Kabanata 16

HINDI pa man ako tuluyang nakakabawi sa pagkabigla dahil sa surpresa nilang ito ay hinila na ako ni Erika at Bianca patungo sa unahan. Pinaupo ako ng mga ito sa isang magara at sopistikadang sofa.

Kung kanina ay gusto kong umiyak dahil sa labis na saya, ngayon ay nasasapawan na iyon ng pananabik lalo pa't dahil sa masayang tugtugin na "Shake It Off" na pumapalahaw sa buong kabahayan.

Nagtungo ang dalawa sa kabilang dulo kung nasaan ang iba pa naming kaibigan. Noon ko naman napagmasdan ang paligid. May iba't ibang kulay ng balloons sa kisame at sa dulo ng tali niyon ay may nakasabit na mga litrato puro mukha ko ang naroon. Mayroon ding dekorasyon ang dingding sa aking likuran. Puno ng pagkain ang pahabang lamesa na naroon. Kahit sa gilid ko ay may pahaba pang lamesa.

Bumalik ang atensyon ko sa mga kaibigan ko nang humina ang tugtugin.
Napatakip ako sa nakanganga kong bibig nang makita ang papalapit na si Erika.
Akala ko'y tapos na nila akong gulatin ngunit hindi pa pala.

Sa kabila ng masiglang ritmo ng tugtugin ay hindi ko napigilan ang pangingilid ng mga luha ko habang nakatingin sa pinsan ko. May suot itong party hat na may numerong eleven sa gitna. Hawak niya sa dalawang kamay ang isang maliit na cake.

"Happy eleventh birthday, my beautiful cousin!" malakas niyang pagbati nang makalapit. Umiindayog pa ito. Sinindihan niya ang kandila na nakatusok sa cake. "Make a wish."

Tuluyang tumulo ang luha ko nang pumikit ako upang bumulong ng isang hiling. Isang hiling na gustong iparating ng aking batang sarili sa kung sino ako ngayon.

"Maging masaya ka, Samantha. Ngayon at sa mga susunod na taon."

Luhaan kong hinipan ang kandila. Malakas na palakpakan naman ang ibinigay nila sa akin. Humalik si Erika sa tuktok ng aking ulo.

"Don't cry, birthday girl. Masisira ang makeup mo." Pinunasan niya ang aking pisngi bago ako iniwan.

Sunod kong nakita ang papalapit na si Bianca. Hindi pa man tuluyang humuhupa ang luha sa mga mata ko ay malakas naman akong natawa nang gumiling-giling pa ito habang naglalakad palapit sa pwesto ko. Tulad ni Erika ay may bitbit itong maliit na cake.

"Maligayang kaarawan, our dear Sammmy!" sigaw niya na nakapagpatawa muli sa akin. "Make a wish and blow your candle."

Mas lumala ang tawa ko nang sumunod sa kanya si Troy na may suot na unicorn headband. On my fifteenth and sixteenth birthday ay si Xander at Tristan na ang may suot niyon. Sabay namang nagdala ng cake si Erika at Bianca sa ika-labing pitong kaarawan ko. Seryoso ang isa, samantalang ang isa ay napapasayaw pa sa kanta ng Westlife na "When You're Looking Like That"

"Happy seventeenth birthday, Sam," seryosong bungad ni Erika. Ibang iba sa mood nilang lahat kanina. "Alam mo ba, akala ko noon ay sapat na ang batiin ka ng happy birthday tuwing kaarawan mo. Hindi ko naisip na kailangan mo rin ng kasama sa mismong araw na iyon."

Muling nangilid ang luha kong nakalimot saglit na sabayan ang pagsasaya namin kanina. Mabilis ko rin naman 'yong napigilan sa pagpatak.

"I'm sorry kung wala ako sa tabi mo noong past birthdays mo but I promise you... na kahit ayaw mo na akong kasama mananatili ako sa tabi mo tuwing kaarawan mo. Kahit pa may asawa ka na... at mga chikiting."

Mahina akong natawa dahil sa mga huling sinabi niya. Dinuggo naman ito ni Bianca.

"Tabi nga! Sabi mo walang drama tapos ikaw naman 'tong nangunguna."

"Teka, hindi pa tapos ang message ko," luhaang angil ni Erika.

"Magkasama naman kayo sa bahay. Mamaya mo na sabihin."

"Pinagpraktisan ko pa 'to, eh!"

Natatawa kong pinanood ang mga ito nang magtalo pa sila sa harapan ko. Kung hindi pa sinaway ni Troy ang mga ito, na rinig yata sa buong bahay ang boses dahil sa gamit na mikropono ay baka hindi titigil ang mga 'to.

Nang makaalis ang dalawa sa harapan ko ay bahagyang dumilim ang buong paligid. Tanging ang dim light na lamang sa pwesto ko ang nagbibigay liwanag sa paligid kasabay niyon ay umalingawngaw ang bersyon ni Christian Bautista sa kantang "Beautiful Girl"

At nang gabing iyon, hindi lang nila ipinaranas sa akin kung gaanong kasaya ang magdiwang ng kaarawan. Ipinaranas din nila sa akin ang isang bagay na pinangarap ko lang noon at isang pangyayari na minsan ko nang kinainggitan sa mga ka-edad ko.

"Hi, beautiful girl," nakangiting sambit ni Troy. Inabot niya sa akin ang hawak niyang tatlong pulang rosas kasunod ng paglalahad ng kamay. Inalalayan niya ako papunta sa gitna.
Ipinatong ko sa mga balikat niya ang mga kamay ko at inilagay naman ang mga kamay niya sa bewang ko. Saglit kaming mabagal na nagsayaw. Mayamaya ay lumapit na si Tristan.

"Tama na raw 'yan!" malakas na sigaw ni Erika nang mag-umpisa kaming magsayaw. Katabi niya si Xander na nakahalukipkip at nakatutok ang paningin sa amin ni Tristan.

"Hindi pa nga ako nag-iinit sa kinakatayuan ko!" nakangusong ani Tristan. Nakangiti niya akong hinarap.
"Akin ka na ngayon, Samantha," mahinang sabi niya at tumawa pa ito na katulad ng mga kontrabida sa pelikula, na ikinahalakhak ko.

Natapos lang ang pagsasayaw namin na sasakit ang tiyan ko katatawa. Kumaway pa ito bago naglakad papunta kina Erika kaya naiwan ako sa gitna.

May kumalabit sa likod ko kaya napalingon ako roon. Napanganga ako nang makita ang taong nakatayo roon. Malapad ang pagkakangiti nito.

"Happy birthday, Samantha!"

"Doc!" Hindi ako makapaniwalang pati siya ay narito ngayon. Kinuha ko ang iniabot niyang bulaklak at nagsimula kaming magsayaw habang gulat pa rin akong nakatingin sa kanya. "Paano n'yo po nalaman ang tungkol dito?"

"Kinausap ako nila Tristan. Syempre ikaw ang may birthday, sino ako para tumanggi?"

"Doc naman, eh!" Natawa ito. "Thank you so much po, Doc! Sobrang saya ko lalo na't narito kayo!"

"I'm glad that you're happy, Samantha. And I know na mas magiging masaya ka pa sa sorpresa ng mga kaibigan mo."

"Nalulunod na nga ako, Doc. Iba rin magbigay ng sorpresa ang mga 'yon."

Nagpatuloy pa ng ilang minuto ang mabagal na pagsasayaw namin. Naiwan akong muli sa gitna nang matapos iyon. Nakangiti ko pang pinanood si Doc habang naglalakad ito palapit sa pwesto nila Xander.

Kasabay ng pagtugtog ng "Forevermore" ng Side A ay napansin ko ang lalaking lumabas mula sa likod nila Erika. Naglakad ito papalapit sa kung nasaan ako. Tulad ng iba ay may bitbit itong mga bulaklak. Hindi pa man 'to tuluyang nakakalapit ay nakilala ko na kung sino ito.

Kung hindi ko inaasahan na narito si Doc, mas lalong hindi ko inaasahan na narito ang lalaking ngayon ay nasa harapan ko na habang matamis na nakangiti habang nakatitig sa akin.

"Happy birthday, Samantha!"

Hindi ko agad nagawang abutin ang mga rosas na ibinibigay niya sa akin. Mabilis akong tumingkayad at ipinulupot ang mga braso ko sa kanyang leeg. Ramdam ko rin ang pagpulupot ng mga braso niya sa katawan ko at rinig ko pa ang mahina niyang pagtawa. Ang mga luhang tila naipon sa ilalim ng mga mata ko ay nagpatakan habang nakasubsob ang mukha ko sa dibdib ni Gerald.


Hindi nila alam kung gaano nila napapasaya ang puso ko. Magmula sa pagdiriwang ng ika-labing isang kaarawan ko hanggang sa pagdadala nila kay Doc at kay Gerald dito.

Alam kong si Erika ang nakaisip ng tungkol sa pagpapapunta rito kay Gerald. Hindi ko alam kung paanong pasasalamat ang gagawin ko para iparating sa kanya ang labis na sayang nararamdaman ko. Napupuno ng galak ang buong pagkatao ko ngayon dahil kasama ko ang mga espesyal na tao sa buhay ko ngayon. Iyon lang naman ang tangi kong hiling at katatangi kong pangarap na isang selebrasyon. Wala man ang iba, pero dala ko na sila sa puso ko.

"Hoy, ano'ng nangyayari sa'yo?" natatawang tanong ni Gerald na lalo kong ikinaiyak. "Birthday na birthday mo panay ang iyak mo. Papangit ka niyan, sige ka."

Kumalas ako sa pagkakayakap sa kanya at hinampas ang dibdib niya na ikinatawa nito. "Nakakainis ka!"

Natatawa pa rin ito nang punasan niya ang mukha ko. Hanggang ang tawa niya ay humupa at naging ngiti iyon. "Masaya akong makita ka ulit, Sam," malumanay na sabi niya habang nakatitig sa'king mga mata.

"Ako rin. Na-miss kita. Sobra!"

Nag-umpisa kami sa mabagal na pagsasayaw habang inuusisa ko siya kung paano siya napunta rito.

"Si Erika, 'no?"

"Oo. Tumawag siya sa'kin. Sabi pa nga ninakaw niya lang ang number ko sa cellphone mo at huwag akong maingay." Nakangisi siyang napailing. "Mala-armalite rin bibig no'n, ano?"

Malakas akong natawa. "Loko ka talaga! Pinsan ko 'yon, hoy!"

"Aba, sasabihin ko pa lang na susubukan ko ang dami na agad nasabi. Ano pa raw at naging magkaibigan tayo. Kung hindi ako kinonsensya no'n hindi ako pupunta rito."

Napaismid ako kahit alam kong nagbibiro lang siya.

"Joke lang! Na-miss nga kita, eh." Ngumisi siya. "Kulitin," dugtong niya.

"Hanggang kailangan ka naman dito?"

Tinapos namin ang tugtog. Nang pumailanlang ang kantang "Ngiti" ay naging hudyat iyon kay Gerald para pakawalan ako. Nagkasalubong pa ang dalawa ni Xander habang papunta rito ang isa. Nagfist bump ang mga ito.

"Sayang saya, ah?" nakangising sabi ni Xander habang ibinibigay ang apat na rosas sa akin.

"Sinabi ni Troy na ikaw ang pasimuno nito. Thank you, Xander. Sobrang saya ko. Hindi ko talaga ito inaasahan."

Pumungay ang mga mata niya at hinawakan ang pisngi ko. "I'm happy that you're happy, Samantha. I love you so much!"

Napangiti ako at napapikit nang dumapi ang labi niya sa aking noo. "I love you, Xander!"

Mabilis siyang napalayo sa akin na ikinatawa k. Bakas ang gulat sa bahagyang nanlalaki niyang mga mata.

"Sam," mahina at hindi makapaniwala niyang tawag sa pangalan ko.

Mahina akong natawa at tumango. "Sinasagot na kita."

Napanganga ito. Kinabig niya akong muli at mahigpit na niyakap. "It's your birthday, bakit ako ang pinapasaya mo?"

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top