[13] Sharine's Sweet Surrender

CHAPTER THIRTEEN

"SA ISANG araw na ang biyahe ko pauwi sa inyo," pagbabalita ni Nanay Bebang habang naghahapunan sila.

Maging siya ay kamuntikan na iyong makalimutan. Taon-taon ay umuuwi sa kanila ang Nanay Bebang niya para kumustahin ang kalagayan ng pamilya niya lalo na si Sheyn. Ibig sabihin ay ang katiwala nito sa pwesto nila ang maiiwan para magbantay. Wala namang problema doon dahil mapagkakatiwalaan naman si Aling Mercy.

"Kailan po kayo uuwi?"

"Sa susunod na linggo, uuwi na 'ko. Kung gusto mo, pwede kang mag-stay kina Kisha kung natatakot kang mag-isa. O 'di naman kaya, patitingnan na lang kita kay Herbert."

Hindi niya mapigilan ang mapasimangot sa huling sinabi nito.

"Ano'ng akala niyo sa 'kin, 'Nay? Kayang-kaya ko ang sarili ko. Mana ako sa inyo, e. Huwag niyong kalimutang iabot ang regalo ko kay Sheyn, ha?"

Ang tinutukoy niya ay ang album at autographed photos ng Demigods.

NANG MATAPOS na ni Sharine ang assignment niya nang araw na iyon ay sa opisina siya ni Kisha dumeretso. Huwag naman sanang magtampo ang kaibigan niya sakaling malaman nito na ginamit na rin niya itong excuse para makita niya si Dominic.

"Kung hindi ka naman pala sasama sa akin sa bahay, bakit ka pa sumulpot-sulpot sa opisina ko?" pagmamaktol ni Kisha. Nasa pantry sila nang mga sandaling iyon para mag-merienda.

"Siyempre, gusto kong bisitahin si Aling Cora sa bagong trabaho niya."

Kasisimula pa lang kasi ng ginang bilang isa sa mga utility personnel at masaya siya para rito.

"Akala ko dahil gusto mo lang makita si Dominic."

Natawa siya. It's really amazing how hearing his name changes her mood instantly.

"Bakit? Nasaan ba siya?"

"Um-absent. Nakipag-meet sa mga magulang niya. Like, finally."

"Kailangan talagang um-absent?"

"Halata masyadong nami-miss mo 'yong tao, Sha."

Sa malamang. Ilang araw rin niyang hindi nakita iyong tao dahil sa mga assignments niya. Pero sinarili na lang niya iyon.

"Malisyosa ka talaga," sa halip ay sabi niya.

"Nililigawan ka na ba n'on?"

Kumunot ang noo niya. "Nope."

"After niyong mag-date noong nakaraan, wala pa ring nangyayaring ligawan?"

"Nope," pabuntong-hiningang sagot niya.

"But if ever... may pag-asa ba?"

Nagkibit siya ng balikat. Umingos si Kisha.

"'Yong totoo, Sharine!"

"Hindi ko nga masabi," kunwari ay angil niya.

"Ang daya lang!"

"Ayoko ngang mag-assume. Ikaw talaga."

"Pero umaasa! Aminin!"

Inirapan lang niya ito bago uminom sa Vitamilk niya. Siyempre, ayaw niyang mag-assume. Pasaway lang talaga ang puso niya dahil kinukontra nito ang utak niya. Gusto nitong lumalim pa ang pagtitinginang meron sila ni Dominic.

PAGKAGALING kay Kisha ay dumaan siya ng grocery store para mamili ng mga grocery. Iyon nga lang, wala siyang tiwala sa sarili niya. Puro mga tsitsirya ang kadalasan niyang binibili kahit na lagi na lang siyang pinapagalitan. Saglit siyang napatigil paglabas niya ng store. Umaambon na pala. Kaninang umaga pa makulimlim ang panahon at ngayon lang bumagsak ang ulan. Mabilis niyang inilabas ang payong sa kanyang bag saka tinungo ang paradahan ng mga traysikel. Mahirap nang mabasa ang pinakamamahal niyang camera.

Nang makarating siya ng bahay ay malakas na ang buhos ng ulan. Tiyak magtatagal iyon. Ibig sabihin lang niyon ay magpapalipas siya ng malamig na gabi nang nag-iisa. Mabuti na nga lang at sanay na siya. Nang maluto na ang sinaing niya ay lumabas siya ng bahay para bumili ng atsara at inihaw na manok. Hindi na malakas ang ulan pero mukhang wala pang balak na tumila.

Nagulat siya nang datnan niya ang sasakyan ni Dominic sa labas ng gate nila. Nagmadali agad siyang pumasok at nadatnan niya itong kumakatok. Muntik pa niya itong mapagkamalang masamang loob dahil nasa ulo nito ang coat nito.

"Hoy."

Bigla itong lumingon at sa pagtatama ng mga mata nila ay tumigil saglit ang mundo niya.

"Hey."

Napakurap siya. "Ano'ng ginagawa mo rito?"

"Dinadalaw ka."

Tiniklop niya ang payong at itinabi sa paso ng fortune plant. "Bakit? Wala naman akong sakit, ah?"

"Kailangan bang magkasakit ka muna? Hindi ba pwedeng dahil gusto lang kitang makita?" Inalis nito ang coat at isinabit sa balikat nito.

"Buti na lang talaga, Dominic, gwapo ka."

Kinuha niya ang susi sa bulsa ng pedal pants niya at binuksan ang lock.

"Pasok ka."

Nauna siyang pumasok at hinawakan ang door knob.

"Hindi ko inakala na mahilig ka palang mang-surprise," sabi pa niya. "Bakit hindi ka man lang nagpasabi na aakyat ka ng ligaw ngayong gabi?"

"Mas nauna 'yong sagot kaysa sa tanong mo."

"Eh?"

"Nagugutom na 'ko. Makikikain na 'ko, ha?" sabi nito at naupo sa sala.

"Sige." Isinara na niya ang pintuan.

"MASAYA ka na ba na nakita mo 'ko?" tanong niya kay Dominic nang kumakain na sila.

Saglit lang siya nitong sinulyapan at sumubo na naman.

"Pwede na rin."

Ang totoo, hindi niya ma-explain ang nararamdaman niya nang mga sandaling iyon. Ilang araw na rin niya itong nami-miss at ngayon ay kasalo na niya ngayon si Dominic sa hapunan. Kapag inihaw na manok ang ulam niya ay imposibleng hindi siya ganahan sa pagkain. But watching Dominic eating with his bare hands, solved na siyang panoorin ito.

"So, ano'ng oras ka uuwi?"

"Kararating ko lang, pauuwiin mo na ako?"

Pumunit siya sa manok niya at isinawsaw iyon sa toyo at kalamansi.

"Masama ang panahon ngayon, Dominic. Paano kung ma-stuck ka sa highway? Takaw-aksidente pa naman kapag masama ang panahon."

"E di hindi na muna ako uuwi."

"Eh?" Sumubo siya. "Kung akala mong magpapatulog ako ng lalaki rito, nagkakamali ka." Lumunok siya. "Ang ganda naman kasi ng timing mo. Tinaon mo pang wala si Nanay rito. Pagagalitan talaga ako n'on!"

Kinuha ni Dominic ang cellphone sa bulsa nito at may ipinakitang text message sa kanya.

PAKITINGNAN NAMAN NG APO KO PARA SAKIN. TUTAL NAMAN MALAPIT NANG MAGING KAYO. SALAMAT, DOMINIC. :))

Napaubo siya. Hindi siya pwedeng magkamali. Number nga iyon ni Nanay Bebang!

"P-pero pa'no?"

"Si Kisha. Ipinakita niya sa 'kin ang text ng lola mo na nanghihingi ng number ko."

Bigla ay nahiling niyang bumuka na sana ang lupa upang lamunin niya.

"Isa itong malaking kalokohan, Dominic. Alam ni Nanay na kaya ko ang sarili ko," hindi maipinta ang mukhang aniya.

Itinabi na ni Dominic ang cellphone nito.

"Alam ko 'yon, Sharine. But you don't need to act tough all the time. At least once, can you make me feel you need me?"

Napatulala siya rito. Ibang-iba si Dominic sa mga sandaling iyon. There's something about the look in his eyes that makes her want to submit. She shook her head. Ito na nga bang sinasabi niya.

"'Wag na nga tayong magtalo. Nandito ka na rin lang, alangan namang paalisin pa kita. Napakawalang-puso ko naman n'on."

"Thank you," he said and smiled.

Mukhang maling nakita niya ang mga ngiti nito. He just stole her heart away.

Nagbaba agad siya ng tingin. "K-kain ka pa."

NAGTIMPLA siya ng chocolate para sa kanilang dalawa. Habang abala siya sa paglalagay ng mga marshmallow sa tasa ay nakarinig siya ng mga pagkatok sa pinto.

'Wag naman sana.

Tumayo siya at tinungo ang pinto. Para lang ma-disappoint dahil tama ang hinala niya.

"Mag-isa ka lang daw ngayon sabi ni Nanay," nakangiting bungad ni Herbert.

"Ah, kasi..."

"Hindi. Ako ang kasama niya," sagot ni Dominic mula sa likuran niya.

Nilingon niya ito. Tapos na pala itong maligo sa banyo. Nakasuot ito ng checkered na shorts at... iyon lang. Wala itong suot na pang-itaas. Hindi naman siguro pwedeng counted ang tuwalya niyang nakasabit sa balikat nito.

Ayayay.

Nakagat niya ang ibabang labi upang hindi siya maglaway. May abs nga ito! At six packs pa! Ngali-ngaling ibagsak niya ang pintuan sa mukha ni Herbert at simulang lapain si Dominic ngayon na.

Waah, bakit ang laswa ng mga pumapasok sa isip ko?

"Ah, ikaw 'yong boyfriend ni Sharine," bakas ang pagkatalo sa boses na ani Herbert.

She gave Herbert an apologetic look.

"Salamat sa concern, Herbert, ha? Okay na 'ko kasama si Dominic. Sa kanya na ako binilin ni Nanay."

Matamlay na tumango ito. "Naiintindihan ko. Good night, Sha."

"Good night."

Nang tumalikod na si Herbert ay agad niyang isinara ang pinto. Napabuga siya ng hangin.

"Sino ang batang 'yon?" kaswal na tanong ni Dominic.

"Hindi bata si Herbert, 'no," sagot niya at hinarap ito habang nakataas ang isang kilay. "Diyan lang siya nakatira sa tapat. At mas matanda siya sa'yo."

"Manliligaw mo?"

She grimaced. "Magdamit ka nga," sabi niya at bumalik sa sala.

"Hindi ako sinungaling, 'di ba?"

"Huh?"

Nanlaki ang mga mata niya nang itaas nito ang mga braso at nahantad na naman sa mga mata niya ang mga pandesal nito.

"I do have abs."

Pandesal at chocolate. Whew, perfect!

Napatikhim siya. "Ano naman ang gagawin ko sa abs mo? Meron din kaya ako niyan."

Natawang kinuha nito ang nakasampay na T-shirt sa sofa at isinuot. Sinamantala niya ang pagkakataon na tingnan ang abs nito at nag-iwas lang ng tingin nang lumabas na ang ulo nito sa butas.

Kinuha niya ang tasa at kunwari ay abala sa pag-ihip.

"Para sa 'kin ba 'yang isa?" tanong nito at naupo sa tabi niya.

"Hindi. Sa akin lahat 'to."

Nahigit niya ang paghinga nang ilapit nito ang mukha nito sa bandang leeg niya. Kasabay niyon ang pagtayo ng mga balahibo niya sa batok.

"A-ano'ng ginagawa mo?" nautal niyang tanong

"You smell good."

Umasim ang mukha niya.

"Hindi ko gamit ngayon ang pabango mo."

"Alam ko. I am referring to your natural scent. You smell like a rose."

Uminom na lang siya sa tasa niya. Akala naman nito ay maniniwala siya rito.

"SAAN MO 'ko patutulugin?"

Ibinuga niya ang bula ng toothpaste at tiningnan si Dominic mula sa salamin ng banyo. Nakatayo ito sa may pintuan habang nakahawak sa may hamba ng pinto.

"Sa sala," sagot niya.

"Hindi ako kasya ro'n. Sasakit lang ang katawan ko."

"E di sa kwarto ni Nanay."

Tinapos na niya ang pagsisepilyo at lumabas. Magkadikit lang ang kwarto nila ni Nanay Bebang. Nang pihitin niya ang door knob ay hindi iyon bumukas.

Natampal niya ang noo. "Naka-lock! Lagot. Malamang na dinala ni Nanay ang susi niya."

"It's not a problem," ani Dominic at tuloy-tuloy na pumasok ng kwarto niya.

"Hoy!" nanlaki ang mga matang anas niya.

Nang masundan niya ito ay nakapameywang na ito sa gitna ng kwarto niya.

"Pwede na 'ko rito sa sahig."

Oo nga naman. Saan pa nga ba niya ito patutulugin? Kung ipagpipilitan niyang matulog ito sa labas, baka manigas lang ito sa lamig. Pinagdikit niya ang mga palad at pumikit.

"What are you doing?"

Nang buksan niya ang isang mata ay nakakunot ang noo ni Dominic.

"Nagdadasal. Na sana hindi ako matuksong gapangin ka mamaya. Hi-hi!"

Lumapit siya sa aparador niya at naglabas ng banig at comforter. Tumabi si Dominic nang magsimula siyang maglatag. Nang matapos ay kumuha muli siya ng dalawang malalaking unan at kumot.

"Tingin ko solved ka na rito," sabi niya habang pinapagpagan ang mga kamay.

"Thank you."

"Matutulog ka na ba?"

"Can I use your computer?"

Naalarma siya. "Ah, may sira yata 'yan kaya hindi umaandar! Pero bukas, patitingnan ko rin 'yan sa kakilala ko. Oo, tama. Hehe."

"Pwede namang ako na lang ang tumingin. Trabaho ko ang mga computers, remember?"

Nang lumapit ito sa unit niya ay agad siyang humarang dito.

"N-nakakahiya, Dominic. Bukas mo na lang tingnan."

"Itsi-check ko lang, Sharine. Magtiwala ka sa 'kin."

"Eh kasi—"

Marahan siya nitong pinatabi at pinindot ang CPU niya. Napakamot siya. Yari na siya.

"Ano'ng problema nito? Mukhang okay naman ang start up," sabi nito maya-maya pa at saglit ding natigilan nang makita ang wallpaper niya.

Nakagat niya ang ibabang labi. Wala naman kasing sira ang computer niya. Siya talaga iyon. Dominic turned to her with a grin.

"How long had you been fancying me, Sharine?"

She smiled sheepishly. "I-I'm not actually fancying you, Dominic. I'm just... fascinated." She waved her hand. "You know."

"You're denying."

"Papalitan ko na ang wallpaper ko bukas. Pangako 'yan."

"Iniiba mo ang usapan."

"Tulog na tayo, Dominic!"

Mabilis ang mga kilos na sh-in-ut down niya ang computer at sumampa sa kama niya.

8,

Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top