Kabanata 1
Her Shattered Heart
TW: 𝚍𝚎𝚊𝚝𝚑
KATATAPOS lang ng klase para sa araw na ito. Kasalukuyan kong inaayos ang mga gamit ko sa aking backpack habang abala rin ang aking tenga sa pakikinig sa halos nasa sampung blockmates ko. Nasa unahan ko lang ang mga ito at nag-uusap kung saan ba sila maaaring pumunta mamaya. Biyernes at walang pasok bukas. Saktong araw para gumimik.
"Ikaw, Sam? Tara?"
Napalingon ako sa isa kong blockmates na si Mirra. Ito ang madalas na magyakag sa akin tuwing may pupuntahan silang pasyalan o gimikan. Tipid na ngiti at iling lang ang tanging naging sagot ko sa kanya.
Pabiro siyang umirap. "Pass na naman? Bawi ka sa susunod, ha?"
"Susubukan ko," sabi ko na lang. Isinukbit ko na ang bag ko sa 'king balikat. "Mauuna na ako sa inyo," nakangiti kong paalam.
"Ingat, Sam!" sabay-sabay na wika nila.
Kumaway pa ako at nagsimula nang maglakad palabas ng extension room na iyon. Tumigil ako nang makarating sa pinto at isang beses pa silang nilingon. Abala pa rin ang mga ito sa pagpaplano para sa lakad nila mamaya.
Mapait akong napangiti. Habang namo-mroblema sila kung saan ba sila maaaring gumimik, mayroong katulad ko na tahimik na humihiling na sana ay nagagawa ko rin ang magsaya kasabay nila. Bagay na hindi ko na yata magagawa pang muli.
Nagpatuloy na ako sa paglalakad. Abalang kalsada ang sumalubong sa akin pagkalabas ko ng University. Pagod akong napabuntong-hininga. Tiningnan ko ang traffic light habang nakatayo sa gilid ng kalsada at hinintay ang paglipat ng ilaw niyon. Nang umilaw na ang walk signal ay nakipagsabayan ako sa mga estudyante sa pagtawid sa kalsada.
Ilang establisyimento pa ang nadaan ko bago ako nakarating sa isang palapag na coffee shop. Ang Mara's Café. Puti ang pintura niyon sa loob at labas. Mayroon dalawang 2-seater round table sa labas at may umuukupa roon ngayon. Dumaan ako sa gilid kung nasaan ang employee's entrance. Pagkapasok doon ay mismong locker room na iyon. Wala akong naabutan doon. Sinilip ko ang orasan na nasa itaas ng pinto. Hindi pa naman ako late. May kinse minuto pa bago ang shift ko.
Dumiretso ako sa aking locker at inayos doon ang gamit ko. Kinuha ko na rin ang uniporme ko at pumasok sa banyo na nasa gilid. Pagkalabas ko ay naroon na sa katabi ng locker ko si Gerald. Kaibigan at isa ring part timer dito tulad ko.
Lumapit muli ako sa locker para ilagay roon ang school uniform. Nilingon ako ni Gerald nang mapansin ang paglapit ko.
"Sam!" masiglang bati niya. Nakipagfist-bump ito sa akin.
"Akala ko aabsent ka, eh," biro ko.
"Hindi, 'no! Sayang ang araw." Humarap siya sa locker niya pero mabilis ding tumingin muli sa akin. "Oo nga pala..." Mas lumapit siya sa 'kin at patigilid na sumandal sa locker. "Ano'ng balita? Nakapag-exam ka ba?"
Nakangiti akong tumango. "Oo. Buti naka-dilhensya."
"Mabuti naman. Pasensya na talaga, Sam. Kung alam ko lang sana pala hindi na muna ako nakapagbayad at ibinigay na muna sa'yo-"
Wala sa sarili ko siyang nahampas sa braso.
"Loko! Hindi ko tatanggapin kapag gano'n!
Huwag mo nang intindihin 'yon. Tumawag naman ako kay Tita Agnes pagkatapos nating mag-usap kahapon at nagpadala naman agad siya." Sana pala ay kahapon ko pa iyon sinabi sa kanya para hindi na siya nag-alala pa.
Ilang ulit siyang tumango. Para naman itong nakahinga nang maluwag sa nalaman. "Mabuti naman kung gano'n."
Lumiwanag na rin sa wakas ang mukha niya. Nangamusta pa siya tungkol sa naging exams ko. Dumating na rin ang dalawa pa naming ka-shift. Eksaktong alas-sais ay nag-in kami at nagsimula sa trabaho.
Dahil marunong na sa paggawa ng kape ay nagsisilbing assistant ng barista si Gerald. Ako naman ang nasa counter at naglilinis din ng mga tables para may katulong ang isa. Kapag wala ako sa counter ay si Gerald ang umaasiko muna roon. Tatlong shift ang mayroon dito. Morning, mid at night shift. Nasa night shift kami ni Gerald tuwing weekdays dahil parehong five-thirty ang out namin sa University.
Walang araw na hindi napupuno ang coffee shop dahil malapit ito sa mga establisyimento at kaharap pa ng Unibersity. At kapag ganitong oras ay uwian ng mga nagtatrabaho at estudyante kaya naman hindi rin halos kami tumitigil. Ang mga iyon pa naman ang suki ng coffee shop na ito.
Alas dyis nang mag-out kami. Wala na si Gerald nang lumabas ako ng banyo. Nakita ko naman ito sa tapat ng coffee shop. Tulad ng nakagawian niya, sinamahan niya akong mag-abang ng jeep. Hindi ito umuuwi hangga't hindi ako nakakasakay.
"Ge... Hindi nga pala ako makakapasok bukas. Nakapagpaalam ako kay Miss Mara."
"Bakit? May problema ba?" nag-aalang tanong niya.
Ngumiti ako. "Wala naman. Birthday ni daddy bukas kaya naisip kong ipaghanda siya. May naipit pa akong kaunti sa ibinigay ni Tita Agnes. Sabi niya kasi ay gamitin ko na lang."
Tumango-tango ito. "Mag-enjoy kayo, okay?"
Nakangiti akong tumango. Excited na para bukas.
"Ilang taon na si Tito?"
"Forty six. Si Tita Beth ilang taon na?"
"Fifty four. Mas matanda pa pala si Nanay kay Tito."
Saglit pa kaming nag-usap about ramdom things hanggang sa nakita na namin ang paparating na jeep na dadaan sa pupuntahan ko. Siya na mismo ang pumara roon.
"Ingat, Sam!" aniya. Bahagya pa nitong ginulo ang buhok ko.
"Ingat din." Kumaway ako habang naglalakad palapit sa jeep. Nang makaupo ay sinilip ko pa siya mula sa pinto. Tumatawid na ito dahil sa kabilang gilid ng kalsada siya mag-aabang ng jeep na sasakyan niya naman pauwi.
Sumandal ako at pumikit. Saglit na ipinahinga ang sarili. Nakakapanlambot ang mag-aral at magtrabaho nang sabay. Nakakaubos ng lakas lalo pa't hindi sa pagpaparoon at parito sa coffee shop natatapos ang araw ko.
Makalipas ang labing limang minuto ay nakarating ako sa isang may limang palapag na ospital. Dumiretso ako sa isang kwarto at lumapit sa nag-iisang kama kung saan nakahiga si daddy. Sa kaliwang gilid niya ay mayroong ventilator machine. Pagkababa ko ng bag sa sofa ay kinuha ko naman ang nakatuping bimpo na nasa side table. Binasa ko iyon sa banyo bago muling lumapit kay Daddy.
"Hi, Daddy! How are you po?"
Umupo ako sa upuan na nasa tabi ng kama niya at nagsimula siyang punasan. Kasabay niyon ay nag-umpisa akong magkwento sa kanya ng mga nangyari sa akin sa maghapon.
Malalim akong bumuga ng hangin. Ipinapaanod doon ang nararamdamang pagod at lungkot. "Nakakapagod po ang maghapong exam. Pero okay lang 'yon, Dad. After naman niyon ay wala na kami masyadong gagawin. Tumawag din kanina si Tita Agnes. Kinamusta ka niya."
Nagpatuloy ako sa pagku-kwento sa kanya maski tungkol sa librong nabasa ko sa Library noong vacant ko kanina. Walang araw na hindi ko iyon ginawa. Nagbabaka sakaling naririnig niya ako o balang araw ay may makukuha na akong sagot mula sa kanya. Iyon ang mga bagay na nagbibigay ng dahilan sa akin para magpatuloy. Iyon ang lakas ko. Siya ang lakas ko.
Eight years ago noong mangyari ang car accident sangkot si daddy. Dahil solong anak ay wala akong kapatid na tumulong sa akin para maipa-ospital siya. Ang mga kapatid at ibang kamag-anak niya ay tumulong hanggang sa mga unang taon pero noong nalaman nilang hindi bumubuti ang kalagayan ni daddy ay nanawa rin sila sa pagbibigay ng tulong.
Si Tita Agnes, ang kapatid ni mommy sa Laguna ang isa sa tumutulong sa akin kahit sa pag-aaral. Pero dahil ayaw kong iasa ang lahat sa kanya ay natuto akong magtrabaho kahit pa nag-aaral noong nagdisi sais ako. Hindi niya iyon alam noong una. Nang malaman ay hindi na rin naman ako napigilan. Naibenta na maging ang bahay at mga kagamitan namin para ipambayad sa hospital bills. Simula noon ay sa ospital na ako halos nakatira para mabantayan siya.
Pinakatitigan ko ang kanyang mukha. Tuwing nakikita ko ang kalagayan niya ay kumikirot ang puso ko, pero sa puso ko ay umaasa pa rin akong magigising siya. Patuloy akong nananalangin na magigising siya.
Hindi ko man masyadong maalala ang ilang pangyayari na kasama si daddy noong bata ako, pero nakaukit pa rin sa alaala ko kung gaano siya kabuting ama. Hindi nabubura sa isip ko ang mga gabi na binabasahan niya ako ng kwentong pambata bago matulog, kung gaano kahigpit ang yakap niya sa tuwing uuwi siya galing trabaho at ang ilang beses niyang pagsasabi kung gaano niya ako kamahal. At habang buhay kong dadalhin ang mga iyon sa puso ko.
Alas sais pa lamang ay gising na ako kinabukasan. Pinunasan ko muli ang katawan ni daddy habang kumakanta pa. Pagkatapos ay naupo ako sa tabi niya at binasahan siya ng libro. Binabati ito ng mga nurse na nagche-check sa kanya.
Bandang tanghali habang inaayos ko ang pagkaing binili sa fast food, maging ang maliit na cake, ay nakarinig ako ng katok. Halos manlaki ang mga mata ko nang makita kung sino ang pumasok doon. May dala pa itong paper bag.
"G-Ge...
Ngumiti siya sa akin. Ilang beses na rin naman siyang nakapunta rito. Minsan ay sinasamahan pa ako nito lalo kapag alam niyang may sakit ako.
Dumiretso ito sa tabi ni daddy. Kinuha ko naman ang paper bag sa kanya. Nang tingnan ko ang laman niyon ay nakita ko ang tupperware na may lamang adobo, paborito ni daddy.
"Kumusta po, Tito? Long time no see!" panimula niya. "Happy birthday po!" sabi niya pa at hinaplos ang kamay nito na nakapatong sa kama. Nakangiti ko silang pinagmasdan.
Kinantahan namin si daddy ng "Happy Birthday" at nang matapos ay nagdala ako ng pagkain sa nurse station. Noong una ay tinaggihan pa nila dahil bawal daw silang tumanggap ng ganoon pero napilit ko naman. Sabi ko na lang ay una't huli na iyon.
"Salamat, Samantha! Pagpalain ka nawa ng Diyos!" nakangiting ani Nurse Mitz, ang head nurse.
"Salamat po!" nakangiti kong ani.
Bumalik ako sa kwarto at naabutan si Gerald na nakaupo sa sofa. Nakatukod ang magkabilang siko sa mga tuhod at mataman ang pagkakatitig nito kay daddy. Umayos siya ng upo nang makita ako. Lumapit naman ako kay daddy. Naramdaman ko rin naman ang paglapit ni Gerald sa aking tabi.
"Happy birthday, Daddy! Ano pong wish mo?"
Hinaplos ko ang kanyang mukha habang mariing nakahawak sa kamay niya ang isa kong kamay. Hindi ko maalis ang tingin ko sa kanya.
"Mahal na mahal kita, Dad! Alam mo naman 'yan, 'di ba? Hindi ako magsasawang alagaan ka. Hindi ako magsasawang manalangin para bumalik ka sa 'kin. Mahal na mahal kita at... hindi na ako makapaghintay na makasabay ka muli sa paglalakad. Ikaw ang buhay ko, Daddy. Kapag nawala ka... h-hindi ko alam kung anong g-gagawin ko."
Pinunasan ko ang luhang pumatak sa pisngi. Ngumiti ako. Kaarawan ni daddy. Hindi ako maaaring maging malungkot ngayon.
"Picture-an ko kayo, Sam!"
Ilang flash ng camera habang nakatutok sa amin ang cellphone ni Gerald. Maski kaming tatlo ay nagpicture. It's a perfect day!
Habang magkatabi kaming nakaupo ni Gerald sa sofa at nagtitingin ng mga litrato ay narinig namin ang tunog. Nanigas ako sa kinauupuan nang makitang sa monitor ni daddy nagmumula ang tunog na iyon. Nakita ko ang mabilis na pagtakbo ni Gerald palabas ng kwarto. Napahagulgol ako at dahan-dahang tumatayo. Mabilis ang kabog ng puso ko dahil sa kabang lumulukob sa buong pagkatao ko. Nangangatal ang mga kamay ko. Pangalawa na ito pero hindi ko pa kaya.
Ayoko!
Ayoko pa!
"D-Dad, p-please!"
Bago pa man ako makalapit sa kanya ay nagtatatakbong dumating ang dalawang Nurse at si Doctor Hernandez. Agad siyang tiningnan ng mga ito at ang machine sa tabi niya. Mahigpit na yakap ni Gerald ang mas nakapagpalakas ng hikbi ko.
"Hindi ko kakayanin na mawala siya. Hindi ko kakayanin ang hindi na siya makita at mayakap pang muli. Kaunting oras pa po, please! Gusto ko pa siyang makasama kahit kaunting oras pa."
Pero nabigo ako sa kahilingan kong iyon.
Nanlaki ang mga mata ko at para akong naiwan nang mag-isa roon nang maging puro mahabang guhit ang tatlong linya sa makina. Mabilis akong tumakbo palapit kay daddy at mahigpit itong niyakap habang paulit-ulit siyang tinatawag. Nagmamakaawang bumalik siya sa akin. Nagmamakaawa na manatili siya sa tabi ko.
"D-Dad, i-ikaw na lang ang m-mayroon ako! Please! Bumalik ka, D-Daddy! P-Please! M-Mahal na mahal k-kita, Daddy! D-Daddy!"
Ngunit lalo lang lumakas ang iyak ko at mas humigpit ang yakap sa kanya nang marinig ang anunsyo ng doktor. At sa unang pagkakataon, nagalit ako sa oras.
"Time of death... 3:25 p.m. "
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top