Kabanata 2
HINDI ko maipaliwanag ang sakit na nararamdaman ko kahit pa ilang oras na ang nakakalipas. Para akong dinudurog nang buo niyon. Parang mayroong matulis na bagay ang paulit-ulit na tumatarak sa puso ko. Kahit kailan ay hindi mo talaga mapaghahandaan ang sakit na mararamdaman mo kapag dumating na ang ganitong oras. Sa oras na may umaalis at alam nating hindi na natin sila makikita pa.
"I'm sorry, D-Dad. Mahal na mahal kita! Y-you're free n-now, D-dad!. I-I love you! I love you, Dad! I love you so much!"
Patuloy ang pagbaha ng mga luha ko habang paulit-ulit na binabanggit ang mga salitang iyon. Ramdam ko ang patuloy na paghagod ng kamay ni Gerald sa likod ko. Hindi ko alam kung gaano katagal akong nakayakap kay daddy. Hindi ko matanggap na tuluyan na niya akong iniwan. Sa pagkawala niya ay para akong ibon na pinutulan ng isang pakpak. Pakiramdam ko ay hindi na ako muling makakalipad at mabubuhay nang malaya.
Dumating si Tita Agnes kinagabihan. Kasama nito ang kanyang asawa na si Tito Ethan. Tinulungan nila ako sa pag-aasikaso ng natitirang hospital bill at ilang papeles. Kung tutuusin ay sila lang halos ang kumilos doon. Nakasunod lang ako sa kanila, patuloy ang pag-iyak, habang nakaalalay sa akin si Gerald.
Dinala namin si daddy sa memorial chapel kinabukasan. Dumating naman agad doon ang mga kamag-anak at kaibigan niya. Si Tita Agnes din ang nagbigay alam sa kanila sa pagkawala ni daddy. Panay ang pag-iyak nila at pagsasabi ng pakikiramay pero hindi ko magawang pasalamatan man lang iyon. Dahil sa isip ko, tumatakbo ang isang tanong, 'Nasaan kayo noong kailangan kayo Daddy?'
Ayokong manumbat pero hindi ko maiwasang masaktan para kay daddy sa kaisipang ni minsan hindi na muli nila ito nagawang dalawin man lang sa loob ng ilang taon. Hindi ko alam kung paano tatanggapin ang pamilya niyang tinalikuran kami sa oras na kailangan na kailangan namin ng makakapitan.
Kasalukuyan akong nakaupo sa upuan nasa tabi ng kinahihimlayan ni daddy. Tahimik na ang aking mga mata ngunit ramdam ko ang hapdi at pamumugto niyon. Dama ko sa aking palad ang init na nagmumula sa hawak kong plastic cup na may lamang kape. Dinala iyon sa akin ni Gerald na isa sa abala sa pag-aasikaso ng mga nakikiramay.
"Sigurado ka na ba sa desisyon mo, Sam? Paano kapag sinabi ng pamilya niyang gusto nilang dalhin sa bahay nila ang labí ng Daddy mo?" tanong sa akin ni Tita na nasa harapan ko. Sa tabi niya ay naroon si Tito Ethan. Ipinaalam ko sa kanila ang desisyon kong ipa-cremate din agad bukas si daddy.
"Nakausap ko na po sila at pumayag naman sila. Gusto ko na pong makapagpahinga na ng tuluyan si Daddy, Tita. Masyado na siyang..." Muling nabasag ang aking boses. Ramdam ko ang nagbabadyang pagpatak ng luha. "Masyado na siyang napagod sa walong taon na iyon."
Tumango siya at binigyan ako ng tipid na ngiti. Bakas ang lungkot at awa sa kanilang mukha. "Okay, hija. Karapatan mo namang mag desisyon niyan dahil nasa hustong edad ka na."
"Ano'ng balak mo ngayon, Sam? Mananatili ka ba rito sa Manila?"
Hindi agad ako nakasagot sa tanong na iyon ni Tito Ethan. Sa totoo lang ay ngayon ko lang naisip ang tungkol doon. Ngayong wala na si daddy pakiramdam ko ay mag-isa na lang talaga ako. Kinakain ako ng takot at pangamba para sa mga susunod na bukas sa buhay ko.
"Sabi ni Ava ay isama ka namin doon sa Santa Clara," nakangiting balita ni Tita Agnes na pumutol sa pag-iisip ko. "Kung gusto mo ay isasama ka agad namin pagbalik namin."
"Matutuwa ang pinsan mo kapag nakita ka," nakangiti ring ani Tito Ethan.
Napatungo ako. Natatakot akong baka maging pabigat lang ako sa kanila lalo pa't maraming taon na silang tumutulong kay daddy. Pero aaminin kong mayroon sa puso ko na gustong pumayag sa alok nilang iyon. Dahil ang isa sa ikinakatakot ko ay ang maiwan dito sa Manila nang mag-isa.
Bago pa man ako makapag-isip ng magiging desisyon ay narinig ko nang muling nagsalita si Tita.
"Sana naman ay pumayag ka na, Sam." Humihiling ang tono ng boses niya. "Pumayag na ako noon nang sinabi mong magtatrabaho ka habang nag-aaral kahit hindi dapat. Pumayag ako noon nang sabihin mong huwag na akong magpadala palagi ng pera sa'yo kahit gusto kitang tulungan. Sam, please, hindi ako matatahimik kung iiwan kita rito nang mag-isa." Makikita ang pagsusumamo sa mukha niya habang sinasabi ang mga iyon.
"Mas mapapanatag kami kung nakikita ka namin ng Tita mo, Sam," ani Tito.
Malalim akong bumuntong-hininga. Siguro nga ay ito ang nararapat. Sila na lang ang kamag-anak kong handang kumupkop sa akin. Kung hindi ko tatanggapin ang alok nila ay wala na akong mapupuntahan pa.
"O-okay po." Agad na rumehistro ang magandang ngiti sa kanilang labi nang banggitin ko iyon. "Pero... pwede po bang sumunod na lang ako sa Santa Clara?"
"Ha? Bakit hindi ka pa sumabay sa amin?" kunot-noong tanong ni Tita.
"May dalawang buwan pa po bago matapos ang school year, Tita. Tsaka ayoko pong mawala bigla na hindi nagpapaalam sa may-ari ng coffee shop kung saan ako nagta-trabaho."
Nagkatinginan silang mag-asawa at saglit na nagtitigan na parang nag-uusap bago muling tumingin sa akin nang sabay.
"Kailan mo naman balak umuwi roon sa Santa Clara?" tanong ni Tito.
"First week of April, Tito, naroon na po ako."
Tumango-tango si Tito at muling ngumiti. "Okay, sige. Kung iyan ang gusto mo, Sam."
Nag-asikaso rin muna ng mga nakikiramay sila Tita. Nanatili naman ako sa tabi ni daddy.
"Sam..."
Napalingon ako sa tumawag. Nakita ko si Gerald at katabi niya ay si Doctor Hernandez. Isa sa may mabuting loob na naging doktor ni daddy. Kasama nito ang girlfriend na si Nurse Mitz. Si Doc ang naroon na simula pa sa simula. Magaan ang loob ko sa kanya. Mabait kasi ito at matulungin.
Tumayo ako. Tinapik niya ang balikat ko. Si Nurse Mitz naman ay isang yakap ant obinigay sa akin. Saglit lang iyon pero gumaan ang nararamdaman ko. Pinanood ko nang silipin nila si daddy. Matagal silang tumitig doon bago lumapit sa akin si Doc.
"Wala ako noong nawala siya." Sa tono ng pananalita niya ay parang humihingi siya ng tawad.
"Opo. Nasa isang medical mission daw po kayo."
Hinawakan niya ang kamay ko at ngumiti.
"Hanga ako sa'yo, Samantha. Alam kong napakahirap ng mga pinagdaanan mo sa mga nakalipas na taon. Napakabata mo pa pero kinaya mo ang lahat ng iyon. Para na kitang anak, Sam, kaya gusto kitang makitang nakangiti at puno ng buhay ang mga mata. Sana sa muli nating pagkikita ay hindi na lungkot at pighati ang makita ko sa'yo. Ipagdarasal kong makita mo ang kaligayahang nararapat para sa'yo."
Kinabukasan nang ma-cremate si daddy ay dinala namin siya sa columbarium at itinabi sa funeral urn ni mommy. Saglit lang namalagi roon ang mga kamag-anak at kaibigan ni daddy. Makalipas naman ng isang oras ay nagpaalam na rim sila Tita Agnes na babalik na sa Laguna. Hindi sila maaaring magtagal dahil sa trabaho ni Tito Ethan.
"Hihintayin ka namin doon, ha?" ani Tita habang hawak ako sa magkabilang balikat.
Tumango ako at tipid na ngumiti. Niyakap niya ako at ginantihan ko naman iyon. Napapikit ako nang maramdaman ang gaan sa puso ko. Ang sarap sa pakiramdam ng yakap niya. Nagbibigay iyon ng kapayapaan sa akin. Mariin akong napapikit nang maalala ang yakap sa akin ng magulang ko. Kung gaano kainit ang yakap nila.
Nang kumalas si Tita ay pumalit sa kanya si Tito Ethan. "Mag-iingat ka rito, Sam. Tumawag ka kapag may kailangan ka," aniya nang kumalas.
"Opo. Ingat po kayo sa biyahe. Maraming salamat po sa lahat, Tita... Tito."
"Huwag mong isipin 'yon, hija. Basta maghihintay kami sa 'yo sa Santa Clara, okay?"
Tumango ako. Isang beses pa nila ako binigyan ng tig-isang yakap bago umalis. Pagkatapos ko namang magpaalam kay daddy ay umalis na rin ako. Sumakay ako ng jeep. Hindi ko alam kung saan ako pupunta nang mga oras na iyon. Doon ko napagtanto na wala na akong lugar dito sa Manila. Sa kawalan ng mapupuntahan, pumara ako sa ospital kung saan na-confine si daddy nang madaanan iyon.
Tinitigan ko ang limang palapag na ospital. Napalingon ako sa kanan ko nang maramdaman ang paghawak niya sa kamay ko. Naroon si Gerald. Kanina pa ito tahimik pero hindi naman ako iniiwan. Para bang sa ganoong paraan niya ipinaparamdam na hindi ako nag-iisa. Na narito lang siya sa tabi ko kahit wala kaming sabihin sa isa't isa.
Sobra kong ipinagpapasalamat ang hindi niya pang-iiwan sa akin simula noong araw na nawala si daddy. Dinalhan nga lang ito ng gamit ng mga kapatid nang makipaglamay ang mga 'to. Alam kong pagod at puyat na rin siya, pero ayoko pang iwan niya ako ngayon. Natatakot pa akong... mag-isa.
Tiningala ko ang kalangitan. Hindi iyon masakit sa mata dahil hindi na tirik ang araw pero unti-unting humahapdi ang mga mata ko.
Kanina ay hindi ako umiyak kahit isang patak ng luha. Para bang namanhid ang puso ko at maging ang luha ko ay ayaw payagang tumulo. Pero ngayon ay ramdam ko ang pagbabara ng lalamunan ko dahil sa mga luhang gustong kumawala. Ngayon pa lang ay namimiss ko na si daddy.
Alam kong masaya ka na riyan, Dad. Kasama mo na ulit si Mommy. Wala ka ng sakit na mararamdaman. Hindi ka na malulungkot at hindi ka na mag-iisa. Thank you, Dad. Noong nawala si Mommy ay hindi ko naramdamang wala siya. Hindi ko naramdamang may kulang dahil pinupuno mo iyon lagi ng pagmamahal. Mahal na mahal kita, Dad. Mahal na mahal ko po kayo ni Mommy.
Apat na taon lamang ako noong mawala si mommy dahil sa sakit na cancer. Ngayon naman ay wala na rin si daddy. Hindi ko alam kung kaya kong harapin ang mundong ito nang wala sila sa tabi ko.
Napangibit at napahagulgol ako. Agad akong kinabig at niyakap ni Gerald. Bumuhos ang mga luhang maghapong naipon sa aking mga mata. Bumuhos ang sakit. Bumuhos ang paghihinagpis.
"G-Ge..."
"Sige lang, Samantha. Kung sa pag-iyak magiging magaan ang loob mo, handa ang balikat ko. It's okay to cry, Sam. Iiyak mo ang sakit at kapag naubos na ay papalitan natin ng ngiti ang mga pagluha."
Mas lalo kong naisubsob ang mukha sa kanyang dibdib. Mas lalong bumuhos ang mga luha.
Dumaan ang mga araw na para bang nawalan ako ng ganang magpatuloy. Tumira ako sa isang boarding house na malapit sa University. Ganoon lang din ang naging buhay ko katulad noong nandito pa si daddy. Papasok sa University, pagkatapos ay papasok sa trabaho at uuwing pagod ang isip at katawan. Pero ngayon ay tuluyan na akong nawalan ng pag-asa at dahilan upang magpatuloy para sa mga susunod na bukas. Para na lang akong humihinga dahil kailangan kong ipagpatuloy ang buhay ko.
Pilit kong pinapahinahon ang sarili. Ilang ulit kong pinunasan ang aking mukha pero hindi natutuyo iyon. Paulit-ulit lang akong napapahikbi habang nakatitig sa litrato namin ni daddy.
Nang sa wakas ay tuluyan ng natuyo ang mga mata ko ay pinilit kong tumayo. Naghanda ako sa pagpasok sa trabaho na parang walang nangyari. Ganoon naman parati. Hindi ako pwedeng magmukmok sa isang tabi. Kailangan kong magtrabaho kahit gaano pa kabigat ang nararamdaman ko. Kailangan kong tiisin ang pagpipigil na huwag maluha tuwing maalala si daddy.
Nakita ko ang awa sa mga mata ni Gerald nang makita niya ang pagpasok ko. Tiningnan ko naman ang sarili sa salamin bago pumasok. Wala namang bakas na matagal akong uniyak kanina. Marahil ay ramdam niya lang ang lungkot ko. Nakita ko sa pagtaas ng kanyang balikat ang ginawa niyang pagbuntong-hininga. Lumapit siya sa akin at hinaplos ang pisngi ko.
"Okay ka lang ba?"
Tipid, halos hindi na nga umangat ang gilid ng labi ko, nang ngumiti ako. Nang umiling ako ay agad niya akong niyakap.
Natapos ang maghapon na mabigat ang puso ko pero pilit na nagbibigay ng ngiti sa mga customer. Ilang ulit kong nahuli ang nag-aalalang tingin ni Gerald pero ngiti lang din ang nagiging sagot ko roon. Pilit din naman nitong susuklian ang ngiti ko
"Thank you, Ge. Ingat ka!" nakangiting ani ko nang ihatid niya ako sa boarding house isang gabi. Tumango ito kaya naman tumalikod na ako. Ngunit bago ko pa man mabuksan ang gate ay narinig ko ang pagtawag niya sa akin.
Muli ko siyang nilingon. Naglakad ito palapit sa akin. Nanlaki ang mga mata ko nang walang salita niya akong niyakap. Hindi ko nagawang kumilos dahil sa pagkabigla. Nang kumalas siya ay agad niyang sinapo ng dalawang kamay ang magkabila kong pisngi at sinalubong ang tingin ko.
"Please, stop torturing yourself, Samantha. Hindi ko na kayang makita ka pang ganito. At hindi magugustuhan ni Tito Samuel kung patuloy kang magkakaganito," mahinahong aniya ngunit salubong ang kanyang kilay at bakas ang lungkot sa kanyang mga mata.
Agad nanikip ang dibdib ko sa pagbanggit niya sa ama ko. Napaiwas ako ng tingin nang maramdaman ang kirot sa puso ko. Dahil hawak niya pa rin ang pisngi ko ay madali niya akong naiharap muli sa kanya. Nanlalabo ang mga mata ko dahil sa pagtutubig niyon.
"Sam, gusto kong makita ang ngiti mo dahil masaya ka. Hindi dahil kailangan mo lang na ngumiti para may maipakita sa iba. Gusto kong patuloy mong pangarapin ang mga bagay na naiisip mo noon habang gumagawa ng paraan para maabot ang mga 'yon. At gusto kong gawin mo ang mga bagay na hindi mo nagagawa noon tulad ng gusto mo.*
Habang pinapakinggan si Gerald ay bumalik sa isip ko ang mga simpleng pangarap ko noon. Mga bagay na nagagawa ng iba na hindi ko magawa. Pero maging iyon ay parang hindi ko na gusto pang gawin.
"At alam kong iyon din ang gusto ni Tito Samuel, Sam. Alam kong mas magiging masaya siya kung mabubuhay ka ngayon para sa sarili mo."
Napanganga ako at mabilis ang naging paghinga. Malakas akong napahagulgol matapos bitawan ni Gerald ang mga huling mga salitang iyon.
Mahigpit ko siyang niyakap.
Gusto kong ibuhos doon ang lahat ng sakit, takot, kakulangan at lungkot na nararamdaman ko. Gusto kong masaid ang lahat ng iyon. Gusto kong maubos ang sakit. Gusto kong... magpahinga.
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top