Kabanata 7: Anghel at Demonyo
[Kabanata 7]
MARAHANG ipinikit ni Segunda ang kaniyang mga mata matapos magtirik ng kandila para sa kaarawan ni Romeo. Dalawang Linggo matapos niyang malaman na ito'y kinasal na sa iba, hindi niya mawari kung bakit hindi niya kayang magalit nang tuluyan.
Naniniwala si Segunda na may sapat na dahilan kung bakit nakakapagdesisyon ang isang tao bagaman may kailangan itong isakripisyo. Naniniwala siya na si Romeo ang tipo na hindi nagdedesisyon nang padalos-dalos, bagkus, pinag-iisipan nitong mabuti ang lahat at tinitimbang ang mga impormasyon bago magpasiya.
Isa iyon sa mga hinangaan niya kay Romeo, pinag-iisipan nitong mabuti ang lahat ng gagawin. Dahilan upang mamayagpag ang ngalan nito sa abogasya noong nag-aral na sa Maynila. Nanatiling nakapikit si Segunda, inalala ang araw kung kailan unang tumibok ang puso niya para kay Romeo.
Septyembre 2, 1868, Sariaya
Kumakaripas ng takbo si Segunda bitbit ang dalawang bayong. Hindi siya nagpahatid sa kutsero o nagpasama kay Manang Tonya dahil tulog ang karamihan sa oras ng siyesta. Katatapos niya lang magluto sa kusina, sa edad na labing-tatlong gulang ay binigyan na siya ng permiso ng ina na magluto.
Hinintay lang niya magpahinga ang lahat bago siya nagluto sa kusina ng pansit bihon. Nagluto rin siya ng panghimagas, tinapay na nilagyan ng malapot na tsokolate para sa kaarawan ng kaibigan. Bukod doon, nabalitaan din niya na natanggap si Romeo sa Unibersidad de Santo Tomas sa kursong abogasya. Siya'y pag-aaralin ni Don Fernando Villafuerte matapos niyang makamit ang pinakamataas na marka sa klase.
Napahinto sa pagtakbo si Segunda nang matanaw sina Romeo at Mang Carlo na nagpapahinga sa ilalim ng puno ng mangga sa oras ng siyesta. Nakahiga sa duyan si Mang Carlo habang nasa tabi naman ng puno si Romeo.
Napangiti si Segunda, natutuwa siya sa pamilya Castillo dahil masisipag ang mga ito. Higit sa lahat, natunghayan niya kung paano ito nagsimula sa wala hanggang sa unti-unting makabawi. Naging labandera ng kanilang pamilya ang asawa ni Mang Carlo, nakakakain na rin nang husto ang mga anak nito.
Bukod doon, natagpuan ni Segunda ang sarili na natutuwa sa kasipagan at pagiging magalang ni Romeo. Nang gumawa siya ng paraan upang makapasok ang pamilya Castillo sa hacienda De Avila, hindi natapos ang pagbalik ni Romeo ng utang na loob sa kanila.
Umulan, umaraw, humagupa man ang bagyo, laging pumapasok si Romeo at siyang nagiging kutsero nina Don Epifanio at ng kaniyang mga kapatid sa tuwing kinakailangan nitong umalis. Madalas din itong tumulong sa mga agwador upang masiguro na hindi mauubusan ng tubig sa mansyon ng pamilya De Avila.
Isang umaga, palabas si Segunda upang samahan sina Remedios at Aurelio sa pagkikita nito sa simbahan nang makita niya si Romeo sa labas ng mansyon. Pinagpag nito ang mga bakya at sapatos na nakahelera sa labas. Palagi rin itong nagboboluntaryo na ihatid sila sa simbahan kahit pa abutin sila ng gabi.
Sariwa pa kay Segunda ang gabi kung saan nagsimula ang kanilang pagkakaibigan. Ilang buwan pa lamang ang pamilya Castillo sa paninilbihan sa hacienda De Avila nang maging kutsero nila si Romeo patungo sa isang pagdiriwang.
Sa kalagitnaan ng pagdiriwang, lumabas sina Segunda, Amor, at Doña Marcela, "Hijo, pakihatid na sina Segunda at Amor---" hindi na natapos doña ang sasabihin dahil lumingon siya sa dalawang batang nakakapit sa kaniyang saya.
"Mamaya na ang panghimagas, Socorro. At ikaw naman Jacinto, ang bilin ng iyong ama ay aawitan niyo pa ang inyong lola," seryosong saad nito na halos sumakit na ang ulo sa kulit ng mga bata.
Napabusangot ng mukha sina Socorro at Jacinto. Muling tumingin si Doña Marcela kay Romeo, "Humayo na kayo. Ikaw na ang bahala Segunda kay Amor, pakisabi kay Manang Tonya na maghanda ng gamot," bilin ni Doña Marcela saka inalalayan ang dalawang anak pasakay sa kalesa. Hinalikan ni Doña Marcela ang noo ni Amor na agad humiga sa hita ni Segunda.
Hinalikan din ni Doña Marcela ang noo ni Segunda bago ito bumaba ng kalesa at pinagalitan sina Socorro at Jacinto na nag-aaway na at nagsasagutan. Kinurot niya ang dalawa saka sapilitang hinila pabalik sa tahanan ng kanilang lola.
Payapa ang naging byahe. Mahimbing ang tulog ni Amor na paminsan-minsan ay napapakunot ang noo dahil sa sakit ng ulo. Labing-isang taong gulang pa lamang si Segunda ngunit malaki na ang tiwala ng kaniyang ina sa kaniya lalo na sa pag-aalaga nito sa mga nakababatang kapatid.
"Makatutulong ho ang salabat upang mawala ang pananakit ng ulo ng inyong kapatid, Señorita." Saad ni Romeo saka lumingon kay Segunda. Ngayon na lang sila muling nakapag-usap matapos siyang magpakilala sa pamilya Castillo at tulungan itong magkaroon ng trabaho at tirahan.
"S-salamat," tipid na tugon ni Segunda saka napakagat sa labi bago muling nagpatuloy, "Huwag mo na po akong tawaging Señorita. Hindi po kami sinanay ng aming mga magulang sa ganoong katawagan." Patuloy niya. Sinubukang himasin ni Segunda ang buhok ni Amor upang mas maging natural ang kaniyang pakikipag-usap.
Hindi siya sanay makapagkaibigan o makipag-usap sa estranghero. Wala siyang ibang kaibigan kundi si Nova na matalik na kaibigan ni Socorro. Gayon na lamang ang kaniyang pagtataka kung bakit siya sinubukang kausapin ni Romeo.
Tumango nang marahan si Romeo. Mabagal lang ang pagpapatakbo sa kabayo upang hindi maalimpungatan si Amor. "Siya nga ho pala, bagaman huli na, nais kong magpasalamat sa inyo hong kabutihan. Kung hindi dahil sa inyo, hindi namin batid kung ano ang kinahantungan ng aming pagluwas," saad ni Romeo saka hinubad ang suot na sombrerong buri at itinapat iyon sa kaniyang dibdib.
"Ako ngalan ko nga ho pala ay Romeo Castillo," patuloy nito. Tumango na lamang si Segunda, "Uhm... Ako si Maria Segunda De Avila," pakilala niya pabalik saka napahawak sa lalamunan na nanunuyot na dahil sa hamog.
Ngumiti si Romeo, "Akin pong naaalala ang iyong ngalan," isang ngiti na naghatid ng magkahalong pagtataka at kaba kay Segunda, hindi niya maunawaan kung bakit ito ngumingiti at kinakausap siya na para bang nais nitong tibagin ang malaking pader na humaharang sa kanilang dalawa.
Hindi nila namalayan ang mabagal na byahe dahil sa mga paksang binuksan ni Romeo. Nagsimula itong magkuwento tungkol sa kaniyang pamilya, kung gaano kaganda ang hacienda De Avila, at kung ano ang mga pangarap niya para sa kaniyang pamilya.
"Kung gayon, napawalang-sala ang haciendero na umangkin ng inyong lupa? Hindi rin niya binayaran ang lahat ng pinsala?" tanong ni Segunda nang malaman ang dahilan ng pagluwas ng pamilya Castillo mula Leyte. Sinadyang sunugin ng isang gahaman na haciendero ang lupang sakahan ng pamilya Castillo. Nasunog din ang kanilang bahay kung kaya't wala silang naisalbang mga gamit kundi ang kanilang mga sarili.
Tumango si Romeo, sinubukan nitong ngumiti ngunit naroon ang pait sa kaniyang labi, "Walang abogado na nais humawak sa aming reklamo. Ni hindi rin sila naglaan ng oras upang pakinggan ang aming hinaing. Pinagpasa-pasahan lang nila kami at itinuro sa iba't ibang abogado na sa huli ay wala ring ginawa dahil nababatid nilang wala rin kaming maibabayad," tugon ni Romeo saka napahinga nang malalim.
Animo'y kumirot ang puso ni Segunda. Hindi niya mawari kung paano kinaya ni Romeo at ng pamilya nito ang lahat ng pang-aapi at pananamantala ng mga mayayamang gahaman sa salapi at ari-arian. "Ipinangako ko sa aking sarili na kung ako'y pagbibigyan ng Diyos na makapag-aral, nais kong maging abogado balang araw, nang sa gayon, walang pamilya na pipiliing lisanin ang kanilang tahanan dahil sa walang nais makinig at magtanggol sa kanila." Wika ni Romeo saka lumingon kay Segunda na taimtim na nakikinig sa kaniya.
Ngumiti nang marahan si Segunda, hindi siya nagkamali na tulungan ang pamilya Castillo. "Ipagdarasal ko rin na matupad mo ang iyong pangarap," bulalas ni Segunda na sandaling nawala sa sarili. Nang matauhan siya ay agad siyang umiwas ng tingin, siya'y dalagita na at si Romeo ay binata. Hindi sila maaaring magpalitan nang tingin at mag-usap nang ganito kalalim.
Tumikhim si Segunda, "Siya nga pala, mayroong libreng lektura sa simbahan ng bayan tuwing Lunes, Miyerkules, at Biyernes. Baka sakaling nais mong magparehistro, ang programang iyon ay pinangunahan ng gobernadorcillo," saad ni Segunda. Minsan nang isinama roon ni Feliciano si Jacinto ngunit umiyak lang ito dahil sumakit ang kaniyang likod at puwet sa maghapong pag-upo sa damuhan.
"Maraming salamat sa impormasyon Seño--- Binibining Segunda. Susubukang kong magtungo roon bukas," saad ni Romeo na nagawang ngumiti muli. Tumango na lamang nang marahan si Segunda saka ngumiti pabalik. Ang makatulong sa kapwa ay higit niyang pinahahalagahan sa lahat. Masaya siyang malaman na nagiging mabuti ang buhay ng mga tao sa kaniyang paligid.
Tatlong taon mula nang sila'y makapag-usap nang personal ay naging magkaibigan silang dalawa. Tanging sina Remedios, Aurelio, at Feliciano ang may ideya sa kanilang pagiging malapit. May ilang pagkakataong naghihinala si Manang Tonya at Doña Marcela ngunit kailanman ay hindi nila nakitang magkasama o magkausap sina Segunda at Romeo na para bang may malalim itong pagkakaunawaan.
Nababatid din ng pamilya Castillo ang pagiging malapit ni Romeo kay Segunda. Wala silang ibang bilin kay Romeo kundi ang mag-ingat lalo na't si Segunda ay anak ng kanilang amo. Nanindigan naman si Romeo na wala silang ginagawang masama kundi ang magkuwentuhan lang sa byahe. Si Romeo na ang naging ganap na kutsero ni Don Epifanio matapos itong magboluntaryo kahit araw ng Linggo nang walang karagdagang bayad.
Inayos ni Segunda ang kaniyang saya. Simple lang ang kaniyang pananamit, hindi na siya naglalagay ng alahas at anumang palamuti sa katawan dahil hindi niya nais mailing sa kaniya si Romeo at ang pamilya nito. Nais niyang makakuwentuhan sila nang walang estado ng buhay na pumapagitna sa kanila.
Marahan siyang naglakad papalapit sa natutulog na mag-ama. Inalatag niya ang sapin at isa-isang inilabas ang mga niluto niyang pagkain. Ilang sandali pa, naalimpungatan si Mang Carlo, "Binibining Segunda?" nagtataka nitong tanong. Ngumiti si Segunda saka pabulong na nagsalita, "Pasensiya na po Mang Carlo, hindi ko intensyon na abalahin ang inyong pagpapahinga."
Agad ginising ni Mang Carlo si Romeo kahit pa umiling at sumenyas si Segunda na huwag nang gisingin si Romeo. Inalis ni Romeo ang sombrerong nakapatong sa kaniyang mukha. Bago pa siya tuluyang makapagsalita ay lumapit na si Segunda habang hawak ang pabilog na hugis ng tinapay na may tsokolateng palaman at may nakatirik na dalawang manipis na kandila.
"Maligayang kaarawan at Pagbati sa iyong pagpasok sa Unibersidad de Santo Tomas!" Saad ni Segunda sabay ngiti. Sandaling hindi nakapagsalita si Romeo habang nakatitig kay Segunda, inaamin niya sa sarili na sa kanilang unang pagkikita ay nabihag na agad siya sa angking ganda at kabutihan nito.
Ilang beses niyang sinubukang makausap si Segunda kung kaya't ilang buwan din siyang nagtiyaga na maging kutsero kahit pa sa araw ng kaniyang pahinga masulyapan lang si Segunda sa mansyon ng pamilya De Avila.
"Maaari mo nang hipan ang sindi ng kandila. Huwag mong kalimutang humiling," patuloy ni Segunda saka inilapit ang kandila kay Romeo. Ipinikit ni Romeo ang kaniyang mga mata at taimtim na humiling.
Nanatiling nakatayo naman si Mang Carlo sa likod ng dalawa habang nakangiti. Ito ang unang beses na naipagdiwang ang kaarawan ng kaniyang mga anak. Sa hirap ng buhay ay pasalamat na lang sila kung may pagsasaluhan silang kanin sa kaarawan ng kanilang pamilya.
Nangingilid ang luha sa mga mata ni Mang Carlo kung kaya't sandali siyang tumalikod at naglakad patungo sa pastulan upang bigyan ng sandaling oras ang dalawa.
"Ilang taon ka na muli?" tanong ni Segunda matapos hipan ni Romeo ang mga kandila. "Labimpitong taon ka na, hindi ba? Marahil kaya mo nang mabuhay mag-isa sa Maynila," biro ni Segunda. Ang totoo, kung maaari lang siyang humiling, kung may karapatan lang din siyang humiling kay Romeo, nais niyang manatili ito sa Sariaya. Subalit, ang pangarap nito ay naghihintay sa Maynila.
Ilalapag na sana ni Segunda ang hawak na panghimagas nang hawakan ni Romeo ang kaniyang kamay. "Nais mo bang malaman ang aking hiling?" tanong ni Romeo habang nakatitig kay Segunda.
Dahan-dahang napatingin si Segunda sa binata. Kumakabog ang kaniyang puso habang hinihintay ang sasabihin nito. Matagal na niyang napapansin na tila may kakaiba sa kilos ni Romeo lalo na ang pagngiti nito at mga ginagawa para sa kaniya.
"Hinihiling ko na ikaw ang makasama ko habambuhay, Segunda." Deretsong saad ni Romeo saka marahang hinila si Segunda palapit at niyakap ito. Nabitiwan ni Segunda ang hawak na panghimagas dahilan upang mahulog ito sa damuhan.
Ipinikit ni Romeo ang kaniyang mga mata habang habang yakap si Segunda. "Nais kong maging abogado para sa aking pamilya at bumuti ang aming bumuhay. At ngayon, mas lumalim ang dahilan upang magsumikap. Ibig kong patunayan sa 'yo at sa iyong pamilya na ako'y magiging karapat-dapat para sa 'yo. Nawa'y bigyan mo ako ng pagkakataon, Segunda."
Dahan-dahang iniangat ni Segunda ang kaniyang kamay at niyakap pabalik si Romeo, "Ipagdarasal kong matupad ang iyong pangarap para sa iyong pamilya... at para sa ating dalawa, Romeo." Tugon ni Segunda dahilan upang gulat na mapangiti si Romeo. Muli niyang niyakap nang mahigpit si Segunda. Hindi niya akalaing matutugunan ang kaniyang pagsinta ng ilang taon sa babaeng naging dahilan kung bakit kinaya niya ang lahat ng hamon ng buhay.
Natauhan si Segunda nang maramdaman ang pangingilid ng kaniyang luha. Agad niya itong pinunasan. Ang kaniyang hinaharap ay malabo na ngayon, hindi tulad noong naghihintay lang siya kay Romeo matapos sa kolehiyo, at magtungo sa Europa.
Nagulat si Segunda nang makita si Ester sa tapat ng tirikan ng kandila. Nakatitig ito sa kaniya na parang isang imbestigador. "A-anong ginagawa mo riyan?" tanong ni Segunda sa dalagitang napasingkit pa ang mga mata.
Naglakad si Ester papalapit kay Segunda. "Ikaw ay may hindi sinasabi sa akin, Binibini." Panimula ni Ester dahilan upang magtaka si Segunda. Humakbang papalapit si Ester saka tumingin sa kaliwa at kanan.
"May isang Ginoo na ilang araw nang umaaligid sa labas ng kumbento. Napansin na rin iyon ng punongmadre kung kaya't humiling sila ng dagdag guardian a rumuronda sa gabi." Bulong ni Ester dahilan upang lumaki ang mga mata ni Segunda. Dalawang Linggo na rin mula nang hindi niya siputin si Xavier sa kanilang usapan.
"Hindi na bago sa amin ang pag-aligid ng mga kalalakihan sa labas ng kumbento lalo na't karamihan ay may mga ginoong sawi na umaasang makakausap muli ang kanilang mga iniibig dito." Dagdag ni Ester saka muling tumingin sa paligid bago nagpatuloy. Mabuti na lang dahil silang dalawa lang ni Segunda ang nasa tirikan ng kandila malapit sa altar.
"Noong una hindi ako naniniwala sa sinabi ng punongmadre, ngunit nang ako na mismo ang naka-engkwentro ng Ginoong tinutukoy nila, walang duda, totoo nga ang bali-balita." Saad nito dahilan upang mapalunok na lang sa kaba si Segunda. Hindi niya magawang tumanggi o magsinunggaling. Wala namang namamagitan sa kanila ni Xavier ngunit paano niya ipapaliwanag ang lahat.
"Hinarang niya ako kagabi pagkagaling ko sa pamilihan. Tinatanong niya kung nandito ka pa sa kumbento." Dagdag ni Ester dahilan upang mapatakip si Segunda sa bibig.
"B-binanggit niya ang pangalan ko?" pagkumpirma ni Segunda. Hindi siya makapaniwala na magagawang ibulalas ni Xavier ang kaniyang pangalan. Tumango si Ester bilang sagot.
"Oo, Binibini. Ang sabi pa niya ganito... Bata! Hindi na ako magpapaligoy-ligoy pa. Wala rin akong balak sayangin ang iyong oras. Nais ko lang malaman kung nasa loob pa ng kumbentong ito si Segunda De Avila?" salaysay ni Ester na ginaya pa ang malaking balikat ni Xavier at ang pagsuksok nito ng kamay sa bulsa.
"Ano ang iyong sinabi?" tanong ni Segunda na halos lumuwa na ang mga mata. Animo'y kaharap niya ngayon si Xavier dahil sa husay ng panggagaya ni Ester.
"Ang sabi ko sa kaniya... Ho? Ano ang ibig niyong sabihin? Wala ho akong kilalang Segunda sa kumbento," saad ni Ester sabay ngiti. Napahinga nang malalim si Segunda. Animo'y nabunutan siya ng tinik.
Nagpatuloy sa pagkukuwento si Ester, "Kaya lang naging seryoso ang mukha niya at inabutan ako ng tatlong piso... Wala ba talaga? O nais mong ako mismo ang magpalabas kay Segunda?"
Napalunok si Segunda sabay hawak sa kaniyang lalamunan. Animo'y nanonood siya sa teatro habang gumaganap ang dalagita bilang Xavier at Ester.
"Nanindigan ako binibini, ang sabi ko sa kaniya.... Kung ikaw ho ay may nais malaman ukol sa kumbento, mas mabuting kausapin niyo ang punongmadre." Muling nabunutan ng tinik si Segunda. Sa murang edad ni Ester ay nababatid niyang madiskarte ito at matalino.
"Iyon nga lang, dinagdagan niya ang inabot niya sa aking salapi... Heto ang limang piso, pakisabi kay Segunda na hindi ako titigil hangga't hindi siya tumutupad sa usapan. Hindi niya nalalaman kung hanggang saan ang kaya kong gawin. Tuparin niya ang kaniyang pangako, kung hindi ay pagsisisihan niya ang lahat." Patuloy ni Ester na nagawa pang gayahin ang pagsingkit ng mga mata at pag-intig ng panga ni Xavier.
"Wala naman siyang nakuha, hindi ba? Wala siyang ideya ngayon na narito pa ako?" tanong ni Segunda, ang mga mat anito ay tila mga tutang nakikiusap at umaasa na naging pabor sa kaniya si Ester.
Inabot sa kaniya ni Ester ang dalawang piso at limampung sentimo. "Hati tayo binibini sa limang piso, malaking halaga rin ito. Hindi tayo makapupulot ng ganitong halaga sa daan," tugon ni Ester sabay ngiti at kamot sa ulo.
Napabagsak ang balikat ni Segunda. Kinuha na lang niya sa kamay ni Ester ang pinaghatian nilang salapi. "Paumanhin binibini, naisip ko na malalaman din naman niya na narito ka sa ibang paraan. Ramdam ko ang matinding determinasyon sa ginoong iyon. Bakit hindi ko na lang kunin ang inabot niyang salapi at ating paghatian nang sa gayon ay napakinabangan din natin siya, hindi ba?" ngiti ni Ester. Napatingin si Segunda sa dalawang piso at limampung sentimo. Kahit papaano ay makatutulong ito sa kaniyang pambayad.
"Makaaasa ka binibini na wala akong ibang pagsasabihan. Mukhang nag-aalinlangan din ang ginoong iyon na lumapit sa punongmadre. Hayaan na lang natin siya mabulok kahihintay sa labas," saad ni Ester sabay senyas na ititikom niya ang kaniyang bibig dahilan upang kahit papaano ay mapawi ang pag-aalala ni Segunda.
NAKASALUMBABA si Xaiver sa bintana ng karwahe habang pasakay naman ang kaniyang ama't ina. Pinapagalitan ng mag-asawang Sanchez ang mga kasambahay na may hawak ng payong dahil nababasa na sila. Umuulan nang malakas dahil sa paparating na bagyo ngunit hindi iyon hadlang upang ituloy nila ang pagpunta sa tahanan ng pamilya Villafuerte upang mamanhikan.
Natamaan pa si Xavier nang malaking pamaypay ng kaniyang in ana siyang katabi niya sa upuan. "Huwag mong sirain ang masuwerteng araw na ito sa pagsimangot mong 'yan, Xavier," paalala ni Doña Antonia na agad nagpunas ng braso dahil nabasa ito sa ulan.
Nakaupo na rin sa tapat nila si Don Manuel na agad naghubad ng sombrero. Kalahati ng damit niya ay nabasa na ng ulan. "Masuwerte bang binabagyo tayo?" bulong ni Xavier sa sarili ngunit narinig iyon ni Doña Antonia kung kaya't hinampas niya ang kamay ni Xavier.
"Huwag mo ngang binabati ang ating lakad. Masamang pangitain 'yan." Sabat ni Don Manuel sabay tingin kay Xavier na napahalukipkip na lang, sumandal sa upuan at ipinikit ang mga mata.
"Masamang pangitain na nga ang bagyo ngayon. Mabuti pang huwag na tayong tumuloy." Hirit ni Xavier dahilan upang marindi ang tainga ng mag-asawang Sanchez. Nagsimulang umandar ang karwahe habang sinasagupa ang malakas na ulan. Mabuti na lang dahil hindi sila nababasa sa loob.
"Manahimik ka na nga lang diyan!" Suway ni Don Manuel.
"Ako lang din naman ang mahihirapan sa gusto niyong mangyari." Patuloy ni Xavier dahilan upang mapataas ang kilay ng Don. Napakunot naman ang noo ni Doña Antonia.
"Aba, marapat lang na ibalik mo ang lahat ng ginastos namin mula nang ikaw'y isilang. Binihisan at pinag-aral ka pa namin. Idagdag mo pa ang gastos mula sa mga gulong iyong kinasangkutan." Saad ni Don Manuel na nagsimulang magkuwenta gamit ang kaniyang mga daliri.
"Minsan ka na nga lang magkaroon ng pakinabang, hindi mo pa magawa." Wika ni Doña Antonia. Kailanman ay hindi niya nagawang lambingin ang anak kahit pa may hihingiin siyang pabor. Tanging si Don Manuel ang nagbabago ang pakikitungo kay Xavier kapag may mabuti itong nagagawa.
"Huwag ka nang mag-alingan, Xavier. Matalino, maganda, at nagmula sa kilalang pamilya ng mga politiko si Juliana. Tiyak na magugustuhan ka rin niya kung aayusin mo ang iyong sarili. Mas maganda pa si Juliana sa lahat ng mga nagdaang Reyna Elena at sa iyong mga naging nobya," dagdag ni Doña Antonia dahilan upang mapataas ang kilay ni Xavier. Kahit kailan ay walang mabuting naipayo sa kaniya ang mga magulang.
Sasagot pa sana si Xavier ngunit tumigil ang kalesa. "Anong nangyari?" tanong ni Don Manuel sabay katok sa kutsero. "Lumubog po ang ating gulong sa putik!" sigaw ng kutsero.
"Punyeta! Ito na nga ang sinasabi ko. Minalas na ang lakad natin!" Inis na wika ni Don Manuel sabay tingin kay Xavier.
"Itulak niyo na, madali!" sigaw ni Doña Antonia. Agad bumaba ang dalawang kutsero saka sinubukang iangat ang karwahe ngunit malalim ang putikan. Ang kalsada rin na kanilang tatahakin ay lubog sa putik dahil sa lakas ng ulan.
"Mahuhuli na tayo. Hindi magandang mahuli sa harap ni Don Fernando," paalala ni Don Manuel saka paulit-ulit na sinabihan ang dalawang kutsero na bilisan na nila. Habang si Doña Antonia naman ay panay din ang pagsigaw gamit ng Ang kukupad niyo. Bakit buto't balat ang ating mga kutsero, ito tuloy ang ating napala. Bilis! Bilis! gamit ang matinis nitong boses.
Napasabunot si Xavier sa sarili. "Bahala na nga kayo riyan. Ako'y uuwi na." Inis na saad ni Xavier saka lumabas sa karwahe at nagsimulang maglakad papalayo.
Sumigaw ang kaniyang magulang at paulit-ulit siyang tinawag ngunit hindi niya iyon pinansin. Hindi rin gaano marinig ang sigaw ng mag-asawang Sanchez dahil mas malakas ang buhos ng ulan at hampas ng hangin.
Walang nagawa ang mag-asawang Sanchez kundi ang bumaba na lang din sa kalesa at maglakad pabalik sa kanilang tahanan. Nasayang ang magarbo nilang pananamit at ayos. Mabuti na lamang dahil hindi pa nakalalayo ang kalesa sa kanilang bahay.
Naupo si Xavier sa kama pagakatapos niyang maligo muli. Kasalukuyan niyang pinupunasan ang kaniyang buhok nang mapansin ang mga makakapal na libro ng abogasya na dinala ng kaniyang ina kagabi. Kabilin-bilinan nito na simulant na niyang magbasa-basa upang may maisagot sa mga tanong ni Don Fernando at ng mga kamag-anak nitong politiko.
Tumayo si Xavier saka binuklat ang isang libro. Wala pang limang segundo ay isinara na niya iyon saka pabagsak na inilapag sa mesa. Humilata siya sa kama saka muling tumitig sa kisame. Rinig na rinig niya ang malalakas na bagsak ng ulan sa bubong.
Ilang sandali pa, dumating si Manang Dioneng bitbit ang mainit na tsaa. "Inumin mo muna 'to nang hindi ka sipunin," saad ng matanda. Inayos nito ang mga libro sa mesa bago inilapag ang tsaa. Sandali niyang tiningnan si Xavier na madalas tulala sa kisame sa tuwing may iniisip itong mahalaga.
"Sa oras na ikaw'y mag-asawa na. Mababago na ang iyong pananaw sa buhay. Mahalaga ang magiging responsable sa iyong asawa't mga magiging anak." Panimula ng matanda ngunit hindi sumagot si Xavier, ni hindi rin ito kumurap habang nakatulala sa kawalan.
"Balita ko ay maraming nanliligaw sa anak ni Don Fernando. Minsan ko na rin siyang nakita sa simbahan ng Imaculada Concepcion. Kay rikit na dalaga, ang kaniyang mukha ay maamo. Marami rin akong nababalitaan na busilak ang kaniyang kalooban. Siya'y tumutulong sa mga mahihirap lalo na sa mga bata at matatanda." Patuloy ni Manang Dioneng ngunit hindi kumibo si Xavier.
Naalala ni Xavier si Segunda nang banggitin ni Manang Dioneng ang simbahan ng Immaculada Concepcion. Napabangon si Xavier nang mapagtanto na hindi siya nakasisiguro kung si Segunda ay ganap nang madre o nag-aaral lang doon.
"Mas labis akong nag-aalala kung ikaw ay magugustuhan ni Señorita Juliana." Tawa ng matanda ngunit tila hindi nakikinig ang alaga. Napailing si Xavier, kung ganap nang madre si Segunda, imposible namang alukin siya nito ng kasal.
Nagpatuloy si Manang Dioneng sa pagtawa sa pag-aakalang ang pag-iling ni Xavier ay nangangahulugan na hindi ito papayag na hindi siya ang mapapangasawa ni Juliana. "Ako'y nasasabik nang matunghayan kung paano ka umibig, hijo. Hindi pa kita nakitang mahulog nang lubos sa isang binibini." Kantyaw ng matanda. Marami siyang nababalitaan na mga babaeng naging kasintahan ni Xavier sa iba't ibang lugar. Ang iba ay siya pa mismo ang nakatatanggap ng mga liham ng mga babae na kailanman ay hindi rin binasa o binuksan ni Xavier.
Minsan na rin niyang pinagsabihan si Xavier tungkol sa ginagawa nitong pag-iwan sa ere, pagpapaasa, at pambobola sa mga babae, Mag-ingat ka't malaki ang karma sa ginagawa mong 'yan, hijo. Ngunit ang palaging nagiging tugon ni Xavier ay halakhak sabay akbay sa kaniya, Manang, walang karma na tumatalab sa akin. Ang mga masasamang damo raw ay huling namamatay. Nasaan ang karma roon?
"Basta, ang sa akin lang, magpakasal ka dahil sa pag-ibig. Sa mundo ngayon, at sa estado ng inyong buhay, bihira makatagpo ng tunay na pag-ibig ang mag-asawa sapagkat mas matimbang ang kung ano ang magiging pakinabang niyo sa isa't isa," payo ni Manang Dioneng na akmang aalis na sana ngunit nagsalita si Xavier sabay hilata muli sa kama.
"Magiging mahalaga ka lang sa mga tao kung ikaw ay may pakinabang sa kanila." saad ni Xavier nang maalala ang sinabi sa kaniyang magulang kanina sa loob ng karwahe.
"Kung kaya't mapalad ka, hijo, sapagkat nakita ni Don Fernando ang iyong potensyal sa puso at buhay ng kaniyang anak. Hindi ka ba dapat matuwa?"
"Manang, paano ako magiging mapalad kung ako naman ang pagod?" pilosopong tanong ni Xavier. Kung hindi lang sila seryosong nag-uusap ay kukurutin niya ang tagiliran ni Xavier sa mga sinasabi nito.
"Aber, malaking tulong ang impluwensiya ng pamilya Villafuerte, hindi ka mahihirapan makapasok sa politika." Saad ni Manang Dioneng sabay halukipkip.
Natawa si Xavier, isang tawa na parang hindi siya makapaniwala na papasukin niya ang isang bagay na kailanman ay hindi niya nakita sa sarili. "Maganda nga naman pakinggan at nakakataas ng kumpyansa ang makapasok sa politika, Manang. Ngunit..." panimula ni Xavier saka muling bumangon. "Hindi ko nais gumising nang maaga araw-araw para dumalo sa mga nakababagot na pagpupulong. Ako'y wala ring interes makinig sa reklamo ng mga tao. Sarili ko ngang hinaing ay bihira pakinggan ng aming propesor e. Aking nababatid na ako'y mahalagang hiyas sa lipunang ito ngunit hindi ko maituturing ang aking sarili sa mundo ng akademiko at mabuhay ng pormal na parang mga rebulto."
Hindi malaman ni Manang Dioneng kung mag-aalala siya sa sinasabi ng alaga o matatawa dahil may punto naman ito ngunit masyadong mababaw na parang isang bata. "O, huwag ka na lang mag-asawa. Huwag mo nang pahirapan ang iyong sarili. Gumaya ka na lang sa akin at mag-alaga ng mga pilyong bata." Saad ng matanda dahilan upang mapakamot sa ulo si Xavier sabay ngiti.
"Iyan ang gusto ko sa 'yo, Manang. Kay dali mo kausap. Ako'y sumasang-ayon, hindi ako mag-aasawa at mabubuhay ng binata hanggang sa ako'y tumanda."
"Ngunit bago mangyari 'yan, tiyak na pupulutin ka sa kalsada lalo na't hindi papayag ang iyong lolo Manuel na hindi lumago ang inyong lahi sa mundong ito. Ano ang paulit-ulit niyang sinasabi?"
"Magpakahayo kayo mga Sanchez at tiyaking lumago ang ating salinlahi sa sanlibutang ito!" tuloy ni Xavier na nagawa pang gayahin ang tono ng kaniyang lolo na parang paos at inuubong matanda. Natawa silang dalawa. Batid ni Manang Dioneng kung gaano nasisiyahan si Xavier sa tuwing ginagaya nila ang mga mag-anak na Sanchez.
Kinuha ni Xavier ang bola ng sepak takraw saka nilaro ito sandali. Muli niyang naalala si Segunda na hindi niya sinasadyang tamaan noong isang araw. Gayunpaman, hindi nagtanim ng galit ang dalaga, ni hindi rin siya nito siningil o pinagbayad sa nangyari. Hindi niya mawari ngunit tila may kakaiba sa babaeng iyon. Nais niyang malaman kung hanggang saan ang pasensiya at kabutihan nito dahil naniniwala siya na lahat ng tao ay may angking kasamaan at hindi magandang pag-uugali.
"Inumin mo na nga itong tsaa, lalamig na ito." Wika ng matanda. Tumayo si Xavier habang hinahagis-hagis ang bola sabay lagok ng tsaa na maligamgam na.
"Manang, hindi ba't nakikilala niyo ang pamilya De Avila ng Sariaya?" tanong ni Xavier dahilan upang magtaka ang matanda dahil naiba na naman ang kanilang paksa.
"Oo. Ako'y tubong-Sariaya. Ang pamilya De Avila ay kilala sa aming bayan. Bakit mo naitanong?"
Napahawak si Xavier sa kaniyang batok, "Ako'y nababagot, Manang. Ilang araw na rin akong hindi makalabas. Ako'y kuwentuhan niyo na lamang," paglalambing ni Xavier sabay kapit sa braso ng matanda.
"Maganda at payapa sa Sariaya. Ito'y kilala sa malalawak na pananim at mga puno ng niyog. Labing-limang taong gulang ako nang lumuwas sa Maynila upang mamasukan. Ang pamilya De Avila ang isa sa mga unang pamilya na nagpalago ng kabuhayan ng bayan. Sila rin ang may pinakamalawak na hacienda. Ang lahat ng produkto at ani ay konektado sa kanilang iba't ibang negosyo." Pagsasalaysay ni Manang Dioneng habang nakangiti na animo'y bumabalik sa kaniyang kabataan.
Halos sampung taon na rin mula nang umuwi siya sa bayan matapos mamatay ang nag-iisa niyang kapatid. Ngayon ay wala na siyang kamag-anak na nabubuhay doon kung kaya't hindi na siya umuuwi sa bayang-sinilangan.
"Nagmamay-ari rin ang pamilya De Avila ng mga barko panlayag. Iyon marahil ang dahilan kung bakit naging magkakilala at matalik na magkaibigan si Don Epifanio at ang iyong ama sapagkat ang mga barkong pag-aari ng pamilya De Avila at mga produktong niluluwas ay dumaraan sa Aduana." Napatango ng ilang ulit si Xavier, wala siyang pakialam kung sino ang mga kaibigan ng kaniyang ama ngunit ngayon ay naging interesado na siya sapagkat kailangan niya ring lumikha ng sariling koneksyon.
"Sa aking pagkakaalam si Don Epifanio ay isang inhinyero at propesor. Marami siyang naipatayong gusali rito sa Maynila." Dagdag ng matanda, naalala ni Xavier ang takdang-aralin na ginawa nina Jacinto at Cristobal na kinopya nila, ngayon ay nauunawaan na niya kung bakit kompleto ang datos na nakuha ng dalawa dahil sa propesyon ni Don Epifanio.
"Nakapagtataka lamang kung bakit hindi ni naisipang pumasok sa politika ni Don Epifanio, tiyak na maipapanalo niya iyon sa dami ng kaniyang kakilala," saad ni Xavier na biglang naging interesado sa pamilya De Avila.
"Kapag nagkita kayo ni Don Epifanio, tanungin mo siya nang malaman mo. Ibahagi mo rin sa akin sapagkat minsan ko na ring naisip iyan." Tawa ng matanda.
"Tatanungin ko rin kung gaano kalaki ang kinikita niya sa kanilang hacienda, mga negosyo at barko," biro ni Xavier upang sabayan si Manang Dioneng.
"Aba'y Oo, tiyak na malaki! Ang pamilya De Avila ang pinakamayaman sa Sariaya." Pagmamalaki ni Manang Dioneng na tila ba kamag-anak niya ang mga ito o matagal nang kakilala.
Nanlaki ang mga mata ni Xavier, ngayon ay palaisipan sa kaniya kung bakit hindi makahingi si Segunda ng tulong sa kaniyang mga magulang gayong tiyak na barya lang ang limang-daang piso sa kanila.
Nagawi ang tingin ni Manang Dioneng sa bintana kung saan tumatagos ang kaunting ulan, "Mababasa ang iyong libro rito," puna ng matanda saka isa-isang inilipat ang mga libro sa kabilang mesa.
Napaupo si Xavier sa kama at muling napaisip nang malalim, napagtanto niya na mas mayaman ang pamilya De Avila sa pamilya Villafuerte. Bagaman mas kagalang-galang pakinggan ang pagiging gobernadorcillo, aanhin niya naman iyon kung siya'y magiging empleyado ng gobyerno na kinakailangang pumasok araw-araw at magsilbi sa mamamayan.
Tiningnan ni Xavier ang bola ng sepak takraw ng kaniyang hawak, naalala niya ang mga sinabi ni Segunda tungkol sa lupain sa Batangas at ang pagtungo sa Europa ng kaniyang mga kapatid na lalaki. Hindi pala ito nagbibiro o nagsisinunggaling. Ngunit sa tuwing nakikita niya si Jacinto na nakikipag-agawan sa mga luto ni Manang Sita sa dormitoryo, at ang pagpasok nito nang walang ligo dahil mahaba ang pila sa banyo o kaya ay tanghali na ito nagising, hindi niya akalaing nagmula sa napakarangyang pamilya ang lalaking iyon.
Muling nilaro ni Xavier ang bola gamit ang isa niyang kamay habang nag-iisip nang malalim. Kung mabibigyan lamang siya ni Don Epifanio na pamahalaan kahit ang ilang negosyo nito. Hindi niya kinakailangang maging empleyado at magpaalila sa mga nakatataas dahil siya ang may-ari ng kabuhayan.
Hindi niya kailangan gumising nang maaga, magsunog ng kilay, makisama sa mga pormal na tao at makinig sa mga nakababagot na paksa. Hindi na rin niya kailangan magtalumpati sa harap ng madla nang paulit-ulit at dumalo sa mga pagdiriwang na halos araw-araw. Magagawa niya ang gusto niya, siya mismo ang may hawak ng sarili niyang oras habang kumikita siya ng limpak-limpak na salapi nang hindi namamatay sa pagod.
"Nakalulungkot lamang dahil nagkaroon ng lamat ang pagkakaibigan ng iyong mga magulang at ng pamilya De Avila. Aking hindi akalain na matatapos ang kanilang pagkakaibigan nang dahil lang sa hindi pagkakaunawaan," dagdag ni Manang Dioneng. Isang ideya ang pumasok sa isipan ni Xavier nang maalala rin ang narinig niyang sinabi ng kaniyang ama na Tamaan na lang ako ng kidlat, huwag lang maugnay sa pamilya De Avila. Ako'y nagsisi tuloy na nag-alok pa tayo ng kasal sa kanila.
"Maayos na itong mga libro, huwag mo nang guluhin----" hindi na natapos ni Manang Dioneng ang sasabihin at nagtataka siyang napatitig kay Xavier nang mapansin niyang ngumingisi ito sa kawalan habang nilalaro ang bola gamit ang isang kamay.
MABILIS na tumaas ang baha kung kaya't kinailangan lumikas ng mga naninirahan sa loob ng Intramuros. Nagtipon ang lahat sa Letran kung saan matatagpuan ang matibay na gusali na binubuo ng apat na palapag.
Isa ang pamilya Sanchez sa mga naunang lumikas. Kasalukuyang nakaupo si Xavier sa malaking hagdanan habang kagat-kagat ang isang palito (Toothpick) at pinapanood ang pagdating ng mga bagong likas sakay ng mga bangka.
Siya'y nababagot na at katatapos lang nilang kumain ng lugaw na para sa kaniya ay walang lasa. Iniisip niya ngayon kung paano muling makakausap si Segunda. Tila suntok sa buwan ang makapasok sa kumbento. Hindi rin siya nakasisiguro kung kailan maaaring makalabas muli ang mga madre. Idagdag pa ang pag-aalala niya dahil malapit nang dumating ang kaniyang lolo at hanggang ngayon ay hindi niya pa rin natutubos ang kuwintas na relos.
Tumayo si Xavier saka nagsimulang maglibot sa buong bawat palapag ng paaralan upang hanapin ang kaniyang mga kaibigan. Kailangan niyang humingi ng tulong. Bukod doon, siya'y nababagot na rin dahil wala man lang siyang makausap o mapaglibangan. Hindi niya nadala ang kaniyang baraha o bola dahil sa pagmamadali at pagbubunga ng kaniyang ina bago sila lumikas.
Napatigil siya sa ikatlong palapag nang makita si Jacinto na pilit tinutulak ang pinto ng isang silid-aralan. "Ibigay mo na sa 'kin 'yan!" reklamo ni Jacinto.
"Bakit ka ba narito? Alis sabi!" inis na buwelta ng babae.
"Isusumbong kita sa iyong tiyo! Kung ano-ano nang tumatakbo sa isip mo. Ano naman kung nabigo ka, hindi lang naman ikaw ang nabigo sa mundong ito ha," panakot ni Jacinto. Binuksan ng babae ang pinto saka tinuro si Jacinto gamit ang hawak nitong maliit na balisong.
"Maghihiwa lang ako ng mansanas. Kay rami mong sinasabi. Ang mahal mahal nito, hindi mo na naman sa akin ibabalik." Saad ng babae habang nakakunot ang noo.
Hindi nakikilala ni Xavier ang babae, sa isip niya ay bagong salta lang din ito sa Maynila. Maliit ang babae at maiksi ang buhok na ang haba ay hanggang leeg. Maputi ang balat nito at matalas kung tumingin lalo na kay Jacinto. Sa palagay niya ay nakababatang kapatid din ito ni Jacinto lalo na sa kung paano sila magbangayan.
"Kung ikaw ay masugatan niyan, iiyak ka na naman na parang naka-iiritang kabute. Pasalamat ka at pinasan kita noong isang gabi, kung hindi ay tiyak na sa kalsada ka nagpalipas nang magdamag. Kabata-bata mo pa e manginginom ka na, Novelita!" saad ni Jacinto na nauwi sa pangangatyaw dahilan upang mas lalong kumunot ang noo ng babae at sinimulang habulin si Jacinto habang hawak ang balisong.
Nagsisigaw si Jacinto pababa ng hagdan, "Ilayo mo sa 'kin 'yan. Malilintikan ka talaga!"
"Uunahin kong putulin 'yang dila mong kay tabil!" buweltan ng babae na sinimulang iwasiwas ang balisong dahilan upang mapalundag si Jacinto sa kaliwa't kanan habang kumakaripas ng takbo pababa.
Napailing na lamang si Xavier at napahawak sa kaniyang tainga. Sa isip niya ay hanggang dito ba naman ay maiirita pa rin siya kay Jacinto. Ilang sandali pa, halos nalibutan na niya ang buong paaralan ngunit hindi niya namataan ang mga kaibigan.
Akmang babalik na lang sana siya ngunit napatigil siya nang marinig ang anunsyo ng tinyente na siyang nakatalo kay Xavier sa sugal, "Mga Ginoo, kinakailangan namin ang inyong tulong. Sa ngayon ay mayroon tayong limang bangka upang sagipin ang mga kababayan nating nalubog din sa baha. Maaaring magtaas ng kamay ang sinumang lalaki na handang tumulong para sa mga mamamayan!"
Nagkatinginan ang mga kalalakihan na karamihan ay mga Don, matataas na opisyal, at mga estudyanteng nakasuot ng magagandang gabardino at tsaleko. Ilang segundo ang lumipas ngunit walang nagsalita, nagpapakiramdaman lang ang lahat. Nagkuwanri pang naiihi ang ilan upang makaalis.
"Inuulit ko, sino ang matatapang at mga bayaning handang tumulong sa ating mga kababayan?!" sa puntong ito ay mas nilakasan ng tinyente ang kaniyang boses dahilan upang umalingangaw ang kaniyang tanong sa buong palapag.
Napahalukipkip lang si Xavier, kung makukuha niya lang pabalik ang kuwintas na relos ay sasama siya. Maglalakad na sana siya palapit sa tinyente upang sabihin ang kaniyang kondisyon ngunit nagsalita itong muli, "Ang ating mga kapatid na madre ay nangangailangan ng tulong. Aabutin na ng baha ang ikalawang palapag ng----" hindi na natapos ng tinyente ang kaniyang sasabihin dahil biglang nagtaas ng kamay si Xavier.
"Ako! Sasama ako!" Napalingon ang lahat sa kaniya. Maging si Padre Mendoza na matanda na ay napasingkit ang mga mata saka sabay suot muli ng salamin kung tama ba ang kaniyang nakita.
Ang ilan sa mga Don at Doña na nakababatid sa mga kaguluhang kinasangkutan ng bunsong anak nina Don Manuel at Doña Antonia Sanchez ay nagtaka rin sa kanilang natunghayan. Si Xavier na kailanman hindi tumulong sa mga programa ng gobyerno. Si Xavier na walang pakialam sa ibang tao, ni hindi rin ito tumutulong sa mga proyekto at takdang-aralin. Animo'y isang himala ang makitang mayroon palang malasakit si Manuelito Xavier Sanchez sa kapwa.
"Isa kang magiting na binata. Salamat sa iyong pagmamalasakit sa ating bayan!" wika ng tinyente dahilan upang mapataas ang kilay ni Xavier dahil sa pagiging emosyunal nito.
"Ako'y sasama. Ngunit hayaan niyong magpalit muna ako ng damit, hindi maaaring mabasa ang suot kong ito," saad ni Xavier sabay turo sa suot niyang gabardino, puting polo na gawa sa seda, pantalon na mula pa sa Pransya, at sapatos na gawa sa Alemanya.
Walang nagawa ang tinyente kundi ang mapakamot na lamang ng ulo, "Mga kabataan talaga," bulalas nito sa sarili saka muling nagtanong sa madla kung sino pa ang nais tumulong.
Hindi nagtagal ay narating na nila ang kumbento. Inaabangan ni Xavier si Segunda, medyo hirap man siya tumukoy ng mga kulay, malinaw naman ang kaniyang mata sa dilim at kahit pa bumubugso ang ulan, "Ilapit mo na ang bangka natin," saad ng guardia na kasama niya sa bangka, si Xavier ang may hawak ng dalawang sagwan.
Ngunit hindi siya nakinig, hinintay niyang makita si Segunda sa pila bago niya inilapit ang kanilang bangka. Hindi nga siya nabigo sapagkat si Segunda ang huling makasasakay sa kanila.
Inilahad niya ang kaniyang palad sa tapat ni Segunda nang hindi nito namamalayan kung sino siya. Hindi mawala ang ngisi sa labi ni Xavier, natatawa siya sapagkat mukhang basang sisiw si Segunda at walang ideya na nasa likod lamang siya nito.
Tumikhim si Xavier saka yumuko upang ilapit ang kaniyang ulo sa likod ni Segunda, "Sabi ko naman sa 'yo, susundan kita hanggang impyerno... Hangga't hindi mo ako nababayaran," bulong niya sabay ngisi. Gulat na napalingon si Segunda sa kaniya, napakabig pa ito sa bangka dahil sa gulat. Kung maaari lang humalakhak nang malakas ay gagawin na niya subalit siguradong makalulunok siya ng maraming tubig-ulan.
Agad tinakpan ni Segunda ang kaniyang tainga dahilan upang mas lalong matawa si Xavier. Hindi niya mawari kung bakit natutuwa siyang makita ang gulat na reaksyon ni Segunda. Sumenyas ang guardia na nasa unahan ng bangka sa direksyon na kanilang tatahakin. Buong puwersang isinagwan ni Xavier ang bangka na tila ba madali lang iyon sa kaniya. Kung may maipagmamalaki si Xavier, iyon ay ang paglalaro, habulan, at pagbuhat ng kung ano-ano. Idagdag pa ang lakas ng puwersa ng kaniyang suntok pagdating sa pakikipagsuntukan.
Nang makarating sila sa Letran ay agad bumaba si Segunda sa bangka nang hindi naghihintay ng tulong mula sa iba. Ni hindi rin nito alintana na lumubog sa baha ang kaniyang saya dahil sa pagmamadali.
Hindi naman nahirapan si Xavier mahanap si Segunda sa gitna ng madla. Kinuha niya ang iniwang gabardino sa tabi saka sinalubong ang mga taong pababa ng hagdan. Nakatayo si Segunda sa gilid ng hagdan at tila paakyat ito ngunit hindi lang makausad ang dalaga dahil sa dami ng tao.
Sa bawat hakbang na tinatahak ni Xavier ay pakiramdam niya patungo siya sa isang laban na walang kasiguraduhan. Ngunit wala siyang pakialam, ang mahalaga ay mabawi niya ang mga nawala sa kaniya at makamit ang buhay na malaya at walang paghihirap. Hindi siya naniniwala na mayroong pag-ibig sa mga ikinakasal, bagay na natunghayan niya sa halos tatlumpung dekadang pagsasama ng kaniyang mga magulang.
Kailanman ay hindi naramdaman ni Xavier na minahal, minamahal, o mamahalin nina Don Manuel at Doña Antonia ang isa't isa. Nabubuhay ito ayon sa agos ng karamihan kung saan pagdating ng isang tao sa tamang edad ay kailangan na niyang mag-asawa dahil iyon ang nararapat.
Sa mga tulad nilang nagtataglay ng minanang kayamanan at pribilehiyo, importante rin ang makapangasawa ng isang taong nagmula sa kaparehong estado o higit pa. Wala ring balak tumutol doon si Xavier sapagkat naniniwala siya na hindi nabubuhay ng pag-ibig ang isang tao kung wala itong makakain sa araw-araw o di kaya ay magpapakahirap hanggang sa pagtanda.
At ngayon, sa kaniyang paglapit kay Segunda ay buo na ang kaniyang isipan. Susunod siya sa agos ng karamihan at kagustuhan ng kaniyang pamilya. Subalit, ang lahat ng ito ay malinaw na isang pagpapanggap lamang.
Hinawakan ni Xavier ang braso ni Segunda dahilan upang gulat mapalingon ito sa kaniya. Ipinatong niya ang gabardino sa balikat ni Segunda. Para kay Xavier, walang kaso sa kaniya ang pagiging mapusok gayong marami na siyang nabihag na binibini. Isa lamang si Segunda sa mga pansamantala niyang relasyon. Pagkatapos ng kasunduan ay magkakalimutan na sila na tila ba walang nangyari.
Nakatayo sa mas mataas na baytang si Segunda dahilan upang maging magkapantay ang tangkad nilang dalawa. Inilapit ni Xavier ang kaniyang mukha sa dalaga na halos ikaduling nito. Muli niyang nginitian si Segunda saka hinawakan ang butones ng gabardino upang tuluyang matakpan ang damit ng dalaga.
Kung may isang bagay siyang magugustuhan kay Segunda, ito ay ang gulat nitong hitsura at pagbilog ng mga matang may mahahabang pilik. Hindi nila alintana ang mga tao sa paligid, ang ilan sa mga paakyat at pababa ng hagdan ay napapatigil at lumilingon sa kanilang kapahangasan.
"Xavier!" Sigaw ni Don Manuel na napahawak sa batok. Maging si Doña Antonio ay napakabig sa hawakan ng hagdanan nang matunghayan mula sa itaas ang paglapit at paghawak ni Xavier sa isang babae.
Hindi natinag si Xavier, ni hindi siya lumingon sa pagtawag ng kaniyang ama. Inilapit niya lalo ang kaniyang mukha kay Segunda. "Ito ang aking sagot sa iyong alok," saad niya saka dahan-dahang ngumiti muli. Ipinulupot niya ang kaniyang bisig sa baywang ni Segunda at tahasan itong niyakap sa harap ng madla nang walang pag-aalinlangan.
Nabalot ng gulat, tinginan, at ang ilan ay napatakip pa sa bibig dahil sa kanilang natunghayan. Animo'y nanonood sila ng teatro na itiinghal ng mga artistang dayuhan na walang bahid ng pagiging konserbatibo at pag-iingat sa sariling dangal.
Muntik nang mawalan nang balanse si Don Manuel. Mabuti na lang dahil nahawakan siya ni Doña Antonia. "Si... Si Xavier!" saad naman ng Doña sabay hawak sa noo, siya naman ang mawawalan ng balanse kung kaya't tumayo nang tuwid si Don Manuel at sinalo ang asawa na tila ba nagsalitan lang sila ng reaksyon.
Biglang sumigaw si Xavier, "Hindi ko kakayanin mawala ka!" Hagulgol nito habang nakayakap kay Segunda. Mas lalong nagulat ang mga tao dahil hindi nila akalain na may namamagitan pala sa anak nina Don Manuel at Don Epifanio.
Sinubulang itulak ni Segunda si Xavier ngunit mas lalong humigpit ang yakap nito. "Sandali na lamang, kailangan natin mapaniwala silang lahat." Bulong ni Xavier saka ibinaon ang ulo sa balikat ni Segunda, "Mabuti na lamang at ligtas ka, aking sinta!" habol ni Xavier sabay hagulgol nang walang luha. Bukod sa pagsisinunggaling ay magaling din siyang magpanggap at umarte upang mas mapaniwala ang mga tao na sinasabihan niya ng kasinunggalingan.
Nagsimulang magbulungan ang mga tao. "Kaya pala siya nagboluntaryo kanina. Nais niyang iligtas ang kaniyang kasintahan," bulong ng isang doña sa asawa. Napapataas naman ang kilay ng iba dahil sa mapangahas na kilos ng dalawang kabataan. Habang ang iba naman ay naluha dahil sa nakaaantig na tagpo kung saan niligtas ng lalaki ang kaniyang iniibig sa gitna ng bagyo.
Animo'y nanigas ang katawan ni Segunda. Nakikita niya ang tingin ng mga taong samu't sari ang reaksyon. Hindi niya nais maging sentro ng atensyon ngunit narito si Xavier at gumagawa ng eksena na tiyak hindi malilimutan ng lahat.
Nahagip ng mata ni Xavier si Don Fernando Villafuerte sa balkonahe ng ikatlong palapag, katabi nito ang dalagang anak na si Juliana. Bakas sa mukha ng Don ang malaking pagkadismaya, hindi nito akalain na may kasintahan na pala ang binatang nagtangkang mag-alok ng kasal. Samantala, nagawa pang pahirin ni Juliana ang kaniyang luha, siya'y nakikiisa sa masayang wakas ng dalawang pusong nagkatuluyan dahil sa pag-ibig.
"PUTANGINA mo talaga, Sanchez!" sigaw ni Jacinto na akmang susugod muli kay Xavier sa ikalimang pagkakataon. Ilang beses na niyang sinubukang kuwelyuhan at bugbugin si Xavier ngunit pinipigilan siya ni Don Marcelo.
Nang dahil sa eksenang naghatid ng supresa sa lahat, tinipon ni Don Marcelo Gonzalez ang pamilya Sanchez at siya bilang tiyuhin ni Segunda at siyang tumatayong magulang nito sa Maynila ang humalili sa mag-asawang De Avila na kasalukuyang nasa Sariaya.
Nakaupo sila sa loob ng opisina ni Padre Mendoza na siyang vice-rector ng Letran. Noong nakaraang buwan lamang ay magkakasama silang natipon doon dahil sa gulong kinasangkutan ng grupo ni Xavier at panig ni Jacinto.
Nakaupo sa gitnang silya si Padre Mendoza na tulad ng dati ay napahawak na lang muli sa sentido. May malaking parihabang mesa sa gitna. Nasa kabilang panig sina Xavier, Don Manuel, at Doña Antonia. Sa tapat naman nakaupo sina Segunda, Don Marcelo, Doña Jimena, at Jacinto.
"Minumura ba tayo ng batang 'yon?" bulong ni Doña Antonia sa asawa. Sanchez din sila kung kaya't minura ni Jacinto ang kanilang buong pamilya. Tinapik ni Don Manuel ang tuhod ng doña at sinabing hayaan na sapagkat naubos na ang kanilang enerhiya mula kanina sa karwahe, hanggang sa paglikas, at ngayon ay may panibagong problemang kinasangkutan ang kanilang anak.
"Tumigil na ka na, Jacinto!" inis na buwelta ni Don Marelo saka sapilitang pinaupo muli si Jacinto. Ngumisi lang si Xavier at nagawa niya pang dumila upang mas lalong asarin si Jacinto na namumula na ang mukha sa galit.
Nanatiling tulala si Segunda at nakatitig sa mesa. Ngayon lang unti-unting nagiging malinaw sa kaniya ang nangyari. Hindi niya akalaing nakakakaba pala at nakakatakot ang reyalidad ng kaniyang panukalang kasal kay Xavier. Nakapatong pa rin sa kaniyang balikat ang gabardino ni Xavier nang hindi niya rin namamalayan. Panay naman ang paypay ni Doña Jimena na unang umiikot ang mata sa tuwing nagtatama ang kanilang paningin ni Doña Antonia.
Samantala, nakasandal lang si Xavier sa silya habang nakahalukipkip na para bang dumalo lang siya sa pagpupulong nang walang ambag. Kampante lang ang kaniyang kilos at paminsan-minsang ngumigisi kay Segunda dahilan upang mag-amok na naman ng suntukan si Jacinto.
"Katahimikan!" saad ni Padre Mendoza matapos ibagsak ang kamay sa mesa. Hindi niya akalain na hanggang sa gitna ng pagsalanta ng bagyo ay may kailangan siyang resolbahin na problema.
Napaupo nang maayos ang lahat maliban kay Xavier na nakatitig kay Segunda at siyang katapat niya. Hindi niya mabasa ang reaksyon ng dalaga. Sa isip niya, si Segunda naman ang nagpanukala ng kunwaring kasal, ngunit bakit tulala ito na para bang hindi niya inaasahang magiging totoo ang lahat.
"Isang kapahangasan ang inyong ikinilos sa harap ng madla. May mga bata ring naroroon kanina. Paano niyo ipaliliwanag sa lahat ang nangyari?" tanong ng pari sabay tingin kina Xavier at Segunda.
Napasulyap si Segunda kay Xavier na napataas ang kilay at sinabing siya ang sumagot dahil wala siyang maisip. Tumikhim si Segunda saka ipinatong ang dalawang kamay sa mesa, binabalatan niya ang kaniyang mga daliri nang hindi niya namamalayan.
"A-ang totoo po----" hindi na natapos ni Segunda ang sasabihin dahil inilapit ni Xavier ang kaniyang silya sa mesa saka nagsalita.
"Padre, ibinuwis ko ang aking buhay para sa kaniya. Sa tingin niyo ho ba ay wala lang iyon?" wika ni Xavier. Agad sumapaw si Jacinto, hinawakan na ni Don Marcelo ang manggas ng pamangkin na kanina pa tayo nang tayo para hablutin ang kuwelyo ni Xavier ngunit dahil malaki ang mesa na nasa gitna nila ay hindi niya ito maabot.
"Sinunggaling! Kahit kailan ay pulos ka talaga kasinunggalingan, Sanchez!" sigaw ni Jacinto dahilan upang magkatinginan muli ang mag-asawang Sanchez dahil mukhang direkta rin silang nasigawan.
Yumuko si Xavier, mukhang wala siyang aasahang mabuting sagot mula kay Segunda. Bakas sa mukha nito na aaminin nito na hindi totoo ang nangyari at magmumukha lang siyang desperado sa pag-ibig. "Ang totoo niyan... may namamagitan sa aming dalawa ng kapatid ni Jacin---- ni Segunda. Naudlot lamang nang pumasok siya sa kumbento. Ilang gabi akong naghintay sa labas upang makausap siyang muli," pagsalaysay ni Xavier na pinilit umiyak ngunit walang luhang lumalabas. Mabilis siyang sumulyap kay Segunda at pinandilatan ito na siya naman ang magbigay ng ambag na kuwento upang mas maging makatotohanan.
"Hindi nga kayo magkakilala, gago ka ba?!" sabat ni Jacinto, agad kinurot ni Don Marcelo ang tagiliran ng pamangkin. Nauubos na rin ang kaniyang enerhiya. Gusto na lang niya itali si Jacinto upang hindi na ito pumalag pa.
"Jacinto, ayusin mo ang iyong pananalita," suway ni Padre Mendoza dahilan upang mapalunok si Jacinto saka muling umupo at napalunok ng laway. Nang magkatinginan sila ni Xavier ay muli itong dumila nang palihim dahilan upang mapapikit na lang sya sa inis.
"Inyong natunghayan ang lahat, hindi ba? Ano pa ho ang dapat naming ipaliwanag sa madla?" patuloy ni Xavier sabay hawi ng kaniyang buhok. Medyo basa ito kung kaya't mas kitang-kita ang pagkakulot na siyang mas nagpapaaliwalas ng kaniyang hitsura.
"Ano ang pasiya niyo rito Don Marcelo at Don Manuel?" tanong ni Padre Mendoza sa dalawang Don.
"Aking isasanguni muna ito kay Don Epifanio, bukas nang umaga, nawa'y bumuti na ang panahon, magpapadala agada ko ng katiwala na siyang maghahatid ng balita." Saad ni Don Marcelo, tumango nang marahan si Padre Mendoza sabay tingin sa pamilya Sanchez.
"Ako't tutol sa---" hindi na natapos ni Don Manuel ang sasabihin dahil muling nagsalita si Xavier.
"Magpapakasal kami ni Segunda." Seryosong saad nito na parang nagbigay ng anunsyo sa lahat. Sumandal si Xavier sa silya saka muling tumingin nang deretso sa mga mata ni Segunda na gulat pa ring nakatingin sa kaniya.
"Sa ayaw at sa gusto ninyong lahat. Walang makapipigil sa aming dalawa. Magpapakasal kami sa katapusan ng buwan na ito," patuloy ni Xavier. Nais niyang dugtungan ang kaniyang sinabi nang Magpapakasal kami at lalayo sa lugar na ito. Siya si Xavier na kailanman ay hindi umaatras sa anumang suliranin. Ni hindi rin sya tumitigil hangga't hindi niya nakukuha ang kaniyang nais. Ibig na niyang lumayo sa ilang taong pagtitiis sa puder ng kaniyang mga magulang.
Nanatiling nakatingin si Segunda sa mga mata ni Xavier. Ramdam niya na seryoso ang binata sa kabila ng pagiging maloko at mapang-asar nito. Tunay nga na ang mga kaluluwang desperado ay nagagawang kapitan ang pinakamalapit na solusyon upang hindi tuluyang mahulog sa kawalan.
Sa loob halos isang buwang sa kumbento at ang tuluyang hindi pagsipot kay Xavier, tuluyan nang nakalimutan ni Segunda ang plano na inalok niya sa binata sa pag-asang iyon ang magiging solusyon sa kanilang problema. Ngunit ngayon, hindi niya inaasahan na masasakatuparan pala ito. Si Xavier mismo ang nagbukas muli ng paksa at siyang gumawa ng paraan upang matuloy ang kaniyang panukala.
Inaamin ni Segunda na nais na niyang ipagtapat kanina ang totoo dahil hindi niya nais linlangin ang kaniyang pamilya, ang ibang tao, at ang Poong Maykapal. Subalit, nang muli siyang tumitig sa mga mata ni Xavier, animo'y nakikita niya ang sarili sa sitwasyon nito.
Pareho nilang inaasam na makalaya sa mundong kanilang ginagalawan. Pareho nilang nais masolusyunan ang problemang nagsimula nang magtagpo ang kanilang landas. At pareho nilang ibig mabuhay nang payapa at malayo kasabay ng ideyang mabibigyan nila ng kapayapaan ang kanilang mga magulang dahil sa wakas ay nakapag-asawa sila kahit pa ito'y panandalian at kuwanri lamang.
Dismayadong tumingin si Jacinto kay Segunda, "Sabihin mong hindi totoo ito. Nagsisinunggaling lang 'yan!" saad ni Jacinto sabay turo kay Xavier na hindi man lang natinag.
Tumikhim si Segunda, napatitig sa kaniyang mga kamay na namamalat na. Nakasalalay sa kaniya ang magiging takbo ng kanilang hinaharap. Ngunit kailangan niya ring panindigan ang ideyang ibinigay niya kay Xavier.
"T-totoo ang lahat ng inyong natungahayan. Matagal nang may namamagitan sa amin ni Xavier," saad ni Segunda saka tumingin sa binatang unti-unting sumilay muli ang ngiti.
Napalunok si Segunda, "Magpapakasal kaming dalawa... Sa ayaw at gusto ninyong lahat." Patuloy niya dahilan upang mapatahimik at mapatulala sa gulat ang lahat. Naibagsak ni Jacinto ang mukha sa mesa. Napahawak sa sentido sina Don Manuel, Don Marcelo at Padre Mendoza. Nagkunwari namang mawawalan muli nang malay si Don Antonia. Habang si Doña Jimena naman ay napatakip naman sa bibig saka nagpabalik-balik ang tingin sa dalawa nililitis.
Tahimik lamang si Segunda na nanatiling nakatingin sa mga mata ni Xavier. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na nagsinunggaling siya sa harap ng kaniyang pamilya at ibang tao. Hindi niya akalaing darating ang araw na magagawa niyang taliwasin ang sariling paniniwala.
Bakas ang pagkayamot at pagkadismaya ng lahat dahil sa sagot ni Segunda. Tanging si Xavier ang nakangisi na para bang sa wakas ay nahulog sa tukso ng tulad niyang demonyo si Segunda na siyang anghel ng pamilya De Avila.
***********************
#SegundaWP
https://youtu.be/2bAHN3c6FTA
"Namumula" by Maki
Bạn đang đọc truyện trên: AzTruyen.Top