Kabanata 11

ILANG minuto lang akong tulala sa kanya. Bahagyang nakanganga dahil sa gulat. Gusto niya 'ko?

"Y-You're drunk," tanging nasabi ko. Hindi magawang alisin ang tingin sa kanya dulot ng pagkabigla sa narinig.

Ngumiti muli ito. Ang ngiti niyang halos makapagpapukol sa akin.

"You think so?"

"Oo, lasing ka lang kaya manahimik ka nga! Puro ka kalokohan!"

Hindi ko alam kung tama ba ang mga pinagsasasabi ko para lang mapatigil siya sa pagsasalita. Tumango naman ito nang ilang ulit habang may ngiti pa rin sa labi. Hindi na rin ito nagsalita pang muli na ipinagpasalamat ko.

Madali lang naman palang kausap.

Nanatili na kaming tahimik pagkatapos niyon. Hindi ko na rin nagawang tumingin man lang sa gawi niya. Kahit hindi nakikita, ramdam ko ang titig niya sa akin. Kating-kati akong tingnan siya at sawayin pero hindi ko magawa.

Nakahinga ako ng maluwag nang lumipat sa lamesa namin sila Erika. Makalipas naman ng isang oras ay napagpasyahan na naming magpaalam na kay Doc na uuwi na. Hinatid pa kami nito hanggang sa gate kasama si Tristan.

"Happy birthday po ulit, Doc."

"Thank you, Sam. Mag-iingat kayo pauwi," nakangiting aniya na mahinang tinapik ang balikat ko.

Isa-isa pang nagpaalam at muling bumati sa kanya ang mga kaibigan ko. Para akong tanga na hindi umaalis sa tabi ni Erika habang kinakausap nito si Doc. Nang matapos ay naglakad na siya palapit sa kotse ni Troy. Nakasunod lang ako sa kanya.

"Troy!" sigaw niya nang hindi mabuksan ang pinto sa shot gun. "Tro-" Naudlot ang muli niyang pagsigaw nang makita ako noong lumingon siya. Natatawa niyang tiningnan ang kabuuan ko. Nanatili ang pagkakasandal ko sa kotse. "Anong ginagawa mo riyan?"

Matalim ang tingin ko sa kanya. "Sasabay ako sa'yo."

Ngumisi siya. "Doon ka na. Baka isipin ni Xander ayaw mo siyang kasabay."

"Oo nga, Sam."

Napalingon ako sa bagong dating na si Troy. Pinatunog niya ang kotse.

"Tampuhin pa naman ang isang 'yon," dagdag niya.

Napatakip si Erika sa kanyang bibig. Natawa ito pero agad niyang itinago iyon sa pekeng pag-ubo. Sinamaan ko sila ng tingin. Ilang segundo pa ako nagsalita, "Iisipin kong ayaw ninyo akong kasabay."

Pagkasabi ko niyon ay naglakad na ako palapit sa kotse ni Xander na nasa likod lang ng kotse ni Troy. Narinig ko pa ang halakhak ng dalawa.

Mag jowa na baliw!

Tumigil si Xander sa paglalakad nang makasalubong ako habang papalapit kami sa kanyang kotse. Nakagat ko ang ibabang labi dala ng labis na hiya.

"S-Sayo raw ulit ako sasabay."

Lumampas ang tingin niya sa akin. "Let's go," malumanay na anyaya niya nang muli akong tingnan.

Sumunod ako sa kanya nang umikot ito patungo sa shot gun seat. Pinagbuksan niya ako ng pinto. Naramdaman ko pa ang pagdampi ng kamay niya sa aking siko habang umaakyat ako.

"Thank you," mahina kong ani nang makaupo.

"Seatbelt, Samantha," bilin niya bago isinara ang pinto.

Habang nasa biyahe ay nagtatalo ang isip ko. Hindi ko alam kung dapat ko ba siyang kausapin o manahimik na lang. Naisip kong wala naman kaming dapat pag-usapan kaya ang huli na lang ang ginawa ko. Binuksan ko ang bintana at nakapikit na dinama ang malamig na hangin na tumatama sa aking mukha.

"I'm drunk, Samantha. Hindi ka ba natatakot na baka mabangga tayo?"

Mabilis akong napamulat at nilingon ko ito. Nakita ang nakangisi niyang mukha. Pinagti-trip-an yata ako ng mokong na 'to, ah!

"Hindi mo naman siguro hahayaang mabangga tayo, 'di ba?" mataray kong tanong.

"Huwag kang mag-alala dahil hindi ko hahayaang mapahamak ka," seryoso na niyang sabi.

Nakaramdam ako ng pag-aalala sa biglaan nitong pagkaseryoso. "Okay ka lang?"

Sumulyap siya sa akin. Malalim siyang bumuga ng hangin at inihilamos ang isang kamay sa kanyang mukha. "I'm sorry. Hindi ko dapat ginagawang biro ang tungkol doon."

Nagsalubong ang mga kilay ko. Ano bang sinasabi niya? Hindi na siya umimik pang muli kaya naman nanahimik na lang din ako.

Nakarating kami sa bahay. Nagtataka ko siyang pinanood nang bumaba ito habang kinakalas ko ang suot kong seat belt. Umikot ito sa gawi ko at pinagbuksan ako ng pinto. Ginagawa naman iyon ni Tristan at Troy sa akin, pero bakit iba ang epekto sa 'kin kapag siya na ang gumawa? Gusto kong tampalin ang magkabila kong pisngi nang maramdaman ang pag-iinit niyon. Ako yata ang lasing.

"Thank you," ani ko nang makababa.

Pilit na ngiti sa labi ko ang sumilay nang manatili lang ang titig niya sa akin. Tumalikod na ako nang wala akong marinig na sagot mula sa kanya. Maglalakad na sana ako pero muli ko siyang nilingon nang maramdaman ang hawak niya sa braso ko.

"Ang ganda ng mga bituin, Sam."

Saglit ko siyang natitigan, nagtataka kung bakit kailangam niyang sabihin iyon, bago ko tiningala ang kalangitan. At tama nga siya. Nagkikislapan ang mga bituin doon.

"Hihintayin mo pa si Troy?" tanong ko.

"Oo," agad niyang sagot. "Can you stay here with me for a while?" tanong niya pero may daplis ng pagsusumamo ang boses niya.

Tumango-tango ako. "Sasamahan na lang kita hanggang makarating sila."

Nakangiti niya akong hinawakan sa kamay at marahan akong hinila palapit sa kanyang kotse. Hinubad niya ang suot na leather jacket at ipinatong sa aking balikat. Inalalayan pa ako nitong sumandal sa kanyang kotse bago siya tumabi sa akin.

Hindi napigilan ang pagsilay ng ngiti ko. Tiningala kong muli ang taas. Napakaganda ng mga iyon. Nagsisilbing palamuti ang mga bituin sa madilim na kalangitan. Parang sinasabi niyon sa akin na kahit gaanong kadilim ang kinaroroonan mo ay mayroon pa ring liwanag.

"Sabi nila kapag umaalis ang mahal natin sa buhay ay nagiging bituin sila. Palagay mo nariyan kaya si Daddy?"

"Sigurado akong nakangiti siya habang nakatingin sa'yo ngayon at ipinagsasabi niya sa ibang bituin na iyon ang anak niya ang magandang babae na iyon na may katabing gwapong lalaki."

Mahina akong natawa dahil sa huli niyang sinabi. "Nagtaas ng sariling bangko," komento ko na ikinangisi niya. Pero saya ang dulot ng mga sinasabi niyang iyon sa puso ko kahit pa alam kong nakikisakay lang siya sa mga pinagsasasabi ko.

"Kung lahat ng nawawala ay nagiging bituin, marahil kasama nila si Mommy sa mga oras na ito."

Napakurap ako at dahan-dahang bumaba ang tingin ko sa kanya. Nakangiti ito habang nakatingala.

Hindi ko alam ang tungkol sa pamilya niya. Halos araw-araw namin siyang kasama pero wala akong alam tungkol sa kanya. Maliban sa pangalan niya at sa ilang bagay tungkol sa kanya.

"I'm sorry. I-I didn't know-"

Bumaba ang tingin niya sa akin. Seryoso ang mukha nito. Noon ay palagi kong nakikita ang ganitong mukha niya at pagkailang ang nararamdaman ko noon. Pero ngayon ay lungkot na ang nakikita ko sa kanyang mga mata tuwing sumeseryoso siya. Ganito rin ba ang mababasa sa mga mata niya noon? Masyado ba akong natakot sa pagiging seryoso niya at hindi na nakita ang tunay na emosyon niya?

"Who's with you when... when... your d-dad's gone?"

Hirap na hirap siyang bigkasin ang tatlong huling salita. Ramdam ko ang pag-iingat niya upang hindi ko maramdaman ang sakit na dala ng mga salitang iyon.

"Sila Tita Agnes... at si Gerald."

Saglit na nagsalubong ang kilay niya. Kung hindi ako nakatitig sa kanya ay hindi ko mapapansin iyon.

"He's your boyfriend?"

Matunog akong napangiti at umiling. "Kaibigan ko si Gerald."

Tumango ito. Tumagal ang tingin niya sa akin dahilan para maramdaman ko na naman ang pag-iinit ng magkabila kong pisngi. Naglilikot na naman ang mga nasa tiyan ko. Mas lumala iyon nang umangat ang isa niyang kamay. Humaplos ang dulo ng kanyang mga daliri sa aking noo pababa sa aking pisngi. Marahan. Nakaantok ang dulot niyon.

"Sinabi sa akin ni Erika kanina ang lahat ng nangyari sa'yo sa Manila. You went through so much, Samantha, but you still managed to stand up and be strong. Tito Trev is right. You are bravest person we've ever met."

Nag-umpisang mag-init ang mga mata ko hanggang sa hindi na nagpaawat sa pagtulo ng mga luha ko. Ang marinig ang mga iyon mula sa kanila ay saya ang dulot sa puso ko. Para bang ang mga iyon ang gantimpla ko dahil hindi ko hinayaang lamunin ako ng pagsubok.

Tipid ang ngiti ni Xander habang pinupunasan ang mga luha ko. "Kung naroon lang sana ako para punasan ang bawat luhang papatak sa mga mata mo. Kung naroon lang sana ako para yakapin ka kapag sobrang bigat na ng nararamdaman mo. Kung naroon lang sana ako para hawakan ang kamay mo habang sinasamahan ka sa bawat araw. Kung naroon lang sana ako, Sam, noong mga panahong pinupuno ng unos ang buhay mo. Sana nasanggahan ko iyon kahit kaunti. Sana nasalo ko ang talim niyon kahit kaunti."

Bawat bigkas niya ng mga salita ay tila ba tumatarak sa puso ko. Pinapakirot ang puso ko sa sakit na mababakas sa kanyang boses.

"Pero sapat nang narito ka para salubungin ako pagkatapos ng unos sa buhay ko, Xander."

Hindi ko alam kung bakit nabanggit ko ang mga salitang iyon. Pero ramdam ko sa puso ko na kailangan ko 'yong bigkasin. Gusto kong marinig niya iyon mula sa akin.

Ang seryoso niyang mukha ay unti-unting nabahiran ng ngiti. Kumislap sa saya ang mga mata niya na kanina ay parang dinaanan ng kulimlim.

"Ang galing mong magpakilig, alam mo ba iyon?"

Mahina akong natawa. "Kinikilig ka na niyang lagay na 'yan?" tanong ko habang tinitingnan siya mula ulo hanggang paa.

"Nagwawala na ang puso ko, Sam, kahit nakatingin pa lang sa'yo. Ano pa sa palagay mo ang mararamdaman ko kapag nakarinig ng ganyang salita mula sa'yo?"

Lumapad ang ngiti ko hanggang sa naging tawa iyon. Ewan ko ba! Nakakapanibago ang Xander na ito pero ang lakas pa rin ng dating.

Umangat ang pareho niyang kilay. "Are you laughing?" Parang hindi makapaniwalang tanong niya. Nakangisi itong napailing. Maya-maya ay tiningala nito ang kalangitan. Nagtataka ko rin 'yong tiningala. "Hello, Sir."

Bumalik agad ang tingin ko sa kanya nang marinig ang pagsasalita niya. Nakatingala pa rin ito. Malalim itong bumuga ng hangin.

"Gusto ko po ang anak ninyo pero ayaw niyang maniwala dahil akala niya lasing ako. At ngayon ay tinatawanan niya naman iyon."

Napanis ang tawa ko at napalunok ako dahil sa mga naririnig ko sa kanya. Napakurap pa ako nang bumaba ang tingin niya sa akin. Yumukod siya at pumantay sa akin ang kanyang mukha. Pinakatitigan niya ako sa mga mata.

"Gusto kita, Sam. At paulit-ulit ko 'yong ipaparamdam hanggang sa magawa mo nang maniwala sa akin."

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top