Kabanata 17

NAPUNO ng tawanan ang hapag. Pinaliguan pa nila kami ni Xander ng tukso nang malaman ng mga ito na sinagot ko na 'to. Idagdag pa ang walang sawa nitong pag-aasikaso sa akin.

Nanatili kami roon at ipinagpatuloy ang pagsasaya. Hindi na alintana ang oras. Si Doc naman ay umuwi na rin kanina pagkatapos kumain para raw mas ma-enjoy namin ang party.

Malakas na umalingawngaw ang kantang "Party Rock Anthem". Tumayo si Erika at nakataas ang dalawang kamay nang sumigaw, "Let's party!"

Lumapit si Bianca kay Gerald at hinila ito. Wala ng nagawa ang huli at natatawa na lamang na sumunod. Kahit ako ay walang naging palag nang lapitan ni Tristan. Itinaas pa nito ang magkahawak naming mga kamay at pinaikot pa ako.

"Wooooh!" malakas na sigaw ni Tristan. Pare-pareho kaming pumunta sa gitna. Nanatili lang sa lamesa si Xander at Troy, nakangiti kaming pinapanood ng mga ito habang umiinom.

Sabay-sabay naming pasigaw na sinabayan ang kanta, nakapabilog at umiikot sa gitna at saka titigil at gagawa ng mga sarili naming sayaw. Para kaming mga bulate na binudburan ng asin.

Hingal na hingal kami nang matapos ang tugtog. Nakailang party songs pa bago nila naisipang magpahinga. Habang naglalakad pabalik sa lamesa ay feel na feel pa ni Erika ang pagsabay sa kanta ni Miley Cyrus na "Party in the U.S.A."

Umupo ako sa tabi ni Xander. Agad ako nitong inabutan ng isang basong tubig. Hinila niya pa ang silya ko palapit sa kanya na ikinairit ko nang malakas. Ikinawit niya ang kaliwang braso sa bewang ko.

Nag-iinit ang magkabila kong pisngi. Akala ko kapag naging boyfriend ko siya maalis na ang ganitong pakiramdam. 'Yong ilang at hiya kapag kikilos siya ng ganito. Hindi pa rin pala. Para ngang mas lumalala pa. Mukhang malayo pa ako sa kasanayang gusto ko. 'Yong kilig na lang at hindi na naiilang o nahihiya kapag ganito siya.

"Hindi napapagod ang isang 'yon," natatawang ani Bianca habang nakatingin sa pinsan ko at kay Troy. Katabi niya si Gerald at Tristan na nagtatawanan. Baka kung ano'ng kalokohan ang pinag-uusapan.

Sinundan ko ng tingin sila Erika. Nagpunta ang dalawa sa gitna at mabagal na nagsayaw, sinasabayan ang malumanay na kanta.

"Did you enjoy the party?" bulong sa akin ni Xander kaya nabaling muli sa kanya ang atensyon.

Nakangiti akong lumingon sa kanya. "Sobra!"

Humarap ako sa kanya. Hinawakan niya ang baba ko gamit ang hintuturo at dinampian ako ng halik sa labi. Hindi ko 'yon inaasahan kaya nanlaki talaga ang mga mata ko. Natawa naman ito.

"Tuwing nakikita kitang nakangiti, mas lalo akong nahuhulog, Samantha," malumanay na sabi niya. Bumalik ang ngiti ko.

"Pasensya na, Mister, pero baka mas mahulog ka pa sa mga susunod na araw."

Ngumisi ito. "Handa ang puso ko riyan." Tumayo ito at naglahad ng kamay sa akin "Let's dance?"

Nakangiti kong tinanggap ang kamay niya. Nagtungo kami sa gitna, malapit kina Erika at Troy. Seryosong nag-uusap ang dalawa. Mukhang hindi naman nila kami napansin dahil tutok na tutok sa isa't isa.

Hinapit ako ni Xander sa bewang. Hindi niya hinayaang magtira ng espasyo sa pagitan namin. Ikinawit ko naman ang mga braso sa kanyang leeg at pinagsiklop pa ang mga kamay ko sa batok niya. Mabagal kaming nagsasayaw sa saliw ng awitin ng South Border na "Rainbow", isa sa mga paborito kong kanta.

Nag-angat ako ng tingin sa kanya. Hinalikan niya pa ako sa noo na saglit kong ikinapikit.

"Hinding hindi ko makakalimutan ang araw na ito, Xander... Hindi naman ako naghahangad ng magarbong selebrasyon ng birthday ko. Sinabi ko naman sa'yong sapat na sa akin na kasama ko ang mga mahal ko sa buhay. Pero hindi lang iyon ang ibinigay ninyo, dinagdagan n'yo pa ng bagay na akala ko hindi ko na mararanasan pa."

Ngumiti ito. Nanatiling tahimik habang mataman ang pagkakatitig sa akin. Nag-init ang mga mata ko at mabilis din na pumatak ang luha mula roon.

"Ako ang pinakamasayang tao sa araw na ito. Hindi ko makakalimutan kung paanong ang isang gabi ay pinunan ang lungkot na naramdaman ko sa nakalipas na mga taon. At kayo ang dahilan niyon."

Bumuka ang bibig ni Xander, handaa na sanang magsalita pero naudlot iyon nang marinig namin ang sigaw na mula kay Erika.

"Group hug!"

At namalayan ko na lamang na naipit na kami sa gitna ni Xander.

"Happy birthday, Samantha!" sigaw nila. Tawa ako nang tawa nang umikot pa ang mga ito habang yakap kami.

--•--

"Aalis na ako."

Natawa ako dahil pang-ilang beses nang nasabi iyon ni Xander pero hindi naman siya kumakalas sa pagkakayakap sa akin.

"Aalis na talaga ako. Kailangan mo nang magpahinga."

Humagod ang lamig ng hangin sa katawan ko nang tuluyan na siyang lumayo sa akin. Nagpatak siya ng halik sa noo at labi ko.

"Pasok na."

"Mamaya na kapag nakaalis ka na."

Tiningnan niya ako ng masama. "Delikado, Samantha!"

"Oo na," natatawang sabi ko.

Tumalikod na ako. Aalis na sana pero muli ko siyang nilapitan. Mahigpit kong ipinulupot ang mga braso ko sa kanyang katawan.

"Ingat ka sa pag-uwi. Magdahan-dahan ka sa pagmamaneho at magtext ka kapag nasa bahay ka na," sunod-sunod na bilin ko.

"Yes, babe."

Babe!

"I love you, babe!" nakangising sabi ko. Pinakadiinan ang huling salita

"I love you, too! And happy birthday!"

"Alas dos na, hindi ko na birthday."

"Belated, then."

Ngumisi ako.

"Pasok na, Samantha, baka pa tamarin akong umalis," naatawang sabi niya.

Tumango ako at pumasok na nga sa gate. Isang beses ko pa siyang nilingon at kumaway. Nang makapasok sa bahay ay saka ko pa lamang narinig ang pagkabuhay ng big bike niya. Malapad ang ngiti ko habang naglalakad paakyat sa hagdan.


Nadaanan ko ang guest room kung saan nagpapahinha si Gerald. Siguro ay tulog na ito lalo pa't pagkarating ng Santa Clara ay dumiretso na ito sa party.

Akala ko dahil sa pagod at puyat ay tatanghaliin na ako ng gising. Pero kabaligtaran niyon ang nangyari. Alas sais pa lamang ay kusa nang nagmulat ang mga mata ko. Kahit anong pikit ko at gustong bumalik sa pagkakatulog ay hindi ko na nagawa.

Nakapantulog pa ako nang lumabas ako ng kwarto. Tumigil ako sa kwarto ni Gerald at kumatok, baka sakaling gising na rin ito. Naka-tatlong katok ako pero walang nagbubukas niyon kaya naman nagpatuloy ako sa paglalakad. Pero bago pa man ako makalapit sa bungad ng hagdan ay narinig ko na ang boses nitong tumawag sa pangalan ko.

Nakadungaw ang ulo nito sa pinto ng guest room. Mukhang bagong ligo dahil basa pa ang buhok. Nakasuot ito ng white shirt at jersey short. Lumabas na siya at lumapit sa akin.

"Morning!"

"Good morning!"

"Wala pa si Erika?" tanong nito na lumingon pa sa aming likuran.

"Nako, mamaya pa 'yon!"

Nakarating kami sa kusina at naabutan namin doon sila Tita Agnes na nag-a-agahan na.

"Good morning po, Tita, Tito!" bati ko sa kanila. Sabay silang napalingon sa amin.

"Magandang umaga po, Ma'am... Sir," magalang na bati rin ni Gerald sa kanila.

"Good morning din sa inyo! Halika at maupo na kayo," nakangiting ani Tita Agnes.

Umupo ako sa tapat ni Tita at sa tabi ko naman si Gerald. Pasulyap-sulyap pa ako kay Gerald habang kumukuha ng pagkain dahil baka mahiya 'to at hindi kumuha ng sapat sa kanya.

"Kumain ka nang marami, Hijo. 'Wag kang mahihiya," nakangiting ani Tito Ethan.

Ngumiti rin si Gerald. "Opo. Salamat po!"

"Bakit ang aga ninyo namang nagising? Hindi ba't napuyat kayo?"

"Nagkusa na po ang katawan, Tita."

"Nag-enjoy ka naman ba kagabi sa party mo, Sam?"

"Opo, Tita. Sobrang nag-enjoy po ako!"

"Tuwang tuwa rin si Ava. Panay ang send sa akin ng pictures mo."

Hindi nakapunta sila Tita sa party dahil may inaral si Tito na kaso. Hindi na rin dumaan nang matapos dahil gabi nang nakauwi ang mga ito.

Sinadya naman nila Erika na hindi na muna mag-imbita ng mga kaibigan nila at pinanatiling kami na lamang muna roon. Ayaw raw nilang mailang ako at baka pa hindi mag-enjoy.

"Nag-aaral ka pa ba, Hijo?" tanong ni Tito kay Gerald.

Nilingon ko ang katabi ko. Napangiti ako. Mukha namang hindi tinablahan ng hiya rito. Kahit saan naman yata 'to dalhin ay ayos lang. Kaya niyang makihalubilo na parang matagal nang kakilala. Kagabi nga lang ay tuwang tuwa sila Erika sa kanya lalo si Bianca. Mabait daw ito at gwapo.

"Opo. Graduating na po ako this school year, Sir."

"Really? Congratulations!" May bahid ng tuwa ang boses ni Tito. "What's your course?

"Civil Engineering po."

"Pareho kayo ni Alexander. Kaibigan ng dalawang iyan. Nakilala mo ba siya kagabi?"

"Samantha's boyfriend, Sir? Ah, yes po."

Natigilan ako sa pagnguya at nanlalaki ang mga matang napalingon kay Gerald. Napatingin din siya sa akin. Nagtaas siya ng dalawang kilay na parang nagtatanong.

Pinanlakihan ko siya ng mga mata at nakagat ko ang ibabang labi ko habang nakatingin sa kanya. Mukhang nakuha niya naman iyon. Bahagyan pang nanlaki ang mga mata niya habang nakatingin sa akin.

"Boyfriend, Sam?"

Nilingon ko si Tita. Seryoso ang mukha nito. Hindi pa alam nila iyon. Hindi ko pa nababanggit. Kukuha pa nga lang ako ng tiyempo para masabi iyon.

Sinipa ko si Gerald sa paa. Natawa ito pero agad din 'yong idinaan sa pekeng pag-ubo.

"Boyfriend mo na si Alexander?" tanong niya pa ulit nang hindi ako sumagot.

Kagat-labi akong tumango. Napanganga pa si Tita bago nagtakip ng bibig gamit ang dalawang kamay.

"Kailan pa, Hija?"

Lumipat ang tingin kay Tito nang ito naman ang nagtanong. Malumanay ang boses niya pero hindi nagawang palisin niyon ang kaba ko.

"Kagabi lang po, Tito."

"Bakit hindi mo agad sinabi sa'kin?" Nakangiti at magkasiklop na ang mga kamay ni Tita ngayon.

"H-hindi po kayo g-galit?"

"Of course not! Bakit naman ako magagalit? Humarap naman siya sa amin at nagsabing manliligaw sa'yo, hindi ba?"

"A-akala ko po kasi ay galit kayo."

"Hindi, hija. May tiwala naman ako sa inyo ni Ava."

"Sinong Ava?"

Bulong ni Gerald sa tenga ko. Ipinaling ko ang ulo ko pero ang tingin ay nanatili kay Tita. "Si Erika. Second name niya ang Ava."

"Matatanda na kayo at alam n'yo na ang tama at mali. May tiwala kami ng Tita mo na hindi ninyo kami bibiguin ng pinsan mo. Magtapos muna kayo ng pag-aaral. Iyon lang ang nais namin. Naiintindihan mo naman ang sinasabi ko, hindi ba, Samantha?" malumanay pero bakas ang pagiging istrikto sa boses ni Tito.

Naiintindihan ko ang gustong iparating ni Tito. Hindi na ako bata para hindi makuha ang gusto niyang iparating.

"Opo, Tito. Makakaasa po kayo."

"Salamat," aniya pa na ngumiti. "Ito lang pinakamagandang maiiwan namin sa inyo. Ang magandang edukasyon."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top