[7] Sharine's Sweet Surrender
CHAPTER SEVEN
DEMIGODS TO CONQUER PHILIPPINES.
Hindi makapaniwalang iwinagayway niya ang VIP access sa concert ng bandang Demigods.
"Sa akin mo talaga ibibigay 'to?"
Inilagay ni Kelvin ang magkabilang palad sa likuran ng ulo nito.
"Bakit hindi?"
"I mean, ako talaga? Hindi si Charrie?"
Si Charrie ang isa sa mga beteranong photojournalist ni Kelvin na bihasa pagdating sa showbiz happenings. Successful ang ginawa nitong pag-cover sa concert ng isang sikat na Irish band sa bansa ilang buwan lang ang nakararaan kaya dapat lang na ito rin ang magtrabaho sa concert naman ng Demigods.
"Actually, dalawa talaga kayo ni Charrie ang in-assign ko riyan. She will watch the concert and cover the entire event habang ikaw naman ay pupunta sa press conference nila and watch the concert, too. Kung gusto mo lang naman."
"I see."
Tinitigan niyang muli ang ticket. Kapag binibiro ka nga naman ng pagkakataon. Ito ang gusto ng kapatid niyang si Sheyn. Noong isang araw lang ay kinukulit siya nitong bilhan niya ito ng original album ng Demigods. Kung tutuusin, pwede niya itong bigyan ng ticket at pamasahe pero mangangahulugan din iyon na kailangan nitong um-absent. At ayaw niyang mangyari iyon. Dapat unahin nito ang pag-aaral at hindi ang paglalandi. Kung nakatakdang makita ng kapatid niya ang banda, mangyayari at mangyayari iyon sa takdang panahon.
Bumuntong-hininga siya. "Kung maganda rin lang naman ang bayad, tatanggi pa ba ako?"
"Basta't gawin mo lang nang maayos ang trabaho mo, wala tayong magiging problema."
"Oo naman, Bossing. Ako pa," mayabang na sabi niya at sumaludo rito. "Alis na 'ko, Bossing. Maraming salamat ulit!"
Hi!, text niya iyon kay Dominic habang nakatambay siya sa 7-Eleven.
After more than thirty seconds ay nag-reply si Dominic.
Yes, Dear?
Napahagikhik siya. Tinawag siya nitong 'Dear'. Ano kaya ang mukha ni Dominic habang tina-type nito ang reply nito?
Wala lang. Just missed your scent. Hihi.
Imbes na mag-reply ay tumawag si Dominic. Nataranta tuloy ang puso niya.
"Missed my voice?" nakabungisngis niyang bungad sa kabilang linya.
"Not anymore."
"Talaga?" Wala sa loob na inilibot niya ang tingin sa paligid ng store.
How she wished she could go to Kisha's office so that she could see him. Ang kaso, wala naman doon ang kaibigan niya dahil may importanteng meeting ito.
"Libre ka ba sa Friday?" tanong nito.
"Why are you asking?"
"Maybe we can have lunch together?"
Her lips formed an 'O'.
Ngayon mo sabihing hindi mo siya pwedeng magustuhan, Sharine.
Hindi man dapat, hindi talaga niya mapigilan ang kiligin. Idinaan niya sa tikhim ang pagpigil niyang tumili.
"I don't think so, Dominic," kunwari ay kaswal niyang sabi. "May pupuntahan akong press conference sa Friday at hindi ako sigurado kung kailan matatapos. Ayoko namang masayang ang oras mo sa paghintay sa 'kin."
"What press conference?"
"Para sa concert ng 'Demigods' dito. Napag-utusan lang ako ni Kelvin. Kailangan ko siyang sundin para kumita ako. Alam mo na, may tinutustusan ako."
"Wala akong gagawin the whole Friday kaya pwede kitang samahan kahit abroad pa 'yan."
"Whoa," nanlaki ang mga matang aniya. Ang persistent naman nito? "Okay lang na gawin kitang driver?"
"Gawin mo kung anong gusto mong gawin sa 'kin."
Napatakip siya sa bibig upang pigilan ang pag-alpas ng tili mula sa lalamunan niya.
"Ikaw naman. Alam mo namang maamoy lang kita, solved na 'ko." Pumalatak siya. "Dominic, tama na ngang pasakalye ito!"
Baka bumigay na talaga ako nito!
"Sino bang nagpapasakalye? Ikaw nga ang hindi seryoso riyan, e."
"Ehehe. See you on Friday," sabi na lang niya.
"I SEE," wala sa loob na sambit niya saka uminom sa Vitamilk niya.
Nasa harap siya ng kanyang computer at gumagawa ng research tungkol sa bandang Demigods. Nalaman niya na kahit sa Hollywood gumagawa ng pangalan ang mga ito ay binubuo ito ng limang Asyanong miyembro na may mixed blood.
Gaya na lamang ng lead vocalist ng mga ito na si Toushiro Akagi at drummer na si Ichigo Yamazawa na pawang mga half-Filipino, half-Japanese. Si Jaejin Park naman ang lead guitarist. Mukhang dito yata siya pamilyar dahil bago pa man pumasok sa pagbabanda ang half-Korean na ito ay sikat na ito sa mga guitar instrumental covers na mga ginagawa nito sa marami na ring kanta. Ang half-Taiwanese naman na si Ash Lei Chen ang keyboardist at second vocals at si Charles Justin Chiu naman ang bass guitarist at tumatayong leader ng banda.
Nagsimulang sumikat ang mga ito sa mga ginawang cover nila ng mga kanta kung saan pinapalitan nila ng ibang linggwahe ang mga English lyrics. Ngayon ay may mga original songs na ang mga ito at ang self-titled debut album nila ang ipinu-promote nila sa Asian tour nilang iyon.
No wonder, gustong-gusto ni Sheyn na makakuha ng album ng banda. Walang itulak-kabigin ang limang miyembro pagdating sa kagwapuhan. At kaedad lang din niya ang mga ito. She needed that research para hindi naman siya mahuli sa mga latest.
"Good luck talaga sa akin bukas. Sana magawa ko nang maayos para walang hassle sa lunch namin ni Dominic." Napahagikhik siya sa huling sinabi.
Ano kaya ang magandang suotin bukas?
AND she decided to wear blue checkered dress, black blazer and doll shoes. She's a jeans girl pero para sa araw na iyon, magpapaka-formal siya.
Umiinom siya ng Vitamilk habang nakaupo sa labas ng paborito niyang convenience store nang huminto ang sasakyan ni Dominic sa kabilang kalsada. Mabilis siyang tumayo habang pilit na itinatago ang excitement na naramdaman nang makita niya itong bumaba ng sasakyan. Dominic was wearing white long-sleeved polo, black slacks and black shoes.
He looks dashing! Buti na lang naghanda ako. Hi-hi!
Tatawid na sana siya pero nag-ring ang cellphone na hawak niya. Nakatapat naman na sa tenga ni Dominic ang phone nito.
"Stay there," sabi lang nito at agad ding ibinaba ang phone.
Kahit takang-taka ay nanatili nga siya sa kinaroroonan. Habang tumatawid ito at tumitingin sa kaliwa at kanan nito ay sinamantala na lang niya ang pagkakataon na malasin ang kakisigan nito. Nang tuluyan itong makalapit ay napangiti siya.
"Yow," bati niya.
"Male-late na tayo sa pupuntahan mo. Tara na."
"Sabi ko nga."
Inialok nito ang braso nito sa kanya.
"Hindi na kailangan, Dominic. Kaya kong tumawid nang walang alalay," she said and waved her hand dismissively.
Laking gulat niya nang kinuha mismo ni Dominic ang isang kamay niya at ikinawit sa braso nito.
"Halika na," sabi pa nito.
Hindi na lang siya kumontra. Baka kasi magbago pa ang isip nito. Sayang naman ang effort niyang 'magpaganda'.
Ibang klase talaga ang lalaking ito.
SMOOTH na sana ang biyahe nila papuntang convention center na pagdarausan ng press conference kung hindi lang biglang napapreno si Dominic.
"Ba't ka naman pumreno bigla?" sapo ang dibdib na tanong niya. Ninerbiyos kasi siya dahil wala man lang itong pasabi.
"May aksidente yata sa unahan."
"Na naman?" hindi napigilang anas niya.
Sumilip siya sa labas at ng kotse at nakita niya ang nayuping kariton at mga nagkalat na buko sa gitna ng kalsada. Nanlaki ang mga mata niya nang makitang hirap bumangon ang isang may edad na babae na nakabulagta.
"Tulungan natin, Dominic!" sabi niya at mabilis na kinalag ang seatbelt at bumaba.
Narinig pa niya ang pagpigil ni Dominic sa kanya pero tumakbo na siya papunta sa kinaroroonan ng aksidente. Ang ibang mga sasakyan ay napilitan na ring huminto dahil hindi makadaan.
Ang akala niya ay bababa ang driver ng asul na pickup na siyang nakabangga sa kariton upang tulungan ang babae pero nanlaki ang mga mata niya nang nagsimulang humarurot palayo ang sasakyan.
"Loko 'yon, ah?" hindi makapaniwalang sabi niya at bago pa man ito tuluyang makalayo ay sunod-sunod na kinuhanan niya ng litrato ang plate number ng sasakyan.
Hawak ang camera na nakasabit sa kanyang leeg ay tinakbo niya ang kinaroroonan ng matandang babae.
"Ayos lang po ba kayo?" alalang tanong niya. Nagimbal siya nang makita ang umaagos na dugo sa ulo ng babae.
"T-tulungan mo 'ko, anak. Tulungan mo 'ko..." pagmamakaawa nito. Parang pinipiga ang puso niya habang nakikita ang kaawa-awang sitwasyon ng babae.
"Opo, Ale. Huwag po kayong mag-alala. Dadalhin ko kayo sa ospital," sabi niya sa kabila ng panginginig.
Hinawakan niya sa kaliwang kamay at kanang balikat ang babae para tulungan itong makatayo.
"Tumabi ka, Sharine," sabi ni Dominic na nakauklo na pala sa tabi niya.
"Pero—"
"Ako na." Pinangko nito ang matandang babae kaya agad na nabahiran ng dugo ang damit nito. "Dalhin natin siya sa ospital."
"S-sige," tanging tugon niya dahil sa samu't saring emosyon na sumasalakay sa dibdib niya nang mga sandaling iyon.
MABUTI na lamang at hindi ganoon kalala ang pinsalang natamo ni Aling Cora. Ang kariton talaga ng buko ang nahagip ng sasakyan pero dahil itinutulak nito iyon ay tumilapon maging ito.
Ayon pa rito, tuloy-tuloy lang ang sasakyan at hindi man lang pumreno. Ini-report na niya sa mga pulis ang nangyari. Ayon sa mga ito, malamang na gumagamit ng cellphone ang driver kung hindi man lasing o nakatulog. Mabuti na nga lang at nakuhanan niya ng larawan ang plate number. Hindi na mahihirapan ang mga ito na matukoy ang driver ng kotse at panagutin ito.
Iniwan niya si Dominic na kausap pa rin ang mga pulis sa pasilyo ng ospital at pumasok sa silid ni Aling Cora. Dapat ay tapos na doon ang pagtulong na ginawa niya pero hindi naman kinaya ng konsensiya niya ang iwan ito nang mag-isa. Ayon dito, papunta na sana ito ng palengke upang magbenta ng mga buko. Biyuda na ito at ito ang mag-isang bumubuhay sa mga anak nito. Mas matandang tingnan si Aling Cora kaysa sa aktwal na edad nito. Hindi naman nakapagtatakang mapabayaan nito ang sarili dahil mas inuna nito ang kapakanan ng mga anak nito.
"Natawagan na po namin ang kapit-bahay ninyo. Papunta na raw rito ang mga anak niyo," sabi niya sa pilit pinasiglang boses.
"Maraming salamat sa tulong ninyo, hija," sabi nito sa gumaralgal na boses. "Hindi ko lubos maisip kung ano na ang mangyayari sa mga anak ko sakaling may mas malala pang mangyari sa akin."
"Huwag po kayong magsalita nang ganyan, Aling Cora," sabi niya at huminga nang malalim. "Mabubuhay pa po kayo nang matagal kasi may rason pa po kayo. Hindi po ba?"
Nakangiting tumango-tango ito. "Mabuti na lang at dumating kayo. Kaya lang e hindi ko naman alam kung paano makakabayad sa gastos dito sa ospital."
"'Wag niyo na pong isipin 'yon, Aling Cora. Ako na po ang bahala ro'n. Isipin niyo po ang pagpapagaling para sa mga anak ninyo."
s78
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top