapon ng tingin sa akin. Hindi kumapit para pigilan ako sa pag-alis.

Hinintay kong tawagin niya ako nang mag-umpisa akong humakbang para sabihin ang sagot niya sa mga huling salita ko. Kahit iyon lang para mapanatag man lang nang bahagya ang nararamdaman ko. Pero wala. Wala!

Napasandal ako sa gate pagkapasok ko at doon ay magkakasunod na bumuhos ang mga luha ko. Mariin akong napapikit at mahigpit kong naikuyom ang mga kamao nang marinig ang pagkabuhay ng kotse niya at ang pagharurot niyon paalis.

Wala akong maisip kung ano ang maaaring maging problema naming dalawa. Maayos pa kaming naghiwalay kagabi nang ihatid niya ako rito kaya bakit biglang nagkaganito? Ano'ng problema? Ano'ng maaaring dahilan para umasta siya ng ganoon?

At hindi ko alam kung bakit sobrang takot ang dala niyon sa puso ko. Sobra sobrang takot na pakiramdam ko ay... mawawala na lang siya bigla sa akin.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top