Kabanata 12

"SAM!"

Napalingon ako kay Erika nang marinig ang sigaw niya. Inilibot ko ang aking paningin. Nagulat pa ako nang makita kung nasaan na ba ako. Hindi ko man lang napansin na nasa tapat na kami ng kanya-kanyang kwarto.

"What's wrong?" Salubong ang kilay nito habang nakatingin sa akin. Hawak nito ang doorknob ng nakabukas na niyang pinto.

"Ha?"

"Kanina pa kita tinatawag kasi hindi ka kumikilos diyan pero hindi ka rin sumasagot." Naglakad ito palapit sa akin. "Is there a problem?" nag-aalalang tanong niya.

"W-Wala. Okay lang ako." Tumitig siya sa akin at mukhang hindi pa rin siya kumbinsido sa sinabi ko. "Okay nga lang ako. Sige na, magpahinga ka na."

"You sure you okay?" Bakas pa rin ang pag-aalala sa kanyang mukha nang tingnan ang kabuuan ko.

"Yeah. 'Wag mo akong intindihin." Tinapik ko ang kanyang pang-upo at ngumiti. "Good night!"

Hindi na ulit siya nagsalita pa kaya pumasok na ako sa kwarto ko kahit pa nakikita ko ang pagkalito sa kanyang itsura. Umupo ako sa kama at napatitig sa sahig.

"Gusto kita, Sam. At paulit-ulit ko 'yong ipaparamdam hanggang sa magawa mo nang maniwala sa akin."

Mabilis akong dumapa sa kama nang marinig sa aking isip ang sinabing iyon ni Xander. Doon ako muling sumigaw. Gigil kong isinigaw ang pangalan niya. Hinihingal akong tumunghay at tumitig sa kisame. Mariin naman akong napapikit nang makita roon ang nakangiting mukha niya.

"Baliw na ba 'ko? Bakit nakikita ko siya kung saan-saan? Ano bang ginagawa mo sa'kin, Xander!" Maiiyak nang pagkausap ko sa sarili.

Mabilis akong napamulat at napalingon sa pinto nang marinig ang pagsara niyon. Pumasok si Erika na ngiting ngiti. Nagsalubong ang kilay ko nang makitang may bitbit itong pampalit na terno pajama. Dito na naman yata 'to dadayo ng paliligo.

"Sira ba ang banyo mo?"

"Mas maganda ang banyo mo, eh."

Loka! Eh, pareho lang naman. "Dito ka na rin kaya magkwarto?" nakangiwi kong tanong.

Nagliwanag ang kanyang mukha. "Ay bet! Sige! Share na lang tayo rito?"

"Hindi. Doon ako, dito ka."

Nabura ang maganda niyang ngiti at napalitan iyon ng ngiwi. Hindi na ito sumagot at dumiretso na sa banyo. Nang matapos siya ay ako naman ang nagshower. Tapos na itong magblower ng buhok nang lumabas ako.

"Halika, blower ko hair mo."

Lumapit nga ako sa vanity at umupo. Napapikit ako nang maramdaman ang init sa aking ulo na nagmumula sa blower.

Habang nakapikit ay naalala kong muli ang mga huling salita ni Xander kanina. Nagmulat ako at tiningnan si Erika mula sa salamin. Tutok lang ito sa ginagawa. Malalim akong bumuga ng hangin at muling pumikit.

"May sasabihin ka? Muli akong nagmulat. Nagkatingin kami nito mula sa salamin. Pinatay niya ang blower. "Tungkol kay Xander?" Pumunta siya sa harap ko at sumandal sa vanity. "Come on, Sam. Handa ang tenga ko."

Seryoso si Erika. At kapag ganito ay mas nahihiya akong magkwento sa kanya kaysa kapag nang-aasar siya.

"Ano, Sam?"

Nakagat ko ang ibabang labi at tipid na ngumiti. Napakamot pa ako sa aking sentido.

"S-Sabi n-niya..."

"Sabi niya?"

Tumango siya. Nag-uudyok na ituloy ko ang sinasabi. Tumitig ako sa kanya. Pinanlakihan niya naman ako ng mga mata. Napabuntong-hininga ako kaya nakikita ko na ang inis at pagkainip sa kanyang itsura habang nakatingin sa akin.

Mariin akong pumikit at mabilis na sinabi iyon. "Sabi ni Xander gusto niya 'ko."

Katahimikan. Nagtataka ako nang wala siyang naging sagot kaya mabilis akong nagmulat. Pero nakita ko ang gulat sa kanyang mukha habang nagliliwanag ang mukha. Masayang gulat? Maya-maya lang ay nakangiwi kong naitakip ang mga kamay ko sa 'king tenga dahil sa ginawa niyang malakas na pag-irit.

"What? Kailan?" halos pasigaw niyang tanong.

"K-Kanina."

"Kanina lang? Hindi nga?" Tumango ako. "Tapos?" Malaki ang ngiting tanong niya. "Teka, paano siya nagconfess? Basta lang siyang nagsabi kanina na gusto ka niya? Iyon lang?" sunod-sunod na tanong niya pa.

Umiling naman ako. "Hindi."

"Eh, paano?"

Ikinwento ko sa kanya ang nangyari sa Coffeeholic two days ago. Maging ang lahat ng napansin ko kay Xander, ang mga ikinilos at ang sinabi nito kanina. Hindi nawawala ang malapad nitong pagkakangiti habang nagsasalita ako.

"See? Tama nga ako na gusto ka ng kumag na 'yon," natatawa pa nitong ani. Nakangiti siyang bumuntong-hininga. "I'm sure he's telling the truth about his feelings for you, Sam. Sure na sure ako. I've known him for ten years now and I already knew everything about that guy. Kapag nakatingin siya sa iba para bang hindi man lang siya interisado doon kahit katuldok. Kahit nga sa aming mga kaibigan niya minsan, eh. Alam mo 'yan. Pero tuwing nahuhuli ko siyang nakatingin sa'yo, promise it's different."

Bumuntong-hininga ako. "Sa totoo lang ay nabibigla ako sa mga ikinikilos niya, E. Napakabilis ng mga pangyayari. Parang kanina lang hindi namin kilala ang isa't isa kahit nagkakasama kami sa iisang lugar, tapos ngayon ay biglang ganito ang pakitungo niya sa akin. N-Nalilito ako at n-natatakot," pag-amin ko.

"Hindi kita masisisi, Sam. Pero ako na mismo ang nagsasabi, hindi kikilos si Xander kung hindi siya sigurado sa nararamdaman niya," seryosong aniya.

Nakikita ko sa kanyang mga mata ang lungkot na hindi ko alam kung para saan.

"Hindi siya ang inaakala ng iba na matapang at walang pakialam sa mga nakapaligid sa kanya. As much as I want you to be happy, I want the same thing for him, Sam. Kung ano man ang maging desisyon mo, susuportahan kita. Susuportahan ko kayo pareho."

--•--

"Flowers!"

Sabay-sabay kaming napalingon sa bukana ng kusina nang marinig ang sigaw na iyon ni Manang. Natatawang nagtinginan agad sa akin sila Tita Agnes. Nakangiti at pigil ang tawa akong napatakip sa mukha ko at napatungo. Nag-iinit ang magkabila kong pisngi at mga tenga. Kasabay ng hiya ay nakaramdaman ako ng kilig.

"Miss Samantha," pakantang tawag sa akin ni Manang na lalong ikinatawa ng mga kasama ko sa hapag. Nang mag-angat ako ng tingin ay nasa tabi ko na siya. Inabot niya sa akin ang bouquet.

"What's the name of that flower?

"Gladiolus." Sabay naming bigkas ni Tita Agnes.
"It represent faithfulness," dagdag ni Tita habang nakatingin sa akin na may ngiti sa labi.

Napangiti ako sa nalaman. Tiningnan ko ang hawak na bouquet ng purple gladiolus. Napakaganda niyon tingnan.

"Xander is sweet, huh. I didn't know this side of him," nakangiti pang komento ni Tito.

Yakap ko ang puting flower base na naglalaman ng gladiolus habang patungo sa kwarto ko. Ipinatong ko iyon sa center table. Nilingon ko ang side table kung saan mayroong nakapatong na maliit na flower vase na pinaglalagyan ng tatlong red roses. Sa vanity ay mayroong baby's breath at kahit sa study table ay may sunflower.

Ilang araw nang nagpapadala si Xander ng bulaklak. Ilang araw na simula noong manligaw siya. Bago ang lahat sa akin dahil ngayon lang naman may nagparamdam ng ganito sa akin. Kaya nga noong una ay nalilito ang puso ko. Oo nga't narito ang kilig at saya, pero kalakip niyon ang takot. Pero kung gaano ako kinakain ng takot, ganoon siya kapursigido na mabura 'yon. Kahit pa hindi niya iyon nalalaman.

A week ago, habang nililibang ang sarili ko sa paglilinis ng kwarto ay nakarinig ako ng katok sa pinto. Agad din 'yong bumukas. Nakita ko ang hangos na hangos na si Erika. Sa halip na makaramdam ng pag-aalala, mas natawa pa ako dahil sa itsura ng mukha niya. Nakanganga ito at nanlalaki ang butas ng mga ilong.

"Ano'ng nangyayari sa'yo?"

"Si Xander..." Itinuro niya ang labas ng kwarto kaya nagtataka akong napatingin doon. "Nasa ibaba! Aakyat ng ligaw!"

Ilang minuto akong natulala dahil sa narinig. Nililibang ko nga ang sarili ko para mabura sa isip ko ang sinabi niya nang nagdaang gabi, na maghapon nang paulit-ulit sa utak ko. At kung kailang nagwawagi na akong maalis 'yon ay saka siya pupunta rito?

Magaling, Xander!

"Bilisan mo!"

Inagaw niya sa akin ang feather dust at inihagis iyon sa sahig. Kung hindi niya pa ako nilapitan at hinila ay baka hindi ako kikilos doon.

"Wait! 'Yung itsura ko!" asik ko na nakapagpatigil sa kanya bago pa man kami makalabas ng kwarto.

Tiningnan niya ang kabuuan ko. "Okay naman, ah. Naka-shirt ka naman at shorts."

"Gaga hindi 'yon. Baka amoy pawis ako." Inamoy ko ang bandang kilikili ko at ang neckline ng damit ko.

"Okay na 'yan. Mabango ka pa rin naman. Tsaka hindi ka naman siguro yayakap kay Xander, 'di ba?"

Sinamaan ko siya ng tingin. "Baliw! Syempre hindi!"

"Oh, ano'ng problema?"

"Kung narito si Troy at ganito itsura mo, haharap ka ba sa kanya?"

"Oo naman. Makita na niya kaamusan ko at maamoy na niya kabahuan ko. Bahala siya! Kaya tara na." Hinila na niya akong muli at hindi ko na nagawang pigilan 'to. "Kung mahal ka talaga ni Xander, mamahalin niya lahat ng baho sa katawan mo."

Napapailing ako't natawa. Kahit kailan talaga ay may punto lagi ang sinasabi niya. Sinilip ko ang sala mula sa pasilyo ng second floor. Agad na nagwala ang puso ko nang makitang nakaupo roon si Xander, may masisilip na ngiti sa labi niya. Kaharap nito si Tita Agnes at Tito Ethan.

"Sure ka bang ako ang ipinunta niyan?" tanong ko kay Erika habang pababa ng hagdan. Hawak pa rin nito ang kamay ko.

"Oo nga! Sabi niya pa nga 'Good morning, Tita. I'm here for Samantha'"

Napairap ako. "Ang OA mo. Wala naman palang sinabing aakyat ng ligaw."

Tumigil siya sa pagbaba at hinarap ako. "At ano sa palagay mo ang dahilan para magpunta siya rito? Para lang makita ka?"

"Malay mo may sasabihin lang?"

"Eh, bakit parang disappointed ka?" nakangisi niyang tanong na ikinainit ng pisngi ko.

"Anong dissapointed! Kung anu-ano na namang sinasabi mo." Lumapad ang pagkakangisi niya na ikinailing ko. "Tara na nga." Nauna na akong bumaba. Agad naman siyang sumunod.

"Pero paano kung manliligaw nga, may pag-asa ba?

"Hindi ko alam," agad kong sagot.

"Bakit naman hindi mo alam?"

"Depende."

"Paanong depende?"

"Ah, basta! Hindi ko alam." Nagmamaktol kong sagot. Parang narindi ako sa kakulitan niya ngayon.

"High blood ka bigla... Porke hindi ka lang liligawan, eh."

Muntik na 'kong makonsensya, buti na lang hindi natuloy. Malalim akong bumuga ng hangin at binilisan na ang pagbaba. Narinig ko ang malakas na halakhak niya na naging dahilan ng paglingon ng mga nasa sala. Lumapad ang ngiti ni Xander at agad itong tumayo.

Ano ba, Xander! Bakit may pagngiti pa! Hindi ba pwedeng poker face ka na lang ulit?

"Oh, narito na pala si Sam, eh," ani Tita. Tiningnan niya ako mulo ulo hanggang paa at pinanlakihan ng mga mata. Tipid akong ngumiti.

"Tita," bati ko rito na kumunyapit pa sa braso niya. Ibinubuhos doon ang kabang nararamdaman. Hindi ko malaman kung bakit kumakabog nang husto ang puso ko. Dahil ba narito si Xander nang hindi ko inaasahan? Pumupunta naman 'to rito. Pero kasi kasama niya ang iba. Sana nagsama siya, 'di ba?

"Bakit hindi ka man lang nagpalit ng damit? Sana nag dress ka," pasimpleng bulong ni Tita.

"Hayaan mo na, 'My," sagot ni Erika rito mula sa likod ko.

"Nakakahiya naman kay Xander."

"Ano'ng nakakahiya sa itsura ng pinsan ko?"

Habang mahinang nag-uusap ang mag-ina sa likod ko ay pinanood ko nang kunin ni Xander ang isang bouquet ng white rose na nakapatong sa sofa. "For you, Sam."

"T-Thanks."

Kahit nabibigla ay agad kong kinuha iyon. Napatitig pa ako roon. Ngayon lang ako nakatanggap ng bulaklak, sa totoo lang. Rinig ko ang hagikgik ni Erika sa gilid ko at mas nakapagpadagdag iyon ng kilig na sumilay sa puso ko.

"Oh, maiwan muna namin kayo ritong dalawa," ani Tito Ethan na umakbay na kay Tita.

"No, Tito," agap ni Xander kaya natigil sila sa tangkang pag-alis. Huminga ito nang malalim. Isa-isa niyang tiningnan ang mga kasama ko. "Tito Ethan, Tita Agnes, I would like to ask for your permission to court your niece."

"Gosh," mahinang sambit ni Erika.

Gosh nga!

Naghuhurimentado na ang puso ko! Parang gusto kong magtatakbo papunta sa kwarto ko at doon magsisigaw. Nagtatalo ang isip ko kung ilalabas ba ang ngiting kanina pa gustong sumilay sa labi ko at ipakita kung gaano nababaliw ang puso ko ngayon. O huwag na lang para hindi nila malaman na ganoon ang nararamdaman ko.

Sa huli, nang makita ang tingin sa akin ni Xander at ang ngiti niya, ay mas nanaig ang hindi pagpapakita ng saya ko. Dahil nang makita ang ngiti niya, bumalik sa isip ko ang ilang katanungan na nagtatabon sa saya't kilig ko.

Hindi ba masyadong mabilis ang lahat ng ito? Magtatagal kaya ito o panandalian lang?

Doon na naghapunan si Xander. Bukod sa bulaklak ay may dala pa pala itong cassava cake na paborito ni Tita Agnes at champagne para kay Tito. Hindi paawat ang ngiti ni Erika habang nakatingin sa amin.

Habang kumakain ay panaka-naka ang pagtatanong nila Tito at Tita sa katabi ko. Noong una ay tungkol pa kay Xander at sa Daddy nito na napag-alaman kong nagmamay-ari ng malaking construction firm. Hanggang sa napunta na iyon sa amin.

"If you're going to court my niece, may isa lang sana akong hiling."

"Anything, Tita."

"Hindi naman siguro lingid sa kaalaman mo ang mga pinagdaanan ni Samantha sa Manila."

Nilingon ako ni Xander. Malalim itong buumuntong-hininga ito at tumango. Humarap siya kay Tita. "Yes, Tita."

"Isa lang naman ang hiling ko. Iyon ay ang makabubuti sa kanya. If you're not that sure about your feelings, pwede namang magkaibigan na lamang muna kayo."

"Mom," saway ni Erika kay Tita.

"No. It's okay, Ava," pigil naman dito Xander. Bumaling siyang muli kay Tita. "I understand what you're saying, Tita. And I want you to know that I am sure about my feeling for Samantha. At makakaasa po kayong hindi ko siya sasaktan."

Kita ang ginhawa sa mukha nila Tita nang marinig iyon sa kanya. "I will give you my whole trust, Xander. Pero ako ang makakatapat mo kapag sinaktan mo ang pamangkin ko," ani Tita na tumuturo pa kay Xander. Nagbabanta man ang boses pero may bahid ng ngiti sa mukha niya.

"Hindi mangyayari iyon, Tita Agnes," nakangitinga ni Xander.

Inihatid ko siya sa gate. Nang makalabas ay hinarap niya ako. Hinawakan ang mga kamay ko. Nasanay na yata ako, dahil hindi na nabigla pa. Nakatutok lang ang paningin ko rito habang dinadama ang bawat sinasabi niya.

"Alam kong naging mabilis ang lahat, Sam, pero sana ay maniwala kang totoo ang nararamdaman ko. Hindi kita sasaktan, pangako iyan. Dahil ang magbigay ng sakit sa puso mo ang hinding hindi ko makakayang gawin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top