Kabanata 23

"WHAT?! You like her?!"

Nagulatang ako sa sinabing sikreto sa akin ni Gerald. Ka-video call ko ito ngayon habang naghihintay ng professor sa last class ko. Narito na ako sa labas ng room namin at nakasandal sa railings. Umalis naman saglit si Bianca para bumili ng tubig sa cafeteria.

"Ang ingay mo!" mahinang asik niya. Napakamot siya sa ulo at sumandal sa kinauupuan niya. Nasa review center siya ngayon at nag-aaral para sa kanyang board exam.

"Sorry na," nakangiwing sabi ko. "Pero may boyfriend na ang pinsan ko, Ge," mahina at malungkot kong dagdag.

Tumawag ako sa kanya para mangamusta. Habang kinakausap ko siya kanina ay may lumapit sa kanyang magandang babae. Sabi niya ay kaibigan lang iyon. Kaya naman naintriga akong tanungin siya kung may nagugustuhan siya. Sa tagal kasi naming magkaibigan ay hindi pa ito nakakapagkwento sa akin tungkol doon.

"So? Wala naman akong sinasabing manliligaw ako sa kanya, ah! Sinasabi ko lang naman sa'yo kasi makulit ka," masungit na aniya. Sinuklay niya ang kanyang buhok gamit ang kamay. Wala na roon ang highlights na inilagay niya noon.

"Tinatanong lang naman kita kung may nagugustuhan ka na kasi hindi ka nagku-kwento. Hindi ko naman ine-expect na si Erika ang isasagot mo, 'no!" nakanguso kong sabi.

"P'wes ngayon alam mo na," nakangising aniya habang nagbubuklat ng libro na nasa harapan niya. Itinukod niya ang isang siko sa lamesa at nangalumbaba. Nakatungo siya at mukhang nagbabasa.

"Kailan pa?" pang-uusisa ko pa.

Sumulyap siya sa akin bago muling tumingin sa libro. "No'ng nagpunta ako riyan noong nineteenth birthday mo."

Natutop ko ang nakanganga kong bibig. "Ganoon nang katagal?" Muntik ko ng maisigaw iyon kung hindi lang ako nakapagpigil. Nakangiti siyang tumango. "What the heck! Ibig sabihin mahigit one year na?"

"Gulat na gulat ka naman diyan," natatawang aniya habang nakatuon pa rin ang paningin sa libro.

Ang galing din magtago ng isang ito. Ilang beses na namin siyang nakasama pero hindi ko man lang iyon napansin.

"Kung wala lang boyfriend 'yon itatakbo pa kita."

Ngumisi lang ito.

"Ikaw, kumusta ka naman?" baling niya sa akin habang nakapangalumbaba pa rin. Nakatuon na sa akin ang mga matam "Kumusta ang pagiging fourth year?"

"Compared to previous years magaan naman ang schedule ngayon."

"Next year raw ulit."

"Manakot pa raw!"

Ngumisi siya "Hawak mo ang tiwala ko, Sam. Ikaw pa! Kayang kaya mo 'yan." Tinanguan niya ako at kinindatan. Napangiti naman ako roon. "Kayo ni Xander?"

"Going strong!" sabi ko at ipinakita sa camera ang singsing na suot ko.

Umiling-iling siya. "Nako! Suotan mo ng helmet 'yan. Baka mauntog 'yan bigla at mamaya hindi ka na mahal," nakangiwi pang aniya. Nang-aasar na naman.

"Araw-araw nang may suot na helmet 'yon. Literal!" Sabay kaming natawa.

Nang dumating si Bianca ay nakipag-usap rin ito sa kanya. Inaasar siya nito tungkol sa kanila ni Tristan, na magbe-break din daw ang mga ito. Pero hindi ito nagpatalo. Si Bianca pa. Eh, napakalakas din nitong mang-asar. Naputol lang ang masayang usapan naming tatlo noong dumating na ang Professor namin. Nagtatakbo pa kaming nagtungo ni Bianca sa room.

"Hi, Mr. X!" bati ni Bianca nang makasalubong namin si Xander sa hagdan. Paakyat ito, samantalang pababa kami. Hindi naman siya nito sinagot. "Sungit!"

"Dinner muna tayo. Where do you want to eat?" tanong ni Xander.

"Hanap tayo."

Tumango siya. Nilingon niya si Bianca habang nagpapatuloy na sa pagbaba. "Ikaw, saan mo gusto?"

"Isasama ninyo 'ko?" Malapad na ang ngiti nito.

"Hindi," mabilis na sagot ni Xander na ikinabagsak ng balikat ni Bianca at ikinabura ng ngiti niya. Pareho kaming natawa ni Xander.

"Ang bully ninyong dalawa!"

"Wow! Nahiya naman sa 'yo ang pagiging bully namin," natatawa at eksaherada kong sagot.

"Saan nga?" muling tanong ni Xander dito.

"Sayang ang libre pero may dinner kami kina Lola, eh." Tumango lang si Xander.

"Ingat!" Tinapik ni Bianca ang pang-upo ko. "Bye, Der!" Kaway niya rito.

"Ingat, Bi!" Kumaway pa ito bago pumasok sa sasakyan niya.

Kinuha ni Xander ang mga gamit ko at iniligay iyon sa likod ng kotse. Pumasok naman na ako sa unahan at hinintay siya.

"Saan tayo?"

Tiningnan ko ang mga nadadaanan namin para maghanap ng makakainan. Agad may nahagip ang paningin ko.

"Doon na lang tayo."

Itinuro ko ang tapsilugan, itinigil niya naman agad ang sasakyan.

"Dito mo talaga gusto? We can eat somewhere else," aniya habang nakatingin sa kainan bago tumingin sa akin.

Sus! Kung hindi ko pa alam ay siya ang may gusto na sa iba kumain. Gusto niyan, kung hindi sa restaurant ay sa fast-food.

"No. Dito na lang." Tinanggal ko na ang seatbelt ko bago pa siya makaangal. "M moaiba naman. Tara!"

Sabay kaming bumaba at naglakad papunta sa kainan. Medyo marami ring kumakain roon. Umorder kami ni Xander bago umupo sa lamesa na nasa bandang gitna. Tapa ang pinili niya at chicken naman sa akin. Mabilis namang dumating ang order namin.

Napangiti ako nang wala siyang maging reklamo sa unang subo hanggang sa nagtuloy-tuloy iyon. Maarte kasi ito pagdating sa pagkain at sa kakainan. Ako naman kasi kahit saan at kahit ano oaky sa akin, syempre basta malinis ang place.

"Alam mo ba..."

"Hm?"

"Secret lang, ha."

Pailalim niya akong tiningnan, sa tingin niya ay para bang may nasabi akong mali. Mahina akong natawa.

"Eh, kasi si Ge..."

Parang nakuha niyon ang atensyon niya. Umayos ito ng upo. "Oh? Anong sabi?"

Lumingon pa ako sa kaliwa't kanan bago humilig sa lamesa. "Gusto niya si Erika. Matagal na," mahina kong ani.

Mahina siyang natawa. "Akala ko naman kung ano."

"Alam mo?" Nagkibit-balikat siya. "Alam mo nga?"

"It's obvious. Kita naman sa kilos niya."

Nangunot ang noo ko. Bakit ako hindi ko napansin? Ramdam niya siguro iyon dahil lalaki rin siya? "Paano si Troy? Alam niya rin?"

"I don't know, Samantha."

Napalabi ako. "Naaawa ako kay Ge."

"I thinks it's not a big deal for him. Kasi kung gano'n baka matagal na niyang sinabi sa'yo at umatungal."

"Grabe ka naman sa umatungal!"

"What I mean, Miss Samantha, na baka nagsabi ng broken hearted siya."

Napaisip ako. May point naman siya roon. Siguro nga ay hindi big deal iyon at hindi ko na kailangan pang mag-alala nang husto kay Gerald.

Pagkakain ay dumiretso na kami sa bahay. Pinagbuksan niya 'ko ng pinto ng kotse. Nagpaalam na ako rito matapos kong pabaunan ng halik.

"Bye!" Kaway ko.

Naglakad na ako pero natatawa akong natigilan at muli siyang nilingon. Hawak niya pa rin ang kamay ko. Nakangisi ito.

"Ano?" natatawa kong tanong.

"Five minutes." Hinila niya ako at niyakap.

Ito na naman po kami!

Ganito siya tuwing ihahatid ako. Para na akong ayaw pauwiin.

Mahigpit ang yakap niya. Ikinawit ko rin ang mga braso ko sa bewang niya.

"Ang daming bituin, Samantha."

"So?"

"Baka lang gusto mong dagdagan ang five minutes."

Natatawa ko siyang tinapik sa likod. "May gagawin pa po ako, Mister."

Humigpit pa lalo ang yakap niya. Isinubsob ang mukha sa aking leeg. "Five minutes, then."

Isinubsob ko ang mukha sa kanyang dibdib at sininghot pa iyon. Paborito ko talaga ang amoy ng pabango niyang ito. Matapang pero may kaunting daplis ng tamis.

Muli ko siyang tinapik sa likod. Tiningala ko siya. Tumama ang noo ko sa kanyang labi. "Five minutes na po, Sir."

"Ngayon pa lang ako magbibilang," aniya na ikinahalakhak ko.

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top