Kabanata 8: Siyam na Bilang
[Kabanata 8]
HALOS magtulakan sina Jose, Tito, Pedro at Julio habang nakatapat ang kanilang mga tainga sa pinto ng opisina ni Padre Mendoza. Kararating lamang ng kanilang mga pamilya sa Letran nang mabalitaan nila ang kapusukan ng kanilang lider.
"Ano raw? Hindi ko gaano marinig," saad ni Tito saka sinagi si Pedro dahilan upang matulak sina Julio at Jose na mas malapit sa pinto.
"Ramdam ko hanggang buto ang gigil ni Jacinto!" tawa ni Jose na sinang-ayunan ni Julio. Kung pinalad lamang sila mapanood ang tagpo ay handa silang magbayad sa pinakaunang helera ng mga silya.
"Si Jacinto De Avila? Bakit nasa loob siya?" tanong ni Pedro na siyang pinakamabagal mag-proseso ng impormasyon.
"Estupido, kapatid nga raw ni Jacinto ang nabihag ng ating pinuno!" wika ni Julio. Ngumiti si Pedro sabay kamot sa ulo. "Ay, siya nga!" pagsang-ayon na lang niya.
Sabay-sabay na nagitla ang magkakaibigan nang marinig nila ang pagtikhim mula sa likuran. Bumungad sa kanila ang isang babae na hindi katangkaran at maikli ang buhok. Sa unang tingin ay aakalain siyang bata ngunit ramdam nila na malapit ang edad nito sa kanila dahil sa tingin at kilos. Kapansin-pansin ang maputi nitong balat at ang pagiging Sangley.
"Anong ginagawa niyo riyan?" tanong ni Nova habang nakahalukipkip. Tumabi ang mga kalalakihan na biglang nahiya dahil nakababawas ng pagkalalaki ang pagiging tsimoso. Nagawang tingnan nina Jose at Julio ang dingding. Kunwari namang tiningnan ni Tito ang kaniyang sapatos na para bang may natapakan siyang dumi. Habang si Pedro naman tumingin sa sahig.
Muling tumikhim si Nova saka naglakad papalapit sa pinto. Akmang ilalapit sana niya ang kaniyang tainga upang makinig din sa pag-uusap sa loob ngunit nagulat siya nang biglang bumukas ang pinto. Tumambad sa kanilang harapan ang seryosong hitsura ni Jacinto.
Ngayon lamang nakita ni Nova na sumagad ang galit ni Jacinto na siyang palabiro at mapang-asar sa pamilya De Avila. Napatabi na lamang siya sa gilid. Hawak ni Jacinto ang pulupusuhan ni Segunda at isinama ito palabas.
Nanlaki ang mga mata nina Tito, Jose, Julio, at Pedro nang makita ang babaeng tinutukoy na kapatid ni Jacinto at siyang niyakap ni Xavier sa gitna ng maraming tao. Magsasalita pa sana sila ngunit wala silang balak salubungin ang init ng ulo ni Jacinto.
Sinagi ni Pedro si Tito, "Hindi ba't iyon ang babaeng dinala natin sa pagamutan?" tanong nito. Tulalang tumango si Tito.
"Siya nga! Hindi ba't parang pamilyar din ang kaniyang hitsura? Matagal ko nang iniisip na parang nakita ko na siya noon." Bulong ni Tito kay Pedro dahilan upang mapaisip din ito. Ngunit hindi siya matandain sa mga mukha.
"Ang babaeng iyon ang kapatid ni Jacinto?" tanong ni Julio kay Jose na napahalukipkip din. Tumingin si Jose sa katabing babae na mukhang nakakakilala sa mga taong pinatawag ni Padre Mendoza.
"Binibini, siya ba ang kapatid ni Jacinto?" tanong ni Jose kay Nova sabay turo sa magkapatid na De Avila na naglalakad sa balkonahe.
"Oo. Siya ang pinakamabait at pinakamaganda sa lahat," saad ni Nova na handang ipagmalaki si Segunda sa lahat. Naalala niya si Socorro na siyang matalik niyang kapatid, maganda rin si Socorro ngunit ang palaban nitong pag-uugali ay nagpapapantig sa tainga ng ilan. Bukod doon, nang dahil sa isang pangyayari ay nagkaroon na ng lamat ang kanilang pagkakaibigan. Inuwi na nina Don Marcela at Don Epifanio si Socorro sa Sariaya.
Napakagat sa kamay si Julio nang marinig ang sagot ni Nova. "Kung ang babaeng iyon ang kapatid ni Jacinto... Ibig sabihin, siya ang babaeng naninilip sa ating dormitoryo! Iyong kasama ng mga madre na tinanggalan natin ng gulong----" Napatigil si Julio nang seryosong tumingin sa kaniya si Nova.
Napatulala sina Jose at Tito sa gulat. Napailing-iling naman si Pedro. Hindi nila lubos maisip kung paano nahulog si Xavier sa babaeng nagnanakaw ng sulyap sa mga dormitoryo ng kalalakihan.
"Anong pinagsasabi---" hindi na natapos ni Nova ang sasabihin dahil nagulat sila nang biglang lumabas si Xavier saka ibinagsak ang pinto. Dali-dali itong sumunod sa magkapatid na De Avila saka hinawakan ang kabilang pulupusuhan ni Segunda.
Napatakip ang lahat sa kanilang bibig nang matunghayan ang panibagong kapangahasan ni Xavier. Gulat na napalingon si Segunda at napatingin sa pagkapit ni Xavier. Maging ang mga tao sa ibaba ng balkonahe ay napatigil sa kani-kanilang mga ginagawa nang makita ang tagpo sa taas. Animo'y nanonood sila sa teatro at nasa sukdulan na ang tagpo ng palabas.
Napaigting ang panga ni Jacinto saka inilapit sa kaniya ang kapatid ngunit hindi bumitiw si Xavier sa pagkakahawak kay Segunda. "Bitiwan mo ang aking kapatid. Kami'y mag-uusap nang masinsinan nang siya'y matauhan," seryosong saad ni Jacinto na may halong babala ngunit hindi nagpatinag si Xavier.
Tumingin si Xavier ay Segunda at sa kamay niyang nakapulupot sa pulupulsuhan ng dalaga. Napagtanto niya na hindi biro ang pagkapayat ni Segunda dahil halos kalahati lang ito sa laki ng kaniyang palad. "May tiwala ako na hindi mo magagawang bawiin ang lahat," saad ni Xavier nang deretso sa mga mata ni Segunda. Nararamdaman niya na maaaring magbago ng isip si Segunda dahil sa pagiging masunurin nito ay tiyak na hindi siya tataliwas sa nais ng kaniyang pamilya.
Isang makahulugang tingin ang ibinigay niya kay Segunda na para bang sinasabi niya na wala sa kanilang bokabularyo ang umatras. Ginawa niya ang kaniyang parte upang mas maging makatotohanan ang pekeng kasal. Kung kaya't hindi makatarungan na maiiwan siya sa ere at kahihiyan.
Napatingin si Segunda sa mga tao sa paligid. Ang lahat ay nakatutok sa kanila dahilan upang mas lalo siyang makaramdam ng kaba. Hindi niya akalaing magiging ganito ang pansamantalang solusyon na naisip niya upang maresolba ang pagkakautang kay Xavier.
Nararamdaman ni Segunda na seryoso si Xavier masakatuparan ang kanilang plano. Nagawa na nitong itaya ang sariling pangalan at muling marumihan ang reputasyon sa harap ng madla. Aminado si Xavier na sinadya niya ang ginawang eksena sa harap ng mga tao. Ang tahasan niyang pagyakap kay Segunda at pagdeklara ng kaniyang pagsinta ay isang matibay na plano upang walang magawa ang kanilang mga magulang kundi ang umayon sa kasunduang kasal.
Nababatid nilang pareho na ang magulang ang pangunahing nagdedesisyon sa pag-aasawa ng kanilang mga anak. Kung sasabihin lang nina Segunda at Xavier sa kanilang mga magulang na sila'y magpapakasal, tiyak na hindi sila hahayaang makasal sapagkat nasa magulang ang pagpapasiya. Idagdag pa na hindi na maayos ang samahan ng pamilya Sanchez at De Avila.
Walang gustong sumuko at bumitaw kina Jacinto at Xavier kung kaya'y umeksena na si Nova. Hinila niya si Segunda at kumapit sa braso nito, "Mga ginoo, kami'y matutulog na." saad ni Nova saka mabilis na inilayo si Segunda sa paningin ng mga tao.
Nanatiling seryosong nakatitig sina Xavier at Jacinto sa isa't isa na animo'y mga manok na magsasabong. Inaamin ni Jacinto na minsan na niyang naisip na kung sakaling makakatuluyan ni Xavier ang isa sa kaniyang mga kapatid ay magiging sunud-sunuran ito sa kaniya. Ngunit iba ang reyalidad, kailanman ay hindi niya hihilingin na matali ang isa sa mga kapatid niyang babae sa isang loko-loko.
Hindi natinag si Xavier sa pakikipagtitigan kay Jacinto na halos kapareho niya ng tangkad. Sa oras na buo na ang isip ni Xavier na gawin ang isang bagay, hinding-hindi siya makapapaya na magapi ng mga hadlang sa daan. Sa oras na masakatuparan ang plano nil ani Segunda, hindi na niya kailangan mamoblema sa salapi at malaya siyang maninirahan sa Europa. Malinaw sa kanilang usapan ni Segunda na hindi sila magsasama at pakikialaman ang isa't isa matapos ang kunwaring kasal.
"Suntukan!" hirit ni Pedro dahilan upang mapalingon ang lahat sa gawi ng mga kaibigan ni Xavier nasa gilid. Agad tinakpan nina Jose, Tito, at Pedro ang bibig ni Pedro dahil sa pagbasag nito sa katahimikan.
Nakaramdam ng hiya sina Jacinto at Xavier, ngayon lang nila napansin na nakaabang ang lahat sa kanila. Halos isang minuto rin sila nagtitigan nang walang sinasabi sa isa't isa. Naunang tumikhim si Jacinto sabay talikod at umakyat sa ikaapat na palapag. Hindi naman alam ni Xavier ang kaniyang gagawin, kung siya'y aakyat sa taas o bababa sa hagdan. Mabuti na lang dahil tinawag siya ng mga kaibigan dahilan upang dali-dali siyang umalis sa gitna ng mga manonood. Ang iba ay nadismaya pa dahil bitin ang palabas na kanilang tinutunghayan.
WALANG imik na pumasok si Xavier sa loob ng opisina ni Padre Mendoza kung nasaan ang kaniyang mga magulang. Nadatnan niya roon ang ama na nakatayo sa tapat ng mga parangal at certifico sa dingding. Samantala, si Doña Antonia naman ay nakaupo sa silya habang nagpapaypay. Inom ito nang inom ng tubig dahilan upang makaubos agad ito ng tatlong baso.
Mas lalong sumama ang hitsura ni Doña Antonia nang makita ang anak. Hindi niya akalaing mauuwi sa wala ang pangarap niyang makadalo sa mga pagdiriwang ng mga politiko at handaan sa Malacañang. "Ako'y lalabas na muna. Pasakit ka talaga sa aming buhay!" inis na buwelta ng doña sabay labas at nagawa pang ibagsak ang pinto.
Nanatiling nakatayo si Xavier. Ang totoo, wala na siyang kinatatakutan. Hindi siya natatakot sa ama o sa anumang banta at pananakit nito. Ni hindi na rin tumatalab ang mga masasakit na salita ng kaniyang mga magulang na tila ba wala na ito sa kaniya.
Kung may isang bagay siyang ikatutuwa, ito ay ang makitang manggalaiti sa galit at habambuhay na hindi sumaya ang mga magulang niyang walang ibang inatupag kundi ang kanilang mga sarili.
"Hindi ka talaga nag-iisip. Iyong sinayang ang pamilya Villafuerte para sa isang..." Napapikit si Don Manuel habang pilit na pinipigilan ang sarili. Aminado siya na nagawa niya ring alukin ng kasal ang pamilya De Avila dahil sa karangyaan nito at kanilang pagkakaibigan ngunit nawalan siya ng gana nang maranasan ang kawalang respeto ng anak ng mag-asawang De Avila na si Socorro.
"Hindi ko kasalanan na wala na kayong pag-asa makapasok sa politika. Kung nais niyo talaga, bakit hindi kayo ang sumisipsip kay Don Fernando?" saad ni Xavier dahilan upang hindi na makapagtimpi ang Don. Kasabay ng kaniyang paglingon ang isang malakas na sampal sa kaliwang pisngi ng anak.
Ibinalik ni Xavier ang tingin sa sahig, saka napahawak sa pisngi kung saan nagkaroon siya ng gasgas mula sa singsing na suot ng ama. "Iyang dila mo ang maaaring maglagay sa 'yo sa kamatayan. Pasalamat ka dahil ilang taon ka naming pinagtakpan. Huwag mong asahang tutulungan kita gayong pinili mong suwayin ang plano namin para sa 'yo," seryosong saad ng Don, tumawa lang si Xavier. Isang tawang mapait na puno rin ng pagkasuklam.
"Hindi ko kailangan ng inyong tulong. Wala na rin kayong maririnig tungkol sa akin sa oras na ako'y ikasal na." saad ni Xavier na nagawang tumitig sa mga mata ng ama. Kailanman ay hindi siya nakaramdam ng utang na loob o konsensiya sa mga magulang.
"Ah, ito ang iyong plano, ano? Magpapakasal ka upang makaalis sa amin?" saad ng Don matapos mabasa ang mga mata ni Xavier. Hindi niya maitatanggi na palaban ang anak ngunit higit niyang nakita ang pagiging palaban ng mga mata nito.
"Magpakasal man ako o hindi, aking titiyakin na hinding-hindi kayo makikinabang sa akin." Hindi batid ni Xavier kung bakit tila nabunutan siya ng tinik nang sa wakas ay masabi niya ang salitang iyon. Karamihan sa mga anak ay natutuwa sa tuwing nakikita nilang masaya ang kanilang magulang at natuwa sa kanilang mga nagawa. Ngunit, hindi niya maunawaan kung bakit nakaramdam siya lalo ng pagkamuhi at galit nang makitang masaya ang kaniyang ama sa posibilidad na ikasal siya sa unica hija ng pamilya Villafuerte.
"Sa oras na dumating ang araw na lalapit ka sa akin upang humingi ng tulong. Huwag mo nang tangkain, hindi-hinding na kita pagbibigyan kahit kailan." Banta ni Don Manuel dahilan upang mapangisi si Xavier saka humakbang papalapit sa ama upang mas hamunin ito.
"Aking titiyakin na hinding-hindi mangyayari iyon, Don Manuel." Saad ni Xavier saka hinubad ang sombrero at itinapat iyon sa kaniyang dibdib upang magpaalam at lalong asarin ang ama. Lumabas siya sa silid at nang isara niya ang pinto sa kaniyang likuran ay iyon ang kauna-unahang pagkakataon na naramdaman niyang tila nanalo siya laban sa ama na madalas gamitin ang koneksyon nito kung kaya't wala rin siyang nagagawa kundi ang tanggapin na lamang ang parusa nito.
INABUTAN ng tubig ni Nova si Segunda upang kumalma ito. Ilang ulit niyang tinanong si Segunda kung nagugutom na ito ngunit hindi pa kumakain si Segunda matapos ang paghaharap. Kasalukuyan pa rin silang nananatili sa Letran dahil patuloy ang pagbagsak ng ulan dahilan upang mas tumaas ang baha.
Samantala, panay naman ang lakad ni Jacinto sa loob ng silid. Nakuha nila ang maliit na silid ng pahayagan. Ilang sandali pa, lumapit si Jacinto kay Nova. "Maaari ko bang makausap sandali ang aking kapatid?" tanong ni Jacinto gamit ang tonong hindi nagustuhan ni Nova.
Tumingin si Nova kay Segunda na namumutla at nakatitig sa sahig. Wala man siyang ideya kung ano ang nangyari sa pagpupulong kasama si Padre Mendoza kanina, ngunit nababatid niya na nagdulot iyon ng labis na gulat at pag-aalala kay Segunda.
Tumikhim si Nova saka tumayo at tiningnan nang deretso sa mga mata si Jacinto, "Paumanhin kung ako'y manghihimasok. Aking nauunawaan na kayo'y magkapatid ngunit huwag mo sanang kausapin nang ganiyan si ate Segunda. Mas matanda man siya sa 'yo o hindi, marapat lang na kausapin mo siyang maayos dahil maging siya ay nahihirapan na rin." Saad ni Nova dahilan upang mapalunok si Jacinto at mapatingin kay Segunda na tulala at tila hindi sila naririnig.
Napahawak sa batok si Jacinto nang makaramdam ng konsensiya, naalala niya ang paghahamon niya ng away, pasigaw, at pabalang na pagtatanong kanina sa harap ng pamilya Sanchez, at ni Padre Mendoza. Pareho nilang nalalaman na dahil sa eksenang natunghayan ng mga tao, si Segunda ngayon ang laman ng usap-usapan. Samantala, wala namang nangyari o nasira kay Xavier sapagkat kilala na siyang maloko at nauugnay sa iba't ibang babae dahilan upang mahirapan ang kaniyang mga magulang na makahanap ng kasunduang kasal dahil sa hindi nito magandang reputasyon.
"Matindi na ang pinagdadaanan ni ate Segunda, huwag mo na sanang dagdagan. Kailangan niya ngayon ng makauunawa at susuporta sa kaniya. Sana ay magawa mo iyon bilang kaniyang kapatid," patuloy ni Nova. Matalik na kaibigan ni Socorro si Nova, at ngayong sapilitang pinabalik ng kanilang ama't ina si Socorro dahil sa isang pangyayari ay walang ibang dadamay kay Segunda. Mabuti na lang dahil narito rin si Nova na nagmamalasakit sa kaniya. Walang ibang kapatid si Nova kung kaya't itinuturing din niyang kapatid sina Socorro, Segunda, at Amor.
Sa tuwing nagtutungo siya kay Socorro ay madalas silang nilulutuan ni Segunda ng paborito niyang ginataang bilo-bilo. Binabaunan din siya nito pauwi kung kaya't walang kaso sa kaniyang tiyo at tiya ang madalas niyang pagtungo sa hacienda De Avila. Hindi rin nakaliligtaan ni Segunda regaluhan at batiin si Nova sa kaarawan nito, kahit pa hindi tunay ang petsa ng kaniyang kaarawan sapagkat walang ideya ang kaniyang tiyo at tiya na siyang kumukupkop sa kaniya kung ano ang petsa ng kaniyang kapanganakan. Ang tanging nalalaman nila ay ipinanganak ito ng Disyembre. Kung kaya't isinabay na lang si Nova sa kaarawan ni Hesus.
Sandaling hindi umimik si Jacinto matapos lumabas si Nova. Unti-unting humupa ang pagkakunot ng kaniyang noo saka tumingin kay Segunda. Kahit papaano ay naunawaan ni Jacinto ang ibig iparating ni Nova. Ngayon ay nakaramdam siya ng konsensiya.
Tumikhim si Jacinto saka inikot ang bakanteng silya at naupo roon nang pabaliktad. Ilang segundo siyang hindi nakapagsalita, walang ideya kung paano sisimulan ang kanilang pag-uusap. Napansin ni Jacinto na tila hindi pansin ni Segunda ang kaniyang presensiya kung kaya't siya na ang bumasag sa katamikan.
"Ano bang nakita mo sa lalaking iyon, ate?" panimula ni Jacinto, mas mahinahon na ang kaniyang tono na parang isang batang humihingi ng tawad. "Totoo ba talagang may namamagitan sa inyo?" patuloy niya dahilan upang matauhan si Segunda at tumingin sa kaniya. Hawak pa rin nito ang baso ng tubig na hindi man lang niya binawasan.
Naunang umiwas ng tingin si Segunda saka tumango nang marahan bilang sagot. Batid ni Jacinto na nagsisinunggaling ang kaniyang kapatid, imposible para sa kaniya na magustuhan nito si Xavier na mapangahas, mapusok, maingay, makasarili, mayabang, at masama ang ugali.
Sandaling naghari ang katahimikan. Muling binalatan ni Segunda ang kaniyang palad. Pakiramdam niya ay kailangan niyang magkuwento upang maniwala si Jacinto. "Una kaming nagkita noong araw na nagtungo kami ni ama sa inyong dormitoryo." Panimula ni Segunda nang hindi tumitingin sa kapatid. Napaisip si Jacinto hanggang sa maalala niya ang araw na iyon kung saan hinila ng kaniyang ama ang kaniyang tainga palabas sa dormitoryo kung saan natunghayan ng lahat.
"At nagustuhan mo na siya mula noong araw na iyon?" nagtatakang tanong ni Jacinto. Kung si Socorro lang ang nasa posisyon ngayon ni Segunda ay hindi siya mag-aalala dahil tiyak na maipagtatanggol nito ang sarili. Ngunit si Segunda na siyang mahinahon at pinakamabait sa kanilang lahat ang nabiktima ng kampon ng kasamaan kung kaya't hindi siya makapapayag na hindi niya maipagtanggol ang kapatid.
Hindi agad nakasagot si Segunda. Bakas din sa reaksyon nito na siya'y napaisip nang malalim. Ang totoo, takot, kaba at hiya ang namayani sa kaniya noong araw na iyon. "Ako'y hindi madaling mahulog sa isang tao, iyong nalalaman iyon, hindi ba?" ang tanging nasabi ni Segunda. Napakamot na lamang ng ulo si Jacinto, huhulaan niya pa ngayon ang malabong sagot ni Segunda.
"Kung gayon, ano ang nag-udyok sa 'yo para tanggapin ang pagpapakasal sa lalaking iyon?" Hindi magawang banggitin ni Jacinto ang pangalan ni Xavier, iniisip pa lang niya ay nanggigigil na siya sa galit.
Napakagat ng labi si Segunda. Hindi niya masabi ang totoo na siya ang unang nag-alok ng kasal. Nagawa ring tanggihan ni Xavier ito noong una. Hindi niya rin ngayon maunawaan kung bakit biglang nagbago ang isip ni Xavier. Gayunpaman, nararamdaman niya na tila nagipit ang binata at desperadong makuha na ang salapi.
"Ako'y hindi nakatitiyak. Ang tanging nalalaman ko lamang ay gumawa siya ng paraan upang masakatuparan ang pagpapakasal sa akin. Hindi niya lang basta sinabi, nagawa niya ring ipakita na siya'y seryoso at may paninindigan." Tugon ni Segunda saka marahang ngumiti at tumingin kay Jacinto upang kahit papaano ay mabawasan ang matinding pag-aalala nito.
Nanatiling nakatingin si Jacinto kay Segunda. Ramdam niya na tila may pinanghuhugutan si Segunda sa sagot nito dahil may ideya siya tungkol kay Segunda at sa dati nilang kutsero na si Romeo. Minsan na niyang narinig ang pag-uusap noon nina Segunda at Remedios tungkol kay Romeo, ngunit siya'y bata pa noon kung kaya't hindi niya gaano naunawaan iyon.
Nang magtungo si Romeo sa Europa ay umalis na rin ang pamilya Castillo sa hacienda De Avila. Hanggang ngayon ay wala silang balita kung nasaan na ang pamilya Castillo at kung kumusta ang mga ito. Ilang beses sinubukang hanapin ni Segunda ang pamilya Castillo ngunit bigo siyang matagpuan ang pamilyang minsan na niyang tinulungan.
Nalalaman ni Jacinto ang pagtitiyaga ni Segunda sa paghahanap dahil nabasa niya ang mga liham na pinapadala nito sa bayaw nilang si Aurelio na siyang may koneksyon sa mga rehistro. Napahinga nang malalim si Jacinto saka sandaling ipinikit ang kaniyang mga mata, hindi na niya nais banggitin kay Segunda na siya'y may nalalaman sa nakaraan nito. Hindi niya nais mag-alala si Segunda at muling balikan si Romeo na matagal nang lumisan.
"Ako'y walang problema sa 'yo ate. Ang aking pangamba ay nasa Sanchez na iyon. Hindi mo ba siya nakikilala? Wala ka bang naririnig tungkol sa kaniya?"
Tumingin si Segunda kay Jacinto, "Iyong nababatid, Jacinto, na minsan na akong naging biktima ng mga panghuhusga at usap-usapan. Kung maniniwala ako sa mga sinasabi ng ibang tao tungkol kay Xavier, wala akong pinagkaiba sa mga taong madaling maniwala sa mga kuwento."
"Natunghayan at naranasan ko mismo ang kasamaan ng Sanchez na iyon. Ilang beses niya kaming ginugulo ni Cristobal. Kamakailan lang ay ninakaw nila ang aming takdang-aralin. Siya ang dahilan kung kaya ako napingot ni ama noong araw na iyon. Hindi ka magiging maligaya ate sa piling niya. Maaaring maging miserable ang iyong buhay. Higit doon, marami rin siyang binibining pinaluha. Hindi mo dapat ipagkatiwala ang iyong puso sa kaniya." Animo'y nakikipag-debate si Jacinto sa hukuman.
Napangiti si Segunda, ramdam niya ang pagmamalasakit ng kapatid. Hinawakan niya ang kamay ni Jacinto. "Salamat sa iyong pag-alala. Aking nababatid na nais mo lang akong protektahan. Ngunit huwag kang mabahala, kaya kong protektahan ang aking sarili." Saad ni Segunda saka marahang niyakap si Jacinto.
"Nawa'y maunawaan mo ang aking desisyon. Pinili ko ito at nais kong panindigan ang lahat. Aking hinihiling na magawa niyo ring patawarin ni Xavier ang isa't isa. Hindi man ngayon, ngunit nawa'y maghari ang pagpapatawad sa inyong puso balang araw." Patuloy ni Segunda habang dahan-dahang tinatapik ang likod ng kapatid.
Kasunod niyon ang pagpatak ng luha ni Jacinto. Siya ang tipo na hindi madaling lumuha dahil kilala siya ng lahat na palabiro, magiliw, at mapang-asar. Ngunit hindi niya maunawaan kung bakit umiiyak siya ngayon sa yakap ng kaniyang nakatatandang kapatid na handang umagapay sa kaniya noon pa man. Animo'y nagbalik lahat ng alaala ng kanilang kabataan kung saan palagi siyang inaasikaso ni Segunda. Sinasamahan at tinutulungan siya nito sa tuwing nahihirapan siya sa pag-aaral. Sa tuwing natatakot siya sa bagyo noong siya'y bata pa ay nakakatulog siya nag payapa sa tabi nina Segunda o Remedios.
Yumakap si Jacinto pabalik. Hindi na niya mapigilan ang kaniyang luha. Para siyang batang-paslit na umiiyak dahil hindi niya nais lumisan ang kaniyang ate. Hindi siya umiyak noong kinasal si Remedios dahil bata pa siya noon, hindi niya pa nauunawaan ang pagbukod ng bagong-kasal sa pamilyang kinalakihan nito.
Ngunit ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit siya lumuluha. Sa oras na ikasal na si Segunda, magiging katulad na ito ni Remedios na bihira na rin nila makita at makasama. Masuwerte na lang kung makadalo ito sa mga pagdiriwang ng kaarawan, piyesta, pasko o bagong taon. Hindi na niya mapupuntahan si Segunda kahit kailan niya gusto lalo na kung ito ay itinira ng asawa sa malayo. Magiging abala na ito sa sariling pamilya at mga magiging anak. Hindi pa siya handa sa tuluyang pag-aasawa at pagbukod ni Segunda.
DALAWANG araw na ang lumipas, mas lalong lumakas ang bagyo. Sinasabi ng lahat na tuluyan nang nakapasok ang bagyo sa Maynila. Mahigpit na ibinilin ni Padre Mendoza na hindi maaaring lumabas sa silid sina Segunda at Xavier upang hindi na makalikha ng panibagong usap-usapan.
Ang bagay na iyon ay pabor kay Segunda sapagkat wala siyang balak lumabas sa silid. Mas komportable rin siya sa loob kasama ang ilang libro ng Literatura na pinahiram ng pari. Samantala, malaking problema naman para kay Xavier ang makulong sa apat na sulok ng silid-aklatan kasama ang kaniyang mga magulang na hindi siya kinikibo. Wala rin siyang balak basahin ang mga libro na sa tingin pa lang ay naghahatid na sa kaniya ng pagkahilo.
Hindi rin lumalabas sa silid ang mag-asawang Sanchez sa takot na tanungin sila nang tanungin ng mga kaibigan tungkol sa relasyon ng kanilang anak sa isang madre kahit pa paulit-ulit na kinaklaro ni Xavier na hindi pa ganap na madre si Segunda.
Nagawa na ni Xavier mag-ehersisyo at maglakad-lakad sa silid-aklatan upang mapawi ang kaniyang pagkabagot ngunit sa tuwing malalaman niya kay Manang Dioneng kung anong oras na at ang katotohanan na sampung minuto lang ang lumipas mula nang may maisip siyang gawin ay nais na lang niyang sabunutan ang sarili.
Sa ikalawang araw ay nakaisip siya ng gagawin. Hindi niya alintana ang pagkulog at pagkidlat dahil abala siya sa pagsusulat. Ilang ulit napapalingon si Manang Dioneng dahil sa tuwing nagkakamali sa pagsulat si Xavier ay nilulukot nito ang papel saka kukuha muli ng bago.
Hindi rin magawang kausapin ni Manang Dioneng ang alaga lalo na sa desisyon nitong pakasalan ang isang De Avila dahil kasama nila sa silid ang mga magulang nito na hindi nais pag-usapan ang bagay na iyon.
Oras ng tanghali, tulog pa rin ang mag-asawang Sanchez. Lumabas din si Manang Dioneng upang kunin ang kanilang tanghalian. Dahan-dahang binuksan ni Xavier ang pinto saka dumungaw sa labas. Halos wala ring tao sa ikatlong palapag ng paaralan dahil nasa baba ang karamihan upang kumuha ng pagkain.
Maingat na isinara ni Xavier ang pinto saka patingkayad na umakyat sa ikaapat na palapag.
Suot niya ang malaking sombrero at gabardino ng ama dahil naubusan na siya ng damit. Hindi niya akalain na mananatili pa sila ng tatlong araw. Bumagay din sa kaniya ang malaking sukat ng damit dahil siya'y matangkad at may magandang tindig.
Nang marating niya ang ikaapat na palapag ay sandali siyang nagtago sa gilid ng malaking paso. Hindi siya nakasisiguro kung saang silid nananatili ang pamilya De Avila at Gonzalez. Ilang sandali pa, nakita niyang lumabas sa isang pinakadulong silid si Jacinto. Animo'y kagigising lang nito habang kinukusot ang mata.
Hindi napansin ni Jacinto si Xavier na nagawang magtago sa halaman ng paso dahil pikit-matang bumaba si Jacinto sa hagdan. Nang mawala ito sa kaniyang paningin ay dali-dali siyang gumapang patungo sa dulong silid. Ngunit napatigil siya nang maramdaman ang hakbang ng taong sumasabay sa kaniyang paggapang.
"Huwag mo sabihing itatanan mo si ate Segunda?" saad ni Nova habang nakahalukipkip. Tumikhim si Xavier nang makaramdam ng hiya dahil mukha siyang uod na gumagapang sa pasilyo nang walang dahilan.
Pinagpagan niya ang kaniyang gabardino at sombrero saka muling tumikhim, "Kapatid ka ba niya?" deretsong tanong ni Xavier na hindi man lang bumati o nagbigay-galang sa kausap. Naalala ni Xavier ang babaeng iyon na minsang nakabangayan ni Jacinto at siya ring humila kay Segunda noong isang araw.
"Oo." Sagot ni Nova. Napataas lang ang kilay ni Xavier dahil hindi nito kamukha ang mga kilala niyang miyembro ng pamilya De Avila. Higit na kapansin-pansin din ang lahi nitong intsik.
"Nais ko sanang makausap siya sandali." Saad ni Xavier. Hindi na niya nais makipagtalo dahil baka humaba pa ang usapan. Bukod doon, kailangan niya makahanap ng kakampi sa magkakapatid na De Avila. Kung kapatid nga ni Segunda ang babaeng kausap, importante na makuha niya ito sa kaniyang panig upang makahingi ng pabor balangaraw.
Napaisip si Nova. Suportado niya ang pagkakaroon ng nobyo ni Segunda. Ang katotohanang may umaakyat ng ligaw at nais sumuyo kay Segunda ay nagpangiti sa kaniya.
"O'siya, piso para sa tatlong minuto." Saad ni Nova sabay lahad ng palad.
Napakunot ang noo ni Xavier, "Ang mahal naman!" reklamo nito ngunit taas-noong nagsalita si Nova.
"Kung ayaw mo, e, di huwag." Saad ni Nova na akmang aalis na ngunit dumukot na si Xavier sa bulsa.
"O, limang piso para sa sampung minuto. Bantayan mo rin ang pinto." Saad ni Xavier, napataas ang kilay ni Nova dahil tila inuutusan siya nito ngunit napatingin siya sa kumikinang na salapi at kinuha iyon.
"Bilisan mo. Kapag lumagpas ka sa oras ay sisingilin kita ng dagdag limang piso." Banta ni Nova. Tumango-tango si Xavier saka ngumisi, sa isip niya ay mukhang makukuha niya sa kampon ng kasamaan ang babaeng kausap.
Huminga nang malalim si Xavier saka binuksan ang pinto. Muli niyang idinungaw ang ulo sa uwang ng pinto. Agad siyang napangisi nang makita si Segunda na gulat na nakatingin sa kaniya habang hawak ang isang librong binabasa.
Tumayo si Segunda at bago pa siya makapagsalita ay pumasok na si Xavier at isinara nang marahan ang pinto. Walang ibang tao sa loob ng silid dahil nasa baba rin sina Don Marcelo at Doña Jimena.
"Nagbabantay sa labas ang kapatid mong babae. Binigyan niya lang ako ng sampung minuto upang makausap ka." Mabilis na wika ni Xavier saka kumuha ng silya at inilagay iyon sa tabi ni Segunda. May isang lampara na nakapatong sa mesa at siyang tanglaw ni Segunda sa pagbabasa.
Naunang umupo si Xavier saka inilatag sa mesa ang dala niyang dalawang papel. Napatingin si Xavier kay Segunda na nanatiling nakatayo at gulat pa ring nakatingin sa kaniya. "Baka nais mong umupo?" tanong ni Xavier sabay turo sa upuan ni Segunda.
Inayos ni Segunda ang sarili bago siya naupo. Inusog niya pa ang kaniyang silya nang kaunti papalayo kay Xavier dahilan upang mapataas ang kilay nito. "Ganito lang ako ngunit hindi ako nananamantala ng babae ha." Depensa ni Xavier. Ang lahat ng binibining naugnay sa kaniya ay may permiso at karamihan ay ito pa ang mga lumalapit at nagtatapat ng pag-ibig.
"K-kung gayon, bakit mo ako hinawakan at hinila noon sa palikuran ng kumbento?" paalala ni Segunda.
Napatingin sa malayo si Xavier sabay kamot sa kaniyang ilong. "Iyon ba? Ginawa ko lang iyon dahil tiyak na tatakbuhan mo ako. Hindi ba ginagawa rin iyon ng mga guardia sa tuwing may tinutugis na kriminal." Paliwanag ni Xavier, napakunot ang noo ni Segunda nang mapagtanto niya ang analohiya na binanggit ng binata.
Magsasalita na sana si Segunda ngunit nauna si Xavier, "Hindi ko sinasabing isa kang kriminal. Kumbaga, naging mapangahas lang ako noong araw na iyon dahil kailangan talaga kitang mahuli---ah este makausap." Patuloy ni Xavier saka sinubukang ngumiti upang makumbinse si Segunda na wala naman siyang sinasabing masama.
"O'siya. Bakit ka ba naparito? Hindi ba't kabilin-bilinan ni Padre Mendoza na hindi dapat tayo lumabas sa ating mga silid?" paalala muli ni Segunda. Sumandal si Xavier sa silya, "Bilin niya lang iyon ngunit hindi naman ibig sabihin ay dapat nang sundin. Wala naman tayong ginagawang masama, hindi ba? Nag-uusap nga lang tayo e. Lumalayo ka pa nga." Saad ni Xavier sabay turo kay Segunda dahil halos limang hakbang na ang layo ng upuan nila sa isa't isa.
"Bueno, naparito ako para tanungin sa 'yo kung matutuloy naman ang ating plano, hindi ba?" tanong ni Xavier, napansin ni Segunda na nagkukulay ginto ang mga mata ng binata sa apoy ng lampara.
Tumango si Segunda bilang tugon. Napatingin si Xavier sa librong binabasa ni Segunda, ito pala ay isang Bibliya. Kailanman ay hindi siya naging interesado magbasa o makinig ng salita ng Diyos. Dumating na rin sa punto na hindi na siya naniniwala sa Diyos. Ang punto niya, kung tunay na may mahabaging Diyos, bakit hinayaan ng Diyos maghirap ang mga anak sa mga mapang-abusong magulang.
Bukod doon, natunghayan niya rin ang mga magulang na parehong laman ng simbahan ngunit ang totoo ay mas masahol pa ang kanilang pag-uugali. Hindi rin naisasabuhay ng mga ito ang mga salita ng Diyos.
"Mabuti. Heto ang ating kasunduan. Laman nito ang lahat ng kondisyon sa ating kunwaring kasal." Saad ni Xavier saka inilapit kay Segunda ang papel. Sandaling binasa ni Segunda ang laman ng kasulatan.
Ang kasunduang ito ay sa pagitan nina Maria Segunda De Avila y Gonzalez na kilala sa pangalang Segunda at Manuelito Xavier Sanchez y Bellucci sa pangalang Xavier. Nakatala ang lahat ng napagkasunduang kondisyon at pabor sa pagitan ng dalawa:
Bilang 1: Babayaran ni Segunda nang buo ang limang daang piso na kaniyang utang kay Xavier.
Bilang 2: Hindi maaaring ipaparehistro ang certifico ng kanilang kasal.
Bilang 3 Paghahatian nilang dalawa ang lahat ng regalo at salaping handog sa kasal.
Bilang 4: Tutulungan ni Segunda si Xavier mabuo ang apat na raang piso upang matubos ang nakasanglang kuwintas na relos sakaling magkulang ang paghahatian nilang salapi at regalo mula sa kasal.
Bilang 5: Ang lahat ng gastos sa kasal ay sasagutin ng pamilya Sanchez alinsunod sa tradisyon ng pagpapakasal.
Bilang 6: Si Segunda ay maninirahan sa Batangas pagkatapos ng kasal.
Bilang 7: sI Xavier ay mananatili sa Maynila hanggang sa buwan ng Marso kapag nakatapos na siya sa pag-aaral at nakuha na niya ang kaniyang certifico.
Bilang 8: Hindi magkakaroon ng anumang ugnayan o karapatan manghimasok sa buhay ang isa't isa. Walang makikialam kung anong nais gawin ng bawat isa sa kani-kanilang na buhay. Bawal ang magtanong tungkol sa personal na buhay. Bawal ang maghigpit ng oras. Hindi maaaring maghigpit kung sino ang nais kaibiganin. Wala ring karapatan manghimasok sa buhay pag-ibig ng isa't isa.
Tumikhim si Xavier saka inilapit ang kaniyang silya saya turo sa pang-apat na kondisyon, "Ukol dito, sakaling magkulang ang ating paghahatian. Kakailanganin ko ang iyong tulong dahil kailangan kong matubos ang pamanang alahas sa akin ng aking lolo. Malapit na siyang dumating. Marahil ay maabutan pa niya ang ating kasal." Paliwanag ni Xavier.
Napaisip sandali si Segunda, ngunit nabasa niya ang ikalimang kondisyon, "Papayag ba ang iyong mga magulang na kayo ang magbabayad ng lahat ng gastusin sa kasal?" tanong ni Segunda. Tumango ng ilang ulit si Xavier.
"Oo. Wala silang magagawa. Sasabihin ko lang sa kanila na Anong iisipin ng ibang tao sa oras na malaman nila na pinag-ambag niyo ang pamilya ng babae sa kasal?" saad ni Xavier sabay tawa. "Mga takot 'yon sila sa sasabihin ng ibang tao kaya hayaan na natin. Bukod doon, kapag nakadalo ang aking lolo, tiyak na siya ang aako ng lahat ng gastos. Galante ang isang 'yon." Habol ni Xavier na nagawa pang ipagmalaki ang kaniyang lolo Manuel.
Sumang-ayon na rin si Segunda sa ikaapat na kondisyon. Malaking responsibilidad ang pag-ako ng gastusin sa kasal, gaano lang naman na matulungan niya si Xavier na matubos ang pamanang alahas nito.
Tinuro ni Segunda ang ika-pitong kondisyon, "Kung mananatili ka sa Maynila hanggang sa Marso, maninirahan ka pa rin sa iyong magulang?" tanong ni Segunda. Umiling si Xavier habang nakangisi. Ang ideyang makakaalis na siya sa puder ng magulang ay naghahatid sa kaniya ng pagkasabik.
"May bahay si lolo sa Sta. Mesa, hihingiin ko iyon sa kaniya bilang regalo sa kasal." Ngisi ni Xavier. Kampante siyang ibibigay iyon sa kaniya dahil siya ang pinakapaboritong apo. Bukod doon, halos sampung taon na rin ang nakararaan mula nang huli silang magkita. Isang dekada na rin ang lumipas mula nang huling may kinasal sa kanilang angkan.
Tinuro naman ni Xavier ang ika-walong kondisyon, "Ukol naman dito, malaya ka ring umibig sa iba ha. Malay mo makilala mo na ang para sa 'yo sa Batangas." Hirit ni Xavier na animo'y kupido.
"Kung sang-ayon ka sa lahat ng kondisyon at wala nang tanong, pirmahan na natin itong kasunduan." Wika ni Xavier saka naghanap ng pluma at tinta. Hindi naman siya nabigo dahil may nakita siya sa tabi ng mga libro.
"May nais ka bang idagdag?" tanong ni Xavier habang hinahalo ang tinta. Nang tumingin siya kay Segunda ay ramdam niya na tila may gusto itong sabihin ngunit hindi niya lang magawang sambitin.
"Sabihin mo na. Huwag mo akong sisihin kapag napirmahan na natin ito. Tinanong kita ha." Hikayat ni Xavier. Tumikhim si Segunda saka nilaro ang kaniyang daliri ng ilang segundo bago nagsalita.
"Maaari ba tayong dumalo sa sa mga pagdiriwang gaganapin ng aming pamilya? Tulad ng pasko, bagong taon, kung may piyesta at kaarawan ng aking mga magulang at kapatid." Saad ni Segunda na animo'y nahihiya dahil pakiramdam niya ay napakalaking pabor nito.
Napaisip si Xavier habang nakakunot ang noo, "Aking nababatid na malaking pabor ito ngunit hindi ko ibig na malungkot sila o mag-alala kapag nalaman nilang ako lang ang mag-isang makadadalo. Mahalaga sa aming pamilya ang presensiya ng bawat isa sa mga okasyon. Tiyak na magdududa sila kung narito ka lang sa Maynila ngunit hindi ka namin makakasama." Paliwanag ni Segunda. Hindi niya mabasa ang reaksyon ni Xavier kung papayag bai to o hindi.
"Kung dadalo ako sa mga pagdiriwang niyo... ibig sabihin, makikita ko roon si Jacinto." Wika ni Xavier sabay taas ng kilay.
"Nakausap ko na si Jacinto. Wala na rin siyang magagawa dahil mas nakatatanda ako sa kaniya. Bukod doon, hindi mo minsan sumagi sa iyong isipan na kilalan din siya? Paano kung maging magkaibigan din kayo?" Tila kinilabutan si Xavier sa sinabi ni Segunda.
"Iyan ang bagay na kailanman ay hindi mangyayari. Natungahayan mo kung paano niya ako nais gulpihin noong isang araw. Pasalamat siya at mahaba ang aking pasensiya." Wika ni Xavier sabay sandal sa silya at napaisip sa huling sinabi ni Segunda. "Mas matanda ka kay Jacinto?"
Tumango si Segunda, "Ako ang pangalawa sa panganay." Tugon niya. Hindi kabisado ni Xavier kung ilan at sinu-sino ang magkakapatid na De Avila. Ang alam lang niya ay mas matanda rin siya kay Jacinto dahil nasa ikalawang taon pa lang ito ng kolehiyo.
"Kung gayon, magka-edad pala tayo. Akala ko ay mas matanda pa sa 'yo si Jacinto." Saad ni Xavier, naalala niya kung paano ipagtanggol ni Jacinto si Segunda noong tinipon sila ni Padre Mendoza. Bukod doon, sa tindig at hitsura ni Segunda ay sa unang tingin aakalaing labing-walong taong lang ito.
"Ako'y dalawampu't dalawang taong gulang na. Mas matanda ako sa 'yo." Wika ni Segunda.
Nagtaka ang histura ni Xavier, taliwas sa inaasahan ni Segunda na pagkagulat o dismayadong reaksyon ng mag-asawang Sanchez. Sa halip, napasingkit ang mga mata ni Xavier saka tiningnan si Segunda mula ulo hanggang paa.
"Hindi ka mukhang mas matanda sa akin. Hindi mo rin binabatukan o pinipitik ang bibig ni Jacinto kung kaya't hindi ko akalain na mas matanda ka pala sa akin." Saad ni Xavier. Pakiramdam niya ay niloloko lang siya ni Segunda. Ngunit hindi niya matukoy kung marunong ito magsinunggaling o magbiro.
"Totoo ang aking sinabi. Ang aming panganay ay Si Remedios, ako ang sumunod, sunod sa akin si Feliciano, Jacinto, Socorro, Agustino, Leonora, Amor, at Concordio." Paliwanag ni Segunda, nagawa siyang sabayan ni Xavier sa pagbilang gamit ang mga daliri.
"Kay rami niyo," ang tanging nasabi ni Xavier. Hindi na rin siya magtataka gayong kaya namang buhayin ni Don Epifanio ang lahat ng anak nito. Hindi alam ni Segunda kung matatawa siya sa sinabi ni Xavier dahil bakas sa hitsura nito na hindi tam ana magkaroon ng ganoon karaming anak.
Muling naghari ang katahimikan hanggang sa maalala nilang dalawa ang tungkol sa pagbanggit ni Segunda na dumalo sila sa okasyon ng pamilya De Avila. Wala nang balak si Segunda na buksan muli ang paksa. Nauunawaan niya na hindi magandang ideya iyon lalo na kina Xaiver at Jacinto. Hindi niya rin ugali ang pilitin ang isang tao lalo na kung ayaw nito. Para sa kaniya, mahalagang respetuhin ang desisyon ng bawat isa.
Tiningnan ni Xavier si Segunda at pinakarimadaman. Kinuha na ni Segunda ang pluma at isinawsaw sa tinta. Hindi maunawaan ni Xavier kung bakit hindi siya nito pinilit sa nag-iisang pabor na hiningi niya sa kanilang kasunduan.
Akmang pipirma na sana si Segunda ngunit kinuha ni Xavier sa kamay nito ang pluma at isinulat sa kasulatan ang ika-siyam na kondisyon.
Bilang 9: Kailangan dumalo ni Xavier sa pagdiriwang ng pasko, bagong taon, piyesta at kaarawan ng sinumang miyembro ng pamilya De Avila hangga't nananatili pa siya sa Maynila.
Napangiti si Segunda ngunit agad niyang binawi nang tumingin sa kaniya si Xavier. "Paano pala kung may okasyon din sa pamilya namin? Nais mo bang dumalo?" tanong ni Xavier. Sandaling natigilan si Segunda. Hindi siya mahilig dumalo sa mga pagdiriwang lalo na kung karamihan sa mga iyon ay hindi niya kilala.
Ngunit natagpuan niya ang sarili na tumango si Segunda bilang tugon, "Sigurado ka? Hindi mo naman kailangan pumunta." Wika ni Xavier lalo na't higit niyang nakikilala ang ugali ng kaniyang mga kamag-anak.
"Oo. Dadalo ako. Hangga't narito ka pa sa Maynila. Sasamahan din kita sa mga pagdiriwang." Saad ni Segunda dahilan upang sandaling hindi makapagsalita si Xavier. Hindi niya malaman kung bakit tila tumatak sa kaniya ang sinabi ni Segunda na Sasamahan kita.
Lingid sa kanilang kaalaman, dahan-dahang sumilip si Nova sa uwang ng pinto. Napangiti siya at muntik nang magpapadiyak nang matunghayan ang palitan ng tingin nina Segunda at Xavier. Marahan na niyang isinara ang pinto saka nagbantay sa labas.
"O'siya, pirmahan na natin." Pagbagsag ni Xavier sa katahimikan. Naunang pumirma si Segunda, sumunod si Xavier saka inabot ang isang kopya kay Segunda.
"Aking hindi akalain na may tinataglay ka rin palang kapilyahan. Magandang simula 'yan. Hindi mo dapat pinipigilan ang iyong sarili sa mga nais mong gawin. Kung nais mong manirahan habambuhay sa Batangas, malaya kang gawin iyon." Wika ni Xavier habang nililigpit ang tinta at pluma.
"Kung minsan, sa labis na kagustuhan ng isang tao sundin ang nais ng kanilang magulang. Nawawalan na sila ng karapatan magdesisyon para sa sarili. Magugulat ka na lang, matanda ka na at huli na ang lahat para gawin ang mga ginawa mo na sana noong mas bata ka pa." patuloy ni Xavier, nanatiling nakatingin sa kaniya si Segunda. Hindi niya akalaing may masasabi ring makabuluhan ang binata na walang bukambibig kundi puro mura o pagkayamot.
Nagulat silang pareho nang marinig ang boses ni Nova sa labas. "Kakain na tayo, Jacinto?" saad ni Nova na tila ba sinadya nitong lakasan ang boses. Napatayo sa gulat si Xavier, si Segunda ay hindi nakagalaw sa silya.
"Puta! Hindi niya ako puwedeng maabutan dito," buwelta ni Xavier na agad naghanap ng matataguan ngunit hindi siya kasya sa mga sulok. Inilibot ni Segunda ang kaniyang mga mata hanggang sa masumpungan niya ang malaking kurtina.
"Magtago ka sa likod ng bintana." Bulong ni Segunda, dali-daling nagtago si Xavier sa likod ngunit kita ang sapatos niya. Agad kinuha ni Segunda ang silya at iniharang iyon upang hindi makita ang sapatos sa ibaba.
Samantala, nanatiling nakatayo si Nova sa tapat ng pinto. Napataas ang kilay ni Jacinto habang hawak ang pagkain. "Anong ulam natin, Jacinto?" ulit ni Nova gamit ang mas malakas na boses.
Napatingin si Jacinto sad ala niyang tatlong mangkok ng lugaw. "Nakalimutan mo na ang tawag dito, Novelita?" pagsusungit ni Jacinto. Tumikhim lang si Nova, tatlong araw na silang kumakain ng lugaw. Kulang na lang ay maging sahog na sila ng lugaw.
"A-akala ko ay arroz caldo na." palusot ni Nova. Sinubukang pumasok ni Jacinto ngunit pa-simple siyang humarang. Animo'y naglalaro sila ng patintero.
"Ako'y nangangalay na. Baka gusto mo akong tulungan? Baka gusto mo ring tumabi sa aking daraanan?" wika ni Jacinto na hindi pa nagsusuklay. Hindi magawang tumingin sa kaniya ni Nova na tila ba may tinatago ito sa loob ng silid.
"Tila hindi kasya sa atin ang lahat ng 'yan. Maaari ka bang kumuha ng isa pa, Jacinto?" hirit ni Nova. Nagtaka si Jacinto dahil mas malakas ang boses ni Nova nang banggitin nito ang pangalan niya.
"Bakit kanina mo pa inuulit-ulit ang aking pangalan, ha?" iritang saad ni Jacinto. Bukod kay Xavier at sa mga kaibigan nito. Sina Socorro at Nova ang may kapangyarihang umubos ng kaniyang pasensiya. "At bakit Jacinto lang ang tawag mo sa 'kin?" habol ni Jacinto na kulang na lang ay magpangaral tungkol sa paggalang at pagtawag ng nararapat sa mga nakatatanda.
Napatingin si Nova sa kaliwa't kanan. Kailanman ay hindi niya tinawag si Jacinto sa pangalan nito at hindi rin siya nagbigay-galang lalo na dahil inaaway nito lagi si Socorro. Awtomatikong kakampi siya ni Socorro at siyang lumalaban kay Jacinto paminsan-minsan.
Hindi naman din niya intensyon banggitin ang pangalan ni Jacinto ngayon. Nagkataon lang na kailangan niyang iparinig kay Xavier na narito na ang kapatid ni Segunda. "Ah, tinatawag mo kasi akong Novelita kaya..." hindi siya makaisip ng dahilan. Kung hindi lang siya nasilaw sa limang piso ay hindi siguro siya mamomoblema ngayon.
"Ano namang masama roon? Novelita naman ang pangalan mo at mas matanda ako sa 'yo." Depensa ni Jacinto. Hindi makatingin si Nova na nais na lang magpalubog sa lupa dahil talo na siya sa kanilang diskusyon.
"K-kahit na! Ayoko ng Novelita. Nova ang tawag sa akin ng lahat!" palaban na wika ni Nova. Naisip niyang mapapamewang ngunit hindi niya natuloy dahil natawa si Jacinto. Isang tawang sarkastiko.
"Wala akong pakialam kung anong tawag sa 'yo ng lahat. Tatawagin kitang Novelita sa ayaw at gusto mo." Wika ni Jacinto na nagtangkang pumasok sa pinto ngunit muling humarang si Nova.
Ipinikit ni Nova ang kaniyang mga mata sabay lunok. "Wala na pala tayong tubig, kuha ka pa ng isa... Kuya Jacinto," wika ni Nova na tila nanghina ang tuhod at nais masuka sa huli niyang sinabi.
Napangisi si Jacinto, ito ang unang beses na nagbigay-galang sa kaniya ang makulit at maingay na kaibigan ni Socorro. "Malaki ka na. Ano pang silbi ng kamay at paa mo kung hindi mo gagamitin. Ikaw naman ang pumila roon sa baba," saad ni Jacinto. Iniharang muli ni Nova ang sarili. Iniisip na niya kung magkano ang sisingilin niya sa manliligaw ni Segunda dahil nagawa na niyang itaya ngayon ang kaniyang kahihiyan.
"Pakiusap... Ikaw na lang ang kumuha ng tubig, Kuya Jacinto." Napapikit si Nova lalo na nang gamitin niya ang boses ng mga nakababatang kapatid para lumambot ang puso ng mga nakatatanda at bigyan sila ng tsokolate o pera.
Natawa si Jacinto. Isang malakas na tawa dahilan upang mapapikit si Nova sa hiya dahil pinagtatawanan siya ngayon ni Jacinto. "Isa pa nga!" kanytaw ni Jacinto. Hindi niya akalaing matutunghayan ang pag-akto ni Nova na parang bata.
"Isa pa. Baka ako'y pumayag na." hirit ni Jacinto na hindi mapigilan ang pagtawa. Muntik pa niyang mabitiwan ang mga dalang pagkain.
Napahinga nang malalim si Nova na bagsak na ang balikat, "Pakiusap, Kuya Jacinto." Wika nito ngunit umiling-iling si Jacinto. "Hindi ganiyan. Iyong ginawa mo kanina kasabay ng pagkurap-kurap ng iyong mata!" wika ni Jacinto sabay halakhak nang malakas.
Napapikit na lang si Nova. Desidido na siyang singilin si Xavier ng dagdag limang piso. "P-pakiusap, Kuya Jacinto." Ulit ni Nova tulad nang ginawa niya noong una dahilan upang mapalakas muli ang tawa ni Jacinto na napaupo na rin sa sahig.
Ilang minutong tumawa si Jacinto habang nakaupo sa sahig. Nagawa niya pang ituro si Nova na nanatiling nakatayo sa tapat ng pinto. Nang mahimasmasan si Jacinto ay napahawak ito sa tiyan at inabot kay Nova ang tatlong mangkok. "O'siya, dalhin mo na 'to sa loob. Hintayin niyo ako, Novelita." Saad ni Jacinto na nagawa pang gayahin ang tonong malambing ni Nova at ang pagkurap ng mata upang mapapayag siya.
Muling natawa si Jacinto. Dumungaw pa ang isang doña sa pinto saka sinuway si Jacinto dahil umaalingawngaw sa pasilyo ang halakhak nito. "Paumanhin po," saad ni Jacinto saka tumakbo sa hagdan at muling lumingon kay Nova upang gayahin ang pagkurap ng mata nito bago tumawa muli pababa ng hagdan na parang walang kinabukasan.
Nang makababa na si Jacinto ay agad binuksan ni Nova ang pinto. "Limang piso para sa aking dignidad." Wika ng dalaga na napasingkit pa ang mga mata. Inilabas ni Xavier ang kaniyang ulo sa pagitan ng kurtina. Nakunwari na lang si Segunda na abala sa pagbabasa dahil wala siyang pambayad.
"Tuso talaga 'yan si Jacinto, ano?" pag-iiba ni Xavier sa usapan. Ngunit hindi nagpatinag si Nova. Determinado siyang makuha ang nararapat na bayad sa kaniyang kahihiyan.
"Tiyak na aasarin niya ako sa tuwing magkikita kami. Sapat na ang limang piso upang tiiisin ko ang lahat." Wika ni Nova, nagkatiningnan sina Xavier at Segunda. Gusto sanang ilagay ni Xavier sa kasulatan ang bilang 10: Bayaran si Nova ng limang piso sa katapatan nito kina Segunda at Xavier.
Dumukot muli si Xavier sa kaniyang bulsa saka inabot kay Nova ang limang piso. Hindi niya pa sana nais ibigay ngunit seryoso na ang mukha ni Nova na maaaring ilaglag siya bilang isang mapangahas na ginoo na hindi tumupad sa utos ni Padre Mendoza.
"Magsabi ka lang kung nais mong gantihan si Xavier. Sasalubungin ka namin sa aming kampon," ngisi ni Xavier na animo'y naghihikayat ng mga kaanib. Hindi naman siya pinansin ni Nova na pumasok na sa loob ng silid at inilapag sa mesa ang mga lugaw. Nakangiti ito sa sampung piso na kaniyang kinita.
Lumingon siya kay Segunda, ngayon nababatid na niya na iisa ang ugali ng mga De Avila. "Siya nga pala, pagtila ng bagyo, saan ka mamamalagi?" tanong ni Xavier.
"Maaaring sa tahanan ni Tiyo Marcelo," tugon ni Segunda. Tumango-tango si Xavier saka isinuksok sa loob ng gabardine ang kopya niya ng pirmadong kasulatan.
"O'siya, doon na lang kita pupuntahan." Wika ni Xavier. Napansin niya ang mga mangkok ng lugaw saka kinuha ang isa. "Kay Jacinto ba 'to?" tanong ni Xavier saka nilagok ang lugaw na umabot hanggang kalahati.
Nanlaki ang mga mata nina Segunda at Nova. Inilapag ni Xavier ang lugaw sa mesa na hindi na rin mainit. "Kinuha ko lang ang parte ko dahil nawalan ako ng limang piso dahil sa Jacinto na 'yan." inis na saad ni Xavier saka pinunasan ang kaniyang labi gamit ang daliri. Muli siyang sumulyap kay Segunda bago lumabas ng silid na tila ba siya ang may-ari ng buong paaralan.
KATAPUSAN ng Septyembre, sandaling sumilip si Segunda sa bintana ng karwaheng kaniyang sinasakyan. Nakatigil ito sa tapat ng simbahan ng Immaculada Concepcion at napapalamutian ng mga puting rosas na siyang paborito niya sa lahat.
Maging ang simbahan ay nababalot ng mga rosas at kandila. Dumarami na rin ang mga panauhing dumarating suot ang kani-kanilang magagarbong pananamit. Ang kasal sa pagitan ng pamilya Sanchez at De Avila ay siyang inaabangan ng lahat mula nang ma-anunsyo ito sa kaparehong buwan.
Nakita ni Segunda ang bunsong kapatid na si Concordio kalaro ang iba pang mga batang panauhin din sa kaniyang kasal. Nagtatakbuhan ang mga ito sa labas ng simbahan habang ang binabantayan ng mga tapagag-alaga.
Natanaw din ni Segunda ang ama't ina sa bukana ng malaking pintuan ng simbahan upang salubungin ang mga bisita. Isa-isa nilang nginingitian at kinakamayan ang mga kakilala. Nakatayo rin sa tabi nila sina Don Manuel at Doña Antonia na magiliw ding kinakausap ang mga panauhin.
Animo'y nakaramdam siya ng lungkot nang maalala na ang lahat ng ito ay kunwari lamang. At kahit hindi totoo ang kaniyang pagpapakasal, kahit papaano ay natunghayan niya kung paano nabawasan ang pag-aalala ng kaniyang mga magulang. Hindi man siya tapatin ng mga ito, nababatid niya na labis na nagdulot ng pag-aalala ang kaniyang ama't ina sa posibilidad na siya'y tumandang dalaga.
Marahang isinara ni Segunda ang bintana saka napatitig sa kumpol ng bulaklak na hawak niya. Puting rosas na naging paborito rin niya nang matunghayan kung paano magligawan sina Remedios at Aurelio. Palaging dinadalhan ni Aurelio ng rosas si Remedios sa tuwing lihim silang nagkikita.
Minsan na rin siyang binigyan ni Romeo ng rosas na pinitas nito sa hardin ng pamilya Villafuerte. Puting rosas din ang kalakip ng liham na ibinigay ni Romeo bago ito magtungo sa Europa. Nakaipit ang rosas na iyon sa kaniyang Bibliya na dala niya saan man siya magpunta.
Ngunit ngayong araw, pinili niyang huwag dalhin iyon sa takot na ito'y mawala o maiwan kung saan. Iyon na lamang ang tanging pinanghahawakan niya matapos malaman na ang lalaking matagal niyang hinintay ay kinasal na sa iba.
Hinawakan ni Segunda ang bulaklak. Ikakasal na rin siya ngayon, ang kaibahan nga lang, ang kasal na mangyayari sa kaniya ay isang malaking kasinunggalingan. Habang ang buhay pag-aasawa ni Romeo ay totoo at puno ng pagmamahalan.
Natauhan si Segunda mula sa malalim na pag-iisip nang bumukas ang karwahe na kaniyang sinasakyan. Sandali siyang napatigil at nabitiwan ang hawak na kumpol ng mga rosas na nahulog sa sahig. Hindi malaman ni Segunda kung siya'y nananaginip lamang o totoong narito ngayon si Romeo sa kaniyang harapan. Tila tumakbo ito nang napakalayo habang pilit na hinahabol ang hininga at nakatitig nang deretso sa kaniyang mga mata.
**************************
#SegundaWP
https://youtu.be/z35K5uBqfUE
"Sandali Lang" by Over October
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top