[9] Sharine's Sweet Surrender
CHAPTER NINE
MABUTI na lamang at nasa timing ang pagtawag ni Kisha. Naisalba siya sa 'maliit' na kahihiyang iyon na ginawa niya sa sarili. Lumabas siya at sumandal sa tabi ng hamba ng pinto.
"Ang galing talaga ng timing mo kahit kailan. Nandito ako ngayon sa ospital," sabi niya.
"Kakapanood ko lang ng news. Noong una hindi ako makapaniwala pero kayo nga ni Dominic 'yong nakita kong tumulong sa naaksidente kanina!"
"Ha? Bakit nasa news kami?" takang tanong niya.
"Nakunan ng CCTV footage 'yong nangyari at ipinalabas sa TV. Nakilala na rin 'yong may-ari ng sasakyan dahil sa nakuha mong plate number. Hindi ko lang alam kung naaresto na. Kumusta 'yong ale? Sana naman hindi malala 'yong pinsala sa kanya."
"Okay naman siya. Actually, kasama na nga niya ngayon 'yong mga anak niya. Naawa nga ako, Kisha, e. Wala siyang katuwang sa pagpapalaki sa mga anak niya."
"Gusto ko rin siyang tulungan. Alam mo, baka may opening sa company namin. Kung interesado siya, sabihin mo puntahan niya lang ako."
Napahawak siya sa kanyang dibdib.
"Thank you, Kisha Kaye! Ang busilak talaga ng kalooban mo kahit kailan!" tuwang-tuwang sabi niya.
"Ito naman nambola pa," pakli nito at humagikhik. "Mas busilak ang puso mo. Mana ako sa'yo, e."
"Hindi. Mas busilak nang hindi hamak ang puso ni Dominic. Siya ang gumastos sa lahat, e." Hindi tuloy niya napigilan ang mapangiti.
"Ayiee! Na-appreciate niya! Ligawan mo na si Dominic, dali!"
Natawa siya. "Ang corny ng joke mo, ha. Ilang beses ko bang sasabihin sa'yo na hindi kami talo n'on?"
Pero nang maalala niya ang malambot na mga labi ni Dominic sa noo niya ay gusto nang magbago ng kanyang isip.
Kasi naman.
"By the way, weren't you supposed to attend Demigods' press conference?" pag-iiba nito.
"Supposedly. But since nangyari nga ang aksidente, sinuspende ako ni Kelvin."
"Sayang. Itatanong ko pa naman sana kung cute pa rin si Jaejin!" anito at humagikhik.
"Nakuha mo pang kiligin diyan e ako na nga itong nganga nang isang linggo?" kunwari ay pagmamaktol niya.
"Okay lang 'yan. Solved ka naman na kay Dominic, e," anito at bumungisngis.
Napailing na lang siya habang natatawa.
"Buti na lang magkalayo tayo. Baka kasi nabangasan na kita riyan kanina pa."
"Si Sharine naman. Hindi na mabiro," napahagikhik pang sabi ni Kisha.
"Ewan ko sa'yo," sabi niya at nagbuntong-hininga. "Tawag ka na lang ulit, ha? Si Nanay naman ang tatawagan ko para ipaalam na gagabihin ako sa pag-uwi."
"Okay! Masaya na 'kong malaman na safe si Dominic sa'yo—este—ikaw pala ang safe kay Dominic."
"Kisha Kaye, ha!"
Ang lutong ng tawa ng bestfriend niya sa kabilang linya.
"Bye, Sharine! Siyangapala, sabay na lang tayong manood ng concert ng Demigods, ha?"
"Oo na. Bye, Kisha. Thanks for saving me—este—for calling pala."
SHE HAD a long day. Habang papunta sila sa nakaparadang sasakyan ni Dominic ay wala siya sa sarili. Natauhan lang siya nang paakbay siya nitong hawakan sa kanyang balikat.
"May energy ka pa ba?"
She smiled lazily. "Oo naman."
Ipinagbukas lang siya nito ng pintuan ng kotse at pinaupo sa front seat pero hindi agad ito umikot at pumwesto sa manibela.
"Babalik ako kaagad," sabi nito.
Tipid na tango lang ang tugon niya. Nang umalis ito ay sumandal siya sa upuan at nagbuntong-hininga. Hindi naman talaga totally naging disaster ang dapat ay lunch date nila ni Dominic. She still got to know him but in an amazing and unexpected way.
Lunch lang nga pala. Walang date.
"Hey."
Napamulat siya nang bumukas ang pintuan sa tabi ng driver seat at sumakay si Dominic. At may iniaabot itong Vitamilk sa kanya. Nanlaki ang mga mata niya. Parang may mainit na kamay na humaplos sa kanyang puso sa effort na iyon ni Dominic.
"Salamat!"
Sa isang iglap ay bumalik ang nawalang sigla niya nang makainom ng Vitamilk. Tipid na ngiti naman ang tugon ni Dominic at ini-start na ang kotse.
"Mas mabuti siguro kung mag-dinner na tayo bago ka umuwi sa inyo," mungkahi ni Dominic nang makalayo na ang sinasakyan nila sa ospital.
Isa ang inaakto nito sa pinaninibaguhan niya nang araw na iyon. Walang 'dalaw' ang Dominic na kasama niya ngayon. He'd been busy looking after her na para bang sanay na itong gawin iyon.
"Baka mamulubi ka na sa akin niyan, ha," pabirong aniya. "Kanina ka pa gumagastos tapos wala man lang akong maiambag."
"Hindi rin naman kita papayagan. Ako ang lalaki rito."
"Man and his ego," natawang sambit niya.
"You gave so much effort, Sharine. Walang sinabi ang gastos ko ro'n. And don't worry, kasama sa dinner ang pinsan ko at ang mga kaibigan niya para masaya."
"Nice ba ang pinsan mong 'yon? Kung hindi, hindi na lang ako kikibo."
Tumawa ito. "He's nice. And I guess, wala kang choice kung hindi ang kausapin siya."
"Tingnan natin," nakangiting sabi niya at inubos na ang laman ng kanyang Vitamilk.
PUMASOK ang kotse ni Dominic sa isang magarang gate ng isang magarang mansiyon.
"Sino'ng nakatira rito, Dominic?" manghang tanong niya habang nakasilip sa labas ng sasakyan.
"Pinsang buo ko. Magkapatid kasi ang mga tatay namin."
Napakalapad ng bakuran. Malawak ang garden at may dalawang magarang sasakyan na naka-park sa labas lang ng entrance ng bahay.
"Yayamanin ang pinsan mo na 'yon, 'no?" tanong niya nang makababa na siya ng sasakyan.
"Sort of." Isinara na nito ang pintuan ng kotse at iginiya siya papasok sa loob ng bahay.
Hanggang dalawang palapag iyon. Nagtaka lang siya nang wala silang madatnan na mga tao sa magarang sala.
"Ang gara naman," hindi napigilang anas niya habang hinahagod ng tingin ang kabuuan ng bahay.
Maikukumpara niya iyon sa mga bahay na pinagsyu-shooting-an ng mga teleseryeng paboritong panoorin ni Nanay Bebang.
"Kaya lang mukha namang walang tao. May nakatira ba rito?"
"Kadalasan wala. Minsan lang kasi umuuwi ng Pilipinas ang pinsan kong 'yon. Bale rest house lang niya ito."
"Rest house lang?" hindi napigilang bulalas niya.
"Nasa dining area na yata sila. Halika na."
Nagpatianod na lang siya rito. Nang marinig kasi niya ang salitang dining area ay kumalam ang sikmura niya. Habang papalapit sila sa dining area ay may naririnig siyang tugtog ng isang gitara, mga boses-lalaking nagtatawanan at tunog ng mga gumagalaw na upuan.
"Yamete kudasai!"
"Para kayong mga hayop na walang nagmamay-ari, alam niyo ba 'yon?" ani Dominic na ikinatigil ng mga ito.
Ang dalawang lalaking naghahabulan ay napaayos ng tayo maging ang isang parang tagasaway ng mga ito. Napaayos naman ng upo ang dalawang lalaki na parang walang pakialam sa tatlo dahil parang nagdya-jam lang ang mga ito.
Nawala ang anumang ingay dahil lang sa ginawang iyon ni Dominic.
Kumaway-kaway siya sa mga ito.
"Hi!"
Nanatiling tikom ang bibig ng mga ito.
"Sige, magsalita na kayo," ani Dominic.
"Hello! My name is Toushiro—"
"I'm Ichigo Yama—"
"Akagi. Vocalist ako."
"Ash Lei Chen—"
"—zawa."
"Keyboardist—"
"—pinakatalented na drummer sa buong mundo."
Hindi siya makapag-react nang sabay-sabay at tuloy-tuloy ang pagsasalita ng mga ito.
"Ano ba, isa-isa lang," paangil na putol ni Dominic kaya natahimik na naman ang mga ito.
Tumayo ang isa sa dalawang lalaki na nakaupo at walang gitara.
"Ako na. Tutal naman ako ang leader at ang may-ari ng pamamahay na ito," anito. "My name is Charles Justin Chiu. I am the bass guitarist. I'm a half-Chinese. This is Jaejin Park." Tinapik nito sa balikat ang lalaking may hawak na gitara. "Ang lead guitarist namin."
Tumayo si Jaejin at nag-bow sa kanila.
"Ito naman si Ash Lei Chen," turo nito sa lalaking pinakamalapit dito. "He's a half-Taiwanese and the keyboardist."
Nakangiting kumaway sa kanya ang tinawag nitong Ash Lei Chen. Ngumiti rin siya. Hindi niya maiwasang maalala rito si Hua Ze Lei ng Meteor Garden.
"This is Toushiro Akagi. He's a half-Japanese at siyang lead vocalist namin."
"Hajimemashite," anito at nag-bow rin sa kanila.
Nag-bow rin siya rito. "I'm glad to meet you, too."
"Ito naman si Ichigo Yamazawa," turo nito sa lalaking nasa pinakadulo.
"Konbanwa! Hajimemashite!" magiliw na bati ni Ichigo sa kanya.
Ginantihan din niya ang pagbati nito. She can't believe it. Ang 'Ichigo' na kilala ng lahat at ang 'Ichigo' na nasa harapan niya ngayon ay parehong kulay ginto ang buhok.
"Half-Japanese din siya at siya naman ang drummer namin. Kami ang bumubuo sa Demigods."
Napamaang siya. Sinasabi na nga ba niya at hindi siya dinadaya ng kanyang paningin. Kaharap nga niya ang bandang Demigods!
"Si CJ ang tinutukoy kong pinsan ko. Pinakiusapan ko siya na kung pwede, ma-interview mo sila since you missed the presscon this morning," si Dominic.
Ang mundo nga namang maliit. Hindi makapaniwalang napatingala siya sa lalaki.
"P-pinakiusapan mo sila? Sabi ko naman sa'yo, walang kaso sa akin kahit hindi ako nakaabot sa presscon, 'di ba?"
"Kahit hindi mo sabihin, alam kong pinaghandaan mo 'yon. Now, this is your chance to ask them whatever you want at sasagutin nila anuman iyon."
"Bakit yata ang dating e wala tayong choice sa interview na 'to?"
Tiningnan nang masama ni Dominic si Toushiro.
"Ay, wala pala akong sinabi."
Muli siyang tiningnan ni Dominic.
"Hindi naman ako papayag na ma-suspend ka sa trabaho dahil lang sa isang invalid reason."
"Actually, wala talagang kaso sa 'kin 'yon."
"Kaya mo bang walang gawin nang isang buong linggo? Can you miss a scoop na posibleng makatulong sa mga ordinaryong tao? Kaya mo bang pagkaitan sila ng mga bagay na pwedeng makapagpabago sa buhay nila?"
Nagsalubong ang kilay niya. "Nangungonsensiya ka ba? 'Yong totoo."
"Sinasabi ko lang."
Nagbuntong-hininga siya. Ilang sandali ring nakatitig lang siya sa maamong mukha nito bago siya natawa.
"What?" takang untag nito.
Bigla na lang niya itong sinugod ng yakap.
"I love you, Dominic!"
Bumaha ng kantiyawan at pagsipol sa buong dining area. At napag-alaman din niyang kaklase ni Dominic noong college ang manager ng banda. Ibang klase talaga.
Sino nga ang bias mo sa Demigods?
Mabilis namang nag-reply ang kapatid niya sa text niyang iyon
Si Park Jaejin! <3 Bakit mo tinatanong?
Wala lang. Matulog ka na riyan! :p, reply naman niya.
:/
Ibinalik niya ang cellphone sa kanyang body bag at inilabas naman ang album ng Demigods at pin up picture ng grupo.
"Um, Jaejin," tawag niya sa guitarist na wala na yatang balak lubayan ang gitara nito. Nasa likurang bahagi sila ng bahay kung saan naroon ang swimming pool.
Nasa lounging chair ito at tumutugtog. Naliligo naman sina Toushiro, Ash Lei at Ichigo habang sina CJ at Dominic ay seryosong nag-uusap sa kabilang panig ng pool.
Umupo siya sa katabing lounging chair.
"Pwedeng humingi ng autograph mo? Tsaka pwede pakisulatan ng message 'to?" tukoy niya sa picture.
"Para kanino?" Kinandong nito ang gitara at kinuha ang album, picture at marker na iniabot niya rito.
"Para sa kapatid ko. Hindi kasi siya makakapanood ng concert niyo bukas ng gabi."
Tumango lang ito. Ginawa pa nitong desk ang gitara nito habang pumipirma.
"Ano'ng isusulat ko rito?" tanong nito nang akmang magsusulat na ito sa likuran ng picture.
Wala sa loob na napakamot siya sa gilid ng kanyang pisngi.
"Um, sabihin mo na mag-aral siyang mabuti. Sikapin niyang maging consistent top one sa klase at huwag munang lumandi kasi ang mga lalaki sakit lang sa ulo." Kunot ang noong napatingin sa kanya si Jaejin. "Ah, e, hindi naman pala lahat." Napakamot siya ng ulo. "Sabihin mo na lang pala na ang pag-ibig, makakapaghintay kahit gaano pa katagal kaya unahin ang priorities sa ngayon. 'Yon lang naman."
"Ano'ng pangalan ng kapatid mo?"
"Sheyn. With the S-H-E-Y-N."
Napatango lang ito bago nagsulat. Ewan lang niya kung nakuha nito lahat ng mga pinagsasasabi niya.
"Here."
"Thank you!"
Tuwang-tuwang kinuha niya mula rito ang album at ang picture. Nang tingnan niya ang pinagsulatan ni Jaejin ay napamaang siya.
Sheyn,
Your sister loves you very much. Make her proud.
Jaejin =)
May pirma rin iyon ni Jaejin. Natawa siya.
"Maraming-maraming salamat talaga!"
Jaejin smiled brightly. "Basta ikaw."
Ibinalik na niya ang mga iyon sa bag niya.
"Ikaw at si Dominic, nagdi-date ba kayo?" tanong pa nito.
"Ha-ha," mapakla niyang tawa. "Joke ba 'yon?"
"You mean 'no'?"
Kunot ang noong umiling siya. "No. I mean, hindi ako sigurado kung totoong date ang mga paglabas namin. Bakit mo naman natanong?"
"He likes you. Don't you like him?"
Tumawa na naman siya nang mapakla.
"Ano bang klaseng tanong 'yan?" Ang awkward naman. "Hindi ako gusto ni Dominic." Tumingin siya sa direksiyon nito at nagtama ang mga mata nila. Siya ang unang umiwas. "S-siguro... nice na tao lang talaga siya. Hindi niya alam kung paano ako... ano ngang tawag do'n?"
Kulang na lang ay batukan niya ang sarili sa pagkawala niya sa concentration. Pahamak na chinitong mga mata iyon.
"Gusto ka niya. Kanina pa kaya siya nakatitig sa'yo."
Napaubo siya. "Gusto ko ang humor mo, Jaejin, pero pwede bang last mo na 'yan?"
Jaejin chuckled. "Wala man lang siyang dating sa'yo? Like, wala ka bang nari-realize kapag tinitingnan mo siya?"
"Kapag tinitingnan ko siya?" ulit niya at saglit na napaisip.
Maybe we found love right where we are...
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top